JERUSALEM
[Pagtataglay (Pundasyon) ng Dobleng Kapayapaan].
Ang kabiserang lunsod ng sinaunang bansang Israel mula noong taóng 1070 B.C.E. Pagkatapos na mahati ang bansa sa dalawang kaharian (997 B.C.E.), ang Jerusalem ay nanatiling kabisera ng timugang kaharian ng Juda. May mahigit sa 800 pagtukoy sa Jerusalem sa buong Kasulatan.
Pangalan. Ang kauna-unahang nakaulat na pangalan ng lunsod ay “Salem.” (Gen 14:18) Bagaman sinisikap ng ilan na iugnay ang kahulugan ng pangalang Jerusalem sa pangalan ng isang Kanlurang Semitikong diyos na nagngangalang Shalem, ipinakikita ng apostol na si Pablo na “Kapayapaan” ang tunay na kahulugan ng huling bahagi ng pangalang ito. (Heb 7:2) Ang baybay sa Hebreo ng huling bahaging iyon ay nagpapahiwatig ng doblihang anyo, samakatuwid ay “Dobleng Kapayapaan.” Sa mga tekstong Akkadiano (Asiro-Babilonyo), ang lunsod ay tinawag na Urusalim (o Ur-sa-li-im-mu). Batay rito, ipinapalagay ng ilang iskolar na ang kahulugan ng pangalan ay “Lunsod ng Kapayapaan.” Ngunit lumilitaw na ang anyong Hebreo nito, na makatuwirang dapat sundin, ay nangangahulugang “Pagtataglay (Pundasyon) ng Dobleng Kapayapaan.”
Maraming iba pang ekspresyon at titulo ang ginamit sa Kasulatan upang tumukoy sa lunsod na ito. Minsan ay ginamit ng salmista ang mas naunang pangalan nito, “Salem.” (Aw 76:2) Ang iba pang mga katawagan para rito ay: “lunsod ni Jehova” (Isa 60:14), “bayan ng Dakilang Hari” (Aw 48:2; ihambing ang Mat 5:35), “Lunsod ng Katuwiran” at “Tapat na Bayan” (Isa 1:26), “Sion” (Isa 33:20), at “banal na lunsod” (Ne 11:1; Isa 48:2; 52:1; Mat 4:5). Ang pangalang “el Quds,” nangangahulugang “ang Banal [na Lunsod],” ang siya pa ring popular na pangalan nito sa Arabe. Ang pangalang ipinakikita sa makabagong-panahong mga mapa ng Israel ay Yerushalayim.
Lokasyon. Ang Jerusalem, na malayo sa pangunahing internasyonal na mga ruta ng kalakalan, ay nasa gilid ng isang tigang na ilang (ang Ilang ng Juda), anupat limitado ang suplay nito ng tubig. Gayunpaman, dalawang panloob na ruta ng kalakalan ang nagsasalubong noon malapit sa lunsod. Ang isa ay nasa direksiyong H-T sa kahabaan ng ibabaw ng talampas na nagsisilbing “gulugod” ng sinaunang Palestina, at pinag-uugnay ng rutang ito ang mga lunsod na gaya ng Dotan, Sikem, Bethel, Betlehem, Hebron, at Beer-sheba. Ang ikalawang ruta naman ay nasa direksiyong S-K mula sa Raba (makabagong ʽAmman), anupat bumabagtas ito sa mga agusang libis patungo sa lunas ng Ilog Jordan, umaahon sa matatarik na dalisdis ng Juda, at pagkatapos ay lumulusong nang paliku-liko sa mga kanluraning dalisdis patungo sa Baybayin ng Mediteraneo at sa daungang bayan ng Jope. Bukod diyan, ang Jerusalem ay nasa bandang gitna ng buong Lupang Pangako, sa gayon ay angkop na maging sentro ng pangasiwaan ng estado.
Ang Jerusalem ay mga 55 km (34 na mi) mula sa Dagat Mediteraneo at mga 25 km (16 na mi) sa K ng hilagang dulo ng Dagat na Patay at nasa mga burol ng gitnang kabundukan. (Ihambing ang Aw 125:2.) Dahil sa taas nito na mga 750 m (2,500 piye) mula sa kapantayan ng dagat, ito ang isa sa pinakamatataas na kabiserang lunsod sa daigdig noong panahong iyon. Ang “katayugan” nito ay binabanggit sa Kasulatan, at ang mga manlalakbay ay kinailangang ‘umahon’ mula sa mga baybaying kapatagan upang makarating sa lunsod. (Aw 48:2; 122:3, 4) Ang klima nito ay kaayaaya, na malamig kung gabi, may katamtamang taunang temperatura na 17° C. (63° F.), at katamtamang taunang antas ng pag-ulan na mga 63 sentimetro (25 pulgada), anupat pinakamadalas umulan sa pagitan ng Nobyembre at Abril.
Sa kabila ng kataasan nito, ang Jerusalem ay hindi nangingibabaw sa nakapalibot na kalupaan. Ang kabuuan ng lunsod ay makikita lamang ng manlalakbay kapag malapit na siya rito. Sa dakong S, ang Bundok ng mga Olibo ay may taas na mga 800 m (2,620 piye). Sa H nito, ang Bundok Scopus ay umaabot sa taas na mga 820 m (2,690 piye), at ang nakapaligid na mga burol sa T at K ay umaabot pa nang mga 835 m (2,740 piye). Mula sa matataas na dakong ito ay makikita ang mga nangyayari sa paligid ng Temple Mount (mga 740 m [2,430 piye]).
Kapag panahon ng digmaan, ang ganitong kalagayan ay waring isang malaking disbentaha. Ngunit may bentaha naman ang lunsod sapagkat napalilibutan ito ng mga libis na matatarik ang gilid sa tatlong panig nito: ang agusang libis ng Kidron sa silangan at ang Libis ng Hinom sa timog at kanluran. Isang gitnang libis, lumilitaw na tinawag ni Josephus na Libis ng Tyropoeon (o “Libis ng mga Manggagawa ng Keso”), ang humahati sa lunsod sa dalawang bahagi, ang silanganin at kanluraning mga burol o mga tagaytay. (The Jewish War, V, 136, 140 [iv, 1]) Malaki na ang itinaas ng gitnang libis na ito sa paglipas ng mga siglo, ngunit upang makatawid sa kabilang bahagi ng lunsod, ang mga dumadalaw roon ay kailangan pa ring bumaba sa isang matarik na lusungan patungo sa isang mababang dako sa gitna at pagkatapos ay kailangan silang sumampa patungo sa kabilang panig. May katibayan na, bukod pa sa H-T na gitnang libis, dalawa pang mas maliliit na S-K libis, o mabababang dako, ang humahati sa mga burol, anupat ang isa ay bumabagtas sa silanganing burol at ang isa naman ay sa kanluraning burol.
Ang matatarik na gilid ng mga libis ay waring ginawang bahagi ng pandepensang mga pader ng lunsod sa lahat ng yugto ng kasaysayan. Ang tanging panig ng lunsod na walang likas na depensa ay yaong nasa H, at dito lalo nang pinatibay ang mga pader. Ayon kay Josephus, nang sinasalakay ni Heneral Tito ang lunsod noong 70 C.E., tatlong sunud-sunod na pader ang nakaharang sa kaniya sa panig na iyon.
Suplay ng Tubig. Ang mga tumatahan sa Jerusalem ay dumaranas ng malulubhang kakapusan sa pagkain kapag kinukubkob ito, ngunit maliwanag na hindi ito nagkaroon ng malaking problema sa tubig. Sapagkat, bagaman malapit ito sa tigang na Ilang ng Juda, ang lunsod ay laging may suplay ng sariwang tubig at may sapat na mga imbakan sa loob ng mga pader ng lunsod.
May dalawang bukal na malapit sa lunsod, ang En-rogel at Gihon. Ang una ay bahagyang nasa T ng pinagsasalubungan ng mga libis ng Kidron at ng Hinom. Bagaman isa itong mahalagang bukal ng tubig, dahil sa posisyon nito ay hindi ito mapuntahan kapag sinasalakay o kinukubkob ang lunsod. Ang bukal ng Gihon ay nasa K panig ng Libis ng Kidron, sa tabi niyaong sa kalaunan ay tinawag na Lunsod ni David. Bagaman nasa labas ng mga pader ng lunsod, hindi ito kalayuan anupat maaaring humukay ng paagusan na nakakonekta sa isang balon, sa gayo’y makasasalok ng tubig ang mga tagalunsod kahit hindi sila lumabas mula sa loob ng pananggalang na mga pader. Ginawa ito noong maagang bahagi ng kasaysayan ng lunsod, ayon sa arkeolohikal na katibayan. Noong 1961 at 1962, nahukay ang isang matibay na sinaunang pader, na nasa ibaba ng itaas na dulo, o pasukan, ng paagusan, sa gayon ay kinukulong ito. Inaakalang iyon ang pader ng matandang lunsod ng mga Jebusita.
Sa paglipas ng mga taon, gumawa ng karagdagang mga paagusan at mga kanal upang doon padaluyin ang tubig ng Gihon. Ang isang lagusan ay nagmumula sa bunganga ng yungib ng bukal ng Gihon, bumababa sa libis at lumiligid sa dulo ng TS burol patungo sa isang tipunang-tubig na nasa pinagsasalubungan ng Libis ng Hinom at ng gitnang libis o Libis ng Tyropoeon. Batay sa nahukay, iyon ay mistulang trinsera, natatakpan ng malalapad na bato, at tumatagos sa gilid ng burol sa ilang bahagi nito. Mula sa layu-layong mga butas nito, maaaring sumalok ng tubig upang patubigan ang mga hagdan-hagdang libis sa ibaba. Palibhasa’y may dahilig na mga 4 o 5 mm bawat metro (mababa sa 0.2 pulgada bawat yarda), ang agos ng kanal na ito ay mabagal at banayad, anupat ipinaaalaala nito “ang tubig ng Siloa na umaagos nang banayad.” (Isa 8:6) Iminumungkahi na ang kanal na ito, na walang pananggalang at madaling salakayin, ay ginawa noong panahon ng paghahari ni Solomon, noong namamayani ang kapayapaan at katiwasayan.
