Ayon kay Mateo
4 Pagkatapos, inakay si Jesus ng espiritu papunta sa ilang, kung saan siya tinukso+ ng Diyablo.+ 2 Matapos mag-ayuno* nang 40 araw at 40 gabi, nagutom siya. 3 Lumapit sa kaniya ang Manunukso+ at nagsabi: “Kung ikaw ay anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.” 4 Pero sumagot siya: “Nasusulat, ‘Ang tao ay mabubuhay, hindi lang sa tinapay, kundi sa bawat salitang sinasabi* ni Jehova.’”+
5 Pagkatapos, dinala siya ng Diyablo sa banal na lunsod,+ sa tuktok ng templo.+ 6 Sinabi nito: “Kung ikaw ay anak ng Diyos, tumalon ka mula rito, dahil nasusulat: ‘Uutusan niya ang mga anghel niya na tulungan ka,’ at, ‘Bubuhatin ka nila para hindi tumama sa bato ang paa mo.’”+ 7 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Nasusulat din: ‘Huwag mong susubukin si Jehova na iyong Diyos.’”+
8 Dinala naman siya ng Diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kaniya ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kaluwalhatian ng mga ito.+ 9 At sinabi ng Diyablo: “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung luluhod ka at sasamba sa akin nang kahit isang beses.” 10 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Lumayas ka, Satanas! Dahil nasusulat: ‘Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin,+ at siya lang ang dapat mong paglingkuran.’”+ 11 Pagkatapos, iniwan siya ng Diyablo,+ at dumating ang mga anghel at pinaglingkuran si Jesus.+
12 Nang mabalitaan ni Jesus na inaresto si Juan,+ nagpunta siya sa Galilea.+ 13 At pagkaalis niya sa Nazaret, pumunta siya at nanirahan sa Capernaum+ sa tabi ng lawa sa mga distrito ng Zebulon at Neptali, 14 para matupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng propetang si Isaias: 15 “O lupain ng Zebulon at lupain ng Neptali, sa daang patungo sa dagat, sa kabilang ibayo ng Jordan, sa Galilea ng mga banyaga! 16 Ang bayang nasa kadiliman ay nakakita ng matinding liwanag, at ang mga nasa lupaing natatakpan ng anino ng kamatayan ay sinikatan ng liwanag.”+ 17 Mula noon, nagsimulang mangaral si Jesus. Sinasabi niya: “Magsisi kayo dahil ang Kaharian ng langit ay malapit na.”+
18 Habang naglalakad sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon+ na tinatawag na Pedro+ at ang kapatid nitong si Andres,+ na naghahagis ng lambat sa lawa, dahil mga mangingisda sila.+ 19 At sinabi niya sa kanila: “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”+ 20 Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.+ 21 Nagpatuloy siya sa paglalakad at nakita niya ang dalawa pang magkapatid na sina Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo.+ Nasa bangka sila kasama ng kanilang ama at tinatahi ang punit sa mga lambat nila. Tinawag sila ni Jesus.+ 22 Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod sila sa kaniya.
23 Nilibot niya ang buong Galilea;+ nagtuturo siya sa mga sinagoga,+ nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, at nagpapagaling ng bawat uri ng sakit at kapansanan ng mga tao.+ 24 Napabalita siya sa buong Sirya, at dinala nila sa kaniya ang lahat ng dumaranas ng iba’t ibang sakit at matinding kirot,+ ang mga sinasapian ng demonyo,+ mga epileptiko,+ at mga paralisado. At pinagaling niya sila. 25 Kaya sinundan siya ng napakaraming tao mula sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, Judea, at mula sa kabilang ibayo ng Jordan.