AWA, KAAWAAN
[sa Ingles, mercy].
Isang kapahayagan ng mabait na konsiderasyon o habag na nagdudulot ng ginhawa sa mga nasa di-kaayaayang kalagayan; magiliw na pagkamahabagin; kung minsan naman, pagpapagaan ng hatol o kaparusahan.
“Awa” o “kaawaan” ang malimit na salin ng Hebreong ra·chamimʹ at ng Griegong eʹle·os (pandiwa, e·le·eʹo). Ang pagsusuri sa mga terminong ito at sa pagkakagamit sa mga ito ay makatutulong upang makuha ang tunay na kahulugan at diwa ng mga ito. Ang pandiwang Hebreo na ra·chamʹ ay binibigyang-katuturan bilang “magningas, makadama ng init taglay ang magiliw na damdamin; . . . maging mahabagin.” (A Hebrew and Chaldee Lexicon, inedit ni B. Davies, 1957, p. 590) Ayon sa leksikograpong si Gesenius: “Waring ang pangunahing ideya nito ay pag-aaruga, pagpapaginhawa, at banayad na emosyon ng pag-iisip.” (A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, isinalin ni E. Robinson, 1836, p. 939) Ang terminong ito ay may malapit na kaugnayan sa salita para sa “bahay-bata” o maaaring tumukoy sa “mga bituka,” na naaapektuhan kapag ang isa ay nakadarama ng mainit at magiliw na pakikiramay o habag.—Ihambing ang Isa 63:15, 16; Jer 31:20.
Sa Kasulatan, ang ra·chamʹ ay minsan lamang ginamit ng tao para sa Diyos, anupat sinabi ng salmista: “Mamahalin [isang anyo ng ra·chamʹ] kita, O Jehova na aking kalakasan.” (Aw 18:1) Sa pagitan naman ng mga tao, si Jose ay nagpakita ng katangiang ito nang “ang kaniyang mga panloob na damdamin [isang anyo ng ra·chamimʹ] ay nag-alab” dahil sa kaniyang kapatid na si Benjamin at siya ay umiyak. (Gen 43:29, 30; ihambing ang 1Ha 3:25, 26.) Noon, kapag ang mga tao ay napapaharap sa posibilidad na pakikitunguhan sila nang may kabagsikan o kalupitan ng mga mambibihag (1Ha 8:50; Jer 42:10-12) o ng mga opisyal na may nakatataas na awtoridad (Gen 43:14; Ne 1:11; Dan 1:9), ninanais at idinadalangin nila na pag-ukulan sila ng habag o awa sa harap ng mga ito, samakatuwid nga, na pakitunguhan sila nang may pabor, pagkabanayad, at konsiderasyon.—Ihambing ang pagkakaiba sa Isa 13:17, 18.
Ang Awa ni Jehova. Pinakamalimit gamitin ang terminong ito may kinalaman sa mga pakikitungo ni Jehova sa kaniyang katipang bayan. Ang pagpapakita ng Diyos ng habag (ra·chamʹ) sa mga ito ay inihahalintulad sa isang babae na nagpapakita ng habag sa mga anak ng kaniyang bahay-bata at sa isang ama na nagpapakita ng awa sa kaniyang mga anak. (Isa 49:15; Aw 103:13) Dahil ang bansang Israel ay malimit lumihis mula sa katuwiran at malagay sa kagipitan, madalas din silang mangailangan ng maawaing tulong. Kung magpapakita sila ng tamang saloobin ng puso at babaling sila kay Jehova, siya, bagaman nagalit sa kanila, ay magpapamalas ng habag, pabor, at kabutihang-loob. (Deu 13:17; 30:3; Aw 102:13; Isa 54:7-10; 60:10) Ang pagsusugo niya noon ng kaniyang Anak upang maisilang ito sa Israel ay katibayan ng dumarating na “bukang-liwayway” ng habag at awa ng Diyos sa kanila.—Luc 1:50-58, 72-78.
