KABANATA 3
Ang Araw ni Jehova—Isang Napakahalagang Tema
1, 2. (a) Anong napakahalagang tema ang itinawag-pansin ng lahat ng 12 propeta? (b) Paano tuwirang binanggit ng ilan sa 12 propeta ang araw ni Jehova?
“ANG dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.” (Zefanias 1:14) Paulit-ulit na nagbabala ang mga propeta ng Diyos hinggil sa dumarating na araw ni Jehova. Kadalasan, itinatawag-pansin nila kung ano ang dapat maging epekto ng pagdating ng araw ni Jehova sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, sa kanilang mga pamantayang moral, at sa kanilang paggawi. Laging nagbabadya ng pagkaapurahan ang kanilang ipinahahayag na mga mensahe. Kung ikaw mismo ang nakarinig ng mga mensaheng ito, paano ka kaya tutugon?
2 Habang binabasa mo ang isinulat ng 12 propeta, masusumpungan mo na silang lahat ay bumanggit, tuwiran o di-tuwiran man, tungkol sa araw ni Jehova.a Kaya bago isaalang-alang sa sumusunod na mga kabanata ang mahalagang impormasyon na ipinahayag ng mga propetang ito, pag-isipan ang nangingibabaw na tema: ang araw ni Jehova. Tuwirang ginamit ng anim sa mga propeta ang mismong pananalitang iyon o ang katulad na mga termino. Detalyadong inilarawan ni Joel “ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” (Joel 1:15; 2:1, 2, 30-32) Sinabi ni Amos sa mga Israelita na humanda silang harapin ang kanilang Diyos, sapagkat ang araw ni Jehova ay magiging isang araw ng kadiliman. (Amos 4:12; 5:18) Nang maglaon, binigkas ni Zefanias ang mga salitang sinipi sa parapo 1. At bago mismo ang pagkawasak ng Jerusalem, nagbabala si Obadias: “Ang araw ni Jehova laban sa lahat ng mga bansa ay malapit na.”—Obadias 15.
3. Bakit natin nasabi na tinalakay ng mga propeta pagkatapos nilang bumalik mula sa pagkatapon ang hinggil sa araw ni Jehova?
3 Makikita mo rin na gumamit ng katulad na pananalita ang dalawang propetang isinugo sa mga Judio pagkatapos nilang bumalik mula sa pagkatapon. Binanggit ni Zacarias ang hinggil sa araw kung kailan lilipulin ang lahat ng bansang lumaban sa Jerusalem. Buong-linaw na inilarawan niya ang mangyayari sa “isang araw na kilala bilang nauukol kay Jehova.” (Zacarias 12:9; 14:7, 12-15) At binabalaan ni Malakias ang bayan ng Diyos hinggil sa dumarating na “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.”—Malakias 4:1-5.
4. Paano tinukoy ng ilan sa 12 propeta ang araw ni Jehova?
4 Bagaman hindi nila ginamit ang pananalitang “ang araw ni Jehova,” di-tuwirang tinukoy ng iba pa sa 12 propeta ang araw na iyon. Binanggit ni Oseas na pagsusulitin ni Jehova ang Israel at pagkatapos ay ang Juda. (Oseas 8:13, 14; 9:9; 12:2) Ang mga mensaheng ito ay madalas na may kinalaman sa ginawa ni Jehova noong panahong iyon. Halimbawa, ipinahayag ni Jonas ang hatol ng Diyos sa Nineve, at inilarawan ni Mikas ang mangyayari kapag kumilos na ang Diyos laban sa mapaghimagsik na mga bayan. (Jonas 3:4; Mikas 1:2-5) Nangako si Nahum na maghihiganti si Jehova sa Kaniyang mga kalaban. (Nahum 1:2, 3) Humingi ng katarungan si Habakuk at inilarawan niya “ang araw ng kabagabagan.” (Habakuk 1:1-4, 7; 3:16) Ang ilang mensahe sa mga aklat na ito ay tiyak na tumutukoy sa mga pangyayaring may kaugnayan sa tunay na mga Kristiyano. Bilang halimbawa, inihula ni Hagai, isa sa mga propetang humula pagkatapos bumalik ang mga Israelita mula sa pagkatapon, ang pag-uga sa mga bansa. (Hagai 2:6, 7) Sinipi ni apostol Pablo ang pananalita sa Hagai 2:6 upang himukin ang mga Kristiyano na dapat ay nasa sinang-ayunang kalagayan sila kapag inalis ng Diyos ang makasagisag na balakyot na langit.—Hebreo 12:25-29; Apocalipsis 21:1.
