Ipinagtatanggol ang Ating Pananampalataya
“Pabanalin ang Kristo bilang Panginoon sa inyong mga puso, na laging handa na gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na mahigpit na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo.”—1 PEDRO 3:15.
1, 2. Bakit hindi ipinagtataka ng mga Saksi ni Jehova ang pagsalansang, ngunit ano ang hangarin nila?
SA KARAMIHAN ng mga bansa, ang mga Saksi ni Jehova ay karaniwan nang kilala bilang mga taong tapat at may malinis na pamumuhay. Itinuturing sila ng marami bilang mabubuting kapitbahay na hindi gumagawa ng anumang gulo. Subalit nakapagtataka, ang mga Kristiyanong ito na maibigin sa kapayapaan ay dumaranas ng di-makatarungang pag-uusig—sa panahon ng digmaan at ng kapayapaan. Hindi nila ipinagtataka ang gayong pagsalansang. Sa katunayan, inaasahan nila iyon. Tutal, alam naman nila na ang tapat na mga Kristiyano noong unang siglo C.E. ay naging “mga tudlaan ng pagkapoot,” kaya bakit aasa yaong nagsisikap na maging tunay na mga tagasunod ni Kristo sa ngayon na iba ang magiging pakikitungo sa kanila? (Mateo 10:22) Bukod dito, sinasabi ng Bibliya: “Lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may maka-Diyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.”—2 Timoteo 3:12.
2 Hindi hangad ng mga Saksi ni Jehova na sila’y pag-usigin, ni nasisiyahan man sila sa mga paghihirap—mga multa, pagkabilanggo, o malupit na pagtrato—na maaaring kaakibat nito. Nais nilang “mamuhay ng isang kalmado at tahimik na buhay” upang maipangaral nila ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos nang walang hadlang. (1 Timoteo 2:1, 2) Pinahahalagahan nila ang taglay nilang kalayaan sa relihiyon sa maraming lupain upang maipagpatuloy ang kanilang pagsamba, at taimtim nilang ginagawa ang makakaya nila upang “makipagpayapaan . . . sa lahat ng tao,” pati na ang mga tagapamahala ng mga pamahalaan ng tao. (Roma 12:18; 13:1-7) Bakit, kung gayon, sila nagiging “mga tudlaan ng pagkapoot”?
3. Ano ang isang dahilan kung bakit walang-katuwirang kinapopootan ang mga Saksi ni Jehova?
3 Pangunahin na, ang mga Saksi ni Jehova ay walang-katuwirang kinapopootan sa katulad na mga dahilan ng pag-uusig sa mga naunang Kristiyano. Una, isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang relihiyosong mga paniniwala sa mga paraan na nagpapangyaring sila’y kainisan ng ilan. Halimbawa, buong-sigasig nilang ipinangangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, ngunit kadalasan nang hindi nauunawaan ng mga tao ang kanilang sigasig, anupat itinuturing na “agresibong pangungumberte” ang kanilang pangangaral. (Ihambing ang Gawa 4:19, 20.) Nananatili rin silang neutral sa pulitika at digmaan ng mga bansa, at kung minsa’y nabibigyan ito ng maling kahulugan na ang mga Saksi ay taksil na mga mamamayan.—Mikas 4:3, 4.
4, 5. (a) Paano naging puntirya ng mga maling paratang ang mga Saksi ni Jehova? (b) Sino ang kadalasang mga pasimuno sa pag-uusig sa mga lingkod ni Jehova?
4 Pangalawa, ang mga Saksi ni Jehova ay naging mga puntirya ng mga maling paratang—tahasang mga kasinungalingan at pilipit na pagpapakilala sa kanilang mga paniniwala. Bunga nito, sila’y naging tudlaan ng di-makatuwirang pagtuligsa sa ilang lupain. Isa pa, dahil sa humihiling sila ng paggamot na di-ginagamitan ng dugo na kasuwato ng kanilang hangarin na sundin ang utos ng Bibliya na ‘umiwas sa dugo,’ sila’y may-kamaliang binansagan na “mga mamamatay ng anak” at “isang nagpapatiwakal na kulto.” (Gawa 15:29) Ngunit ang totoo, mataas ang pagpapahalaga ng mga Saksi ni Jehova sa buhay, at hangad nilang makakuha ng pinakamahusay na medikal na pangangalaga para sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak. Talagang walang batayan ang paratang na maraming anak ng mga Saksi ni Jehova ang namamatay bawat taon bunga ng pagtangging magpasalin ng dugo. Karagdagan pa, dahil sa hindi pare-pareho ang epekto ng katotohanan ng Bibliya sa lahat ng miyembro ng pamilya, pinararatangan din ang mga Saksi na nagwawasak ng mga pamilya. Gayunman, batid niyaong mga nakakakilala sa mga Saksi ni Jehova na kanilang pinahahalagahan nang husto ang buhay pampamilya at sinisikap na sundin ang mga utos ng Bibliya na ibigin at igalang ng mag-asawa ang isa’t isa at sundin ng mga anak ang kanilang mga magulang, sila man ay mga kapananampalataya o hindi.—Efeso 5:21–6:3.
