ZEDEKIAS
[Si Jehova ay Katuwiran].
1. “Anak ni Kenaana”; isang bulaang propeta na nagbigay-katiyakan kay Haring Ahab na magtatagumpay ito sa pagsisikap nitong agawin ang Ramot-gilead mula sa mga Siryano. Si Zedekias ay “gumawa para sa kaniyang sarili ng mga sungay na bakal” upang ilarawan na itutulak ni Ahab ang mga Siryano tungo sa kanilang pagkalipol. Pagkatapos nito, nang ang tunay na propeta ni Jehova na si Micaias ay humula ng kapahamakan para kay Ahab, sinampal ni Zedekias sa pisngi si Micaias.—1Ha 22:11, 23, 24; 2Cr 18:10, 22, 23.
2. Isang prinsipe noong panahon ni Haring Jehoiakim.—Jer 36:12.
3. “Anak ni Maaseias”; isang mapangalunya at sinungaling na propeta na kabilang sa mga tapon sa Babilonya. Inihula ng propeta ni Jehova na si Jeremias na iihawin ni Haring Nabucodonosor sa apoy si Zedekias at ang kasamahan nitong si Ahab.—Jer 29:21-23.
4. Anak ni Josias sa kaniyang asawang si Hamutal; huli sa mga Judeanong hari na naghari sa Jerusalem. Nang gawin siyang basalyong hari, ang kaniyang pangalang Matanias ay pinalitan ng Babilonyong si Haring Nabucodonosor at ginawang Zedekias. Sa panahon ng 11 taon ng kaniyang paghahari, si Zedekias ay ‘patuloy na gumawa ng masama sa paningin ni Jehova.’—2Ha 24:17-19; 2Cr 36:10-12; Jer 37:1; 52:1, 2.
Sa 1 Cronica 3:15, si Zedekias ay nakatala bilang ang “ikatlo” sa mga anak ni Josias. Bagaman ang totoo ay ikaapat na anak siya ayon sa pagkakasunud-sunod ng kapanganakan (ihambing ang 2Ha 23:30, 31; 24:18; Jer 22:11), dito ay maaaring inilagay siyang una sa kaniyang tunay na kapatid na si Salum (Jehoahaz) dahil mas matagal siyang namahala.
Nang ang kaniyang ama, si Haring Josias, ay masugatan ng ikamamatay sa pagtatangkang paatrasin ang mga hukbong Ehipsiyo sa ilalim ni Paraon Necoh sa Megido (mga 629 B.C.E.), si Zedekias ay mga siyam na taóng gulang, o mas matanda nang mga tatlong taon sa kaniyang pamangking si Jehoiakin. Nang panahong iyon, ang tunay na kapatid ni Zedekias, ang 23-taóng-gulang na si Jehoahaz, ay ginawa ng bayan na maging kanilang hari. Tatlong buwan lamang ang itinagal ng pamamahala ni Jehoahaz, sapagkat inalis siya ni Paraon Necoh sa pagiging hari, anupat inihalili sa kaniya si Eliakim (na binago ang pangalan tungo sa Jehoiakim), ang 25-taóng-gulang na kapatid sa ina nina Jehoahaz at Zedekias. Pagkamatay ng kaniyang amang si Jehoiakim, si Jehoiakin ay nagsimulang mamahala bilang hari. Lumilitaw na nang panahong iyon ay kinukubkob ng mga hukbong Babilonyo sa ilalim ni Haring Nabucodonosor ang Jerusalem. Pagkatapos maghari nang tatlong buwan at sampung araw, si Jehoiakin ay sumuko sa hari ng Babilonya (617 B.C.E.).—2Ha 23:29–24:12; 2Cr 35:20–36:10.
Unang mga Taon ng Paghahari. Pagkatapos nito, inilagay ni Nabucodonosor si Zedekias sa trono sa Jerusalem at pinanumpa ito sa pangalan ni Jehova. Ang sumpang iyon ay umuubliga kay Zedekias na maging isang matapat na basalyong hari.—2Cr 36:10, 11; Eze 17:12-14; ihambing ang 2Cr 36:13.
Maliwanag na maaga pa sa paghahari ni Zedekias ay dumating ang mga mensahero mula sa Edom, Moab, Ammon, Tiro, at Sidon, marahil ay may intensiyon na hikayatin si Zedekias na sumama sa kanila sa isang koalisyon laban kay Haring Nabucodonosor. (Jer 27:1-3; ang pagtukoy kay Jehoiakim sa talata 1 sa halip na kay Zedekias ay maaaring isang pagkakamali ng tagakopya; tingnan ang tlb sa Rbi8.) Hindi isinisiwalat ng Kasulatan kung ano talaga ang naisagawa ng mga mensahero. Posibleng hindi nagtagumpay ang kanilang misyon, yamang hinimok ni Jeremias si Zedekias at ang mga sakop nito na manatiling mapagpasakop sa hari ng Babilonya at nagharap din ng mga pamatok sa mga mensahero bilang sagisag na dapat ding magpasakop kay Nabucodonosor ang mga bansa na kanilang pinanggalingan.—Jer 27:2-22.
