Isang Bayan na Lumalakad sa mga Yapak ni Jesus
“Kami’y lumakad sa magkaparehong espiritu, di ba? Sa ganoon ding mga yapak, di ba?”—2 CORINTO 12:18.
1. Bakit kadalasa’y hindi mahirap makilala ang isa sa mga Saksi ni Jehova?
“BILANG isang grupo, sila’y magagalang, responsable, at mahusay sa paaralan. Ito’y hindi masasabi kung tungkol sa mga ibang grupo.” Ganiyan ang sabi ng prinsipal ng isang paaralang elementarya sa Estados Unidos. Sino ba ang kaniyang tinutukoy? Ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova na nag-aaral sa kaniyang paaralan. Oo, marami ang nakakapuna na ang mga Saksi ni Jehova, kasali na ang kanilang mga anak, ay kadalasan, nakakahawig ng mga ibang Saksi sa mga ilang paraan. Sa lumipas na mga taon ay patuloy na nahahalata na sila’y may natatanging pagkakaisa kung tungkol sa paniniwala at asal. Kaya’t ang mga Saksi ay hindi mahirap makilala.
2. Ano ang isang katangian ng sinaunang kongregasyong Kristiyano, at ano ang sinabi ni Pablo tungkol dito?
2 Ang pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova ay isang bagay na di-karaniwan sa baha-bahaging sanlibutang ito. Subalit hindi mahirap maunawaan ito kung ating tatandaan na silang lahat ay nagsisikap na lumakad sa mga yapak ni Jesus. (1 Pedro 2:21) Ang gayong pagkakaisa ay isa ring katangian ng mga Kristiyano noong unang siglo. Minsan, si Pablo ay nagpayo sa kongregasyon sa Corinto: “Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay magsalita nang may pagkakaisa, at huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi, kundi kayo’y magkaroon ng lubos na pagkakaisa sa iisang isip at sa iisang takbo ng kaisipan.” (1 Corinto 1:10) Si Pablo ay nagbigay rin ng kinasihang payo tungkol sa kung paano makikitungo sa mga taong ayaw manatili sa pagkakaisang Kristiyano.—Tingnan ang Roma 16:17; 2 Tesalonica 3:6.
3, 4. Paano inilarawan ni Pablo ang pagkakaisa niya at ni Tito, at ano ang saligan ng pagkakaisang ito?
3 Noong humigit-kumulang taóng 55 C.E., si Tito ay pinapunta ni Pablo sa Corinto upang tumulong sa paglikom ng isang abuluyan para sa nangangailangang mga kapatid sa Judea at kung maaari’y upang tingnan kung paanong nagkakaepekto sa kongregasyon ang payo ni Pablo. Nang sumulat sa mga taga-Corinto noong bandang huli, binanggit ni Pablo ang di pa natatagalang pagdalaw ni Tito at ang tanong niya: “Hindi kayo pinagsamantalahan ni Tito, di ba? Kami’y lumakad sa magkaparehong espiritu, di ba? Sa ganoon ding mga yapak, di ba?” (2 Corinto 12:18) Ano ba ang ibig sabihin ni Pablo ng kanilang paglakad “sa magkaparehong espiritu” at “sa ganoon ding mga yapak”?
4 Kaniyang ipinahahayag ang pagkakaisa na umiral sa pagitan niya at ni Tito. Si Tito ang paminsan-minsan ay kasama ni Pablo sa paglalakbay, at walang alinlangan na malaki ang natutuhan niya kay Pablo sa ganitong paraan. Subalit ang pagkakaisa ng dalawang ito ay salig sa isang bagay na mas matibay kaysa riyan. Ito ay salig sa kanilang mainam na kaugnayan kay Jehova at sa bagay na sila kapuwa ay mga tagasunod-yapak ni Kristo. Tinularan ni Tito si Pablo gaya kung paano tinularan naman ni Pablo si Kristo. (Lucas 6:40; 1 Corinto 11:1) Kaya sa espiritu ni Jesus at sa kaniyang mga yapak sila lumalakad noon.
5. Ano ang maaasahan sa mga tao sa ngayon na tumutulad kay Pablo at kay Tito samantalang sila’y lumalakad “sa magkaparehong espiritu” at “sa ganoon ding mga yapak”?