Maliwanag na ang mga tahanan at mga gusali sa Jerusalem ay may mga imbakang-tubig sa ilalim ng lupa, na karagdagan sa suplay ng tubig mula sa mga bukal. Ang tubig-ulan na sinahod mula sa mga bubong ay doon iniimbak, kung saan napananatili itong malinis at malamig. Waring ang lugar ng templo ay partikular na may malalaking imbakang-tubig. Inaangkin ng mga arkeologo na nakatuklas sila roon ng 37 imbakang-tubig na ang kabuuang mailalaman ay mga 38,000 kl (10,000,000 gal), anupat isang imbakang-tubig pa lamang ay tinatayang makapaglalaman na ng 7,600 kl (2,000,000 gal).
Sa paglipas ng mga siglo, maraming paagusan, o mga padaluyan, ang itinayo upang maglaan ng tubig para sa Jerusalem. Ayon sa tradisyon, si Solomon ang nagtayo ng padaluyan mula sa “mga Tipunang-tubig ni Solomon” (tatlong imbakan ng tubig sa TK ng Betlehem) hanggang sa bakuran ng templo sa Jerusalem. Sa Eclesiastes 2:6, sinabi ni Solomon: “Gumawa ako ng mga tipunan ng tubig para sa aking sarili, upang patubigan ng mga iyon ang kagubatan.” Malamang na sa gayon kalaking proyekto ng pagtatayo ng mga tipunang-tubig ay kasama ang pagtatayo ng isang padaluyan para sa mas maraming suplay ng tubig na kakailanganin sa Jerusalem pagkatapos na maitatag ang mga paglilingkod sa templo. Gayunman, maliban sa tradisyon ay walang katibayan na si Solomon ang nagpatayo ng isang padaluyan mula sa mga Tipunang-tubig ni Solomon hanggang sa Jerusalem. Matutunton pa rin ang ilang paagusan. Posibleng ang padaluyan na ipinagawa upang magdala ng tubig mula sa mga bukal sa Wadi el-ʽArrub na 20 km (12 mi) sa TTK ng Jerusalem hanggang sa mga Tipunang-tubig ni Solomon ay yaong binanggit ni Josephus, na nagsabing ipinagawa ito ni Poncio Pilato sa pamamagitan ng mga pondo ng ingatang-yaman ng templo. (Jewish Antiquities, XVIII, 60 [iii, 2]; The Jewish War, II, 175 [ix, 4]) Sa dalawang paagusan na nagmumula sa mga Tipunang-tubig ni Solomon patungo sa Jerusalem, yaong mas mababa ang unang ginawa, anupat posibleng mula pa ito noong panahon ni Herodes o ng mga Hasmoneano. Ang paagusang ito ay dumaraan sa ilalim ng nayon ng Betlehem at nagpapatuloy hanggang sa Temple Mount sa ibabaw ng “Wilson’s Arch.”
Arkeolohikal na Pagsasaliksik. Bagaman marami nang ginawang pagsasaliksik at paghuhukay, iilang bagay pa lamang ang natitiyak tungkol sa lunsod na umiral noong panahon ng Bibliya. Dahil sa iba’t ibang salik, nalimitahan ang pagsasaliksik o kaya’y hindi ito gaanong naging kapaki-pakinabang. Halos walang patlang ang paninirahan ng mga tao sa Jerusalem nitong Karaniwang Panahon, anupat iilang lugar na lamang ang maaaring hukayin. Gayundin, maraming beses na winasak ang lunsod, anupat ang mga bagong lunsod ay itinayo sa ibabaw ng mga guho at kadalasa’y itinayo ang mga ito gamit ang mga materyales mula sa mga guhong iyon. Ang sinaunang kaanyuan ng lupain ay natabunan ng patung-patong na mga labí at kaguhuan, na sa ilang dako ay may kapal na mga 30 m (100 piye), kung kaya hindi matiyak ang interpretasyon sa nahukay na katibayan. Nakahukay roon ng mga seksiyon ng pader, mga tipunang-tubig, mga paagusan ng tubig, at mga sinaunang libingan, ngunit kaunting-kaunti lamang ang nahukay na nakasulat na materyal. Ang pangunahing mga tuklas sa arkeolohiya ay nanggaling sa TS burol, na ngayon ay nasa labas na ng mga pader ng lunsod.
Samakatuwid, ang pangunahin pa ring mapagkukunan ng impormasyon may kinalaman sa sinaunang lunsod ay ang Bibliya at ang paglalarawang ibinigay ng Judiong istoryador na si Josephus tungkol sa unang-siglong lunsod.
Sinaunang Kasaysayan. Unang binanggit sa kasaysayan ang lunsod na ito noong dekada sa pagitan ng 1943 at 1933 B.C.E., nang magkakilala sina Abraham at Melquisedec. Si Melquisedec ang “hari ng Salem” at “saserdote ng Kataas-taasang Diyos.” (Gen 14:17-20) Gayunman, ang pinagmulan ng lunsod at ng populasyong naninirahan dito ay kasinlabo ng pinagmulan ng haring-saserdote nito na si Melquisedec.—Ihambing ang Heb 7:1-3.
Lumilitaw na naganap sa kapaligiran ng Jerusalem ang isa pang pangyayari sa buhay ni Abraham. Inutusan si Abraham na ihandog ang kaniyang anak na si Isaac sa ibabaw ng “isa sa mga bundok” sa “lupain ng Moria.” Ang templong ipinagawa ni Solomon ay itinayo sa “Bundok Moria” sa isang lugar na dating ginagamit na giikan. (Gen 22:2; 2Cr 3:1) Sa gayon, lumilitaw na pinag-uugnay ng Bibliya ang lugar kung saan tinangka ni Abraham na maghain at ang bulubunduking rehiyon sa palibot ng Jerusalem. (Tingnan ang MORIA.) Hindi isinisiwalat kung buháy pa noon si Melquisedec; ngunit malamang na nanatiling palakaibigan kay Abraham ang mga naninirahan sa Salem.
Kabilang sa Amarna Tablets, na isinulat ng mga tagapamahalang Canaanita sa kanilang Ehipsiyong punong-panginoon, ang pitong liham mula sa hari o gobernador ng Jerusalem (Urusalim). Ang mga liham na ito ay isinulat bago ang pananakop ng Israel sa Canaan. Sa gayon, ang Jerusalem, sa mga 465-taóng yugto mula noong magkakilala sina Abraham at Melquisedec hanggang sa pananakop ng Israel, ay naging pag-aari ng paganong Hamitikong mga Canaanita at napasailalim ng pamumuno ng Hamitikong Imperyo ng Ehipto.
Sa ulat ng malawakang pananakop ni Josue sa Canaan, si Adoni-zedek, hari ng Jerusalem, ay kabilang sa magkakaalyadong mga hari na sumalakay sa Gibeon. Malaki ang pagkakatulad ng pangalan niya (nangangahulugang “Ang (Aking) Panginoon ay Katuwiran”) sa pangalan ng mas naunang hari ng Jerusalem na si Melquisedec (“Hari ng Katuwiran”), ngunit si Adoni-zedek ay hindi mananamba ng Kataas-taasang Diyos na si Jehova.—Jos 10:1-5, 23, 26; 12:7, 8, 10.
Nang itakda ang mga teritoryo ng mga tribo, ang Jerusalem ay nalagay sa hangganan sa pagitan ng Juda at Benjamin, anupat ang espesipikong hanggahan ay nasa kahabaan ng Libis ng Hinom. Dahil dito, ang dako na nang maglaon ay tinawag na “Lunsod ni David,” na nasa tagaytay sa pagitan ng mga libis ng Kidron at Tyropoeon, ay nasa loob ng teritoryo ng Benjamin. Ngunit lumilitaw na ang dating Canaanitang lunsod ay may iba pang mga pamayanan, o “mga karatig-pook,” at maaaring saklaw ng ilang bahagi ng lugar na pinamamayanan ang teritoryo ng Juda sa gawing K at T ng Libis ng Hinom. Sa Hukom 1:8, kinikilala na ang Juda ang unang bumihag sa Jerusalem, ngunit nang umalis ang sumasalakay na mga hukbo, lumilitaw na ang mga Jebusitang naninirahan doon ay nanatili (o bumalik) na may sapat na puwersa anupat sa kalaunan ay bumuo ng isang pangkat ng mga kalaban na hindi nalupig ng Juda ni ng Benjamin. Kaya naman hinggil sa Juda at Benjamin, sinasabing ‘ang mga Jebusita ay patuloy na nanahanang kasama nila sa Jerusalem.’ (Jos 15:63; Huk 1:21) Nagpatuloy ang situwasyong ito sa loob ng mga apat na siglo, at ang lunsod ay tinutukoy kung minsan bilang “Jebus,” “isang lunsod ng mga banyaga.”—Huk 19:10-12; 1Cr 11:4, 5.
Noong Panahon ng Nagkakaisang Kaharian. Ang punong-himpilan ni Haring Saul ay nasa Gibeah sa teritoryo ng Benjamin. Sa pasimula, ang kabiserang lunsod ni Haring David ay nasa Hebron sa Juda, mga 30 km (19 na mi) sa TTK ng Jerusalem. Pagkatapos niyang mamahala roon nang may kabuuang pito at kalahating taon (2Sa 5:5), ipinasiya niyang ilipat sa Jerusalem ang kabisera. Naganap ito sa ilalim ng patnubay ng Diyos (2Cr 6:4-6), yamang ilang siglo bago nito ay nagsalita si Jehova tungkol sa ‘dakong pipiliin Niya upang doon ilagay ang kaniyang pangalan.’—Deu 12:5; 26:2; ihambing ang 2Cr 7:12.
