Kaharian
Kahulugan: Ang Kaharian ng Diyos ay ang kapahayagan ng pansansinukob na soberanya ni Jehova may kaugnayan sa kaniyang mga nilalang, o ang paraang ginagamit niya upang ihayag ang soberanyang iyan. Ang pananalitang ito ay pangunahing ginagamit upang tukuyin ang kapahayagan ng soberanya ng Diyos sa pamamagitan ng maharlikang pamahalaan na pinangungunahan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Ang “Kaharian” ay maaaring tumukoy sa pamamahala ng isang pinahirang Hari o sa makalupang nasasakupan ng makalangit na pamahalaang iyon.
Ang Kaharian ba ng Diyos ay tunay na pamahalaan?
O, sa halip, ito ba’y isang kalagayan sa puso ng tao?
Luc. 17:21, KJ: “Ni sasabihin man nila, Naririto! o, Naririyan! sapagka’t, narito, ang kaharian ng Diyos ay nasa loob ninyo [gayon din ang TEV, Dy; nguni’t “kasama ninyo,” KJ panggilid na reperensiya, NE, JB; “nasa inyong gitna,” RS; “nasa gitna ninyo,” NW].” (Pansinin na, gaya ng ipinakikita ng Lu 17 talatang 20, ang kausap ni Jesus ay ang mga Pariseo, na kaniya ring hinatulan bilang mga mapagpaimbabaw, kaya hindi niya ibig sabihin na ang Kaharian ay nasa kanilang mga puso. Subali’t ang Kaharian ay nasa kanilang gitna sapagka’t ito’y kinakatawan ni Kristo. Kaya ang The Emphatic Diaglott ay kababasahan ng: “Ang maharlikang hari ng Diyos ay nasa gitna ninyo.”)
Talaga bang sinasabi ng Bibliya na ang Kaharian ng Diyos ay isang pamahalaan?
Isa. 9:6, 7, RS: “Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamahalaan [gayon din sa KJ, AT, Dy; “pamamahala,” JB, NE; “maharlikang pamamahala,” NW] ay maaatang sa kaniyang balikat, at ang kaniyang pangalan ay tatawaging ‘Kamanghamanghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.’ Ang paglago ng kaniyang pamahalaan at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”
Sino ang mga tagapamahala sa Kaharian?
Apoc. 15:3: “Dakila at kagilagilalas ang iyong mga gawa, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-Lahat. Matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Haring walang-hanggan.”
Dan. 7:13, 14: “Kasama ng mga alapaap ng langit ay lumabas ang isang gaya ng anak ng tao [si Jesu-Kristo; tingnan ang Marcos 14:61, 62]; at siya’y naparoon sa Matanda sa mga Araw [ang Diyos na Jehova], at inilapit nila siya sa mismong harapan ng Isang iyon. At binigyan siya [si Jesu-Kristo] ng kapamahalaan at karangalan at isang kaharian, upang lahat ng mga bayan, bansa at mga wika ay mangaglingkod sa kaniya.”
Apoc. 5:9, 10: “Ikaw [si Jesu-Kristo] ay pinatay at binili mo sa Diyos ng iyong dugo ang mga tao sa bawa’t angkan at wika at bayan at bansa, at ginawa mo sila upang maging isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at sila’y mangagpupuno bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.” (Sa Apocalipsis 14:1-3 ang mga ito na “binili mula sa lupa” upang maging tagapamahala kasama ng Kordero sa makalangit na Bundok ng Sion ay sinasabing may bilang na 144,000.)
Ano ang magiging epekto ng Kahariang ito sa mga pamahalaan ng tao?
Dan. 2:44: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos sa langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian mismo ay hindi ipagkakaloob sa ibang bayan. Pagdudurugdurugin at wawakasan nito ang lahat ng mga kahariang ito, at ito lamang ang mananatili magpakailanman.”
Awit 2:8, 9: “Humingi ka sa akin, at ibibigay ko sa iyo ang mga bansa na iyong pinaka mana at ang kaduluduluhang bahagi ng lupa bilang iyong pag-aari. Sila’y iyong babaliin ng isang pamalong bakal, iyong dudurugin sila na parang isang sisidlan ng magpapalyok.”
