Wagas na Pag-ibig—Posible Ba?
“Ang mga lagablab [ng pag-ibig] ay mga lagablab ng apoy, ang liyab ni Jah.”—SOL. 8:6.
1, 2. Sino-sino ang puwedeng makinabang sa pagsusuri sa Awit ni Solomon, at bakit? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
‘NAPAKATAMIS ng pagtitinginan nila at napakalambing nila sa isa’t isa! Hindi nga maikakaila na talagang nagmamahalan sila!’ Ito ang nasa isip ng elder na nagkasal sa bagong mag-asawa. Habang sumasayaw sa reception ang bagong kasal, hindi niya maiwasang isipin: ‘Tatagal kaya ang pagsasama nila? Sa paglipas ng mga taon, lalo kayang tatamis ang pagmamahalan nila o unti-unti itong tatabang at tuluyan nang maglalaho?’ Kung tunay ang pag-ibig ng mag-asawa, malalampasan nila kahit ang pinakamabibigat na problema. Pero napakaraming pagsasama ngayon ang nauuwi sa hiwalayan, kaya naitatanong ng ilan, ‘Posible ba talaga ang panghabambuhay na pagmamahalan?’
2 Kahit noong panahon ni Haring Solomon ng sinaunang Israel, napakailap ng tunay na pag-ibig. Tungkol sa moral na kalagayan noong panahon niya, isinulat ni Solomon: “Isang [matuwid na] lalaki sa isang libo ang nasumpungan ko, ngunit ang isang babae sa lahat ng mga ito ay hindi ko nasumpungan. Narito! Ito lamang ang nasumpungan ko, na ginawang matuwid ng tunay na Diyos ang mga tao, ngunit sila sa ganang sarili ay humanap ng maraming [pakana].” (Ecles. 7:26-29) Dahil sa impluwensiya ng mga banyagang babae na sumasamba kay Baal, bumagsak ang moralidad ng mga Israelita noong panahon ni Solomon kaya halos wala siyang masumpungang lalaki o babae na may mataas na moral.a Pero mga 20 taon bago nito, makikita sa tulang isinulat niya, ang Awit ni Solomon, na posible ang isang di-natitinag na pagmamahalan sa pagitan ng isang lalaki at babae. Malinaw rin nitong inilalarawan kung ano ang tunay na pag-ibig at kung paano iyon ipakikita. Sa pagsusuri sa Awit ni Solomon, maraming matututuhan tungkol sa gayong uri ng pag-ibig ang mga mananamba ni Jehova, may asawa man o wala.
POSIBLE ANG TUNAY NA PAG-IBIG!
3. Bakit posible ang tunay na pag-ibig sa pagitan ng lalaki at babae?
3 Basahin ang Awit ni Solomon 8:6. Ang pananalitang “ang liyab ni Jah” na ginamit para ilarawan ang pag-ibig ay makahulugan. Ang tunay na pag-ibig ay inilalarawan bilang “ang liyab ni Jah” dahil si Jehova ang Tagapagpasimula ng gayong pag-ibig. Nilalang niya ang tao ayon sa kaniyang larawan, anupat may kakayahang umibig. (Gen. 1:26, 27) Nang dalhin ng Diyos ang unang babaeng si Eva sa unang lalaking si Adan, napatula si Adan. Tiyak na nakadama agad si Eva ng pagiging malapít kay Adan dahil “kinuha” siya mula kay Adan. (Gen. 2:21-23) Binigyan ni Jehova ang mga tao ng kakayahang magpakita ng pagmamahal, kaya posible para sa lalaki’t babae na magkaroon ng matibay at wagas na pag-ibig.
4, 5. Ilahad sa maikli ang kuwento sa Awit ni Solomon.
4 Ang pag-ibig sa pagitan ng lalaki’t babae ay may iba pang mga katangian, bukod sa puwede itong maging matibay at di-nagmamaliw. Napakaganda ng pagkakalarawan sa ilan sa mga ito sa Awit ni Solomon. Isa itong awit na ang pagkakasulat ay gaya ng libreto o liriko sa opera. Ang kuwento ay tungkol sa pag-iibigan ng isang dalaga mula sa nayon ng Sunem, o Sulem, at ng isang binatang pastol. Nagbabantay noon ang dalaga sa isang ubasan malapit sa kampo ni Solomon. Naakit sa kagandahan niya si Solomon, kaya dinala siya sa kampo nito. Pero sa simula pa lang, kitang-kita nang mahal na mahal niya ang pastol. Sinikap ni Solomon na mabihag ang puso ng dalaga, pero tapatang sinabi ng dalaga na ang gusto niyang makasama ay ang kaniyang minamahal na pastol. (Sol. 1:4-14) Hinanap ng pastol ang dalaga hanggang sa matunton niya ito sa kampo. Nang magkita sila, napakaganda ng naging kapahayagan nila ng pagmamahal sa isa’t isa.—Sol. 1:15-17.
