Ikalawang Liham kay Timoteo
3 Pero sinasabi ko sa iyo na sa mga huling araw,+ magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan. 2 Dahil ang mga tao ay magiging makasarili,* maibigin sa pera, mayabang, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa magulang, walang utang na loob, di-tapat, 3 walang likas na pagmamahal, ayaw makipagkasundo, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mabangis, napopoot sa kabutihan, 4 taksil, matigas ang ulo, mapagmalaki, maibigin sa kaluguran sa halip na maibigin sa Diyos, 5 at mukhang makadiyos pero iba naman ang paraan ng pamumuhay.+ Layuan mo sila. 6 At may ilan sa kanila na pumapasok sa mga sambahayan sa tusong paraan at minamanipula ang mahina at makasalanang mga babae na nagpapadala sa iba’t ibang pagnanasa 7 at laging nag-aaral pero hindi lubusang nakukuha ang tumpak na kaalaman sa katotohanan.
8 Sinasalungat nila ang katotohanan, kung paanong sinalungat nina Janes at Jambres si Moises. Talagang baluktot ang isip nila at hindi sila nakaaabot sa pamantayan ng pananampalataya. 9 Pero wala na silang ibang magagawa, dahil malinaw na makikita ng lahat ang kamangmangan nila, gaya ng nangyari sa dalawang lalaking iyon.+ 10 Pero ikaw, talagang binigyang-pansin mo ang aking turo, landasin sa buhay,+ tunguhin, pananampalataya, pagpapasensiya, pag-ibig, at pagtitiis* 11 at ang pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia,+ Iconio,+ at Listra.+ Tiniis* ko ang mga pag-uusig na iyon, at iniligtas ako ng Panginoon mula sa lahat ng iyon.+ 12 Ang totoo, pag-uusigin din ang lahat ng gustong mamuhay nang may makadiyos na debosyon bilang mga alagad ni Kristo Jesus.+ 13 Pero ang masasamang tao at mga impostor ay lalo pang sásamâ. Sila ay manlíligaw at maililigaw.+
14 Pero ikaw, patuloy mong sundin ang mga bagay na natutuhan mo at nahikayat na paniwalaan,+ dahil alam mo kung kanino mo natutuhan ang mga ito 15 at na mula pa noong sanggol ka+ ay alam mo na ang banal na mga kasulatan,+ na nagpaparunong sa iyo para maligtas ka sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Jesus.+ 16 Ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos+ at kapaki-pakinabang sa pagtuturo,+ pagsaway, pagtutuwid,+ at pagdidisiplina ayon sa katuwiran,+ 17 para ang lingkod ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, na handang-handa para sa bawat mabuting gawa.