Itinatawid ng Griegong eʹle·os ang ilang diwa ng Hebreong ra·chamimʹ. Ang Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words ay nagsasabi: “Ang ELEOS (ἔλεος) ay ‘ang panlabas na kapahayagan ng habag; saklaw nito ang pagkilala sa pangangailangan ng isa na tumatanggap nito at ang pagtugon niyaong nagpapakita nito upang sapatan ang pangangailangang iyon.’” Karaniwan nang itinatawid ng pandiwa (e·le·eʹo) ang ideya ng pagkadama ng “pakikiramay sa kahapisan ng iba, at lalo na ng pakikiramay na ipinakikita sa gawa.” (1981, Tomo 3, p. 60, 61) Kaya naman ang bulag, ang inaalihan ng demonyo, ang ketongin, o yaong mga may anak na napipighati ay kabilang sa mga umaantig ng eʹle·os, ang kapahayagan ng awa at habag. (Mat 9:27; 15:22; 17:15; Mar 5:18, 19; Luc 17:12, 13) Bilang tugon sa pakiusap na, “Maawa ka sa amin,” nagsagawa si Jesus ng mga himala upang paginhawahin sila. Ginawa niya iyon, hindi bilang isang rutin o sa walang-malasakit na paraan, kundi dahil “sa pagkahabag” (Mat 20:31, 34), anupat dito ay ginamit ng manunulat ng Ebanghelyo ang isang anyo ng pandiwang splag·khniʹzo·mai, nauugnay sa splagʹkhna na literal na nangangahulugang ‘mga bituka.’ (Gaw 1:18) Ipinapahayag ng pandiwang ito ang pagkadama ng habag, samantalang ang eʹle·os naman ay tumutukoy sa aktibong pagpapamalas ng gayong habag, samakatuwid nga, isang gawa na udyok ng awa.
Hindi limitado sa hudisyal na pagkilos. Karaniwan nang itinatawid ng salitang Ingles na “mercy” ang ideya ng pag-iwas at pagpipigil, halimbawa ay sa paglalapat ng kaparusahan, anupat ang pagpipigil na ito ay udyok ng habag o pakikiramay. Kaya naman malimit na mayroon itong hudisyal na diwa, gaya halimbawa kapag ang isang hukom ay nagpapakita ng awa sa pamamagitan ng pagpapagaan ng hatol sa isang manggagawa ng kamalian. Yamang ang pagpapakita ng Diyos ng awa ay laging kasuwato ng iba pa niyang mga katangian at matuwid na mga pamantayan, kabilang na rito ang kaniyang katarungan at katotohanan (Aw 40:11; Os 2:19), at yamang ang lahat ng tao ay nagmana ng kasalanan at nararapat tumanggap ng kabayaran ng kasalanan na kamatayan (Ro 5:12; ihambing ang Aw 130:3, 4; Dan 9:18; Tit 3:5), maliwanag na ang pagpapaumanhin ng kamalian, o ang pagpapagaan ng hatol o kaparusahan, ay malimit na kalakip sa pagpapakita ng Diyos ng awa. (Aw 51:1, 2; 103:3, 4; Dan 9:9; Mik 7:18, 19) Gayunman, makikita mula sa nabanggit na impormasyon na ang mga terminong Hebreo at Griego (ra·chamimʹ; eʹle·os) ay hindi limitado sa pagpapatawad o pagpipigil sa paglalapat ng hudisyal na parusa. Sa ganang sarili nito, ang pagpapaumanhin sa kamalian ay hindi ang awa na karaniwang tinutukoy ng mga terminong ito, kundi sa halip, ang gayong pagpapatawad ang nagbubukas ng daan para sa awang iyon. Sabihin pa, sa pagpapamalas niya ng awa, hindi kailanman isinasaisantabi ng Diyos ang kaniyang sakdal na mga pamantayan ng katarungan, at dahil dito ay inilaan niya ang haing pantubos sa pamamagitan ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo, anupat naging posible ang kapatawaran ng mga kasalanan nang hindi nilalabag ang katarungan.—Ro 3:25, 26.
Kung gayon, ang awa ay pinakamalimit na tumutukoy, hindi sa isang negatibong pagkilos, o pagpipigil (gaya ng pag-uurong ng parusa), kundi sa isang positibong pagkilos, sa kapahayagan ng mabait na konsiderasyon o habag na nagdudulot ng ginhawa sa mga nasa di-kaayaayang kalagayan at nangangailangan ng awa.
