Ang mga Taga-Roma ang may Pinakamagaling na Balita
PAPAANONG ang isang taong makasalanan ay magiging matuwid sa mata ng Diyos at sa gayo’y magtamo ng buhay na walang-hanggan? Ang tanong na ito ang dahilan ng mainitang talakayan noong unang siglo ng ating Common Era (Panlahatang Panahon). Alam mo ba ang sagot? Sa alam mo man o hindi, obligado ka na basahin ang mahusay na pagtalakay ni apostol Pablo ng suliranin sa aklat ng Bibliya na Mga taga-Roma. Ang paggawa mo nito ay tutulong sa iyo na maunawaan ang mahalagang kaugnayan sa pagitan ng pananampalataya, mga gawa, pagkamatuwid, at buhay.
SI PABLO AT ANG MGA TAGA-ROMA
Ang aklat ng Mga taga-Roma ay isang liham na isinulat ni Pablo mga 56 C.E sa mga Kristiyano sa Roma. Bakit niya isinulat ang liham na iyan? Bagaman si Pablo noong 56 C.E. ay hindi pa dumadalaw sa Roma, maliwanag na maraming Kristiyano roon ang nakikilala niya, yamang sa kaniyang liham kaniyang tinukoy ang marami sa kanila sa kanilang pangalan. Isa pa, gustung-gusto ni Pablo na makapunta sa Roma upang magbigay ng pampatibay-loob sa kaniyang mga kapatid doon na Kristiyano, at waring isinaplano rin niya na ang Roma’y gawing pinaka-himpilan sa kaniyang pinanukalang paglalakbay-misyonero sa Espanya.—Roma 1:11, 12; 15:22-24.
Gayunman, ang pangunahing layunin ni Pablo sa pagsulat ng liham na ito ay sagutin ang tanong na: Papaano matatamo ng mga tao ang pagkamatuwid na humahantong sa buhay? Ang sagot ay lumalabas na siyang pinakamagaling na balita. Ang pagkamatuwid ay ibinabatay sa pananampalataya. Si Pablo ang nagsasabi nito at inihaharap ang tema ng kaniyang liham nang siya’y sumulat: “Hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita; oo, ito nga ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya, una’y sa Judio at gayundin sa Griego; sapagkat dito ang pagkamatuwid ng Diyos ay nahahayag sa pamamagitan ng pananampalataya at tungkol sa pananampalataya, gaya ng nasusulat: ‘Ngunit ang matuwid—sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay siya.’ ”—Roma 1:16, 17.
ANG PANANAMPALATAYA AT ANG KAUTUSAN
Noong unang siglo, hindi lahat ay sumasang-ayon na ang pagkamatuwid ay batay sa pananampalataya. Isang nagsasalitang minoridad ang naggigiit na higit pa ang kinakailangan. Hindi baga inilaan ni Jehova ang Kautusang Mosaiko? Papaano magiging matuwid ang sinuman kung hindi siya pasasakop sa kinasihang paglalaang iyan? (Tingnan ang Galacia 4:9-11, 21; 5:2.) Noong taóng 49 C.E., ang tungkol sa pagsunod sa Kautusan ay tinalakay ng Lupong Tagapamahala sa Jerusalem, at sila’y nagpasiya na ang mga Gentil na tumanggap sa mabuting balita ay hindi na kailangang patuli at pailalim sa mga alituntunin ng Kautusang Judio.—Gawa 15:1, 2, 28, 29.
Mga pitong taon ang nakalipas, isinulat ni Pablo ang kaniyang liham sa mga taga-Roma na sumusuporta sa mahalagang desisyong iyan. Oo, higit pa ang kaniyang tinalakay. Hindi lamang ang bagay na ang Kautusan ay hindi na kailangan para sa mga Kristiyanong Gentil kundi ang mga Judiong umaasa sa pagsunod doon ay hindi aariing matuwid ukol sa buhay.
