Ano ba ang Layunin ng Hula?
YAONG mga nagsasabing sa nakatataas sa taong mga pinagmumulan nanggagaling ang kanilang sarisaring anyo ng pagsamba ay kumikilala rin naman na may mabubuti at masasamang mga kapangyarihan na nakatataas sa tao. Dahil dito kung kaya bumabangon ang mga tanong na ganito: Ang bawat isa ba sa mga anyong ito ng pagsamba ay isiniwalat buhat sa isang mabuting pinanggalingan? O nagbuhat ba ang mga ito sa isang masamang pinanggalingan? Alin ang kinasihan ng tunay na Diyos?
Ang Unang Relihiyon
Ang sangkatauhan ay kinikilala na isang pamilya, at ito’y kasuwato ng paglalahad ng Bibliya tungkol sa unang-unang mag-asawang tao, sina Adan at Eva. Si Jehova, na Maylikha, ay nagpakilala sa kanila. Kaniyang isiniwalat kay Adan at Eva ang kanilang papel na gagampanan sa kaniyang layunin at ang kanilang tunay na kaugnayan sa kaniya. Ginawa ng Diyos na kaniyang unang propeta si Adan, na may pananagutan na ang mga pagsisiwalat na ito ay ihatid sa kaniyang asawa at sa bandang huli sa kanilang mga supling, samakatuwid nga, ang buong sangkatauhan.—Genesis 1:27-30; 2:15-17.
Ito ang tanging relihiyon, ang nag-iisang anyo ng pagsamba na isiniwalat ni Jehovang Diyos. Ito’y inihayag sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. Walang mga ritwal, mga hain, mga templo, o mga orakulo na kailangan.
Lumitaw ang Huwad na Relihiyon
Ang unang salungat na “pagsisiwalat” ay nanggaling sa isang anghel na naghangad na sambahin siya. Siya’y nagpasok ng isang ihahalili sa tunay na relihiyon at hinikayat si Adan at si Eva na sumama sa kaniya sa paghihimagsik laban sa kanilang Maylikha. Ito ang gumawa sa kaniya na Satanas, ang mananalansang kay Jehova. Ang kaniyang “hula” ay nagkunwaring nag-aalok ng sariling pagpapasiya at pagsasarili buhat sa Diyos. Sa halip, nagdala ito ng pagpapaalipin kay Satanas at sa kasalanan, na ang bunga’y kamatayan.—Genesis 3:1-19; Mateo 4:8-10; Roma 5:12.
Sa paglakad ng mga araw ay sumama kay Satanas ang iba pang mapaghimagsik na mga anghel, o mga demonyo. Walang alinlangan na ang mga ito’y nagbangon ng mga maling paniwala sa relihiyon na isang dahilan ng pagsamâ ng sangkatauhan. Noong mga kaarawan ng apo ni Adan na si Enos, “nagsimula ang pagtawag sa pangalan ni Jehova.” Sang-ayon sa Targum of Palestine, ito’y ginawa nang may pamumusong bilang bahagi ng idolatrosong pagsamba noong panahong iyon.—Genesis 4:26; 6:1-8; 1 Pedro 3:19, 20; 2 Pedro 2:1-4.
Ang huwad na relihiyon ay nilipol noong panahon ng Baha nang kaarawan ni Noe, at ang naiwan ay ang tunay na anyo ng pagsamba lamang na siyang sinusunod ng propeta ni Jehova, si Noe. (Genesis 1:5-9, 13; 7:23; 2 Pedro 2:5) Gayunman, ang mga demonyo ay nanatili at muling nagpasok ng huwad na mga hula at mga paniwala sa relihiyon. Kanilang pinapangyari na ang mga inapo ni Noe ay pumukaw ng galit ni Jehova sa pamamagitan ng pagtatayo ng siyudad ng Babel bilang sentro ng huwad na pagsamba. Subalit ginulo ng Diyos ang kanilang wika at “pinapangalat sila mula roon hanggang sa lahat ng panig ng lupa.”—Genesis 11:1-9.
