Kapayapaan sa Loob ng Isang Libong Taon—At Magpakailanman!
“Upang ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa.”—1 COR. 15:28.
1. Anong kapana-panabik na pag-asa ang hinihintay ng “malaking pulutong”?
ISIP-ISIPIN ang lahat ng kabutihang magagawa ng isang makapangyarihan, makatarungan, at mahabaging tagapamahala para sa kaniyang mga sakop sa loob ng isang libong taon. Kapana-panabik na mga pangyayari ang naghihintay sa di-mabilang na “malaking pulutong”—mga makaliligtas sa “malaking kapighatian,” na pupuksa sa kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay.—Apoc. 7:9, 14.
2. Ano ang nararanasan ng mga tao sa nakalipas na 6,000 taon?
2 Sa loob ng 6,000-taóng kasaysayan ng tao, ang pagsasarili at pamamahalang hiwalay sa Diyos ay nagdulot ng katakut-takot na kirot at pagdurusa sa sangkatauhan. Malaon nang sinabi ng Bibliya: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Ecles. 8:9) Ano ang nakikita natin ngayon? Bukod sa mga digmaan at pag-aaklas, nariyan din ang nakapanlulumong mga problema gaya ng kahirapan, sakit, pagkasira ng kapaligiran, pagbabago ng klima, at iba pa. Sinasabi ng mga opisyal ng gobyerno na kung hindi magbabago ang kalakaran, kapaha-pahamak ang magiging resulta.
3. Ano ang isasakatuparan ng Sanlibong Taóng Paghahari?
3 Sa ilalim ng Mesiyanikong Hari na si Jesu-Kristo at ng kaniyang 144,000 kasamang tagapamahala, unti-unting aalisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pinsala sa sangkatauhan at sa kanilang tahanan, ang planetang Lupa. Isasakatuparan ng Sanlibong Taóng Paghahari ang napakagandang pangako ng Diyos na Jehova: “Lumalalang ako ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.” (Isa. 65:17) Anong kahanga-hangang mga pangyayari ang hinihintay natin? Sa tulong ng makahulang Salita ng Diyos, sulyapan natin ang kamangha-manghang mga bagay na ito na hindi pa nakikita.—2 Cor. 4:18.
‘MAGTATAYO SILA NG MGA BAHAY AT MAGTATANIM NG MGA UBASAN’
4. Anong mga suliranin sa pabahay ang nararanasan ng marami sa ngayon?
4 Sino ang ayaw magkaroon ng sariling bahay, kung saan siya at ang kaniyang pamilya ay ligtas at panatag? Sa ngayon, malaking suliranin ang kakulangan ng disenteng pabahay. Nagsisiksikan ang mga tao sa matataong lunsod. Marami ang nagtitiis at napipilitang tumira sa barung-barong sa mga lugar ng iskuwater. Para sa kanila, pangarap na lang ang magkaroon ng sariling bahay.
5, 6. (a) Paano matutupad ang Isaias 65:21 at Mikas 4:4? (b) Paano natin matatamo ang pagpapalang iyon?
5 Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, matutupad ang hangarin ng bawat tao na magkaroon ng sariling bahay. Inihula ni Isaias: “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon.” (Isa. 65:21) Pero hindi lang iyan ang maaasahan nila. Totoo, sa ngayon ay may mga taong nakatira sa sarili nilang bahay, at ang ilan ay nakatira pa nga sa mansiyon o hacienda. Pero lagi silang nag-aalala na baka mawala ang kanilang tahanan dahil sa pagbagsak ng kabuhayan, o baka pasukin sila ng mga magnanakaw o iba pang masasamang-loob. Ibang-iba ang magiging kalagayan sa ilalim ng Kaharian! Isinulat ni propeta Mikas: “Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.”—Mik. 4:4.
6 Dahil sa pag-asang iyan, ano ang dapat nating gawin? Totoo, lahat tayo ay nangangailangan ng disenteng bahay. Pero sa halip na magkumahog para makuha ang pinapangarap na bahay ngayon—na puwedeng mauwi sa pagkabaon sa utang—hindi ba mas matalinong magpokus tayo sa pangako ni Jehova? Tandaan ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang sarili: “Ang mga sorra ay may mga lungga at ang mga ibon sa langit ay may mga dapuan, ngunit ang Anak ng tao ay walang dakong mahihigan ng kaniyang ulo.” (Luc. 9:58) Kayang-kaya sana ni Jesus na magtayo o magkaroon ng pinakamagandang bahay. Pero bakit hindi niya ginawa iyon? Maliwanag na gustong iwasan ni Jesus ang anumang makagagambala at makasasalabid sa pag-una niya sa Kaharian. Maaari ba nating tularan ang halimbawa niya at panatilihing simple ang ating mata—malaya sa materyalismo na nakagagambala at nagdudulot ng kabalisahan?—Mat. 6:33, 34.
