A5
Ang Pangalan ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan
Kinikilala ng mga iskolar ng Bibliya na halos 7,000 beses lumitaw ang pangalan ng Diyos, ang Tetragrammaton (יהוה), nang unang isulat ang Hebreong Kasulatan. Pero marami ang naniniwala na hindi ito lumitaw nang unang isulat ang Kristiyanong Griegong Kasulatan. Kaya sa karamihan ng bagong salin ng Bibliya sa Ingles, hindi ginamit ang pangalang Jehova sa tinatawag na Bagong Tipan. Kahit pagsipi mula sa Hebreong Kasulatan ang isinasalin, kung saan lumitaw ang Tetragrammaton, “Panginoon” ang ginagamit ng karamihan sa mga tagapagsalin sa halip na pangalan ng Diyos.
Hindi ganiyan ang ginawa ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Ginamit nito ang pangalang Jehova nang 237 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Bakit? Dalawang mahahalagang bagay ang isinaalang-alang ng mga tagapagsalin nito: (1) Hindi orihinal na mga manuskritong Griego ang hawak natin sa ngayon. Karamihan sa libo-libong manuskritong ito ay ginawa pagkaraan ng di-kukulangin sa 200 taon mula nang isulat ang orihinal na mga kopya. (2) Noong panahong iyon, ang Tetragrammaton ay pinapalitan na ng mga kumokopya ng manuskrito ng salitang Griego na Kyʹri·os, na ang ibig sabihin ay “Panginoon,” o kaya, ang kinokopya nila ay ang mga manuskritong napalitan na ang Tetragrammaton.
Kumbinsido ang New World Bible Translation Committee na lumitaw ang Tetragrammaton sa orihinal na mga manuskritong Griego. Ang konklusyong iyan ay batay sa matitibay na ebidensiyang ito:
Makikita ang Tetragrammaton sa mga kopya ng Hebreong Kasulatan na ginagamit noong panahon ni Jesus at ng mga apostol niya. Noon, may ilang kumukuwestiyon dito. Pero nawala ang mga pag-aalinlangan nang matuklasan malapit sa Qumran ang mga kopya ng Hebreong Kasulatan na ginagamit noong unang siglo.
Noong panahon ni Jesus at ng mga apostol niya, makikita rin ang Tetragrammaton sa mga Griegong salin ng Hebreong Kasulatan. Sa loob ng daan-daang taon, iniisip ng mga iskolar na walang Tetragrammaton sa mga manuskrito ng Griegong Septuagint na salin ng Hebreong Kasulatan. Pero noong kalagitnaan ng ika-20 siglo, pinag-aralan ng mga iskolar ang ilang napakalumang piraso ng manuskrito ng bersiyong Griegong Septuagint na ginagamit noong panahon ni Jesus. Makikita roon ang pangalan ng Diyos na nakasulat sa Hebreong mga letra. Ibig sabihin, noong panahon ni Jesus, mababasa sa mga kopya ng Kasulatan sa wikang Griego ang pangalan ng Diyos. Pero pasimula nang ikaapat na siglo C.E., ang pangalan ng Diyos na nasa mga aklat na Genesis hanggang Malakias (kung saan makikita ang pangalan ng Diyos sa unang mga manuskrito) ay wala na sa pangunahing mga manuskrito ng Griegong Septuagint, gaya ng Codex Vaticanus at Codex Sinaiticus. Kaya hindi nakapagtataka kung bakit mula nang panahong iyon, hindi na nakikita ang pangalan ng Diyos sa mga kopya ng tinatawag na Bagong Tipan, o Griegong Kasulatan ng Bibliya.
Sinabi ni Jesus: “Dumating ako sa pangalan ng aking Ama.” Idiniin din niya na ang kaniyang gawain ay ginagawa niya “sa pangalan ng Ama” niya
Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan mismo ang nagsasabi na madalas banggitin ni Jesus ang pangalan ng Diyos at ipinaalám niya ito sa iba. (Juan 17:6, 11, 12, 26) Sinabi ni Jesus: “Dumating ako sa pangalan ng aking Ama.” Idiniin din niya na ang kaniyang gawain ay ginagawa niya “sa pangalan ng Ama” niya.—Juan 5:43; 10:25.
Ipinasulat ng Diyos ang Kristiyanong Griegong Kasulatan bilang karagdagan sa sagradong Hebreong Kasulatan, kaya parang hindi makatuwiran na bigla na lang mawawala sa Griegong Kasulatan ang pangalan ni Jehova. Noong mga kalagitnaan ng unang siglo C.E., sinabi ng alagad na si Santiago sa matatandang lalaki sa Jerusalem: “Inilahad ni Symeon na binigyang-pansin ngayon ng Diyos ang ibang mga bansa para kumuha sa kanila ng isang bayan na magdadala ng pangalan niya.” (Gawa 15:14) Sasabihin ba iyon ni Santiago kung walang nakaaalam o gumagamit sa pangalan ng Diyos noong unang siglo?