5 Nang bumalik si Solomon sa Jerusalem, isinama niya ang dalaga; pero sinundan ito ng pastol. (Sol. 4:1-5, 8, 9) Ang lahat ng pagsisikap ni Solomon para mahalin siya ng dalaga ay nauwi sa wala. (Sol. 6:4-7; 7:1-10) Sa bandang huli, hinayaan na rin ng hari na makauwi ito. Sa pagtatapos ng awit, hinahangad ng dalaga na tatakbong mabilis na gaya ng “gasela” ang kaniyang minamahal para salubungin siya.—Sol. 8:14.
6. Bakit isang hamon na makilala kung sino ang mga nagsasalita sa Awit ni Solomon?
6 Ang Awit ni Solomon ay isang magandang awit. Sa katunayan, tinawag itong “kagaling-galingang awit,” o awit ng mga awit. (Sol. 1:1) Ayon sa The New Interpreter’s Dictionary of the Bible, “ang mga detalye na gaya ng plot, kuwento, pagkakasalaysay, at tauhan ay hindi ang siyang pangunahing pokus.” Dahil gusto ni Solomon na mas mangibabaw ang kagandahan ng liriko at patulang anyo nito, hindi na niya binanggit ang pangalan ng mga tauhan. Pero mula sa sinasabi nila, puwedeng makilala kung sino ang nagsasalita o kung sino ang kausap.b
“ANG IYONG MGA KAPAHAYAGAN NG PAGMAMAHAL AY MAS MABUTI KAYSA SA ALAK”
7, 8. Sa Awit ni Solomon, paano ipinahayag ng pastol at ng dalaga ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa? Magbigay ng halimbawa.
7 Ang Awit ni Solomon ay punong-puno ng “kapahayagan ng pagmamahal” sa pagitan ng dalaga at ng pastol. Makikita sa mga kapahayagang ito ang istilo ng mga taga-Silangan mga 3,000 taon na ang nakararaan at maaaring kakatwa ito sa mga makababasa nito sa ngayon. Pero punong-puno ito ng kahulugan at mga damdaming hindi bago sa atin. Halimbawa, pinuri ng pastol ang maamong mata ng dalaga sa pagsasabing ito ay “gaya niyaong sa mga kalapati.” (Sol. 1:15) Itinulad naman ng dalaga ang mata ng pastol, hindi sa mata ng kalapati, kundi sa kalapati mismo. (Basahin ang Awit ni Solomon 5:12.) Para sa dalaga, ang pinakabilog ng mata ng pastol ay napakaganda, anupat litaw na litaw ito sa puti ng kaniyang mata at parang kalapating naliligo sa gatas.
8 Hindi lahat ng kapahayagan ng pagmamahal sa awit ay tungkol sa pisikal na kagandahan. Pansinin kung ano ang sinabi ng pastol sa paraan ng pagsasalita ng dalaga. (Basahin ang Awit ni Solomon 4:7, 11.) Para sa kaniya, “pulot ng bahay-pukyutan” ang tumutulo mula sa labi ng dalaga. Bakit gayon ang sinabi niya? Dahil ang pulot ng bahay-pukyutan ay mas matamis at mas masarap kaysa sa pulot-pukyutan na nakahantad. “Pulot-pukyutan at gatas ang nasa ilalim ng [kaniyang] dila,” ibig sabihin, gaya ng pulot-pukyutan at gatas, ang pananalita ng dalaga ay masarap pakinggan. Kaya nang sabihin ng pastol sa dalaga na “lubos kang maganda, . . . at walang kapintasan sa iyo,” hindi lang pisikal na kagandahan nito ang nasa isip niya kundi pati ang magagandang katangian ng dalaga.
9. (a) Anong uri ng pag-ibig ang kailangang ipakita ng mag-asawa? (b) Bakit mahalagang ipahayag ng mag-asawa ang pagmamahal nila sa isa’t isa?