ANG ARAW NI JEHOVA—ANO BA ITO?
5, 6. Ayon sa mga propeta, ano ang mangyayari sa araw ni Jehova?
5 Makatuwiran lamang na mag-isip ka kung ano ang mangyayari sa araw ni Jehova. Baka maitanong mo, ‘Apektado ba ng araw ni Jehova ang aking pamumuhay ngayon at ang aking magiging kinabukasan?’ Gaya ng ipinakikita ng mga propeta, ang araw ni Jehova ay ang panahon kapag kumilos siya upang ilapat ang kaniyang hatol laban sa kaniyang mga kaaway, isang araw ng pakikidigma. Ang kakila-kilabot na araw na iyon ay malamang na isang araw ng pambihirang mga pangyayari sa langit. “Ang araw at ang buwan ay tiyak na magdidilim, at ang mismong mga bituin ay magkakait ng kanilang liwanag.” (Joel 2:2, 11, 30, 31; 3:15; Amos 5:18; 8:9) Ano ang mangyayari sa lupang ating tinitirhan? Sinabi ni Mikas: “Ang mga bundok ay matutunaw sa ilalim [ni Jehova], at ang mabababang kapatagan ay mabibiyak, gaya ng pagkit dahil sa apoy, gaya ng tubig na ibinubuhos sa isang dakong matarik.” (Mikas 1:4) Maaaring makasagisag ang paglalarawang ito, subalit mauunawaan natin mula rito na ang pagkilos ng Diyos ay magiging kapaha-pahamak sa lupa at sa mga tumatahan dito. Pero hindi sa lahat ng tao. Binanggit din ng mga propetang iyon ang saganang mga pagpapala para sa mga ‘humahanap sa kabutihan’ at sa gayo’y manatiling buháy.—Amos 5:14; Joel 3:17, 18; Mikas 4:3, 4.
6 Ang iba pa sa 12 propeta ay nagbigay ng mas malinaw na paglalarawan hinggil sa araw ni Jehova. Buháy na buháy ang pagkakalarawan ni Habakuk kung paano dudurugin ni Jehova “ang mga bundok na walang hanggan” at babasagin “ang mga burol na namamalagi nang walang takda,” angkop na mga paglalarawan sa mga organisasyon ng tao, na waring hindi magigiba. (Habakuk 3:6-12) Oo, ang araw ni Jehova “ay araw ng poot, araw ng kabagabagan at ng panggigipuspos, araw ng bagyo at ng pagkatiwangwang, araw ng kadiliman at ng karimlan, araw ng mga ulap at ng makapal na karimlan.”—Zefanias 1:14-17.
7. Anong matinding salot ang inihula, at paano ito maaaring matupad?
7 Gunigunihin ang matinding salot na sasapit sa mga lumalaban sa Diyos! “Mabubulok ang laman ng isa, habang nakatayo siya sa kaniyang mga paa; at ang mismong mga mata ng isa ay mabubulok sa kanilang mga ukit, at ang mismong dila ng isa ay mabubulok sa kaniyang bibig.” (Zacarias 14:12) Kung ang pangitaing ito ay literal man na matutupad o hindi, mauunawaan mo na nagpapahiwatig ito ng kasakunaan para sa marami. Sa paanuman, mabubulok ang dila ng mga kaaway ng Diyos sa diwa na hindi na nila magagawang magsalita pa nang may pagsalansang. At anumang nagkakaisang pagkilos na naiisip laban sa bayan ng Diyos ay mabibigo.