5 Kung gayon, hindi kataka-taka na ang mga Kristiyano sa ika-20 siglong ito, na lumalakad “sa magkaparehong espiritu” at “sa ganoon ding mga yapak” na gaya nina Pablo at Tito, ay magtamasa ng walang kapantay na pagkakaisa. Sa katunayan, ang di pagkakaisa ng naturingang mga Kristiyano ay nagpapakilala sa kanila bilang mga palsipikadong Kristiyano, na hindi lumalakad sa mga yapak ng Lider na inaangkin nilang sinusunod nila. (Lucas 11:17) Ang lubhang pagkakaibang ito ng tunay na mga Kristiyano at ng naturingang mga Kristiyano ay maipaghahalimbawa sa iba’t ibang paraan. Bumanggit tayo ng apat.
Ang Kabanalan ng Dugo
6, 7. (a) Anong tamang pagkakilala sa dugo ang may kaugnayan sa paglakad sa mga yapak ni Jesus? (b) Ano ang kaibahan ng mga Saksi ni Jehova sa mga iba ngayon na tumatangging pasalin ng dugo?
6 Humigit-kumulang noong taóng 49 C.E., ang lupong tagapamahala ng unang-siglong kongregasyon ay nagpadala ng isang liham na sumagot sa tanong: Ang mga di-Judiong Kristiyano ba ay dapat sumunod sa Kautusan ni Moises? Ang liham ay nagsabi ng ganito: “Ang banal na espiritu at kami na rin ay sumang-ayong huwag nang dagdagan pa ang pasanin ninyo, maliban sa kailangang mga bagay na ito, na patuloy na layuan ninyo ang mga bagay na inihain sa mga idolo at ang dugo at ang mga binigti at ang pakikiapid.” (Gawa 15:28, 29) Pansinin na kabilang sa “kailangang mga bagay” ang pag-iwas sa dugo. Ang paglakad sa mga yapak ni Jesus ay nangangahulugan ng hindi pagpapasok ng dugo sa katawan maging sa pamamagitan man ng pagkain nito o sa anumang ibang paraan.
7 Ang simulaing ito ay tahasang nilabag sa Sangkakristiyanuhan sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo. Totoo, noong nakaraang mga taon, mayroong mga tao na nakapuna sa mga panganib na idinudulot sa kalusugan ng pagsasalin ng dugo at sila’y tumanggi rito nang dahil sa ibinubunga nitong mga sakit. Ito’y lalung-lalo nang totoo sapol noong marami ang magkasakit ng AIDS dahil sa pagpapasalin ng dugo. Subalit sino ang nagtataguyod sa kabanalan ng dugo nang dahil sa paggalang sa kautusan ng Diyos.
8. Paanong ang isang Saksi sa Italya ay pinagpala dahilan sa kaniyang determinasyon na sumunod sa kautusan ng Diyos sa bagay na ito?
8 Si Antonietta ay sa Italya naninirahan. Mga walong taon na ngayon ang nakaraan siya’y nagkasakit nang malubha, at ang bilang ng kaniyang dugo ay naging napakababa na anupa’t iginiit ng mga doktor na kailangan ang pagsasalin ng dugo upang mailigtas ang kaniyang buhay. Siya’y tumanggi at sinalungat ng kapuwa mga doktor at mga kamag-anak. Maging ang kaniyang dalawang maliliit na mga anak na lalaki ay namanhik: “Mama, kung talagang mahal mo kami, magpasalin ka na ng dugo.” Subalit si Antonietta ay determinado na manatiling tapat, at nakagagalak naman na siya’y hindi namatay. Gayunman, ang kaniyang kalagayan ay naging totoong malubha noon kung kaya’t isang doktor ang nagsabi: “Hindi namin maipaliwanag kung bakit siya’y buhay pa.” Ngunit nang gamitin sa kaniya ang isang uri ng paggamot na hindi naman tinututulan, ganiyan na lang kabilis ang kaniyang paggaling na anupa’t isa pang doktor ang nagsabi: “Hindi ko mapaniwalaan iyon—talagang hindi ka maaaring gumaling sa ganoon kaikling panahon, kahit na ikaw ay binombahan namin ng dugo nang maghapon.” Sa kasalukuyan, siya ay isang regular payunir, at ang kaniyang dalawang anak, ngayo’y 12 at 14 anyos, ay mabilis ang pagsulong sa katotohanan. Buong tibay-loob na sinunod ni Antonietta ang ‘kailangang bagay’ na iyon, ang kabanalan ng dugo. Lahat ng mga Saksi ni Jehova ay may iisang pagkakilala habang sila’y lumalakad sa yapak ni Jesus.