Ano ang maisasagawa ng Kaharian ng Diyos?
Babanalin ang pangalan ni Jehova at itataguyod ang kaniyang pagkasoberano
Mat. 6:9, 10: “Magsidalangin nga kayo ng ganito: ‘Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian.’ ” (Dito ang pagbanal sa pangalan ng Diyos ay may malapit na kaugnayan sa pagdating ng kaniyang Kaharian.)
Ezek. 38:23: “Tiyak na dadakilain ko ang aking sarili at pakakabanalin ko ang aking sarili sa paningin ng maraming bansa; at kanilang makikilala na ako si Jehova.” (Ang lahat ng upasala sa pangalan ng Diyos ay aalisin; ito’y ituturing na banal at karapatdapat igalang, at ang lahat ng mabubuhay ay mga taong handang magtaguyod ng pagkasoberano ni Jehova, at nagagalak na gawin ang kaniyang kalooban. Ang kapayapaan at kapanatagan ng buong sansinukob ay nasasalalay sa pagbanal na ito sa pangalan ni Jehova.)
Wawakasan ang pinagtitiisang pamamahala ni Satanas sa sanlibutan
Apoc. 20:2, 3: “Sinunggaban niya [ng makalangit na Hari, si Jesu-Kristo] ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya na isang libong taon. At siya’y ibinulid sa kalaliman at sinarhan at tinatakan ito sa ibabaw niya upang huwag nang mandaya pa sa mga bansa hanggang sa maganap ang isang libong taon. Pagkatapos nito ay kailangang siya’y pawalang kaunting panahon.” (Kaya ang sangkatauhan ay palalayain mula sa impluwensiya ni Satanas na nagpahirap sa mga tao na nagnanais mamuhay nang matuwid. Mawawala na ang impluwensiya ng Diyablo na nagpangyari sa labis na kalupitan pati na ang impluwensiya ng mga demonyo na nagsadlak sa takot sa buhay ng marami.)
Pagkakaisahin ang buong sangnilalang sa pagsamba sa iisang tunay na Diyos
Apoc. 5:13; 15:3, 4: “At ang bawa’t nilalang na nasa langit at nasa ibabaw ng lupa at nasa ilalim ng lupa at nasa dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito, ay narinig kong nagsasabi: ‘Sa Kaniya na nakaupo sa luklukan [ang Diyos na Jehova] at sa Kordero [si Jesu-Kristo] ay ang pagpapala at ang karangalan at ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailan kailan man.’ ” “Dakila at kagilagilalas ang iyong mga gawa, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-Lahat. Matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Haring walang-hanggan. Sinong hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhatiin ang iyong pangalan, sapagka’t ikaw lamang ang tapat? Sapagka’t ang lahat ng mga bansa ay darating at sasamba sa iyong harapan, sapagka’t nahayag ang iyong matuwid na mga kautusan.”
Isasauli ang malapit na kaugnayan ng sangkatauhan sa Diyos
Roma 8:19-21: “Ang maningas na pagmimithi ng buong nilalang [ang sangkatauhan] ay naghihintay ng pagkahayag ng mga anak ng Diyos [ang patotoo na yaong mga ibinangon tungo sa makalangit na buhay kasama ni Jesu-Kristo ay nagsimula nang magpuno]. Sapagka’t ang buong sangnilalang ay nasakop ng kabiguan, hindi sa kaniyang sariling kalooban kundi dahil doon sa sumakop sa kaniya, salig sa pag-asa na ang buong sangnilalang [sangkatauhan sa pangkalahatan] din naman ay palalayain mula sa pagka-alipin sa kabulukan at magtataglay ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”
Palalayain ang sangkatauhan mula sa anomang panganib ng digmaan
Awit 46:8, 9: “Halikayo, mga bayan, inyong masdan ang mga gawa ni Jehova, kung anong kagilagilalas na mga bagay ang kaniyang ginawa sa lupa. Kaniyang pinapaglilikat ang mga pagdidigma sa wakas ng lupa.”
