Kabanata 4
Pagsasaliksik sa Hiwaga sa Tulong ng Salamangka at Espiritismo
1. Sa Areopago, ano ang sinabi ni Pablo sa mga taga-Atenas? Bakit?
“MGA lalaking taga-Atenas, sa lahat ng bagay ay napapansin kong kayo’y higit na natatakot sa mga diyos kaysa sa iba.” (Gawa 17:22) Ito ang sinabi ng Kristiyanong apostol na si Pablo sa isang pulutong na nagkakatipon sa Areopago, o Burol ni Mars, sa sinaunang lungsod ng Atenas, Gresya. Sinabi ito ni Pablo sapagkat una pa ay nakita niya na “ang lungsod ay punô ng diyusdiyosan.” (Gawa 17:16) Ano ba ang nakita niya?
2. Ano ang nagpamalas sa pagkasindak ng mga taga-Atenas sa mga diyusdiyosan?
2 Walang alinlangan, sa lungsod na yaon na maraming dayuhan ay nakita ni Pablo ang sarisaring diyos na Griyego at Romano, at maliwanag na ang buhay ng mga tao ay nakapaligid sa pagsamba sa mga diyusdiyosan. Sa takot na makaligtaang sambahin ang alinmang mahalaga o makapangyarihang diyos at makagalitan nito, idinagdag pa ng mga taga-Atenas ang “isang Di-kilalang Diyos” sa kanilang pagsamba. (Gawa 17:23) Maliwanag na patotoo ito ng pagkasindak nila sa mga diyos.
3. Ang pagkasindak ba sa mga diyusdiyosan ay limitado sa mga taga-Atenas?
3 Kung sa bagay, ang takot sa mga diyusdiyosan, lalo pa yaong hindi kilala, ay hindi limitado sa mga taga-Atenas noong unang siglo. Sa nakalipas na libulibong taon, halos buong sangkatauhan ay pinagharian nito. Sa maraming bahagi ng daigdig, halos bawat pitak ng buhay ng tao ay tuwiran o di-tuwirang nasangkot sa isang diyos o mga espiritu. Gaya ng nakita natin sa nakaraang kabanata, ang mitolohiya ng mga sinaunang Ehipsiyo, Griyego, Romano, Intsik, at iba pa ay nag-uugat nang malalim sa paniwala sa mga diyos at mga espiritu, na gumanap ng mahalagang papel sa personal at pambansang mga gawain. Noong mga Edad Medya, laganap sa buong Sangkakristiyanuhan ang mga kuwento tungkol sa mga alkemista, manggagaway, at mangkukulam. Wala pa ring ipinagbago ang situwasyon sa ngayon.
Mga Rituwal at Pamahiin sa Ngayon
4. Ano ang ilang tanyag na kaugalian na maliwanag na nauugnay sa mga diyusdiyosan o espiritu?
4 Napapansin man ng tao o hindi, marami sa kaniyang ginagawa ay nauugnay sa pamahiin, at ang ilan ay may kinalaman sa mga diyusdiyosan o mga espiritu. Halimbawa, alam ba ninyo na ang pagdiriwang ng kaarawan ay nagmula sa astrolohiya, na nag-uukol ng malaking halaga sa eksaktong petsa ng kapanganakan? Kumusta naman ang birthday cake? Lumilitaw na ito ay kaugnay ng diyosang Griyego na si Artemis, na ang kaarawan ay ipinagdiwang sa pamamagitan ng mga cake na pulotpukyutan na hugis-buwan at na tinirikan ng mga kandila. O alam ba ninyo na ang pagsusuot ng itim sa mga libing ay sinaunang paraan ng pag-iwas sa masasamang espiritu na di-umano’y aalialigid sa pagkakataong yaon? Ang katawan ng ilang Aprikano ay pinipintahan ng puti, at sa ibang lupain ang mga nagluluksa ay nagsusuot ng mga kakatwang kulay upang sila ay hindi makilala ng mga espiritu.
5. Ano ang ilan sa mga karaniwang pamahiin na alam ninyo?
5 Bukod sa mga tanyag na kaugaliang ito, ang mga tao saanman ay may kanikaniyang pamahiin at kinatatakutan. Sa Kanluran, ang basag na salamin, pusang itim, paglalakad sa ilalim ng hagdan, at, depende sa lugar, ang Martes o Biyernes na ika-13 ng buwan ay pawang signus na nagbabadya ng masama. Sa Silangan, isinusuot ng mga Hapon ang kanilang kimono na ang kaliwang bahagi ay nakatiklop sa ibabaw ng kanan, sapagkat ang kabaligtaran nito ay inilalaan sa mga bangkay. Ang mga bahay ay itinatayo na ang mga pintuan o bintana ay hindi nakaharap sa hilagang silangan upang ang mga demonyo, na galing di-umano sa direksiyong ito, ay hindi makapasok. Sa Pilipinas, inaalis ng mga tao ang sapatos ng isang namatay at inilalagay ito sa tabi ng mga paa ng bangkay bago ilibing upang ang yumao ay tanggapin ni “San” Pedro. Sinasabi ng matatanda sa mga bata na sila’y magpakatinô sapagkat ang larawan na nasa buwan ay si “San” Miguel, na nagbabantay at nagtatalâ ng kanilang ginagawa.
6. Sa ngayon, gaano kalubha ang pagkakasangkot ng tao sa espiritismo?
6 Gayumpaman, ang paniwala sa mga espiritu at diyusdiyosan ay hindi limitado sa mga kaugalian at pamahiin na tila hindi naman nakapipinsala. Sa kapuwa primitibo at makabagong mga lipunan, naghanap ang tao ng sarisaring paraan upang masupil o mapaluguran ang malulupit na espiritu at upang makamit ang pabor niyaong mababait. Likas lamang na ang una nating maalaala ay ang mga tao sa malalayong gubat at kabundukan na sumasangguni sa mga mangkukulam, manggagaway, at mga shaman (saserdote ng salamangka) kapag sila’y maysakit o may mahigpit na pangangailangan. Subalit ang mga tao sa malalaki at maliliit na lungsod ay lumalapit din sa mga astrologo, bumabasa ng isipan, manghuhula, at manghihimalad upang sumangguni sa hinaharap o humingi ng tulong sa paggawa ng mahalagang pasiya. Ang iba, bagaman may relihiyon, ay masigla ring sumusunod sa mga kaugaliang ito. Marami rin ang gumagamit ng espiritismo, salamangkang itim, at okultismo sa kanilang relihiyon.