Kalinisang-Asal
9. Ano ang isa pang ‘kailangang bagay’ na may kaugnayan sa pagsunod sa yapak ni Jesus, at ano ang nangyayari sa mga hindi sumusunod sa utos na ito?
9 Isa pang ‘kailangang bagay’ na itinampok sa liham na iyon buhat sa unang-siglong lupong tagapamahala ay ang “patuloy na layuan. . . ang pakikiapid.” Sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto, ito’y pinalawak pa ni Pablo, na ang sabi: “Ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa mga kapuwa lalaki . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. (1 Corinto 6:9, 10) Ang mga Kristiyano’y tumutulong sa mga taong ibig na maglingkod kay Jehova upang malinis sila buhat sa mga karumal-dumal na gawaing ito. Maging ang mga miyembro man ng kongregasyon na nasisilo sa mga ito ay tinutulungan upang maglinis ng kanilang sarili kung sila’y magbalik-loob at magsisi. (Santiago 5:13-15) Subalit kung ang sinumang Kristiyano’y mahulog sa gayong maruruming gawain at ayaw nang magsisi, isang tuwirang alituntunin sa Bibliya ang kumakapit. Si Pablo ay kinasihan ng Diyos na magsabi: “Huwag kayong makisama sa kaninumang tinatawag na kapatid kung siya’y mapakiapid. . . . Alisin nga ninyo sa gitna ninyo ang taong balakyot.”—1 Corinto 5:11, 13.
10, 11. (a) Sino ang masisisi sa mababang mga pamantayang-asal sa Sangkakristiyanuhan, at bakit? (b) Paanong ang karanasan ng isang lalaki sa Pilipinas ay nagpapakita na, bilang isang grupo, ang mga Saksi ni Jehova ay nananatiling sumusunod sa matataas na pamantayang-asal?
10 Sa kabila ng malinaw na turong ito, palasak sa Sangkakristiyanuhan ang imoralidad. Mga klerigong gumagawa ng pagbabago sa mga pamantayan ng Diyos na nagpapahina sa mga ito ang masisisi sa ganitong kalagayan, pati na rin ang mga taong kunwa’y pumupuri sa kabutihan ng mga pamantayan ng Bibliya ngunit hindi naman naglalakas-loob na ipatupad ito sa kanilang mga kongregasyon. Gayunman, dito, rin naman, ang mga Saksi ni Jehova bilang isang bayan ay lumalakad sa mga yapak ni Jesus.
11 Nariyan si Jose, taga-Pilipinas. Sa edad na 17 anyos pa lamang siya’y kilala bilang isang basag-ulero at isang sugarol. Malimit na siya’y lasing, namumuhay nang imoral, at malimit na nakukulong dahilan sa pagnanakaw. Nang magkagayo’y nakilala niya ang mga Saksi ni Jehova. “Ang pag-aaral ng Bibliya ang lubusang bumago ng aking buhay,” aniya. “Ako’y hindi na umiinom at naninigarilyo, at natuto akong magpigil ng aking galit. Ako ngayon ay may malinis na budhi, may iisa lamang asawa. Nakamit ko rin ang paggalang ng aking mga kapuwa-tao, na dati-rati’y ang tawag sa akin ay si ‘Jose, na bantog sa kasamaan’ at si ‘Jose, ang multo.’ Ngayon ang tawag nila sa akin ay si ‘Jose, ang Saksi ni Jehova.’ Ang aking anak na lalaki at ang aking pamangkin ay mga ministeryal na lingkod sa kongregasyon na kung saan ako sa kasalukuyan ay naglilingkod bilang isang matanda at regular payunir.” Si Jose at ang angaw-angaw na mga iba pang kristiyanong mga Saksi ni Jehova ay lumalakad sa mga yapak ni Jesus bilang mga Kristiyanong may kalinisang-asal.
