Krus
Kahulugan: Sa kalakhang bahagi ng Sangkakristiyanuhan ang kasangkapan na ginamit sa pagpatay kay Jesu-Kristo ay sinasabing isang krus. Ang salita ay kinuha sa Latin na crux.
Sa mga lathalain ng Watch Tower bakit ipinakikita si Jesus sa isang tulos na ang mga kamay ay nasa itaas ng kaniyang ulo sa halip na sa tradisyonal na krus?
Sa maraming modernong salin ng Bibliya ang salitang Griyego na isinaling “krus” (“pahirapang tulos” sa NW) ay stau·rosʹ. Sa klasikal na Griyego, ang salitang ito ay nangahulugan lamang ng isang tuwid na tulos, o haligi. Nang maglaon nangahulugan din ito ng isang tulos sa pagpatay na may sangang nakakrus. Kinikilala ito ng The Imperial Bible-Dictionary, sa pagsasabing: “Ang salitang Griyego para sa krus, [stau·rosʹ], ay wastong ipangahulugan na tulos, tuwid na haligi, o istaka, na kung saan kahit ano ay maaaring ibitin, o kaya’y gamitin sa pagbabakod ng lupa. . . . Maging sa gitna ng mga Romano mula pa sa simula matutuklasan na ang crux (na siyang pinagkunan ng ating krus) ay isang tuwid na haligi.”—Pinamatnugutan ni P. Fairbairn (Londres, 1874), Tomo I, p. 376.
Totoo ba ito kaugnay ng pagkamatay ng Anak ng Diyos? Kapansinpansin na ginamit din ng Bibliya ang salitang xyʹlon upang tukuyin ang kasangkapang ginamit. Ganito ang kahulugan na ibinibigay dito ng A Greek-English Lexicon, nina Liddell at Scott: “Kahoy na putol at handang gamitin, panggatong, tabla, atb. . . . kapirasong kahoy, troso, balakilan, haligi . . . batuta, pambambo . . . tulos na kung saan ibinayubay ang mga kriminal . . . buhay na kahoy, puno.” Sinasabi din nito, “sa B[agong] T[ipan], ng krus,” at binabanggit ang Gawa 5:30 at 10:39 bilang mga halimbawa. (Oxford, 1968, p. 1191, 1192) Gayumpaman, sa mga tekstong yaon ang KJ, RS, JB, at ang Dy ay nagsasalin sa xyʹlon bilang “punongkahoy.” (Ihambing ang saling ito sa Galacia 3:13; Deuteronomio 21:22, 23.)
Ang aklat na The Non-Christian Cross, ni J. D. Parsons (Londres, 1896), ay nagsasabi: “Sa orihinal na Griyego, wala ni isa mang pangungusap sa mga kasulatan na bumubuo ng Bagong Tipan, na naghaharap ng kahit di-tuwirang katibayan na ang stauros na ginamit sa kaso ni Jesus ay hindi isang karaniwang stauros; lalung-lalo nang hindi sinasabi roon na ito ay binubuo, hindi ng iisang pirasong kahoy, kundi ng dalawang piraso na ipinako sa hugis na magkakrus. . . . Lubhang nakalilito ang pagsasalin ng ating mga guro sa salitang stauros bilang ‘krus’ kapag ang mga dokumentong Griyego ng Simbahan ay isinasalin sa ating sariling wika, at alalayan ang hakbang na ito sa pamamagitan ng paglalagay ng ‘krus’ sa ating mga lexicon bilang kahulugan ng stauros na hindi man lamang ipinaliliwanag nang buong-ingat na noong kaarawan ng mga Apostol, ito ay hindi siyang saligang kahulugan ng salitang ito, at hindi naging pangunahing kahulugan kundi matagal pang panahon pagkaraan nito, at bagaman kulang ng umaalalay na katibayan, sa paano’t-paano ma’y ipinalagay na ang partikular na stauros na pinagbitinan kay Jesus ay may gayong tiyak na hugis.”—P. 23, 24; tingnan din ang The Companion Bible (Londres, 1885), Apendise Blg. 162.
Kaya mabigat ang ebidensiya na nagpapakitang si Jesus ay namatay sa isang tuwid na haligi at hindi sa tradisyonal na krus.
