KABANATA 22
“Ang Diyos ang Sambahin Mo”
POKUS: Repaso ng pangunahing mga tema sa aklat ng Ezekiel at ang kahalagahan ng mga ito ngayon at sa hinaharap
1, 2. (a) Anong pagpili ang napapaharap sa ating lahat? (b) Paano tumugon ang isang tapat na anghel nang may sumubsob para sumamba sa kaniya?
DAPAT sagutin ng bawat isa sa atin ang isang mahalagang tanong: Sino ang sasambahin ko? Baka sabihin ng marami na mahirap sagutin iyan dahil napakaraming pagpipilian. Pero ang totoo, dalawa lang ang pagpipilian: sasambahin natin ang Diyos na Jehova o sasambahin natin si Satanas na Diyablo.
2 Gustong-gusto ni Satanas na sambahin siya. Kitang-kita iyan nang tuksuhin niya si Jesus. Gaya ng tinalakay sa Kabanata 1, hindi ordinaryo ang inialok ni Satanas kay Jesus—ang awtoridad sa lahat ng kaharian sa lupa. At ano ang hinihinging kapalit ng Diyablo? ‘Sambahin mo ako nang kahit isang beses,’ ang sabi niya kay Jesus. (Mat. 4:9) Sa kabaligtaran, ang anghel na nagsiwalat ng pangitain kay apostol Juan ay nagsabi na huwag siyang sambahin. (Basahin ang Apocalipsis 22:8, 9.) Nang sumubsob si Juan para sambahin ang anghel, mapagpakumbaba nitong sinabi: “Huwag mong gawin iyan!” Sa halip na sabihing ‘Sambahin mo ako,’ sinabi ng anghel, “Ang Diyos ang sambahin mo.”
3. (a) Ano ang layunin ng publikasyong ito? (b) Ano ang tatalakayin natin ngayon?
3 Layunin ng publikasyong ito na patibayin ang determinasyon nating gawin ang sinabi ng anghel—ang Diyos na Jehova lang ang dapat sambahin. (Deut. 10:20; Mat. 4:10) Repasuhin natin ang mga natutuhan natin tungkol sa dalisay na pagsamba mula sa mga hula at pangitain ni Ezekiel. Pagkatapos, gamit ang Kasulatan, silipin natin ang panahon kung kailan ang lahat ng tao ay haharap sa huling pagsubok—isang pagsubok na tutukoy kung sino ang mabubuhay para makita ang lubusang pagbabalik ng dalisay na pagsamba kay Jehova.
Tatlong Tema na Itinatampok sa Aklat ng Ezekiel
4. Ano ang tatlong tema na itinatampok sa aklat ng Ezekiel?
4 Itinuturo ng aklat ng Ezekiel na ang dalisay na pagsamba ay hindi isang ritwal. Para maging dalisay ang pagsamba natin, kailangan nating (1) ibigay kay Jehova ang ating bukod-tanging debosyon, (2) manatiling nagkakaisa sa dalisay na pagsamba, at (3) magpakita ng pag-ibig sa iba. Tingnan kung paano iyan itinatampok sa mga hula at pangitain na tinalakay sa publikasyong ito.
Unang tema: Ibigay kay Jehova ang bukod-tanging debosyon
5-9. Ano ang natutuhan natin tungkol sa pagbibigay kay Jehova ng bukod-tanging debosyon?
5 Kabanata 3:a Ang pangitain tungkol kay Jehova na napapalibutan ng bahaghari at nasa ibabaw ng makapangyarihang mga espiritung nilalang ay nagdiriin ng isang mahalagang katotohanan—ang Makapangyarihan-sa-Lahat lang ang karapat-dapat sa ating pagsamba.—Ezek. 1:4, 15-28.
6 Kabanata 5: Nakakakilabot na makita sa pangitain kung paano dinungisan ang templo ni Jehova! Ipinapakita nito na walang maitatago kay Jehova. Nakikita niya ang pagiging di-tapat ng mga tao—halimbawa, ang pagsamba ng bayan niya sa mga idolo—kahit na hindi ito nakikita ng iba. Nasasaktan siya sa ganitong paggawi at pinaparusahan niya ang mga gumagawa nito.—Ezek. 8:1-18.