Maaga pa rin sa kaniyang paghahari ay isinugo ni Zedekias (sa isang kadahilanang hindi binanggit sa Bibliya) sina Elasa at Gemarias sa Babilonya. Kung ang insidente ay inihaharap ayon sa kronolohikal na pagkakasunud-sunod, papatak ito sa ikaapat na taon ng paghahari ni Zedekias.—Jer 28:1, 16, 17; 29:1-3.
Si Zedekias ay personal na pumaroon sa Babilonya noong ikaapat na taon ng kaniyang paghahari. Malamang na ito ay sa layuning maghandog ng tributo at sa gayon ay magbigay-katiyakan kay Nabucodonosor hinggil sa kaniyang patuloy na pagkamatapat bilang isang basalyong hari. Sa pagkakataong iyon ay sinamahan si Zedekias ng kaniyang pinunong tagapangasiwa na si Seraias, na siyang pinagkatiwalaan ng propetang si Jeremias ng isang balumbon na nagsasaad ng kahatulan ni Jehova laban sa Babilonya.—Jer 51:59-64.
Pagkaraan ng mga isang taon, si Ezekiel ay nagsimulang maglingkod bilang isang propeta sa gitna ng mga Judiong tapon sa Babilonia. (Eze 1:1-3; ihambing ang 2Ha 24:12, 17.) Noong ikaanim na buwan ng ikaanim na taon ni Zedekias bilang hari (612 B.C.E.), nakakita si Ezekiel ng isang pangitain na nagsiwalat sa idolatrosong mga gawain, kalakip ang pagsamba sa diyos na si Tamuz at sa araw, na isinasagawa sa Jerusalem.—Eze 8:1-17.
Naghimagsik Laban kay Nabucodonosor. Pagkaraan ng mga tatlong taon (mga 609 B.C.E.), salungat sa salita ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias at sa sumpa na binitiwan mismo ng hari sa pangalan ni Jehova, si Zedekias ay naghimagsik laban kay Nabucodonosor at nagsugo sa Ehipto para sa tulong na pangmilitar. (2Ha 24:20; 2Cr 36:13; Jer 52:3; Eze 17:15) Nagbunga ito ng pagparoon ng mga hukbong Babilonyo sa ilalim ni Nabucodonosor laban sa Jerusalem. Ang pagkubkob sa lunsod ay nagsimula “nang ikasiyam na taon, nang ikasampung buwan, noong ikasampung araw ng buwan.”—Eze 24:1-6.
Maaaring sa pasimula ng pagkubkob na ito isinugo ni Zedekias “si Pasur na anak ni Malkias at si Zefanias na anak ni Maaseias, ang saserdote,” kay Jeremias upang mag-usisa kay Jehova kung uurong si Nabucodonosor mula sa Jerusalem. Ang salita ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias ay nagsabing makararanas ang lunsod at ang mga tumatahan doon ng kapahamakan sa mga kamay ng mga Babilonyo. (Jer 21:1-10) Lumilitaw na pagkatapos nito, si Jeremias, bilang pagsunod sa utos ng Diyos, ay personal na pumaroon kay Zedekias upang ipaalam sa kaniya na ang Jerusalem ay wawasakin at na ang hari ay dadalhin sa Babilonya, upang doon mamatay nang payapa.—Jer 34:1-7.
Sa loob ng kinukubkob na Jerusalem, minarapat ni Zedekias at ng kaniyang mga prinsipe na kumilos upang makasunod sa kautusan ni Jehova at matamo ang Kaniyang lingap. Bagaman hindi iyon ang taon ng Jubileo, gumawa sila ng isang tipan na palayain ang kanilang mga aliping Hebreo mula sa pagkaalipin. Nang maglaon ay sinira nila ang tipang ito sa pamamagitan ng pang-aalipin doon sa mga pinalaya na nila. (Jer 34:8-22) Lumilitaw na naganap ito nang panahong dumating ang isang hukbong militar mula sa Ehipto upang ipagtanggol ang Jerusalem, anupat pansamantalang itinigil ng mga Babilonyo ang pagkubkob upang harapin ang banta ng Ehipto. (Jer 37:5) Maliwanag na dahil naniniwalang matatalo ang mga Babilonyo at hindi makakayanan ng mga ito na ipagpatuloy ang pagkubkob, nadama niyaong mga nagpalaya ng mga inaliping Hebreo na wala nang panganib at sa gayon ay muling kumuha ng mga pinalayang aliping Hebreo upang alipinin.
