BENJAMIN
[Anak ng Kanang Kamay].
1. Ika-12 anak na lalaki ni Jacob at ang tunay na kapatid ni Jose. Lumilitaw na si Benjamin lamang ang anak na ipinanganak kay Jacob sa lupain ng Canaan, yamang ang iba pang mga anak ay ipinanganak sa Padan-aram. (Gen 29:31–30:25; 31:18) Isinilang ni Raquel si Benjamin, ang kaniyang ikalawang anak, noong naglalakbay sila mula sa Bethel patungong Eprat (Betlehem), anupat namatay siya dahil sa hirap ng panganganak. Habang nag-aagaw-buhay, ang anak na ito ay tinawag niyang Ben-oni, nangangahulugang “Anak ng Aking Pagdadalamhati”; ngunit pagkatapos ay pinangalanan naman ito ng kaniyang naulilang asawa bilang Benjamin, nangangahulugang “Anak ng Kanang Kamay.”—Gen 35:16-19; 48:7.
Mula sa kaniyang kapanganakan hanggang noong maipagbili ang kaniyang kapatid na si Jose sa pagkaalipin sa Ehipto, wala nang iniuulat pa tungkol kay Benjamin. Bilang bunsong anak ni Jacob sa kaniyang minamahal na asawang si Raquel (Gen 44:20), maliwanag na si Benjamin ang pinag-ukulan ni Jacob ng masidhing pagmamahal, lalo na noong akalain niyang patay na si Jose. Kaya naman lubhang atubili si Jacob na pasamahin si Benjamin sa mga kapatid nito patungong Ehipto, anupat pumayag lamang siya pagkatapos ng maraming panghihikayat. (Gen 42:36-38; 43:8-14) Pansinin na bagaman sa pagkakataong iyon ay tinukoy ni Juda si Benjamin bilang isang “bata,” si Benjamin ay isa nang adulto noon. Sinasabi ng ulat sa Genesis 46:8, 21 na si Benjamin ay may mga anak na noong panahong manahanan si Jacob sa Ehipto. Gayunman, siya ang minamahal na “anak [ni Jacob] sa kaniyang katandaan,” na sinasandigan ng matanda nang si Jacob sa maraming paraan. (Gen 44:20-22, 29-34) Si Jose ay nagpakita rin ng masidhing pagmamahal sa kaniyang nakababatang kapatid.—Gen 43:29-31, 34.
Ang talaangkanan ng mga inapo ni Benjamin ay ipinakikita sa ilang bahagi ng Bibliya, anupat ang ilan ay lumilitaw na mas kumpleto kaysa sa iba. Itinatala ng Genesis 46:21 ang sampung tao bilang “mga anak ni Benjamin,” at dahil wala ang mga pangalan ng ilan sa mga ito sa sumunod na mga talaan, ipinapalagay ng ilan na maaaring ang ilang anak ay namatay nang maaga o baka hindi nagkaanak ang mga ito ng mga lalaki na pagmumulan ng mga linya ng pamilya. Maliwanag na may ilang pagkakaiba-iba sa baybay ng mga pangalan sa mga talaang ito (ihambing ang Ehi, Ahiram, Ahara), at ang ilan sa mga nakatala sa Genesis 46:21 ay maaaring mga inapo lamang. (Bil 26:38-40; 1Cr 7:6; 8:1) Tinututulan ng iba ang hinggil sa posibilidad na si Benjamin ay mayroon nang napakaraming anak o mga apo pa nga nang panahong iyon, ngunit dapat tandaan na ang pagtukoy na kabilang sila sa mga “kaluluwa na sumama kay Jacob sa Ehipto” ay hindi nangangahulugan na ipinanganak sila bago ang aktuwal na pagpasok sa bansang iyon. Maaaring sila’y ‘sumama sa Ehipto’ sa diwa na ipinanganak sila roon sa loob ng 17-taóng pananahanan ni Jacob sa Ehipto bago siya mamatay, kung paanong ang dalawang anak ni Jose na ipinanganak doon ay nakatala kasama ng mga “kaluluwa sa sambahayan ni Jacob na pumaroon sa Ehipto.” (Gen 46:26, 27) Nang mamatay ang kaniyang ama, lumilitaw na si Benjamin ay mahigit na sa 40 taóng gulang anupat may sapat nang gulang upang magkaapo.
Ang pagpapalang binigkas ni Jacob kay Benjamin bilang isa sa mga ulo ng 12 tribo ng Israel ay tinatalakay sa ibaba.—Gen 49:27, 28.