7 Kabanata 7: Ang paghatol sa nakapalibot na mga bansa na “tuwang-tuwa . . . sa masamang nangyari” sa Israel ay nagpapakita na pananagutin ni Jehova ang mga nagpapahirap sa bayan niya. (Ezek. 25:6) Pero may natutuhan din tayo sa pakikipag-ugnayan ng Israel sa mga bansang ito—dapat nating gawing priyoridad ang pagiging tapat kay Jehova. Hindi natin ibababa ang pamantayan natin para lang makibagay sa mga kamag-anak nating hindi sumasamba kay Jehova. Hindi rin natin iisiping maililigtas tayo ng kayamanan. At mananatili tayong neutral pagdating sa mga gobyerno ng tao; kay Jehova lang ang ating katapatan.
8 Kabanata 13 at 14: Sa pangitain tungkol sa templo na nasa isang napakataas na bundok, natutuhan natin na dapat tayong mamuhay ayon sa matataas na pamantayan ni Jehova dahil nakatataas siya sa lahat ng iba pang diyos.—Ezek. 40:1–48:35.
9 Kabanata 15: Ang paglalarawan sa Israel at Juda bilang mga babaeng bayaran ay nagpapaalaala sa atin na talagang kinasusuklaman ni Jehova ang pagtataksil sa kaniya.—Ezek., kab. 16, 23.
Ikalawang tema: Manatiling nagkakaisa sa dalisay na pagsamba
10-14. Paano naidiin na kailangan nating manatiling nagkakaisa sa dalisay na pagsamba?
10 Kabanata 8: Ang mga pangako ni Jehova na maglalaan siya ng “isang pastol” na mangangalaga sa bayan niya ay nagdiriin na kailangan nating magkaisa at magkaroon ng kapayapaan sa ilalim ng pangunguna ni Jesus.—Ezek. 34:23, 24; 37:24-28.
11 Kabanata 9: Ang mga hula ni Ezekiel tungkol sa paglaya ng bayan ng Diyos mula sa Babilonya at pagbalik sa lupain nila ay may mensahe para sa mga gustong maging kalugod-lugod kay Jehova. Para maging malinis ang pagsamba nila, dapat silang humiwalay at manatiling nakahiwalay sa huwad na relihiyon. Kahit na iba’t iba ang ating kultura at ang kalagayan natin sa buhay at sa lipunan, dapat tayong manatiling nagkakaisa bilang bayan ng Diyos.—Ezek. 11:17, 18; 12:24; Juan 17:20-23.
12 Kabanata 10: Ang pagkakaisa ay itinampok sa pangitain tungkol sa tuyong mga buto na binuhay. Isa ngang pribilehiyo na mapabilang sa mga taong sumasamba sa dalisay na paraan at sama-samang naglilingkod bilang isang hukbo!—Ezek. 37:1-14.
13 Kabanata 12: Lalo nang naitampok ang pagkakaisa sa hula tungkol sa dalawang patpat na naging isa. Nakapagpapatibay na makitang natupad sa mga pinahiran at ibang mga tupa ang hulang iyan! Kahit na nababahagi ang mundo dahil sa relihiyon at politika, nananatili tayong nagkakaisa dahil sa pag-ibig at katapatan.—Ezek. 37:15-23.
14 Kabanata 16: Ang pangitain tungkol sa lalaking may tintero at sa mga lalaking may sandatang pandurog ay nagbibigay ng seryosong babala—ang mga tao lang na mapatutunayang tapat kapag nagsimula ang “malaking kapighatian” ang mamarkahan para makaligtas.—Mat. 24:21; Ezek. 9:1-11.
Ikatlong tema: Magpakita ng pag-ibig sa iba
15-18. Bakit dapat tayong patuloy na magpakita ng pag-ibig, at paano natin magagawa iyan?
15 Kabanata 4: Sa pangitain tungkol sa apat na buháy na nilalang, natutuhan natin ang mga katangian ni Jehova, na ang pangunahin ay pag-ibig. Kapag nagsasalita tayo at kumikilos sa maibiging paraan, pinatutunayan nating si Jehova ang ating Diyos.—Ezek. 1:5-14; 1 Juan 4:8.
16 Kabanata 6 at 11: Dahil sa pag-ibig ng Diyos, nag-atas siya ng mga bantay, gaya ni Ezekiel. Ang Diyos ay pag-ibig, kaya ayaw niyang mapuksa ang sinuman kapag winakasan na niya ang pamamahala ni Satanas sa lupa. (2 Ped. 3:9) Pribilehiyo nating tularan ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagsuporta sa gawain ng makabagong-panahong bantay.—Ezek. 33:1-9.
