Mga Gawa ng mga Apostol
6 Noong mga panahong iyon, nang dumarami ang mga alagad, ang mga Judiong nagsasalita ng Griego ay nagsimulang magreklamo laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo, dahil ang mga biyuda sa kanila ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi ng pagkain.+ 2 Kaya tinawag ng 12 apostol ang lahat ng alagad at sinabi: “Hindi tamang pabayaan namin ang salita ng Diyos para mamahagi ng pagkain sa mga mesa.+ 3 Kaya mga kapatid, pumili kayo ng pitong lalaki sa gitna ninyo na may mabuting reputasyon,+ puspos ng espiritu at karunungan,+ para maatasan namin sila sa mahalagang gawaing ito;+ 4 at kami ay patuloy na magbubuhos ng pansin sa pananalangin at pagtuturo ng salita.”+ 5 At nagustuhan ng lahat ang sinabi ng mga apostol, kaya pinili nila si Esteban, na puspos ng banal na espiritu+ at may matibay na pananampalataya, gayundin sina Felipe,+ Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at Nicolas, na isang proselita mula sa Antioquia. 6 Dinala nila ang mga ito sa mga apostol, at pagkapanalangin, ipinatong ng mga apostol sa mga ito ang mga kamay nila.+
7 Dahil dito, patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos+ at tuloy-tuloy ang pagdami ng alagad+ sa Jerusalem; marami ring saserdote ang nanampalataya.+
8 At si Esteban, na talagang kalugod-lugod sa Diyos at puspos ng kapangyarihan, ay nagsasagawa ng kamangha-manghang mga bagay at mga tanda sa gitna ng mga tao. 9 Pero may ilang lalaki na miyembro ng Sinagoga ng mga Pinalaya, kasama ang ilan mula sa Cirene, Alejandria, Cilicia, at Asia, na lumapit kay Esteban para makipagtalo. 10 Pero wala silang laban sa karunungan niya at sa espiritung gumagabay sa kaniya sa pagsasalita.+ 11 Kaya palihim nilang inudyukan ang mga lalaki na sabihin: “Narinig namin siyang namumusong* laban kay Moises at sa Diyos.”+ 12 At sinulsulan nila ang mga tao, matatandang lalaki, at mga eskriba, at sinunggaban siya ng mga ito at puwersahang dinala sa Sanedrin. 13 Nagharap din sila ng sinungaling na mga testigo, na nagsabi: “Ang taong ito ay hindi tumitigil sa pagsasalita laban sa banal na lugar na ito at sa Kautusan.+ 14 Narinig naming sinabi niya: ‘Ibabagsak ni Jesus na Nazareno ang templo,+ at babaguhin niya ang mga kaugaliang ibinigay sa atin ni Moises.’”
15 At habang nakatingin sa kaniya ang lahat ng nakaupo sa Sanedrin, nakita nilang parang anghel ang mukha niya.