TANDA
Isang bagay, pagkilos, situwasyon, o pambihirang pagtatanghal na may kahulugan bilang pahiwatig ng iba pang bagay hinggil sa kasalukuyan o sa hinaharap. Ang tanda (sa Heb., ʼohth; sa Gr., se·meiʹon) ay maaaring isang katibayan ng pagiging tunay o ng awtoridad, isang babala tungkol sa panganib, o isang pahiwatig hinggil sa matalinong landasin na dapat sundin.
Sa maraming tanda na inilaan ni Jehova upang pumatnubay sa mga tao, ang unang binanggit ay ang mga tanglaw sa langit, ang araw at ang buwan. (Gen 1:14) Ang mga ito ay mga tagapagpahiwatig ng panahon at nakikitang mga tanda ng pag-iral at mga katangian ng Diyos. (Aw 19:1-4; Ro 1:19, 20) Maliwanag na dahil sa paghahanap ng mga tanda sa mga tanglaw na ito at gayundin sa mga bituin, gaya ng ginagawa sa astrolohiya, kung kaya ‘nangilabot’ ang mga bansa, gaya ng binabanggit sa Jeremias 10:2.
Mga Layunin ng mga Tanda. Nagbigay si Jehova ng mga tanda bilang katiyakan na totoo at maaasahan ang kaniyang mga salita. (Jer 44:29; 1Sa 2:31-34; 10:7, 9; 2Ha 20:8-11) Pinatunayan ng mga ito ang pagsuporta ng Diyos kay Moises o sa iba pang mga lingkod Niya (Exo 3:11, 12; ihambing ang Huk 6:17, 20-22), sa isang apostol (2Co 12:12), at sa kongregasyong Kristiyano (1Co 14:22).
Hindi naman kailangan ang mga tanda upang patunayang sinusuportahan ng Diyos ang isa, gaya ng makikita sa kaso ni Juan na Tagapagbautismo. (Ju 10:41; Mat 11:9-11) Bukod diyan, ang isang bulaang propeta ay maaaring makapagsagawa ng isang tanda, ngunit mapatutunayan na siya’y huwad batay sa mga pamantayang itinakda ni Jehova.—Deu 13:1-5; 18:20-22; Isa 44:25; Mar 13:22; 2Te 2:9; Apo 13:13, 14; 19:20.
Ang ilang tanda ay mga tagapagpaalaala o pinakaalaala. (Gen 9:12-14; 17:11; Ro 4:11) Ang mga Sabbath at ang Paskuwa ay naging mga pinakaalaalang tanda para sa mga Judio. (Exo 13:3-9; 31:13; Eze 20:12, 20) Bukod diyan, ang isang literal o makasagisag na tanda ay maaaring magsilbing pagkakakilanlan ng isang bagay.—Bil 2:2; Exo 12:13.
Mga Tanda na Ginamit sa Panghuhula. Sa ilang kaso, ang isang tanda ay maaaring tumukoy sa anumang itinuturing na nagbibigay ng pahiwatig tungkol sa mangyayari sa hinaharap. Maaaring ito’y isang situwasyon o pangyayari na ipinapalagay na nagbabadya ng mabuti o masama. Sa gayong mga kaso, ang salitang Hebreo na ginamit para sa “tanda” ay naʹchash. (Gen 30:27; Bil 24:1) Gayunman, ang paghahanap ng mga tanda, bilang isang anyo ng panghuhula, ay espesipikong ipinagbawal ng kautusan ng Diyos sa Israel. (Lev 19:26; Deu 18:10) Sa kabila nito, ang mga apostatang gaya ng Judeanong si Haring Manases ay naghanap ng mga tanda. (2Ha 17:17; 21:6) Yamang hinahatulan ng Kasulatan ang gawaing ito, maliwanag na ang sinabi ng tapat na si Jose na ginagamit niya ang kaniyang pilak na kopa upang makabasa ng mga tanda ay bahagi lamang ng isang panlilinlang. (Gen 44:5, 15) Sa pagsasabi ng gayon, ipinakilala ni Jose ang kaniyang sarili, hindi bilang isa na nananampalataya kay Jehova, kundi bilang isang administrador ng isang lupain kung saan laganap ang huwad na pagsamba. Sa gayo’y hindi siya nagpahiwatig na mayroon siyang anumang kaugnayan sa kaniyang mga kapatid at naitago niya ang kaniyang tunay na pagkakakilanlan.—Tingnan ang PANGHUHULA.