Malinaw na makikita ito sa talinghaga ni Jesus tungkol sa Samaritanong nakakita sa manlalakbay na nakahandusay sa tabi ng daan matapos itong nakawan at bugbugin. Ipinakita niyang siya ay “kapuwa” ng taong iyon dahil, udyok ng pagkahabag, siya ay “kumilos nang may awa sa kaniya,” anupat ginamot niya ang mga sugat nito at inalagaan niya ito. (Luc 10:29-37) Dito ay walang nasangkot na pagpapatawad ng kamalian o hudisyal na paglilitis.
Samakatuwid, ipinakikita ng Kasulatan na ang pagkamaawain ng Diyos na Jehova ay hindi isang katangiang ipinakikita lamang kapag sa diwa ay “nililitis” ang mga tao sa harap niya dahil may nagawa silang kamalian. Sa halip, ito ay isang pagkakakilanlang katangian ng personalidad ng Diyos, ang kaniyang normal na paraan ng pagtugon sa mga nangangailangan, isang aspekto ng kaniyang pag-ibig. (2Co 1:3; 1Ju 4:8) Hindi siya katulad ng huwad na mga diyos ng mga bansa, na mga diyos na walang damdamin at di-mahabagin. Sa halip, “si Jehova ay magandang-loob at maawain, mabagal sa pagkagalit at dakila sa maibiging-kabaitan. Si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang kaniyang kaawaan ay nasa lahat ng kaniyang mga gawa.” (Aw 145:8, 9; ihambing ang Aw 25:8; 104:14, 15, 20-28; Mat 5:45-48; Gaw 14:15-17.) Siya ay “mayaman sa awa,” at ang karunungang nanggagaling sa kaniya ay “punô ng awa.” (Efe 2:4; San 3:17) Ipinakita ito ng Kaniyang Anak, na nagsiwalat ng mga katangian ng kaniyang Ama (Ju 1:18), sa pamamagitan ng kaniyang personalidad, pananalita, at mga gawa. Halimbawa, nang lumabas ang mga pulutong upang makinig sa kaniya, at bago pa man niya makita ang kanilang reaksiyon sa sasabihin niya, si Jesus ay “nahabag [isang anyo ng splag·khniʹzo·mai]” dahil sila ay “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.”—Mar 6:34; Mat 9:36; ihambing ang Mat 14:14; 15:32.
Kailangan ito ng sangkatauhan. Maliwanag na ang pangunahin at pinakamalaking kapansanan ng sangkatauhan ay dulot ng kasalanan na minana nila sa kanilang ninunong si Adan. Dahil dito, ang lahat ay nasa matinding pangangailangan, anupat nasa isang kahabag-habag na kalagayan. Ang Diyos na Jehova ay kumilos nang may awa sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng paglalaan ng paraan upang makalaya sila mula sa malaking kapansanang ito at mula sa sakit at kamatayan na resulta nito. (Mat 20:28; Tit 3:4-7; 1Ju 2:2) Bilang isang maawaing Diyos, matiisin siya sapagkat “hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2Pe 3:9) Nais ni Jehova na gawan ng mabuti ang lahat, ito ang mas gusto niyang gawin (ihambing ang Isa 30:18, 19), ‘hindi siya nalulugod sa kamatayan ng balakyot,’ at “hindi buhat sa kaniyang sariling puso kung kaya niya pinipighati o dinadalamhati ang mga anak ng mga tao,” gaya noong mawasak ang Juda at Jerusalem. (Eze 33:11; Pan 3:31-33) Ang katigasan ng puso ng mga tao, ang kanilang pagkasutil at pagtangging tumugon sa kaniyang kagandahang-loob at pagkamaawain, ang dahilan kung bakit pinakikitunguhan sila ng Diyos sa naiibang paraan, anupat ‘sinasarhan’ niya ang daloy ng kaniyang kaawaan sa kanila.—Aw 77:9; Jer 13:10, 14; Isa 13:9; Ro 2:4-11.
