KABANATA 6
“Natuto Siyang Maging Masunurin”
1, 2. Bakit masaya ang isang tatay na makitang sumusunod sa kaniya ang anak niya, at ano ang nararamdaman ni Jehova kapag sinusunod natin siya?
NAKATINGIN sa labas ng bintana ang isang tatay. Pinapanood niya ang anak niyang nakikipaglaro sa mga kaibigan nito. Tumalbog ang bola nila palabas ng bakuran at napunta sa kalsada. Tiningnan ito ng bata at gusto niya itong kunin. Pinipilit siya ng isa sa mga kaibigan niyang kunin ang bola. Pero ayaw ng bata. “Bawal akong lumabas,” ang sabi niya. Napangiti ang tatay niya.
2 Bakit kaya masaya ang tatay niya? Sinabihan kasi niya ang anak niya na huwag lalabas sa kalsada nang mag-isa. Sumunod ang anak niya kahit hindi nito alam na pinapanood pala siya ng tatay niya. Dahil diyan, alam ng tatay na ligtas ang anak niya at naiintindihan nito kung bakit mahalagang sumunod sa kaniya. Iyan din ang nararamdaman ng ating Ama sa langit, si Jehova. Alam ng Diyos na para manatili tayong tapat at makuha natin ang magandang kinabukasang ipinangako niya, kailangan nating magtiwala at sumunod sa kaniya. (Kawikaan 3:5, 6) Para magawa natin iyan, isinugo niya ang pinakamahusay na guro.
3, 4. Paano naging “masunurin” at “perpekto” si Jesus? Magbigay ng ilustrasyon.
3 Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus: “Kahit na anak siya ng Diyos, natuto siyang maging masunurin mula sa mga pinagdusahan niya. At pagkatapos niyang maging perpekto, siya ang naging daan para sa walang-hanggang kaligtasan ng lahat ng sumusunod sa kaniya.” (Hebreo 5:8, 9) Napakatagal nang nabuhay ni Jesus sa langit. Nakita niya ang pagrerebelde ni Satanas at ng mga kasama nitong anghel, pero hindi niya naisip na sumama sa kanila. Tinupad niya ang hulang ito tungkol sa kaniya: “Hindi ako nagrebelde.” (Isaias 50:5) Paano siya ‘natutong maging masunurin’ kung lagi naman na siyang sumusunod sa kaniyang Ama? Paano ‘magiging perpekto’ ang isang nilalang na perpekto na?
4 Maikukumpara natin sa bakal ang pagiging masunurin ni Jesus bago siya bumaba sa lupa. Matibay na ang bakal na iyon. Pero may prosesong ginawa para mas tumibay pa ito, o tumaas ang kalidad. Sa katulad na paraan, masunurin na si Jesus bago siya bumaba sa lupa. Pero noong nandito na siya sa lupa, nasubok ang pagiging masunurin niya kaya nagkaroon ito ng kakaibang kalidad. “Natuto siyang maging masunurin mula sa mga pinagdusahan niya,” na hinding-hindi niya mararanasan sa langit.
5. Bakit mahalagang sundin ni Jesus ang kaniyang Ama, at ano ang pag-uusapan natin sa kabanatang ito?
5 Para magawa ni Jesus ang atas niya dito sa lupa, kailangan niyang maging masunurin. Bilang ang “huling Adan,” dumating siya rito para gawin ang hindi nagawa ng unang mga magulang natin—ang manatiling masunurin sa Diyos na Jehova kahit may mga pagsubok. (1 Corinto 15:45) Pero hindi naging sunod-sunuran lang si Jesus na parang robot. Sumunod si Jesus nang buong pag-iisip, puso, at kaluluwa. At masaya siyang gawin ito. Mas mahalaga sa kaniya ang paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama kaysa sa pagkain! (Juan 4:34) Ano ang tutulong para matularan natin ang pagkamasunurin ni Jesus? Pag-usapan muna natin ang mga dahilan ng pagsunod niya. Tutulong iyan para malabanan natin ang tukso at magawa ang kalooban ng Diyos. Pagkatapos, tatalakayin natin ang ilang pagpapala kung magiging masunurin tayo, gaya ni Kristo.
Mga Dahilan ng Pagsunod ni Jesus
6, 7. Ano ang ilang dahilan ng pagsunod ni Jesus?