Waring ang lunsod ng mga Jebusita noong panahong iyon ay nasa timugang dulo ng tagaytay sa silangan. Panatag sila na hindi mapapasok ang kanilang tanggulang lunsod, na ang likas na mga depensa ay matatarik na gilid ng mga libis sa tatlong panig at, malamang, matitibay na kuta sa hilaga. Nakilala ito bilang ang “dakong mahirap puntahan” (1Cr 11:7), at tinuya ng mga Jebusita si David na kayang harangin maging ng ‘mga bulag at mga pilay ng lunsod’ ang kaniyang pagsalakay. Ngunit nalupig ni David ang lunsod, anupat ang pagsalakay niya ay pinangunahan ni Joab, na maliwanag na dumaan sa “inaagusan ng tubig” upang makapasok sa lunsod. (2Sa 5:6-9; 1Cr 11:4-8) Hindi lubusang matiyak ng mga iskolar kung ano ang kahulugan ng terminong Hebreo na isinalin dito bilang “inaagusan ng tubig,” ngunit karaniwang tinatanggap nila ito o ang katulad na mga termino (“daanan ng tubig,” RS, AT; “alulod,” JP) bilang ang pinakaposibleng kahulugan. Hindi sinasabi ng maikling ulat na ito kung paano sinira ang mga depensa ng lunsod. Mula nang matuklasan ang paagusan at daanan patungo sa bukal ng Gihon, ipinalagay ng karamihan na umakyat si Joab at ang kaniyang mga tauhan sa patindig na daanang ito, pagkatapos ay dumaan sa nakahilig na paagusan, pumasok sa lunsod at biglang sumalakay. (LARAWAN, Tomo 2, p. 951) Anumang paraan ang ginamit nila, nabihag ang lunsod at doon inilipat ni David ang kaniyang kabisera (1070 B.C.E.). Mula noon, ang moog na ito ng mga Jebusita ay nakilala bilang ang “Lunsod ni David,” na tinawag ding “Sion.”—2Sa 5:7.
Pinasimulan ni David ang isang programa ng pagtatayo sa loob ng lugar na ito, at lumilitaw na pinahusay rin niya ang mga depensa ng lunsod. (2Sa 5:9-11; 1Cr 11:8) Ang “Gulod” (sa Heb., ham·Mil·lohʼʹ) na tinukoy rito (2Sa 5:9) at sa mas huling mga ulat (1Ha 9:15, 24; 11:27) ay isang heograpiko o istraktural na bahagi ng lunsod, na kilalang-kilala noon ngunit hindi na matukoy sa ngayon. Sa kalaunan, nang ilipat ni David sa Jerusalem ang sagradong “kaban ni Jehova” mula sa bahay ni Obed-edom, ang lunsod ang naging sentro ng relihiyon, gayundin ng administrasyon, para sa bansa.—2Sa 6:11, 12, 17; tingnan ang DAVID, LUNSOD NI; GULOD; PAGLILIBING, MGA DAKONG LIBINGAN.
Walang rekord na ang Jerusalem ay sinalakay ng mga hukbo ng kaaway noong panahon ng paghahari ni David, yamang siya ang lumulusob sa kaniyang mga kalaban upang makipagbaka. (Ihambing ang 2Sa 5:17-25; 8:1-14; 11:1.) Gayunman, sa isang pagkakataon ay minabuti ni David na lisanin ang lunsod bago dumating ang hukbo ng mga rebelde na pinangungunahan ng kaniya mismong anak na si Absalom. Maaaring ang pag-urong ng hari ay upang maiwasan ang pagbububo ng dugo sa digmaang sibil sa lugar na ito na kinalalagyan ng pangalan ni Jehova. (2Sa 15:13-17) Anuman ang naging motibo niya sa pag-urong, humantong ito sa katuparan ng kinasihang hula na sinalita ni Natan. (2Sa 12:11; 16:15-23) Hindi pinahintulutan ni David na ilikas na kasama niya ang kaban ng tipan kundi inutusan niya ang tapat na mga saserdote na ibalik ito sa lunsod, ang dakong pinili ng Diyos. (2Sa 15:23-29) Mahusay na inilalarawan ng ulat tungkol sa unang bahagi ng pagtakas ni David, gaya ng nakaulat sa 2 Samuel kabanata 15, ang heograpikong kaanyuan ng lugar na nasa S ng lunsod.
Sa pagtatapos ng kaniyang pamamahala, si David ay nagsimulang maghanda ng mga materyales para sa pagtatayo ng templo. (1Cr 22:1, 2; ihambing ang 1Ha 6:7.) Ang inihandang tinabas na mga bato ay maaaring tinibag sa lugar na iyon, sapagkat ang batuhang pinakasahig ng Jerusalem mismo ay madaling tabasin at paitin ayon sa kinakailangang laki at hugis, gayunman, kapag nabilad ang mga ito, tumitigas ang mga ito at nagiging matitibay at kaakit-akit na mga bato para sa pagtatayo. May katibayan na nagkaroon ng isang sinaunang tibagan malapit sa kasalukuyang Pintuang-daan ng Damasco, anupat napakaraming bato ang inuka roon sa paglipas ng panahon.
Ang higit pang paglalarawan ng kaanyuan ng kalupaan sa palibot ng Jerusalem, ngayon naman ay sa dakong S at T, ay ibinibigay sa ulat ng pagpapahid kay Solomon sa utos ng matanda nang si Haring David. Ang isa pa niyang anak, si Adonias, ay nasa bukal ng En-rogel at nagpapakanang agawin ang pagkahari, nang pahiran si Solomon sa bukal ng Gihon. Di-kalayuan ang distansiya sa pagitan ng dalawang dakong ito (mga 700 m; 2,300 piye) anupat narinig ni Adonias at ng mga kasabuwat niya ang ingay ng tambuli at ng pagdiriwang sa Gihon.—1Ha 1:5-9, 32-41.
Noong naghahari si Solomon, maraming pagtatayo (at marahil ay muling pagtatayo) ang isinagawa sa loob ng lunsod at pinalawak ang mga hangganan nito. (1Ha 3:1; 9:15-19, 24; 11:27; ihambing ang Ec 2:3-6, 9.) Ang templo, na namumukod-tangi sa kaniyang mga gawaing pagtatayo, at ang mga looban nito ay itinayo sa Bundok Moria sa silanganing tagaytay ngunit sa H ng “Lunsod ni David,” maliwanag na sa lugar ng makabagong-panahong Dome of the Rock. (2Cr 3:1; 1Ha 6:37, 38; 7:12) Ang iba pang kalapit na malalaking gusali ay ang sariling bahay o palasyo ni Solomon, ang yari-sa-sedrong Bahay ng Kagubatan ng Lebanon, ang Beranda ng mga Haligi, at ang Beranda ng Trono para sa paghatol. (1Ha 7:1-8) Lumilitaw na ang kalipunang ito ng mga gusali ay nasa T ng templo sa dalisdis na unti-unting lumulusong patungo sa “Lunsod ni David.”—MAPA, Tomo 1, p. 752; LARAWAN, Tomo 1, p. 748.
Ang Nahating Kaharian (997-607 B.C.E.). Dahil sa paghihimagsik ni Jeroboam, nahati ang bansa sa dalawang kaharian, at ang Jerusalem ay nanatiling kabisera ng dalawang tribo, ng Benjamin at Juda, sa ilalim ng anak ni Solomon na si Rehoboam. Ang mga Levita at mga saserdote ay lumipat din sa lunsod na kinalalagyan ng pangalan ni Jehova, sa gayon ay pinatibay ang pagkahari ni Rehoboam. (2Cr 11:1-17) Ang Jerusalem noon ay wala na sa heograpikong sentro ng kaharian, anupat ilang milya na lamang ang layo nito sa hanggahan ng napopoot na hilagang sampung-tribong kaharian. Limang taon pagkamatay ni Solomon, naranasan ng lunsod ang una sa maraming pagsalakay rito. Nilusob ni Haring Sisak ng Ehipto ang kaharian ng Juda, tiyak na dahil inakala niyang madali itong salakayin sapagkat lumiit na ito. Dahil sa kawalang-katapatan ng bansa, nagtagumpay siyang mapasok ang Jerusalem, pagkatapos ay tinangay niya ang mga kayamanan ng templo at ang iba pang mahahalagang pag-aari. Dahil lamang sa kanilang pagsisisi kung kaya sa paanuman ay pinrotektahan sila ng Diyos anupat hinadlangan ang aktuwal na pagkawasak ng lunsod.—1Ha 14:25, 26; 2Cr 12:2-12.
Noong panahon ng paghahari ng tapat na si Haring Asa, nabigo ang pagsisikap ni Haring Baasa ng hilagang kaharian na patibayin ang lugar sa hilagang hanggahan ng Juda upang sarhan ito at hadlangan ang pakikipagtalastasan sa Jerusalem (at posibleng pati ang mga kapahayagan ng pagkamatapat sa Judeanong kaharian ng sinuman sa kaniyang mga sakop). (1Ha 15:17-22) Ang pagpapatuloy ng dalisay na pagsamba sa ilalim ng pamamahala ng anak ni Asa na si Jehosapat ay nagdulot ng proteksiyon ng Diyos at malalaking pakinabang sa lunsod, kabilang na rito ang pinahusay na mga paglalaan upang maasikaso ang mga usapin sa batas.—2Cr 19:8-11; 20:1, 22, 23, 27-30.
