Ayon kay Marcos
10 Pag-alis ni Jesus doon, tumawid siya ng Jordan at nakarating sa hangganan ng Judea, at pinuntahan siya uli ng maraming tao. At gaya ng lagi niyang ginagawa, muli niya silang tinuruan.+ 2 Lumapit sa kaniya ang mga Pariseo para subukin siya. Nagtanong sila kung puwedeng diborsiyuhin ng isang lalaki ang kaniyang asawa.+ 3 Sumagot siya: “Ano ang iniutos ni Moises sa inyo?” 4 Sinabi nila: “Ipinahintulot ni Moises ang pagsulat ng isang kasulatan ng paghihiwalay para madiborsiyo ang asawang babae.”+ 5 Pero sinabi ni Jesus sa kanila: “Isinulat niya ang utos na ito dahil sa katigasan ng puso ninyo.+ 6 Pero mula sa pasimula ng paglalang, ‘ginawa Niya silang lalaki at babae.+ 7 Dahil dito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina,+ 8 at ang dalawa ay magiging isang laman,’+ kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. 9 Kaya ang pinagsama* ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”+ 10 Nang nasa bahay na uli sila, tinanong siya ng mga alagad tungkol dito. 11 Sinabi niya sa kanila: “Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae at mag-asawa ng iba ay nangangalunya+ at nagkakasala sa kaniyang asawa, 12 at kung ang isang babae ay mag-asawa ng iba pagkatapos makipagdiborsiyo sa asawa niya, nangangalunya siya.”+
13 May mga taong nagdala sa kaniya ng mga bata para mahawakan niya ang mga ito, pero pinagalitan sila ng mga alagad.+ 14 Nang makita ito ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang pigilan, dahil ang Kaharian ng Diyos ay para sa mga gaya nila.+ 15 Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tumatanggap sa Kaharian ng Diyos na gaya ng isang bata ay hindi makakapasok dito.”+ 16 At kinalong niya ang mga bata at ipinatong sa kanila ang mga kamay niya para pagpalain sila.+
17 Habang naglalakad siya, isang lalaki ang tumakbo palapit sa kaniya at lumuhod sa harap niya. Nagtanong ito: “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin para tumanggap* ng buhay na walang hanggan?”+ 18 Sinabi ni Jesus: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Isa lang ang mabuti, ang Diyos.+ 19 Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay,+ huwag kang mangangalunya,+ huwag kang magnanakaw,+ huwag kang tetestigo nang may kasinungalingan,+ huwag kang mandaraya,+ parangalan* mo ang iyong ama at ina.’”+ 20 Sinabi sa kaniya ng lalaki: “Guro, sinusunod ko ang lahat ng iyan mula pa sa pagkabata.” 21 Tumingin si Jesus sa kaniya at nakadama ng pagmamahal sa kaniya. Sinabi ni Jesus: “May isa ka pang kailangang gawin: Ipagbili mo ang mga pag-aari mo at ibigay mo sa mahihirap ang napagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; pagkatapos, sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.”+ 22 Nang marinig ito ng lalaki, nanlumo siya at malungkot na umalis, dahil marami siyang pag-aari.