17 Kabanata 17 at 18: Alam ni Jehova na hindi tatanggapin ng marami ang awa niya at sisikapin nilang lipulin ang tapat na mga mananamba. Dahil sa pag-ibig, ipagtatanggol ni Jehova ang tapat na bayan niya kapag sinalakay sila ni “Gog ng lupain ng Magog.” Dahil din sa pag-ibig, gusto nating sabihin sa lahat ang babala na pupuksain ni Jehova ang mga nang-aapi sa bayan niya.—Ezek. 38:1–39:20; 2 Tes. 1:6, 7.
18 Kabanata 19, 20, at 21: Ang pag-ibig ni Jehova sa mga tao ay kitang-kita sa mga pangitain tungkol sa isang ilog na nagbibigay-buhay at sa paghahati sa lupain. Inilalarawan ng mga ito ang resulta ng pinakamalaking sakripisyo ni Jehova dahil sa pag-ibig—ibinigay niya ang buhay ng kaniyang Anak para mapatawad ang kasalanan natin at maging perpekto tayong miyembro ng pamilya ng Diyos. Ang isa sa pinakamagandang paraan para maipakita ang pag-ibig sa iba ay ang sabihin sa kanila ang magandang kinabukasan na inihanda ni Jehova para sa mga nananampalataya sa Anak niya.—Ezek. 45:1-7; 47:1–48:35; Apoc. 21:1-4; 22:17.
Kahanga-hangang Kapakumbabaan Pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari
19. Ano ang gagawin ni Jesus sa Sanlibong Taóng Paghahari? (Tingnan din ang kahong “Pagharap sa Huling Pagsubok.”)
19 Sa Sanlibong Taóng Paghahari, bubuhayin ni Jesus ang bilyon-bilyon at aalisin ang kirot na dulot ng ating “kaaway, ang kamatayan.” (1 Cor. 15:26; Mar. 5:38-42; Gawa 24:15) Punô ng lungkot at kamatayan ang kasaysayan ng tao. Pero kapag binuhay ni Jesus ang mga henerasyon ng tao, maibabaón nila sa limot ang malungkot nilang nakaraan dahil bibigyan sila ni Jesus ng pagkakataong gumawa ng mas masasayang alaala. Salig sa haing pantubos, aalisin niya ang lahat ng epekto ng sakit, digmaan, at taggutom. Higit pa riyan, tutulungan niya tayong tuluyang maalis ang ugat ng pagdurusa natin—ang kasalanang minana natin kay Adan. (Roma 5:18, 19) Kikilos si Jesus para lubusang “sirain ang mga gawa ng Diyablo.” (1 Juan 3:8) Ano ang mangyayari pagkatapos nito?
Ang mga bubuhayin ay may pagkakataong gumawa ng mas masasayang alaala
20. Paano magpapakita ng kahanga-hangang kapakumbabaan si Jesus at ang 144,000 kasama niyang tagapamahala? Ipaliwanag. (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.)
20 Basahin ang 1 Corinto 15:24-28. Kapag perpekto na ang lahat ng tao at kapag Paraiso na ang lupa gaya ng orihinal na layunin ni Jehova, si Jesus at ang 144,000 kasama niyang tagapamahala ay magpapakita ng kahanga-hangang kapakumbabaan—ibibigay nila ang Kaharian kay Jehova. Kusang-loob nilang bibitawan ang awtoridad na nasa kamay nila sa nakalipas na 1,000 taon. Ang naisagawa ng Kaharian ay mananatili magpakailanman.
Ang Huling Pagsubok
21, 22. (a) Ano na ang kalagayan ng mundo pagkatapos ng 1,000 taon? (b) Bakit pakakawalan ni Jehova si Satanas at ang mga demonyo?