9 Ang Kristiyanong pag-aasawa ay hindi lang basta isang kontrata o pormal na kasunduan na walang pag-ibig. Sa katunayan, pag-ibig ang isang pagkakakilanlan nito. Pero anong uri ito ng pag-ibig? Ito ba ay pag-ibig na batay sa mga simulain ng Bibliya? (1 Juan 4:8) Pag-ibig na likas sa magkakapamilya? Pag-ibig sa pagitan ng tunay na magkaibigan? (Juan 11:3) O romantikong pag-ibig? (Kaw. 5:15-20) Ang totoo, lahat ng ito ay kailangang ipakita ng mag-asawang tunay na nagmamahalan. Ang pag-ibig ay madarama lang kapag ipinahayag ito. Napakahalaga ngang ipahayag ng mag-asawa ang pagmamahal nila sa isa’t isa gaano man sila kaabala! Malaki ang magagawa nito para maging panatag at maligaya ang mag-asawa. Sa ilang kultura, ang lalaki’t babae ay karaniwan nang ipinagkakasundo sa pag-aasawa at halos hindi magkakilala bago ikasal. Kung isasaisip nila na kailangan nilang ipahayag sa salita ang kanilang pagmamahal, tutulong ito para umusbong ang kanilang pag-ibig at maging matibay ang kanilang pagsasama.
10. Paano puwedeng makatulong sa mag-asawa ang alaala ng mga kapahayagan ng pagmamahal?
10 May iba pang magandang epekto ang pagpapahayag ng mag-asawa ng kanilang pagmamahal sa isa’t isa. Inalok ni Haring Solomon ang babaeng Shulamita na pagagawan niya ito ng “pabilog na mga hiyas na ginto . . . , na may kasamang pilak na mga buton.” Pinaulanan niya ito ng papuri, na sinasabing siya ay “magandang gaya ng kabilugan ng buwan, dalisay na gaya ng sumisinag na araw.” (Sol. 1:9-11; 6:10) Pero nanatiling tapat ang dalaga sa kaniyang minamahal na pastol. Ano ang nakatulong sa kaniya para manatiling matatag at di-malungkot habang magkalayo sila? (Basahin ang Awit ni Solomon 1:2, 3.) Iyon ay ang alaala ng mga “kapahayagan ng pagmamahal” ng pastol. Para sa kaniya, ang mga ito ay “mas mabuti kaysa sa alak” na nagpapagalak sa puso, at ang pangalan ng pastol ay nakagiginhawang gaya ng mabangong “langis na ibinubuhos” sa ulo. (Awit 23:5; 104:15) Oo, ang magagandang alaala ng kapahayagan ng pagmamahal ay magpapatibay ng pag-ibig. Napakahalaga ngang laging ipahayag ng mag-asawa ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa!
HUWAG NINYONG GISINGIN ANG PAG-IBIG “HANGGANG SA NAISIN NITO”
11. Ano ang matututuhan ng mga Kristiyanong walang asawa sa sinabi ng babaeng Shulamita na huwag gisingin ang pag-ibig niya?
11 May matututuhan din sa Awit ni Solomon ang mga Kristiyanong walang asawa, lalo na kung naghahanap sila ng mapapangasawa. Walang pag-ibig ang babaeng Shulamita kay Solomon. Pinasumpa niya ang mga anak na babae ng Jerusalem: ‘Huwag ninyong tangkaing gisingin o pukawin sa akin ang pag-ibig hanggang sa naisin nito.’ (Sol. 2:7; 3:5) Bakit? Dahil hindi tamang magkaroon ng romantikong relasyon sa kahit sino na lang. Kaya para sa isang Kristiyano na gustong mag-asawa, isang katalinuhan na matiyagang maghintay sa isa na talagang mamahalin niya.
12. Bakit mahal ng babaeng Shulamita ang pastol?
12 Bakit mahal ng babaeng Shulamita ang pastol? Totoo, siya ay makisig, gaya ng isang “gasela”; ang mga kamay niya ay malakas tulad ng mga “silindrong ginto”; at ang mga binti niya ay maganda at matatag na gaya ng mga “haliging marmol.” Pero hindi lang siya malakas at makisig. Sinabi ng Shulamita: “Tulad ng puno ng mansanas sa gitna ng mga punungkahoy sa kagubatan, gayon ang mahal ko sa gitna ng mga anak na lalaki.” Kung ganito ang nadama ng isang babaeng tapat kay Jehova para sa isang lalaki, tiyak na ang lalaking iyon ay may malapít na kaugnayan kay Jehova.—Sol. 2:3, 9; 5:14, 15.
