Labanan ang Espiritu ng Nagbabagong Sanlibutan
“Tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos.”—1 CORINTO 2:12.
1. Sa anu-anong paraan nalinlang si Eva?
“ANG serpiyente—nilinlang ako nito.” (Genesis 3:13) Sa pamamagitan ng maikling pananalitang iyon, sinikap ipaliwanag ng unang babaing si Eva kung bakit niya nagawang maghimagsik sa Diyos na Jehova. Totoo naman ang sinabi niya, ngunit hindi nito mabibigyang-katuwiran ang masamang bagay na kaniyang ginawa. Nang maglaon, kinasihang sumulat si apostol Pablo: “[Si Eva ay] lubusang nalinlang.” (1 Timoteo 2:14) Nalinlang siyang maniwala na makikinabang siya sa pagsuway—ang pagkain ng ipinagbabawal na bunga—anupat gagawin siyang gaya ng Diyos. Nadaya rin siya hinggil sa kung sino ang nanlinlang sa kaniya. Wala siyang kamalay-malay na ang serpiyente ay isa lamang tagapagsalita ni Satanas na Diyablo.—Genesis 3:1-6.
2. (a) Paano inililigaw ni Satanas ang mga tao sa ngayon? (b) Ano “ang espiritu ng sanlibutan,” at anu-anong tanong ang isasaalang-alang natin ngayon?
2 Mula pa noong panahon nina Adan at Eva, patuloy na nililinlang ni Satanas ang mga tao. Sa katunayan, “[inililigaw niya ang] buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Hindi nagbago ang kaniyang mga taktika. Bagaman hindi na siya gumagamit ng literal na serpiyente, patuloy naman niyang inililihim ang kaniyang pagkakakilanlan. Sa pamamagitan ng mga bahagi ng industriya ng libangan, ng media, at ng iba pang paraan, inililigaw ni Satanas ang mga tao na maniwalang hindi nila kailangan ni pakikinabangan man ang maibiging patnubay ng Diyos. Ang mga tao sa lahat ng dako ay nagkaroon ng espiritu ng paghihimagsik sa mga kautusan at simulain ng Bibliya dahil sa kampanya ng Diyablo sa panlilinlang. Tinatawag ito ng Bibliya na “espiritu ng sanlibutan.” (1 Corinto 2:12) Napakalakas ng impluwensiya ng espiritung ito sa mga paniniwala, saloobin, at paggawi ng mga hindi nakakakilala sa Diyos. Paano ipinamamalas ang espiritung ito, at paano natin mapaglalabanan ang nakasasamang impluwensiya nito? Tingnan natin.
Bumababa ang mga Pamantayang Moral
3. Bakit lalo nang kitang-kita “ang espiritu ng sanlibutan” sa makabagong-panahon?
3 Sa makabagong panahon, lalo nang kitang-kita “ang espiritu ng sanlibutan.” (2 Timoteo 3:1-5) Malamang na napansin mong bumababa ang mga pamantayang moral. Ipinaliliwanag ng Kasulatan kung bakit gayon. Pagkaraang maitatag ang Kaharian ng Diyos noong taóng 1914, sumiklab ang digmaan sa langit. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay natalo at ibinulid sa kapaligiran ng lupa. Palibhasa’y galit, pinag-ibayo ni Satanas ang kaniyang kampanya ng panlilinlang sa buong mundo. (Apocalipsis 12:1-9, 12, 17) Sa anumang paraang magagawa niya, sinisikap niyang “iligaw, kung maaari, maging ang mga pinili.” (Mateo 24:24) Bilang bayan ng Diyos, tayo ang kaniyang pangunahing puntirya. Sinisikap niyang sirain ang ating espirituwalidad upang maiwala natin ang paglingap ni Jehova at ang pag-asang buhay na walang hanggan.