5 Sa maraming pagkakataon, lumilitaw na ang pasimuno ng pag-uusig sa mga lingkod ni Jehova ay mga relihiyosong mananalansang na gumagamit ng kanilang impluwensiya sa pulitikal na mga awtoridad at sa media upang sikaping sugpuin ang gawain ng mga Saksi. Bilang mga Saksi ni Jehova, paano natin dapat na harapin ang gayong pagsalansang—iyon man ay resulta ng ating mga paniniwala at gawain o dahil sa mga maling paratang?
“Hayaang Malaman ng Lahat ng Tao ang Inyong Pagka-makatuwiran”
6. Bakit mahalaga na magkaroon ng timbang na pangmalas sa mga nasa labas ng kongregasyong Kristiyano?
6 Una, kailangan nating magkaroon ng tamang pangmalas—ang pangmalas ni Jehova—sa mga hindi natin karelihiyon. Kung hindi, baka pumukaw tayo ng di-kinakailangang pagkagalit o pandurusta mula sa iba. “Hayaang malaman ng lahat ng tao ang inyong pagka-makatuwiran,” isinulat ni apostol Pablo. (Filipos 4:5) Kaya naman, pinasisigla tayo ng Bibliya na magkaroon ng timbang na pangmalas sa mga nasa labas ng kongregasyong Kristiyano.
7. Ano ang nasasangkot sa pag-iingat ng ating sarili na “walang batik mula sa sanlibutan”?
7 Sa kabilang dako, napakaliwanag na pinapayuhan tayo ng Kasulatan na “ingatan ang [ating] sarili na walang batik mula sa sanlibutan.” (Santiago 1:27; 4:4) Dito, ang salitang “sanlibutan,” gaya sa maraming dako sa Bibliya, ay tumutukoy sa sangkatauhan na hiwalay sa mga tunay na Kristiyano. Namumuhay tayo sa lipunang ito ng mga tao; nakakasalamuha natin sila sa trabaho, sa paaralan, sa pamayanan. (Juan 17:11, 15; 1 Corinto 5:9, 10) Gayunman, iniingatan natin ang ating sarili na walang batik mula sa sanlibutan sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga saloobin, pananalita, at paggawi na salungat sa matuwid na mga daan ng Diyos. Mahalaga rin na kilalanin natin ang panganib ng matalik na pakikisama sa sanlibutang ito, lalo na sa mga nagpapakita ng tahasang pagwawalang-bahala sa mga pamantayan ni Jehova.—Kawikaan 13:20.
8. Bakit ang payo na manatiling walang batik mula sa sanlibutan ay hindi nagbibigay sa atin ng anumang batayan para maliitin ang iba?
8 Gayunman, ang payo na manatiling walang batik mula sa sanlibutan ay hindi nagbibigay sa atin ng anumang batayan upang tuwirang maliitin yaong mga hindi Saksi ni Jehova. (Kawikaan 8:13) Tandaan ang halimbawa ng mga Judiong lider ng relihiyon, na tinalakay sa naunang artikulo. Ang anyo ng relihiyon na kanilang binuo ay hindi sinang-ayunan ni Jehova; ni nagbunga man ito ng mabuting kaugnayan sa mga di-Judio. (Mateo 21:43, 45) Palibhasa’y mataas ang tingin nila sa sarili, napakababa ng tingin ng mga panatikong ito sa mga Gentil. Hindi tayo nagtataglay ng gayong makitid na pananaw, na nakikitungo nang may paghamak sa mga di-Saksi. Tulad ni apostol Pablo, hangad natin na magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos ang lahat ng nakikinig sa mensahe ng katotohanan sa Bibliya.—Gawa 26:29; 1 Timoteo 2:3, 4.