“ANG LOBO AT ANG KORDERO AY MANGINGINAING MAGKASAMA”
7. Ano ang iniutos ni Jehova sa mga tao kung tungkol sa mga hayop?
7 Noong panahon ng paglalang, ang pinakahuling ginawa ni Jehova ay ang mga tao na kaniyang obra maestra sa lupa. Sinabi ni Jehova sa kaniyang Dalubhasang Manggagawa kung ano ang kaniyang layunin: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis, at magkaroon sila ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa maaamong hayop at sa buong lupa at sa bawat gumagalang hayop na gumagala sa ibabaw ng lupa.” (Gen. 1:26) Kaya sina Adan at Eva, at nang maglaon ang lahat ng tao, ay inutusang mamahala sa mga nilalang na hayop.
8. Anong ugali ng mga hayop ang karaniwan ngayon?
8 Posible nga bang magkaroon ng kapamahalaan at kapayapaan ang mga tao sa lahat ng hayop? Maraming tao ang malapít sa kanilang alagang hayop, gaya ng mga aso at pusa. Pero kumusta naman ang mababangis na hayop? Sinasabi ng isang ulat: “Natuklasan ng mga siyentipikong namuhay kasama ng mga hayop at nagsaliksik tungkol sa mga ito na ang lahat ng mamalya ay may damdamin.” Totoo naman na natatakot o nagiging agresibo ang mga hayop kapag nanganganib sila. Pero may kakayahan din ba silang magpakita ng magiliw na damdamin? Sinabi pa ng ulat: “Sa pag-aalaga ng mga mamalya sa kanilang mga supling, makikita ang kanilang pinakamagandang katangian—ang kanilang kahanga-hangang kakayahan na magmahal.”
9. Hinggil sa mga hayop, anong mga pagbabago ang maaasahan natin?
9 Kaya hindi tayo dapat magulat kung mababasa natin sa Bibliya na iiral ang kapayapaan sa pagitan ng tao at hayop. (Basahin ang Isaias 11:6-9; 65:25.) Bakit? Alalahanin na nang lumabas sa arka si Noe at ang kaniyang pamilya pagkatapos ng Baha, sinabi sa kanila ni Jehova: “Pagkatakot sa inyo at pangingilabot sa inyo ang mananatili sa bawat nilalang na buháy sa lupa.” Ito ay para na rin sa kaligtasan ng mga hayop. (Gen. 9:2, 3) Hindi ba’t kayang alisin ni Jehova ang ilang antas ng pagkatakot at pangingilabot na iyon para matupad ang orihinal na utos ni Jehova hinggil sa mga hayop? (Os. 2:18) Sa panahong iyon, talagang kasiya-siya ang magiging buhay ng mga makaliligtas sa lupa!
“PAPAHIRIN NIYA ANG BAWAT LUHA”
10. Bakit karaniwan sa atin ang pagluha?
10 Nang makita ni Solomon “ang lahat ng paniniil na ginagawa sa ilalim ng araw,” nanaghoy siya: “Narito! ang mga luha niyaong mga sinisiil, ngunit wala silang mang-aaliw.” (Ecles. 4:1) Ganiyan din ang kalagayan sa ngayon, at baka mas malala pa nga. Tiyak na naranasan na nating lumuha sa ilang kadahilanan. Totoo na kung minsan ay mga luha ito ng kagalakan. Pero kadalasan, ang mga luha ay dulot ng isang bagbag na puso.