Ano ba ang sinasabi sa atin ng lahat ng ito? Tayo ay mga inapong lahat ni Noe at ni Adan. Kaya lahat ng kultura ay iisa ang pinagmulan at narito pa rin ang mga ilang paniwala tungkol sa Diyos bilang isang labí ng kaalaman na mula noong kaarawan ni Noe ay nananatili pa hanggang ngayon. Subalit ang pinaka-ugat na paniwalang ito ay nahaluan na ng mga kuru-kuro ng huwad na relihiyon na minana buhat sa mga ninunong iyon na nagsipangalat buhat sa Babel (na muling itinatag bilang Babilonya) tungo sa lahat ng panig ng lupa. Ito’y makikita sa mga palasak na pamahiin tungkol sa mga espiritu ng mga namatay, sa pagsamba sa mga ninuno, at sa paniniwala sa astrolohiya, sa dibinasyon, at sa pangkukulam.—Daniel 2:1, 2.
Ang Layunin ng Hula
Ito ba’y nangangahulugan na ang kasalukuyang mga relihiyon ay nakasalig lamang sa mga paniwala na minana noong nakalipas na mga panahon? Hindi. Si Satanas at ang mga demonyo ay siya pa ring kumakasi ng huwad na hula upang dayain at baha-bahagihin ang sangkatauhan, guluhin ang tunay na pagsisiwalat tungkol sa Diyos, at magtatag ng mga maling paniwala at mga relihiyon. (1 Timoteo 4:1; 1 Juan 4:1-3; Apocalipsis 16:13-16) Ang Bibliya ay nagsasabi: “Mayroon ding mga bulaang propeta sa gitna ng bayan, kung papaano magkakaroon din ng mga bulaang propeta sa gitna ninyo. Ang mga ito na rin ang lihim na magpapasok ng magpapahamak na mga sekta.”—2 Pedro 2:1.
Sa kabilang dako, iningatan ni Jehova ang tunay na relihiyon na ibinigay sa Eden. Siya’y nagdagdag pa ng impormasyon upang lumaki ang ating kaalaman sa kaniya at sa ating pananagutan sa katuparan ng kaniyang layunin. Kaya ang mga tunay na hula ay nagpapakilala ng katotohanan tungkol sa Diyos, sa kaniyang kalooban, at sa kaniyang mga pamantayang-asal. Nililiwanag nito ang kaugnayan ng tao sa kaniya upang ang sangkatauhan ay maisauli sa talagang layunin niya, at humantong ito sa ganap na katuparan.—Isaias 1:18-20; 2:1-5; 55:8-11.
Sa pasimula ng paghihimagsik ng tao, si Jehova ay nagsalita ng isang hula na nagbigay ng pag-asa sa supling ni Adan at ni Eva. Kaniyang isiniwalat na magkakaroon ng isang tagapagligtas, isang “binhi,” na pupuksa kay Satanas at sa kaniyang mga isusupling. (Genesis 3:15) Ang mga hula noong may bandang huli ang nagpakilala kung sino ang ipinangakong “binhi” na ito, o “pinahiran” ng Diyos, at isiniwalat na siya ang gaganap ng pangunahing papel sa katuparan ng mga layunin ng Diyos.—Awit 2:2; 45:7; Isaias 61:1.
Samakatuwid ang pangunahing layon ng hula ay ipakilala ang mga layunin ng Diyos at ang “pinahiran,” o “Kristo,” na sa pamamagitan niya matutupad ang mga iyan. Yamang ang piniling ito ay walang iba kundi si Jesus, sinabi ng anghel ni Jehova: “Sumamba ka sa Diyos; sapagkat ang pagpapatotoo kay Jesus ay siyang kumakasi sa [o, siyang espiritu ng] panghuhula.” (Apocalipsis 19:10) Dalawang katotohanan ang nililiwanag ng deklarasyong ito. Una, walang kinatawan ng tunay na hula ang hihiling na siya’y sambahin sapagkat walang ibang dapat sambahin kundi si Jehovang Diyos. (Mateo 4:4; Juan 4:23, 24) Ikalawa, ang ultimong layunin ng lahat ng tunay na hula ay magsiwalat ng mga pangyayari at mga katibayan na may kinalaman kay Jesus. Kinikilala nito ang pangunahing papel na iniatas ni Jehova sa kaniya sa katuparan ng Kaniyang layunin na pakabanalin ang Kaniyang pangalan at isauli ang lupa sa talagang dako nito sa Kaniyang kaayusan ng mga bagay-bagay.—Juan 14:6; Colosas 1:19, 20.
