Unang Liham sa mga Taga-Corinto
15 Ngayon ay ipinapaalaala ko sa inyo, mga kapatid, ang mabuting balita na inihayag ko sa inyo;+ tinanggap ninyo ito at nanindigan kayo para dito. 2 Kung nanghahawakan kayo nang mahigpit sa mabuting balita na inihayag ko sa inyo, naililigtas kayo.+ Kung hindi, walang saysay ang pagiging mananampalataya ninyo.
3 Ang bagay na ito ay kasama sa pinakamahahalagang itinuro ko sa inyo, na natutuhan ko rin: si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa Kasulatan;+ 4 at inilibing siya,+ oo, binuhay siyang muli+ nang ikatlong araw+ ayon sa Kasulatan;+ 5 at nagpakita siya kay Cefas,+ at pagkatapos ay sa 12 apostol.+ 6 Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit 500 kapatid sa isang pagkakataon;+ kasama pa rin natin ang karamihan sa mga ito, pero ang ilan ay namatay* na. 7 Nagpakita rin siya kay Santiago,+ at pagkatapos ay sa lahat ng apostol.+ 8 At panghuli, nagpakita rin siya sa akin,+ ako na parang ipinanganak na kulang sa buwan.
9 Ako ang pinakamababa sa mga apostol,+ at hindi ako karapat-dapat tawaging apostol dahil inusig ko ang kongregasyon ng Diyos.+ 10 Pero dahil sa walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos, ako ay naging kung ano ako ngayon.+ At hindi nawalan ng kabuluhan ang walang-kapantay na kabaitan niya sa akin, dahil nagpagal ako nang higit kaysa sa kanilang lahat; pero hindi ko ito nagawa sa sarili kong lakas kundi dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos na sumasaakin.+ 11 Gayunman, ako man iyon o sila, tungkol dito ang ipinangangaral namin at pinaniwalaan ninyo iyon.
12 Ngayon kung ipinangangaral natin na binuhay-muli si Kristo,+ bakit sinasabi ng ilan sa inyo na walang pagkabuhay-muli?+ 13 Kung walang pagkabuhay-muli, ibig sabihin, hindi rin binuhay-muli si Kristo. 14 Pero kung hindi binuhay-muli si Kristo, walang saysay ang pangangaral namin, at wala ring saysay ang pananampalataya ninyo. 15 At ituturing din kaming sinungaling na mga saksi tungkol sa Diyos,+ dahil pinatototohanan namin na binuhay-muli ng Diyos ang Kristo+ pero hindi naman pala, kung wala naman talagang pagkabuhay-muli ng mga patay. 16 Dahil kung talagang hindi bubuhaying muli ang mga patay, hindi rin binuhay-muli si Kristo. 17 At kung hindi binuhay-muli si Kristo, walang silbi ang pananampalataya ninyo; namumuhay pa rin kayo sa inyong mga kasalanan.+ 18 At ang mga namatay* na kaisa ni Kristo ay lubusan nang naglaho.+ 19 Kung sa buhay lang na ito tayo umaasa kay Kristo, pinakakaawa-awa tayo sa lahat ng tao.
20 Pero binuhay-muli si Kristo, ang unang bunga sa mga natulog sa kamatayan.+ 21 Kung paanong nagkaroon ng kamatayan sa pamamagitan ng isang tao,+ ang pagkabuhay-muli ay sa pamamagitan din ng isang tao.+ 22 Kung kay Adan, ang lahat ay namamatay;+ kay Kristo naman, ang lahat ay bubuhayin,+ 23 pero bawat isa ayon sa tamang pagkakasunod-sunod: si Kristo ang unang bunga,+ pagkatapos ay ang mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang presensiya.*+ 24 Kasunod ay ang wakas, kapag ibinigay niya ang Kaharian sa kaniyang Diyos at Ama, kapag inalis na niya ang lahat ng pamahalaan at lahat ng awtoridad at kapangyarihan. + 25 Maghahari siya hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng mga paa niya.+ 26 At ang huling kaaway, ang kamatayan, ay mawawala na.+ 27 Dahil “inilagay ng Diyos ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa niya.”+ Pero nang sabihing ‘ang lahat ng bagay ay napasailalim,’+ malinaw na hindi kasama rito ang Isa na nagbigay sa kaniya ng awtoridad sa lahat ng bagay.+ 28 Kapag napasailalim na niya ang lahat ng bagay, ang Anak ay magpapasailalim din sa Isa na nagbigay sa kaniya ng awtoridad sa lahat ng bagay,+ para ang Diyos ang maging nag-iisang Tagapamahala ng lahat.+
29 Kung hindi ito totoo, ano ang mangyayari sa mga binabautismuhan para maging mga patay?+ Kung hindi talaga bubuhaying muli ang mga patay, bakit pa sila binabautismuhan para maging gayon? 30 At bakit hinahayaan nating manganib ang buhay natin sa bawat oras?*+ 31 Araw-araw akong napapaharap sa kamatayan. Totoo ito kung paanong ipinagmamalaki ko kayo, mga kapatid, na mga alagad ni Kristo Jesus na ating Panginoon. 32 Kung gaya ng ibang tao* ay nakipaglaban ako sa mababangis na hayop sa Efeso,+ ano ang pakinabang ko roon? Kung hindi bubuhaying muli ang mga patay, “kumain tayo at uminom, dahil bukas ay mamamatay tayo.”+ 33 Huwag kayong magpalinlang.* Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.*+ 34 Bumalik kayo sa katinuan at gawin ang tama, at huwag kayong mamihasa sa kasalanan,+ dahil ang ilan ay walang kaalaman sa Diyos. Sinasabi ko ito para makadama kayo ng kahihiyan.