KUNG BAKIT KIKILOS ANG DIYOS NG PAG-IBIG
8, 9. (a) Upang maunawaan kung bakit kikilos si Jehova laban sa balakyot, ano ang dapat mong isaalang-alang? (b) Paano nauugnay ang iyong pagiging matapat sa araw-araw na pamumuhay sa gagawing pagkilos ni Jehova?
8 Baka narinig mo nang nagtanong ang mga tao: ‘Paano nga magagawa ng isang maibiging Diyos na magdulot ng gayong kasakunaan sa kaniyang mga kaaway? Kailangan pa bang magpasapit ang Diyos ng malaking kapinsalaan sa lupa? Hindi ba hinihimok tayo ni Jesus na patuloy na ibigin kahit ang ating mga kaaway at sa gayo’y patunayan na tayo’y mga anak ng Ama na nasa langit?’ (Mateo 5:44, 45) Para masagot ang mga tanong na ito, maaari mong isaalang-alang ang pasimula mismo ng mga problema ng sangkatauhan. Nilalang ng Diyos ang unang mag-asawa ayon sa kaniyang larawan at wangis—sila ay sakdal. Subalit sila ang nagdala ng kasalanan at kamatayan sa sambahayan ng tao at sa ating buhay. Pumanig sila kay Satanas na Diyablo sa isyu hinggil sa kung sino ang may sukdulang karapatan na mamahala sa sangkatauhan. (Genesis 1:26; 3:1-19) Sa loob ng maraming siglo, sinikap ni Satanas na patunayan na kung hihikayatin ang mga tao na iwan si Jehova, hindi sila maglilingkod sa Kaniya. Alam mong nabigo si Satanas. Nanatiling tapat sa Diyos si Jesu-Kristo at ang maraming iba pang lingkod ni Jehova at ipinakita nilang naglilingkod sila sa Kaniya dahil iniibig nila Siya. (Hebreo 12:1-3) Tiyak na marami kang naiisip na pangalan ng tapat na mga naglilingkod sa Diyos!
9 Nasasangkot ka rin sa isyung ito na matatapos kapag inalis na ni Jehova ang kabalakyutan. Halimbawa, habang binabasa mo ang 12 aklat na ito, mapapansin mo na itinawag-pansin ng ilang propeta ang maluhong istilo ng pamumuhay ng mga taong nagpapabaya sa pagsamba kay Jehova. Pinayuhan ng mga propeta ang bayan ng Diyos na ‘ituon ang kanilang puso sa kanilang mga lakad’ at baguhin ang kanilang buhay. (Hagai 1:2-5; 2:15, 18; Amos 3:14, 15; 5:4-6) Oo, ipinakita ng mga propeta sa bayan kung paano sila dapat mamuhay. Ipinakita ng mga tumanggap sa payong iyon na si Jehova ang kanilang Soberano, sa gayo’y pinatutunayang sinungaling si Satanas. Ipakikita naman ni Jehova ang kaniyang katapatan sa kanila kapag nilipol niya ang kaniyang mga kaaway.—2 Samuel 22:26.