4. Paano minamalas ng mga lingkod ni Jehova ang Bibliya, at paano ito minamalas ng sanlibutan?
4 Sinisikap ni Satanas na siraan ang Bibliya, ang napakahalagang aklat na nagtuturo sa atin tungkol sa ating Maylalang. Iniibig at pinahahalagahan ng mga lingkod ni Jehova ang Bibliya. Alam natin na ito ang kinasihang Salita ng Diyos, hindi salita ng tao. (1 Tesalonica 2:13; 2 Timoteo 3:16) Gayunman, gusto ng sanlibutan ni Satanas na iba ang isipin natin. Halimbawa, sinasabi sa paunang salita ng isang aklat na tumutuligsa sa Bibliya: “Walang bagay na ‘banal’ tungkol sa Bibliya, ni masasabi mang ito ‘ang salita ng Diyos.’ Hindi ito isinulat ng mga santong kinasihan ng Diyos, kundi ng mga saserdoteng gahaman sa kapangyarihan.” Ang mga naakay na maniwala sa mga pag-aangking ito ay baka madaling mabiktima ng maling palagay na malaya silang makasasamba sa Diyos sa anumang paraang gusto nila—o baka nga hindi na sila sumamba pa sa kaniya.—Kawikaan 14:12.
5. (a) Ano ang inangkin ng isang awtor hinggil sa mga relihiyong nauugnay sa Bibliya? (b) Ano ang pagkakaiba ng ilang karaniwang ideya na makasanlibutan sa sinasabi ng Bibliya? (Ilakip ang kahon sa kasunod na pahina.)
5 Ang tuwiran at di-tuwirang pagtuligsa sa Bibliya, lakip na ang relihiyosong pagpapaimbabaw ng mga nag-aangking sumusuporta rito, ay nagbunga ng tumitinding pagkainis sa relihiyon, pati na sa relihiyong nauugnay sa Bibliya. Tinutuligsa ng mga balita sa media at ng mga may matataas na pinag-aralan ang relihiyon. Sinabi ng isang awtor: “Hindi magandang pangmalas hinggil sa Judaismo at Kristiyanismo ang lumalaganap sa kilaláng kultura. Sa pinakamainam na pangmalas, itinuturing ang mga ito na kaakit-akit ngunit sinauna; sa pinakamasamang pangmalas naman, ang mga ito raw ay makalumang mga pananaw na hadlang sa pagsulong ng karunungan at sagabal sa pag-unlad ng siyensiya. Nitong nakaraang mga taon, ang paghamak ay nauwi sa pagtuya at hayagang pagkapoot.” Ang pagkapoot na ito ay kadalasang nagmumula sa mga nagkakaila sa pag-iral ng Diyos at sa mga nagiging “walang-isip sa kanilang mga pangangatuwiran.”—Roma 1:20-22.
6. Ano ang pangmalas ng sanlibutan hinggil sa seksuwal na mga gawain na hinahatulan ng Diyos?
6 Kung gayon, hindi kataka-taka na lalong napapalayo ang mga tao sa mga pamantayan ng Diyos hinggil sa paggawi. Halimbawa, inilalarawan ng Bibliya ang homoseksuwal na mga ugnayan bilang “malaswa.” (Roma 1:26, 27) Sinasabi rin nito na hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya. (1 Corinto 6:9) Gayunman, sa maraming lupain, hindi lamang itinuturing na katanggap-tanggap ang gayong seksuwal na mga gawain kundi pinagtitinging kaakit-akit ang mga ito sa mga aklat, magasin, awitin, pelikula, at mga palabas sa TV. Yaong mga tahasang nagsasalita laban sa gayong mga gawain ay itinuturing na makikitid ang isip, mapanghatol, at may makalumang mga pananaw. Sa halip na malasin ang mga pamantayan ng Diyos bilang mga kapahayagan ng maibiging pagmamalasakit, minamalas ito ng sanlibutan bilang mga hadlang sa personal na kalayaan at kasiyahan.—Kawikaan 17:15; Judas 4.