Walang Pinapanigan
12. Anong saloobin ng tunay na mga Kristiyano ang itinampok ni Jesus sa kaniyang panalangin na nakasulat sa Juan kabanata 17?
12 Sa mahabang panalangin na inihandog ni Jesus noong huling gabi na kasama niya ang kaniyang mga alagad, binanggit niya ang isa pang paraan kung paanong ang kaniyang mga tagasunod ay ‘lumalakad sa kaniyang mga yapak.’ Tungkol sa kaniyang mga alagad, sinabi niya: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Ito’y nangangahulugan na ang mga Kristiyano ay walang pinapanigan. Imbis na may panig na itinataguyod sa pulitika o sa pambansang mga alitan, kanilang ibinabalita sa iba ang Kaharian ng Diyos, ang tanging lunas sa mga suliranin ng daigdig na ito.—Mateo 6:9, 10; Juan 18:36.
13, 14. (a) Paanong ang Sangkakristiyanuhan ay naiiba sa mga Saksi ni Jehova kung tungkol sa pagkawalang-pinapanigan? (b) Paanong dahil sa pananatiling walang pinapanigan sa pulitika ng isang Saksi sa Hapón ang buong kapatiran ay nakinabang?
13 Ang simulaing ito ng pagkawalang-pinapanigan ay nakalimutan ng karamihan ng mga miyembro ng Sangkakristiyanuhan, na para sa kanila ang kanilang bansa ay karaniwan nang mas mahalaga kaysa relihiyon nila. Binanggit ng kolumnistang sindikato na si Mike Royko na ang “mga Kristiyano” ay hindi kailanman naging “maselan tungkol sa pagbabangon ng mga digmaan laban sa mga ibang Kristiyano,” at isinusog pa: “Kung sila lamang ay naging maselan, disin sana’y hindi naganap ang karamihan ng pinakamatitinding digmaan sa Europa.” Alam na alam na ang mga Saksi ni Jehova ay palaging naninindigan bilang mga Kristiyanong walang pinapanigan kung mga panahon ng digmaan. Subalit bilang mga tagasunod-yapak ni Jesus, sila rin naman ay walang pinapanigan kung tungkol sa mga suliraning panlipunan at pampulitika. Sa gayon, walang anuman na gumagambala sa kanilang kahanga-hangang pagkakaisa sa buong daigdig.—1 Pedro 2:17.
14 Ang kanilang kawalang-pinapanigan kung minsan ay nagdadala ng di-inaasahang mga resulta. Sa distritong Tsugaru ng hilagang Hapón, halimbawa, ang mga eleksiyon ay lubhang dinidibdib. Subalit si Toshio, katulong na manedyer sa Kagawaran ng Pananalapi ng isang lokal na opisina ng gobyerno, ay tumanggi dahil sa tutol ang kaniyang budhi na mapasangkot sa kampaniya ng reeleksiyon ng alkalde. Ang resulta nito ay ang pagbababa sa kaniya sa puwesto at paglalagay sa kaniya sa Kagawaran ng Basura sa Imburnal. Subalit, makalipas ang isang taon ay naaresto ang alkalde at napilitan na magbitiw dahilan sa katiwalian. Isang bagong alkalde ang inihalal. Nang kaniyang mabalitaan ang tungkol sa pagkababa ni Toshio sa tungkulin, kaniyang ibinalik ito sa isang mataas na puwesto sa pangasiwaan, at ito’y nagdulot ng mga pagpapala sa mga kapatid ni Toshio na Kristiyano. Paano? Sinabi ni Toshio na napakahirap na kumuha ng permiso upang magamit ang himnasyo para sa mga pagtitipon maliban sa mga laro. Subalit sa kaniyang kasalukuyang posisyon, “nagagamit ako ni Jehova”—bilang pagsipi sa sariling mga pananalita ni Toshio—“upang magamit ang gayong mga himnasyo para sa tatlong pandistritong mga kombensiyon at apat na pansirkitong mga asamblea.” Ganito ang kaniyang pagtatapos: “Kung tayo’y mananatiling tapat, si Jehova ay magbubukas ng di pa maguniguning mga paraan upang magamit tayo.”