Sa nalalabing bahagi ng kasaysayan ng Jerusalem bilang kabisera ng Judeanong kaharian, nagpatuloy ang ganitong landasin. Pinagpapala sila at pinoprotektahan ni Jehova kapag nagsasagawa sila ng tunay na pagsamba; dumaranas naman sila ng malulubhang suliranin at sinasalakay sila ng mga kaaway kapag nag-aapostata sila. Noong paghahari ng di-tapat na anak ni Jehosapat na si Jehoram (913-mga 907 B.C.E.), ang lunsod ay nilusob at sinamsaman sa ikalawang pagkakataon ng isang tambalang Arabe-Filisteo sa kabila ng pagkakaroon nito ng matitibay na pandepensang pader. (2Cr 21:12-17) Nang sumunod na siglo, dahil sa paglihis ni Haring Jehoas mula sa matuwid na landasin, ang mga hukbong Siryano ay ‘nagsimulang sumalakay sa Juda at Jerusalem,’ anupat ipinahihiwatig ng konteksto na napasok nila ang lunsod. (2Cr 24:20-25) Noong panahon ng pag-aapostata ni Amazias, sinalakay ng hilagang kaharian ng Israel ang Juda, at winasak nila ang mga 178 m (584 na piye) ng napakahalagang hilagaang pader sa pagitan ng Panulukang Pintuang-daan (nasa HK panulukan) at ng Pintuang-daan ng Efraim (sa dakong S ng Panulukang Pintuang-daan). (2Cr 25:22-24) Posibleng bago nito, ang lunsod ay pinalawak patungo sa gitnang libis hanggang sa kanluraning tagaytay.
Nagpagawa si Haring Uzias (829-778 B.C.E.) ng mahahalagang karagdagan sa mga depensa ng lunsod, anupat pinatibay niya ang (HK) Panulukang Pintuang-daan at ang Pintuang-daan ng Libis (nasa TK panulukan) sa pamamagitan ng mga tore, gayundin ng isang tore sa “Patibayan” (“Anggulo,” RS, JB; “Likuan,” JP), lumilitaw na isang bahagi ng silanganing pader na di-kalayuan sa maharlikang mga gusali, alinman sa mga gusali ni David o ni Solomon. (2Cr 26:9; Ne 3:24, 25) Nilagyan din ni Uzias ang mga tore at mga panulukan ng “mga makinang pandigma,” marahil ay de-makinang mga katapult para sa pagpapahilagpos ng mga palaso at malalaking bato. (2Cr 26:14, 15) Ipinagpatuloy ng kaniyang anak na si Jotam ang programa ng pagtatayo.—2Cr 27:3, 4.
Ang tapat na si Haring Hezekias, na namahalang kasunod ng kaniyang ama, ang apostatang si Ahaz, ay nagsagawa ng paglilinis at pagkukumpuni sa lugar ng templo at nagsaayos ng pagdiriwang ng isang dakilang Paskuwa na umakit sa mga mananamba upang pumaroon sa Jerusalem mula sa buong lupain, kasama na ang hilagang kaharian. (2Cr 29:1-5, 18, 19; 30:1, 10-26) Ngunit di-nagtagal, ang pampasiglang ito sa tunay na pagsamba ay sinundan ng pagsalakay ng mga pagano, na nanlibak sa tunay na Diyos na ang pangalan ay nakalagay sa Jerusalem. Noong 732 B.C.E., walong taon pagkatapos na malupig ng Asirya ang hilagang kaharian ng Israel, ang Asiryanong si Haring Senakerib ay nagsagawa ng malawakang pagdaluhong sa Palestina, anupat nagpadala siya ng mga hukbo upang pagbantaan ang Jerusalem. (2Cr 32:1, 9) Naihanda na noon ni Hezekias ang lunsod para sa pagkubkob. Sinarhan niya ang mga pinagmumulan ng tubig sa labas ng lunsod upang hindi makita ang mga ito at mahirapan ang kaaway, pinatibay niya ang mga pader, at nilagyan niya ng kuta ang mga ito. (2Cr 32:2-5, 27-30) Waring ang “padaluyan” na magdadala ng tubig sa loob ng lunsod mula sa bukal ng Gihon ay nagawa na nang panahong iyon, anupat posibleng ginawa noong panahon ng kapayapaan. (2Ha 20:20; 2Cr 32:30) Kung iyon ang padaluyan na may paagusang inuka sa gilid ng Libis ng Kidron at nagtatapos sa Tipunang-tubig ng Siloam sa Libis ng Tyropoeon, gaya ng pinaniniwalaan, hindi iyon isang maliit na proyekto na matatapos sa loob lamang ng ilang araw. (Tingnan ang ARKEOLOHIYA [Palestina at Sirya]; GIHON Blg. 2.) Gayunpaman, ang lakas ng lunsod ay wala sa gayong pandepensang mga sistema at mga panustos kundi nasa nagsasanggalang na kapangyarihan ng Diyos na Jehova, na nagsabi: “At tiyak na ipagtatanggol ko ang lunsod na ito upang iligtas ito alang-alang sa akin at alang-alang kay David na aking lingkod.” (2Ha 19:32-34) Dahil sa makahimalang pagkapuksa ng 185,000 kawal na Asiryano, dali-daling bumalik si Senakerib sa Asirya. (2Ha 19:35, 36) Nang ang ulat ng kampanya ay itala sa mga ulat ng kasaysayan ng Asirya, ipinaghambog nito na ikinulong ni Senakerib si Hezekias sa loob ng Jerusalem tulad ng isang ‘ibon sa hawla,’ ngunit hindi nito inangkin na nabihag ang lunsod.—Tingnan ang SENAKERIB.
Noong panahon ng paghahari ni Manases (716-662 B.C.E.), nagtayo pa ng karagdagang pader sa kahabaan ng Libis ng Kidron. Nasaksihan din noon ang patuloy na paglayo ng bansa mula sa tunay na pagsamba. (2Cr 33:1-9, 14) Pansamantalang binaligtad ng kaniyang apong si Josias ang pagbulusok na ito, at noong panahon ng pamamahala ni Josias, ang Libis ng Hinom, na ginamit ng mga taong idolatroso para sa buktot na mga seremonya, ay ‘ginawang di-karapat-dapat sa pagsamba,’ malamang na sa pamamagitan ng paglapastangan dito nang gawin itong tambakan ng basura ng lunsod. (2Ha 23:10; 2Cr 33:6) Lumilitaw na ang “Pintuang-daan ng mga Bunton ng Abo” ay nakaharap sa libis na ito. (Ne 3:13, 14; tingnan ang GEHENNA; HINOM, LIBIS NG.) Noong panahon ni Josias unang binanggit ang “ikalawang purok” (“bagong bayan,” JB) ng lunsod. (2Ha 22:14; 2Cr 34:22) Karaniwan nang ipinapalagay na ang “ikalawang purok” na ito ay ang seksiyon ng lunsod na nasa K o HK ng lugar ng templo.—Zef 1:10.
Pagkamatay ni Josias, mabilis na lumala ang situwasyon sa Jerusalem, palibhasa’y apat na di-tapat na hari ang sunud-sunod na namahala. Noong ikawalong taon ni Haring Jehoiakim, ang Juda ay naging basalyo ng Babilonya. Pagkaraan ng tatlong taon, ang paghihimagsik ni Jehoiakim ang naging sanhi ng matagumpay na pagkubkob ng Babilonya sa Jerusalem, anupat pagkatapos nito ay sinamsam ang mga kayamanan ng lunsod at ipinatapon ang nanunungkulang hari, si Jehoiakin, at ang iba pang mga mamamayan. (2Ha 24:1-16; 2Cr 36:5-10) Tinangka ng inatasan ng Babilonya, si Haring Zedekias, na makalaya sa pamatok ng Babilonya, at noong kaniyang ikasiyam na taon (609 B.C.E.), ang Jerusalem ay muling kinubkob. (2Ha 24:17-20; 25:1; 2Cr 36:11-14) Isang hukbong militar ng Ehipto ang sumaklolo sa Jerusalem ngunit pansamantala lamang nitong napaurong ang mga nangungubkob. (Jer 37:5-10) Gaya ng inihula ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias, bumalik ang mga Babilonyo upang ipagpatuloy ang pagkubkob. (Jer 34:1, 21, 22; 52:5-11) Noong huling bahagi ng pagkubkob, nakabilanggo si Jeremias sa “Looban ng Bantay” (Jer 32:2; 38:28), na karugtong ng “Bahay ng Hari.” (Ne 3:25) Sa wakas, 18 buwan mula nang pasimulan ang pagkubkob na may kalakip na pagkagutom, sakit, at kamatayan, noong ika-11 taon ni Zedekias, nabutasan ang mga pader ng Jerusalem at nabihag ang lunsod.—2Ha 25:2-4; Jer 39:1-3.
Pagkatiwangwang at Pagsasauli. Nabutasan ang mga pader ng lunsod noong Tamuz 9, 607 B.C.E. Pagkaraan ng isang buwan, noong Ab 10, ang kinatawan ni Nabucodonosor, si Nebuzaradan, ay pumasok sa nalupig na lunsod at sinimulan niya itong wasakin, anupat sinunog niya ang templo at ang iba pang mga gusali at sinimulan niyang gibain ang mga pader ng lunsod. Ang hari ng Jerusalem at ang karamihan sa tumatahan dito ay itinapon sa Babilonya at ang mga kayamanan nito ay tinangay bilang samsam.—2Ha 25:7-17; 2Cr 36:17-20; Jer 52:12-20; LARAWAN, Tomo 2, p. 326.
Ang sinabi ng arkeologong si Conder na “ang kasaysayan ng wasak na lunsod ay nanatiling blangko hanggang sa panahon ni Ciro” ay totoo hindi lamang tungkol sa Jerusalem kundi pati sa buong lupain ng kaharian ng Juda. Di-tulad ng mga Asiryano, ang haring Babilonyo ay hindi naglagay ng kapalit na mga tao sa nalupig na rehiyon. Isang yugto ng 70-taóng pagkatiwangwang ang nagsimula noon, gaya nga ng inihula.—Jer 25:11; 2Cr 36:21.