Noong mga panahong iyon, isinugo ni Zedekias “si Jehucal na anak ni Selemias at si Zefanias na anak ni Maaseias na saserdote kay Jeremias na propeta” taglay ang kahilingan na manalangin ang propeta kay Jehova para sa bayan, maliwanag na upang hindi dumating ang inihulang pagkawasak ng Jerusalem. Ngunit ipinakita ng sagot ni Jehova, na inihatid ni Jeremias, na ang kahatulan ng Diyos ay hindi pa rin nagbabago. Babalik ang mga Caldeo at wawasakin ang Jerusalem.—Jer 37:3-10.
Nang maglaon, nang ipasiya ni Jeremias na umalis sa Jerusalem upang pumaroon sa Benjamin, sinunggaban siya sa Pintuang-daan ng Benjamin at may-kabulaanang inakusahan ng pagkampi sa mga Caldeo. Bagaman itinanggi ni Jeremias ang paratang, hindi siya pinakinggan ni Irias, ang opisyal na nangangasiwa, kundi dinala nito ang propeta sa mga prinsipe. Humantong ito sa pagkabilanggo ni Jeremias sa bahay ni Jehonatan. Pagkalipas ng mahabang panahon at maliwanag na muli na namang kinukubkob ng mga Babilonyo ang Jerusalem, ipinasundo ni Zedekias si Jeremias. Bilang tugon sa pagtatanong ng hari, sinabi ni Jeremias kay Zedekias na ibibigay ito sa mga kamay ng hari ng Babilonya. Nang makiusap si Jeremias na huwag siyang ibalik sa bahay ni Jehonatan, ipinagkaloob ni Zedekias ang kahilingan nito at iniutos na ilagay ito sa pag-iingat sa Looban ng Bantay.—Jer 37:11-21; 32:1-5.
Ang pagiging isang napakahinang tagapamahala ni Zedekias ay ipinahihiwatig ng bagay na, nang sa kalaunan ay hilingin ng mga prinsipe na ipapatay si Jeremias dahil diumano’y pinahihina nito ang loob ng kinukubkob na bayan, sinabi ni Zedekias: “Narito! Siya ay nasa inyong mga kamay. Sapagkat sa anumang bagay ay hindi makapananaig ang hari laban sa inyo.” Ngunit pagkatapos naman nito ay ipinagkaloob ni Zedekias ang kahilingan ni Ebed-melec na sagipin si Jeremias at iniutos na magsama si Ebed-melec ng 30 lalaki upang tumulong sa bagay na ito. Nang maglaon ay muling nakipag-usap nang sarilinan si Zedekias kay Jeremias. Binigyang-katiyakan niya ang propeta na hindi niya ito papatayin ni ibibigay man sa kamay niyaong mga naghahangad ng kamatayan nito. Ngunit natakot si Zedekias sa pagganti ng mga Judio na kumampi sa mga Caldeo kung kaya hindi niya pinakinggan ang kinasihang payo ni Jeremias na sumuko sa mga prinsipe ng Babilonya. Bilang karagdagang pagpapamalas ng kaniyang takot, hiniling ng hari na huwag isiwalat ni Jeremias sa mapaghinalang mga prinsipe kung ano ang kanilang pinag-usapan nang sarilinan.—Jer 38:1-28.
Pagbagsak ng Jerusalem. Nang dakong huli (607 B.C.E.), “nang ikalabing-isang taon ni Zedekias, nang ikaapat na buwan, noong ikasiyam na araw ng buwan,” ang Jerusalem ay napasok. Nang kinagabihan ay tumakas si Zedekias at ang mga lalaking mandirigma. Nang maabutan sa mga disyertong kapatagan ng Jerico, dinala si Zedekias kay Nabucodonosor sa Ribla. Ang mga anak ni Zedekias ay pinatay sa paningin nito. Yamang si Zedekias ay mga 32 taóng gulang lamang nang panahong iyon, tiyak na hindi pa gaanong katandaan ang mga batang ito. Matapos masaksihan ang pagkamatay ng kaniyang mga anak, si Zedekias ay binulag, iginapos ng mga pangaw na tanso, at dinala sa Babilonya, kung saan siya namatay sa bahay-kulungan.—2Ha 25:2-7; Jer 39:2-7; 44:30; 52:6-11; ihambing ang Jer 24:8-10; Eze 12:11-16; 21:25-27.
5. Anak ni Jeconias (Jehoiakin) ngunit lumilitaw na hindi isa sa pito na ipinanganak sa kaniya habang isang bilanggo sa Babilonya.—1Cr 3:16-18.
6. Isang saserdote o ang ninuno ng isang saserdote na kabilang sa mga nagpatotoo sa pamamagitan ng tatak sa “mapagkakatiwalaang kaayusan” na binuo noong panahon ng pagkagobernador ni Nehemias.—Ne 9:38; 10:1, 8.