11. Anong ulat sa Bibliya ang partikular na nakaaantig sa iyo?
11 Alalahanin ang maraming makabagbag-damdaming eksena na mababasa natin sa Bibliya. Nang mamatay si Sara sa edad na 127, “si Abraham ay pumaroon upang hagulhulan si Sara at upang tangisan siya.” (Gen. 23:1, 2) Nang magpaalam si Noemi sa kaniyang dalawang nabalong manugang, “inilakas nila ang kanilang mga tinig at tumangis.” Pagkatapos silang kausapin ni Noemi, “inilakas nila ang kanilang mga tinig at tumangis pa.” (Ruth 1:9, 14) Nang mapaharap si Haring Hezekias sa sakit at tiyak na kamatayan, nanalangin siya sa Diyos at “nagsimulang tumangis nang labis-labis,” kung kaya naantig si Jehova at pinagaling siya. (2 Hari 20:1-5) At sino ang hindi maaantig sa nangyari pagkatapos ikaila ni apostol Pedro si Jesus? Nang marinig ang pagtilaok ng tandang, si Pedro ay “lumabas at tumangis nang may kapaitan.”—Mat. 26:75.
12. Paano magdudulot ng tunay na ginhawa sa sangkatauhan ang pamamahala ng Kaharian?
12 Dahil sa napakaraming malulungkot na pangyayari, kailangang-kailangan ng sangkatauhan ang kaaliwan at ginhawa. Iyan ang idudulot ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo sa mga sakop nito: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apoc. 21:4) Napakasarap isipin na mawawala na ang kirot at pagdurusa. Pero mas kamangha-mangha ang pangako ng Diyos na aalisin niya ang pinakamahigpit na kaaway ng tao—ang kamatayan. Paano mangyayari iyan?
“ANG LAHAT NG NASA MGA ALAALANG LIBINGAN AY . . . LALABAS”
13. Mula nang magkasala si Adan, paano nakaapekto sa sangkatauhan ang kamatayan?
13 Mula nang magkasala si Adan, ang kamatayan ay namahala na bilang hari sa sangkatauhan. Ito ay naging isang di-magagaping kaaway, ang di-matatakasang wakas ng makasalanang sangkatauhan, at sanhi ng walang-kapantay na lumbay at pamimighati. (Roma 5:12, 14) Sa katunayan, “dahil sa takot sa kamatayan,” milyun-milyon ang “napasailalim sa pagkaalipin sa buong buhay nila.”—Heb. 2:15.
14. Ano ang mangyayari kapag pinawi na ang kamatayan?
14 Sinasabi ng Bibliya na darating ang panahon na ang “huling kaaway, ang kamatayan ay papawiin.” (1 Cor. 15:26) May dalawang grupo na makikinabang dito. Para sa “malaking pulutong” na nabubuhay ngayon, maaari silang makatawid nang buháy tungo sa ipinangakong bagong sanlibutan taglay ang pag-asang buhay na walang hanggan. Para naman sa bilyun-bilyong namatay na, maaari silang buhaying muli. Isip-isipin na lang ang tuwa’t saya kapag sinalubong ng mga nakatawid nang buháy yaong mga bubuhaying muli. Magkakaideya tayo tungkol dito kung susuriin natin ang ilang ulat ng pagkabuhay-muli sa Bibliya.—Basahin ang Marcos 5:38-42; Lucas 7:11-17.
15. Ano ang magiging reaksiyon mo kapag binuhay-muli ang iyong mga mahal sa buhay?
15 Pag-isipan ang mga salitang “halos mawala sila sa kanilang sarili sa napakasidhing kagalakan” at “pinasimulan nilang luwalhatiin ang Diyos.” Kung naroon ka, malamang na ganoon din ang madarama mo. Oo, kakaibang tuwa’t saya ang mararanasan natin kapag nakita nating binuhay-muli ang ating mga mahal sa buhay. Sinabi ni Jesus: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Hindi pa nasasaksihan ng sinuman sa atin ang gayong pangyayari; tiyak na isa ito sa pinakakamangha-manghang ‘mga bagay na hindi pa nakikita.’
ANG DIYOS AY MAGIGING “LAHAT NG BAGAY SA BAWAT ISA”
16. (a) Bakit tayo dapat magsalita nang may pananabik tungkol sa mga pagpapalang hindi pa natin nakikita? (b) Ano ang sinabi ni Pablo para patibayin ang mga Kristiyano sa Corinto?