Isang Tanda na Hiniling kay Jesus. Noong panahon ng ministeryo ni Jesus, nagsagawa siya ng maraming tanda na tumulong sa maraming tao upang maniwala sa kaniya. (Ju 2:23) Ngunit ang mga tandang iyon ay hindi nag-udyok sa mga taong may mapagmatigas na puso upang manampalataya kay Jesus. (Luc 2:34; Ju 11:47, 53; 12:37; ihambing ang Bil 14:11, 22.) Sa dalawang pagkakataon, hinilingan ng relihiyosong mga lider si Jesus na magtanghal sa kanila ng isang tanda mula sa langit, anupat malamang ay nais nilang patunayan niya na siya ang Mesiyas sa pamamagitan ng pagsasagawa ng tanda na inihula sa Daniel 7:13, 14, samakatuwid nga, ang pagdating ng “anak ng tao” kasama ng mga ulap sa langit upang tanggapin ang kapangyarihan ng Kaharian. Ngunit hindi pa iyon ang takdang panahon ng Diyos upang tuparin ang hulang ito, at hindi magsasagawa si Kristo ng mapagparangyang pagtatanghal upang pagbigyan lamang ang kanilang makasariling kahilingan. (Mat 12:38; 16:1) Sa halip ay sinabi niya sa kanila na ang tanging tanda na ibibigay sa kanila ay ang “tanda ni Jonas na propeta.” (Mat 12:39-41; 16:4) Pagkatapos na mamalagi nang mga tatlong araw sa loob ng tiyan ng isang pagkalaki-laking isda, si Jonas ay humayo at nangaral sa Nineve. Sa gayon ay naging isang “tanda” si Jonas sa kabisera ng Asirya. Ibinigay sa salinlahi noong panahon ni Jesus ang “tanda ni Jonas” nang si Kristo ay mapasalibingan sa loob ng tatlong araw at buhaying-muli, anupat pagkatapos ay inihayag at pinatotohanan ng kaniyang mga alagad ang pangyayaring iyon. Sa gayong paraan, si Kristo ay naging isang tanda sa salinlahing iyon, ngunit hindi pa rin nakumbinsi ang karamihan ng mga Judio.—Luc 11:30; 1Co 1:22.
Ang Tanda ng Pagkanaririto ni Kristo. Noong nalalapit na ang kamatayan ni Jesus, tinanong siya ng kaniyang mga apostol: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mat 24:3; Mar 13:4; Luc 21:7) Malaki ang kaibahan ng tanong na ito sa mga kahilingan ng relihiyosong mga lider para sa isang tanda. Bagaman kitang-kita na nila noon si Jesus at ang kaniyang mga gawa, ayaw pa ring kilalanin ng mga lider na iyon na siya ang Mesiyas at Haring Itinalaga. (Ju 19:15) Noong minsan ay humiling sila ng isang tanda “upang tuksuhin siya” (Luc 11:16); gayundin, maaaring nais ng ilan na makakita ng mga tanda mula kay Jesus dahil lamang sa kanilang pagkamausisa, gaya ni Herodes. (Luc 23:8) Ibang-iba sa kanila ang mga alagad na nagtanong hinggil sa tanda ng pagkanaririto ni Kristo, sapagkat tinanggap na nila siya bilang Mesiyas at Hari. (Mat 16:16) Ngunit bago nito, sinabi ni Jesus na ang Kaharian ay “hindi darating na may kapansin-pansing pagpapakita.” (Luc 17:20) Dahil dito (bagaman inaakala ng mga apostol na sa lupa itatatag ang Kaharian; Gaw 1:6), sa pagdating ng Kaharian, hindi nila nais na maging tulad ng mga Judiong lider, na bulag sa pagkanaririto ni Jesus. Kaya naman humiling sila, hindi ng isang makahimalang tanda na itatanghal ora mismo, kundi ng isang pagkakakilanlang tanda sa hinaharap.
