Genesis
18 Pagkatapos ay nagpakita+ si Jehova sa kaniya sa gitna ng malalaking punungkahoy ng Mamre,+ habang siya ay nakaupo sa pasukan ng tolda nang kainitan ng araw.+ 2 Nang itingin niya ang kaniyang mga mata,+ siya nga ay nagmasid at narito, may tatlong lalaking nakatayo na may kalayuan sa kaniya. Nang makita niya sila ay tumakbo siya upang salubungin sila mula sa pasukan ng tolda at yumukod siya sa lupa.+ 3 Nang magkagayon ay sinabi niya: “Jehova, kung ako ngayon ay nakasumpong ng lingap sa iyong paningin, pakisuyong huwag mong lampasan ang iyong lingkod.+ 4 Hayaan ninyong makakuha ng kaunting tubig, pakisuyo, at pahugasan ninyo ang inyong mga paa.+ Pagkatapos ay humilig kayo sa ilalim ng punungkahoy.+ 5 At hayaan ninyong kumuha ako ng isang piraso ng tinapay, at paginhawahin ang inyong mga puso.+ Pagkatapos ay makayayaon na kayo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo dumaan dito sa inyong lingkod.” Dahil dito ay sinabi nila: “Sige. Maaari mong gawin ang gaya ng iyong sinalita.”
6 Kaya si Abraham ay nagmadaling tumungo sa tolda kay Sara at nagsabi: “Magmadali ka! Kumuha ka ng tatlong takal na seah ng mainam na harina, lamasin mo ang masa at gumawa ka ng mga tinapay na bilog.”+ 7 Pagkatapos ay tumakbo si Abraham sa bakahan at kumuha ng isang bata pa at mabuting guyang toro at ibinigay iyon sa tagapaglingkod, at nagmadali siya upang maihanda iyon.+ 8 Nang magkagayon ay kumuha siya ng mantikilya at gatas at ang guyang toro na ipinahanda niya at inihain niya iyon sa harap nila.+ Pagkatapos ay nanatili siyang nakatayo sa tabi nila sa ilalim ng punungkahoy habang sila ay kumakain.+
9 Sila ngayon ay nagsabi sa kaniya: “Nasaan si Sara na iyong asawa?”+ Dito ay sinabi niya: “Narito sa tolda!”+ 10 Kaya nagpatuloy siya: “Tiyak na babalik ako sa iyo sa susunod na taon sa ganitong panahon, at, narito! si Sara na iyong asawa ay magkakaroon ng isang anak na lalaki.”+ At nakikinig si Sara sa pasukan ng tolda, at iyon ay nasa likuran ng lalaki. 11 At sina Abraham at Sara ay matatanda na, na may kalaunan na sa mga taon.+ Si Sara ay huminto na sa pagkakaroon ng regla.+ 12 Kaya si Sara ay nagsimulang tumawa sa loob niya,+ na nagsasabi: “Pagkatapos na ako ay maging lipas na, talaga kayang magkakaroon ako ng kaluguran, bukod pa sa matanda na ang aking panginoon?”+ 13 Nang magkagayon ay sinabi ni Jehova kay Abraham: “Bakit tumawa si Sara, na nagsasabi, ‘Talaga kaya at totoo kayang manganganak ako bagaman ako ay matanda na?’+ 14 May anumang bagay ba na lubhang pambihira para kay Jehova?+ Sa takdang panahon ay babalik ako sa iyo, sa susunod na taon sa ganitong panahon, at si Sara ay magkakaroon ng isang anak na lalaki.” 15 Ngunit pinasimulang ikaila iyon ni Sara, na nagsasabi: “Hindi ako tumawa!” Sapagkat natatakot siya. Sa gayon ay sinabi niya: “Hindi! kundi ikaw nga ay tumawa.”+