7. Anong mga tanong ang dapat na isaalang-alang?
7 Ano ang pinagmulan o ugat ng lahat ng kaugalian o pamahiing ito? Ito ba’y iba’t-ibang paraan lamang ng paglapit sa Diyos? At higit na mahalaga, ano ang epekto sa mga nagtataguyod nito? Upang makamit ang sagot, lumingon tayo sa pasimula ng kasaysayan ng tao upang maunawaan ang kaniyang sinaunang mga paraan ng pagsamba.
Pagtatangkang Tarukin ang Hiwaga
8. Anong pambihirang katangian ang nagtatangi sa tao mula sa nakabababang mga nilikha?
8 Salungat sa angkin ng mga ebolusyonista, ang tao ay may espirituwal na katangian kaya siya ay naiiba at nakahihigit sa mga hayop. Isinilang siya na may hangaring saliksikin ang hindi niya nalalaman. Patuloy siyang nakikipagpunyagi sa mga tanong na: Ano ang kahulugan ng buhay? Ano ang nangyayari kapag namatay? Ano ang kaugnayan ng tao sa materyal na daigdig at pati na sa sansinukob? Itinutulak din siya na abutin ang isang bagay na mas mataas o mas makapangyarihan upang masupil ang kaniyang kapaligiran at buhay.—Awit 8:3, 4; Eclesiastes 3:11; Gawa 17:26-28.
9. Papaano inilarawan ng isang iskolar ang “espirituwalidad”?
9 Ganito ang paliwanag ni Ivar Lissner sa kaniyang aklat na Man, God and Magic: “Tiyak na mamamangha tayo sa pagtitiyaga ng tao, mula sa pasimula, na abutin ang hindi niya saklaw. Ang kaniyang pagsisikap ay hindi tanging iniukol sa pagkakamit ng mga pangangailangan sa buhay. Lagi siyang nagtatanong, nangangapâ sa daan, naghahangad ng hindi niya makakamit. Ang mahiwaga at likas na hangaring ito ng tao ay ang kaniyang espirituwalidad.”
10. Ano ang nagpapakita sa likas na hangarin ng tao na makilala ang Diyos?
10 Totoo, iba ang pangmalas niyaong mga hindi naniniwala sa Diyos. Ang ganitong hilig ng tao ay karaniwan nilang iniuugnay sa kaniyang mga pangangailangan, sikolohikal o iba pa, gaya ng nakita natin sa Kabanata 2. Gayumpaman, hindi ba totoo na kapag napapaharap sa panganib o kalagayang walang masusulingan, ang unang reaksiyon ng halos lahat ay ang humingi ng tulong sa Diyos o sa isang nakatataas? Totoong-totoo ito ngayon na gaya rin noong nakalipas. Kaya, sinabi pa ni Lissner: “Ang mga nakapagsaliksik sa pinaka-unang primitibong tao ay nakatuklas na lahat ay pawang naniniwala sa Diyos, at hayagang kumikilala sa isang maykapal.”
11. Ano ang resulta ng pagsisikap ng tao na matarok ang hiwaga? (Ihambing ang Roma 1:19-23.)
11 Kung papaano nila sinikap na sapatan ang likas na hangarin na matarok ang hiwaga ay iba namang bagay. Ang pagalagalang mga mangangaso at pastol ay nasindak sa kapangyarihan ng mababangis na hayop. Ang mga magsasaka ay laging nakikiramdam sa mga pagbabago sa klima at panahon. Ang mga taga-gubat ay ibang-iba ang reaksiyon sa mga taga-disyerto o kabundukan. Sa harap ng nagkakaibang mga pangamba at pangangailangan, ang mga tao ay bumuo ng nakalilitong relihiyosong mga kaugalian at umasang sa tulong nito ay makadudulog sila sa mababait na diyos at makapapayapa sa mga mababagsik.
12. Anong pagkakahawig ang makikita sa relihiyosong kaugalian ng mga tao kahit saan?
12 Subalit sa kabila ng napakalaking pagkakaiba-iba ay may ilang pagkakahawig na maaaninaw sa mga relihiyosong kaugaliang ito. Kabilang dito ang pagpipitagan at pagkasindak sa sagradong mga espiritu at mga puwersang higit-sa-karaniwan, salamangka, panghuhula sa tulong ng mga tanda at signus, astrolohiya, at iba’t-ibang paraan ng panghihimalad. Habang nagsusuri, matutuklasan natin na ito ay gumanap ng mahalagang papel sa paghubog sa relihiyosong isipan ng mga tao sa palibot ng daigdig sa nakalipas na panahon, at pati na rin sa mga nabubuhay ngayon.
Sagradong mga Espiritu at Puwersang Higit-sa-Karaniwan
13. Noong una, ano ang maaaring naging palaisipan sa tao?
13 Ang buhay ng mga sinauna ay tila man din balut-na-balot sa hiwaga. Napaligiran sila ng hindi maipaliwanag at nakalilitong mga pangyayari. Halimbawa, hindi nila maunawaan kung bakit ang isang malusog na tao ay biglang nagkakasakit, o kung bakit hindi umuulan sa takdang panahon, o kung bakit ang walang-dahon, tila patay na punongkahoy ay biglang nagiging luntian at buháy-na-buháy sa takdang yugto ng taon. Maging ang anino, pintig ng puso, at hininga ay naging mahiwaga.
14, 15. Dahil sa kakulangan ng unawa at patnubay, sa ano malamang na iniukol ng tao ang hindi niya kayang ipaliwanag? (Ihambing ang 1 Samuel 28:3-7.)
14 Dahil sa katutubong hilig ng tao sa espirituwal, ang mahiwagang mga bagay at pangyayaring ito ay likas na iukol niya sa isang puwersang higit-sa-karaniwan. Subalit, palibhasa kulang sa wastong patnubay at unawa, hindi nagtagal at ang daigdig niya ay napuno ng mga kaluluwa, espiritu, multo, at mga demonyo. Halimbawa, ang kaluluwa ng tao ay tinatawag ng mga Algonquian Indiyan ng Hilagang Amerika na otachuk, na nangangahulugan “anino niya,” at ang mga Malay sa Timog-silangang Asya ay naniniwala na kapag namatay ang tao, ang kaluluwa nito ay lumalabas sa mga butas ng kaniyang ilong. Sa ngayon, ang paniwala sa mga espiritu at mga kaluluwa—at ang iba’t-ibang paraan ng pakikipagtalastasan sa kanila—ay palasak-na-palasak sa buong daigdig.
15 Kaayon nito, ang iba pang bagay sa likas na kapaligiran—ang araw, buwan, mga bituin, karagatan, ilog, at bundok—ay waring buháy at may tuwirang impluwensiya sa buhay ng tao. Palibhasa ang mga ito ay tila may sariling daigdig na kinalalagyan, itinuring sila na mga espiritu at diyos, ang iba’y mabait at matulungin, at iba’y masama at mapaminsala. Ang pagsamba sa mga nilalang ay naging prominenteng bahagi ng lahat halos ng relihiyon.