Bilang tugon, inilarawan ni Jesus ang isang “tanda” na binubuo ng maraming pangyayari, kabilang na ang mga digmaan, lindol, pag-uusig sa mga Kristiyano, at ang pangangaral tungkol sa Kaharian. (Mat 24:4-14, 32, 33) Nang humiling ang mga alagad kay Jesus ng “tanda,” ang pinag-uusapan noon ay ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito (Luc 21:5-7), at kalakip sa kaniyang tugon ang mga hula na may pagkakapit sa Jerusalem at Judea, na natupad noong panahong nabubuhay sila. (Luc 21:20; Mat 24:15) Ngunit ang kaniyang sagot ay sumaklaw rin sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos at sa mga epekto nito sa buong sangkatauhan.—Luc 21:31, 35.
“Ang tanda ng Anak ng tao.” Noong pagkakataon ding iyon, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “At kung magkagayon ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit, at kung magkagayon ay dadagukan ng lahat ng mga tribo sa lupa ang kanilang sarili sa pananaghoy, at makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” (Mat 24:30; Luc 21:27) Bago nito, tinukoy ni Jesus ang sinabi ng propetang si Daniel. (Mat 24:15; Dan 9:27; 11:31) At batay sa nabanggit na pananalita ni Jesus, maliwanag na sumisipi siya sa Daniel 7:13, 14, kung saan ipinakikita sa pangitain na “kasama ng mga ulap sa langit ang isang gaya ng anak ng tao” na pumaroon sa “Sinauna sa mga Araw” at tumanggap ng isang ‘kaharian na hindi magigiba.’ Ipinakikita nito na ang “tanda ng Anak ng tao” ay nauugnay sa panahon ng paghawak ni Jesus sa kapangyarihan ng Kaharian. Ikinapit ni Jesus sa kaniyang sarili ang pananalitang “Anak ng tao” at ang hula sa Daniel 7:13, 14.—Mat 26:63, 64; Mar 14:61, 62.
Noong mga 96 C.E., 26 na taon pagkatapos na mawasak ang Jerusalem, sumulat si Juan tungkol sa mga bagay na magaganap sa hinaharap, at nakita niya sa pangitain si Jesu-Kristo na “dumarating . . . na nasa mga ulap, at makikita siya ng bawat mata, at niyaong mga umulos sa kaniya.” (Apo 1:1, 7) Samakatuwid, ang pananalitang ito tungkol sa isang bagay na magaganap pagkatapos ng 96 C.E. at ang sinabi ni Kristo tungkol sa “tanda ng Anak ng tao” ay kapuwa tumukoy kay Jesus bilang dumarating na nasa mga ulap at makikita ng lahat ng tao. (Tingnan ang ULAP.) Gayunman, dapat pansinin na bagaman ang pandiwang Griego na ho·raʹo, “makita,” na ginamit sa Mateo 24:30 at Apocalipsis 1:7, ay maaaring literal na mangahulugang “makita ang isang bagay, mamasdan,” maaari rin itong gamitin bilang metapora, para sa paningin ng isip, nangangahulugang “maunawaan, mapag-unawa.”—A Greek-English Lexicon, ni H. Liddell at R. Scott, nirebisa ni H. Jones, 1968, p. 1245, tud. 1.
Para sa paghahambing ng “himala,” “palatandaan,” at “tanda,” tingnan ang HIMALA; PALATANDAAN.