13. Bakit mahal ng pastol ang babaeng Shulamita?
13 Kumusta naman ang babaeng Shulamita? Dahil sa kaniyang kagandahan, naakit sa kaniya ang hari na mayroon na noong “animnapung reyna at walumpung babae at mga dalaga na walang bilang.” Pero para sa Shulamita, isa lang siyang “hamak na safron sa baybaying kapatagan”—isang ordinaryong bulaklak. Kapansin-pansin na mapagpakumbaba ang dalaga at hindi mataas ang tingin sa sarili. Kaya para sa pastol, siya ay natatangi, “tulad ng isang liryo sa gitna ng matitinik na panirang-damo.” Tapat siya kay Jehova!—Sol. 2:1, 2; 6:8.
14. Kung naghahanap ng mapapangasawa ang isang Kristiyano, ano ang matututuhan niya sa pastol at sa Shulamita?
14 Sa Bibliya, pinapayuhan ang mga Kristiyano na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Cor. 7:39) Iniiwasan ng isang Kristiyanong naghahanap ng mapapangasawa na magkaroon ng romantikong damdamin o relasyon sa di-kapananampalataya. Pumipili siya ng mapapangasawa tangi lang sa tapat na mga lingkod ni Jehova. Bukod diyan, para maharap ng mag-asawa ang mga realidad ng buhay habang pinananatili ang kapayapaan at espirituwal na pagkakaisa nila, kailangan ang pananampalataya at debosyon sa Diyos—magagandang katangian na dapat hanapin sa isang mapapangasawa. Iyan mismo ang mga katangiang nakita ng pastol at ng Shulamita sa isa’t isa.
ANG KASINTAHAN KONG BABAE AY “ISANG HARDIN NA NABABAKURAN”
15. Paano nagsisilbing halimbawa ang babaeng Shulamita sa mga Kristiyanong walang asawa?
15 Basahin ang Awit ni Solomon 4:12. Bakit itinulad ng pastol ang kaniyang minamahal sa “isang hardin na nababakuran”? Ang isang hardin na nababakuran o napapaderan ay hindi bukás sa lahat. Mapapasok lang ito kung ang isa ay daraan sa isang nakatrangkang pinto. Ang babaeng Shulamita ay gaya ng harding iyon dahil ang pagmamahal niya ay para lang sa kaniyang mapapangasawa—ang pastol. Nang hindi siya nagpadala sa pang-aakit ng hari, pinatunayan niyang siya ay gaya ng isang “pader” at hindi isang bukás-sarang “pinto.” (Sol. 8:8-10) Sa katulad na paraan, ang pagmamahal ng mga Kristiyanong walang asawa ay para lang sa magiging asawa nila.
16. Ano ang itinuturo ng Awit ni Solomon tungkol sa pagliligawan?
16 Nang yayain ng pastol ang babaeng Shulamita na maglakad-lakad isang araw ng tagsibol, hindi pumayag ang mga kapatid na lalaki ng Shulamita. Sa halip, pinagbantay nila ang dalaga sa kanilang ubasan. Bakit? Wala ba silang tiwala sa kaniya? Iniisip kaya nila na baka may gagawin siyang imoral? Ang totoo, iniingatan lang nila ang kanilang kapatid para hindi siya malagay sa nakatutuksong sitwasyon. (Sol. 1:6; 2:10-15) Ano ang matututuhan dito ng mga Kristiyanong walang asawa? Sa panahon ng pagliligawan, gawin ang lahat ng pag-iingat para mapanatiling malinis ang inyong relasyon. Iwasan ang mga lugar kung saan walang ibang nakakakita sa inyo. Bagaman angkop na magpakita ng pagmamahal sa malinis na paraan, umiwas sa nakatutuksong sitwasyon.
17, 18. Paano ka natulungan ng pagsusuri sa Awit ni Solomon?
17 Kapag nagpakasal ang mga Kristiyano, karaniwan nang punô sila ng pagmamahal para sa isa’t isa. Dahil ang pag-aasawang itinatag ni Jehova ay panghabambuhay, napakahalaga para sa mag-asawa na panatilihing nag-aalab ang pag-ibig nila at patuloy pa itong patibayin.—Mar. 10:6-9.
18 Kung naghahanap ka ng mapapangasawa, tiyak na gusto mong makakita ng isa na talagang mamahalin mo. Kapag natagpuan mo na siya, gawin ang lahat para tumibay at di-maglaho ang pag-ibig ninyo sa isa’t isa, gaya ng ipinakikita sa Awit ni Solomon. Naghahanap ka man ng mapapangasawa o may asawa ka na, sana’y maranasan mo ang tunay na pag-ibig—“ang liyab ni Jah.”—Sol. 8:6.
a Tingnan ang Bantayan, Enero 15, 2007, pahina 31.
b Tingnan ang kahon sa “Mga Tampok na Bahagi ng Awit ni Solomon” sa Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1, pahina 261.