Ano ang makasaysayang mga pinagmulan ng krus ng Sangkakristiyanuhan?
“Matagal pa bago dumating ang kapanahunang Kristiyano, sari-saring bagay ang natuklasan na namamarkahan ng mga krus na may iba’t-ibang hugis, sa halos lahat ng bahagi ng matandang sanlibutan. Ang Indiya, Siriya, Persiya at Ehipto ay pawang naglaan ng di-mabilang na mga halimbawa . . . Ang paggamit sa krus bilang relihiyosong sagisag bago pa ang kapanahunang Kristiyano at sa gitna ng di-Kristiyanong mga bansa ay may pandaigdig na lawak, at sa napakaraming mga kaso ito ay kaugnay sa isang anyo ng pagsamba sa kalikasan.”—Encyclopædia Britannica (1946), Tomo 6, p. 753.
“Ang hugis ng [dalawang magkasangang krus] ay nagsimula pa sa sinaunang Chaldea, at ginamit bilang sagisag ng diyos na si Tammuz (palibhasa’y kasinghugis ng mahiwagang Tau, ang unang titik ng kaniyang pangalan) sa bansang yaon at sa kalapit na mga lupain, pati na sa Ehipto. Noong kalagitnaan ng ika-3 siglo A.D., ang mga simbahan ay tumalikod, o kaya’y lumapastangan, sa ilang mga doktrina ng pananampalatayang Kristiyano. Upang palaguin ang prestihiyo ng apostatang sistema eklesiastikal tinanggap ng simbahan ang mga pagano kahit na hindi pa nagpapanibagong-buhay sa kanilang pananampalataya, at sa kalakhan ay pinayagan silang panatilihin ang kanilang mga paganong tanda at sagisag. Kaya ang Tau o T, sa pinakamalaganap na anyo nito, na may mas mababang nakasangang krus, ay tinanggap upang kumatawan sa krus ni Kristo.”—An Expository Dictionary of New Testament Words, (Londres, 1962), W. E. Vine, p. 256.
“Kakatwa, bagaman di mapag-aalinlanganang katotohanan, na noong mga panahon bago isinilang si Kristo, at maging sa mga lupain na hindi pa nararating ng turo ng Simbahan, ang Krus ay ginagamit na bilang isang sagradong sagisag. . . . Ang Griyegong si Bacchus, ang Tyrianong si Tammuz, ang Chaldeanong si Bel at ang Norwegong si Odin, ay pawang ipinakilala sa kanilang mga tagasunod sa pamamagitan ng isang kasangkapang magkakrus.”—The Cross in Ritual, Architecture, and Art (Londres, 1900), G. S. Tyack, p. 1.
“Ang krus sa hugis ng ‘Crux Ansata’ . . . ay hawak-hawak ng mga saserdoteng Ehipsiyo at ng mga haring Pontipiko bilang sagisag ng kanilang autoridad sa pagkasaserdote ng diyos ng Araw at tinawag nila ito na ‘Sagisag ng Buhay.’ ”—The Worship of the Dead (Londres, 1904), Colonel J. Garnier, p. 226.
“Kahit saan sari-saring hugis ng mga krus ang masusumpungan sa mga monumento at puntod sa Ehipto, at itinuturing ito ng maraming autoridad bilang sagisag ng phallus [na kumakatawan sa sangkap ng lalake] o sa pagsisiping. . . . Sa mga puntod sa Ehipto ang crux ansata [isang krus na may hugis pabilog o hawakan sa itaas nito] ay laging masusumpungan na katabi ng phallus.”—A Short History of Sex-Worship, (Londres, 1940), H. Cutner, p. 16, 17; tingnan din ang The Non-Christian Cross, p. 183.
