Liham sa mga Hebreo
3 Dahil dito, mga banal na kapatid, mga kabahagi sa makalangit na pagtawag,*+ isipin ninyo ang apostol at mataas na saserdote na kinikilala* natin—si Jesus.+ 2 Tapat siya sa Isa na nag-atas sa kaniya,+ kung paanong tapat din si Moises sa buong sambahayan ng Isang iyon.+ 3 Siya* ay itinuturing na karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian+ kaysa kay Moises, dahil ang nagtayo ng bahay ay may higit na karangalan kaysa sa mismong bahay. 4 Siyempre, ang bawat bahay ay may tagapagtayo, pero ang nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos. 5 Si Moises ay naging isang tapat na tagapaglingkod sa buong sambahayan ng Isang iyon, at nagsilbi itong patotoo ng mga bagay na ihahayag sa hinaharap, 6 pero si Kristo ay isang tapat na anak+ sa sambahayan ng Diyos. Tayo ang sambahayan Niya+ kung iingatan nating mabuti hanggang sa wakas ang ating kalayaan sa pagsasalita at ang pag-asang ipinagmamalaki natin.
7 Kaya gaya ng sinasabi ng banal na espiritu,+ “Ngayon, kung nakikinig kayo sa tinig niya, 8 huwag ninyong patigasin ang puso ninyo gaya noong galitin ako nang husto ng mga ninuno ninyo, gaya noong araw ng pagsubok sa ilang,+ 9 kung saan sinubok nila ako, kahit 40 taon nilang nakita ang mga ginawa ko.+ 10 Iyan ang dahilan kung bakit nasuklam ako sa henerasyong ito at sinabi ko: ‘Laging lumilihis ang puso nila, at hindi nila natutuhan ang mga daan ko.’ 11 Kaya sa galit ko ay sumumpa ako: ‘Hindi sila papasok sa kapahingahan ko.’”+
12 Mga kapatid, mag-ingat kayo dahil baka magkaroon* ang sinuman sa inyo ng masamang puso na walang pananampalataya dahil sa paglayo sa Diyos na buháy;+ 13 sa halip, patuloy ninyong patibayin ang isa’t isa araw-araw, hangga’t tinatawag itong “Ngayon,”+ para walang sinuman sa inyo ang maging mapagmatigas dahil sa mapandayang kapangyarihan ng kasalanan. 14 Dahil magiging mga kabahagi lang tayo ng Kristo kung hanggang sa wakas ay hahawakan nating mahigpit ang pagtitiwalang taglay natin mula pa sa simula.+ 15 Gaya ng sinasabi, “Ngayon, kung nakikinig kayo sa tinig niya, huwag ninyong patigasin ang puso ninyo gaya noong galitin ako nang husto ng mga ninuno ninyo.”+
16 Dahil sino ang nakarinig pero gumalit pa rin sa kaniya nang husto? Hindi ba ang lahat ng lumabas sa Ehipto sa pangunguna ni Moises?+ 17 Bukod diyan, kanino ba nasuklam ang Diyos nang 40 taon?+ Hindi ba sa mga nagkasala, na namatay sa ilang?+ 18 At kanino ba siya sumumpa na hindi sila papasok sa kapahingahan niya? Hindi ba sa mga naging masuwayin? 19 Kaya nakita natin na hindi sila nakapasok dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.+