16. Papaano nahayag ang pagsamba sa mga espiritu, diyusdiyosan, at sagradong mga kagamitan?
16 Ang ganitong paniwala ay masusumpungan natin sa mga relihiyon ng halos bawat matandang sibilisasyon. Ang mga taga-Babilonya at Ehipto ay sumamba sa mga diyos ng araw, buwan, at mga konstelasyon. Sinamba rin nila ang mga hayop at halimaw. Ang mga Hindu ay kilala sa pagsamba sa milyunmilyong diyos. Ang mga Intsik ay matagal nang sumasamba sa mga bundok at ilog, at nagpapahayag ng pagmamahal sa magulang sa pamamagitan ng pagsamba sa ninuno. Ang punongkahoy na oak ay sinamba ng sinaunang mga Druid sa Britanya, at labis nilang iginalang ang mistletoe na tumutubo sa punong ito. Nang maglaon, pinalawak ito ng mga Griyego at Romano; kaya ang paniwala sa mga espiritu, diyusdiyosan, kaluluwa, demonyo, at iba’t-ibang sagradong bagay ay nag-ugat nang malalim.
17. Ano ang katibayan na umiiral pa rin sa ngayon ang pagsamba sa mga nilalang?
17 Bagaman sa ngayon lahat ng ito ay ituturing ng iba bilang pamahiin, ang mga paniwalang ito ay bahagi pa rin ng relihiyosong kaugalian ng maraming tao sa palibot ng daigdig. May naniniwala pa rin na sagrado ang mga bundok, ilog, mga batong may kakatwang hugis, matatandang punongkahoy, at di-mabilang na iba pang bagay, at ang mga ito ay sinasamba nila at pinag-uukulan ng debosyon. Nagtatayo sila ng mga altar, dambana, at templo sa mga dakong ito. Halimbawa, ang Ilog Ganges ay sagrado para sa mga Hindu, na ang pinakamimithi ay makapaligo rito habang nabubuhay at pagkamatay naman ay ipaanod dito ang kanilang abo. Para sa mga Budhista isang pantanging karanasan ang makasamba sa dambana sa Budh Gaya, Indiya, na doon di-umano naliwanagan si Budha sa silong ng punongkahoy na bodhi. Sa Mehiko ang mga Katoliko ay lumalakad nang paluhod sa Basilika ng Senyora ng Guadalupe o naliligo sa “sagradong” tubig ng dambana sa Lourdes, Pransya, para sa makahimalang pagpapagaling. Ang pagsamba sa mga kinapal sa halip na sa Maykapal ay laganap-na-laganap pa rin ngayon.—Roma 1:25.
Ang Paglitaw ng Salamangka
18. Saan umaakay ang paniwala sa mga espiritu at diyusdiyosan?
18 Minsang maniwala na ang walang-buhay na daigdig ay lipos ng mga espiritu, mabubuti at masasama, napakadali nang marating ang susunod na hakbang—ang pakikipagtalastasan sa mabubuting espiritu ukol sa patnubay at pagpapala at pagpayapa naman sa mababagsik. Ang ibinunga ay salamangka, na naging palasak sa bawat bansa sa nakaraan at kasalukuyan.—Genesis 41:8; Exodo 7:11, 12; Deuteronomio 18:9-11, 14; Isaias 47:12-15; Gawa 8:5, 9-13; 13:6-11; 19:18, 19.
19. (a) Ano ang salamangka? (b) Bakit tila kapanipaniwala ito sa maraming tao?
19 Sa saligang kahulugan, ang salamangka ay ang pagsisikap na sumupil o pumilit sa likas at higit-sa-karaniwang mga puwersa upang sumunod sa ipinag-uutos ng tao. Palibhasa’y hindi nababatid ang tunay na dahilan ng maraming araw-araw na pangyayari, ang mga sinauna ay naniwala na ang pag-ulit sa ilang nakagagayumang salita o orasyon, o ang pagsasagawa ng isang rituwal, ay magdudulot ng inaasahang resulta. At kaya naging kapanipaniwala ang uring ito ng salamangka ay sapagkat may ilan na talagang nagkabisa. Halimbawa, iniuulat na sa mga Kapuluan ng Mentawai sa kanluran ng Sumatra ang mga mangkukulam—na talagang mga salamangkero at manggagaway—ay lubhang mabisa sa pagpapagaling ng pagtatae. Pinahihiga nila nang pataob ang maysakit sa gilid ng isang bangin at pinadidilaan sa kaniya nang manakanaka ang lupa. Bakit naging mabisa ito? Ang lupa sa bangin ay may kaolin, isang puting putik na karaniwang lahok ngayon ng ilang gamot sa pagtatae.
20. Papaano nanaig ang salamangka sa buhay ng tao?
20 Ang mga bibihirang tagumpay na ito ay agad pumawi sa mga kabiguan at nagpatibay sa kakayahan ng mga salamangkero. Di nagtagal sila’y iginalang at pinagpitaganan—mga saserdote, mga pinuno, shaman, mangkukulam, manggagaway, at espiritista. Idinulog sa kanila ng mga tao ang kanilang mga suliranin, gaya ng pagpapagaling at paghadlang sa sakit, paghahanap ng mga nawawalang gamit, pagkilala sa mga magnanakaw, pagtataboy sa masasamang impluwensiya, at paghihiganti. Nang maglaon ay nabuo ang isang kalipunan ng mga pamahiin at rituwal na kaugnay nito at ng iba pang pangyayari sa buhay, gaya ng pag-aanak, pagsapit sa hustong gulang, pakikipagtipan, pag-aasawa, kamatayan at paglilibing. Kaya ang kapangyarihan at hiwaga ng salamangka ay nanaig sa bawat pitak ng buhay ng mga tao.
Mga Sayaw na Pampaulan at mga Panggagayuma
21, 22. Ano ang “salamangka ng panggagaya”? Ilarawan.
21 Sa kabila ng lubhang pagkakaiba-iba sa anyo, kapunapuna ang pagkakahawig ng saligang mga paniwala sa likod ng salamangka. Una, ay ang paniwala na ang isang bagay ay lumilikha ng kawangis nito, na ang isang minimithing resulta ay magagawa kung ito ay tutularan. Malimit itong tukuyin na salamangka ng panggagaya. Halimbawa, kapag ang mga pananim ay pinagbabantaan ng tagtuyot, ang mga Omaha Indiyan sa Hilagang Amerika ay nagsasayaw sa paligid ng isang sisidlan ng tubig. Pagkatapos isa sa kanila ay umiinom ng tubig mula sa sisidlan at ibinubuga ito bilang pagtulad sa ulan o ambon. O ang isang tao ay magpapagulong sa lupa na gaya ng isang sugatang oso upang makatiyak ng tagumpay sa pangangaso.