6 Masunurin si Jesus dahil sa magagandang katangian niya. Gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 3, mapagpakumbaba siya. Alam nating hindi masunurin ang mga taong mapagmataas. Pero kung mapagpakumbaba tayo, susundin natin si Jehova. (Exodo 5:1, 2; 1 Pedro 5:5, 6) Isa pa, naging masunurin si Jesus dahil sa mga iniibig niya at sa mga kinapopootan niya.
7 Ang pinakamahalaga kay Jesus ay ang kaniyang Ama sa langit, si Jehova. Tatalakayin natin iyan nang mas detalyado sa Kabanata 13. Dahil sa pag-ibig ni Jesus kay Jehova, nagkaroon siya ng makadiyos na takot. Mahal na mahal niya si Jehova kaya napakataas ng respeto niya sa Kaniya. Takot siyang gumawa ng anuman na hindi Niya magugustuhan. Ang isang dahilan kung bakit pinakinggan ni Jehova ang mga panalangin ni Jesus ay dahil sa makadiyos na takot niya. (Hebreo 5:7) Kitang-kita rin sa pamamahala ni Jesus bilang Mesiyanikong Hari ang pagkatakot niya kay Jehova.—Isaias 11:3.
8, 9. Gaya ng inihula, ano ang nadarama ni Jesus sa katuwiran at kasamaan, at paano niya ito ipinakita?
8 Para maipakita nating mahal natin si Jehova, dapat din nating kapootan ang mga bagay na kinapopootan niya. Halimbawa, pansinin ang hulang ito tungkol sa Mesiyanikong Hari: “Inibig mo ang katuwiran at kinapootan ang kasamaan. Kaya naman ang Diyos, ang iyong Diyos, ay nagpahid sa iyo ng langis ng kagalakan nang higit kaysa sa mga kasamahan mo.” (Awit 45:7) Ang “mga kasamahan” ni Jesus ay ang iba pang naging hari mula sa angkan ni Haring David. Pero nang hirangin si Jesus bilang hari, mas marami siyang dahilan para magalak kaysa sa kanila. Bakit? Dahil mas malaki ang gantimpalang ibinigay sa kaniya at mas marami ang mga pagpapalang tatanggapin ng mga tao sa paghahari niya. Inibig niya ang katuwiran at kinapootan ang kasamaan kaya naging masunurin siya sa Diyos sa lahat ng bagay. Iyan ang dahilan kung bakit siya ginantimpalaan.
9 Paano ipinakita ni Jesus ang nadarama niya sa katuwiran at kasamaan? Halimbawa, nang pinagpala ang mga tagasunod ni Jesus dahil sinunod nila ang mga tagubilin niya sa pangangaral, ano ang naging reaksiyon niya? Nag-umapaw siya sa kagalakan. (Lucas 10:1, 17, 21) Pero ano naman ang naging reaksiyon niya nang paulit-ulit na sumuway ang mga taga-Jerusalem at tinanggihan ang mga pagsisikap niyang tulungan sila? Umiyak siya. (Lucas 19:41, 42) Masayang-masaya si Jesus kapag tama ang ginagawa ng mga tao, pero sobrang lungkot niya kapag masama naman ang ginagawa nila.
10. Ano ang dapat nating maramdaman sa mabubuti at masasamang gawain, at ano ang makakatulong sa atin?
10 Dahil sa natutuhan natin kay Jesus, gusto nating suriin ang motibo natin sa pagsunod kay Jehova. Kahit hindi tayo perpekto, puwede tayong magkaroon ng masidhing pag-ibig sa mabubuting gawa at matinding pagkapoot sa masasamang paggawi. Kailangan nating manalangin kay Jehova na tulungan niya tayong matularan ang nararamdaman niya at ng kaniyang Anak. (Awit 51:10) Kailangan din nating iwasan ang mga bagay na magpapahina sa pag-ibig natin sa katuwiran at pagkapoot sa kasamaan. Kaya napakahalagang mag-ingat tayo sa pagpili ng mga libangan at kasama natin. (Kawikaan 13:20; Filipos 4:8) Kung tutularan natin si Jesus, magiging kusa ang pagsunod natin. Gagawin natin ang tama dahil gustong-gusto nating gawin ito. Iiwasan din nating gumawa ng masama, hindi dahil takot tayong mahuli, kundi dahil kinapopootan natin ito.