Noong “unang taon” (maliwanag na bilang tagapamahala sa Babilonya) ni Ciro na Persiano (538 B.C.E.), nagpalabas siya ng batas na nagpapalaya sa itinapong mga Judio upang ‘umahon sila sa Jerusalem, na nasa Juda, at itayong muli ang bahay ni Jehova na Diyos ng Israel.’ (Ezr 1:1-4) Ang mga taong naglakbay ng malayong distansiya patungong Jerusalem, dala ang mga kayamanan ng templo, ay kinabibilangan ng 42,360 Israelita, bukod pa sa mga alipin at mga bihasang mang-aawit. Dumating sila sa tamang panahon upang ipagdiwang ang Kapistahan ng mga Kubol noong Tisri (Setyembre-Oktubre) 537 B.C.E. (Ezr 2:64, 65; 3:1-4) Sinimulan ang muling pagtatayo ng templo sa ilalim ng pangangasiwa ni Gobernador Zerubabel at, pagkatapos ng matinding pananalansang ng mga kaaway at ng pagpasok ng kawalang-interes sa gitna ng pinabalik na mga Judio, natapos ito noong Marso ng 515 B.C.E. Mas marami pang tapon ang bumalik kasama ng saserdoteng-eskriba na si Ezra noong 468 B.C.E., na nagdala ng karagdagang mga bagay “upang pagandahin ang bahay ni Jehova, na nasa Jerusalem” (Ezr 7:27), sa pahintulot naman ni Haring Artajerjes (Longimanus). Lumilitaw na ang kayamanang dala nila ay nagkakahalaga nang mahigit sa $43,000,000.—Ezr 8:25-27.
Mga isa at kalahating siglo pagkatapos na mabihag ni Nabucodonosor ang lunsod, sira pa rin ang mga pader at mga pintuang-daan nito. Humingi si Nehemias ng pahintulot mula kay Artajerjes na makaparoon siya sa Jerusalem upang malunasan ang situwasyong ito. (Ne 2:1-8) Ang sumunod na ulat hinggil sa pagsusuri ni Nehemias sa gabi at sa paghahati-hati niya ng gawaing pagtatayo sa iba’t ibang grupo ng pamilya ay mapagkukunan ng kapaki-pakinabang na impormasyon tungkol sa kaanyuan ng lunsod noong panahong iyon, partikular na hinggil sa mga pintuang-daan nito. (Ne 2:11-15; 3:1-32; tingnan ang PINTUANG-DAAN.) Ang muling pagtatayong ito ay katuparan ng hula ni Daniel at nagtakda sa taon na siyang pasimula ng 70 makahulang “sanlinggo” may kaugnayan sa pagdating ng Mesiyas. (Dan 9:24-27) Sa kabila ng mga panliligalig, sa maikling panahon ng 52 araw, noong taóng 455 B.C.E., napalibutan nila ng pader at mga pintuang-daan ang Jerusalem.—Ne 4:1-23; 6:15; 7:1; tingnan ang PITUMPUNG SANLINGGO (Ang “Paglabas ng Salita”).
Ang Jerusalem noon ay “maluwang at malaki, [ngunit] kakaunti ang mga tao sa loob nito.” (Ne 7:4) Pagkatapos ng pangmadlang pagbabasa ng Kasulatan at ng mga pagdiriwang sa “liwasan na nasa tapat ng Pintuang-daan ng Tubig” sa S panig ng lunsod (Ne 3:26; 8:1-18), isinaayos na palakihin ang populasyon ng lunsod sa pamamagitan ng pagdadala roon ng isang Israelita mula sa bawat sampu upang manahanan doon. Ginawa ito sa pamamagitan ng palabunutan, ngunit karagdagan dito, maliwanag na may mga nagkusang-loob na manirahan doon. (Ne 11:1, 2) Isang espirituwal na paglilinis ang ginawa upang ang populasyon ng lunsod ay magkaroon ng matibay na pundasyon may kinalaman sa tunay na pagsamba. (Ne 12:47–13:3) Naging gobernador si Nehemias sa loob ng 12 taon o mahigit pa at sa panahong iyon ay naglakbay siya patungo sa korte ng haring Persiano. Pagbalik niya sa Jerusalem, natuklasan niya na kailangan nito ng higit pang paglilinis. (Ne 13:4-31) Nagwakas ang rekord ng Hebreong Kasulatan ilang panahon pagkatapos ng taóng 443 B.C.E., sa ulat ng kaniyang puspusang pagbunot sa apostasya.
Kinontrol ng mga Griego at mga Macabeo. Noong 332 B.C.E., nakuha ng mga Griego sa mga Medo-Persiano ang kontrol sa lunsod nang si Alejandrong Dakila ay humayo at dumaan sa Juda. Hindi binabanggit ng mga Griegong istoryador kung pumasok si Alejandro sa Jerusalem. Ngunit ang lunsod ay talagang napasailalim ng pamumuno ng Gresya, at makatuwirang ipalagay na hindi ito lubusang nilampasan ni Alejandro. Noong unang siglo C.E., iniulat ni Josephus ang tradisyong Judio na, nang papalapit na si Alejandro sa Jerusalem, sinalubong siya ng Judiong mataas na saserdote at ipinakita nito sa kaniya ang kinasihang mga hula na itinala ni Daniel kung saan inihuhula ang mabilisang pananakop ng Gresya. (Jewish Antiquities, XI, 326-338 [viii, 4, 5]; Dan 8:5-7, 20, 21) Anuman ang nangyari, waring hindi nagdulot ng anumang pinsala sa Jerusalem ang pagpapalit ng humahawak ng kontrol.
Pagkamatay ni Alejandro, ang Jerusalem at Judea ay napasailalim ng kontrol ng mga Ptolemy, na namahala mula sa Ehipto. Noong 198 B.C.E., matapos kunin ni Antiochus na Dakila, na namamahala sa Sirya, ang nakukutaang lunsod ng Sidon, binihag niya ang Jerusalem, at ang Judea ay pinamunuan ng Imperyong Seleucido. (Ihambing ang Dan 11:16.) Ang Jerusalem ay napasailalim ng pamamahalang Seleucido sa loob ng 30 taon. Pagkatapos, noong taóng 168 B.C.E., tinangka ng Siryanong si Haring Antiochus IV (Epiphanes) na lubusang gawing Helenisado ang mga Judio kung kaya inialay niya ang templo ng Jerusalem kay Zeus (Jupiter) at nilapastangan niya ang altar sa pamamagitan ng isang maruming hain. (1 Macabeo 1:57, 62; 2 Macabeo 6:1, 2, 5; MGA LARAWAN, Tomo 2, p. 335) Humantong ito sa paghihimagsik ng mga Macabeo (o mga Hasmoneano). Pagkatapos ng tatlong-taóng pakikipaglaban, nakontrol ni Judas Maccabaeus ang lunsod at templo at muling inialay ang altar ni Jehova sa tunay na pagsamba noong anibersaryo ng paglapastangan dito, Kislev 25, 165 B.C.E.—1 Macabeo 4:52-54; 2 Macabeo 10:5; ihambing ang Ju 10:22.
Hindi pa rin natapos ang pakikipagdigma laban sa mga tagapamahalang Seleucido. Ang mga Judio ay humingi ng tulong sa Roma at sa gayon ay isang bagong kapangyarihan ang dumating sa Jerusalem noong mga 160 B.C.E. (1 Macabeo 8:17, 18) Ang Jerusalem noon ay nagsimulang mapasailalim ng impluwensiya ng lumalawak na Imperyo ng Roma. Noong mga 142 B.C.E., nagtagumpay si Simon Maccabaeus na ang Jerusalem ay gawing kabisera ng isang rehiyon na sa wari ay malaya sa pananakop ng mga bansang Gentil o sa pagbubuwis sa mga ito. Ginamit pa nga ng mataas na saserdote ng Jerusalem na si Aristobulo I ang titulong hari noong 104 B.C.E. Gayunman, hindi siya nagmula sa Davidikong linya.
Ang Jerusalem ay hindi ‘lunsod ng kapayapaan’ noong panahong iyon. Lubha itong pinahina ng mga panloob na pag-aaway, na udyok ng makasariling mga ambisyon at pinalubha ng magkakaribal na mga paksiyon ng relihiyon—mga Saduceo, mga Pariseo, mga Zealot, at iba pa. Dahil sa matinding pag-aaway sa pagitan ni Aristobulo II at ng kaniyang kapatid na si Hyrcanus, tinawagan ang Roma upang mamagitan sa pagtatalo. Sa ilalim ni Heneral Pompey, kinubkob ng mga hukbong Romano ang Jerusalem noong 63 B.C.E. sa loob ng tatlong buwan upang mapasok ang lunsod at malutas ang pagtatalo. Iniulat na 12,000 Judio ang namatay, anupat ang marami ay sa kamay ng mga kapuwa Israelita.
Sa ulat ni Josephus hinggil sa panlulupig ni Pompey unang binanggit ang arkong daan na patawid sa Libis ng Tyropoeon. Nagsilbi itong daanan sa pagitan ng silanganin at kanluraning mga seksiyon ng lunsod at sa pamamagitan nito ay tuwirang nakaparoroon sa lugar ng templo ang mga nasa kanluraning seksiyon.
Ang Idumeanong si Antipater (II) ay itinalaga noon bilang Romanong gobernador para sa Judea, anupat isang Macabeo ang iniwan bilang mataas na saserdote at lokal na etnarka sa Jerusalem. Nang maglaon, ang anak ni Antipater na si Herodes (na Dakila) ay inatasan ng Roma bilang “hari” sa Judea. Nahawakan niya ang kontrol sa Jerusalem noon lamang 37 o 36 B.C.E., ang petsa kung kailan aktuwal na nagsimula ang kaniyang pamamahala.