10. Bakit ang nasaksihan ni Mikas ay karagdagang dahilan upang kumilos si Jehova?
10 May isa pang dahilan kung bakit kikilos ang Diyos. Pansinin ang nangyari noong ikawalong siglo B.C.E. nang humula si Mikas sa Juda. Sa pagsasalita na parang siya ang bansa, itinulad niya ang kalagayan ng Juda sa isang ubasan o taniman pagkatapos ng pag-aani, na walang anumang natirang ubas o igos. Ganiyan ang kalagayan sa lipunan ng Juda, kung saan halos wala kang makitang mga matuwid. Hinuhuli ng mga Israelita ang kanilang mga kababayan, anupat nag-aabang upang magbubo ng dugo. Ang kanilang mga lider at mga hukom ay naghahangad ng sakim na pakinabang. (Mikas 7:1-4) Kung nabuhay ka sa ganoong kalagayan, ano kaya ang madarama mo? Malamang na mahahabag ka sa inosenteng mga biktima. Kung gayon, tiyak na higit pa riyan ang nadarama ni Jehova sa mga nasisiil! Sa ngayon, maingat na sinusuri ni Jehova ang sangkatauhan. Ano sa palagay mo ang nakikita niya? May-kalupitang pinagsasamantalahan ng mga maniniil ang iba at marahas na sinasalakay ang kanilang kapuwa. Kung tungkol sa mga matapat, kakaunti sila kung ihahambing sa populasyon ng daigdig. Subalit hindi tayo dapat masiraan ng loob. Dahil sa pag-ibig sa mga biktima, maglalapat si Jehova ng katarungan.—Ezekiel 9:4-7.
11. (a) Ano ang kahulugan ng araw ni Jehova para sa mga natatakot sa kaniya? (b) Paano naapektuhan ng babalang mensahe ni Jonas ang mga Ninevita?
11 Maliwanag, ang araw ni Jehova ay nangangahulugan ng pagkalipol para sa kaniyang mga kaaway at pagliligtas naman para sa mga natatakot at naglilingkod sa kaniya.b Inihula ni Mikas na huhugos ang mga bansa sa bundok ng bahay ni Jehova, anupat magbubunga ng pambuong-daigdig na kapayapaan at pagkakaisa. (Mikas 4:1-4) Nagbago ba ang mga tao noon nang ipahayag ng mga propeta ang araw ni Jehova? Mayroong ilan. Alalahanin na nang ipahayag ni Jonas ang hatol laban sa Nineve, ang mararahas at napakasamang mga taong nakatira sa lunsod na iyon ay “nagsimulang manampalataya sa Diyos” at “tinalikuran nila ang kanilang masamang lakad.” Bilang resulta, hindi pinasapit ni Jehova ang kalamidad noong panahong iyon. (Jonas 3:5, 10) Talagang naapektuhan ng mensahe tungkol sa nalalapit na araw ng paghatol ni Jehova ang buhay ng mga Ninevita!
PAANO KA NAAAPEKTUHAN NG ARAW NA IYON?
12, 13. (a) Tungkol kanino humula ang 12 propeta? (b) Bakit natin masasabi na ang makahulang mga salita ng 12 propeta ay may higit pang katuparan sa hinaharap?
12 Baka may tumutol, ‘Pero ang mga propetang iyon ay nabuhay daan-daang taon na ang nakalipas. Ano naman ang kinalaman sa akin ng kanilang mga mensahe tungkol sa araw ni Jehova?’ Totoo, ang mga propetang iyon ay nabuhay daan-daang taon bago pa ipanganak si Jesus, subalit dapat nating isaalang-alang kung ano ang kahalagahan ng kanilang mensahe tungkol sa araw ni Jehova para sa ika-21 siglo. Anu-anong praktikal na kapakinabangan ang makukuha natin sa sinabi nila tungkol sa dakilang araw ni Jehova? May mahalagang salik upang makita ang kahalagahan at kapakinabangan ng kanilang mensahe. Ito ay ang pagtanggap natin na nagbabala ang mga propeta tungkol sa araw ni Jehova laban sa Israel, Juda, nakapalibot na mga bansa, at sa partikular na mga kapangyarihang pandaigdig noong panahong iyon.c Ang mahalaga ay natupad ang mga hulang iyon! Talagang sinalakay ng mga Asiryano ang Samaria, ang Juda ay naging tiwangwang noong 607 B.C.E., at di-nagtagal ay nawasak ang kalabang mga bansa sa palibot. Nang dakong huli, bumagsak ang kapangyarihang pandaigdig ng Asirya at Babilonya, at ang lahat ng ito ay katuparan ng espesipikong mga hula.