16 Oo, isang maluwalhating pag-asa ang naghihintay sa mga mananatiling tapat kay Jehova sa mga panahong ito na mapanganib! Bagaman hindi pa natin nakikita ang dakilang mga pagpapalang ito, ang pagsasaisip sa mga ito ay tutulong sa atin na magpokus sa mga bagay na tunay na mahalaga sa halip na mailihis ng mga pang-akit ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. (Luc. 21:34; 1 Tim. 6:17-19) Kapag nagdaraos tayo ng pampamilyang pagsamba, nakikipag-usap sa mga kapananampalataya, at nakikipagtalakayan sa mga inaaralan sa Bibliya at mga taong interesado, magsalita tayo nang may pananabik tungkol sa ating kamangha-manghang pag-asa. Pananatilihin nitong malinaw sa ating puso’t isip ang ating pag-asa. Ganiyan ang ginawa ni apostol Pablo para patibayin ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano. Sa kaniyang liham, para bang dinala niya sila sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Isip-isipin ang kahulugan ng mga sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 15:24, 25, 28.—Basahin.
17, 18. (a) Sa anong diwa si Jehova ang “lahat ng bagay sa bawat isa” noong pasimula ng kasaysayan ng tao? (b) Paano ibabalik ni Jesus ang kapayapaan at pagkakaisa?
17 Wala nang mas gagandang paglalarawan sa dakilang kasukdulan na ito kaysa sa mga salitang “upang ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa.” Ano ang ibig sabihin niyan? Magbalik-tanaw tayo sa Eden, noong sakdal pa sina Adan at Eva at bahagi pa ng mapayapa at nagkakaisang pansansinukob na pamilya ni Jehova. Ang Soberanong Panginoong Jehova ang tuwirang namamahala sa lahat ng kaniyang nilalang, anghel man o tao. Maaari silang makipag-usap kay Jehova, sumamba sa kaniya, at tumanggap ng kaniyang pagpapala. Siya ang “lahat ng bagay sa bawat isa.”
18 Nasira ang mapayapang kaugnayan na iyon nang udyukan ni Satanas ang mga tao na magrebelde sa soberanya ni Jehova. Pero mula noong 1914, kumikilos na ang Mesiyanikong Kaharian para maibalik ang kapayapaan at pagkakaisang iyon. (Efe. 1:9, 10) Sa Sanlibong Taóng Paghahari, matutupad ang kahanga-hangang mga bagay na ‘hindi pa nakikita’ ngayon. Pagkatapos ay darating “ang wakas,” o ang katapusan ng Milenyong Paghahari ni Kristo. Ano ang mangyayari sa panahong iyon? Bagaman ipinagkaloob kay Jesus ang ‘lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa,’ hindi siya ambisyoso. Wala siyang planong agawin ang posisyon ni Jehova. Mapagpakumbaba niyang ‘ibibigay ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama.’ Oo, lagi niyang ginagamit ang kaniyang pantanging posisyon at awtoridad “sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—Mat. 28:18; Fil. 2:9-11.
19, 20. (a) Paano maipakikita ng mga sakop ng Kaharian na kinikilala nila ang soberanya ni Jehova? (b) Anong dakilang pag-asa ang naghihintay sa atin?
19 Sa panahong iyon, naibalik na sa kasakdalan ang makalupang mga sakop ng Kaharian. Tutularan nila ang halimbawa ni Jesus at mapagpakumbaba nilang kikilalanin ang soberanya ni Jehova. Maipakikita nilang iyan ang hangarin nila kung makapapasa sila sa panghuling pagsubok. (Apoc. 20:7-10) Pagkatapos nito, ang lahat ng rebelde—tao man o espiritu—ay pupuksain magpakailanman. Napakasayang panahon iyon! Ang buong pansansinukob na pamilya ay maligayang pupuri kay Jehova, na magiging “lahat ng bagay sa bawat isa.”—Basahin ang Awit 99:1-3.
20 Kamangha-manghang mga bagay ang idudulot ng Kaharian. Pinakikilos ka ba nito na magtuon ng pansin sa paggawa ng kalooban ng Diyos? Maiiwasan mo bang mailihis ng huwad na pag-asa at ginhawang iniaalok ng sanlibutan ni Satanas? Patitibayin mo ba ang determinasyon mong itaguyod ang soberanya ni Jehova? Patunayan mo sa iyong pagkilos na ganiyan ang gusto mong gawin magpakailanman. Sa gayon, magiging pribilehiyo mo na tamasahin ang kapayapaan at kasaganaan sa loob ng isang libong taon—at magpakailanman!