23 Matapos tumingin sa palibot, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Napakahirap para sa mayayaman na makapasok sa Kaharian ng Diyos!”+ 24 Nabigla ang mga alagad sa sinabi niya. Sinabi pa ni Jesus: “Mga anak, napakahirap makapasok sa Kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang makakapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa makapasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Diyos.”+ 26 Lalo silang nagulat at sinabi nila sa kaniya: “Kung gayon, sino pa ang makaliligtas?”+ 27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi: “Sa mga tao ay imposible ito, pero hindi sa Diyos, dahil ang lahat ng bagay ay posible sa Diyos.”+ 28 Sinabi ni Pedro sa kaniya: “Iniwan na namin ang lahat at sumunod kami sa iyo.”+ 29 Sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng umiwan sa kanilang bahay, mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, ina, ama, mga anak, o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita+ 30 ay tatanggap ng 100 ulit sa panahong ito—ng mga bahay, mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, mga ina, mga anak, at mga bukid, kasama ng mga pag-uusig+—at sa darating na sistema ay ng buhay na walang hanggan. 31 Pero maraming nauuna ang mahuhuli at maraming nahuhuli ang mauuna.”+
32 Si Jesus at ang mga alagad niya ay papunta ngayon sa Jerusalem, at nauuna sa kanila si Jesus. Namangha ang mga alagad, pero ang mga sumusunod sa kanila ay natakot. Muling ibinukod ni Jesus ang 12 apostol at sinabi sa kanila ang mga bagay na ito na mangyayari sa kaniya:+ 33 “Makinig kayo. Pupunta tayo sa Jerusalem, at ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga punong saserdote at mga eskriba. Hahatulan nila siya ng kamatayan at ibibigay sa mga tao ng ibang mga bansa, 34 at tutuyain siya ng mga ito, duduraan,+ hahagupitin, at papatayin, pero pagkaraan ng tatlong araw ay mabubuhay siyang muli.”+
35 Sina Santiago at Juan, ang mga anak ni Zebedeo,+ ay lumapit sa kaniya at nagsabi: “Guro, gusto naming gawin mo para sa amin ang anumang hilingin namin sa iyo.”+ 36 Sinabi niya sa kanila: “Ano ang gusto ninyong gawin ko para sa inyo?” 37 Sumagot sila: “Paupuin mo kami sa tabi mo, ang isa sa kanan mo at ang isa sa kaliwa mo, kapag namamahala ka na sa Kaharian mo.”+ 38 Pero sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na iniinuman ko o danasin ang bautismong pinagdadaanan ko?”+ 39 Sinabi nila sa kaniya: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Ang kopa na iniinuman ko ay iinuman ninyo, at ang pinagdadaanan kong bautismo ay pagdadaanan ninyo.+ 40 Pero hindi ako ang magpapasiya kung sino ang uupo sa kanan ko o sa kaliwa ko. Ang aking Ama ang magpapasiya kung para kanino ang mga puwestong iyon.”
41 Nang marinig ito ng 10 iba pa, nagalit sila kina Santiago at Juan.+ 42 Pero tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila: “Alam ninyo na ang mga itinuturing na tagapamahala ng mga bansa ay nag-aastang panginoon sa mga nasasakupan nila at ipinapakita ng mga may kapangyarihan na sila ang dapat masunod.+ 43 Hindi kayo dapat maging ganiyan; sa halip, ang sinumang gustong maging dakila sa inyo ay dapat na maging lingkod ninyo,+ 44 at ang sinumang gustong maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ng lahat. 45 Dahil maging ang Anak ng tao ay dumating, hindi para paglingkuran, kundi para maglingkod+ at ibigay ang buhay* niya bilang pantubos na kapalit ng marami.”+
46 At dumating sila sa Jerico. Pero nang si Jesus at ang mga alagad niya at ang napakaraming tao ay papalabas na sa Jerico, si Bartimeo (na anak ni Timeo), isang pulubing bulag, ay nakaupo sa tabi ng daan.+ 47 Nang marinig niyang si Jesus na Nazareno ang dumadaan, nagsisigaw siya: “Anak ni David,+ Jesus, maawa ka sa akin!”+ 48 Kaya sinaway siya ng mga tao at pinagsabihan siyang tumahimik, pero lalo lang niyang isinigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin!” 49 Kaya huminto si Jesus, at sinabi niya: “Papuntahin ninyo siya sa akin.” Kaya tinawag nila ang lalaking bulag at sinabi sa kaniya: “Lakasan mo ang loob mo! Tumayo ka; tinatawag ka niya.” 50 Inihagis niya ang kaniyang panlabas na damit at agad na tumayo at lumapit kay Jesus. 51 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” Sumagot ang lalaking bulag: “Rabboni,+ gusto kong makakita uli.” 52 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Makakauwi ka na. Pinagaling* ka ng pananampalataya mo.”+ At agad siyang nakakita,+ at sumunod siya kay Jesus sa daan.