22 Ang iba ay may mas maluluhong rituwal, na may lakip pang orasyon at handog. Ang mga Intsik ay gumagawa at nagpaparada ng isang malaking dragon na papel o kahoy, na kanilang diyos-ulan, o kaya’y inilalabas nila sa templo ang larawan ng kanilang diyos at inilalantad ito sa araw upang madama nito ang init at marahil ay magpapadala ito ng ulan. Sa rituwal ng mga Ngoni sa Silangang Aprika ay kalakip ang pagbubuhos ng serbesa sa isang palayok na nakabaon sa lupa sa isang templo ng ulan at ang pananalangin ng, “Panginoong Chauta, pinatigas mo ang iyong puso, ano ang aming gagawin? Tiyak na kami’y mamamatay. Bigyan mo ng ulan ang aming mga anak, narito ang alay naming serbesa.” Pagkatapos ay iniinom nila ang tirang serbesa. Sinusundan ito ng awit at sayaw at pagwagayway ng mga sangang isinawsaw sa tubig.
23. Papaano umunlad ang pangkukulam at panggagayuma? (Ihambing ang Levitico 19:31; 20:6, 27; Deuteronomio 18:10-13.)
23 Ang isa pang paniwala na nag-uugat sa salamangka ay na ang dating ariarian ng isang tao ay makakaimpluwensiya pa rin sa kaniya kahit ito ay naihiwalay na sa kaniya. Humantong ito sa panggagayuma na gumagamit ng isang dating ariarian ng isang tao. Kahit na sa ika-16 at -17 siglong Europa at Ingglatiyera, naniwala pa rin sila na ang mga mangkukulam at manggagaway ay nagdudulot ng pinsala sa tao sa paraang ito. Kabilang dito ang paggawa ng kandilang larawan ng isang tao at ang pagtuturok dito ng mga karayom, pagsulat ng kaniyang pangalan sa kapirasong papel at pagsunog nito, pagbabaon sa lupa ng kaniyang damit, o paggawa ng iba pang bagay sa kaniyang ginupit na buhok, kuko, pawis, at maging sa kaniyang dumi. Ang sukdulan ay maaaninaw sa mga Batas ng Parlamento na pinagtibay sa Ingglatiyera nong 1542, 1563, at 1604 na nagpataw ng kamatayan sa salang pangkukulam. Sa iba’t-ibang paraan, ang anyong ito ng salamangka ay ginamit sa lahat halos ng bansa sa kasaysayan.
Ang Hinaharap ayon sa mga Tanda at Signus
24. (a) Ano ang panghuhula? (b) Papaano isinagawa ng mga taga-Babilonya ang panghuhula?
24 Malimit gamitin ang salamangka upang magsiwalat ng lingid na impormasyon o upang sumilip sa hinaharap sa tulong ng mga tanda at signos. Tinatawag itong panghuhula, at napatanyag ang mga taga-Babilonya dahil dito. Ayon sa aklat na Magic, Supernaturalism, and Religion, “dalubhasa sila sa mga sining ng panghuhula, batay sa isinisiwalat ng mga atay at bituka ng pinatay na mga hayop, sa apoy at usok, at sa kinang ng ilang mahahalagang bato; humula sila salig sa hugong ng mga bukal at hugis ng mga halaman. . . . Ang mga palatandaan sa atmospera, ulan, mga ulap, hangin, at kidlat ay pawang itinuring na palatandaan ng hinaharap; ang mga bitak sa muwebles at dingding na kahoy ay nagbadya ng hinaharap na mga pangyayari. . . . Ang mga langaw at iba pang kulisap, pati na ang mga aso, ay naging tagapaghatid ng mahiwagang mga mensahe.”
25. Papaano tinukoy nina Ezekiel at Daniel ang panghuhula sa sinaunang Babilonya?
25 Iniuulat ng aklat ng Ezekiel sa Bibliya na sa isang kampanya militar, “ang hari ng Babilonya ay tumayo sa sangandaan, sa bukana ng dalawang daan, upang magbadya ng panghuhula. Iwinasiwas niya ang mga pana, sumangguni siya sa mga terapim; inusisa niya ang atay.” (Ezekiel 21:21) Ang mga salamangkero, manggagaway at manggagayuma ay may palagiang atas sa korte ng Babilonya.—Daniel 2:1-3, 27, 28.
26. Anong anyo ng panghuhula ang popular sa mga Griyego?
26 Ang mga taga-Silangan at -Kanluran ay nahihilig din sa iba’t-ibang anyo ng panghuhula. Sinangguni ng mga Griyego ang kanilang mga orakulo ukol sa politika at maging sa pribadong mga bagay na gaya ng pag-aasawa, paglalakbay, at mga anak. Ang pinakatanyag ay ang orakulo ni Delpi. Ang mga sagot, na nagmula di-umano sa diyos na si Apollo, ay inilaan ng saserdoteng babae, o si Pitya, sa mahirap unawaing mga huni na binigyang kahulugan naman ng mga saserdote upang bumuo ng malalabong mga talata. Ang isang klasikal na halimbawa ay ang tugon na ibinigay kay Croesus, hari ng Lydia: “Kung tatawid si Croesus sa Halys, ay wawasakin niya ang isang makapangyarihang imperyo.” Ang makapangyarihang imperyo na wawasakin ay yaon palang mismong kaniya. Natalo si Croesus kay Ciro na Persyano nang tumawid ito sa Halys upang sakupin ang Capadocia.
27. Sa anong sukdulan umabot ang panghuhula ng mga Romano?
27 Sa Kanluran ang sining ng panghuhula ay umabot sa tugatog noong panahon ng mga Romano, na naging lubhang interesado sa mga tanda at signus sa halos lahat ng bagay. Ang mga tao sa bawat antas ng lipunan ay naniwala sa astrolohiya, pangkukulam, mga talisman, panghihimalad, at marami pang anyo ng panghuhula. At ayon sa isang autoridad sa kasaysayang Romano, si Edward Gibbon, “ang sarisaring paraan ng pagsamba na umiral sa daigdig ng mga Romano ay tinanggap bilang pawang katotohanan.” Ang tanyag na estadista at orador na si Cicero ay naging dalubhasa sa pagmamasid ng mga tanda sa paglipad ng mga ibon. Napansin ng Romanong mananalaysay na si Petronio na dahil sa napakaraming relihiyon at kulto sa ilang bayang Romano, waring mas marami pa ang diyos kaysa sa mga tao roon.
