Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Sa Harap ng Sanedrin, Pagkatapos ay kay Pilato
ANG kinagabihan ay malapit na. Ikinaila ni Pedro si Jesus nang ikatlong ulit, at ang mga kagawad ng Sanedrin ay natapos sa kanilang kunwa-kunwariang paglilitis at naghiwa-hiwalay na. Gayunman, sila’y nagtipon muli noong Biyernes ng umaga nang sandaling sumapit ang bukang-liwayway, ngayon ay sa kanilang Bulwagan ng Sanedrin. Malamang na ang kanilang layunin ay upang medyo magtinging legal ang ginawang paglilitis noong gabi. Nang dalhin sa harap nila si Jesus, kanilang sinabi, gaya ng ginawa nila noong gabi: “Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin.”
“Kahit na sabihin ko sa inyo, hindi kayo maniniwala,” ang sagot ni Jesus. “Isa pa, kung tanungin ko kayo, hindi kayo sasagot.” Gayunman, buong tibay-loob na tinukoy ni Jesus kung sino siya, na nagsasabi: “Mula ngayon ang Anak ng tao ay mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos.”
“Kung gayon, ikaw nga ba ang Anak ng Diyos?” ang nais malaman ng lahat.
“Kayo na ang nagsasabi na ako nga,” ang tugon ni Jesus.
Para sa mga lalaking ito na ang hangari’y pumatay, sapat na ang sagot na ito. Kanilang itinuring iyon na pamumusong. “Bakit natin kailangan ang higit pang patotoo?” ang tanong nila. “Sapagkat tayo na rin ang nakarinig nito buhat sa kaniyang sariling bibig.” Kaya kanilang iginapos si Jesus, dinala, at ibinigay siya sa Romanong gobernador na si Poncio Pilato.
Si Judas na tagapagkanulo kay Jesus, ay nagmamasid sa mga pangyayari. Nang kaniyang makitang si Jesus ay nahatulan na, siya’y napuspos ng pagsisisi. Kaya’t siya’y naparoon sa mga pangulong saserdote at matatandang lalaki upang isauli ang 30 piraso ng pilak, na nagpapaliwanag: “Ako’y nagkasala nang ipagkanulo ko ang dugo ng isang matuwid.”
“Ano iyan sa amin? Ikaw ang bahala riyan!” ang kanilang walang-pusong tugon. Kaya’t ang mga piraso ng pilak ay inihagis ni Judas sa templo at umalis at sinubukan niyang magbigti. Gayunman, ang sanga ng pinagtalian ni Judas ng lubid ay nabakli marahil, at ang kaniyang katawan ay nahulog sa mga batuhan sa ibaba, na kung saan iyon ay sumambulat ang iba’t ibang bahagi.
Hindi matiyak ng mga pangulong saserdote kung ano ang gagawin sa mga piraso ng pilak. “Hindi matuwid na ilagay ang pilak na iyan sa sagradong kabangyaman,” ang pasiya nila, “sapagkat dugo ang halaga.” Kaya pagkatapos na sila’y magsanggunian, ang salaping iyon ay kanilang ibinili ng bukid ng magpapalayok upang paglibingan ng mga tagaibang bayan. Kaya ang bukid ay tinawag na “Bukid ng Dugo.”
Kinaumagahan maaga pa nang si Jesus ay dalhin sa palasyo ng gobernador. Ngunit ang mga Judiong naghatid sa kaniya ay tumangging pumasok sapagkat sila’y naniniwala na ang gayong pagiging malapit sa mga Gentil ay magpaparumi sa kanila. Kaya upang sila’y pagbigyan, si Pilato na ang lumabas. “Ano ba ang ibinibintang ninyo sa taong ito?” ang tanong niya.
“Kung ang taong ito ay hindi gumawa ng masama, disin sana’y hindi namin siya dinala sa iyo,” ang sagot nila.
Palibhasa’y ibig makaiwas sa pagkasangkot, si Pilato’y tumugon: “Dalhin ninyo siya at siya’y inyong hatulan ayon sa inyong kautusan.”
Ang kanilang hangaring pumatay ay nahayag, nang sabihin ng mga Judio: “Sa amin ay hindi naaayon sa kautusan na patayin ang sinuman.” Oo, kung kanilang pinatay si Jesus samantalang Kapistahan ng Paskuwa, malamang na maging sanhi iyon ng pangmadlang pagkakagulo, yamang marami ang may mataas na pagpapahalaga kay Jesus. Subalit kung kanilang mapangyayari na ang mga Romano ang pumatay sa kaniya batay sa isang makapulitikang sakdal, ito’y may magagawa upang sila’y maalisan ng pananagutan sa harap ng bayan.
Kaya’t ang mga lider relihiyoso, huwag nang banggitin ang kanilang ginawang mas unang paglilitis na kung saan kanilang hinatulan si Jesus sa bintang na pamumusong, ngayon ay umimbento naman ng iba’t ibang bintang. Sila’y gumawa ng tatlong-bahaging pagbibintang: “Ang taong ito’y nasumpungan namin na [1] pinasasamâ ang ating bansa at [2] ipinagbabawal ang pagbabayad ng buwis kay Cesar at [3] sinasabing siya mismo ang Kristo na isang hari.”
Sa bintang na inaangkin ni Jesus na siya’y isang hari interesado si Pilato. Kaya, siya’y pumasok muli sa palasyo, tinawag si Jesus upang lumapit sa kaniya, at nagtanong: “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” Sa ibang pananalita, iyo bang sinira ang kautusan sa pamamagitan ng pagsasabi mong ikaw ay isang hari na salungat kay Cesar?
Ibig malaman ni Jesus kung gaano na ang nabalitaan ni Pilato tungkol sa kaniya, kaya’t siya’y nagtanong: “Sinasabi mo ba ito sa iyong sarili o ang mga iba ang nagsabi nito sa iyo tungkol sa akin?”
Si Pilato ay nagpanggap na walang alam tungkol sa kaniya at nagpahiwatig ng pagnanasang malaman ang katotohanan ng mga pangyayari. “Ako baga’y isang Judio? ang tugon niya. “Ang iyong sariling bansa at ang mga pangulong saserdote ang nagdala sa iyo sa akin. Ano ba ang ginawa mo?”
Sa anumang paraan ay hindi tinangka ni Jesus na iwasan ang napaharap na suliranin, na iyon ay tungkol sa pagkahari. Ang sagot na ngayo’y ibinigay ni Jesus ay walang alinlangang pinagtakhan ni Pilato. Lucas 22:66–23:3; Mateo 27:1-11; Marcos 15:1; Juan 18:28-35; Gawa 1:16-20.
◆ Sa anong layunin muling nagtipon sa umaga ang Sanedrin?
◆ Papaano namatay si Judas, at ano ang ginawa sa 30 piraso ng pilak?
◆ Bakit ibig ng mga Judio na ang mga Romano ang pumatay kay Jesus, imbis na sila mismo ang pumatay sa kaniya gaya ng sinubukan nilang gawin sa mga pagkakataong una pa rito?
◆ Ano ang mga bintang ng mga Judio laban kay Jesus?