Liham sa mga Taga-Roma
11 Kaya ang tanong ko, itinakwil ba ng Diyos ang bayan niya?+ Siyempre hindi! Dahil ako rin ay isang Israelita, na supling ni Abraham at mula sa tribo ni Benjamin.+ 2 Hindi itinakwil ng Diyos ang bayan niya, na una niyang binigyang-pansin.+* Hindi ba ninyo alam ang sinasabi sa Kasulatan tungkol kay Elias, noong dumaing siya sa Diyos laban sa Israel? 3 “Jehova, pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga altar; ako na lang ang natira, at ngayon ay gusto nila akong patayin.”+ 4 Pero ano ang isinagot sa kaniya ng Diyos? “Mayroon pang 7,000 sa bayan ko na hindi lumuhod kay Baal.”+ 5 Kaya gayon din sa ngayon. Mayroon ding maliit na grupo na naiwan,+ ang mga pinili dahil sa walang-kapantay* na kabaitan. 6 At kung iyon ay dahil sa walang-kapantay* na kabaitan,+ hindi na iyon dahil sa mga gawa;+ dahil hindi iyon maituturing na walang-kapantay* na kabaitan kung dahil iyon sa mga gawa.
7 Kaya ano ang masasabi natin? Ang pinagsisikapang makuha ng Israel ay hindi nila nakuha, pero nakuha ito ng mga pinili.+ Naging manhid ang puso ng iba,+ 8 gaya ng nasusulat: “Mahimbing silang pinatulog ng Diyos.+ Binigyan niya sila ng mga matang hindi nakakakita at mga taingang hindi nakaririnig hanggang sa araw na ito.”+ 9 Sinabi rin ni David: “Ang kanilang mesa nawa ay maging isang silo, bitag, katitisuran, at kaparusahan para sa kanila. 10 Magdilim nawa ang mga mata nila para hindi sila makakita, at lagi sana silang magdala ng mabigat na pasan.”*+
11 Kaya ang tanong ko, Natisod ba sila at tuluyang nabuwal? Siyempre hindi! Pero dahil sa maling hakbang nila, naligtas ang mga tao ng ibang mga bansa, kaya nagselos sila.+ 12 Ngayon kung ang maling hakbang nila ay nagdala ng pagpapala* sa sanlibutan, at ang pagkaunti nila ay nagdala ng pagpapala* sa mga tao ng ibang mga bansa,+ paano pa kaya kapag nakumpleto na sila?
13 Ngayon ay nagsasalita ako sa inyo na mga tao ng ibang mga bansa. Ako ay isang apostol para sa ibang mga bansa,+ kaya niluluwalhati ko ang aking ministeryo+ 14 at umaasang may magagawa ako para magselos ang sarili kong bayan at sa gayon ay mailigtas ang ilan sa kanila. 15 Kung ang pagtatakwil sa kanila+ ay nagbukas ng daan para maipagkasundo sa Diyos ang sanlibutan, ang pagtanggap sa kanila ay magiging gaya naman ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay. 16 Bukod diyan, kung ang isang bahagi ng limpak na kinuha bilang mga unang bunga ay banal, ang buong limpak ay banal; at kung ang ugat ay banal, gayon din ang mga sanga.
17 Pero kung pinutol ang ilan sa mga sanga at ikaw, kahit isang ligáw na olibo, ay inihugpong kasama ng natirang mga sanga at naging kabahagi sa mga pagpapala mula sa* ugat ng olibo, 18 huwag kang magmalaki sa mga sanga. Kung nagmamalaki ka sa kanila,+ alalahanin mong hindi ikaw ang nagdadala sa ugat, kundi ang ugat ang nagdadala sa iyo. 19 Sasabihin mo ngayon: “Pumutol ng mga sanga para maihugpong ako.”+ 20 Totoo naman! Pinutol sila dahil sa kawalan nila ng pananampalataya,+ pero nakatayo kang matatag dahil sa pananampalataya.+ Huwag kang magyabang, kundi matakot ka. 21 Dahil kung hindi pinaligtas ng Diyos ang likas na mga sanga, hindi ka rin niya paliligtasin. 22 Kaya pag-isipan mo ang kabaitan+ at pagpaparusa ng Diyos. Pinarusahan niya ang mga nabuwal,+ pero mabait sa iyo ang Diyos hangga’t nananatili ka sa kaniyang kabaitan; kung hindi, tatagpasin ka rin. 23 Pero kung mananampalataya sila, ihuhugpong din sila,+ dahil kaya ng Diyos na ihugpong silang muli. 24 Dahil kung ikaw na pinutol mula sa ligáw na punong olibo ay inihugpong sa inaalagaang punong olibo kahit hindi ito karaniwang ginagawa, mas maihuhugpong sila, na likas na mga sanga, sa sarili nilang punong olibo!
25 Mga kapatid, para hindi maging marunong ang tingin ninyo sa sarili, gusto kong malaman ninyo ang sagradong lihim na ito:+ Magiging manhid ang puso ng ilan sa Israel+ hanggang sa makumpleto ang bilang ng mga tao ng ibang mga bansa, 26 at sa ganitong paraan maliligtas ang buong Israel.+ Gaya ng nasusulat: “Ang tagapagligtas ay manggagaling sa Sion,+ at ilalayo niya ang Jacob sa kanilang di-makadiyos na mga gawain. 27 At ito ang tipan ko sa kanila+ kapag inalis ko ang mga kasalanan nila.”+ 28 Totoo, may kinalaman sa mabuting balita, naging mga kaaway sila, at nakinabang kayo roon. Pero pagdating sa pagpili ng Diyos, minahal sila alang-alang sa mga ninuno nila.+ 29 Dahil hindi pagsisisihan ng Diyos ang pagbibigay niya ng mga regalo at ang pagtawag niya. 30 Masuwayin kayo noon sa Diyos+ pero kinaawaan niya kayo+ dahil sa pagsuway nila.+ 31 Sa katulad na paraan, naging masuwayin sila kung kaya kinaawaan kayo, kaya kaaawaan din sila. 32 Dahil hinayaan ng Diyos na silang lahat ay maging bilanggo ng pagsuway+ para makapagpakita siya ng awa sa lahat.+
33 Talagang kahanga-hanga ang saganang pagpapala,* karunungan, at kaalaman ng Diyos! Di-maabot ng isipan ang mga hatol niya at di-matunton ang mga daan niya!+ 34 Dahil “sino ang nakaaalam ng kaisipan ni Jehova, o sino ang naging tagapayo niya?”+ 35 O “sino ang naunang nagbigay sa kaniya, kaya dapat niya itong bayaran?”+ 36 Dahil mula sa kaniya at sa pamamagitan niya at para sa kaniya ang lahat ng bagay. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.