28. Papaano nanghuhula ang mga Intsik noong sinauna?
28 Sa Tsina, nahukay ang mahigit na 100,000 piraso ng buto at kabibe ng orakulo na nagmula pa noong ikalawang milenyo B.C.E. (sa dinastiyang Shang). Ang mga ito’y ginamit ng mga saserdoteng Shang sa paghahangad ng banal na patnubay sa lagay ng panahon at sa pagkilos ng mga hukbong sandatahan. Isinulat ng mga saserdote sa mga buto ang mga tanong sa sinaunang abakada. Pagkatapos ay pinainitan nila ang mga buto at sinuri ang mga lumitaw na bitak at isinulat ang mga sagot sa mga buto ring yaon. Sinabi ng ilang iskolar na sa sinaunang abakadang ito nabuo ang sulat-Intsik.
29. Anong simulain ng panghuhula ang isinasaad sa I Ching?
29 Ang pinakatanyag na sinaunang kathang Intsik hinggil sa panghuhula ay ang I Ching (Canon ng mga Pagbabago; binibigkas na Yee-Jing), na isinulat di-umano ng unang dalawang emperador na Chou, si Wen Wang at si Chou Kung, noong ika-12 siglo B.C.E. May detalyadong paliwanag ito sa ugnayan ng magkasalungat na puwersang yin at yang (dilim-liwanag, negatibo-positibo, babae-lalaki, buwan-araw, lupa-langit, at iba pa), na para sa maraming Intsik ay siyang umuugit na prinsipyo sa bawat pitak ng buhay. Ayon dito, lahat ay patuloy na nagbabago at wala ni isa ang namamalagi. Upang magtagumpay sa alinmang pagsisikap, dapat mabatid ang lahat ng kasalukuyang pagbabago at kumilos na kasuwato nito. Kaya, ang mga Intsik ay nagtatanong at nagsasapalaran at pagkatapos ay bumabaling sa I Ching ukol sa sagot. Sa paglipas ng mga dantaon, ang I Ching ay naging saligan ng lahat ng paraan ng panghihimalad, heomansiya at iba pang anyo ng panghuhula sa Tsina.
Mula sa Astronomiya tungo sa Astrolohiya
30. Ilarawan ang pagsulong ng sinaunang astronomiya.
30 Ang pagiging-maayos ng araw, buwan, mga bituin, at mga planeta ay matagal nang nakabighani sa tao. May mga katalogo ng bituin mula noong 1800 B.C.E. na natuklasan sa Mesopotamya. Salig sa impormasyong ito, nahulaan ng mga taga-Babilonya ang maraming astronomikong pangyayari, gaya ng mga eklipse ng buwan, pagsikat at paglubog ng mga konstelasyon, at paglalakbay ng mga planeta. Ang mga taga-Ehipto, -Asirya, -Tsina, -Indiya, -Gresya, -Roma, at iba pang mga sinauna ay pawang tagapagmasid ng kalangitan at nag-ingat ng detalyadong ulat sa astronomiya. Mula rito ay bumuo sila ng mga kalendaryo at iniakma ang kanilang taunang mga gawain.
31. Papaano iniluwal ng astronomiya ang astrolohiya?
31 Mula sa mga obserbasyong astronomiko, napansin na ang ilang pangyayari sa lupa ay tila man din nakakasuwato ng mga pangyayari sa langit. Halimbawa, ang paghahalili ng mga panahon ay lubos na naaayon sa paglalakbay ng araw, ang tubig ay kumakati at tumataib na kasuwato ng buwan, ang taunang pagbaha ng ilog Nilo ay laging kasunod ng paglitaw ng Sirius, ang pinakamaliwanag na bituin. Likas lamang ipasiya na ang may kagagawan nito at ng iba pang pangyayari sa lupa ay ang makalangit na mga nilalang. Sa katunayan, ang Sirius ay tinawag ng mga taga-Ehipto na Tagapaghatid ng Nilo. Ang palagay na inuugitan ng mga bituin ang mga pangyayari sa lupa ay madaling umakay sa paniwala na ang makalangit na mga nilalang ay maaasahan sa paghula sa hinaharap. Kaya ang astronomiya ay nagluwal sa astrolohiya. Di nagtagal, ang mga hari at emperador ay nag-atas ng opisyal na mga astrologo sa korte upang isangguni sa mga bituin ang mahahalagang pambansang suliranin. At sa bituin na rin iniasa ng karaniwang tao ang kanilang personal na kapalaran.
32. Anong mga paraan ng astrolohiya ang ginawa ng mga taga-Babilonya?
32 Muli na namang nasasangkot ang mga taga-Babilonya. Ang mga bituin ay itinuring nilang makalangit na tirahan ng mga diyos, kung papaanong ang mga templo ang makalupang tahanan ng mga ito. Ito ang humantong sa pagpipisanpisan ng mga bituin upang bumuo ng mga konstelasyon at maging sa paniwala na ang mga kakatwang pangyayari sa langit, gaya ng mga eklipse o paglitaw ng mga maningning na bituin o bulalakaw, ay nagbabadya ng dalamhati o digmaan sa lupa. Sa mga labî na nahukay sa Mesopotamya ay daandaang pag-uulat ng mga astrologo sa hari ang natuklasan. Halimbawa, may mga nag-ulat na ang napipintong eklipse ng buwan ay tanda ng pagkatalo ng kaaway o na ang paglitaw ng isang partikular na planeta sa isang konstelasyon ay mangangahulugan ng “malaking pagdidigma” sa lupa.
33. Ano ang sinabi ni Isaias hinggil sa mga “tagapagmasid ng mga bituin” sa Babilonya?
33 Ang sukdulan ng pananalig ng mga taga-Babilonya sa ganitong panghuhula ay makikita sa mapanuyang mga pananalita ni propeta Isaias nang ihula niya ang pagkawasak ng Babilonya: “Tumayo ka, ngayon, kasama ng iyong mga engkanto at sa kasaganaan ng iyong panggagaway, na iyong pinagtiyagaan mula nang iyong kabataan . . . Hayaan silang magsitayo, at iligtas ka, silang mga sumasamba sa langit, mga tagamasid sa bituin, silang nagpapakilala sa mga bagong buwan mula sa mga bagay na darating sa iyo.”—Isaias 47:12, 13.
34. Sino ang mga “Mago” na dumalaw sa sanggol na si Jesus?
34 Mula sa Babilonya, ang astrolohiya ay iniluwas sa Ehipto, Asirya, Persya, Gresya, Roma, at Arabya. Sa Silangan, ang mga Hindu at Intsik ay nagkaroon din ng sariling masalimuot na sistema ng astrolohiya. Sa ulat ng ebanghelisador na si Mateo ang mga “Mago” na dumalaw sa sanggol na si Jesus ay pawang “mga astrologo mula sa silangan.” (Mateo 2:1, 2) Naniniwala ang ilang iskolar na nagmula sila sa paaralan ng astrolohiya ng mga Caldeo at Medo-Persyano sa Parthia, dating lalawigan ng Persya at nang maglaon ay naging hiwalay na Imperyo ng Parthia.
