ANAK NG TAO
Sa Hebreo, ito ay pangunahin nang isinasalin mula sa pananalitang ben-ʼa·dhamʹ. Sa halip na tumukoy sa taong si Adan, ang ʼa·dhamʹ ay ginagamit dito para sa “sangkatauhan” sa pangkalahatan anupat, sa diwa, ang pananalitang ben-ʼa·dhamʹ ay nangangahulugang “isang anak ng sangkatauhan, isang tao, isang makalupang anak.” (Aw 80:17; 146:3; Jer 49:18, 33) Ang pariralang ito ay kadalasang ginagamit na kasama ng iba pang mga terminong Hebreo para sa “tao,” gaya ng ʼish, nangangahulugang “isang taong lalaki” (ihambing ang Bil 23:19; Job 35:8; Jer 50:40) at ʼenohshʹ, “isang taong mortal.” (Ihambing ang Aw 8:4; Isa 51:12; 56:2.) Sa Awit 144:3, ang “anak ng taong mortal” ay ben-ʼenohshʹ, samantalang sa Daniel 7:13 naman ay lumilitaw ang katumbas nito sa Aramaiko (bar ʼenashʹ).
Sa Griego, ang pananalitang ginagamit ay hui·osʹ tou an·throʹpou, na ang huling bahagi ay ang panlahatang salitang Griego para sa “tao” (anʹthro·pos).—Mat 16:27.
Sa Hebreong Kasulatan, pinakamadalas na lumilitaw ang pananalitang ito sa aklat ng Ezekiel, kung saan mahigit 90 beses na tinawag ng Diyos ang propeta bilang “anak ng tao.” (Eze 2:1, 3, 6, 8) Waring ginamit ang katawagang ito sa gayong paraan upang idiin na ang propeta ay isa lamang tagalupa, sa gayo’y pinatitingkad ang pagkakaiba ng taong tagapagsalitang iyon at ng Pinagmulan ng kaniyang mensahe, ang Kataas-taasang Diyos. Sa Daniel 8:17, gayunding katawagan ang ginamit sa propetang si Daniel.
Si Kristo Jesus, “ang Anak ng Tao.” Sa mga ulat ng Ebanghelyo ay masusumpungan ang pananalitang ito nang halos 80 beses, anupat sa bawat pagkakataon ay kumakapit kay Jesu-Kristo, at ginagamit niya mismo upang tumukoy sa kaniyang sarili. (Mat 8:20; 9:6; 10:23) Ang iba pang mga paglitaw nito ay nasa Gawa 7:56; Hebreo 2:6; at Apocalipsis 1:13; 14:14.
Malinaw na ipinakikita ng pagkakapit ni Jesus ng pananalitang ito sa kaniyang sarili na ang Anak ng Diyos ay talagang isang tao noon, anupat “naging laman” (Ju 1:14), “isinilang ng isang babae” matapos siyang ipaglihi at ipanganak ng Judiong birhen na si Maria. (Gal 4:4; Luc 1:34-36) Samakatuwid, hindi lamang siya basta nagkatawang-tao na gaya ng ginagawa noon ng mga anghel; hindi siya nagsaanyong-laman kundi siya’y aktuwal na naging isang ‘anak ng sangkatauhan’ sa pamamagitan ng kaniyang taong ina.—Ihambing ang 1Ju 4:2, 3; 2Ju 7; tingnan ang LAMAN.
Dahil dito, maikakapit ng apostol na si Pablo ang Awit 8 bilang isang hula tungkol kay Jesu-Kristo. Sa kaniyang liham sa mga Hebreo (2:5-9), sinipi ni Pablo ang mga talatang nagsasabi: “Ano ang taong mortal [ʼenohshʹ] anupat iniingatan mo siya sa isipan, at ang anak ng makalupang tao [ben-ʼa·dhamʹ] anupat pinangangalagaan mo siya? Ginawa mo rin siyang mas mababa nang kaunti kaysa sa mga tulad-diyos [“mas mababa nang kaunti kaysa sa mga anghel,” sa Hebreo 2:7], at pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karilagan. Pinagpupuno mo siya sa mga gawa ng iyong mga kamay; ang lahat ng bagay ay inilagay mo sa ilalim ng kaniyang mga paa.” (Aw 8:4-6; ihambing ang Aw 144:3.) Ipinakikita ni Pablo na upang matupad ang makahulang awit na ito, si Jesus ay talagang ginawang “mas mababa nang kaunti kaysa sa mga anghel,” anupat aktuwal na naging mortal na “anak ng makalupang tao,” upang mamatay siya bilang tao at sa gayo’y “matikman niya ang kamatayan para sa bawat tao.” Pagkatapos nito, pinutungan siya ng kaluwalhatian at karilagan ng kaniyang Ama, na siyang bumuhay-muli sa kaniya.—Heb 2:8, 9; ihambing ang Heb 2:14; Fil 2:5-9.
