Ayon kay Juan
1 Sa pasimula ay umiral ang Salita,+ at ang Salita ay kasama ng Diyos,+ at ang Salita ay isang diyos.+ 2 Sa simula pa lang, kasama na siya ng Diyos.+ 3 Ginamit siya ng Diyos sa paggawa ng lahat ng bagay,+ at walang bagay na ginawa ang Diyos nang hindi siya katulong.
4 Sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng buhay, at ang buhay niya ang liwanag para sa mga tao.+ 5 At ang liwanag ay sumisikat sa kadiliman,+ at hindi ito natatalo ng kadiliman.
6 May isang tao na isinugo bilang kinatawan ng Diyos; ang pangalan niya ay Juan.+ 7 Ang taong ito ay dumating bilang isang saksi para magpatotoo tungkol sa liwanag,+ nang sa gayon, ang lahat ng uri ng tao ay manampalataya dahil sa mga sinabi niya. 8 Hindi siya ang liwanag na iyon,+ pero dumating siya para magpatotoo tungkol sa liwanag.+
9 Ang tunay na liwanag na nagbibigay ng liwanag sa bawat uri ng tao ay paparating na sa sangkatauhan.+ 10 Kasama na siya noon ng sangkatauhan,+ at katulong siya ng Diyos nang gawin ito,+ pero hindi siya nakilala* ng sangkatauhan. 11 Dumating siya sa sarili niyang bayan, pero hindi siya tinanggap ng mga tao.+ 12 Gayunman, ang lahat ng tumanggap sa kaniya ay binigyan niya ng pagkakataong maging mga anak ng Diyos+ dahil nanampalataya sila sa pangalan niya.+ 13 At ipinanganak sila, hindi ng kanilang mga magulang o dahil sa kagustuhan ng mga ito, kundi dahil sa kagustuhan ng Diyos.+
14 Kaya ang Salita ay naging tao+ at namuhay kasama namin, at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatian na tinatanggap ng kaisa-isang anak+ mula sa kaniyang ama; at nasa kaniya ang pabor ng Diyos at nagtuturo siya ng katotohanan.+ 15 (Nagpatotoo si Juan tungkol sa kaniya, oo, isinigaw niya: “Siya ang tinutukoy ko nang sabihin ko, ‘Ang isa na dumarating na kasunod ko ay naging mas dakila sa akin, dahil una siyang umiral sa akin.’”)+ 16 Dahil sagana ang kaniyang walang-kapantay na kabaitan, patuloy tayong nakatatanggap nito mula sa kaniya. 17 Ang Kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises,+ pero ang walang-kapantay na kabaitan+ at katotohanan ay ibinigay sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.+ 18 Walang taong nakakita sa Diyos kailanman;+ ang kaisa-isang Anak na tulad-diyos+ at nasa tabi ng Ama+ ang nakapagpaliwanag kung sino ang Ama.+
19 Nagsugo ang mga Judio ng mga saserdote at mga Levita mula sa Jerusalem para tanungin si Juan: “Sino ka ba?”+ 20 Hindi siya nagpaligoy-ligoy at sinabi niya: “Hindi ako ang Kristo.”+ 21 Tinanong nila siya: “Kung gayon, ikaw ba si Elias?”+ Sumagot siya: “Hindi ako.”+ “Ikaw ba ang Propeta?”+ Sumagot siya: “Hindi!” 22 Kaya sinabi nila: “Sino ka? Sabihin mo, para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Magpakilala ka.” 23 Sinabi niya: “Ako ang isa na sumisigaw sa ilang, ‘Patagin ninyo ang dadaanan ni Jehova,’+ gaya ng sinabi ni propeta Isaias.”+ 24 Ang mga nagtatanong na iyon ay sugo ng mga Pariseo. 25 Kaya tinanong nila siya: “Kung gayon, bakit ka nagbabautismo kung hindi ikaw ang Kristo o si Elias o ang Propeta?” 26 Sumagot si Juan: “Nagbabautismo ako sa tubig. May isa sa gitna ninyo na hindi ninyo nakikilala, 27 ang dumarating na kasunod ko, at hindi ako karapat-dapat na magkalag sa sintas ng sandalyas niya.”+ 28 Nangyari ang mga ito sa Betania sa kabila ng Jordan, kung saan nagbabautismo si Juan.+