35 Gayunman, may magsasabi: “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Oo, ano ang magiging katawan nila kapag binuhay silang muli?”+ 36 Ikaw na di-makatuwiran! Ang inihahasik mo ay hindi mabubuhay kung hindi muna ito mamamatay.+ 37 At kung tungkol sa inihahasik mo, ang inihahasik mo ay hindi ang mismong katawan na tutubo kundi isang butil lang, trigo man ito o iba pang uri ng binhi; 38 pero binibigyan ito ng Diyos ng katawan ayon sa kalooban niya, at ang bawat binhi ay binibigyan niya ng sarili nitong katawan. 39 Hindi magkakatulad ang lahat ng katawan; iba ang sa tao, iba ang sa hayop,* iba ang sa ibon, at iba ang sa isda. 40 At may mga katawang makalangit+ at mga katawang makalupa;+ pero magkaiba ang kaluwalhatian ng mga katawang makalangit at mga katawang makalupa. 41 Iba ang kaluwalhatian ng araw, iba rin ang sa buwan,+ at iba ang sa mga bituin; ang totoo, magkakaiba ang kaluwalhatian ng bawat bituin.
42 Gayon din ang pagkabuhay-muli ng mga patay. Ang inihahasik ay katawang nabubulok, pero ang ibabangon ay katawang hindi nabubulok.+ 43 Wala itong karangalan nang ihasik pero maluwalhati kapag ibinangon.+ Mahina ito nang ihasik pero makapangyarihan kapag ibinangon.+ 44 Pisikal na katawan ito nang ihasik pero espiritung katawan kapag ibinangon.+ Kung may pisikal na katawan, mayroon ding espiritung katawan. 45 Gaya ng nasusulat: “Ang unang taong si Adan ay nagkaroon ng buhay.”+ Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay.+ 46 Kaya hindi una ang espiritung katawan. Pisikal na katawan ang una, at pagkatapos ay espiritung katawan. 47 Ang unang tao ay mula sa lupa at gawa sa alabok;+ ang ikalawang tao ay mula sa langit.+ 48 Gaya niya na gawa sa alabok, gayon din ang mga gawa sa alabok; at gaya niya na makalangit, gayon din ang mga makalangit.+ 49 At kung gaya tayo ngayon ng isa na gawa sa alabok,+ magiging gaya rin tayo ng isa na makalangit.+
50 Pero sinasabi ko sa inyo, mga kapatid, na ang laman at dugo ay hindi puwedeng magmana ng Kaharian ng Diyos at ang katawang nabubulok ay hindi puwedeng magmana ng kawalang-kasiraan. 51 Sinasabi ko sa inyo ang isang sagradong lihim: Hindi lahat sa atin ay matutulog sa kamatayan, pero tayong lahat ay babaguhin,+ 52 sa isang iglap, sa isang kisap-mata, sa pagtunog ng huling trumpeta. Dahil tutunog ang trumpeta,+ at ang mga patay ay bubuhaying muli na may katawang hindi nabubulok, at tayo ay babaguhin.+ 53 Dahil ang nabubulok ay kailangang maging walang kasiraan,+ at ang mortal ay kailangang maging imortal.+ 54 Pero kapag ang nabubulok ay naging walang kasiraan at ang mortal ay naging imortal, mangyayari ang nasusulat: “Ang kamatayan ay nilamon magpakailanman.”+ 55 “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong kamandag?”+ 56 Ang kamandag na nagbubunga ng kamatayan ay kasalanan,+ at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan.+ 57 Pero salamat sa Diyos, dahil ibinibigay niya sa atin ang tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo!+
58 Kaya, mahal kong mga kapatid, maging matatag kayo,+ di-natitinag at laging maraming ginagawa+ para sa* Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang pagpapagal ninyo+ para sa Panginoon.