“Hindi Siya Nagkasala”
11, 12. (a) Sa pasimula pa lang ng ministeryo ni Jesus, ano ang nangyari sa kaniya? (b) Ano ang unang tukso ni Satanas kay Jesus, at bakit niya inakalang epektibo iyon?
11 Sa pasimula pa lang ng ministeryo ni Jesus, nasubok na ang pagkapoot niya sa kasalanan. Matapos siyang mabautismuhan, 40 araw at gabi siyang nasa ilang at hindi kumain. Pagkatapos, tinukso siya ni Satanas. Pansinin kung gaano katuso ang Diyablo.—Mateo 4:1-11.
12 Ang unang tukso ni Satanas kay Jesus: “Kung ikaw ay anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.” (Mateo 4:3) Pagkatapos ng matagal na pag-aayuno, ano kaya ang naramdaman ni Jesus? Sinasabi ng Bibliya: “Nagutom siya.” (Mateo 4:2) Gustong samantalahin iyon ni Satanas kaya hinintay muna niyang manghina si Jesus. Pansinin din ang panunuya ni Satanas: “Kung ikaw ay anak ng Diyos.” Alam naman ni Satanas na si Jesus ang “panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Pero hindi nagpadala si Jesus sa tukso ni Satanas. Alam ni Jesus na hindi gusto ng Diyos na gamitin niya ang kapangyarihan niya sa pansariling kapakanan. Umasa siya kay Jehova para sa pangangailangan niya at mapagpakumbaba siyang sumunod sa mga tagubilin Niya.—Mateo 4:4.
13-15. (a) Ano ang ikalawa at ikatlong tukso ni Satanas kay Jesus, at ano ang reaksiyon ni Jesus? (b) Bakit natin masasabing nanatiling mapagbantay si Jesus laban kay Satanas?
13 Sa ikalawang tukso ni Satanas, dinala niya si Jesus sa tuktok ng templo. Pinilipit ni Satanas ang Salita ng Diyos, at tinukso niya si Jesus na magpasikat sa pamamagitan ng pagtalon mula doon para iligtas siya ng mga anghel. Kung makita ng mga tao ang himalang iyon, magdududa pa ba sila na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas? At kung tanggapin nila si Jesus bilang Mesiyas dahil sa nakita nila, hindi kaya naiwasan sana niya ang maraming paghihirap? Posible. Pero alam ni Jesus na kalooban ni Jehova na isagawa ng Mesiyas ang atas niya sa mapagpakumbabang paraan. Hindi siya dapat magpasikat para maniwala sa kaniya ang mga tao. (Isaias 42:1, 2) Muli, hindi sinuway ni Jesus si Jehova. Hindi niya hinangad na maging sikat.
14 Pero ano naman ang naging reaksiyon ni Jesus nang alukin siya ng kapangyarihan? Sa ikatlong tukso ni Satanas, inalok niya kay Jesus ang lahat ng kaharian sa mundo kung sasamba si Jesus sa kaniya kahit isang beses lang. Pinag-isipan man lang ba ni Jesus ang alok ni Satanas? Sinabi niya: “Lumayas ka, Satanas! Dahil nasusulat: ‘Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lang ang dapat mong paglingkuran.’” (Mateo 4:10) Hinding-hindi maiisip ni Jesus na sumamba sa ibang diyos! Hindi susuwayin ni Jesus si Jehova para lang magkaroon ng kapangyarihan at awtoridad dito sa lupa.
15 Sumuko na ba si Satanas? Umalis siya nang utusan siya ni Jesus. Pero sinabi sa Ebanghelyo ni Lucas na “humiwalay [ang Diyablo] sa kaniya at naghintay ng ibang pagkakataon.” (Lucas 4:13) Habang nabubuhay pa si Jesus sa lupa, humanap si Satanas ng pagkakataon para subukin at tuksuhin siya. Sinasabi ng Bibliya na “sinubok [si Jesus] sa lahat ng bagay.” (Hebreo 4:15) Nanatiling mapagbantay si Jesus, at ganiyan din dapat tayo.