35. Anong pagsulong sa astrolohiya ang naganap mula noong panahon ng mga Griyego?
35 Gayunman, mga Griyego ang nagpaunlad sa anyo ng astrolohiya na ginagamit ngayon. Noong ikalawang siglo C.E., lahat ng umiiral na impormasyong astronomikal ay tinipon ni Claudius Ptolemy, Griyegong astronomo sa Aleksandriya, Ehipto, upang bumuo ng apat na aklat, tinatawag na Tetrabiblos, saligang teksto sa astrolohiya hanggang ngayon. Mula rito, nabuo ang tanyag na natal astrology, alalaong baga, ang paghula sa kinabukasan ng isang tao salig sa pagsusuri sa kaniyang ulat ng kapanganakan, o horoscope—isang chart na nagpapakita sa mga posisyon ng araw, ng buwan, ng iba’t-ibang planeta sa mga konstelasyon kung tatanawin mula sa dakong sinilangan ng isang tao sa mismong sandali ng kaniyang pagsilang.
36. Ano ang ebidensiya na naging marangal ang astrolohiya?
36 Nang sumapit ang ika-14 at ika-15 siglo, ang astrolohiya ay laganap na sa Kanluran. Itinuro ito sa mga pamantasan bilang asignatura, kasabay ng mga wika at matematika. Ang mga astrologo ay itinuring na mga iskolar. Ang mga sulat ni Shakespeare ay punung-puno ng pagtukoy sa astrolohikal na mga impluwensiya sa buhay-buhay ng tao. Bawat maharlikang korte at maraming mahal na tao ang umupa ng pribadong mga astrologo na masasangguni nila agad. Halos walang isinagawang proyekto—gaya ng digmaan, pagtatayo, negosyo, o paglalakbay—na hindi muna isinasangguni sa mga bituin. Ang astrolohiya ay naging marangal.
37. Papaano nakapekto sa astrolohiya ang pagsulong sa siyensiya?
37 Bagaman ang astrolohiya bilang lehitimong siyensiya ay lubhang napawalang-saysay ng mga astronomong sina Copernico at Galileo, pati na ng pagsulong ng makasiyentipikong pagsasaliksik, ito ay nananatili pa rin ngayon. (Tingnan ang kahon, pahina 85.) Para sa mga pinuno ng Estado at karaniwang tao sa lansangan, mula sa mga bansang masulong sa teknolohiya o liblib na nayon sa mahihirap na bansa, malawak pa rin ang impluwensiya ng mahiwagang sining na ito na pinasimulan ng mga taga-Babilonya, pinasulong ng mga Griyego, at pinalawak ng mga Arabo.
Tadhana na Iginuhit sa Mukha at Palad
38. Ano ang umakay sa panghuhula kaugnay ng kamay at mukha ng tao?
38 Kung ang pagmamasid ng mga tanda at signus sa langit ay tila mahirap unawain, ang mga mahilig sa panghuhula ay may mga kagyat at mas madaling makakamit na paraan. Ganito ang pahayag ng Zohar, o Sefer ha-zohar (Hebreo, Aklat ng Kaluwalhatian), isang kasulatan ng Judiong mistisismo noong ika-13 siglo: “Sa papawiring bumabalot sa sansinukob, ay makikita ang maraming anyo na binubuo ng mga bituin at planeta. Naghahayag ito ng kubling mga bagay at masalimuot na hiwaga. Kasuwato nito, sa balat na bumabalot sa ating pagkatao ay may mga anyo at katangian na siyang mga bituin ng ating katawan.” Ang pilosopiyang ito ay umakay sa iba pang anyo ng panghihimalad o panghuhula sa hinaharap, gaya ng pagsusuri sa mga makahulang palatandaan ng mukha at palad. Kapuwa sa Silangan at sa Kanluran, laganap pa rin ang kaugaliang ito. Subalit maliwanag na ito ay nag-uugat sa astrolohiya at salamangka.
39. Ano ang physiognomy, at papaano ito ikinapit?
39 Physiognomy ang tawag sa panghuhula ng kapalaran salig sa pagsusuri sa anyo ng mukha, gaya ng hugis ng mata, ilong, ngipin, at tainga. Noong 1531 sa Strasbourg, isang nagngangalang Juan na taga-Indagine ang naglathala ng aklat sa paksang ito at doo’y naglakip siya ng maliliwanag na ukit ng mukha na may iba’t-ibang hugis ng mata, ilong, tainga, at iba pa, pati na ang kaniyang mga pagpapakahulugan. Kapansinpansin, bilang saligan sa pag-aangkin na ang malalaki, maningning, at biluging mga mata ay nagbabadya ng katapatan at mabuting kalusugan, samantalang ang malalim at maliliit na mata ay palatandaan ng inggit, malisya, at pagiging mapaghinala, sinipi niya ang mga salita ni Jesu-Kristo sa Mateo 6:22, “Kaya, kung payak ang iyong mata, ang buong katawan mo’y mapupuspos ng liwanag.” Gayunman, sa isang nakakahawig na aklat, ang Compendium of Physiognomy, na inilathala noong 1533, inangkin ng may-akdang si Bartolommeo Cocle na ang malalaki at mabibilog na mata ay pahiwatig na ang tao ay salawahan at tamad.
40. (a) Ano ang chiromancy? (b) Papaano ginamit ang Bibliya upang alalayan ang chiromancy?
40 Ayon sa mga manghuhula, kasunod ng ulo, ang kamay ay higit na kasasalaminan ng mga puwersang nagbubuhat sa itaas. Kaya, ang pagbasa sa guhit ng palad upang alamin ang pagkatao at kapalaran ay isa pa ring tanyag na anyo ng panghuhula—chiromancy, karaniwang tinutukoy na panghihimalad (palmistry). Noong mga Edad Medya ang mga manghihimalad (chiromancers) ay nagsaliksik sa Bibliya upang alalayan ang kanilang sining. Nakatuklas sila ng mga talatang gaya ng “Tinatakan niya ang kamay ng bawat tao; upang maalaman ng lahat ng tao na kaniyang nilalang” at “Karamihan ng mga araw ay nasa kanang kamay niya; sa kaniyang kaliwang kamay ay mga kayamanan at karangalan.” (Job 37:7; Kawikaan 3:16, KJ) Ang mga tambok, o nakaalsang bahagi ng kamay ay isinaalang-alang din sapagkat inakala na ang mga ito ay kumakatawan sa mga planeta at nagsisiwalat din tungkol sa indibiduwal at sa hinaharap nito.