7. Anu-ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?
7 Sa gitna ng sanlibutan na lalong tumitindi ang pagsalansang sa Diyos, isang katalinuhan para sa atin na suriin ang ating sariling saloobin at mga pamantayan. Sa pana-panahon, dapat nating suriin nang may pananalangin at katapatan ang ating sarili upang matiyak na hindi tayo unti-unting naaanod papalayo mula sa mga kaisipan at pamantayan ni Jehova. Halimbawa, maaari nating tanungin ang ating sarili: ‘Nasisiyahan ba ako sa mga paksa na iniiwasan ko naman noong nakalipas na ilang taon? Naging mas katanggap-tanggap na ba sa akin ang mga gawain na hinahatulan ng Diyos? Nahihilig ba akong maging di-gaanong seryoso sa espirituwal na mga bagay kaysa noon? Ipinakikita ba ng aking paraan ng pamumuhay na inuuna ko ang mga kapakanan ng Kaharian sa aking buhay?’ (Mateo 6:33) Ang gayong pagbubulay-bulay ay tutulong sa atin na labanan ang espiritu ng sanlibutan.
‘Huwag Kailanman Maanod Papalayo’
8. Paano maaaring maanod palayo kay Jehova ang isang indibiduwal?
8 Sumulat si apostol Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano: ‘Kailangan tayong magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig natin, upang hindi tayo kailanman maanod papalayo.’ (Hebreo 2:1) Ang barkong naaanod palayo ay hindi makararating sa destinasyon nito. Kung hindi magbibigay-pansin ang isang kapitan sa hangin at agos, baka madaling maanod palayo ang kaniyang barko mula sa isang ligtas na daungan at sumadsad sa isang mabatong baybayin. Sa katulad na paraan, kung hindi tayo magbibigay-pansin sa mahahalagang katotohanan sa Salita ng Diyos, baka madali tayong maanod palayo kay Jehova at dumanas ng espirituwal na pagkawasak. Hindi naman laging kailangan na lubusan muna nating itakwil ang katotohanan bago dumanas ng gayong kalugihan. Sa katunayan, hindi naman marami ang bigla at sadyang nagtakwil kay Jehova. Kadalasan, unti-unti silang nasasangkot sa isang bagay na nakagagambala sa kanilang pagbibigay-pansin sa Salita ng Diyos. Halos hindi nila namamalayan na naaanod na sila tungo sa pagkakasala. Kagaya ng isang nakatulog na kapitan, nagigising na lamang ang gayong mga indibiduwal kapag huli na ang lahat.
9. Sa anu-anong paraan pinagpala ni Jehova si Solomon?
9 Isaalang-alang ang landasin ng buhay ni Solomon. Ipinagkatiwala sa kaniya ni Jehova ang pagkahari sa Israel. Pinahintulutan ng Diyos na itayo ni Solomon ang templo at inutusan siyang sumulat ng mga bahagi ng Bibliya. Dalawang beses na nakipag-usap sa kaniya si Jehova at pinagkalooban siya ng kayamanan, katanyagan, at mapayapang paghahari. Higit sa lahat, binigyan ni Jehova ng dakilang karunungan si Solomon. Sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay patuloy na nagbigay kay Solomon ng napakalaking karunungan at unawa at ng lawak ng puso, tulad ng buhangin na nasa baybay-dagat. At ang karunungan ni Solomon ay mas malawak kaysa sa karunungan ng lahat ng taga-Silangan at kaysa sa lahat ng karunungan ng Ehipto.” (1 Hari 4:21, 29, 30; 11:9) Tiyak na iisipin ng isa na kung mayroon mang mananatiling tapat sa Diyos, iyon ay si Solomon. Gayunman, si Solomon ay naanod tungo sa apostasya. Paano ito nangyari?