Sa dahilang ito, ang kinasihang mga mensahe buhat sa Diyos ay tumuro unang-una kay Jesus. Ang buong espiritu, o intensiyon at layunin ng gayong tunay na hula ay magpatotoo sa kaniya. Isa pa, ang katuparan ng mga hula kay Jesus ang nagtatatak sa mga ito na pawang totoo. Kaya naman sinasabi ng Bibliya na “ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.” “Sapagkat gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga iyan ay naging Oo sa pamamagitan niya.”—Juan 1:17; 2 Corinto 1:20; Gawa 10:43; 28:23.
Bakit sa mga Israelita?
Si Jehova ay nagsimula ng kaniyang “pagpapatotoo kay Jesus” sa pamamagitan ng kaniyang hula tungkol sa ipinangakong “binhi.” Nang malaunan ay isiniwalat ng Diyos ang makalupang talaangkanan ng “binhi” bilang darating sa pamamagitan ng angkan ni Noe, Shem, Abraham, Isaac (hindi kay Ismael), at Jacob. Ang mga lalaking ito ay nanatiling tapat sa tunay na relihiyon, anupa’t pinatunayan nila na sila’y tapat na mga propeta ni Jehova samantalang lahat ng bansa ay pinasamâ ng pagsamba sa mga diyus-diyosan. (Genesis 6:9; 22:15-18; Hebreo 11:8-10, 16) Ang talaangkanan ay nagpatuloy hanggang sa mga inapo ng mga lalaking ito—ang bansang Israel at lalung-lalo na ang pamilya ni David, ang pinakatanyag na hari ng Israel.—2 Samuel 7:12-16.
Upang ipakita kung bakit kaniyang pinili ang Israel, sinabi ni Jehova: “Hindi dahil sa kayo’y pinakamarami sa bilang kaysa alinmang bayan . . . [kundi] dahil sa kaniyang tinupad ang sumpa na kaniyang isinumpa . . . sa inyong mga ninuno,” sina Abraham, Isaac, at Jacob. (Deuteronomio 7:6-8; 29:13) Maliwanag, tanging isang bansa ang maaaring panggalingan ng angkan na pagmumulan ng ipinangakong “binhi.” Gayunman, ang tunay na relihiyon ay hindi lamang para sa mga Israelita. Bagaman sa mga ibang bansa ay hindi isiniwalat ang katotohanan, ang isahang mga tao sa mga bansang iyon ay maaaring makisama sa Israel sa pagsamba, at ang ilan sa mga ito ay isinali pa sa talaangkanan ng “binhi.” (Bilang 9:14; Ruth 4:10-22; Mateo 1:5, 6) Ang hiwa-hiwalay na mga pagsisiwalat na ang sinusunod ay mga pambansa o panlahi na mga saligan ay maaaring pagmulan lamang ng lalong malalaking pagkakabaha-bahagi sa relihiyon, samantalang ang kalooban ni Jehova ay muling pagkaisahin ang sangkatauhan sa iisang pagsamba.—Genesis 22:18; Efeso 1:8-10; 2:11-16.