41. Papaano nanghuhula ang mga tao sa Silangan?
41 Ang paghula ng kapalaran sa pamamagitan ng pagsusuri sa anyo ng mukha at kamay ay lubhang popular sa Silangan. Bukod sa propesyonal na mga tagabasa at tagapayo na nag-aalok ng kanilang serbisyo, dumarami rin ang mga baguhan at nagsasarili palibhasa’y madaling makakuha ng mga aklat at lathalain sa bawat antas ng panghuhula. Madalas na nabubuyo ang mga tao sa panghihimalad bilang libangan, subalit marami ang lubhang dumidibdib nito. Ngunit sa pangkalahatan, marami ay hindi nasisiyahan sa iisa lamang uri ng panghuhula. Kapag napaharap sa malulubhang suliranin o mahahalagang pasiya, nagpupunta sila sa kanilang templo, ito ma’y Budhista, Taoista, Shinto, o iba pa, upang sumangguni sa mga diyos, at pagkatapos ay sa astrologo upang sumangguni sa mga bituin, sa manghuhula na bumabasa sa kanilang palad o nagsusuri sa kanilang mukha, at, pagkatapos ng lahat, ay uuwi naman sa bahay upang sumangguni sa kanilang patay na mga ninuno. Umaasa sila na saan man ito manggaling, sila ay makakasumpong ng kasiyasiyang sagot.
Inosenteng Katuwaan Lamang Ba?
42. Saan inakay ang tao ng likas na paghahangad na alamin ang kinabukasan?
42 Likas ang hangad na malaman ang naghihintay sa hinaharap. Ang paghahangad ng mabuting kapalaran at pag-iwas sa anomang pinsala ay likas saanman. Kaya mula’t-sapol ang tao ay umasa na sa patnubay ng mga espiritu at diyusdiyosan. Dahil dito, nasangkot siya sa espiritismo, salamangka, astrolohiya, at iba pang pamahiin. Ang mga sinauna ay nagsuot ng mga agimat at talisman bilang pananggalang sa sarili, at bumaling din sila sa mga manggagaway at shaman upang magpagaling. Ang mga tao ngayon ay nagsusuot pa rin ng medalya ni “San” Cristobal o ng mga “anting-anting,” sumasangguni sa mga patay, gumagamit ng Ouija board, bolang kristal, horoscope, at baraha. Kung pag-uusapan ang espiritismo at pamahiin, kakaunti ang ipinagbago ng tao.
43. (a) Ano ang nadadama ng marami hinggil sa espiritismo, salamangka, at panghuhula? (b) Anong mga tanong hinggil sa pamahiin ang humihiling ng sagot?
43 Totoo, marami ang nakatatalos na lahat ng ito’y pamahiin lamang at walang tunay na saligan. At baka sabihin nila na yao’y katuwaan lamang. Nangangatuwiran pa ang iba na ang salamangka at panghuhula ay nakakatulong sapagkat naglalaan ito ng sikolohikal na pananalig para sa mga tao na lubhang nangangamba sa mga suliranin sa buhay. Subalit lahat ba ng ito’y katuwaan lamang o pampasigla sa isipan? Ano talaga ang ugat ng espiritismo at salamangka na tinatalakay sa kabanatang ito at pati na sa marami pang iba na hindi nabanggit?
44. Pangunahin na, ano ang masasabi sa saligan ng mga kaugaliang ito?
44 Habang sinusuri ang mga anyo ng espiritismo, salamangka, at panghuhula, napansin natin na ang mga ito ay matalik na kaugnay ng paniwala sa mga kaluluwa ng yumao at sa mga espiritu, mabubuti at masasama. Kaya, pangunahin na, ang paniwala sa mga espiritu, salamangka, at panghuhula ay nasasalig sa anyo ng politeyismo na nag-uugat sa doktrina ng kawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao. Ito ba’y matibay na saligan na mapagtatayuan ng relihiyon? Para sa inyo karapatdapat ba ang pagsamba na nasasalig sa ganitong patibayan?
45. Anong tanong hinggil sa pagkain na inihandog sa mga idolo ang napaharap sa unang-siglong mga Kristiyano?
45 Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay napaharap din sa ganitong mga tanong. Napaligiran sila ng mga Griyego at Romano, ng maraming mga diyos at diyosa at ng mapamahiing rituwal ng mga ito. Ang isa ay ang paghahandog ng pagkain sa mga idolo at pakikisalo sa pagkain nito. Ang isa bang umiibig sa tunay na Diyos at gustong maybigay-lugod sa kaniya ay dapat lumahok sa gayong mga rituwal? Pansinin kung papaano ito sinagot ni apostol Pablo.
46. Ano ang paniwala ni Pablo at ng sinaunang mga Kristiyano hinggil sa Diyos?
46 “Kung tungkol sa mga pagkain na inihandog sa diyusdiyosan, alam natin na ang diyusdiyosan ay walang kabuluhan sa sanlibutan, at walang Diyos maliban sa isa. Sapagkat bagaman maraming tinatawag na ‘mga diyos,’ sa langit man o sa lupa, kung papaanong maraming ‘mga diyos’ at ‘mga panginoon,’ sa ganang atin ay may isang Diyos na Ama, na mula sa kaniya ang lahat ng bagay, at tayo’y sa kaniya.” (1 Corinto 8:4-6) Para kay Pablo at sa mga unang-siglong Kristiyano, ang tunay na relihiyon ay hindi pagsamba sa maraming diyos, hindi politeyismo, kundi debosyon sa “isang Diyos na Ama,” na ang pangala’y isinisiwalat sa Bibliya sa pagsasabing: “Upang malaman ng lahat na ikaw lamang, na ang tanging pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataastaasan sa buong lupa.”—Awit 83:18.
47. Papaano inihayag ni Pablo ang tunay na pagkakakilanlan ng ‘mga diyos at panginoon sa langit o sa lupa’?
47 Gayumpaman, dapat pansinin na bagaman sinabi ni apostol Pablo na “ang diyusdiyosan ay walang kabuluhan,” hindi niya sinabi na hindi talaga umiiral ang “mga diyos” at “mga panginoon” na binabalingan ng tao sa pamamagitan ng salamangka, mga hain at panghuhula. Ano, kung gayon, ang punto? Niliwanag ito ni Pablo sa liham ding yaon nang siya ay sumulat: “Subalit sinasabi ko na ang mga bagay na inihahain ng mga bansa ay inihahain nila sa mga demonyo, at hindi sa Diyos.” (1 Corinto 10:20) Oo, sa pamamagitan ng kanilang mga diyos at panginoon, ang mga bansa ay aktuwal na sumasamba sa mga demonyo—mga anghel, o espiritung nilikha na naghimagsik laban sa tunay na Diyos at pumanig sa kanilang pinuno, si Satanas na Diyablo.—2 Pedro 2:4; Judas 6; Apocalipsis 12:7-9.