10. Anong utos ang hindi sinunod ni Solomon, at ano ang kinahinatnan nito?
10 Lubusang nalalaman at nauunawaan ni Solomon ang Kautusan ng Diyos. Walang alinlangan na nag-ukol siya ng pantanging pansin sa mga tagubilin na itinakda para sa mga nagiging hari sa Israel. Isa sa gayong mga tagubilin ang nagsasabi: ‘Huwag ding magpaparami ng mga asawa ang hari para sa kaniyang sarili, upang ang kaniyang puso ay hindi malihis.’ (Deuteronomio 17:14, 17) Sa kabila ng malinaw na utos na iyon, kumuha si Solomon ng pitong daang asawa at tatlong daang babae. Marami sa mga babaing ito ang sumasamba sa banyagang mga diyos. Hindi natin alam kung bakit kumuha ng napakaraming asawa si Solomon, at hindi rin natin alam kung paano niya binigyang-katuwiran ang paggawa ng gayon. Ngunit alam natin na hindi niya sinunod ang malinaw na utos ng Diyos. Ang kinahinatnan nito ay yaon mismong ibinabala ni Jehova na mangyayari. Mababasa natin: “Sa kalaunan ay ikiniling ng kaniyang mga asawa ang . . . puso [ni Solomon] na sumunod sa ibang mga Diyos.” (1 Hari 11:3, 4) Unti-unti—ngunit tiyak—na naglaho ang kaniyang makadiyos na karunungan. Naanod siyang papalayo. Nang maglaon, ang hangarin ni Solomon na sundin at palugdan ang Diyos ay nahalinhan ng hangaring palugdan ang kaniyang paganong mga asawa. Kalunus-lunos nga, sapagkat si Solomon mismo ang sumulat noon ng mga salitang: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin”!—Kawikaan 27:11.
Makapangyarihan ang Espiritu ng Sanlibutan
11. Paano nakaaapekto sa ating pag-iisip ang ipinapasok natin sa ating isipan?
11 Itinuturo sa atin ng halimbawa ni Solomon na mapanganib ang pangangatuwiran na yamang alam natin ang katotohanan, hindi gaanong makaaapekto sa ating pag-iisip ang makasanlibutang mga impluwensiya. Kung paanong nakaaapekto sa ating katawan ang pisikal na pagkain, nakaaapekto rin sa ating isipan ang mental na pagkain. Ang ipinapasok natin sa ating isipan ang humuhubog sa ating pag-iisip at saloobin. Alam ito ng mga korporasyon kaya gumagastos sila ng bilyun-bilyong dolyar taun-taon para ianunsiyo ang kanilang mga produkto. Gumagamit ang popular na mga anunsiyo ng tusong mga salita at paglalarawan upang pukawin ang pananabik at pagnanasa ng mga mamimili. Alam din ng mga tagapag-anunsiyo na karaniwan nang hindi nahihikayat ang mga tao na agad bilhin ang mga produkto kapag minsan o makalawang beses lamang nila nakita ang isang anunsiyo. Gayunman, sa paglipas ng panahon, kadalasan nang nagiging kalugud-lugod ang isang produkto sa paningin ng mga mamimili kapag paulit-ulit na itong napapanood. Epektibo ang pag-aanunsiyo—dahil kung hindi, wala sanang namumuhunan dito. Napakalakas ng impluwensiya nito sa pag-iisip at saloobin ng publiko.
12. (a) Paano iniimpluwensiyahan ni Satanas ang pag-iisip ng mga tao? (b) Ano ang nagpapakita na maaaring maimpluwensiyahan ang mga Kristiyano?
12 Katulad ng isang tagapag-anunsiyo, pinagmumukhang kaakit-akit ni Satanas ang kaniyang mga ideya para maitaguyod ang mga ito, yamang nalalaman niya na sa paglipas ng panahon ay makukumbinsi niya ang mga tao na tanggapin ang kaniyang paraan ng pag-iisip. Sa pamamagitan ng libangan at iba pang paraan, nililinlang ni Satanas ang mga tao na maniwalang ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti. (Isaias 5:20) Maging ang tunay na mga Kristiyano ay nabiktima ng kampanya ni Satanas sa pagpapalaganap ng maling impormasyon. Nagbababala ang Bibliya: “Ang kinasihang pananalita ay tiyakang nagsasabi na sa mga huling yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga pananalita at mga turo ng mga demonyo, sa pamamagitan ng pagpapaimbabaw ng mga tao na nagsasalita ng mga kasinungalingan, na natatakan sa kanilang budhi na waring sa pamamagitan ng pangherong bakal.”—1 Timoteo 4:1, 2; Jeremias 6:15.