Hindi dapat abusuhin. Bagaman may malaking awa si Jehova sa mga taimtim na lumalapit sa kaniya, hindi niya sa anumang paraan pinaliligtas sa kaparusahan yaong mga di-nagsisisi at talagang karapat-dapat sa kaparusahan. (Exo 34:6, 7) Hindi maaaring abusuhin ng isang tao ang awa ng Diyos; siya ay hindi maaaring magkasala nang hindi nakararanas ng anumang parusa o nakaliligtas mula sa likas na mga resulta o kahihinatnan ng kaniyang maling landasin ng pagkilos. (Gal 6:7, 8; ihambing ang Bil 12:1-3, 9-15; 2Sa 12:9-14.) Maaaring may-kaawaang ipakita ni Jehova ang pagpipigil at mahabang pagtitiis, anupat binibigyan ang mga tao ng pagkakataong ituwid ang kanilang maling landasin; bagaman inihahayag niya ang kaniyang di-pagsang-ayon, maaaring hindi naman niya sila lubusang iiwanan kundi baka patuloy at may-kaawaan pa rin niya silang tutulungan at papatnubayan. (Ihambing ang Ne 9:18, 19, 27-31.) Ngunit kung hindi sila tutugon, may hangganan ang kaniyang pagtitiis anupat iuurong niya ang kaniyang awa at kikilos siya laban sa kanila alang-alang sa kaniyang sariling pangalan.—Isa 9:17; 63:7-10; Jer 16:5-13, 21; ihambing ang Luc 13:6-9.
Hindi inuugitan ng mga pamantayan ng tao. Hindi karapatan ng mga tao ang magtakda ng sarili nilang mga pamantayan o mga batayan na siyang dapat gamitin ng Diyos sa pagpapakita ng awa. Mula sa kaniyang dako sa langit at kasuwato ng kaniyang mabuting layunin, taglay ang kaniyang kakayahang makita ang hinaharap at bumasa ng puso, ‘nagpapakita siya ng awa sa sinumang pagpapakitaan niya ng awa.’ (Exo 33:19; Ro 9:15-18; ihambing ang 2Ha 13:23; Mat 20:12-15.) Sa Roma kabanata 11, tinatalakay ng apostol ang pagpapakita ng Diyos ng walang-katulad na karunungan at awa sa pagbibigay sa mga Gentil ng pagkakataong makapasok sa makalangit na Kaharian. Noon, ang mga Gentil ay hindi kabilang sa bayan ng Diyos, ang Israel, at samakatuwid ay hindi dating tumatanggap ng kaawaang resulta ng pakikipagtipan sa Diyos; at namumuhay rin sila nang may pagkamasuwayin sa Diyos. (Ihambing ang Ro 9:24-26; Os 2:23.) Ipinaliliwanag ni Pablo na ang Israel ang unang nagkaroon ng gayong pagkakataon ngunit sila, sa kalakhang bahagi, ay naging masuwayin. Dahil dito, binuksan ang daan upang ang mga Gentil ay maging bahagi ng ipinangakong ‘kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa.’ (Exo 19:5, 6) Ganito ang konklusyon ni Pablo: “Sapagkat silang lahat [mga Judio at mga Gentil] ay sama-samang ikinulong ng Diyos sa pagsuway, upang makapagpakita siya ng awa sa kanilang lahat.” Sa pamamagitan ng haing pantubos ni Kristo, ang Adanikong kasalanan na gumagana sa buong sangkatauhan ay maaari nang alisin mula sa lahat niyaong nananampalataya (kabilang na ang mga Gentil), at sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan sa pahirapang tulos, ang sumpa ng Kautusan ay maaari na ring alisin mula sa mga nasa ilalim nito (ang mga Judio), upang ang lahat ay makatanggap ng awa. Ang apostol ay bumulalas: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan!”—Ro 11:30-33; Ju 3:16; Col 2:13, 14; Gal 3:13.
Paghahanap sa Awa ng Diyos. Yaong mga nagnanais tumanggap ng awa ng Diyos ay dapat na humanap sa kaniya, anupat nagpapakita ng wastong kalagayan ng puso sa pamamagitan ng pag-iwan sa kanilang maling mga lakad at mapaminsalang mga kaisipan (Isa 55:6, 7); dapat silang magkaroon ng wastong pagkatakot sa kaniya at dapat silang magpakita ng pagpapahalaga sa kaniyang matuwid na mga panuntunan (Aw 103:13; 119:77, 156, 157; Luc 1:50); at kung sakaling lumihis sila mula sa matuwid na landasing sinusunod nila, hindi nila dapat pagtakpan iyon kundi dapat nilang ipagtapat iyon at dapat silang magpakita ng tunay na pagsisisi at taos-pusong kalungkutan (Aw 51:1, 17; Kaw 28:13). Napakahalaga rin na sila mismo ay maging maawain. Sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga maawain, yamang sila ay pagpapakitaan ng awa.”—Mat 5:7.