Sa Tahanan
15. Paanong si Jesus ay nag-iwan ng isang huwaran para sa kaniyang mga tagasunod-yapak tungkol sa relasyon sa pamilya?
15 Ang isa pang larangan na kung saan ang mga Kristiyano’y ‘sumusunod sa yapak ni Jesus’ ay sa tahanan. Ipinakikita ng Bibliya ang halimbawa ni Jesus bilang ang huwaran para sa relasyon sa pamilya nang sabihin nito: “Pasakop kayo sa isa’t isa nang may takot kay Kristo. Ang mga babae ay pasakop sa kani-kanilang asawa gaya sa Panginoon, sapagkat ang lalaki ang ulo ng kaniyang asawa gaya ng Kristo na siya ring ulo ng kongregasyon . . . Sa katunayan, kung paanong ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo, gayundin na ang mga babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawa sa lahat ng bagay. Mga lalaki, patuloy na ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, kung paanong inibig din ni Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili alang-alang doon.”—Efeso 5:21-25.
16, 17. (a) Anong masamang kalagayan ang umiiral sa Sangkakristiyanuhan kung tungkol sa pampamilyang mga relasyon? (b) Sa papaano lamang mapahuhusay ang pampamilyang mga relasyon, gaya ng ipinakikita ng karanasan ng isang mag-asawa sa Brazil?
16 Ang kalakhang bahagi ng payong ito ay ipinagwawalang-bahala ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon at sa gayo’y punó ito ng watak-watak na mga pamilya. Palasak ang mga sirang tahanan, at ang alitan ng magulang at anak ay kalimitang napakalulubha. “Ang pamilya ay nagkakawatak-watak,” ang puna ng isang propesor sa sikolohiya mga ilang taon na ngayon ang nakaraan. Ang mga sikologo ng bata, mga tagapayo sa pag-aasawa, at mga sikayatrista ay nagtamo ng limitado lamang na tagumpay sa pagsisikap na mapagkasundu-sundo ang nanganganib na mga pamilya. Subalit ang mga Saksi ni Jehova ay nagsusumikap na ikapit ang mga simulain ng Bibliya at sila’y makikitaan ng mas magaling-kaysa-karaniwang relasyon sa pamilya.
17 Halimbawa, si Aldemar ay isang tinyente sa pulisya militar ng Brazil at may mga suliranin sa pamilya. Siya’y iniwan ng kaniyang asawa at ito’y naghain ng demanda para sa legal na paghiwalay. Siya’y naglasing nang husto at nagtangka pa manding magpatiwakal. Nang maglaon, ang kaniyang mga kamag-anak, na mga Saksi ni Jehova, ay nagsalita sa kaniya tungkol sa Bibliya. Nagustuhan niya ang kaniyang narinig at siya’y nagsimulang mag-aral. Sa kagustuhan niya na maiayon ang kaniyang buhay sa paninindigan ng pagkawalang-pinapanigan na ikinabantog ng mga Saksi ni Jehova, siya’y naghain ng kahilingan na putulin na ang kaniyang serbisyo sa militar. Nilutas ni Aldemar at ng kaniyang asawa ang kanilang di pagkakaunawaan sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya na natututuhan noon ni Aldemar. Sa ngayon, sila ay sumusunod sa mga yapak ni Jesus, naglilingkod kay Jehova na magkasama bilang mga regular payunir.
Masunurin Dahil sa Pag-ibig
18. (a) Bakit sa ngayo’y pinagpapala sa espirituwal ang mga Saksi ni Jehova? (b) Paano natutupad ngayon ang Isaias 2:2-4?
18 Maliwanag nga na ang mga Saksi ni Jehova ay nagkakaisang lumalakad sa espiritu at sa mga yapak ni Kristo Jesus. Bilang mga indibiduwal at bilang isang grupo, sila’y pinagpapala sa espirituwal sa paggawa ng gayon. (Awit 133:1-3) Ang maliwanag na ebidensiya ng pagpapala sa kanila ng Diyos ay gumanyak sa karamihan ng tapat-pusong mga tao na kumilos kasuwato ng hula sa Isaias 2:2-4. Sa loob lamang ng nakalipas na limang taon, 987,828 ang kumuha ng kinakailangang mga hakbang ng pag-aalay at pagkatapos ay naghandog ng kanilang sarili para sa bautismo sa tubig. Bilang isang mapagmahal na paglalaan, hindi nilagyan ni Jehova ng limitasyon ang bilang ng mga tao na makagagawa nito bago sumapit “ang malaking kapighatian”!—Apocalipsis 7:9, 14.