PAGKAMATUWID SA PAMAMAGITAN NG PANANAMPALATAYA
Habang patuloy na bumabasa ka ng aklat ng Mga taga-Roma, mapapansin mo kung gaanong kaingat si Pablo ng pagbuo ng kaniyang pangangatuwiran, sinusuportahan ang kaniyang mga pangungusap ng maraming mga sinipi buhat sa Kasulatang Hebreo. Sa pagsasalita sa mga Judio, na maaaring nahihirapang tanggapin ang kaniyang kinasihang turo, siya’y nagpapakita ng pagmamahal at pagmamalasakit. (Roma 3:1, 2; 9:1-3) Gayumpaman, kaniyang inihaharap ang kaniyang kaso na taglay ang kapuna-punang linaw at di-matututulang lohika.
Sa Roma kabanata 1 hanggang kabanata 4, si Pablo ay nagsisimula sa katotohanan na lahat ay nagkasala. Samakatuwid, ang tanging paraan na ang mga tao’y aariing matuwid ay batay sa pananampalataya. Totoo, sinikap ng mga Judio na maging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusang Mosaiko. Ngunit sila’y nabigo. Kaya naman, may pagkatahasang sinasabi ni Pablo: “Ang mga Judio pati ang mga Griego ay pawang nangasailalim ng kasalanan.” Kaniyang pinatutunayan ang di-popular na katotohanang ito sa pamamagitan ng maraming siniping teksto.—Roma 3:9.
Yamang “sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay walang laman na aariing matuwid,” mayroon pa bang pag-asa? Ang mga tao’y aariin ng Diyos na matuwid batay sa walang-bayad na regalong handog ni Jesus na haing pantubos. (Roma 3:20, 24) Upang kamtin nila ito, sila’y kailangang may pananampalataya sa hain na iyon. Ito bagang turong ito na ang mga tao’y inaaring matuwid batay sa pananampalataya ay isang bagay na bago? Hindi. Si Abraham mismo ay inaring matuwid dahilan sa kaniyang pananampalataya bago pa man pasinayaan ang Kautusan.—Roma 4:3.
Pagkatapos itatag ang kahalagahan ng pananampalataya, sa kabanata 5 ay tinatalakay ni Pablo ang batayan ng pananampalatayang Kristiyano. Ito ay si Jesus, na dahil sa paglakad nang may pagkamatuwid ay pumapatay sa masasamang epekto ng kasalanan ni Adan para sa mga taong may pananampalataya sa Kaniya. Sa gayon, “sa pamamagitan ng isang gawa ng katuwiran,” hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusang Mosaiko, “ang resulta sa lahat ng uri ng mga tao ay ang pag-aaring matuwid sa kanila sa buhay.”—Roma 5:18.
PAGSAGOT SA MGA PAGTUTOL
Datapuwat, kung ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusan, ano baga ang hahadlang sa kanila sa patuloy na paggawa ng kasalanan at pag-asang sila’y aariing matuwid naman pagkatapos, salamat sa di-sana-nararapat na awa ng Diyos? Ang pagtutol na ito ay sinasagot ni Pablo sa Roma kabanata 6. Ang mga Kristiyano ay namatay na sa kanilang nakaraang pamumuhay sa kasalanan. Ang kanilang bagong buhay kay Jesus ay umuobliga sa kanila na labanan ang kahinaan ng kanilang laman. Kaniyang ipinayo: “Huwag hayaang ang kasalanan ay patuloy na maghari sa inyong may kamatayang mga katawan.”—Roma 6:12.
Ngunit hindi baga kahit ang mga Judio man lamang ay dapat mangapit sa Kautusang Mosaiko? Sa Roma kabanata 7, maingat na ipinaliliwanag ni Pablo na hindi gayon. Kung papaanong ang isang babaing may asawa ay lumalaya sa kautusan ng kaniyang asawa pagka ito ay namatay, gayundin na ang kamatayan ni Jesus ay nagbigay-laya sa sumasampalatayang mga Judio buhat sa pagkapailalim sa Kautusan. Sinasabi ni Pablo: “Kayo’y nangamatay rin sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ng Kristo.”—Roma 7:4.
