Ayon kay Juan
5 Pagkatapos nito, nagkaroon ng kapistahan+ ng mga Judio, at pumunta si Jesus sa Jerusalem. 2 At sa Jerusalem, sa Pintuang-Daan ng mga Tupa,+ ay may paliguan* na tinatawag sa Hebreo na Betzata, na may limang kolonada.* 3 Naroon ang maraming maysakit, bulag, pilay, at mga paralisado* ang kamay o paa. 4 *—— 5 At may isang lalaki roon na 38 taon nang may sakit. 6 Nakita ni Jesus ang lalaking iyon na nakahiga at alam niyang matagal na itong may sakit, kaya tinanong niya ito: “Gusto mo bang gumaling?”+ 7 Sumagot ang lalaki: “Ginoo, walang tumutulong sa akin na pumunta sa paliguan kapag gumalaw na ang tubig; tuwing pupunta ako, laging may nauuna sa akin.” 8 Sinabi ni Jesus: “Tumayo ka! Buhatin mo ang hinihigaan mo at lumakad ka.”+ 9 Agad na gumaling ang lalaki, at binuhat niya ang hinihigaan niya at naglakad.
Araw iyon ng Sabbath. 10 Kaya sinabi ng mga Judio sa lalaking pinagaling: “Sabbath ngayon, kaya hindi mo puwedeng buhatin ang hinihigaan mo.”+ 11 Pero sumagot siya: “Ang mismong nagpagaling sa akin ang nagsabi, ‘Buhatin mo ang hinihigaan mo at lumakad ka.’” 12 Tinanong nila siya: “Sino ang nagsabi sa iyo, ‘Buhatin mo iyan at lumakad ka’?” 13 Pero hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kaniya dahil umalis agad si Jesus at napahalo sa karamihan.
14 Pagkatapos nito, nakita siya ni Jesus sa templo at sinabi sa kaniya: “Magaling ka na. Huwag ka nang gumawa muli ng kasalanan para walang mas masamang mangyari sa iyo.” 15 Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kaniya. 16 Kaya pinag-usig ng mga Judio si Jesus dahil ginawa niya ang mga ito nang Sabbath. 17 Pero sinabi niya sa kanila: “Ang Ama ko ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, kaya patuloy rin akong gumagawa.”+ 18 Kaya naman mas tumindi ang kagustuhan ng mga Judio na mapatay siya, dahil bukod sa nilalabag niya ang Sabbath, tinatawag din niyang sarili niyang Ama ang Diyos,+ sa gayon ay ginagawa niyang kapantay ng Diyos ang sarili niya.+
19 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo, walang anumang magagawa ang Anak sa sarili niyang pagkukusa, kundi kung ano lang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama.+ Dahil anuman ang ginagawa ng Ama, gayon din ang ginagawa ng Anak. 20 Mahal ng Ama ang Anak+ at ipinapakita Niya sa kaniya ang lahat ng bagay na ginagawa Niya, at ipapakita Niya sa kaniya ang mga gawa na mas dakila pa kaysa sa mga ito para mamangha kayo.+ 21 At kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binubuhay sila,+ binubuhay rin ng Anak ang sinumang gusto niya.+ 22 Dahil ang Ama ay hindi humahatol kaninuman, kundi ipinagkatiwala niya sa Anak ang lahat ng paghatol+ 23 para ang lahat ay magparangal sa Anak kung paanong nagpaparangal sila sa Ama. Ang sinumang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kaniya.+ 24 Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang nakikinig sa aking salita at nananampalataya sa nagsugo sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan,+ at hindi siya hahatulan kundi nakabangon siya mula sa kamatayan tungo sa buhay.+
25 “Sinasabi ko sa inyo, nagsisimula na ang panahon kung kailan maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang mga nagbigay-pansin ay mabubuhay. 26 Ang Ama ay may kapangyarihang magbigay ng buhay,+ at ipinagkaloob din niya sa Anak ang kakayahang magbigay ng buhay.+ 27 At binigyan Niya siya ng awtoridad na humatol,+ dahil siya ang Anak ng tao.+ 28 Huwag kayong mamangha rito, dahil darating ang panahon na ang lahat ng nasa mga libingan* ay makaririnig sa tinig niya+ 29 at mabubuhay silang muli—ang mga gumawa ng mabubuting bagay, tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay, pero ang mga gumawa ng masasamang bagay, tungo sa paghatol.+ 30 Wala akong anumang magagawa sa sarili kong pagkukusa. Humahatol ako ayon sa sinasabi ng Ama, at matuwid ang hatol ko+ dahil ang gusto kong gawin ay ang kalooban ng nagsugo sa akin, hindi ang sarili kong kalooban.+
31 “Kung sarili ko lang ang magpapatotoo sa akin, hindi mapananaligan ang patotoo ko.+ 32 May isa pang nagpapatotoo tungkol sa akin, at alam kong mapananaligan ang patotoo niya.+ 33 Nagsugo kayo ng mga tao kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan.+ 34 Gayunman, hindi ko kailangan ng patotoo na mula sa tao, pero sinasabi ko ang mga ito para maligtas kayo. 35 Ang taong iyon ay isang lamparang nagniningas at nagliliwanag, at sa loob ng maikling panahon ay ginusto ninyong magsaya nang husto sa kaniyang liwanag.+ 36 Pero mas dakila ang patotoo ko kaysa kay Juan, dahil ang mismong mga gawang iniatas sa akin ng aking Ama, na siyang ginagawa ko, ang nagpapatotoo na ang Ama ang nagsugo sa akin.+ 37 At ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpatotoo rin tungkol sa akin.+ Hindi ninyo kailanman narinig ang kaniyang tinig o nakita ang kaniyang anyo,+ 38 at hindi nanatili sa puso ninyo ang kaniyang salita dahil hindi kayo naniwala sa isinugo niya.
39 “Sinasaliksik ninyo ang Kasulatan+ dahil iniisip ninyo na magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan nito;* at ang mismong nakasulat dito ang nagpapatotoo tungkol sa akin.+ 40 Pero ayaw naman ninyong lumapit sa akin+ para magkaroon kayo ng buhay. 41 Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatian mula sa tao, 42 at alam na alam kong hindi ninyo mahal ang Diyos. 43 Dumating ako sa pangalan ng aking Ama, pero hindi ninyo ako pinaniwalaan. Kung may ibang dumating sa sarili niyang pangalan, paniniwalaan ninyo siya. 44 Tumatanggap kayo ng kaluwalhatian mula sa isa’t isa at hindi ninyo hinahanap ang kaluwalhatiang mula sa nag-iisang Diyos, kaya paano kayo maniniwala?+ 45 Huwag ninyong isipin na aakusahan ko kayo sa harap ng Ama; may isa na nag-aakusa sa inyo, si Moises,+ na siyang pinagkakatiwalaan ninyo. 46 Ang totoo, kung pinaniwalaan ninyo si Moises ay paniniwalaan ninyo ako, dahil sumulat siya tungkol sa akin.+ 47 Pero kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga isinulat niya, paano ninyo paniniwalaan ang mga sinasabi ko?”