2. Ang pangalang Benjamin ay tumutukoy rin sa tribo na nagmula sa anak ni Jacob. Noong panahon ng Pag-alis mula sa Ehipto, pangalawa ito sa may pinakamaliit (kasunod ng Manases) na populasyon ng kalalakihan sa lahat ng tribo. (Bil 1:36, 37) Sa sensus na kinuha nang dakong huli sa Kapatagan ng Moab, ang tribo ni Benjamin ay umakyat sa ikapitong puwesto. (Bil 26:41) Nang nagkakampo sa ilang, ang tribo ay nasa isang dako sa K panig ng tabernakulo, kasama ng mga tribo na nagmula sa mga anak ni Jose na sina Manases at Efraim, at ang tatlong-tribong pangkat na ito ay nasa ikatlong puwesto sa pagkakasunud-sunod ng paghayo.—Bil 2:18-24.
Sa loob ng Canaan, ang teritoryong nakaatas sa tribo ni Benjamin ay nasa pagitan niyaong sa mga tribo nina Efraim at Juda, samantalang ang teritoryo ng Dan ang katabi nito sa K. Ang hanggahan nito sa H ay bumabagtas mula sa Ilog Jordan malapit sa Jerico, tumatawid sa bulubunduking lupain sa tabi ng Bethel at nagpapatuloy pakanluran hanggang sa isang lugar na malapit sa Mababang Bet-horon; pasimula roon, ang kanluraning hanggahan ay bumabagtas pababa sa Kiriat-jearim, pagkatapos, sa T, ito’y pumapasilangan at dumaraan sa Jerusalem sa Libis ng Hinom, nagpapaliku-liko sa baku-bakong mga silanganing dalisdis patungo muli sa Jordan sa H dulo ng Dagat na Patay, anupat ang Ilog Jordan ay nagsisilbing silanganing hangganan nito. (Jos 18:11-20; ihambing ang H hangganan ng Juda sa Jos 15:5-9 at ang T na hangganan ng “mga anak ni Jose” sa Jos 16:1-3.) Mula sa H hanggang sa T, ang buong teritoryo ay may sukat na mga 19 na km (12 mi) at mula sa S hanggang sa K ay mga 45 km (28 mi). Maliban sa bahagi ng Libis ng Jordan na nasa palibot ng oasis ng Jerico, ang teritoryo ay maburol at baku-bako, bagaman may ilang matatabang lupain sa mga kanluraning dalisdis. Dahil sa mga agusang libis na bumabagtas sa gawing kanluran patungo sa kapatagan ng Filistia at sa gawing silangan patungo sa Jordan, ang bahaging ito ay isang pangunahing daan papunta sa matataas na rehiyon, kapuwa para sa gawaing pangangalakal at pangmilitar. Ang nakikipagdigmang mga hukbo ng mga Filisteo ay lumusob sa lugar na ito noong maagang bahagi ng paghahari ni Saul, anupat basta na lamang nanamsam sa mga Israelita mula sa kanilang kampamento sa Micmash, di-kalayuan sa dakong H ng tahanan ni Saul sa Gibeah, hanggang sa magsimula silang magkawatak-watak at tumakas pabalik sa mga baybaying kapatagan dahil sa kabayanihan ni Jonatan sa Micmash.—1Sa 13:16-18; 14:11-16, 23, 31, 46.
Kabilang sa mga prominenteng lunsod na nakatala bilang orihinal na nakaatas sa Benjamin ay ang Jerico, Bethel, Gibeon, Gibeah, at Jerusalem. Gayunman, ang sambahayan ni Jose ang bumihag sa Bethel. Nang dakong huli ang Bethel ay naging isang prominenteng lunsod ng karatig na Efraim at isang sentro ng idolatrosong pagsamba sa guya. (Huk 1:22; 1Ha 12:28, 29; tingnan ang BETHEL Blg. 1.) Bagaman ang Jerusalem ay bahagi rin ng teritoryo ng Benjamin, ito’y nasa hanggahan ng Juda; at ang tribong ito ang unang bumihag at sumunog sa lunsod na iyon. (Huk 1:8) Gayunman, hindi nagtagumpay ang Juda ni ang Benjamin sa pagpapalayas sa mga Jebusita mula sa kuta ng Jerusalem (Jos 15:63; Huk 1:21), at noon lamang panahon ng paghahari ni Haring David lubusang nakontrol at nagawang kabisera ng Israel ang lunsod.—2Sa 5:6-9.
Noong kapanahunan ng mga Hukom, ang tribo ni Benjamin ay nagmatigas sa pagtangging isuko ang mga gumawa ng isang kabuktutan sa lunsod ng Gibeah. Humantong ito sa digmaang sibil laban sa ibang mga tribo, na determinadong maglapat ng kaparusahan para sa kasalanang iyon, at dahil dito ay halos nalipol ang tribo ni Benjamin. (Huk 19-21) Gayunpaman, sa pamamagitan ng pamamaraang naisip ng iba pang mga tribo upang mapanatili ang tribong ito, ang Benjamin ay nakabawi at dumami mula sa mga 600 lalaki tungo sa halos 60,000 mandirigma pagsapit ng panahon ng paghahari ni David.—1Cr 7:6-12.