21 Ang susunod na gagawin ni Jehova ay magpapakita ng kaniyang malaking pagtitiwala sa mga sakop niya sa lupa. Iuutos niyang pakawalan si Satanas at ang mga demonyo mula sa kalaliman, kung saan sila nakabilanggo nang 1,000 taon. (Basahin ang Apocalipsis 20:1-3.) Pero ibang-iba na ang mundong sasalubong sa kanila. Bago ang Armagedon, ang karamihan sa mga tao ay nadaya ni Satanas at nababahagi ang sangkatauhan dahil sa poot at pagtatangi. (Apoc. 12:9) Pero pagkatapos ng 1,000 taon, ang lahat ay sumasamba na kay Jehova bilang isang nagkakaisang pamilya. Isa nang mapayapang Paraiso ang lupa.
22 Bakit pakakawalan ni Jehova sa mundong iyan ang mga kriminal na gaya ni Satanas at ng mga demonyo? Dahil hindi pa napatutunayan ng karamihan ng nabubuhay sa panahong iyon ang katapatan nila kay Jehova. Karamihan sa kanila ay namatay nang hindi nakikilala si Jehova. Binuhay sila ni Jehova sa Paraiso, at ibinigay niya sa kanila ang lahat ng pisikal at espirituwal na pangangailangan nila. Hindi pa sila nakakaranas dito ng masamang impluwensiya dahil napapalibutan sila ng mabubuting tao—mga taong nagmamahal at sumasamba kay Jehova. Gaya ng bintang ni Satanas noon kay Job, puwede niya silang pagbintangan na naglilingkod lang sila sa Diyos dahil pinoprotektahan at pinagpapala Niya sila. (Job 1:9, 10) Kaya bago permanenteng isulat ni Jehova ang pangalan natin sa aklat ng buhay, bibigyan niya tayo ng pagkakataong patunayan na tapat tayo sa kaniya bilang ating Ama at Kataas-taasang Diyos.—Apoc. 20:12, 15.
23. Anong pagpili ang kailangang gawin ng bawat isa?
23 Bibigyan si Satanas ng maikling panahon para ilayo ang mga tao sa Diyos. Anong pagsubok ang haharapin ng mga tao? Gaya ng isyung napaharap kina Adan at Eva, malamang na kailangang pumili ang bawat isa: tatanggapin ba niya ang pamantayan ni Jehova, susuportahan ang pamamahala Niya, at sasambahin Siya o magrerebelde siya sa Diyos at papanig kay Satanas?
24. Bakit tinatawag na Gog at Magog ang mga magrerebelde?
24 Basahin ang Apocalipsis 20:7-10. Kapansin-pansin, tinatawag na Gog at Magog ang mga magrerebelde pagkatapos ng 1,000 taon. May pagkakatulad sila sa inihula ni Ezekiel na mga rebeldeng sasalakay sa bayan ng Diyos sa malaking kapighatian. Ang mga rebeldeng iyon, ang “Gog ng lupain ng Magog,” ay mula sa magkakaibang bansa na kumakalaban sa pamamahala ni Jehova. (Ezek. 38:2) Ang mga magrerebelde pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo ay tinatawag ding “mga bansa.” Kapansin-pansin ang detalyeng ito. Bakit? Dahil sa Sanlibong Taóng Paghahari, inalis na ang lahat ng iba pang bansa; iisa na lang ang pamahalaan—ang Kaharian ng Diyos. Kabilang na tayong lahat sa iisang espirituwal na bansa. Pero nang tawaging Gog at Magog at “mga bansa” ang mga magrerebeldeng ito, ipinapahiwatig ng hula na makapagpapasimula si Satanas ng pagkakabaha-bahagi. Ang bawat perpektong indibidwal ang magpapasiya kung papanig siya kay Jehova o kay Satanas. Alinmang panig ang piliin niya, sarili niyang desisyon iyon.
25, 26. Gaano karami ang papanig kay Satanas, at ano ang mangyayari sa kanila?
25 Gaano karami ang papanig kay Satanas? Ang bilang nila ay “gaya ng buhangin sa dagat.” Pero hindi ibig sabihin nito na ang karamihan sa mga tao ay magrerebelde. Bakit natin nasabi iyan? Pansinin ang pangako ni Jehova kay Abraham. Sinabi niya na ang mga supling ni Abraham ay magiging “gaya ng mga butil ng buhangin sa baybayin ng dagat.” (Gen. 22:17, 18) Ang bilang ng supling ni Abraham ay 144,001. (Gal. 3:16, 29) Malaking bilang iyan, pero maliit na bahagi lang iyan ng buong sangkatauhan. Sa katulad na paraan, posibleng marami ang pumanig kay Satanas, pero hindi naman sila napakarami. Hindi sila magiging malaking banta sa tapat na mga lingkod ni Jehova.