Isa. 2:4: “Kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”
Aalisin sa lupa ang tiwaling mga pinuno at ang pang-aapi
Awit 110:5: “Si Jehova mismo sa iyong kanang kamay ay hahampas sa mga hari sa kaarawan ng kaniyang galit.”
Awit 72:12-14: “Kaniyang [ang Mesiyanikong Hari ni Jehova] ililigtas ang dukhang dumaraing, at ang nagdadalamhati nang walang katulong. Siya’y maaawa sa dukha at maralita, at ililigtas niya ang mga kaluluwa ng mapagkailangan. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa pang-aapi at karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.”
Maglalaan ng saganang pagkain para sa buong sangkatauhan
Awit 72:16: “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ito’y aapaw.”
Isa. 25:6: “Si Jehova ng mga hukbo ay gagawa para sa lahat ng mga bayan, sa bundok na ito [sa makalangit na Bundok ng Sion, ang luklukan ng Kaharian ng Diyos, ang mga makalupang sakop nito ay paglalaanan nang sagana], ng isang kapistahan ng matatabang bagay, ng isang kapistahan ng mga alak na laon, ng matatabang bagay na puno ng utak, ng mga alak na laon na totoong salá.”
Aalisin ang sakit at lahat ng uri ng kapansanan
Luc. 7:22; 9:11: “Magsiparoon kayo, at sabihin ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong nakita at narinig: ang mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay naglalakad, ang mga ketongin ay nalilinis at ang mga bingi ay nakaririnig, ang mga patay ay ibinabangon, ang mga dukha ay pinangangaralan ng mabuting balita.” “Sila’y tinanggap niya [ni Jesu-Kristo] na may kagalakan at sinalita sa kanila ang tungkol sa kaharian ng Diyos, at pinagaling niya ang nangangailangang gamutin.” (Sa gayo’y itinanghal ni Jesus kung ano ang gagawin niya para sa sangkatauhan bilang makalangit na Hari.)
Maglalaan ng kanaisnais na tahanan para sa lahat
Isa. 65:21, 22: “Tiyak na sila’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan ang mga ito; at tiyak na sila’y magtatanim ng mga ubasan at magsisikain ng bunga nito. Hindi sila magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain.”
Titiyaking may kasiyasiyang hanapbuhay ang lahat
Isa. 65:23: “Sila’y hindi gagawa ng walang kabuluhan, ni manganganak man para sa kasakunaan; sapagka’t sila ang lahi ng mga pinagpala ni Jehova, at ang kanilang mga supling na kasama nila.”
Titiyaking may katiwasayan, kalayaan mula sa anomang panganib sa katawan o ari-arian ng isa
Mik. 4:4: “Sila’y mauupo, bawa’t isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos, at wala nang tatakot sa kanila; sapagka’t mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.”
Awit 37:10, 11: “Sandali na lamang, at ang masama ay mawawala na, at tiyak na hahanapin mo ang kaniyang dako, subali’t siya’y wala na. Nguni’t ang maamo ang siya mismong magmamay-ari sa lupa, at tiyak na makakasumpong sila ng katangi-tanging kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”
Paiiralin ang katuwiran at katarungan
2 Ped. 3:13: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.”
Isa. 11:3-5: “Hindi siya [ang Mesiyanikong Hari] hahatol ayon sa paningin ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ayon sa pakinig ng kaniyang mga tainga. Kundi hahatol siya ng katuwiran sa dukha, at sasaway na may karampatan alang-alang sa mga maaamo ng lupa. . . . At katuwiran ang magiging bigkis ng kaniyang baywang, at katapatan ang pamigkis ng kaniyang mga balakang.”