Ang kakayahan ng mga inapo ni Benjamin sa pakikipaglaban ay inilarawan sa hula ni Jacob nang mamamatay na siya, kung saan sinabi niya tungkol sa minamahal na anak na ito: “Si Benjamin ay patuloy na manlalapa na tulad ng lobo. Sa umaga ay kakainin niya ang hayop na hinuli at sa gabi ay hahatiin niya ang samsam.” (Gen 49:27) Ang mga Benjamitang mandirigma ay kilalá sa kanilang kakayahan sa paggamit ng panghilagpos, anupat nagpapahilagpos ng mga bato na ginagamit ang alinman sa kanang kamay o kaliwa at hindi sumasala sa tudlaan “gabuhok man.” (Huk 20:16; 1Cr 12:2) Ang kaliweteng si Hukom Ehud, na pumatay sa mapaniil na si Haring Eglon, ay mula sa Benjamin. (Huk 3:15-21) Mapapansin din na “sa umaga” ng kaharian ng Israel, ang tribo ni Benjamin, bagaman isa “sa pinakamaliit sa mga tribo,” ang siyang pinagmulan ng unang hari ng Israel, si Saul na anak ni Kis, na napatunayang isang masigasig na mandirigma laban sa mga Filisteo. (1Sa 9:15-17, 21) Gayundin sa panahon ng “gabi” sa kasaysayan ng bansang Israel, si Reyna Esther at ang punong ministrong si Mardokeo, na kapuwa nagmula sa tribo ni Benjamin, ang naging mga instrumento upang mailigtas ang mga Israelita mula sa pagkalipol sa ilalim ng Imperyo ng Persia.—Es 2:5-7.
Bagaman sinuportahan ng ilang lalaking Benjamita ang nagtatagong si David samantalang pinaghahanap siya ni Haring Saul (1Cr 12:1-7, 16-18), nang mamatay si Saul, sa pasimula ay sinuportahan ng kalakhang bahagi ng tribong ito ang anak ni Saul na si Is-boset. (2Sa 2:8-10, 12-16) Ngunit pagkatapos nito, kinilala nila ang pagkahari ni David at mula noon ay nanatiling matapat sa kaharian ng Juda, maliban sa iilang pagkakataon. Ang espiritu ng pagkakampi-kampi ay patuloy na itinaguyod ng ilan, gaya nina Simei at Sheba, na nagbunga ng pansamantalang paghiwalay ng iba (2Sa 16:5; 20:1-22); ngunit nang mahati ang bansa, at ang kalapit na tribo ni Efraim (nagmula sa pamangkin ni Benjamin) ang naging prominenteng tribo ng hilagang kaharian, ang tribo ni Benjamin ay may-katapatang pumanig sa Juda bilang pagkilala sa itinalaga ni Jehova.—1Ha 11:31, 32; 12:21; 2Cr 11:1; Gen 49:8-10.
Pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya, ang mga tribo nina Benjamin at Juda ang naging pinakaprominente sa mga isinauling Israelita sa Palestina. (Ezr 4:1; 10:9) Ang matapat na pakikisama ng Benjamin sa Juda at Jerusalem ay walang pagsalang naging dahilan ng tinamo nitong posisyon sa pangitain ni Ezekiel hinggil sa paghahati-hati ng lupain sa ilalim ng ipinangakong kaharian, anupat sa pangitaing iyon ay inilalarawan ang Benjamin na nasa timugang hanggahan mismo ng “banal na abuloy,” samantalang ang tribo ni Juda ay inilagay sa hilagaang hanggahan.—Eze 48:8, 21-23.
Sa matapat na mga tagasunod ni Jesus, “ang Leon na mula sa tribo ni Juda,” ay kabilang ang apostol na si Pablo, isang Benjamita na napatunayang isang masigasig na mandirigma sa espirituwal na pakikipagbaka laban sa huwad na doktrina at gawain. (Apo 5:5; Ro 11:1; Fil 3:5) Ang tribo ni Benjamin ay binanggit na kabilang sa mga tribo ng espirituwal na Israel.—Apo 7:8.
Sa sinaunang mga liham na natagpuan sa Mari sa Ilog Eufrates at itinuturing na mula pa noong ika-18 siglo B.C.E., may binabanggit na isang mabalasik na tribong pagala-gala na tinatawag na Binu-jamina. Hinggil sa pangalang ito, sinasabi ng The Illustrated Bible Dictionary na “ipinapalagay [ng ilang iskolar] na dito nanggaling ang biblikal na tribo; ngunit napakahirap nitong matiyak dahil sa pagkakaiba ng panahon at pinagmulan.”—Inedit ni J. Douglas, 1980, Tomo 1, p. 185.
3. Isang Benjamita, inapo ni Jediael sa pamamagitan ni Bilhan.—1Cr 7:6, 10.
4. Isa sa “mga anak ni Harim” na nagpaalis sa kanilang mga asawang banyaga noong mga araw ni Ezra. (Ezr 10:31, 32, 44) Maaaring siya rin ang Benjamin na binanggit sa Nehemias 3:23 at 12:34, ngunit hindi ito tiyak.