Samakatuwid, ipinakikilala rin si Jesu-Kristo ng katawagang “Anak ng tao” bilang ang dakilang Kamag-anak ng sangkatauhan, na may kapangyarihang tumubos sa kanila mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan, at bilang ang dakilang Tagapaghiganti ng dugo.—Lev 25:48, 49; Bil 35:1-29; tingnan ang PAGTUBOS, MANUNUBOS; PANTUBOS; TAGAPAGHIGANTI NG DUGO.
Sa gayon, idiniriin ng pagtawag kay Jesus bilang “Anak ni David” (Mat 1:1; 9:27) na siya ang tagapagmana ng tipan ukol sa Kaharian na matutupad sa linya ni David; itinatawag-pansin ng pagtawag sa kaniya bilang “Anak ng tao” na siya’y kabilang sa lahi ng tao sa dahilang ipinanganak siya sa laman; idiniriin naman ng pagtawag sa kaniya bilang “Anak ng Diyos” na siya’y nanggaling sa Diyos, anupat hindi nagmula sa makasalanang si Adan ni nagmana ng di-kasakdalan mula rito kundi may lubos na matuwid na katayuan sa harap ng Diyos.—Mat 16:13-17.
Ano ang “tanda ng Anak ng tao”?
Gayunman, maliwanag na may isa pang mabuting dahilan kung bakit madalas gamitin ni Jesus noon ang pananalitang “Anak ng tao” upang tumukoy sa kaniyang sarili. Iyon ay may kaugnayan sa katuparan ng hula sa Daniel 7:13, 14. Sa pangitain, nakita ni Daniel ang “isang gaya ng anak ng tao” na dumating na kasama ng mga ulap sa langit, nakaparoon sa “Sinauna sa mga Araw,” at pinagkalooban ng “pamamahala at dangal at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya,” anupat ang kaniyang Kaharian ay mamamalagi.
Dahil sa interpretasyon ng anghel sa pangitain na nakaulat sa Daniel 7:18, 22, at 27, na nagsasabing ang Kahariang iyon ay aariin ng “mga banal ng Kataas-taasan,” sinikap ng maraming komentarista na ipakitang ang “anak ng tao” rito ay tumutukoy sa isang ‘kalipunan,’ samakatuwid nga, ‘ang mga santo ng Diyos bilang isang grupo, itinuturing sa kabuuan bilang isang bayan,’ ‘ang niluwalhati at ulirang bayan ng Israel.’ Gayunman, sa liwanag ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, lumilitaw na mababaw ang pangangatuwirang ito. Hindi dapat kaligtaan na si Kristo Jesus, ang pinahirang Hari ng Diyos, ay ‘nakipagtipan ukol sa isang kaharian’ sa kaniyang mga tagasunod upang makibahagi sila sa kaniya sa kaniyang Kaharian, at na bagaman mamamahala sila bilang mga hari at mga saserdote, iyon ay sa ilalim ng kaniyang pagkaulo at dahil sa ipinagkaloob niyang awtoridad. (Luc 22:28-30; Apo 5:9, 10; 20:4-6) Kaya naman tatanggap sila ng awtoridad na mamahala sa mga bansa sa dahilang tinanggap muna niya ang gayong awtoridad mula sa Soberanong Diyos.—Apo 2:26, 27; 3:21.
Ang tamang unawa hinggil dito ay higit pang nililinaw ng mismong sagot ni Jesus sa pagtatanong ng mataas na saserdote, nang sabihin niya: “Ako nga [ang Kristo, ang Anak ng Diyos]; at makikita ninyo ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng kapangyarihan at dumarating na kasama ng mga ulap sa langit.”—Mar 14:61, 62; Mat 26:63, 64.