Iingatan ang sangkatauhan na hindi mapinsala ng mga puwersa ng kalikasan
Mar. 4:37-41: “At bumugso ang isang malakas na bagyo, at sinalpok ng alon ang daong, anupa’t ang daong ay halos natitigib. . . . At gumising siya [si Jesus] at sinaway ang hangin at sinabi sa dagat: ‘Pumayapa! Tumahimik ka!’ At humupa ang hangin, at humusay na totoo ang panahon. . . . Nguni’t sila’y natakot na lubha, at sila’y nagsalitaan: ‘Sino nga ito, na pati ng hangin at ng dagat ay tumatalima sa kaniya?’ ” (Sa gayo’y itinanghal ni Kristo ang kapangyarihang tataglayin niya sa mga puwersa ng kalikasan bilang makalangit na Hari.)
Bubuhayin ang mga patay
Juan 5:28, 29: “Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagka’t dumarating ang oras na lahat niyaong nasa alaalang libingan ay makaririnig sa kaniyang tinig [tinig ng Haring si Kristo] at magsisilabas.”
Apoc. 20:12: “Nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nakatayo sa harapan ng luklukan, at nabuksan ang mga balumbon. Datapuwa’t ibang balumbon ang nabuksan; ito ang balumbon ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan batay sa mga bagay na nasusulat sa mga balumbon ayon sa kanilang mga gawa [alalaong baga’y, ang mga ginawa nila matapos silang buhaying-muli; ihambing ang Roma 6:7].”
Papawiin ang kamatayang dulot ng kasalanang minana kay Adan
Isa. 25:8: “Sasakmalin niya ang kamatayan magpakailanman, at papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang luha mula sa lahat ng mga mukha.”
Apoc. 21:4: “Papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata, at mawawala na ang kamatayan, pati na ang dalamhati at ang panambitan at ang hirap. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”
Paiiralin ang isang sanlibutan na doon ang mga tao ay tunay na nagmamahalan
Juan 13:35: “Sa ganito’y makikilala ng lahat ng mga tao na kayo’y aking mga alagad [anupa’t sila’y nakahanay upang makasama ni Jesus sa makalangit na Kaharian o bilang makalupang mga sakop ng Kahariang yaon], kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.”
Papangyarihin ang kapayapaan sa pagitan ng mga hayop at mga tao
Isa. 11:6-9: “Ang lobo ay tatahang kasama ng kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabain ay magkakasama; at papatnubayan sila ng munting bata. At ang baka at ang oso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping. At maging ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka. At ang batang pasusuhin ay maglalaro sa lungga ng ahas; at isusuot ng batang kahihiwalay sa suso ang kaniyang kamay sa lungga ng ulupong. Hindi sila magsisipanakit o magsisipanira man sa aking buong banal na bundok.” (Gayon din ang Isaias 65:25)
Os. 2:18: “Sa araw na yaon ay ipakikipagtipan ko sila sa mga hayop sa parang at sa mga ibon sa himpapawid at sa mga bagay na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa, . . . at akin silang pahihigaing tiwasay.”
Gagawing paraiso ang lupa
Luc. 23:43: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Kakasamahin kita sa Paraiso.”
Awit 98:7-9: “Humugong ang dagat at ang buong naroon, ang mabungang lupain at ang tumatahan doon. Ipakpak ng mga ilog ang kanilang mga kamay; mag-awitan ang mga bundok dahil sa kagalakan sa harap ni Jehova, sapagka’t siya’y dumating upang hatulan ang lupa. Kaniyang hahatulan ng katuwiran ang mabungang lupain at ng katapatan ang mga bayan.”
Ihambing ang Genesis 1:28; 2:15; Isaias 55:11.
Kailan nagsimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos?
Yaon ba’y noong unang siglo?
Col. 1:1, 2, 13: “Si Pablo, na apostol ni Kristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at ang kapatid nating si Timoteo sa mga banal [ang mga tagapagmana ng makalangit na Kaharian] . . . Siya’y [ang Diyos] nagligtas sa atin mula sa kapangyarihan ng kadiliman at naglipat sa atin [sa mga banal, mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano] sa kaharian ng Anak ng kaniyang pag-ibig.” (Samakatuwid nga, si Kristo ay nagsimulang mamahala sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo, bago ito isinulat, subali’t ang pagkatatag ng Kaharian na siyang mamamahala sa buong lupa ay nasa hinaharap pa.)