26 Agad na pupuksain ang mga magrerebelde. Gaya ni Satanas at ng mga demonyo, hindi na sila iiral, at wala na silang pag-asang mabuhay pang muli. Ang maaalaala na lang sa kanila ay ang maling desisyon nila at ang resulta nito.—Apoc. 20:10.
27-29. Ano ang kinabukasang naghihintay sa mga makakapasá sa huling pagsubok?
27 Pero ang mga makakapasá sa huling pagsubok ay permanenteng mapapasulat sa “aklat ng buhay.” (Apoc. 20:15) Pagkatapos, ang lahat ng tapat na anak ni Jehova ay magkakaisa at mag-uukol sa kaniya ng pagsamba na nararapat ibigay sa kaniya.
28 Isip-isipin ang kinabukasang iyan. Nasisiyahan ka sa mga ginagawa mo at napapalibutan ka ng mabubuting kaibigan. Hindi ka na ulit magdurusa, pati ang mga mahal mo sa buhay. Hindi mo na kakailanganin ang pantubos para maging walang-sala sa harap ni Jehova. Wala nang makahahadlang sa pakikipagkaibigan ng mga tao sa Diyos. At ang pinakamahalaga, perpekto nang maisasagawa ang dalisay na pagsamba sa langit at sa lupa. Iyan ang lubusang pagbabalik ng dalisay na pagsamba!
29 Naroon ka kaya sa araw na iyan? Oo, kung patuloy mong isasabuhay ang tatlong aral sa aklat ng Ezekiel—ibigay kay Jehova ang iyong bukod-tanging debosyon, manatiling nagkakaisa sa dalisay na pagsamba, at magpakita ng pag-ibig sa iba. Pero may matututuhan pa tayo sa mga hula ni Ezekiel. Ano iyon?
“Malalaman Nila na Ako si Jehova”
30, 31. Ano ang magiging kahulugan ng pananalitang “malalaman nila na ako si Jehova” (a) para sa mga kaaway ng Diyos? (b) para sa bayan ng Diyos?
30 Sa aklat ng Ezekiel, paulit-ulit na lumilitaw ang pananalitang “malalaman nila na ako si Jehova.” (Ezek. 6:10; 39:6) Mangangahulugan iyan ng digmaan at kamatayan para sa mga kaaway ng Diyos. Hindi lang sila mapipilitang kilalanin na umiiral si Jehova. Matututuhan din nila sa masaklap na paraan kung ano ang ibig sabihin ng pangalan niya—“Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Si “Jehova ng mga hukbo” ay magiging isang “malakas na mandirigma” na makikipaglaban sa kanila. (1 Sam. 17:45; Ex. 15:3) Huli na ang lahat kapag nalaman nila ang mahalagang katotohanang ito tungkol kay Jehova: Walang makapipigil sa kaniya sa pagtupad ng layunin niya.
31 Para sa bayan ng Diyos, ang pananalitang “malalaman nila na ako si Jehova” ay mangangahulugan ng kapayapaan at buhay. Tutulungan tayo ni Jehova na maging mga anak niya na perpektong nagpapakita ng mga katangian niya—iyan ang orihinal na layunin ni Jehova sa atin. (Gen. 1:26) Ngayon pa lang, isa nang mapagmahal na Ama at Pastol si Jehova para sa atin. Di-magtatagal, siya ay magiging makapangyarihang Hari natin. Bago dumating ang panahong iyan, isapuso natin ang mensahe ni Ezekiel. Patunayan natin sa ating sinasabi at ginagawa sa araw-araw na kilala natin si Jehova at alam natin kung anong uri siya ng Diyos. Sa gayon, kapag nagsimula na ang malaking kapighatian, hindi tayo matatakot. Sa halip, itataas natin ang ating mga ulo, dahil alam nating malapit na ang kaligtasan natin. (Luc. 21:28) Pero habang hindi pa nangyayari iyan, tulungan natin ang lahat ng tao na makilala at mahalin ang nag-iisang Diyos na karapat-dapat sambahin, ang Diyos na may pinakadakilang pangalan—si Jehova.—Ezek. 28:26.
a Tumutukoy sa mga kabanata ng publikasyong ito.