13. Anu-ano ang masasamang kasama, at paano nakaaapekto sa atin ang ating mga kasama?
13 Walang sinuman sa atin ang hindi maaaring maapektuhan ng espiritu ng sanlibutan. Makapangyarihan ang mga impluwensiya at tusong pamamaraan ng sistema ni Satanas. May-katalinuhang nagpapayo sa atin ang Bibliya: “Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Maituturing na masasamang kasama ang anumang bagay o sinuman—maging sa loob ng kongregasyon—na nagpapamalas ng espiritu ng sanlibutan. Kung ikakatuwiran natin na hindi makapipinsala sa atin ang masasamang kasama, kung gayon ay dapat din nating sabihin na hindi makatutulong sa atin ang mabubuting kasama. Maling-mali nga iyon! Malinaw na ipinaliliwanag ito ng Bibliya sa pagsasabing: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”—Kawikaan 13:20.
14. Sa anu-anong paraan natin malalabanan ang espiritu ng sanlibutan?
14 Upang malabanan ang espiritu ng sanlibutan, dapat tayong makisama sa marurunong na tao—sa mga naglilingkod kay Jehova. Dapat nating punuin ang ating isipan ng mga bagay na nakapagpapatibay sa ating pananampalataya. Sumulat si apostol Pablo: “Anumang bagay na totoo, anumang bagay na seryosong pag-isipan, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.” (Filipos 4:8) Bilang mga taong may kalayaang magpasiya, makapipili tayo ng mga bagay na isasaalang-alang natin. Lagi nawa nating piliing isaalang-alang ang mga bagay na lalong maglálapít sa atin kay Jehova.
Mas Makapangyarihan ang Espiritu ng Diyos
15. Paanong ang mga Kristiyano sa sinaunang Corinto ay naiiba sa iba pang naninirahan sa lunsod na iyon?
15 Di-gaya ng mga nalinlang ng espiritu ng sanlibutan, ang tunay na mga Kristiyano ay ginagabayan ng banal na espiritu ng Diyos. Sumulat si Pablo sa kongregasyon sa Corinto: “Tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos, upang malaman natin ang mga bagay na may-kabaitang ibinigay sa atin ng Diyos.” (1 Corinto 2:12) Ang sinaunang Corinto ay isang lunsod na nalulukuban ng espiritu ng sanlibutan. Gayon na lamang kahalay ang mga naninirahan doon anupat ang pananalita sa Ingles na “to Corinthianize” (tumulad sa mga taga-Corinto) ay nangahulugang “magsagawa ng imoralidad.” Binulag ni Satanas ang isipan ng mga tao. Dahil dito, kakaunti o wala silang nauunawaan tungkol sa tunay na Diyos. (2 Corinto 4:4) Gayunman, sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, idinilat ni Jehova ang mga mata ng ilang taga-Corinto, anupat tinulungan silang magtamo ng kaalaman sa katotohanan. Pinakilos at ginabayan sila ng kaniyang espiritu upang gumawa ng malalaking pagbabago sa kanilang buhay para matamo nila ang kaniyang pagsang-ayon at pagpapala. (1 Corinto 6:9-11) Bagaman malakas ang espiritu ng sanlibutan, mas malakas naman ang espiritu ni Jehova.
16. Paano tayo tatanggap ng espiritu ng Diyos at mapananatili iyon?
16 Totoo rin ito sa ngayon. Ang banal na espiritu ni Jehova ang pinakamakapangyarihang puwersa sa sansinukob, at handa niyang ibigay ito nang sagana sa lahat ng humihingi nito nang may pananampalataya. (Lucas 11:13) Subalit upang tumanggap ng espiritu ng Diyos, hindi lamang natin dapat labanan ang espiritu ng sanlibutan. Dapat din nating regular na pag-aralan at ikapit ang Salita ng Diyos sa ating buhay upang ang ating espiritu—ang disposisyon ng ating isipan—ay makaayon ng kaniyang pag-iisip. Kung gagawin natin ito, patitibayin tayo ni Jehova para makayanan ang anumang taktika na maaaring gamitin ni Satanas upang sirain ang ating espirituwalidad.