Mga Kaloob ng Awa. Ang mga Pariseo ay hindi naging maawain sa iba kung kaya sinaway sila ni Jesus sa ganitong mga salita: “Humayo kayo, kung gayon, at alamin kung ano ang kahulugan nito, ‘Ang ibig ko ay awa, at hindi hain.’” (Mat 9:10-13; 12:1-7; ihambing ang Os 6:6.) Sinabi niya na ang awa ay kabilang sa mas mabibigat na bagay ng Kautusan. (Mat 23:23) Gaya ng nabanggit na, bagaman ang gayong awa ay naipakikita kapag naglalapat ng hatol, at marahil ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga Pariseo na gawin iyon bilang mga miyembro ng Sanedrin, hindi ito limitado sa bagay na iyon. Pangunahin nang tumutukoy ito sa aktibong pagpapamalas ng habag, sa mga gawa na udyok ng awa.—Ihambing ang Deu 15:7-11.
Ang awang ito ay maaaring ipamalas sa pamamagitan ng pagbibigay ng materyal na tulong. Ngunit upang maging mahalaga ito sa Diyos, dapat na gawin ito taglay ang wastong motibo, at hindi dahil sa anumang makasariling hangarin. (Mat 6:1-4) Kabilang ang materyal na mga bagay sa “mga kaloob ng awa [isang anyo ng e·le·e·mo·syʹne]” na dito ay nanagana si Dorcas (Gaw 9:36, 39), at walang alinlangang kasama rin ang mga ito sa mga kaloob ng awa ni Cornelio, anupat dahil sa mga kaloob niya lakip ang kaniyang mga panalangin ay malugod siyang pinakinggan ng Diyos. (Gaw 10:2, 4, 31) Sinabi ni Jesus na nabigo ang mga Pariseo dahil hindi nila ibinigay “bilang mga kaloob ng awa ang mga bagay na nasa loob.” (Luc 11:41) Kaya ang tunay na awa ay dapat na manggaling sa puso.
Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay pantanging nakilala sa kanilang maawaing pagbibigay ng espirituwal na mga kaloob na di-hamak na mas mahalaga kaysa sa materyal na mga bagay. (Ihambing ang Ju 6:35; Gaw 3:1-8.) Dapat linangin ng mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano, lalo na niyaong mga gumaganap bilang ‘mga pastol’ (1Pe 5:1, 2), ang katangian ng awa. Kapuwa sa materyal at sa espirituwal na mga paraan, dapat silang magpakita ng awa “nang masaya,” anupat hindi mabigat sa loob. (Ro 12:8) Maaaring humina ang pananampalataya ng ilang miyembro ng kongregasyon, na magiging sanhi naman ng pagkakasakit nila sa espirituwal anupat baka magpahayag pa nga sila ng mga pag-aalinlangan. Dahil nanganganib silang humantong sa espirituwal na kamatayan, pinapayuhan ang kanilang mga kapuwa Kristiyano na ipagpatuloy ang pagpapakita sa kanila ng awa at tulungan silang maiwasan ang isang kapaha-pahamak na kahihinatnan. Habang ang mga ito ay patuloy na nagpapakita ng awa sa ilan na hindi kumikilos nang tama, sila mismo ay kailangang mag-ingat na huwag mahulog sa tukso, anupat isinasaisip na hindi lamang nila dapat ibigin ang katuwiran kundi dapat din nilang kapootan ang masama. Sa gayon, ang kanilang awa ay hindi nagpapahiwatig ng anumang pagkunsinti sa kamalian.—Jud 22, 23; ihambing ang 1Ju 5:16, 17; tingnan ang KALOOB NG AWA, MGA.