Ang mga kahilingan ng Diyos ay pare-pareho para sa lahat ng lahi. Yamang siya’y hindi nagbabago sa kaniyang mga pamantayang moral at layunin, ang kaniyang mga pakikitungo sa Israel ay nagpapakita kung paano siya makikitungo sa gitna ng nahahawig na mga kalagayan sa anumang panahon. (Malakias 3:6) Kaya’t ang Israel ay nagsilbing isang modelo para sa lahat ng bansa. Sa pamamagitan nito ay ipinakita ng Diyos ang mga kapakinabangan ng tunay na pagsamba at ang kawalang kabuluhan ng huwad na mga kulto. Habang ang mga Israelita ay nananatiling tapat sa kaniya, kaniyang protektado at pinagpala sila. Pagka naman sila’y sa mga diyus-diyosan ng mga ibang bansa sumasamba, sila’y nahuhulog sa paniniil ng mga bansang iyon, gaya ng ibinabala sa kanila ni Jehova.—Deuteronomio 30:15-20; Daniel 9:2-14.
Ang Israel ay nagsilbi rin ng isang makahulang modelo, at si David ay nagsilbing isang makahulang larawan ni Jesus, na nagmana ng pakikipagtipan sa Kaharian ng Diyos kay David. (1 Cronica 17:11, 14; Lucas 1:32) Ang Kautusan na ibinigay sa Israel, pati na ang mga handog na hain at pagkasaserdote, ay lumalarawan sa handog na hain ni Jesus at lumarawan sa kaniyang makalangit na Kaharian at pagkasaserdote. Ang Kautusan sa ganoon ay naging isang “tagapagturo na umaakay tungo kay Kristo.”—Galacia 3:19, 24; Gawa 2:25-36; Hebreo 10:1-10; Apocalipsis 20:4-6.
Ang Aklat ng Tunay na Hula
Ang mahalagang impormasyong ito ay hindi maiingatan nang wasto para makaabot hanggang ngayon sa pamamagitan ng bibigang tradisyon o nang bukud-bukod na mga pagsisiwalat sa iba’t ibang bansa. Ang pinakamagaling na paraan upang maingatan ito at maihatid sa lahat ng bansa ay sa pamamagitan ng isang nasusulat na rekord. At ang Bibliya ang gumaganap ng bahaging ito. Ito lamang ang kinalalagyan ng kinasihang mga pagsisiwalat ng Diyos at naingatan dito ang makasaysayan at makahulang ulat ng kaniyang mga pakikitungo sa mga tao. Ito lamang ang nakaturo kay Jesu-Kristo bilang Ahente ng Diyos ukol sa kaligtasan at taglay nito ang katapusang mga hula tungkol sa hinaharap na katuparan ng kaniyang atas bilang Mesiyas. Samakatuwid ay ito ang kompletong kinasihang nasusulat na Salita ng Diyos.—Roma 15:4; 1 Corinto 10:11; 2 Pedro 1:20, 21.
Sapol nang matapos ang Bibliya, yaong mga nagpasok ng mga bagong “hula,” relihiyon, at sekta ay tiyak na hindi kinasihan ng Diyos. Ang mga tunay na hula ay hindi ibinigay upang magsiwalat ng mga bagong relihiyon. Sa pamamagitan ng mga ito ang kaisa-isang tunay na relihiyon ay nanatiling umiiral ayon sa panahon at naghayag ng panghinaharap na katuparan ng layunin ni Jehova. Ang kanilang katuparan ay nagpapatunay ng kaniyang pambihirang pagka-Diyos at kapangyarihan, na nagpapakita na siya lamang ang makahuhula ng mga mangyayari daan-daang taon pa patiuna at walang pagkabisalang mapangyayari niya ang mga ito.—Isaias 41:21-26; 46:9-11.
Samakatuwid lahat ng naghahangad na makaalam ng tunay na hula at sumunod sa tunay na relihiyon ay kailangang bumaling sa Bibliya. Ito ang aklat ng Diyos ng mga hula—ang kaniyang buong mensahe sa sangkatauhan.—2 Timoteo 3:16, 17.
[Mga larawan sa pahina 7]
Talaangkanan ng ipinangakong “binhi”
Noe
Shem
Abraham
Isaac
Jacob
David
Jesus