9. Ano ang dapat na maging epekto ng isang timbang at maka-Kasulatang pangmalas sa paraan ng pagsasalita natin tungkol sa mga hindi natin kapananampalataya?
9 Ang isang timbang at maka-Kasulatang pangmalas ang siyang dapat na makaapekto sa paraan ng pagsasalita natin tungkol sa mga di-Saksi. Tinagubilinan ni Pablo si Tito na paalalahanan ang mga Kristiyano sa isla ng Creta “na huwag magsalita nang nakapipinsala tungkol sa kaninuman, huwag maging palaaway, maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao.” (Tito 3:2) Pansinin na ang mga Kristiyano ay hindi dapat magsalita ng nakapipinsala tungkol sa “kaninuman”—kahit na sa mga di-Kristiyano sa Creta, na ang ilan ay kilala dahil sa kanilang pagsisinungaling, katakawan, at katamaran. (Tito 1:12) Kaya magiging di-makakasulatan para sa atin na gumamit ng mapanghamak na pananalita kapag tinutukoy ang mga hindi natin kapananampalataya. Ang mapagmataas na saloobin ay hindi aakit sa iba para sumamba kay Jehova. Sa halip, kapag ating minamalas at pinakikitunguhan ang iba ayon sa makatuwirang mga simulain ng Salita ni Jehova, ating ‘ginagayakan ang turo’ ng Diyos.—Tito 2:10.
Kung Kailan Tatahimik, Kung Kailan Magsasalita
10, 11. Paano ipinakita ni Jesus na alam niya kung kailan ang (a) “panahon ng pagtahimik”? (b) “panahon ng pagsasalita”?
10 May “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita,” sabi ng Eclesiastes 3:7. Kung gayon, narito ang hamon: ang pagpapasiya kung kailan ipagwawalang-bahala ang mga mananalansang at kung kailan magsasalita upang ipagtanggol ang ating pananampalataya. Malaki ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng isa na laging tama ang pagpapasiya—si Jesus. (1 Pedro 2:21) Batid niya kung kailan ang “panahon ng pagtahimik.” Halimbawa, nang siya ay paratangan nang may kabulaanan ng mga punong saserdote at mga nakatatandang lalaki sa harap ni Pilato, si Jesus ay “hindi sumagot.” (Mateo 27:11-14) Hindi niya ibig na magsalita ng anuman na makahahadlang sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos para sa kaniya. Sa halip, minabuti niya na ang kaniyang mga hayagang ginawa ang siyang magsalita sa ganang kanila. Batid niya na kahit ang katotohanan ay hindi makapagpapabago sa kanilang mga palalong isip at puso. Kaya hindi niya pinansin ang kanilang paratang, anupat tumangging basagin ang kaniyang makahulugang pananahimik.—Isaias 53:7.
11 Gayunman, alam din ni Jesus kung kailan ang “panahon ng pagsasalita.” May pagkakataon na tahasan siyang nakipagtalo at hayagang pumuna sa kaniyang mga kritiko, anupat pinabulaanan ang kanilang mga maling paratang. Halimbawa, nang tangkain ng mga eskriba at Fariseo na hiyain siya sa harap ng isang pulutong sa pamamagitan ng pagbibintang na pinalalayas niya ang mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, ipinasiya ni Jesus na sagutin ang mga maling paratang. Sa pamamagitan ng napakahusay na lohika at mabisang ilustrasyon, napabulaanan niya ang kasinungalingan. (Marcos 3:20-30; tingnan din ang Mateo 15:1-11; 22:17-21; Juan 18:37) Sa katulad na paraan, nang si Jesus, matapos na ipagkanulo at arestuhin, ay kaladkarin sa harap ng Sanedrin, buong-katusuhang iginiit ng Mataas na Saserdoteng si Caifas: “Sa pamamagitan ng Diyos na buháy ay inilalagay kita sa ilalim ng panunumpa na sabihin sa amin kung ikaw ang Kristo na Anak ng Diyos!” Ito rin naman ay “panahon ng pagsasalita,” sapagkat ang pananahimik ay maaaring ipakahulugan na itinatanggi niya na siya ang Kristo. Kaya sumagot si Jesus: “Ako nga.”—Mateo 26:63, 64; Marcos 14:61, 62.