Sa Ilalim ni Herodes na Dakila. Isang malawakang programa ng pagtatayo ang isinagawa noong panahong namamahala si Herodes, at ang lunsod ay nagtamasa ng malaking kasaganaan. Itinayo noon ang isang dulaan, himnasyo, karerahan ng kabayo (LARAWAN, Tomo 2, p. 535), at iba pang mga gusaling pampubliko. Nagtayo rin si Herodes ng isang lubhang nakukutaang maharlikang palasyo (LARAWAN, Tomo 2, p. 538), maliwanag na sa K panig ng lunsod na nasa T ng makabagong-panahong Pintuang-daan ng Jaffa, kung saan ipinapalagay ng mga arkeologo na doon ay natagpuan nila ang pundasyon ng isa sa mga tore. Ang isa pang tanggulan, ang Tore ng Antonia, ay malapit sa templo at konektado rito sa pamamagitan ng isang daanan. (LARAWAN, Tomo 2, p. 535; Jewish Antiquities, XV, 424 [xi, 7]) Sa gayon, mabilis na makaparoroon sa lugar ng templo ang mga kawal na Romano, na malamang na nangyari nang iligtas nila si Pablo mula sa mga mang-uumog.—Gaw 21:31, 32.
Gayunman, ang namumukod-tanging proyekto ni Herodes ay ang muling pagtatayo ng templo at ng kalipunan nito ng mga gusali. Pasimula noong kaniyang ika-18 taon (Jewish Antiquities, XV, 380 [xi, 1]), ang banal na bahay mismo ay natapos sa loob ng isang taon at kalahati, ngunit ang paggawa sa karatig na mga gusali at mga looban ay nagpatuloy pa nang mahabang panahon pagkamatay niya. (Ju 2:20) Ang kabuuang lawak ng lugar ng templo ay halos doble niyaong sa dating templo. Maliwanag na nakatayo pa rin ang isang bahagi ng pader ng looban ng templo, kilala ngayon bilang ang Western Wall, o Wailing Wall. Sinasabi ng mga arkeologo na ang mabababang suson nito ng pagkalaki-laking mga bloke na may taas na 0.9 m (3 piye) ay mula pa noong panahon ng pagtatayo ni Herodes.
Mula 2 B.C.E. hanggang 70 C.E. Ipinagpatuloy naman ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang paglalarawan sa mga pangyayaring nauugnay sa Jerusalem. Naganap ang kapanganakan ni Jesus, hindi sa Jerusalem, kundi sa kalapit na Betlehem, ang “lunsod ni David.” (Luc 2:10, 11) Gayunpaman, dahil sa ulat ng mga astrologo tungkol sa kapanganakan ng “hari ng mga Judio,” si Herodes at “ang buong Jerusalem na kasama niya” ay naligalig. (Mat 2:1-3) Di-nagtagal matapos siyang magpalabas ng buktot na utos na patayin ang mga sanggol sa Betlehem, namatay si Herodes, maliwanag na noong taóng 1 B.C.E. (Tingnan ang HERODES Blg. 1.) Minana ng kaniyang anak na si Arquelao ang pamamahala sa Jerusalem at Judea at pati sa iba pang mga lugar. Nang maglaon ay inalis ng Roma si Arquelao dahil sa maliliit na pagkakasala; pagkatapos nito, mga gobernador na tuwirang inatasan ng Roma ang namahala, gaya ni Poncio Pilato noong panahon ng ministeryo ni Jesus.—Luc 3:1.
Dinala si Jesus sa Jerusalem 40 araw pagkapanganak sa kaniya at iniharap siya sa templo bilang panganay ni Maria. Ang matatanda nang sina Simeon at Ana ay nagsaya sa pagkakita nila sa ipinangakong Mesiyas, at nagsalita si Ana tungkol sa bata “sa lahat ng mga naghihintay sa katubusan ng Jerusalem.” (Luc 2:21-38; ihambing ang Lev 12:2-4.) Hindi sinabi kung ilang beses pa siyang dinala sa Jerusalem noong bata pa siya, anupat iisang pagdalaw lamang, noong siya ay 12 taóng gulang, ang espesipikong iniulat. Nakipagtalakayan siya noon sa mga guro sa lugar ng templo, sa gayon ay naging abala sa ‘bahay ng kaniyang Ama,’ sa lunsod na pinili ng kaniyang Ama.—Luc 2:41-49.
Pagkaraan ng kaniyang bautismo at noong panahon ng kaniyang tatlo-at-kalahating-taóng ministeryo, sa pana-panahon ay dumadalaw si Jesus sa Jerusalem; tiyak na naroon siya para sa tatlong taunang kapistahan, yamang obligasyon ng lahat ng lalaking Judio ang pagdalo sa mga ito. (Exo 23:14-17) Gayunman, ang kalakhang bahagi ng kaniyang panahon ay ginugol niya sa labas ng kabisera, habang nangangaral siya at nagtuturo sa Galilea at sa iba pang mga rehiyon ng lupain.
Bukod pa sa lugar ng templo, kung saan madalas na nagturo si Jesus, iilang espesipikong dako sa lunsod ang binanggit may kaugnayan sa kaniyang ministeryo. Ang Tipunang-tubig ng Betzata at ang limang kolonada nito (Ju 5:2) ay inaakalang yaong nahukay sa dakong H ng lugar ng templo. (Tingnan ang BETZATA.) Ang unang-siglong Tipunang-tubig ng Siloam ay maaaring isang tipunang-tubig na natagpuan kamakailan sa pinakamababang bahagi ng Libis ng Tyropoeon, na ang tubig ay nanggagaling sa bukal ng Gihon sa pamamagitan ng isang lagusan. (Ju 9:11; LARAWAN, Tomo 2, p. 950) Isang mas detalyadong larawan ng lunsod ang ibinibigay ng ulat hinggil sa huling pagdalaw ni Jesus sa Jerusalem.—MAPA, Tomo 2, p. 742; MGA LARAWAN, Tomo 2, p. 743.
Anim na araw bago ang kapistahan ng Paskuwa noong 33 C.E., dumating si Jesus sa Betania, na nasa silanganing panig ng Bundok ng mga Olibo. Nang sumunod na araw, Nisan 9, bilang pinahirang Hari ni Jehova, naglakbay siya patungo sa kabiserang lunsod, nakasakay sa bisiro ng isang asno, bilang katuparan ng hula ng Zacarias 9:9. (Mat 21:1-9) Habang bumababa siya mula sa Bundok ng mga Olibo, huminto siya upang tanawin ang lunsod at tinangisan niya ito, samantalang detalyado niyang inihuhula ang dumarating na pagkubkob at pagtitiwangwang na daranasin nito. (Luc 19:37-44) Nang pumasok siya sa lunsod, malamang na sa pamamagitan ng isang pintuang-daan sa silanganing pader, ang buong lunsod ay “nagkagulo,” sapagkat mabilis kumalat ang balita sa di-kalakihang lugar na iyon.—Mat 21:10.
Sa loob ng nalalabing panahon, na ang mga araw ay ginugol niya sa Jerusalem at ang mga gabi naman ay sa Betania (Luc 21:37, 38), nilinis ni Jesus ang lugar ng templo nang itaboy niya ang mga mangangalakal (Mat 21:12, 13), gaya ng ginawa niya mga tatlong taon ang kaagahan. (Ju 2:13-16) Noong Nisan 11, kasama niya ang apat sa kaniyang mga alagad sa Bundok ng mga Olibo, na mula roon ay abot-tanaw ang lunsod at ang templo nito, nang ibigay niya ang kaniyang dakilang hula may kinalaman sa dumarating na pagkawasak ng Jerusalem at sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” at tungkol din sa kaniyang pagkanaririto. (Mat 24; Mar 13; Luc 21) Noong Nisan 13, isinaayos nina Pedro at Juan ang hapunan ng Paskuwa sa isang silid sa itaas sa Jerusalem kung saan, nang gabing iyon (pasimula ng Nisan 14), ipinagdiwang ni Jesus ang hapunan kasama ng kaniyang mga apostol. Pagkatapos niyang makipag-usap sa kanila, umalis sila sa lunsod, tumawid sa “agusang-taglamig ng Kidron,” at umakyat sa mga dalisdis ng Bundok ng mga Olibo patungo sa hardin na tinatawag na Getsemani. (Mat 26:36; Luc 22:39; Ju 18:1, 2) Ang Getsemani ay nangangahulugang “Pisaang Panlangis,” at matatagpuan pa rin sa dalisdis nito ang napakatatanda nang mga punong olibo. Ngunit sa ngayon ay pala-palagay na lamang kung saan ang eksaktong lokasyon ng hardin.—Tingnan ang GETSEMANI.
Matapos arestuhin si Jesus nang gabing iyon, ibinalik siya sa Jerusalem at dinala sa mga saserdoteng sina Anas at Caifas at sa bulwagan ng Sanedrin upang litisin. (Mat 26:57–27:1; Ju 18:13-27) Mula roon, nang magbukang-liwayway na, dinala siya kay Pilato sa “palasyo ng gobernador” (Mat 27:2; Mar 15:1, 16) at pagkatapos ay kay Herodes Antipas, na nasa Jerusalem din noong panahong iyon. (Luc 23:6, 7) Nang bandang huli, ibinalik siya kay Pilato para sa pangwakas na paghatol sa “Latag ng Bato,” tinatawag na “Gabata” sa Hebreo.—Luc 23:11; Ju 19:13; tingnan ang LATAG NG BATO.
Ibinayubay si Jesus sa Golgota, nangangahulugang “[Pook ng] Bungo.” (Mat 27:33-35; Luc 23:33) Bagaman maliwanag na nasa labas ito ng mga pader ng lunsod, malamang na sa gawing H, hindi na matiyak sa ngayon ang eksaktong lokasyon nito. (Tingnan ang GOLGOTA.) Totoo rin ito hinggil sa lugar na pinaglibingan kay Jesus.—MGA LARAWAN, Tomo 2, p. 948.
Ang “parang ng magpapalayok upang paglibingan ng mga taga-ibang bayan,” na binili sa pamamagitan ng suhol na salapi na inihagis ni Hudas pabalik sa mga saserdote (Mat 27:5-7), ay karaniwan nang iniuugnay sa isang lugar sa T na panig ng Libis ng Hinom malapit sa pinagsasalubungan nito at ng Kidron. Maraming libingan ang matatagpuan sa lugar na ito.—Tingnan ang AKELDAMA.
