SUSO, DIBDIB
Ang suso ay isang glandulang nilalabasan ng gatas; ang dibdib naman ay kadalasang ginagamit may kinalaman sa harapang bahagi ng katawan ng tao (lalaki o babae) na nasa pagitan ng leeg at ng tiyan. Ang dalawang salitang Hebreo na tumutukoy sa suso ng tao ay ang shadh at shodh. (Sol 8:1; Job 24:9) Ang mga salitang Griego para sa dibdib ay ma·stosʹ (Luc 11:27) at steʹthos. (Apo 15:6) Sa Kasulatan, ang suso o dibdib ng tao ay ginagamit upang tumukoy sa pagiging malapít, matalik na kaugnayan, at pabor (Sol 1:13; Ju 13:25; 21:20); pagkamaygulang (Sol 8:8, 10; Eze 16:7); kagandahan (Sol 4:5; 7:3, 7, 8); seksuwal na pakikipagtalik (“sa pagitan ng kaniyang mga suso” [Os 2:2]; ‘pinagpipisil ang mga suso,’ ‘hinipo ang mga dibdib’ [Eze 23:3, 21]); pagiging palaanakin (Gen 49:25; Os 9:14); pagbubunyi at kasaganaan (Isa 60:16; 66:11). Ang ‘pagdagok sa mga dibdib’ o ‘paglabnot sa mga suso’ ay nagpapahiwatig ng matinding kahihiyan, kabagabagan, at pamimighati.—Isa 32:12; Eze 23:34; Luc 18:13; 23:48.
Isang babaing nakarinig sa pagsasalita ni Jesus ang sumigaw: “Maligaya ang bahay-bata na nagdala sa iyo at ang mga dibdib na iyong sinusuhan!” Yamang bawat babae ay nagnanais na magkaroon ng isang mahusay na anak na lalaki, at ninais ng mga babaing Judio na magkapribilehiyong maging ina ng isang propeta at lalo na ng Mesiyas, mauunawaan natin kung bakit gayon ang sinabi ng babaing Judiong ito. Ngunit sumagot si Jesus, “Hindi, sa halip, Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!” at ipinakitang hindi ang pagiging malapít kay Jesus ayon sa laman ang mahalaga; ang espirituwalidad ng isa ang mahalaga. Dahil sa simulaing ito, hindi dapat sambahin si Maria bilang ina ng ating Panginoon.—Luc 11:27, 28.
Dahil nalalapit na noon ang pagkawasak ng Jerusalem, kasabay ng kakila-kilabot na pagpatay sa mga tumatahan dito, sinabi ni Jesus: “Narito! dumarating ang mga araw na sasabihin ng mga tao, ‘Maligaya ang mga babaing baog, at ang mga bahay-bata na hindi nanganak at ang mga dibdib na hindi nagpasuso!’”—Luc 23:29; ihambing ang Jer 16:1-4.
Sa pamamagitan ng paggamit ng ibang termino, ipinakita ng Hebreong Kasulatan ang pagkakaiba sa pagitan ng dibdib ng tao at ng dibdib ng mga hayop, yamang magkaiba ang kayarian ng mga ito. Sa mga haing pansalu-salo na ginagawa noon ng mga Israelita, ang dibdib (sa Heb., cha·zehʹ) ng haing hayop ang takdang bahagi ng saserdote bilang kaniyang pagkain.—Lev 7:29-35; 10:14, 15.
Dibdib (sa Ingles, bosom). Ang salitang ito ay kadalasang tumutukoy sa tupi ng itaas na bahagi ng mahabang damit, sa halip na sa mismong dibdib. Sa Hebreo, ang dibdib ay tinutukoy ng mga salitang chehq (1Ha 1:2) at choʹtsen (Ne 5:13), at ng doblihang anyo ng dadh (Eze 23:3); sa Griego naman ay kolʹpos. (Ju 13:23) Ang isa na pinakaiibig o minamahal ay hinahawakan nang malapit sa dibdib ng isa (sa Heb., chehq), kung paanong hinawakan ni Noemi ang sanggol ni Ruth na si Obed, nang kinikilala niya ito bilang ang legal na tagapagmana ng namatay na asawa ni Noemi na si Elimelec. (Ru 4:16) Sa kaugaliang paghilig sa mga kainan, ang isang tao na nasa harap ng dibdib ng isa pa ay may matalik na kaugnayan dito, karaniwan nang ang pinapaborang posisyon. (Ju 13:23) Ginamit ni Jesus ang kilaláng kaugaliang ito nang ilarawan niya si Lazaro bilang nasa “dakong dibdib ni Abraham,” anupat tumutukoy sa pabor ng Diyos. (Luc 16:22, 23) Inilarawan ng apostol na si Juan si Jesus bilang “nasa dakong dibdib ng Ama,” bilang may matalik na kaugnayan kay Jehova, ang kaisa-isang persona na makapagpapaliwanag sa Diyos nang higit at mas detalyado kaysa kaninupaman.—Ju 1:18; tingnan ang DIBDIB, DAKONG.
Noong panahon ng Bibliya, ang kasuutan ng mga Israelita ay medyo makapal sa bandang dibdib, anupat sa mga tupi nito ay maaaring ipasok ng isang tao ang kaniyang mga kamay, salapi, o iba pang mga bagay at maaari pa ngang dito buhatin ang isang sanggol o isang maliit na kordero. (Exo 4:6, 7; Bil 11:12; 2Sa 12:3) Sinasabi ni Jehova na bubuhatin niya ang kaniyang mga kordero sa kaniyang dibdib, isang ilustrasyon tungkol sa kaniyang magiliw na pag-ibig at pangangalaga sa kanila. (Isa 40:11) Ang pananalitang “asawang babae ng dibdib [ng isa],” gaya ng mababasa sa ilang salin (KJ; Ro; RS; AT), ay mas mauunawaan kapag isinaling, “asawang babae na minamahal mo sa iyong dibdib” (Kx), “ang iyong minamahal na asawa.” (NW) (Deu 13:6; 28:54) Kung minsan ay pagtatalik ang tinutukoy nito.—Gen 16:5; 2Sa 12:8.
Ang mga pananalitang ‘igagawad ang kagantihan sa kanilang dibdib’ o ‘susukatin sa kanilang dibdib ang kanilang kabayaran’ ay madaling maunawaan kung isasaalang-alang natin na ang mga bulsa ng mga kasuutan ay wala sa mga laylayan o sa bandang ibaba ng kasuutan gaya sa ngayon. (Isa 65:6, 7; Aw 79:12; Jer 32:18) Sa katulad na paraan, ang mga pananalitang ‘pagdadala ng pandurusta sa dibdib ng isa,’ ‘pagtutumpok ng apoy sa kaniyang dibdib,’ ‘pagtanggap ng suhol mula sa dibdib’ at “suhol na nasa dibdib” ay tumutukoy sa paggamit sa pang-itaas na mga tupi ng kasuutan.—Aw 89:50; Kaw 6:27; 17:23; 21:14.