Mikas
5 “Sa pagkakataong ito ay naghihiwa ka sa iyong sarili,+ O anak na babae ng pagsalakay; isang pagkubkob ang inihanda niya laban sa atin.+ Sa pamamagitan ng tungkod ay hahampasin nila sa pisngi ang hukom ng Israel.+
2 “At ikaw, O Betlehem Eprata,+ na napakaliit upang mapabilang sa libu-libo ng Juda,+ mula sa iyo+ ay lalabas para sa akin ang isa na magiging tagapamahala sa Israel,+ na ang pinanggalingan ay mula noong unang mga panahon, mula nang mga araw ng panahong walang takda.+
3 “Kaya pababayaan niya sila+ hanggang sa panahon na siya na nanganganak ay talagang manganak na.+ At ang iba pa sa kaniyang mga kapatid ay babalik sa mga anak ni Israel.
4 “At siya ay tatayo at magpapastol dahil sa lakas ni Jehova,+ sa kadakilaan ng pangalan ni Jehova na kaniyang Diyos.+ At patuloy silang tatahan,+ sapagkat ngayon ay magiging dakila siya hanggang sa mga dulo ng lupa.+ 5 At ang isang ito ay magiging kapayapaan.+ Kung tungkol sa Asiryano, kapag pumasok siya sa ating lupain at kapag niyapakan niya ang ating mga tirahang tore,+ kailangan din tayong magbangon laban sa kaniya ng pitong pastol, oo, walong duke mula sa mga tao. 6 At papastulan nga nila ang lupain ng Asirya sa pamamagitan ng tabak,+ at ang lupain ni Nimrod+ sa mga pasukan nito. At magdadala siya ng kaligtasan mula sa Asiryano,+ kapag pumasok siya sa ating lupain at kapag niyapakan niya ang ating teritoryo.
7 “At ang mga nalalabi sa Jacob+ ay magiging tulad ng hamog mula kay Jehova sa gitna ng maraming bayan,+ tulad ng saganang ulan sa pananim,+ na hindi umaasa sa tao o naghihintay sa mga anak ng makalupang tao.+ 8 At sa gitna ng mga bansa, sa gitna ng maraming bayan, ang mga nalalabi sa Jacob ay magiging tulad ng isang leon sa gitna ng mga hayop sa kagubatan, tulad ng isang may-kilíng na batang leon sa gitna ng mga kawan ng mga tupa, na kapag dumaraan ito ay kapuwa nanyuyurak at nanluluray;+ at wala ngang tagapagligtas. 9 Ang iyong kamay ay mátataás sa ibabaw ng iyong mga kalaban,+ at ang lahat ng mga kaaway mo ay malilipol.”+
10 “At mangyayari sa araw na iyon,” ang sabi ni Jehova, “na lilipulin ko ang iyong mga kabayo mula sa gitna mo at wawasakin ko ang iyong mga karo.+ 11 At lilipulin ko ang mga lunsod sa iyong lupain at gigibain ko ang lahat ng iyong nakukutaang dako.+ 12 At lilipulin ko ang mga panggagaway mula sa iyong kamay, at hindi ka na magkakaroon ng mga mahiko.+ 13 At lilipulin ko ang iyong mga nililok na imahen at ang iyong mga haligi mula sa gitna mo, at hindi ka na yuyukod pa sa gawa ng iyong mga kamay.+ 14 At bubunutin ko ang iyong mga sagradong poste+ mula sa gitna mo at gigibain ko ang iyong mga lunsod. 15 At sa galit at sa pagngangalit ay maglalapat ako ng paghihiganti sa mga bansa na hindi sumusunod.”+