BETLEHEM
[Bahay ng Tinapay].
1. Isang bayan sa bulubunduking lupain ng Juda kung saan matatanaw ang pangunahing lansangang-bayan na nagmumula sa Jerusalem pababa sa Beer-sheba. Sa ngayon ay tinatawag itong Beit Lahm (Bet Lehem), na mga 9 na km (5.5 mi) sa TTK ng Temple Mount. Ang altitud nito na mga 780 m (2,560 piye) mula sa kapantayan ng dagat ay halos kapareho niyaong sa Jerusalem. Bagaman mabato ang mga lupain nito, ang mga iyon ay napagtatamnan ng olibo, ubas, at iba’t ibang binutil.—Ru 1:22.
Maliwanag na ang dating pangalan ng Betlehem ay Eprat (o, Eprata). Inilibing ni Jacob si Raquel “sa daang patungo sa Eprat, na siyang Betlehem.” (Gen 35:19; 48:7) Kabilang sa binanggit na mga unang inapo ng anak ni Jacob na si Juda ay sina ‘Salma na ama ng Betlehem’ (1Cr 2:51, 54) at ‘Hur na panganay ni Eprata na ama ng Betlehem.’ (1Cr 4:4) Maaaring ipahiwatig ng pananalitang iyan na ang mga lalaking ito’y mga ninuno ng mga Israelitang nanirahan nang maglaon sa Betlehem. (Tingnan ang EPRATA Blg. 2.) Nang pumasok ang mga Israelita sa Canaan, ang Betlehem ay naging bahagi ng teritoryo ng Juda, bagaman hindi ito espesipikong binanggit sa alinmang talaan ng mga Judeanong lunsod ni may anumang pahiwatig hinggil sa laki o pagiging prominente nito nang panahong iyon. Yamang may isa pang Betlehem sa teritoryo ng Zebulon (Jos 19:10, 15), ang bayang nasa Juda ay kadalasang binabanggit kasama ang pangalang Eprat, o kaya’y tinatawag na “Betlehem sa Juda.”—Huk 17:7-9; 19:1, 2, 18.
Si Hukom Ibzan ay maaaring mula sa Betlehem sa Juda, ngunit dahil walang binanggit na Juda o Eprat sa ulat, ipinapalagay ng marami na siya’y mula sa Betlehem sa Zebulon. (Huk 12:8-10) Si Elimelec, ang asawa niyang si Noemi, at ang kanilang mga anak ay mula sa Betlehem, at dito bumalik si Noemi kasama si Ruth na Moabita. (Ru 1:1, 2, 19, 22) Si Boaz ay taga-Betlehem din, at ang huling mga pangyayari sa aklat ng Ruth tungkol sa mga ninuno ni Jesus (Mat 1:5, 6) ay naganap sa bayang ito at sa mga bukid nito.—Ru 2:4; 4:11.
Si David na anak ni “Jesse na Betlehemita” ay ipinanganak sa Betlehem ng Juda. Inalagaan niya sa lugar na ito ang mga tupa ng kaniyang ama, at nang maglaon ay dito siya pinahiran ni Samuel upang maging hari ng Israel sa hinaharap. (1Sa 16:1, 4, 13, 18; 17:12, 15, 58; 20:6) Samantalang isang takas, si David ay nanabik na makainom ng tubig mula sa isang imbakang-tubig sa Betlehem, na noo’y kinaroroonan ng isang himpilang Filisteo. (2Sa 23:14, 15; 1Cr 11:16, 17) Mapapansin na may matatagpuan pa ring tatlong balon sa H panig ng bayang ito. Si Elhanan, na isa sa mga namumukod-tanging mandirigma ni David, ay anak ng isang lalaking taga-Betlehem (2Sa 23:24), gaya rin ng mga pamangkin ni David na sina Joab, Abisai, at Asahel. Ang matulin-tumakbong si Asahel ay inilibing dito matapos siyang patayin ng malakas na si Abner.—2Sa 2:18-23, 32.
Bagaman nasa isang sentrong lokasyon sa isang pangunahing lansangang-bayan, at estratehiko ang posisyon nito kung tungkol sa mga operasyong militar (palibhasa’y nasa mataas na altitud sa batong-apog na mga kabundukan), at bagaman sariling bayan ito ni David, ang Betlehem ay hindi napiling maging kabisera ni David. Nang maghari ang anak ni Solomon na si Rehoboam, saka lamang muling binanggit nang tuwiran ang Betlehem, noong mapabilang ito sa mga lunsod na pinatibay ng haring iyon. (2Cr 11:5, 6) Pagkatapos bumagsak ang Jerusalem sa kamay ng Babilonya, nang ang mga Judiong naiwan sa Juda ay maglakbay pababa sa Ehipto, pansamantala silang huminto malapit sa Betlehem. (Jer 41:17) Kabilang ang mga lalaki ng Betlehem sa mga bumalik mula sa Babilonya pagkatapos ng pagkatapon.—Ezr 2:21; Ne 7:26.