13 Pag-isipan naman ngayon ang araw ng Pentecostes 33 C.E., pagkatapos ng mahabang panahon mula nang unang matupad ang marami sa mga hulang iyon. Noong araw na iyon, ikinapit ni apostol Pedro ang hula ni Joel sa naganap na pagbubuhos ng banal na espiritu ng Diyos. Pagkatapos ay sumipi si Pedro sa aklat ng Joel: “Ang araw ay magiging kadiliman at ang buwan ay magiging dugo bago dumating ang dakila at maningning na araw ni Jehova.” (Gawa 2:20) Ipinakikita nito na magkakaroon ng iba pang katuparan ang mga hula tungkol sa araw ni Jehova. Kung tungkol sa hula ni Joel, nagkaroon ito ng ikalawang katuparan noong 70 C.E. nang wasakin ng hukbong Romano ang Jerusalem, at talaga namang ito ay isang panahon ng kadiliman at dugo.
14, 15. (a) Bakit natin masasabi na mahalaga sa atin sa ngayon ang mga hula tungkol sa araw ni Jehova? (b) Kailan natin maaasahang darating ang araw ni Jehova?
14 Gayunman, mayroon pang pangwakas na katuparan ang hula ni Joel at ang iba pang hula tungkol sa araw ni Jehova, na kumakapit sa atin na nabubuhay sa ika-21 siglo. Bakit natin nasabi ito? Pinayuhan ni Pedro ang mga Kristiyano na ingatang “malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.” Sinabi pa ng apostol: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:12, 13) Walang mga bagong langit (isang bagong pamahalaan ng Diyos) at isang bagong lupa (isang lipunan ng mga taong matuwid sa ilalim ng pamahalaang iyon) ang naitatag pagkatapos mawasak ang Jerusalem noong 70 C.E. Kaya tiyak na may iba pang katuparan ang makahulang mga salita tungkol sa araw ni Jehova. Oo, napakahalaga ng mga hulang ito sa atin sa ngayon na nabubuhay sa “mga panahong mapanganib”!—2 Timoteo 3:1.
15 Ang pinagsama-samang paglalarawan tungkol sa araw ni Jehova sa 12 aklat na ito ng Bibliya ay nag-uudyok sa atin na pag-isipan ang mga salita ni Jesu-Kristo: “Magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” Sinabi niya na “kaagad pagkatapos” magsimula ang malaking kapighatian, “ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig.” (Mateo 24:21, 29) Tumutulong ito sa atin na malaman ang yugto ng panahon kung kailan darating ang araw ni Jehova. Napakalapit na nito. Ipinakikita ng Kasulatan na mawawasak sa malaking kapighatian ang “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Pagkatapos, bilang kasukdulan ng malaking kapighatian, lilipulin sa araw ni Jehova ang mga kaaway ng Diyos sa ibabaw ng lupa.—Apocalipsis 17:5, 12-18; 19:11-21.
16. Paano magkakaroon ng malaking katuparan ang mga hula tungkol sa araw ni Jehova?
16 Nauunawaan ng mga Saksi ni Jehova ang mga pitak ng katuparan ng mga hula tungkol sa araw ni Jehova. Madalas at sa iba’t ibang paraan, ang apostatang Jerusalem, di-tapat na Samaria, napopoot na mga Edomita, mararahas na Asiryano, at mga Babilonyo ay lumalarawan sa mga aspekto ng huwad na relihiyon. Lilipulin ang lahat ng huwad na relihiyon sa unang yugto ng malaking kapighatian. Pagkatapos, lilipulin naman sa “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova” ang pulitikal at komersiyal na mga kalaguyo ng huwad na relihiyon.—Joel 2:31.