“Ang mga krus na ito ay ginamit bilang sagisag ng Babilonikong diyos-araw, [Tingnan ang aklat], at unang-unang makikita sa isang perang barya ni Julio Caesar, 100-44 B.C., at pagkatapos ay sa barya na inukit ng tagapagmana ni Caesar (Augusto), 20 B.C. Sa mga barya ni Constantino ang pinakamalimit na simbolo ay ang [Tingnan ang aklat]; nguni’t ang simbolo ring ito ay ginamit nang walang nakapalibot na bilog, at magkakasinghaba ang apat na mga braso nito na patayo at pahalang; at ito ang sagisag na pinag-ukulan ng pantanging pagsamba bilang ang ‘Gulong ng Araw’. Dapat sabihin dito na si Constantino ay isang mananamba ng diyos-araw, at hindi siya umanib sa ‘Simbahan’ kundi dalawampu’t limang taon pagkaraan ng kaniyang maalamat na pangitain ng gayong krus sa langit.”—The Companion Bible, Apendise Blg. 162; tingnan din ang The Non-Christian Cross, p. 133-141.
Ang pagsamba ba sa krus ay isang maka-Kasulatang kaugalian?
1 Cor. 10:14: “Mga minamahal, magsitakas kayo sa pagsamba sa mga diyus-diyosan.” (Ang isang diyus-diyosan ay isang larawan o sagisag ng anomang bagay na pinag-uukulan ng taimtim na debosyon, paggalang, o pagsamba.)
Exo. 20:4, 5, JB: “Huwag ninyong igagawa ang inyong sarili ng isang larawang inukit o kawangis ng alinmang bagay sa langit o sa lupa o sa tubig na nasa ilalim ng lupa; huwag ninyo silang yuyukuran ni paglilingkuran man.” (Pansinin na inutusan ng Diyos ang kaniyang bayan na huwag man lamang gumawa ng isang larawan na yuyukuran ng mga tao.)
Kapunapuna ang komento sa New Catholic Encyclopedia: “Ang larawan ng tumutubos na kamatayan ni Kristo sa Golgota ay hindi umiiral sa makasagisag na sining noong unang mga siglong Kristiyano. Ang sinaunang mga Kristiyano, na naimpluwensiyahan ng pagbabawal sa Matandang Tipan hinggil sa mga larawang inukit, ay atubili sa paglalarawan kahit sa mismong kasangkapan ng Pasyon ng Panginoon.”—(1967), Tomo IV, p. 486.
Ganito ang sabi ng History of the Christian Church hinggil sa unang-siglong mga Kristiyano: “Walang ginamit na krusipiho at walang anopamang materyal na paglalarawan ng krus.”—(Nueba York, 1897), J. F. Hurst, Tomo I, p. 366.
Puwede bang mahalin ang krus, huwag lamang itong sasambahin?
Ano ang inyong madadama kung ang isang pinakamamahal na kaibigan ay pinatay dahil sa maling mga paratang? Gagawa ba kayo ng sagisag ng kasangkapang ginamit sa pagpatay? Mamahalin ba ninyo ito o sa halip ay kamumuhian ninyo?
Sa sinaunang Israel, ang di-tapat na mga Judio ay nanangis nang mamatay ang diyus-diyosang si Tammuz. Ang ginawa nilang ito ay tinukoy ni Jehova na ‘kasuklamsuklam.’ (Ezek. 8:13, 14) Ayon sa kasaysayan, si Tammuz ay isang diyos ng Babilonya, at ang krus ay ginamit bilang kaniyang sagisag. Magbuhat sa pasimula nito noong kaarawan ni Nimrod, ang Babilonya ay salungat na kay Jehova at naging kaaway ng tunay na pagsamba. (Gen. 10:8-10; Jer. 50:29) Kaya kung mamahalin ang krus, napararangalan ang isang sagisag ng pagsamba na salungat sa tunay na Diyos.
Gaya ng sinasabi sa Ezekiel 8:17, ‘isinuot’ ng apostatang mga Judio ‘ang sanga sa ilong ni Jehova.’ Minalas niya ito bilang “kasuklamsuklam” at ‘nakagagalit.’ Bakit? Ang “sanga” na ito, gaya ng paliwanag ng ilang komentarista, ay kumakatawan sa sangkap ng lalake, na ginagamit sa pagsambang phalliko. Papaano, kung gayon, mamalasin ni Jehova ang paggamit ng krus, na, gaya ng nakita na natin, ay ginamit noong unang panahon bilang sagisag ng pagsambang phalliko?