Kawikaan
22 Ang pangalan ay mas mabuting piliin sa halip na saganang kayamanan;+ ang lingap ay mas mabuti kaysa sa pilak at ginto.+
2 Ang mayaman at ang dukha ay nagsalubong.+ Ang Maylikha sa kanilang lahat ay si Jehova.+
3 Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli,+ ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.+
4 Ang bunga ng kapakumbabaan at ng pagkatakot kay Jehova ay kayamanan at kaluwalhatian at buhay.+
5 Mga tinik at mga bitag ang nasa daan ng liko;+ siyang nagbabantay ng kaniyang kaluluwa ay lumalayo sa mga iyon.+
6 Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya;+ tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.+
7 Ang mayaman ang namamahala sa mga dukha,+ at ang nanghihiram ay lingkod ng taong nagpapahiram.+
8 Siyang naghahasik ng kalikuan ay aani ng bagay na nakasasakit,+ ngunit ang tungkod ng kaniyang poot ay sasapit sa kawakasan.+
9 Siyang may mabait na mata ay pagpapalain, sapagkat nagbigay siya ng kaniyang pagkain sa maralita.+
10 Palayasin mo ang manunuya, upang maalis ang pagtatalo at upang matigil ang usapin sa batas at ang kasiraang-puri.+
11 Ang umiibig sa kadalisayan ng puso+—dahil sa panghalina ng kaniyang mga labi ay magiging kasamahan niya ang hari.+
12 Ang mga mata ni Jehova ay nagsasanggalang sa kaalaman,+ ngunit iginugupo niya ang mga salita ng taksil.+
13 Sinasabi ng tamad:+ “May leon sa labas!+ Sa gitna ng mga liwasan ay papaslangin ako!”
14 Ang bibig ng mga babaing di-kilala ay malalim na hukay.+ Ang isang tinuligsa ni Jehova ay mahuhulog doon.+
15 Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata;+ ang pamalong pandisiplina ang maglalayo nito sa kaniya.+
16 Siyang nandaraya sa maralita upang makapaglaan ng maraming bagay sa kaniyang sarili,+ siya rin na nagbibigay sa mayaman, ay tiyak na nakatalaga sa kakapusan.+
17 Ikiling mo ang iyong pandinig at dinggin mo ang mga salita ng marurunong,+ upang maituon mo ang iyong puso sa aking kaalaman.+ 18 Sapagkat kaiga-igaya nga na ingatan mo ang mga iyon sa iyong tiyan,+ upang ang mga iyon ay magkakasamang maitatag nang matibay sa iyong mga labi.+
19 Upang ang iyong pagtitiwala ay malagak kay Jehova,+ nagbigay ako sa iyo ngayon ng kaalaman, sa iyo nga.
20 Hindi ba ako sumulat sa iyo noon taglay ang mga pagpapayo at kaalaman,+ 21 upang ipakita sa iyo ang pagiging totoo ng mga totoong pananalita, upang magbalik ng mga pananalita na siyang katotohanan—sa isa na nagsusugo sa iyo?+
22 Huwag mong pagnakawan ang maralita sapagkat siya ay maralita,+ at huwag mong siilin sa pintuang-daan ang napipighati.+ 23 Sapagkat si Jehova mismo ang magtatanggol ng kanilang usapin,+ at talagang pagnanakawan niya ng kaluluwa yaong mga nagnanakaw sa kanila.+
24 Huwag kang makikisama sa sinumang madaling magalit;+ at sa taong magagalitin ay huwag kang sasama, 25 upang hindi mo matutuhan ang kaniyang mga landas at magdala nga ng silo sa iyong kaluluwa.+
26 Huwag kang makisama sa mga naghahampasan ng mga kamay,+ sa mga nananagot sa mga pautang.+ 27 Kung wala kang ibabayad, bakit niya kukunin ang iyong higaan sa ilalim mo?
28 Huwag mong iuurong ang isang sinaunang hangganan, na inilagay ng iyong mga ninuno.+
29 Nakakita ka na ba ng taong dalubhasa sa kaniyang gawain? Sa harap ng mga hari siya tatayo;+ hindi siya tatayo sa harap ng mga karaniwang tao.