12. Ano ang mga kalagayang nagpakilos kina Pablo at Bernabe na magsalita nang may katapangan sa Iconio?
12 Tingnan din ang halimbawa nina Pablo at Bernabe. Sinasabi ng Gawa 14:1, 2: “Sa Iconio ay pumasok silang magkasama sa sinagoga ng mga Judio at nagsalita nang gayon na lamang anupat isang malaking karamihan ng kapuwa mga Judio at Griego ang naging mga mananampalataya. Subalit ang mga Judio na hindi naniwala ay nanulsol at may-kasamaang inimpluwensiyahan ang mga kaluluwa ng mga tao ng mga bansa laban sa mga kapatid.” Ganito naman ang mababasa sa The New English Bible: “Subalit ang mga di-nakumberteng Judio ay nanulsol sa mga Gentil at nilason ang kanilang isip laban sa mga Kristiyano.” Hindi pa nakontento sa pagtanggi sa mensahe, inilunsad ng mga Judiong mananalansang ang isang kampanya ng paninira, anupat sinikap na sulsulan ang mga mamamayang Gentil laban sa mga Kristiyano.a Talagang gayon na lamang katindi ang kanilang pagkapoot sa Kristiyanismo! (Ihambing ang Gawa 10:28.) Nadama nina Pablo at Bernabe na ito ay “panahon ng pagsasalita,” dahil baka masiraan ng loob ang mga bagong alagad dahil sa hayagang pandurusta. “Sa gayon ay gumugol sila [Pablo at Bernabe] ng mahabang panahon sa pagsasalita nang may katapangan sa pamamagitan ng awtoridad ni Jehova,” na nagpakita ng kaniyang pagsang-ayon sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng kapangyarihang gumawa ng makahimalang mga tanda. Bunga nito, ang ilan ay naging “para sa mga Judio ngunit ang iba ay para sa mga apostol.”—Gawa 14:3, 4.
13. Sa pagharap sa pandurusta, kadalasang kailan ang “panahon ng pagtahimik”?
13 Kung gayon, paano tayo dapat tumugon kapag dinurusta tayo? Depende iyan sa mga kalagayan. May ilang kalagayan na doo’y kailangan nating ikapit ang simulain na may “panahon ng pagtahimik.” Lalo itong totoo kapag sinisikap ng determinadong mga mananalansang na isangkot tayo sa walang-kabuluhang mga pagtatalo. Hindi natin dapat kalimutan na may ilang tao na talagang ayaw makaalam ng katotohanan. (2 Tesalonica 2:9-12) Walang-saysay ang pagsisikap na makipagkatuwiranan sa gayong mga tao na buong-pagmamataas na tumatangging maniwala. Higit pa riyan, kung pagkakaabalahan natin ang pakikipagdebate sa bawat bulaang tagapag-akusa na umaatake sa atin, baka mapabayaan natin ang higit na mahalaga at kasiya-siyang gawain—yaong pagtulong sa mga tapat-pusong tao na talagang nagnanais matuto ng katotohanan sa Bibliya. Kaya kapag nakaharap ang mga antagonista na determinadong magkalat ng mga kasinungalingan tungkol sa atin, ang kinasihang payo ay: “Iwasan ninyo sila.”—Roma 16:17, 18; Mateo 7:6.
14. Sa anu-anong paraan natin maaaring ipagtanggol ang ating pananampalataya sa harap ng iba?
14 Sabihin pa, hindi ito nangangahulugan na hindi natin ipinagtatanggol ang ating pananampalataya. Tutal, mayroon ding “panahon ng pagsasalita.” Wasto lamang na mabahala tayo tungkol sa taimtim na mga tao na nalantad sa nakasisirang-puring pamimintas sa atin. Tayo ay nakahandang magpaliwanag nang husto sa iba ng tungkol sa ating taos-pusong pananalig; sa katunayan, malugod nating tinatanggap ang gayong pagkakataon. Sumulat si Pedro: “Pabanalin ang Kristo bilang Panginoon sa inyong mga puso, na laging handa na gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na mahigpit na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Pedro 3:15) Kapag humingi ng patotoo ang talagang interesadong mga indibiduwal para sa mga paniniwalang pinahahalagahan natin, kapag sila’y nagtanong tungkol sa mga bulaang paratang na ibinangon ng mga mananalansang, pananagutan natin na ipagtanggol ang ating pananampalataya, anupat naglalaan ng tumpak na sagot mula sa Bibliya. Karagdagan pa, malaking patotoo ang magagawa ng ating mainam na paggawi. Habang napapansin ng walang-kinikilingang mga tagapagmasid na talagang sinisikap nating mamuhay ayon sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos, agad nilang makikita na mali ang mga paratang sa atin.—1 Pedro 2:12-15.