Noong kapanahunang apostoliko. Pagkatapos siyang buhaying-muli, iniutos ni Jesus sa kaniyang mga alagad na huwag umalis sa Jerusalem sa panahong iyon. (Luc 24:49; Gaw 1:4) Sa dakong ito magsisimula ang pangangaral ng pagsisisi ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan salig sa pangalan ni Kristo. (Luc 24:46-48) Sampung araw pagkaakyat niya sa langit, ang mga alagad, na nagkakatipon sa isang silid sa itaas, ay tumanggap ng pagpapahid ng banal na espiritu. (Gaw 1:13, 14; 2:1-4) Ang Jerusalem ay punô ng mga Judio at mga proselita na dumalo sa Kapistahan ng Pentecostes mula sa lahat ng bahagi ng Imperyo ng Roma. Dahil sa pagpapatotoo ng mga Kristiyanong puspos ng espiritu, libu-libo ang naging bautisadong alagad. Palibhasa’y libu-libo ang naroroon at nagpapatotoo sa kanilang pananampalataya, hindi kataka-takang sabihin ng galít na mga lider ng relihiyon: “Narito! pinunô ninyo ng inyong turo ang Jerusalem.” (Gaw 5:28) Lalo pang naging mapuwersa ang kanilang patotoo dahil sa mga himalang isinagawa, gaya ng pagpapagaling sa pilay na pulubi na nasa “pinto ng templo na tinatawag na Maganda,” malamang na ang S pintuang-daan ng Looban ng mga Babae.—Gaw 3:2, 6, 7.
Kahit noong nagsimula nang lumaganap ang pagpapatotoo mula sa Jerusalem hanggang sa “Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa” (Gaw 1:8), ang Jerusalem pa rin ang naging lokasyon ng lupong tagapamahala ng kongregasyong Kristiyano. Dahil sa pag-uusig, maagang ‘nangalat ang lahat maliban sa mga apostol sa lahat ng mga pook ng Judea at Samaria.’ (Gaw 8:1; ihambing ang Gal 1:17-19; 2:1-9.) Mula sa Jerusalem, ilang apostol at alagad ang isinugo upang tulungan ang mga bagong grupo ng mananampalataya, gaya sa Samaria. (Gaw 8:14; 11:19-22, 27) Di-nagtagal ay minabuti ni Saul ng Tarso (Pablo) na paikliin ang kaniyang unang pagdalaw sa Jerusalem bilang isang Kristiyano dahil sa mga pagtatangkang paslangin siya. (Gaw 9:26-30) Ngunit nagkaroon din noon ng mga yugto ng kapayapaan. (Gaw 9:31) Dito iniulat ni Pedro sa kapulungang Kristiyano ang pagtanggap ng Diyos sa mga mananampalatayang Gentil at dito rin nilutas ang usapin ng pagtutuli at ang kaugnay na mga bagay.—Gaw 11:1-4, 18; 15:1, 2, 22-29; Gal 2:1, 2.
Tinawag ni Jesus ang Jerusalem na “ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya.” (Mat 23:37; ihambing ang 34-36.) Bagaman marami sa kaniyang mga mamamayan ang nanampalataya sa Anak ng Diyos, ang lunsod sa kabuuan ay nagpatuloy sa dati nitong landasin. Dahil dito, ‘ang kaniyang bahay ay pinabayaan sa kaniya.’ (Mat 23:38) Noong 66 C.E., dahil sa isang paghihimagsik ng mga Judio, pumaroon sa lunsod ang mga hukbong Romano sa pangunguna ni Cestio Gallo, anupat pinalibutan nila ito at nakarating hanggang sa mismong mga pader ng templo. Ngunit sa di-malinaw na kadahilanan ay biglang umurong si Cestio Gallo. Nagbigay ito ng pagkakataon sa mga Kristiyano upang sundin ang tagubilin ni Jesus: “Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa loob [ng Jerusalem] ay umalis, at yaong nasa mga dakong lalawigan ay huwag nang pumasok sa kaniya.” (Luc 21:20-22) Sa kaniyang Ecclesiastical History (III, V, 3), sinabi ni Eusebius na ang mga Kristiyano ay tumakas mula sa Jerusalem at sa buong lupain ng Judea patungo sa isang lunsod ng Perea na tinatawag na Pela.
Ang ginhawang idinulot sa Jerusalem ng pag-urong ng mga Romano ay hindi nagtagal, gaya noong pansamantalang umurong ang mga Babilonyo upang harapin ang mga Ehipsiyo noong pagtatapos ng paghahari ni Haring Zedekias. Sa ilalim ni Heneral Tito, bumalik ang mas maraming hukbong Romano noong 70 C.E. at kinubkob ang lunsod, na noon ay punô ng mga nagdiriwang ng Paskuwa. Gumawa ang mga Romano ng mga bunton na pangubkob, at isang walang-patlang na pader o bakod ang itinayo sa palibot ng buong lunsod upang walang makatakas sa araw man o sa gabi. Ito rin ay katuparan ng hula ni Jesus. (Luc 19:43) Sa loob ng lunsod, nag-away at naglabanan ang magkakaribal na mga paksiyon, sinira ang karamihan sa suplay ng pagkain, at yaong mga nahuling tumatakas mula sa lunsod ay pinatay bilang mga traidor. Ayon kay Josephus, na pinagmulan ng impormasyong ito, nang maglaon ay naging napakalubha ng taggutom anupat ang mga tao ay napilitang kumain ng maliliit na piraso ng dayami at katad, maging ng sarili nilang mga anak. (Ihambing ang Pan 2:11, 12, 19, 20; Deu 28:56, 57.) Ang pakikipagpayapaang inialok ni Tito ay patuloy na tinanggihan ng mapagmatigas na mga lider ng lunsod.
Nang bandang huli, ang mga pader ay sistematikong binutasan ng mga Romano, at nilusob ng kanilang mga hukbo ang lunsod. (LARAWAN, Tomo 2, p. 752) Sa kabila ng pagbabawal, sinunog ang templo at pati ang loob nito ay natupok. Iniulat ni Josephus na naganap ito noong anibersaryo ng pagwasak ni Nabucodonosor sa unang templo ilang siglo ang kaagahan. Sinasabi rin ng kaniyang ulat na ang imbakan ng mga artsibo, na kinalalagyan ng mga rekord ng talaangkanan ng mga tribo at mga pamilya at ng mga karapatan sa pagmamana, ay sinilaban sa apoy. (The Jewish War, VI, 250, 251 [iv, 5]; II, 426-428 [xvii, 6]; VI, 354 [vi, 3]) Sa gayon, nagwakas ang legal na paraan upang maitatag ang angkan ng mga miyembro ng Mesiyanikong tribo ni Juda at ng makasaserdoteng tribo ni Levi.
Sa loob lamang ng 4 na buwan at 25 araw, mula Abril 3 hanggang Agosto 30, 70 C.E., ang lunsod ay nalupig. Sa gayon, bagaman matindi ang kapighatian, naging maikli lamang ito. Ang di-makatuwirang saloobin at mga pagkilos ng mga Judio sa loob ng lunsod ay tiyak na isang dahilan ng kaiklian nito. Bagaman tinataya ni Josephus na ang bilang ng namatay ay 1,100,000, mayroon ding mga nakaligtas. Siyamnapu’t pitong libo ang dinalang bihag, anupat marami sa mga ito ang ipinadala sa Ehipto bilang mga alipin o pinatay sa pamamagitan ng tabak o ng mga hayop sa mga dulaan ng mga probinsiyang Romano. Katuparan din ito ng hula ng Diyos.—Deu 28:68.
Ang buong lunsod ay winasak, anupat tanging ang mga tore ng palasyo ni Herodes at ang isang bahagi ng kanluraning pader ang naiwang nakatayo bilang ebidensiya para sa sumunod na mga salinlahi na ang matibay na depensa nito ay naging walang kabuluhan. Sinabi ni Josephus na, maliban sa mga labíng ito, “ang ibang bahagi ng pader na pumapalibot sa lunsod ay lubus-lubusang bumagsak anupat ang mga dadalaw sa dakong ito sa hinaharap ay hindi makapaniniwala na tinahanan ito.” (The Jewish War, VII, 3 [i, 1]) Ipinakikita ng isang relyebe sa Arko ni Tito sa Roma ang mga kawal na Romano na tangay ang mga sagradong sisidlan ng winasak na templo.—Ihambing ang Mat 24:2; LARAWAN, Tomo 2, p. 752.
Noong Bandang Huli. Ang Jerusalem ay nanatiling tiwangwang hanggang noong mga 130 C.E., nang iutos ni Emperador Hadrian ang pagtatayo ng isang bagong lunsod, na pinanganlang Aelia Capitolina. Dahil dito, bumangon ang isang paghihimagsik ng mga Judio sa pangunguna ni Bar Kokhba (132-135 C.E.), na nagtagumpay nang sandaling panahon ngunit nang maglaon ay nasugpo. Sa loob ng halos dalawang siglo, hindi pinahintulutan ang mga Judio sa lunsod na itinayo ng mga Romano. Noong ikaapat na siglo, dinalaw ng ina ni Constantinong Dakila na si Helena ang Jerusalem at sinimulan niyang tukuyin ang maraming tinatawag na banal na mga lugar at mga dambana. Nang maglaon, nabihag ng mga Muslim ang lunsod. Sa ngayon ay may dalawang istraktura ng Islam sa Temple Mount. Noong huling bahagi ng ikapitong siglo, itinayo ni Caliph ʽAbd al-Malik ibn Marwan ang Dome of the Rock sa dako ng templo o malapit dito. Bagaman tinatawag din itong isang moske, sa katunayan ay isa itong dambana. Sa T ng Dome of the Rock ay naroon ang moske ng el-Aqsa, na unang itinayo noong ikawalong siglo, ngunit ang kalakhang bahagi nito ay muling itinayo noong ikalabing-isang siglo.
Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga heograpikong lokasyon na may kaugnayan sa Jerusalem, tingnan ang mga artikulong gaya ng: EN-ROGEL; KIDRON, AGUSANG LIBIS NG; MAKTES; OLIBO, BUNDOK NG MGA; OPEL; SION Blg. 1; at TEMPLO.
Ang Isinasagisag ng Lunsod. Ang Jerusalem ay higit pa kaysa kabisera lamang ng isang bansa sa lupa. Ito ang tanging lunsod sa buong lupa na pinaglagyan ng Diyos na Jehova ng kaniyang pangalan. (1Ha 11:36) Matapos na ilipat doon ang kaban ng tipan, na iniuugnay sa presensiya ng Diyos, at lalo na nang itayo roon ang santuwaryo ng templo, o bahay ng Diyos, ang Jerusalem ang naging makasagisag na ‘tahanan’ ni Jehova, ang kaniyang “pahingahang-dako.” (Aw 78:68, 69; 132:13, 14; 135:21; ihambing ang 2Sa 7:1-7, 12, 13.) Dahil ang mga hari ng Davidikong linya ay mga pinahiran ng Diyos, anupat nakaupo sa “trono ni Jehova” (1Cr 29:23; Aw 122:3-5), ang Jerusalem mismo ay tinawag ding “trono ni Jehova”; at yaong mga tribo o mga bansa na bumabaling doon bilang pagkilala sa soberanya ng Diyos ay, sa diwa, tinitipon sa pangalan ni Jehova. (Jer 3:17; Aw 122:1-4; Isa 27:13) Yaong mga napopoot o nakikipaglaban sa Jerusalem ay aktuwal na sumasalansang sa kapahayagan ng soberanya ng Diyos. Tiyak na magaganap ito, dahil sa makahulang pananalita sa Genesis 3:15.
Samakatuwid, ang Jerusalem ay kumatawan sa sentro ng pamahalaang itinatag ng Diyos o makalarawang kaharian ng Diyos. Mula roon lumabas ang kautusan ng Diyos, ang kaniyang salita, at ang kaniyang pagpapala. (Mik 4:2; Aw 128:5) Kaya yaong mga gumagawa ukol sa kapayapaan at kabutihan ng Jerusalem ay gumagawa ukol sa tagumpay ng matuwid na layunin ng Diyos, ang pagsulong ng kaniyang kalooban. (Aw 122:6-9) Bagaman ito ay nasa kabundukan ng Juda at tiyak na napakaringal, ang tunay na katayugan at kagandahan ng Jerusalem ay resulta ng pagpaparangal at pagluwalhati rito ng Diyos na Jehova, upang magsilbi itong “isang korona ng kagandahan” para sa kaniya.—Aw 48:1-3, 11-14; 50:2; Isa 62:1-7.
Yamang ang pagpuri kay Jehova at ang kaniyang kalooban ay pangunahin nang isinasagawa ng kaniyang matatalinong nilalang, hindi ang mga gusali ng lunsod ang batayan kung patuloy niyang gagamitin ang lunsod kundi ang mga taong naroroon, ang mga tagapamahala at mga pinamamahalaan, mga saserdote at taong-bayan. (Aw 102:18-22; Isa 26:1, 2) Habang tapat ang mga ito, anupat pinararangalan ang pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng kanilang mga salita at landasin sa buhay, pinagpapala at ipinagtatanggol niya ang Jerusalem. (Aw 125:1, 2; Isa 31:4, 5) Di-nagtagal, nawala ang pabor ni Jehova sa taong-bayan at sa kanilang mga hari dahil sa landasin ng pag-aapostata na tinahak ng karamihan. Sa dahilang ito, ipinahayag ni Jehova ang kaniyang layunin na itakwil ang lunsod na nagtaglay ng kaniyang pangalan. (2Ha 21:12-15; 23:27) Aalisin niya ang ‘panustos at tukod’ mula sa lunsod, anupat mapupuno ito ng paniniil, pagkadelingkuwente ng mga kabataan, kawalang-galang sa mga taong may marangal na posisyon; ang Jerusalem ay daranas ng pagkaaba at matinding kahihiyan. (Isa 3:1-8, 16-26) Bagaman pinanauli ng Diyos na Jehova ang lunsod 70 taon pagkatapos niyang pahintulutan na wasakin ito ng Babilonya, anupat muli niya itong pinaganda bilang ang maligayang sentro ng tunay na pagsamba sa lupa (Isa 52:1-9; 65:17-19), ang taong-bayan at ang kanilang mga lider ay minsan pang bumalik sa kanilang landasin ng pag-aapostata.
Iningatan ni Jehova ang lunsod hanggang sa maisugo niya ang kaniyang Anak sa lupa. Kinailangang naroon ito upang matupad ang Mesiyanikong mga hula. (Isa 28:16; 52:7; Zac 9:9) Ang landasin ng pag-aapostata ng Israel ay humantong sa kasukdulan nang ibayubay ang Mesiyas, si Jesu-Kristo. (Ihambing ang Mat 21:33-41.) Palibhasa’y naganap ito sa Jerusalem, sa sulsol ng mga lider ng bansa na sinuportahan naman ng taong-bayan, lubusan nang itinakwil ng Diyos ang lunsod bilang kumakatawan sa kaniya at nagtataglay ng kaniyang pangalan. (Ihambing ang Mat 16:21; Luc 13:33-35.) Walang inihula si Jesus ni ang kaniyang mga apostol na isasauli ng Diyos ang makalupang Jerusalem at ang templo nito pagkatapos ng itinalaga-ng-Diyos na pagkapuksa ng lunsod, na naganap noong 70 C.E.
Gayunman, ang pangalang Jerusalem ay patuloy na ginamit upang sumagisag sa isang bagay na mas dakila kaysa sa makalupang lunsod. Sa ilalim ng pagkasi ng Diyos, isiniwalat ng apostol na si Pablo na may “Jerusalem sa itaas,” na tinukoy niya bilang “ina” ng mga pinahirang Kristiyano. (Gal 4:25, 26) Alinsunod dito, ang “Jerusalem sa itaas” ay asawa ng Diyos na Jehova na dakilang Ama at Tagapagbigay-Buhay. Noong ginagamit ang makalupang Jerusalem bilang ang pangunahing lunsod ng piling bansa ng Diyos, ito rin ay tinukoy bilang isang babaing ikinasal sa Diyos, anupat nabubuklod sa Kaniya sa banal na bigkis ng pakikipagtipan. (Isa 51:17, 21, 22; 54:1, 5; 60:1, 14) Sa gayon ay sumagisag ito, o kumatawan, sa buong kongregasyon ng mga taong lingkod ng Diyos. Samakatuwid, ang “Jerusalem sa itaas” ay kumakatawan sa buong kongregasyon ng matapat na mga espiritung lingkod ni Jehova.
Bagong Jerusalem. Sa kinasihang Apocalipsis, ang apostol na si Juan ay nag-ulat ng impormasyon may kinalaman sa “bagong Jerusalem.” (Apo 3:12) Sa pangitain, nakita ni Juan ang “banal na lunsod” na ito na “bumababang galing sa langit mula sa Diyos at nahahandang gaya ng isang kasintahang babae na nagagayakan para sa kaniyang asawang lalaki.” May kaugnayan ito sa pangitaing nakita niya hinggil sa “isang bagong langit at isang bagong lupa.” Ang “kasintahang babae” na ito ay sinasabing “asawa ng Kordero.” (Apo 21:1-3, 9-27) Ikinakapit ng iba pang mga akdang apostoliko ang gayong babae sa Kristiyanong kongregasyon ng mga pinahiran. (2Co 11:2; Efe 5:21-32) Sa Apocalipsis kabanata 14, “ang Kordero” na si Kristo Jesus ay inilalarawan na nakatayo sa Bundok Sion, isang pangalan na iniuugnay rin sa Jerusalem (ihambing ang 1Pe 2:6), at kasama niya ang 144,000 na may pangalan niya at pangalan ng kaniyang Ama na nakasulat sa kanilang mga noo.—Apo 14:1-5; tingnan ang BAGONG JERUSALEM.
Di-tapat na Jerusalem. Yamang ang karamihan ng sinasabi sa Kasulatan may kinalaman sa Jerusalem ay paghatol dito, maliwanag na sumasagisag lamang ang Jerusalem sa makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova at, kung minsan, sa tunay na kongregasyong Kristiyano, ang “Israel ng Diyos,” kapag ito ay tapat. (Gal 6:16) Kapag hindi ito tapat, inilalarawan ito bilang isang patutot at isang babaing nangangalunya; naging tulad ito ng paganong mga Amorita at mga Hiteo na dating kumokontrol sa lunsod na iyon. (Eze 16:3, 15, 30-42) Sa gayong kalagayan, maaari lamang itong kumatawan sa mga apostata, yaong mga sumusunod sa ‘tulad-patutot’ na landasin ng pagtataksil sa Diyos na ang pangalan ay inaangkin nilang taglay nila.—San 4:4.
Sa gayon, ang “Jerusalem” ay ginagamit sa iba’t ibang diwa, at sa bawat kaso ay dapat isaalang-alang ang konteksto upang matamo ang tamang unawa.—Tingnan ang TAKDANG PANAHON NG MGA BANSA, MGA.
[Mapa sa pahina 1193]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
JERUSALEM at ang PALIBOT NITO
Jerusalem
Betlehem
Baal-perazim
Betfage
Betania
Nob
Anatot
Gibeah
Geba
Rama
Gibeon
Emaus
Kiriat-jearim
Micmash
Mizpa
Mataas na Bet-horon
Mababang Bet-horon
Ai
Bethel
[Mga larawan sa pahina 1194]
Bronseng “prutah” na ginawa noong nakikipagdigma ang mga Judio laban sa Roma, na naghahayag ng “Kalayaan ng Sion”
Bronseng “sestertius” na nagpapagunita sa pananakop ng Roma sa Judea; sa harap, si Emperador Vespasian; sa likod, “IVDAEA CAPTA” (nabihag na Judea)