Liham sa mga Taga-Efeso
1 Ako si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus dahil sa kalooban ng Diyos. Sumusulat ako sa mga banal sa Efeso+ at mga tapat na kaisa ni Kristo Jesus:
2 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo.
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, dahil binigyan niya tayo ng bawat uri ng espirituwal na pagpapala mula sa langit, dahil kaisa tayo ni Kristo.+ 4 Pinili Niya tayo na maging kaisa niya bago pa maitatag ang sanlibutan para makapagpakita tayo ng pag-ibig at maging banal at walang dungis+ sa harap Niya. 5 Pinili niya tayo+ para ampunin bilang mga anak niya+ sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Iyan ay ayon sa kagustuhan* niya at kalooban,+ 6 nang sa gayon, mapapurihan siya dahil sa kaniyang maluwalhating walang-kapantay na kabaitan+ na ipinagkaloob niya sa atin sa pamamagitan ng kaniyang minamahal.+ 7 Ayon sa kasaganaan ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, nailaan ang pantubos sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang anak+ at nabuksan ang daan para mapalaya tayo, oo, napatawad ang ating mga kasalanan.+
8 Sagana niyang ipinagkaloob sa atin ang kaniyang walang-kapantay na kabaitan, kasama ang lahat ng karunungan at unawa. 9 Ginawa niya ito nang ipaalám niya sa atin ang sagradong lihim+ ng kalooban niya. Ayon sa kaniyang kagustuhan, ipinasiya niya 10 na maitatag ang isang administrasyon kapag natapos na ang panahong itinakda niya, para matipon ang lahat ng bagay sa Kristo, ang mga bagay sa langit at sa lupa.+ Oo, sa kaniya, 11 na kaisa namin at kasama naming tagapagmana,+ gaya ng iniatas sa amin, dahil pinili kami ayon sa layunin ng isa na nagsasagawa ng lahat ng ipinasiya Niyang gawin ayon sa Kaniyang kalooban,+ 12 nang sa gayon, kami na mga naunang umasa* sa Kristo ay maglingkod para sa Kaniyang kapurihan at kaluwalhatian. 13 Pero umasa rin kayo sa kaniya nang marinig ninyo ang salita ng katotohanan, ang mabuting balita tungkol sa inyong kaligtasan. Nang manampalataya kayo, sa pamamagitan niya ay tinatakan kayo+ ng ipinangakong banal na espiritu, 14 na garantiya ng tatanggapin nating mana,+ para mapalaya ang pag-aari ng Diyos+ sa pamamagitan ng pantubos,+ at sa gayon ay mapapurihan siya at maluwalhati.
15 Kaya naman nang marinig ko ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus at ang pag-ibig na ipinapakita ninyo sa lahat ng banal, 16 lagi ko rin kayong ipinagpapasalamat sa Diyos. Lagi kong ipinapanalangin+ 17 na bigyan kayo ng karunungan ng Diyos ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng kaluwalhatian, at maunawaan ninyo ang mga isinisiwalat niya may kinalaman sa tumpak na kaalaman tungkol sa kaniya.+ 18 Pinasinag niya ang liwanag sa inyong puso, para makita ninyo at malaman kung anong pag-asa ang ibinigay niya sa inyo,* kung anong kamangha-manghang* mga kayamanan ang inilaan niya bilang mana ng mga banal,+ 19 at kung gaano kalakas ang kapangyarihang ipinakita niya sa atin na mga mananampalataya.+ Ang malakas na kapangyarihang iyon ay nakikita sa kaniyang mga gawa; 20 ito ang ginamit niya para buhaying muli si Kristo at paupuin sa kaniyang kanan+ sa langit, 21 na di-hamak na mas mataas kaysa sa anumang pamahalaan at awtoridad at kapangyarihan at pamumuno+ at pangalan,+ hindi lang sa sistemang ito kundi pati sa darating. 22 Inilagay rin Niya ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa niya+ at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay na may kaugnayan sa kongregasyon,+ 23 na siyang katawan niya+ at pinupuno niya, at siya ang pumupuno sa lahat ng bagay sa lahat ng paraan.