48. Anong panganib sa okultismo ang umiiral pa rin ngayon, at papaano ito maiiwasan?
48 Marami ang nahahabag sa di-umano’y primitibong mga bansa na inalipin ng pamahiin at takot. Sinasabi nilang sila’y nasusuklam sa madugong mga handog at mababagsik na rituwal. At dapat naman. Subalit, hanggang ngayon ay nakakabalita pa rin tayo tungkol sa voodoo, satanikong mga kulto, at maging paghahain ng tao. Bagaman kalabisan na ang mga kasong ito, gayunma’y idinidiin lamang nito na ang pagkahumaling sa okulto ay buháy-na-buháy pa rin. Maaaring sa simula ito’y ‘inosenteng katuwaan’ at pag-uusyoso lamang, subalit madalas ang bunga’y kasawian at kamatayan. Kaya matalino ang makinig sa babala ng Bibliya: “Mangagpuyat kayo, maging mapagbantay. Ang inyong kaaway, ang Diyablo, ay gumagala na gaya ng leong umuungal, at naghahanap ng masisila.”—1 Pedro 5:8; Isaias 8:19, 20.
49. Anong paksa ang susuriin sa susunod na mga kabanata ng aklat na ito?
49 Pagkatapos isaalang-alang kung papaano nagsimula ang relihiyon, ang pagkakasarisari ng sinaunang mitolohiya, at ang maraming anyo ng espiritismo, salamangka, at pamahiin, ibabaling natin ang pansin sa mas pormal na mga pangunahing relihiyon sa daigdig—Hinduismo, Budhismo, Taoismo, Confucianismo, Shintoismo, Judaismo, ang mga iglesiya ng Sangkakristiyanuhan, at ang Islām. Papaano nagsimula ang mga ito? Ano ang kanilang itinuturo? Anong impluwensiya ang taglay nila sa kanilang mga sakop? Ang mga ito at iba pang tanong ay isasaalang-alang sa susunod na mga kabanata.
[Blurb sa pahina 76]
Waring mabisa ang ilang anyo ng salamangka
[Kahon sa pahina 85]
Ang Astrolohiya ba’y Makasiyentipiko?
Inaangkin ng astrolohiya na ang araw, buwan, mga bituin, at planeta ay may impluwensiya sa buhay sa lupa at na ang posisyon ng mga nilikhang ito sa langit sa panahon ng pagsilang ay gumaganap ng papel sa buhay ng isa. Gayumpaman, ang makasiyentipikong mga tuklas ay naghaharap ng napakalalaking hamon:
▪ Mula sa mga katha ng mga astronomong sina Copernico, Galileo, at Kepler maliwanag na ang lupa ay hindi siyang sentro ng sansinukob. Alam na rin ngayon na ang mga bituin na tila bumubuo ng isang konstelasyon ay hindi talagang bahagi ng grupong yaon. Ang ilan ay maaaring napakalayo ang kinaroroonan sa kalawakan, samantalang ang iba’y mas malapit naman. Kaya, ang mga katangian ng zodiac sa iba’t-ibang konstelasyon ay pawang kathang-isip lamang.
▪ Ang mga planetang Urano, Neptuno at Pluto ay hindi kilala ng sinaunang mga astronomo sapagkat ang mga ito ay natuklasan lamang nang maimbento ang teleskopyo. Papaano, kung gayon, maisasama ang kanilang “impluwensiya” sa mga tsart ng astrolohiya na iginuhit daandaang taong patiuna? Bukod dito, papaano masasabi na ang “impluwensiya” ng isang planeta ay “mabuti” at ang isa nama’y “masama,” yamang tinatanggap ng siyensiya na ang mga ito’y pawang bunton ng walang-buhay na mga bato o gas, na bumubulusok sa kalawakan?
▪ Sinasabi ng siyensiya ng genetika na ang ating pagkatao ay nabubuo, hindi sa panahon ng pagsilang, kundi sa paglilihi, kapag ang isa sa milyunmilyong selula ng semilya ng ama ay pumipisan sa iisang selulang itlog ng ina. Ngunit, itinatakda ng astrolohiya ang horoscope ng isang tao sa panahon ng kaniyang pagsilang. Ang agwat na siyam na buwan ay dapat makagawa ng lubhang naiibang larawan ng pagkatao ayon sa astrolohiya.
▪ Ayon sa pagmamasid ng isang taga-lupa, ang panahon ng paglalakbay ng araw sa gitna ng mga konstelasyon sa ngayon ay atrasado ng mga isang buwan kung ihahambing sa nakalipas na 2,000 taon nang ang mga tsart at pagtantiya ng astrolohiya ay unang ginawa. Kaya, ang isa na isinilang sa dakong huli ng Hunyo o maagang bahagi ng Hulyo ay inilalarawan ng astrolohiya bilang isang Kanser (lubhang maramdamin, sumpungin, at walang-kibo). Subalit sa aktuwal, ang araw ay nasa konstelasyon ng Gemini nang panahong yaon, kaya ang taong yaon ay dapat na masalita, palabiro, at madaldal.
Maliwanag na ang astrolohiya ay walang makatuwiran o makasiyentipikong saligan.
[Mga larawan sa pahina 71]
Ang basag na salamin, pusang itim, at ilang bilang ay naging saligan ng mga pamahiin. Ang tunog ng katagang Intsik para sa “apat” ay waring “kamatayan” kung bibigkasin sa Intsik at Hapon
[Mga larawan sa pahina 74]
Kaliwa, Basilica ng Nuestra Señora ng Guadalupe, Mehiko, na dinadasalan ng mga Katoliko ukol sa makahimalang pagpapagaling. Kanan, ang Stonehenge, sa Ingglatiyera, na kung saan sinasabing sinamba ng mga Druid ang araw
[Larawan sa pahina 80]
Ang iba ay sumasangguni sa mga shaman at manggagaway
[Mga larawan sa pahina 81]
Ang iba’y sumasangguni sa mga espiritu ng patay, Ouija board, bolang kristal, baraha, at manghuhula ng kapalaran
[Mga larawan sa pahina 82]
May mahabang kasaysayan ang panghuhula sa Silangan, na gumagamit ng mga inskripsiyon sa bahay ng pagong at ng sagisag ng yin-yang
[Mga larawan sa pahina 87]
Marami ang sumasangguni sa mga horoscope, sa paniwalang ang posisyon ng araw, buwan, mga planeta, at bituin sa panahon ng pagsilang ay nakakaapekto sa kanilang buhay
[Mga larawan sa pahina 90]
Kapag kinalog ang sisidlan at lumabas ang isang patpat ng kapalaran, tumatanggap ang mananamba ng isang mensahe at ang kahulugan nito