MAGING HANDA KAYO
17, 18. (a) Bakit bumigkas si Amos ng kaabahan sa mga “naghahangad ng araw ni Jehova”? (b) Ano ang mangyayari sa mga hindi handa sa araw ni Jehova?
17 Dahil pangunahin nang kumakapit sa huwad na relihiyon ang mga mensahe ng kahatulan, baka inaakala ng ilang Kristiyano na hindi sila maaapektuhan ng katuparan ng mga hulang ito. Subalit ang sinabi ni Amos sa mga Israelita ay mahalaga sa lahat: “Sa aba niyaong mga naghahangad ng araw ni Jehova!” Inakala ng ilang Israelita noong panahon ni Amos na ang araw ni Jehova ay mangangahulugan lamang ng mga pagpapala para sa kanila, anupat naniniwalang ito ang araw na kikilos ang Diyos para sa kaniyang bayan. Hinangad pa nga nila ang araw na iyon! Gayunman, sa mga makasarili, ang araw ni Jehova ay magiging “kadiliman, at walang liwanag,” ang pagpapatuloy ni Amos. Oo, matitikman ng mga Israelitang iyon ang poot ni Jehova!—Amos 5:18.
18 Pagkatapos, inilarawan ni Amos ang mangyayari sa mga naghahangad ng araw ni Jehova. Isipin ang isang lalaking tumatakas mula sa isang leon, na nakasalubong naman ang isang oso. Habang tumatakas sa oso, nanganlong siya sa isang bahay. Habang humihingal, isinara niya ang pinto, at sumandal sa dingding, upang makagat lamang ng ahas. Sa katulad na paraan, iyan ang sasapitin ng mga hindi talaga handa sa araw ni Jehova.—Amos 5:19.
19. Sa anu-anong praktikal na paraan dapat tayong maghanda para sa araw ni Jehova?
19 Nakikita mo ba ang praktikal na kahalagahan ng ulat na ito sa iyo? Alalahanin na nakatuon ang mensahe ni Amos sa isang bayang nakaalay sa Diyos. Gayunman, may kailangan silang baguhin sa kanilang mga kilos at saloobin. Hindi ba nararapat na suriin mo ang iyong buhay upang malaman kung handa ka na sa napakahalagang araw na iyon o kung kailangan mong gumawa ng ilang pagbabago? Paano mo mapatutunayan kung talagang handa ka na? Maliwanag, hindi ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang kanlungan, pag-iimbak ng mga pagkain, pag-aaral kung paano dadalisayin ang tubig, o pag-iimbak ng mga baryang ginto, gaya ng ginagawa ng ilan na naghahanda upang makaligtas sa inaakala nilang pagkawasak ng lipunan. “Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw ng poot ni Jehova,” ang sabi ni Zefanias. Kaya ang pagiging handa ay hindi nakadepende sa pag-iimbak ng materyal na mga bagay. (Zefanias 1:18; Kawikaan 11:4; Ezekiel 7:19) Sa halip, dapat tayong maging alisto sa espirituwal at mamuhay araw-araw bilang mga taong nakahanda. Dapat tayong magkaroon ng tamang saloobin—at kumilos kasuwato nito. Sinabi ni Mikas: “Sa ganang akin, si Jehova ang patuloy kong hihintayin. Ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa Diyos ng aking kaligtasan.”—Mikas 7:7.
20. Anu-anong salik ang hindi nababago ng ating mapaghintay na saloobin?
20 Kung mayroon kang ganitong mapaghintay na saloobin, mapatutunayan mong handa ka anupat nagbabantay sa araw ni Jehova. Hindi ka mababahala hinggil sa petsa ng pagdating ng araw na iyon o kung gaano katagal mo nang hinihintay ito. Matutupad ang lahat ng hula may kinalaman sa araw na iyon ayon sa takdang panahon ni Jehova at hindi iyon maaantala. Sinabi ni Jehova kay Habakuk: “Ang pangitain ay sa takdang panahon pa, at iyon ay patuloy na nagmamadali patungo sa kawakasan, at hindi iyon magsisinungaling. Kung iyon man ay magluwat [sa pangmalas ng tao], patuloy mong hintayin iyon; sapagkat iyon ay walang pagsalang magkakatotoo. Hindi iyon maaantala [sa pangmalas ni Jehova].”—Habakuk 2:3.
