Mateo
19 Ngayon nang matapos na ni Jesus ang mga salitang ito, siya ay lumisan mula sa Galilea at pumaroon sa mga hanggahan ng Judea sa kabila ng Jordan.+ 2 Gayundin, malalaking pulutong ang sumunod sa kaniya, at pinagaling niya sila roon.+
3 At ang mga Pariseo ay lumapit sa kaniya, na may layong tuksuhin siya at nagsabi: “Kaayon ba ng kautusan na diborsiyuhin ng isang lalaki ang kaniyang asawa sa bawat uri ng saligan?”+ 4 Bilang tugon ay sinabi niya: “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae+ 5 at nagsabi, ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina+ at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’?+ 6 Kung kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”+ 7 Sinabi nila sa kaniya: “Bakit, kung gayon, iniutos ni Moises ang pagbibigay ng isang kasulatan ng paghihiwalay at pagdiborsiyo sa kaniya?”+ 8 Sinabi niya sa kanila: “Si Moises, dahil sa katigasan ng inyong puso,+ ay nagbigay-laya sa inyo na diborsiyuhin ang inyong mga asawang babae, ngunit hindi gayon ang kalagayan mula sa pasimula.+ 9 Sinasabi ko sa inyo na ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.”+
10 Ang mga alagad ay nagsabi sa kaniya: “Kung gayon ang kalagayan ng isang lalaki sa kaniyang asawa, hindi marapat ang mag-asawa.”+ 11 Sinabi niya sa kanila: “Hindi lahat ng tao ay naglalaan ng dako para sa pananalitang ito, kundi yaong mga may kaloob lamang.+ 12 Sapagkat may mga bating na ipinanganak na gayon mula sa bahay-bata ng kanilang ina,+ at may mga bating na ginawang bating ng mga tao, at may mga bating na ginawang bating ang kanilang sarili dahil sa kaharian ng langit. Siya na makapaglalaan ng dako para rito ay maglaan ng dako para rito.”+
13 Nang magkagayon ay dinala sa kaniya ang mga bata, upang maipatong niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at makapaghandog siya ng panalangin; ngunit sinawata sila ng mga alagad.+ 14 Gayunman, sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyo ang mga bata, at huwag ninyo silang hadlangan sa paglapit sa akin, sapagkat ang kaharian ng langit ay nauukol sa mga tulad nito.”+ 15 At ipinatong niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at humayo mula roon.+
16 Ngayon, narito! may isang lumapit sa kaniya at nagsabi: “Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?”+ 17 Sinabi niya sa kaniya: “Bakit mo ako tinatanong tungkol sa kung ano ang mabuti? May isa na mabuti.+ Gayunman, kung ibig mong pumasok sa buhay, tuparin mo nang patuluyan ang mga utos.”+ 18 Sinabi niya sa kaniya: “Alin sa mga yaon?”+ Sinabi ni Jesus: “Buweno, Huwag kang papaslang,+ Huwag kang mangangalunya,+ Huwag kang magnanakaw,+ Huwag kang magpapatotoo nang may kabulaanan,+ 19 Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina,+ at, Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”+ 20 Sinabi sa kaniya ng binata: “Tinutupad ko ang lahat ng mga ito; ano pa ang kulang sa akin?” 21 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka at ipagbili mo ang iyong mga pag-aari at ibigay mo sa mga dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit,+ at halika maging tagasunod kita.”+ 22 Nang marinig ng binata ang pananalitang ito, siya ay umalis na napipighati, sapagkat marami siyang tinataglay na mga pag-aari.+ 23 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na magiging mahirap na bagay para sa isang taong mayaman ang makapasok sa kaharian ng langit.+ 24 Muli ay sinasabi ko sa inyo, Mas madali pa sa isang kamelyo na makalusot sa butas ng karayom kaysa sa isang taong mayaman na makapasok sa kaharian ng Diyos.”+
25 Nang marinig iyon ng mga alagad, sila ay nagpamalas ng labis na pagkabigla, na nagsasabi: “Sino kaya talaga ang makaliligtas?”+ 26 Pagtingin sa kanila sa mukha, sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa mga tao ay imposible ito, ngunit sa Diyos ay posible ang lahat ng mga bagay.”+
27 Nang magkagayon ay sinabi ni Pedro sa kaniya bilang tugon: “Narito! Iniwan na namin ang lahat ng mga bagay at sumunod sa iyo; ano nga ba talaga ang mayroon para sa amin?”+ 28 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa muling-paglalang, kapag ang Anak ng tao ay umupo sa kaniyang maluwalhating trono, kayo na sumunod sa akin ay uupo rin mismo sa labindalawang trono, na hahatol sa labindalawang tribo ng Israel.+ 29 At ang bawat isa na nag-iwan ng mga bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ama o ina o mga anak o mga lupain alang-alang sa aking pangalan ay tatanggap ng lalong marami pa at magmamana ng buhay na walang hanggan.+
30 “Ngunit maraming mga una na magiging huli at mga huli na mauuna.+