19. (a) Ano ang nakikitang mga pakinabang na maaaring bunga ng paglilingkod kay Jehova, at paano dapat ituring ang mga iyan? (b) Ano ang ating pangunahing dahilan ng pagsunod sa kautusan ni Jehova?
19 Gaya ng ipinakikita ng binanggit na mga karanasan, ang espirituwal na mga pagpapala na tinatamasa ng mga lingkod ng Diyos ay kadalasang may kasamang nakikitang mga pakinabang. Halimbawa, sa pamamagitan ng hindi paninigarilyo, pamumuhay nang may kalinisang-asal, at paggalang sa kabanalan ng dugo, sila’y maaaring makaiwas sa pagiging biktima ng mga ilang sakit. O dahilan sa pamumuhay na kasuwato ng katotohanan, sila’y maaaring makinabang sa paraang pangkabuhayan, panlipunan, o pantahanan. Anuman sa gayong nakikitang mga pakinabang ay itinuturing na isang pagpapala buhat kay Jehova, at nagpapatunay na ang mga kautusan ni Jehova ay maaaring sundin. Subalit ang posibilidad ng pagtatamo ng gayong praktikal na mga bentaha ay hindi sa ganang sarili siyang pangunahing dahilan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Ang mga tunay na Kristiyano ay sumusunod kay Jehova sapagkat kanilang iniibig siya, dahil sa siya’y karapat-dapat sa kanilang pagsamba, at dahilan sa ang paggawa ng kaniyang kalooban ang siyang tanging matuwid. (1 Juan 5:2, 3; Apocalipsis 4:11) Si Satanas ang nagbibintang na ang mga tao’y naglilingkod sa Diyos dahil lamang sa mapag-imbot na mga pakinabang.—Tingnan ang Job 1:9-11; 2:4, 5.
20. Paanong ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay lumalakad sa kaparehong espiritu na tulad ng sa tatlong tapat na Saksing Hebreo noong sinaunang panahon?
20 Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay lumalakad sa kaparehong espiritu na tulad ng sa tatlong tapat na mga kabataang saksing Hebreo noong kaarawan ni Daniel. Nang sila’y pagbantaan na ihahagis sa isang nagniningas na hurno, ang mga ito’y nagsabi: “Narito, ang aming Diyos na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin. Sa mabangis na hurnong nagniningas at sa iyong kamay, Oh hari, ililigtas niya kami. Ngunit kung hindi [na ang ibig sabihin, kahit na tulutan niyang kami’y mamatay], talastasin mo, Oh hari, na hindi kami sa iyong mga diyos maglilingkod, at ang larawang ginto na iyong itinayo ay hindi namin sasambahin.” (Daniel 3:17, 18) Anuman ang agad na makitang mga pakinabang o mga resulta, ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na susunod nang maingat sa mga yapak ni Jesus, sa pagkatanto nila na ang buhay na walang-hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos ay tiyak! Bilang isang nagkakaisang bayan, sila’y patuloy na lalakad “sa magkaparehong espiritu” at “sa ganoon ding mga yapak,” anuman ang dumating!
Maipaliliwanag Mo Ba:
◻ Kung bakit ang mga Saksi ni Jehova ay nagkakaisa?
◻ Kung paanong naiiba ang mga Saksi ni Jehova sa naturingang mga Kristiyano?
◻ Kung ano ang pangunahing dahilan kung bakit ang mga tunay na Kristiyano ay naglilingkod kay Jehova?
◻ Kung ano ang pangmalas ng bayan ng Diyos sa mga pakinabang na bunga ng pagsunod kay Jehova?
[Larawan sa pahina 16]
Pagka isang pasyente ang tumutol na pasalin ng dugo, karaniwan nang ipinalalagay na siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova
[Larawan sa pahina 18]
Maraming nag-aangking mga Kristiyano ang hindi naging maselan tungkol sa pakikidigma sa isa’t isa—na binabasbasan ng kanilang klero