Ikalawang Liham sa mga Taga-Tesalonica
3 Bilang panghuli, mga kapatid, patuloy kayong manalangin para sa amin,+ para ang salita ni Jehova ay mabilis na lumaganap+ at patuloy na maparangalan, gaya ng nangyayari sa gitna ninyo, 2 at para mailigtas kami mula sa napakasamang mga tao,+ dahil hindi lahat ng tao ay may pananampalataya.+ 3 Pero tapat ang Panginoon, at palalakasin niya kayo at poprotektahan mula sa isa na masama.*+ 4 At dahil mga tagasunod kami ng Panginoon, nagtitiwala kaming sinusunod ninyo ang mga tagubilin namin at patuloy na susundin. 5 Patuloy nawang gabayan ng Panginoon ang puso ninyo para mahalin ninyo ang Diyos+ at magtiis kayo+ para sa Kristo.
6 Tinatagubilinan namin kayo ngayon, mga kapatid, sa ngalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na layuan ang sinumang kapatid na lumalakad nang wala sa ayos+ at hindi sumusunod sa mga bagay na itinuro namin sa inyo.*+ 7 Alam ninyo kung paano kami tutularan,+ dahil hindi kami lumakad nang wala sa ayos sa gitna ninyo 8 at hindi kami kumain nang walang bayad.+ Sa halip, gabi’t araw kaming nagtrabaho at nagpakahirap para hindi namin mapabigatan ang sinuman sa inyo.+ 9 Hindi sa wala kaming awtoridad,+ kundi gusto namin na maging mabuting halimbawa sa inyo.+ 10 Sa katunayan, noong kasama pa ninyo kami, ibinigay namin ang utos na ito: “Kung ayaw magtrabaho ng isang tao, huwag siyang pakainin.”+ 11 Dahil nabalitaan namin na may mga lumalakad nang wala sa ayos sa gitna ninyo+—mga hindi nagtatrabaho at nanghihimasok pa sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila.+ 12 Inuutusan namin at pinapayuhan ang gayong mga tao sa ngalan ng Panginoong Jesu-Kristo na mamuhay nang tahimik at kumain ng pagkain na pinagtrabahuhan nila.+
13 Kayo naman mga kapatid, huwag kayong tumigil* sa paggawa ng tama.+ 14 Pero kung may sinuman na hindi sumusunod sa mga sinabi namin sa liham na ito, markahan ninyo siya at tumigil kayo sa pakikisama sa kaniya+ para mahiya siya. 15 Pero huwag ninyo siyang ituring na kaaway, kundi patuloy siyang paalalahanan+ bilang kapatid.
16 Ang Panginoon ng kapayapaan ay patuloy nawang magbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng bagay.+ Sumainyo nawang lahat ang Panginoon.
17 Narito ang aking pagbati, at ako mismong si Pablo ang sumulat nito.+ Ganito lagi ang paraan ko ng pagsulat, para matiyak ninyo na ako ang sumulat nito.
18 Sumainyo nawang lahat ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.