Ang ibig bang sabihin nito ay na may masama sa Kautusan? Hindi naman. Ang Kautusan ay sakdal. Ang suliranin ay na hindi makasusunod sa Kautusan ang di-sakdal na mga tao. “Nalalaman natin na ang Kautusan ay espirituwal,” ang isinulat ni Pablo, “ngunit ako’y nasa laman, ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.” Ang isang di-sakdal na tao ay hindi makasusunod na lubusan sa sakdal na Kautusan ng Diyos kaya siya’y hinahatulan niyaon. Kung gayon, lubhang kahanga-hanga na “yaong mga kaisa ni Kristo Jesus ay wala nang anumang hatol”! Ang pinahirang mga Kristiyano ay inampon sa pamamagitan ng espiritu na maging mga anak ng Diyos. Ang espiritu ni Jehova ang tumutulong sa kanila na makipagbaka sa mga di-kasakdalan ng laman. “Sino ang magsasakdal ng sumbong laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang Siyang umaaring matuwid sa kanila.” (Roma 7:14; 8:1, 33) Walang anuman na makapaghihiwalay sa kanila sa pag-ibig ng Diyos.
PAGKAMATUWID AT ANG MGA JUDIO SA LAMAN
Kung ang Kautusan ay hindi na kinakailangan, saan inilalagay nito ang bansang Israel? At kumusta naman ang lahat ng mga kasulatang nangangako ng pagsasauli ng Israel? Ang mga katanungang ito ay tinatalakay sa Roma kabanata 9 hanggang 11. Ang Kasulatang Hebreo ay humula na isang nalabi lamang ng mga Israelita ang maliligtas at na ibabaling ng Diyos sa mga bansa ang kaniyang pansin. Kasuwato nito, ang mga hula tungkol sa kaligtasan ng Israel ay tinupad hindi ng Israel sa laman kundi ng kongregasyong Kristiyano, na binubuo ng isang nalabi ng sumasampalatayang mga Judio sa laman at ang natitirang bahagi ay pinunô ng mga Gentil na may matuwid na kalooban.—Roma 10:19-21; 11:1, 5, 17-24.
MGA SIMULAIN NG PAGKAMATUWID
Sa Roma kabanata 12 hanggang 15, si Pablo ay nagpapaliwanag ng mga ilang praktikal na paraan na kumakapit sa pinahirang mga Kristiyano upang sila’y mamuhay na kasuwato ng bagay na sila’y inaring matuwid. Halimbawa, kaniyang sinasabi: “Ang inyong mga katawan ay ihandog ninyo na isang haing buháy, banal, kalugud-lugod sa Diyos, isang may kabanalang paglilingkod lakip ang inyong kakayahang mangatuwiran. At huwag na kayong lumakad na kaayon ng sistemang ito ng mga bagay, kundi mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip.” (Roma 12:1, 2) Tayo’y dapat magtiwala sa bisa ng kabutihan at ang masama ay huwag gantihin ng masama. “Huwag kayong padaig sa masama,” ang isinulat ng apostol, “kundi patuloy na daigin ninyo ng mabuti ang masama.”—Roma 12:21.
Ang Roma ang sentro ng kapangyarihang maka-pulitika noong kaarawan ni Pablo. Kaya naman, matalinong pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano: “Ang bawat kaluluwa ay pasakop sa nakatataas na mga autoridad, sapagkat walang autoridad na hindi dahil sa Diyos.” (Roma 13:1) Ang pakikitungo ng mga Kristiyano sa isa’t isa ay bahagi rin ng pamumuhay kasuwato ng pagkamatuwid. “Huwag kayong magkautang ng ano pa man sa kanino man,” ang sabi ni Pablo, “maliban na sa mag-ibigan kayo; sapagkat ang umiibig sa kaniyang kapuwa ay nakatupad na ng kautusan.”—Roma 13:8.
Isa pa, ang mga Kristiyano ay dapat na maging makonsiderasyon sa budhi ng isa’t isa at huwag hahatol. Ipinayo ni Pablo: “Sundin natin ang mga bagay na nagdadala ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.” (Roma 14:19) Anong inam na payo na maikakapit sa bawat pitak ng buhay ng isang Kristiyano! Pagkatapos, sa Roma kabanata 16, si Pablo ay nagtatapos sa pamamagitan ng personal na mga pagbati at pangkatapusang mga salitang pampatibay-loob at payo.