Paano ang Tungkol sa Mapanirang-Puring Publisidad?
15. Ano ang isang halimbawa na naging puntirya ng pilipit na impresyon sa media ang mga Saksi ni Jehova?
15 Kung minsan, ang mga Saksi ni Jehova ay nagiging puntirya ng pilipit na impormasyon sa media. Halimbawa, noong Agosto 1, 1997, naglathala ang isang pahayagan sa Russia ng isang mapanirang-puring artikulo na nagsasabing, bukod sa iba pang bagay, mahigpit na hinihilingan ng mga Saksi ang mga miyembro na ‘itakwil nila ang kanilang asawa at mga magulang kung ang mga ito ay hindi nakauunawa at hindi nila kapananampalataya.’ Sinumang tunay na nakakakilala sa mga Saksi ni Jehova ay nakababatid na may kabulaanan ang paratang na iyon. Ipinakikita ng Bibliya na dapat pakitunguhan ng mga Kristiyano ang di-nananampalatayang mga kapamilya nang may pag-ibig at paggalang, at sinisikap ng mga Saksi na sundin ang utos na iyan. (1 Corinto 7:12-16; 1 Pedro 3:1-4) Magkagayunman, inilathala ang artikulo, at sa gayo’y mali ang naipabatid sa maraming mambabasa. Paano natin maipagtatanggol ang ating pananampalataya kapag tayo ay pinaratangan nang may kabulaanan?
16, 17, at kahon sa pahina 16. (a) Ano ang sinabi minsan ng Ang Bantayan tungkol sa pagsagot sa maling impormasyon sa media? (b) Sa anong mga kalagayan maaaring sagutin ng mga Saksi ni Jehova ang negatibong mga ulat sa media?
16 Narito na naman ang “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” Minsan ay ganito ang ipinahayag tungkol dito ng Ang Bantayan: “Depende na sa situwasyon, sa pasimuno ng pamumuna, at sa kaniyang layunin kung ipagwawalang-bahala man natin ang maling impormasyon sa media o ipagtatanggol natin ang katotohanan sa pamamagitan ng angkop na paraan.” Sa ilang kalagayan, baka pinakamabuting ipagwalang-bahala na lamang ang negatibong mga ulat, sa gayo’y hindi na makatawag ng ibayong pansin ang mga kasinungalingan.
17 Sa ibang kalagayan naman, baka iyon ay “panahon ng pagsasalita.” Baka mali lamang ang naipabatid sa isang responsableng peryodista o reporter tungkol sa mga Saksi ni Jehova at baka malugod niyang tatanggapin ang totoong impormasyon tungkol sa atin. (Tingnan ang kahon na “Itinuwid ang Isang Maling Pagpapakilala.”) Kung ang negatibong mga ulat sa media ay pumukaw ng maling akala na humahadlang sa ating gawaing pangangaral, maaaring magkusa ang mga kinatawan ng tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower upang ipagtanggol ang katotohanan sa pamamagitan ng anumang angkop na paraan.b Halimbawa, maaaring maatasan ang kuwalipikadong matatanda para magharap ng impormasyon, gaya sa isang programa sa TV, kung saan ang hindi nila pagharap doon ay maaaring magpahiwatig na walang maisasagot ang mga Saksi ni Jehova. May katalinuhang nakikipagtulungan ang indibiduwal na mga Saksi sa direksiyon ng Samahang Watch Tower at sa mga kinatawan nito sa gayong mga bagay.—Hebreo 13:17.
Legal na Ipinagtatanggol ang Mabuting Balita
18. (a) Bakit hindi natin kailangan ang permiso ng mga pamahalaan ng tao para mangaral? (b) Anong landasin ang sinusunod natin kapag pinagkaitan tayo ng permisong mangaral?
18 Ang ating awtorisasyon na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay mula sa langit. Si Jesus, na nag-atas sa atin ng gawaing ito, ay binigyan ng ‘lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa.’ (Mateo 28:18-20; Filipos 2:9-11) Kaya naman, hindi natin kailangan ang permiso ng mga pamahalaan ng tao para mangaral. Magkagayunman, kinikilala natin na ang pagkakaroon ng kalayaan sa relihiyon ay nakatutulong sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian. Sa mga lupain kung saan malaya nating maipagpapatuloy ang ating pagsamba, gagamitin natin ang sistema ng batas upang ipagsanggalang ito. Kung saan ipinagkakait sa atin ang gayong kalayaan, sisikapin nating matamo iyon nang ayon sa batas. Ang layunin natin ay, hindi ang panlipunang pagbabago, kundi ang ‘pagtatanggol at ang legal na pagtatatag ng mabuting balita.’c—Filipos 1:7.