Ang Awa ay Matagumpay na Nagbubunyi Laban sa Hatol. Sinabi ng alagad na si Santiago: “Sapagkat ang hindi nagpapakita ng awa ay tatanggap ng kaniyang hatol nang walang awa. Ang awa ay matagumpay na nagbubunyi laban sa hatol.” (San 2:13) Ipinakikita ng konteksto na pinalalawak niya ang mga ideyang nauna nang binanggit may kaugnayan sa tunay na pagsamba, lakip na ang pagpapamalas ng awa sa pamamagitan ng pangangalaga sa mga napipighati, at sa hindi pagpapakita ng paboritismo at hindi pagtatangi sa mayayaman. (San 1:27; 2:1-9) Ipinahihiwatig din ito ng kaniyang sumunod na mga salita, yamang tinatalakay ng mga ito ang mga pangangailangan ng mga kapatid na “nasa hubad na kalagayan at nagkukulang ng pagkaing sapat para sa araw.” (San 2:14-17) Kaya naman ang kaniyang mga salita ay kaayon ng mga salita ni Jesus, na ang mga maawain ay pagpapakitaan ng awa. (Mat 5:7; ihambing ang Mat 6:12; 18:32-35.) Kapag hahatulan na sila ng Diyos, yaong mga naging maawain, anupat nagpakita ng habag at aktibong tumulong sa mga nangangailangan, ay pagpapakitaan naman ng Diyos ng awa, at sa gayon, sa diwa ay magtatagumpay ang kanilang awa laban sa anumang hatol na maaari sanang ipataw sa kanila. Gaya ng sinasabi ng kawikaan: “Siyang nagpapakita ng lingap sa maralita ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang pakikitungo ay babayaran Niya sa kaniya.” (Kaw 19:17) Maraming iba pang teksto ang nagpapatunay sa puntong iniharap ni Santiago.—Ihambing ang Job 31:16-23, 32; Aw 37:21, 26; 112:5; Kaw 14:21; 17:5; 21:13; 28:27; 2Ti 1:16, 18; Heb 13:16.
Ang Awa ng Mataas na Saserdote ng Diyos. Ipinaliliwanag sa aklat ng Mga Hebreo kung bakit si Jesus, bilang ang Mataas na Saserdote na higit na dakila kaysa sa mga saserdoteng nagmula sa linya ni Aaron, ay kinailangang maging tao, magdusa, at mamatay: “Dahil dito ay kinailangan siyang maging tulad ng kaniyang ‘mga kapatid’ sa lahat ng bagay, upang siya ay maging isang mataas na saserdote na maawain at tapat sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos, upang maghandog ng pampalubag-loob na hain para sa mga kasalanan ng mga tao.” Palibhasa’y nagdusa sa ilalim ng pagsubok, “magagawa niyang saklolohan yaong mga nalalagay sa pagsubok.” (Heb 2:17, 18) Yaong mga tumatawag sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus ay makalalapit sa Kaniya nang may pagtitiwala dahil taglay nila ang rekord ng buhay ni Jesus, ng kaniyang mga salita at mga gawa. “Sapagkat taglay natin bilang mataas na saserdote, hindi ang isa na hindi magawang makiramay sa ating mga kahinaan, kundi ang isa na sinubok sa lahat ng bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan. Samakatuwid, lumapit tayo nang may kalayaan sa pagsasalita sa trono ng di-sana-nararapat na kabaitan, upang makapagtamo tayo ng awa at makasumpong ng di-sana-nararapat na kabaitan bilang tulong sa tamang panahon.”—Heb 4:15, 16.