21. Paano ka makikinabang sa tatalakayin sa aklat na ito?
21 Sa aklat na ito, matututuhan mo kung paano mo maipakikita ang mapaghintay na saloobin sa pagliligtas ng Diyos. Anu-anong kapakinabangan ang maaasahan mo sa pagbabasa ng aklat na ito? Buweno, ito ay magtutuon ng pansin sa bahagi ng Bibliya na waring di-pamilyar sa iyo—ang tinatawag na 12 Pangalawahing Propeta. Kaya, mauunawaan mo ang pumupukaw-kaisipang mga punto. Halimbawa, sa Seksiyon 2, maisasaalang-alang mo kung paano ‘hahanapin si Jehova’ at patuloy na mabuhay. (Amos 5:4, 6) Batay sa 12 aklat na ito, mauunawaan mo kung paano higit na makikilala si Jehova at mas malinaw na makikita ang kahalagahan ng paglilingkod sa kaniya nang lubus-lubusan. Sa tulong ng mga propetang ito, tiyak na lalalim ang pagkaunawa mo sa personalidad ni Jehova. Sa Seksiyon 3, lalo mong mauunawaan kung ano ang inaasahan sa iyo ni Jehova sa pakikitungo mo sa mga miyembro ng iyong pamilya at sa iba. Makatutulong iyan sa iyo na maging handa sa kaniyang dakilang araw. Kahuli-hulihan, sa Seksiyon 4, masusuri mo ang payo ng mga propeta hinggil sa kung ano ang dapat na maging saloobin mo habang papalapit ang araw ni Jehova, at matututuhan mo rin kung paano dapat makaapekto ang payo ng mga propeta sa iyong ministeryong Kristiyano. Walang alinlangan, masasabik kang isaalang-alang ang mensahe ng mga propeta hinggil sa magiging kinabukasan mo.
22. Paano ka tutugon sa payo na masusumpungan sa mga aklat ng 12 propeta?
22 Naaalaala mo ba ang apurahang mensahe ni Zefanias na sinipi sa pasimula ng kabanatang ito? (Zefanias 1:14) Nakaapekto ang kaniyang mensahe sa buhay ng kabataang si Haring Josias. Noong siya ay 16 anyos pa lamang, sinimulang hanapin ni Josias si Jehova. Nang siya’y 20 anyos na, sinimulan niya ang isang kampanya laban sa pagsamba sa mga idolo, kasuwato ng paghimok ni Zefanias sa bayan ng Juda at Jerusalem. (2 Cronica 34:1-8; Zefanias 1:3-6) Nakaaapekto ba sa iyong pang-araw-araw na buhay ang babala tungkol sa araw ni Jehova, gaya ng naging epekto nito sa buhay ni Josias? Tingnan natin kung paano makatutulong sa bawat isa sa atin ang 12 propeta.
a Kapuwa si Isaias, kapanahon ng unang grupo ng 12 propetang ito, at si Ezekiel, kapanahon ng ikalawang grupo, ay nagbabala rin tungkol sa araw ni Jehova.—Isaias 13:6, 9; Ezekiel 7:19; 13:5; tingnan ang Kabanata 2 ng aklat na ito, parapo 4-6.
b Para sa karagdagang patotoo ng positibong aspektong ito, pakisuyong basahin ang Oseas 6:1; Joel 2:32; Obadias 17; Nahum 1:15; Habakuk 3:18, 19; Zefanias 2:2, 3; Hagai 2:7; Zacarias 12:8, 9; at Malakias 4:2.
c Ang ilan sa 12 propeta ay humula laban sa maraming bansa, hindi lamang sa isa.