Samakatuwid, ang hula tungkol sa pagdating ng Anak ng tao sa presensiya ng Sinauna sa mga Araw, ang Diyos na Jehova, ay malinaw na tumutukoy sa isang indibiduwal, ang Mesiyas, si Jesu-Kristo. Ipinakikita ng katibayan na gayon ang pagkaunawa rito ng mga Judio. Ikinakapit ng mga akdang rabiniko ang hulang ito sa Mesiyas. (Soncino Books of the Bible, inedit ni A. Cohen, 1951, komentaryo sa Dan 7:13) Tiyak na dahil isang literal na katuparan ng hulang ito ang ninanais ng mga Pariseo at mga Saduceo kung kaya hiniling nila kay Jesus na “magtanghal sa kanila ng isang tanda mula sa langit.” (Mat 16:1; Mar 8:11) Pagkamatay ni Jesus bilang tao at matapos siyang buhaying-muli tungo sa buhay bilang espiritu, si Esteban ay nagkaroon ng pangitain na doo’y ‘nabuksan ang langit’ at nakita niya “ang Anak ng tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.” (Gaw 7:56) Ipinakikita nito na bagaman inihain ni Jesu-Kristo ang kaniyang kalikasan bilang tao upang maging pantubos para sa sangkatauhan, angkop na taglayin pa rin niya sa kaniyang makalangit na posisyon ang Mesiyanikong katawagan na “Anak ng tao.”
Ang unang bahagi ng pananalita ni Jesus sa mataas na saserdote tungkol sa pagdating ng Anak ng tao ay nagsasabing siya’y “nakaupo sa kanan ng kapangyarihan.” Maliwanag na tumutukoy ito sa makahulang Awit 110, anupat bago noon ay ipinakita ni Jesu-Kristo na kumakapit sa kaniya ang awit na ito. (Mat 22:42-45) Isinisiwalat ng awit na ito, gayundin ng pagkakapit dito ng apostol sa Hebreo 10:12, 13, na maghihintay muna si Jesu-Kristo nang ilang panahon bago siya isugo ng kaniyang Ama upang ‘manupil sa gitna ng kaniyang mga kaaway.’ Samakatuwid, lumilitaw na matutupad ang hula sa Daniel 7:13, 14, hindi sa panahon ng kaniyang pagkabuhay-muli at pag-akyat sa langit, kundi sa panahon ng pagbibigay sa kaniya ng Diyos ng awtorisasyong kumilos bilang aktibong kapahayagan ng kaniyang makaharing awtoridad. Dahil dito, maliwanag na ang ‘pagdating ng Anak ng tao sa harap ng Sinauna sa mga Araw ay kapanahon ng pangyayaring inilalahad sa Apocalipsis 12:5-10, kung kailan ang makasagisag na anak na lalaki ay iniluwal at dinala sa trono ng Diyos.
Gayunman, sa Mateo 24:30 at Lucas 21:27, kaagad-agad matapos bumanggit si Jesus ng mga kababalaghan sa langit na iniuugnay ng Bibliya sa paglalapat ng Diyos ng kahatulan sa mga taong balakyot, humula si Jesus may kinalaman sa “tanda ng Anak ng tao.” (Ihambing ang Mat 24:29 at Luc 21:25, 26 sa Isa 13:9, 10 at Joe 2:30, 31.) Yamang ‘makikita ng lahat ng mga tribo sa lupa ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian’ at ‘dadagukan nila ang kanilang sarili sa pananaghoy,’ maliwanag na tumutukoy ito sa panahon kung kailan masisindak ang mga taong hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos dahil sa isang kahima-himalang pagtatanghal ng makaharing kapangyarihan ni Jesus.
Ipinakikita ng iba pang makahulang mga pangitain sa Apocalipsis (17:12-14; 19:11-21) na gagamitin ng Mesiyanikong Hari ang kaniyang buong maharlikang kapangyarihan sa pamamahala sa “mga bayan, mga liping pambansa at mga wika” (Dan 7:14), kaya tiyak na ang isa na “tulad ng isang anak ng tao” sa Apocalipsis 14:14 ay tumutukoy rin kay Jesu-Kristo, gaya ng isa na inilalarawan nang gayon sa Apocalipsis 1:13.
Tungkol sa ‘pagdating ng Anak ng tao na nasa mga ulap’ at sa pagkakita sa kaniya ng “bawat mata” (Mat 24:30; Apo 1:7), tingnan ang MATA, PANINGIN; PAGKANARIRITO; ULAP (Makatalinghagang Paggamit).