17. Sa anu-anong paraan nakaaaliw sa atin ang karanasan ni Lot?
17 Bagaman hindi bahagi ng sanlibutan ang mga Kristiyano, sila ay nasa sanlibutan. (Juan 17:11, 16) Walang sinuman sa atin ang lubusang makaiiwas sa espiritu ng sanlibutan, dahil maaaring nagtatrabaho tayo o naninirahan pa ngang kasama ng mga walang pag-ibig sa Diyos o sa kaniyang mga daan. Nadarama ba natin ang nadama ni Lot, na “lubhang nabagabag,” anupat napahirapan pa nga, dahil sa mga gawang tampalasan ng mga taga-Sodoma, na kasama niyang naninirahan doon? (2 Pedro 2:7, 8) Kung oo, maaari tayong maaliw. Iningatan at iniligtas ni Jehova si Lot, at magagawa rin niya ang gayon sa atin. Nakikita at nalalaman ng ating maibiging Ama ang mga kalagayan natin, at mabibigyan niya tayo ng tulong at lakas na kailangan natin upang mapanatili ang ating espirituwalidad. (Awit 33:18, 19) Kung mananalig tayo sa kaniya, magtitiwala sa kaniya, at tatawag sa kaniya, tutulungan niya tayong labanan ang espiritu ng sanlibutan, gaano man kahirap ang ating kalagayan.—Isaias 41:10.
18. Bakit natin dapat pakaingatan ang ating kaugnayan kay Jehova?
18 Sa sanlibutan na hiwalay sa Diyos at nilinlang ni Satanas, tayo na bayan ni Jehova ay pinagpala ng kaalaman sa katotohanan. Dahil dito ay nararanasan natin ang kagalakan at kapayapaan na hindi nararanasan ng sanlibutan. (Isaias 57:20, 21; Galacia 5:22) Minimithi natin ang kamangha-manghang pag-asa na buhay na walang hanggan sa Paraiso, kung saan mawawala na ang espiritu ng naghihingalong sanlibutang ito. Kung gayon, pakaingatan nawa natin ang ating napakahalagang kaugnayan sa Diyos at maging mapagbantay upang maituwid ang anumang hilig na maanod papalayo sa espirituwal na paraan. Maging lalo nawa tayong malapít kay Jehova higit kailanman, at tutulungan niya tayong labanan ang espiritu ng sanlibutan.—Santiago 4:7, 8.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Sa anu-anong paraan nililinlang at inililigaw ni Satanas ang mga tao?
• Paano natin maiiwasang maanod papalayo kay Jehova?
• Ano ang nagpapakita na makapangyarihan ang espiritu ng sanlibutan?
• Paano tayo tatanggap ng espiritu na mula sa Diyos at mapananatili iyon?
[Chart sa pahina 11]
MAKASANLIBUTANG KARUNUNGAN LABAN SA MAKADIYOS NA KARUNUNGAN
Relatibo ang katotohanan—ang mga tao ang gumagawa ng kanilang sariling katotohanan.
“Ang . . . salita [ng Diyos] ay katotohanan.”—Juan 17:17.
Upang matiyak kung ano ang tama at mali, magtiwala sa iyong damdamin.
“Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib.”—Jeremias 17:9.
Gawin mo ang gusto mo.
“Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”—Jeremias 10:23.
Ang kayamanan ang susi sa kaligayahan.
“Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.”—1 Timoteo 6:10.
[Larawan sa pahina 10]
Naanod palayo si Solomon mula sa tunay na pagsamba at bumaling sa huwad na mga diyos
[Larawan sa pahina 12]
Tulad ng isang tagapag-anunsiyo, itinataguyod ni Satanas ang espiritu ng sanlibutan. Nilalabanan mo ba ito?