Gaya ng nabanggit na, ang Betlehem ay hindi nakatalang kabilang sa mga lunsod ng Juda sa mga ulat ng paghahati-hati ng lupain sa mga tribo. Bagaman binanggit ito ng mga aklat ng Bibliya may kaugnayan sa ilang indibiduwal, waring hindi ito naging prominenteng bayan ni nagkaroon man ito ng malaking populasyon. Isa itong “nayon” noong si Jesus ay nasa lupa. (Ju 7:42) Kaya naman sa Mesiyanikong hula ng propetang si Mikas sa Mikas 5:2, masasabi niyang ang Betlehem Eprata ay “napakaliit upang mapabilang sa libu-libo ng Juda.” Gayunman, ipinakita ng kaniyang hula na ang maliit na bayan ng Betlehem ay magkakaroon ng bukod-tanging karangalan bilang ang panggagalingan ng Mesiyas. Inunawa ng mga Judio na ang hulang ito’y nangangahulugang ang Mesiyas o Kristo ay ipanganganak at magmumula sa bayang iyon (Ju 7:40-42), at ganito rin ang paniniwala ng kanilang mga punong saserdote at mga eskriba.—Mat 2:3-6.
Sa gayon, bagaman sa Nazaret ng Galilea nagdalang-tao si Maria, ipinanganak niya si Jesus sa Betlehem ng Judea, bilang katuparan ng hula ng Diyos. (Luc 1:26-38; 2:4-7) Nangahulugan ito ng paglalakbay nang 110 km (68 mi) hanggang 150 km (93 mi), depende sa ruta.
Noong ipanganak si Jesus, may mga pastol na naninirahan sa labas sa kaparangan at patuloy na nagbabantay sa gabi sa kanilang mga kawan. (Luc 2:8) Totoong ang mga tupa ay maaaring akayin sa pastulan kung araw anumang kapanahunan ng taon, ngunit ang paninirahan ng mga pastol sa kaparangan at pagpapalipas nila ng gabi roon kasama ang kanilang mga kawan ay isang malinaw na indikasyon kung kailan ipinanganak si Jesus. Ang tag-ulan sa Palestina ay nagsisimula sa bandang kalagitnaan ng Oktubre at tumatagal nang ilang buwan. Pagsapit ng Disyembre, ang Betlehem, tulad ng Jerusalem, ay dumaranas ng malimit na pagyeyelo sa gabi. Kaya, yamang ang mga pastol ng Betlehem ay nasa kaparangan sa gabi, nangangahulugan ito na noo’y hindi pa nagsisimula ang panahon ng tag-ulan. Imposible ring gagalitin ni Cesar Augusto ang mga Judio sa pamamagitan ng pag-uutos na magparehistro sila sa malamig at maulang buwan ng Disyembre, kung kailan napakahirap maglakbay.—Luc 2:1-6; ihambing ang Mat 24:20.
Hindi alam kung saan ang orihinal na lokasyon ng kuwadrang pinagsilangan kay Jesus sa Betlehem. Ilang panahon pagkaraang ipanganak si Jesus, nang ang kaniyang mga magulang ay nakatira, hindi sa isang kuwadra, kundi sa isang bahay, dumalaw sa Betlehem ang ilang astrologong taga-Silangan na naghahanap sa “bata.” (Mat 2:1-12) Kumilos ang Diyos upang huwag mauwi sa kamatayan ng batang si Jesus ang pagdalaw nila. Gayunman, ang lahat ng batang lalaki na mula dalawang taóng gulang pababa sa bayan ng Betlehem at sa nakapalibot na teritoryo nito ay pinagpapaslang sa utos ni Haring Herodes. (Mat 2:12, 16) Sa Mateo 2:17, 18, sinipi ng kinasihang manunulat ang hula sa Jeremias 31:15 at ikinapit iyon sa pangyayaring ito.—Tingnan ang RAQUEL.
2. Isang bayan sa teritoryo ng Zebulon. (Jos 19:10, 15) Malamang na sa Betlehem na ito nagmula si Hukom Ibzan, at sa bayang ito siya inilibing, yamang sa ulat ay walang binanggit na Eprat o Juda. (Huk 12:8-10) Ipinapalagay na ang Betlehem ng Zebulon ay ang Beit Lahm (Bet Lehem Ha-Gelilit) na mga 11 km (7 mi) sa KHK ng Nazaret.
[Larawan sa pahina 396]
Ang Betlehem gaya ng makikita sa ngayon. Dito isinilang si David at si Jesus