16 Sa kalaunan ay tumindig mula roon ang mga lalaki at tumingin sa Sodoma,+ at si Abraham ay naglalakad na kasama nila upang samahan sila.+ 17 At sinabi ni Jehova: “Ikukubli ko ba kay Abraham ang aking gagawin?+ 18 Aba, si Abraham ay tiyak na magiging isang bansang dakila at makapangyarihan, at pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili sa pamamagitan niya.+ 19 Sapagkat kinilala ko siya upang utusan niya ang kaniyang mga anak at ang kaniyang sambahayan na kasunod niya na ingatan nila ang daan ni Jehova at isagawa ang katuwiran at kahatulan;+ upang tiyak na pangyarihin ni Jehova kay Abraham ang sinalita niya tungkol sa kaniya.”+
20 Dahil dito ay sinabi ni Jehova: “Ang sigaw ng pagdaing tungkol sa Sodoma at Gomorra,+ oo, iyon ay malakas, at ang kanilang kasalanan, oo, iyon ay napakabigat.+ 21 Determinado nga akong bumaba upang makita ko kung talagang gumagawi sila ayon sa daing tungkol doon na dumating sa akin, at kung hindi ay malalaman ko iyon.”+
22 At umalis mula roon ang mga lalaki at yumaon patungo sa Sodoma; ngunit kung tungkol kay Jehova,+ siya ay nakatayo pa sa harap ni Abraham.+ 23 Nang magkagayon ay lumapit si Abraham at nagsimulang magsabi: “Talaga bang lilipulin mo ang matuwid na kasama ng balakyot?+ 24 Ipagpalagay nang may limampung tao na matuwid sa gitna ng lunsod. Lilipulin mo ba sila, kung gayon, at hindi pagpapaumanhinan ang dako alang-alang sa limampung matuwid na nasa loob niyaon?+ 25 Malayong mangyari sa iyo na ikaw ay gagawi sa ganitong paraan upang patayin ang taong matuwid na kasama ng balakyot anupat kailangang mangyari sa taong matuwid ang gaya ng sa balakyot!+ Malayong mangyari sa iyo.+ Hindi ba yaong tama ang gagawin ng Hukom ng buong lupa?”+ 26 Nang magkagayon ay sinabi ni Jehova: “Kung makasusumpong ako sa Sodoma ng limampung tao na matuwid sa gitna ng lunsod ay pagpapaumanhinan ko ang buong dako dahil sa kanila.”+ 27 Ngunit si Abraham ay sumagot at nagsabi: “Pakisuyo, narito, nangahas akong magsalita kay Jehova, bagaman ako ay alabok at abo.+ 28 Ipagpalagay nang ang limampung matuwid ay magkulang ng lima. Wawasakin mo ba ang buong lunsod dahil sa lima?” Dito ay sinabi niya: “Hindi ko iyon wawasakin kung makasusumpong ako roon ng apatnapu’t lima.”+
29 Ngunit muli pa siyang nagsalita sa kaniya at nagsabi: “Ipagpalagay nang apatnapu ang masumpungan doon.” Sinabi naman niya: “Hindi ko iyon gagawin dahil sa apatnapu.” 30 Ngunit nagpatuloy siya: “Pakisuyo, huwag nawang mag-init sa galit+ si Jehova, kundi hayaan akong magpatuloy sa pagsasalita:+ Ipagpalagay nang tatlumpu ang masumpungan doon.” Sinabi naman niya: “Hindi ko iyon gagawin kung makasusumpong ako roon ng tatlumpu.” 31 Ngunit nagpatuloy pa siya: “Pakisuyo, narito, nangahas akong magsalita kay Jehova:+ Ipagpalagay nang dalawampu ang masumpungan doon.” Sinabi naman niya: “Hindi ko iyon wawasakin dahil sa dalawampu.”+ 32 Nang dakong huli ay sinabi niya: “Pakisuyo, huwag nawang mag-init sa galit+ si Jehova, kundi hayaan akong magsalita nang minsan na lamang:+ Ipagpalagay nang sampu ang masumpungan doon.” Sinabi naman niya: “Hindi ko iyon wawasakin dahil sa sampu.”+ 33 Nang magkagayon ay yumaon si Jehova+ nang matapos siyang makapagsalita kay Abraham, at bumalik si Abraham sa kaniyang dako.