16. Paano tinutukso ni Satanas ang mga lingkod ng Diyos ngayon, at ano ang puwede nating gawin?
16 Tinutukso rin ni Satanas ang mga lingkod ng Diyos ngayon. At dahil hindi tayo perpekto, madali lang para sa kaniya na tuksuhin tayo. Alam niyang puwede tayong maging makasarili, mapagmataas, at sakim sa kapangyarihan. Iyan ang dahilan kung bakit madalas niyang gamitin ang materyalismo para tuksuhin tayo. Kaya mahalagang suriin natin ang sarili natin. Dapat nating pag-isipan ang sinasabi sa 1 Juan 2:15-17. At habang ginagawa natin iyan, puwede nating suriin kung humihina na ang pag-ibig natin kay Jehova dahil sa pagnanasa ng laman, hangaring magkaroon ng maraming pag-aari, o kagustuhang pahangain ang iba. Tandaan na malapit nang puksain si Satanas at ang sanlibutang ito. Huwag sana tayong matuksong gumawa ng kasalanan! Tularan sana natin si Jesus, dahil “hindi siya nagkasala.”—1 Pedro 2:22.
“Lagi Kong Ginagawa ang mga Gusto Niya”
17. Ano ang nadama ni Jesus tungkol sa pagsunod sa kaniyang Ama, at ano ang puwedeng isipin ng ilan?
17 Hindi lang basta pag-iwas sa kasalanan ang pagiging masunurin. Laging sinusunod ni Kristo ang lahat ng iniutos ng kaniyang Ama. Sinabi niya: “Lagi kong ginagawa ang mga gusto niya.” (Juan 8:29) Naging masaya si Jesus dahil masunurin siya. Pero puwedeng isipin ng ilan na hindi mahirap kay Jesus na sumunod kasi perpekto ang sinusunod niya, si Jehova. Tayo naman, kailangan nating sumunod sa mga di-perpektong tao na may awtoridad. Pero naging masunurin din si Jesus kahit sa mga di-perpektong tao.
18. Anong halimbawa ng pagsunod ang ipinakita ni Jesus bilang anak?
18 Nasa ilalim si Jesus ng awtoridad ng mga di-perpektong magulang niya, sina Jose at Maria. At di-gaya ng ibang mga bata, posibleng nakikita niya ang mga pagkakamali nila. Nagrebelde ba siya? Hindi na ba siya nagpasakop sa mga magulang niya at sinabi kung ano ang dapat nilang gawin sa loob ng pamilya? Ito ang sinabi ng Lucas 2:51 tungkol kay Jesus noong 12 taóng gulang siya: “Patuloy siyang naging masunurin sa kanila.” Nagpakita siya ng napakagandang halimbawa ng pagsunod. Puwede siyang tularan ng mga kabataang Kristiyano na nagsisikap sundin at igalang ang mga magulang nila.—Efeso 6:1, 2.
19, 20. (a) Anong mga hamon tungkol sa pagsunod sa di-perpektong mga tao ang napaharap kay Jesus? (b) Bakit dapat maging masunurin ang mga tunay na Kristiyano ngayon sa mga nangunguna sa kanila?
19 Nagbigay ng magandang halimbawa si Jesus sa mga tunay na Kristiyano ngayon kasi sumunod siya sa mga di-perpektong tao kahit sa mahihirap na sitwasyon. Tingnan ang kalagayan noong panahon niya. Ang sinusunod pa rin noon sa pagsamba ay ang kaayusan ng mga Judio. Kasama diyan ang pagsamba sa templo sa Jerusalem at ang kaayusan sa pagkasaserdote. Pero malapit na itong palitan ng kaayusan ng Kristiyanong kongregasyon. (Mateo 23:33-38) Ang problema, maraming lider ng relihiyon ang nagtuturo ng mga kasinungalingang base sa pilosopiyang Griego. Napakarami ring katiwalian sa templo kaya tinawag ito ni Jesus na “pugad ng mga magnanakaw.” (Marcos 11:17) Ibig bang sabihin nito, hindi na pumunta si Jesus sa templo at mga sinagoga? Pumunta pa rin siya. Ginagamit pa rin kasi noon ni Jehova ang mga kaayusang ito. Dumadalo pa rin si Jesus sa sinagoga at sa mga kapistahan sa templo habang hindi pa binabago ng Diyos ang mga kaayusang ito.—Lucas 4:16; Juan 5:1.