Makikita ang pinaikling pangalan ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang pananalitang “Purihin si Jah!” sa Apocalipsis 19:1, 3, 4, 6 ay mula sa salitang Hebreo na “Hallelujah.” Ang “Jah” ay ang pinaikling pangalang Jehova. Maraming pangalan sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang kinuha sa pangalan ng Diyos. Ang totoo, sinasabi ng ilang reperensiya na ang pangalan ni Jesus ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.”
Ipinapakita ng sinaunang mga akdang Judio na ginamit ng mga Judiong Kristiyano ang pangalan ng Diyos sa mga isinulat nila. Ang Tosefta, isang nasusulat na koleksiyon ng mga tradisyon na natapos isulat noong mga 300 C.E., ay nagsabi ng ganito tungkol sa mga akda ng mga Kristiyano na nasunog nang Sabbath: “Ang mga aklat ng mga Ebanghelista at ang mga aklat ng minim [sinasabing mga Judiong Kristiyano] ay hindi nila inililigtas sa apoy. Sa halip, hinahayaan lang nilang masunog ang mga ito, pati na ang Pangalan ng Diyos na nakasulat dito.” Sinipi rin sa Tosefta ang sinabi ni Yosé the Galilean, isang rabbi na nabuhay noong pasimula ng ikalawang siglo C.E. Sinabi niya na sa ibang mga araw ng sanlinggo, “dapat gupitin ang Pangalan ng Diyos sa mga ito [malamang na tumutukoy sa mga akda ng mga Kristiyano] at pagkatapos ay itago at saka sunugin ang natirang bahagi.”
Sang-ayon ang ilang iskolar ng Bibliya na malamang na lumitaw ang pangalan ng Diyos sa mga bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na sinipi sa Hebreong Kasulatan. Sinasabi ng The Anchor Bible Dictionary sa heading na “Tetragrammaton in the New Testament”: “May mga katibayan na noong unang isulat ang dokumento ng Bagong Tipan, ang Tetragrammaton, o Yahweh, na Pangalan ng Diyos, ay lumitaw sa ilan o sa lahat ng pagsipi ng Bagong Tipan mula sa Lumang Tipan.” Sinabi naman ng iskolar na si George Howard: “Dahil nakasulat pa rin ang Tetragram sa mga kopya ng Bibliyang Griego [ang Septuagint] na siyang Kasulatang ginagamit ng sinaunang simbahan, makatuwirang isipin na kapag sumisipi ang mga manunulat ng Bagong Tipan mula sa Kasulatan, ginagamit nila ang Tetragram.”
Ang mga kilalang tagapagsalin ng Bibliya ay gumamit ng pangalan ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang ilan sa mga salin nila ay matagal nang nagawa bago pa inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin. Kasama sa mga ito ang sumusunod: A Literal Translation of the New Testament . . . From the Text of the Vatican Manuscript, ni Herman Heinfetter (1863); The Emphatic Diaglott, ni Benjamin Wilson (1864); The Epistles of Paul in Modern English, ni George Barker Stevens (1898); St. Paul’s Epistle to the Romans, ni W. G. Rutherford (1900); The New Testament Letters, ni J.W.C. Wand, Obispo ng London (1946). At sa isang salin sa wikang Kastila noong mga unang taon ng ika-20 siglo, ginamit ni Pablo Besson ang pangalang “Jehová” sa Lucas 2:15 at Judas 14. At sa mahigit 100 talababa ng salin niya, ipinahihiwatig na maaaring ginamit ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto. Bago pa ginawa ang mga saling ito, ginagamit na mula noong ika-16 na siglo ang Tetragrammaton sa maraming talata ng mga bersiyong Hebreo ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa wikang German pa lang, di-kukulangin sa 11 bersiyon ang gumamit ng “Jehovah” (o “Yahweh”) sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at apat na tagapagsalin ang nagdagdag ng pangalan ng Diyos na nasa panaklong pagkatapos ng salitang “Panginoon.” Mahigit 70 salin sa German ang gumamit ng pangalan ng Diyos sa mga talababa o komentaryo nito.
May mga salin ng Bibliya sa mahigit 100 wika na gumamit ng pangalan ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Maraming salin sa iba’t ibang wika ang gumamit ng pangalan ng Diyos, kasama na ang mga wika ng mga katutubong Amerikano at mga wika sa Aprika, Asia, Europa, at mga isla sa Pasipiko. (Tingnan ang listahan sa pahina 1998 at 1999.) Nagdesisyon ang mga tagapagsalin ng mga bersiyong ito na gamitin ang pangalan ng Diyos batay sa mga dahilang nabanggit na. Ang ilan sa mga saling ito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay inilabas ilang taon pa lang ang nakalilipas, gaya ng Bibliyang Rotuman noong 1999, na 51 beses na gumamit ng “Jihova” sa 48 talata. Ang isa pa ay ang bersiyong Batak (Toba) ng Indonesia noong 1989, na 110 beses na gumamit ng “Jahowa.”
Talagang may malinaw na basehan para ibalik ang pangalan ng Diyos na Jehova sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Iyan mismo ang ginawa ng mga tagapagsalin ng Bagong Sanlibutang Salin. May matinding paggalang sila sa pangalan ng Diyos at hindi sila nangahas na mag-alis ng anuman mula sa orihinal na nakasulat sa Kasulatan.—Apocalipsis 22:18, 19.