29 Kinabukasan, nakita niya si Jesus na papalapit sa kaniya. Sinabi niya: “Tingnan ninyo, ang Kordero+ ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan+ ng sangkatauhan!+ 30 Siya ang tinutukoy ko nang sabihin ko: ‘Dumarating na kasunod ko ang isang lalaki na naging mas dakila sa akin, dahil una siyang umiral sa akin.’+ 31 Hindi ko rin siya kilala noon, pero nagbabautismo ako sa tubig para makilala siya ng Israel.”+ 32 Sinabi rin ni Juan bilang patotoo: “Nakita ko ang espiritu na bumababa mula sa langit na tulad ng isang kalapati, at nanatili ito sa kaniya.+ 33 Hindi ko rin siya kilala, pero sinabi mismo ng Diyos na nagsugo sa akin para magbautismo sa tubig: ‘Kapag nakita mo ang espiritu na bumaba sa sinuman at nanatili ito sa kaniya,+ siya ang nagbabautismo sa pamamagitan ng banal na espiritu.’+ 34 At nakita ko iyon, at pinatutunayan ko na siya nga ang Anak ng Diyos.”+
35 Nang sumunod na araw, nakatayo ulit doon si Juan kasama ang dalawa sa kaniyang mga alagad. 36 Nakita niya si Jesus na naglalakad, kaya sinabi niya: “Tingnan ninyo, ang Kordero+ ng Diyos!” 37 Nang marinig ito ng dalawa niyang alagad, sinundan nila si Jesus. 38 Pagkatapos, lumingon si Jesus at nakita niyang sumusunod sila. Sinabi niya: “Ano ang kailangan ninyo?” Sinabi nila: “Rabbi (na kapag isinalin ay “Guro”), saan ka tumutuloy?” 39 Sinabi niya: “Sumama kayo sa akin para makita ninyo.” Kaya sumama sila at nakita nila kung saan siya tumutuloy, at nanatili silang kasama niya nang araw na iyon; mga ika-10 oras na noon. 40 Si Andres,+ na kapatid ni Simon Pedro, ay isa sa dalawa na nakarinig sa sinabi ni Juan at sumunod kay Jesus. 41 Una niyang nakita* ang kapatid niyang si Simon at sinabi niya rito: “Nakita na namin ang Mesiyas”+ (na kapag isinalin ay “Kristo”),+ 42 at isinama niya si Simon kay Jesus. Tumingin si Jesus dito, at sinabi niya: “Ikaw si Simon,+ na anak ni Juan; tatawagin kang Cefas” (na isinasaling “Pedro”).+
43 Kinabukasan, nagpasiya si Jesus na pumunta sa Galilea. At nakita niya si Felipe+ at sinabi rito: “Maging tagasunod kita.” 44 Si Felipe ay mula sa lunsod ng Betsaida, tulad nina Andres at Pedro. 45 Nakita ni Felipe si Natanael+ at sinabi rito: “Nakita na namin ang isa na tinutukoy sa Kautusan, na isinulat ni Moises, at sa mga Propeta:+ si Jesus, na anak ni Jose,+ na mula sa Nazaret.” 46 Pero sinabi ni Natanael: “Mayroon bang anumang mabuti na puwedeng manggaling sa Nazaret?”+ Sinabi ni Felipe: “Halika at tingnan mo.” 47 Nakita ni Jesus si Natanael na papalapit sa kaniya, at sinabi niya tungkol dito: “Tingnan ninyo, isang tunay na Israelita na walang anumang pagkukunwari.”+ 48 Sinabi ni Natanael sa kaniya: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot si Jesus: “Bago ka tinawag ni Felipe, nakita na kita habang nasa ilalim ka ng puno ng igos.” 49 Sinabi ni Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.”+ 50 Kaya sinabi ni Jesus: “Nananampalataya ka ba dahil sinabi ko sa iyo na nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Higit pa rito ang makikita mo.” 51 Sinabi pa niya: “Tinitiyak ko sa inyo, makikita ninyong bukás ang langit at ang mga anghel ng Diyos na bumababa sa Anak ng tao at umaakyat sa langit.”+