20 Kung nakayanan ni Jesus na maging masunurin noong panahong hindi pa nadalisay ang tunay na pagsamba, mas kakayanin ng mga tunay na Kristiyano na maging masunurin ngayon dahil may kaayusan na para sa dalisay na pagsamba. Tinitiyak sa atin ng Diyos na hinding-hindi niya hahayaan ang mga lingkod niya na maimpluwensiyahan ni Satanas. (Isaias 2:1, 2; 54:17) Puwede pa ring magkasala ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano dahil hindi sila perpekto. Pero dapat ba nating idahilan ang mga pagkukulang ng iba para suwayin si Jehova? Baka hindi na tayo dadalo sa mga pulong, o baka lagi na lang nating hahanapan ng mali ang mga elder sa kongregasyon. Siyempre, hindi natin gagawin ang mga iyan! Buong-puso nating susuportahan ang mga nangunguna sa kongregasyon. At dahil masunurin tayo, dadalo tayo sa mga Kristiyanong pagpupulong at asamblea, at susundin ang mga payo sa Kasulatan na natatanggap natin mula rito.—Hebreo 10:24, 25; 13:17.
21. Ano ang ginawa ni Jesus nang gipitin siya ng iba na sumuway sa Diyos, at ano ang matututuhan natin dito?
21 Hindi hinayaan ni Jesus ang sinuman, kahit ang mga kaibigan niyang may mabuting intensiyon, na maimpluwensiyahan siyang sumuway kay Jehova. Halimbawa, sinabi ni apostol Pedro kay Jesus na hindi naman niya kailangang magdusa at mamatay. Maganda ang intensiyon ni Pedro, pero hindi sinunod ni Jesus ang payo nito na maging mabait sa sarili niya. (Mateo 16:21-23) Sa ngayon, baka sabihan tayo ng mga kamag-anak natin na gawin ang isang bagay na labag sa mga kautusan at prinsipyo ng Diyos. Baka mabuti naman ang intensiyon nila. Pero gaya ng mga tagasunod ni Jesus noon, “dapat [nating] sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:29.
Mga Gantimpala sa Pagiging Masunurin, Gaya ni Kristo
22. Anong tanong ang nasagot ni Jesus, at paano?
22 Nasubok nang husto ang pagiging masunurin ni Jesus nang mapaharap siya sa kamatayan. Sa mahirap na panahong iyon, talagang “natuto siyang maging masunurin.” Ginawa niya ang kalooban ng kaniyang Ama, hindi ang sa kaniya. (Lucas 22:42) Dahil dito, naipakita niya na posibleng manatiling tapat ang isa. (1 Timoteo 3:16) Nasagot niya ang isang matagal nang tanong: Mananatili kayang masunurin kay Jehova ang isang perpektong tao kahit may pagsubok? Hindi iyan nagawa nina Adan at Eva. Pero nang bumaba si Jesus sa lupa, pinatunayan niyang posibleng manatiling tapat sa Diyos ang isang tao kahit may pagsubok. Ang pinakadakila sa lahat ng nilalang ni Jehova ang nagbigay ng pinakamatibay na sagot. Naging masunurin siya kahit nagdusa siya at namatay.
23-25. (a) Ano ang kaugnayan ng pagiging masunurin at ng katapatan? Ilarawan. (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na kabanata?
23 Kapag masunurin tayo, naipapakita nating mahal natin si Jehova at tapat tayo sa kaniya. Dahil sumunod si Jesus, nakapanatili siyang tapat at nakinabang ang lahat ng tao. (Roma 5:19) Pinagpala ni Jehova si Jesus. Kung susundin natin ang ating Panginoon, si Kristo, pagpapalain din tayo ni Jehova. Tatanggap ng “walang-hanggang kaligtasan” ang lahat ng sumusunod kay Kristo.—Hebreo 5:9.
24 Isa ring pagpapala ang pagiging tapat. Sinasabi sa Kawikaan 10:9: “Ang mga lumalakad nang tapat ay panatag.” Maikukumpara natin ang katapatan sa isang kongkretong bahay. Ang bawat hollow block na ginamit dito ay maikukumpara naman sa isang gawa ng pagsunod. Parang walang halaga ang isang hollow block. Pero kapag pinagpatong-patong na ang mga ito, nabubuo ang isang matibay na bahay. Ganiyan din ang pagsunod kay Jehova. Kapag patuloy tayong sumusunod sa kaniya, napapatunayan nating mahal natin siya at tapat tayo sa kaniya.
25 Ang pagiging masunurin sa loob ng mahabang panahon ay pagpapakita rin ng pagtitiis. Ang halimbawa ni Jesus tungkol diyan ang tatalakayin sa susunod na kabanata.