19. (a) Ano ang maaaring ibunga ng ating ‘pagbabayad sa Diyos ng mga bagay na sa Diyos’? (b) Ano ang determinado tayong gawin?
19 Bilang mga Saksi ni Jehova, kinikilala natin si Jehova bilang Soberano ng Sansinukob. Kataas-taasan ang kaniyang batas. Taimtim nating sinusunod ang mga pamahalaan ng tao, sa gayo’y ‘nagbabayad kay Cesar ng mga bagay na kay Cesar.’ Ngunit hindi natin pahihintulutan ang anuman na makahadlang sa ating pagtupad ng isang mas mahalagang pananagutan—‘ang pagbabayad sa Diyos ng mga bagay na sa Diyos.’ (Mateo 22:21) Lubusan nating nauunawaan na sa paggawa nito, tayo ay magiging “mga tudlaan ng pagkapoot” ng mga bansa, ngunit tanggap natin ito bilang bahagi ng halaga ng pagiging alagad. Ang legal na rekord ng mga Saksi ni Jehova sa ika-20 siglo ay isang patotoo sa ating determinasyon na ipagtanggol ang ating pananampalataya. Sa tulong at alalay ni Jehova, magpapatuloy tayo “nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita.”—Gawa 5:42.
[Mga talababa]
a Ipinaliliwanag ng Matthew Henry’s Commentary on the Whole Bible na “sinasadya [ng mga Judiong mananalansang] na pumunta sa mga iyon [mga Gentil] na kilala nila, at sabihin ang lahat ng masamang maiisip nila, upang itanim sa kanila hindi lamang ang isang hamak kundi isang masamang opinyon sa Kristiyanismo.”
b Matapos na mapalathala ang mapanirang-puring artikulo sa pahayagan sa Russia (binanggit sa parapo 15), nag-apela ang mga Saksi ni Jehova sa Russian Federation Presidential Judicial Chamber for Media Disputes taglay ang isang kahilingan na repasuhin ang mga maling paratang na nasa artikulo. Kamakailan ay naglabas ng desisyon ang korte na sumasaway sa pahayagan dahil sa paglilimbag ng gayong mapanirang-puring artikulo.—Tingnan ang Gumising!, Nobyembre 22, 1998, pahina 26-7.
c Tingnan ang artikulong “Ipinagsasanggalang ang Mabuting Balita sa Legal na Paraan,” sa pahina 19-22.
Natatandaan ba Ninyo?
◻ Bakit “mga tudlaan ng pagkapoot” ang mga Saksi ni Jehova?
◻ Paano natin dapat malasin yaong mga hindi natin kapananampalataya?
◻ Sa pakikitungo sa mga mananalansang, anong timbang na halimbawa ang ipinakita ni Jesus?
◻ Kapag dinurusta tayo, paano natin maikakapit ang simulain na may “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita”?
[Kahon sa pahina 16]
Itinuwid ang Isang Maling Pagpapakilala
“Sa Yacuiba, Bolivia, nagsaayos ang isang grupong ebangheliko sa lugar na iyon na ipalabas ng isang istasyon sa TV ang isang pelikula na maliwanag na ginawa ng mga apostata. Dahil sa masasamang epekto ng programang iyon, nagpasiya ang matatanda na pumunta sa dalawang istasyon ng TV at mag-alok na magbabayad para ipalabas nila sa publiko ang mga video na Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name at ang The Bible—A Book of Fact and Prophecy. Matapos mapanood ang mga video ng Samahan, nagalit ang may-ari ng isang istasyon ng radyo sa maling pagpapakilala sa programa ng mga apostata at nag-alok siya ng libreng patalastas para sa mga Saksi ni Jehova may kinalaman sa kanilang dumarating na pandistritong kombensiyon. Di-pangkaraniwan ang dami ng dumalo, at maraming tapat-pusong mga tao ang nagsimulang magbangon ng taimtim na mga tanong kapag dinadalaw sila ng mga Saksi sa ministeryo.”—1997 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 61-2.
[Larawan sa pahina 17]
May pagkakataon na tahasang pinabulaanan ni Jesus ang mga maling paratang ng kaniyang mga kritiko