PARA SA MGA PINAHIRAN AT SA MGA IBANG TUPA
Ang paksang tinalakay sa Roma ay mahalaga sa unang siglo at sa ngayon ay may kahalagahan pa rin. Ang pagkamatuwid at buhay na walang-hanggan ay mga paksang lubhang kawili-wili sa lahat ng mga lingkod ni Jehova. Totoo, ang Mga taga-Roma ay isinulat sa isang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, samantalang ngayon ang lubhang karamihan ng mga Saksi ni Jehova ay kabilang sa “malaking pulutong” at may makalupang pag-asa. (Apocalipsis 7:9) Gayunman, ang liham na ito ay may isang mahalagang mensahe para rin sa mga ito. Ano ba iyon?
Ang aklat ng Mga taga-Roma ay nagpapatunay na ang mga Kristiyano’y inaaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. Para sa mga pinahiran, ito’y sa pag-asang sila’y magiging mga hari ring kasama ni Jesus sa makalangit na Kaharian. Gayunman, ang mga kabilang sa malaking pulutong ay inaaring matuwid din, ngunit bilang ‘mga kaibigan ng Diyos,’ tulad ng patriarkang si Abraham. (Santiago 2:21-23) Ang kanilang pagkamatuwid ay sa layuning sila’y makaligtas sa malaking kapighatian, at ito’y batay sa pananampalataya sa dugo ni Jesus, tulad din sa kaso ng mga pinahiran. (Awit 37:11; Juan 10:16; Apocalipsis 7:9, 14) Sa gayon, ang pangangatuwiran ni Pablo sa Mga taga-Roma ay may malaking kahalagahan sa mga ibang tupa at gayundin sa mga pinahiran at ang mainam na payo ng aklat para sa pamumuhay kasuwato ng pag-aaring matuwid sa atin ay mahalaga para sa lahat ng Kristiyano.
Sa The Book of Life, isinaayos nina Doktor Newton Marshall Hall at Irving Francis Wood, sinasabi: “Sa panig ng argumento at doktrina [ang Mga taga-Roma] ay umaabot sa pinakasukdulan ng kinasihang turo ni Pablo. Ito ay magalang, mataktika, ngunit bagaman gayon ay may autoridad. . . . Ang pag-aaral ng liham na ito ay nagdudulot ng kaniyang sariling mayaman at saganang kagantihan.” Bakit hindi basahin ang aklat para sa iyong sarili at magalak sa “mabuting balita” na taglay nito, at siyang “kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas.”—Roma 1:16.
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
“Walang [sekular na] autoridad na hindi dahil sa Diyos.” Ito’y hindi nangangahulugan na ang Diyos ang naglalagay sa bawat indibiduwal na pinunò. Kundi, ang sekular na mga pinunò ay pinahihintulutan lamang ng Diyos sa kanilang panunungkulan. Sa maraming kaso, ang mga pinunong tao ay nakikini-kinita na at inihula ng Diyos at sa gayon sila’y “inilagay ng Diyos sa kani-kanilang kinauukulang dako.”—Roma 13:1.
[Credit Line]
Museo della Civiltà Romana, Roma
[Kahon/Larawan sa pahina 25]
Ang mga Kristiyano ay pinagsasabihan: “Isakbat ninyo ang Panginoong Jesu-Kristo.” Ang ibig sabihin ay dapat silang sumunod nang maingat sa mga yapak ni Jesus, tinutularan siya na inuuna sa kanilang buhay ang espirituwal na mga kapakanan imbis na ang mga kapakanan ukol sa laman, sa gayon, “hindi . . . pinaglalaanan ang mga pita ng laman.”—Roma 13:14.
[Kahon/Larawan sa pahina 25]
Sinabihan ni Pablo ang mga taga-Roma na “magbatian ng banal na halik.” Gayunman, dito ay hindi siya nagtatatag ng isang bagong kaugaliang Kristiyano o rituwal na relihiyoso. Noong kaarawan ni Pablo, ang halik sa noo, labi, o kamay ay kadalasan ginagawa bilang isang tanda ng pagbabatian, pagmamahalan, o paggalang. Samakatuwid, si Pablo ay tumutukoy lamang ng isang kaugalian na palasak noong kaniyang kaarawan.—Roma 16:16.