Ang paghahain ni Jesus ng kaniyang sariling buhay ay isang namumukod-tanging gawa na udyok ng awa at pag-ibig. Sa kaniyang makalangit na posisyon bilang Mataas na Saserdote, nagbigay siya ng katibayan ng pagkamaawain niya, gaya sa kaniyang mga pakikitungo kay Pablo (Saul), anupat pinagpakitaan niya ito ng awa dahil sa kawalang-alam nito. Sinabi ni Pablo: “Gayunpaman, ang dahilan kung bakit ako pinagpakitaan ng awa ay upang sa pamamagitan ko bilang pangunahing halimbawa ay maipakita ni Kristo Jesus ang lahat ng kaniyang mahabang pagtitiis bilang isang uliran niyaong mga maglalagak ng kanilang pananampalataya sa kaniya ukol sa buhay na walang hanggan.” (1Ti 1:13-16) Kung paanong ang Ama ni Jesus, ang Diyos na Jehova, ay maraming ulit na nagpakita ng awa sa Israel sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanila mula sa kanilang mga kaaway, anupat pinalalaya sila mula sa mga sumisiil sa kanila at dinadala sila sa isang mapayapa at masaganang kalagayan, may-pagtitiwala ring makaaasa ang mga Kristiyano na pagpapakitaan sila ng awa sa pamamagitan ng Anak ng Diyos. Kaya naman sumulat si Judas: “Panatilihin ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos, habang hinihintay ninyo ang awa ng ating Panginoong Jesu-Kristo tungo sa buhay na walang hanggan.” (Jud 21) Ang kamangha-manghang awa ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay nagpapasigla sa mga tunay na Kristiyano na huwag manghimagod sa kanilang ministeryo at na isagawa nila ito nang walang pag-iimbot.—2Co 4:1, 2.
Maawaing Pagtrato sa mga Hayop. Ang Kawikaan 12:10 ay nagsasabi: “Pinangangalagaan ng matuwid ang kaluluwa ng kaniyang alagang hayop, ngunit ang kaawaan ng mga balakyot ay malupit.” Nababatid ng taong matuwid ang mga pangangailangan ng kaniyang mga hayop at may malasakit siya sa kanilang kapakanan; sa kabilang dako, ang kaawaan ng taong balakyot ay hindi naaantig ng mga pangangailangang ito. Alinsunod sa mapag-imbot at walang-damdaming mga simulain ng sanlibutan, ang pagtrato ng isang tao sa kaniyang mga hayop ay depende lamang sa pakinabang niya sa mga ito. Maaaring ang itinuturing ng taong balakyot na sapat na pangangalaga ay malupit na pagtrato pa rin. (Ihambing ang pagkakaiba sa Gen 33:12-14.) Ang pagkabahala ng taong matuwid sa kaniyang mga hayop ay pagtulad sa pangangalaga ng Diyos sa mga ito bilang bahagi ng kaniyang paglalang.—Ihambing ang Exo 20:10; Deu 25:4; 22:4, 6, 7; 11:15; Aw 104:14, 27; Jon 4:11.
Awa at Kabaitan. Ang iba pang mga salitang may malapit na kaugnayan sa mga terminong ra·chamimʹ at eʹle·os, at malimit na ginagamit kasama ng mga ito, ay ang Hebreong cheʹsedh, nangangahulugang “maibiging-kabaitan (matapat na pag-ibig)” (Aw 25:6; 69:16; Jer 16:5; Pan 3:22), at ang Griegong khaʹris, nangangahulugan namang “di-sana-nararapat na kabaitan” (1Ti 1:2; Heb 4:16; 2Ju 3). Ang cheʹsedh ay naiiba sa ra·chamimʹ yamang idiniriin ng cheʹsedh ang debosyon o matapat at maibiging kaugnayan sa pinag-uukulan ng kabaitan, samantalang itinatampok naman ng ra·chamimʹ ang nadaramang magiliw na pakikiramay o habag. Sa katulad na paraan, ang pinakamahalagang pagkakaiba sa pagitan ng khaʹris at ng eʹle·os ay na ipinapahayag ng khaʹris, pangunahin na, ang ideya ng isang walang bayad at di-sana-nararapat na kaloob, anupat itinatampok ang pagkukusang-loob at pagkabukas-palad ng nagbibigay, samantalang idiniriin naman ng eʹle·os ang maawaing pagtugon sa mga pangangailangan niyaong mga napipighati o nasa di-kaayaayang kalagayan. Sa gayon, khaʹris (di-sana-nararapat na kabaitan) ang ipinakita ng Diyos sa kaniyang sariling Anak noong “may-kabaitang ibinigay [e·kha·riʹsa·to] (Niya) sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan.” (Fil 2:9) Ang kabaitang ito ay hindi udyok ng habag kundi ng maibiging pagkabukas-palad ng Diyos.—Tingnan ang KABAITAN.