1 Cor. 4:8: “Kayo’y nangabusog na, gayon nga ba? Kayo’y mayayaman na, gayon nga ba? Kayo ay nagpasimulang maghari nang wala kami, gayon nga ba? Ibig ko sanang nagpasimula na nga kayong maghari, upang kami rin ay makapagharing kasama ninyo.” (Maliwanag dito na sila’y sinasaway ni Pablo dahil sa kanilang maling pangmalas.)
Apoc. 12:10, 12: “Ngayo’y dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang kapamahalaan ng kaniyang Kristo, sapagka’t inihagis na ang tagapagsumbong sa ating mga kapatid, na siyang sa kanila’y nagsusumbong sa harapan ng ating Diyos araw at gabi! Dahil dito’y mangagalak, kayong mga langit at kayong nagsisitahan diyan! Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagka’t ang Diyablo’y bumaba sa inyo na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.” (Dito ang pagkatatag ng Kaharian ng Diyos ay sinasabing nagaganap sa panahong inihagis si Satanas mula sa langit. Hindi ito nangyari sa panahon ng paghihimagsik sa Eden, gaya ng makikita sa Job kabanata 1 at 2. Ang Apocalipsis ay isinulat noong 96 C.E., at ipinakikita ng Apocalipsis 1:1 na ito’y tumatalakay sa mga pangyayaring nasa hinaharap pa.)
Bago magpuno ang Kaharian ng Diyos kailangan ba munang makumberte ang sanlibutan?
Awit 110:1, 2: “Ang kapahayagan ni Jehova sa aking Panginoon [si Jesu-Kristo] ay: ‘Maupo ka sa aking kanan hanggang sa mailagay ko ang iyong mga kaaway bilang tuntungan ng iyong mga paa.’ Pararatingin ni Jehova ang setro ng iyong kalakasan mula sa Sion, na sinasabi: ‘Manakop ka sa gitna ng iyong mga kaaway.’ ” (Samakatuwid magkakaroon ng mga kaaway na kaniyang sasakupin; hindi lahat ay kusang magpapailalim sa kaniyang pamamahala.)
Mat. 25:31-46: “Pagparito ng Anak ng tao [si Jesu-Kristo] na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating luklukan. At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa, at sila’y pagbubukdin-bukdin niya na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing. . . . At ang mga ito [na hindi nagpakita ng pag-ibig sa pinahiran niyang mga kapatid] ay pasasa walang-hanggang pagkalipol, subali’t ang mga matuwid ay pasasa walang-hanggang buhay.” (Maliwanag na hindi makukumberte ang buong sangkatauhan bago iluklok si Kristo; hindi lahat ay magiging mga matuwid.)
Ipinakikita ba ng Bibliya kung kailan magsisimulang mamahala ang Kaharian?
Tingnan ang mga pahina 340-343, sa ilalim ng paksang “Mga Petsa,” at mga pahina 169-174, sa ilalim ng “Mga Huling Araw.”
Kung May Magsasabi—
‘Hindi darating ito sa panahon ko’
Maaari kayong sumagot: ‘Nguni’t darating din ito kahit hindi sa panahon ninyo, hindi po ba? . . . Puwede bang malaman ng sinoman na ang kaniyang lahi ang makakakita nito? Iyan ang gustong malaman ng mga apostol mismo ni Jesus, at ang sagot niya sa kanila ay napakahalaga para sa atin ngayon. (Mat. 24:3-14; Luc. 21:29-32)’
O maaari ninyong sabihin: ‘Pangkaraniwan na ang pangmalas na iyan. Subali’t ang mga Saksi ni Jehova ay may lubos na paniniwala, salig sa Bibliya, na ang Kaharian ng Diyos ay nagpupuno na sa mga langit at na dapat nating ipakita kung baga nais nating patuloy na mabuhay sa lupa sa ilalim ng matuwid na pamahalaan ng Diyos o hindi. Iyan ang dahilan kung bakit ako naririto ngayon. Pansinin ang sinasabi dito sa Mateo 25:31-33.’