Ayon kay Mateo
9 Kaya sumakay siya sa bangka, naglakbay papunta sa kabilang ibayo, at pumasok sa sarili niyang lunsod.+ 2 At dinala nila sa kaniya ang isang lalaking paralisado na nasa higaan. Nang makita ni Jesus ang pananampalataya nila, sinabi niya sa paralitiko: “Anak, lakasan mo ang loob mo! Pinatatawad na ang mga kasalanan mo.”+ 3 Nagbulong-bulungan ang ilan sa mga eskriba: “Namumusong* ang taong ito.”+ 4 Alam ni Jesus kung ano ang iniisip nila, kaya sinabi niya: “Bakit napakasama ng iniisip ninyo?+ 5 Alin ba ang mas madali, ang sabihing ‘Pinatatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing ‘Bumangon ka at lumakad’?+ 6 Pero para malaman ninyo na ang Anak ng tao ay may awtoridad na magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa—” pagkatapos, sinabi niya sa paralitiko: “Bumangon ka, buhatin mo ang higaan mo, at umuwi ka.”+ 7 At bumangon siya at umuwi. 8 Nang makita ito ng mga tao, natakot sila, at pinuri nila ang Diyos, na nagbigay ng gayong awtoridad sa tao.
9 Pagkaalis doon ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa tanggapan ng buwis, at sinabi niya rito: “Maging tagasunod kita.” Kaya tumayo ito at sumunod sa kaniya.+ 10 Pagkatapos, habang kumakain siya* sa bahay, maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ang dumating at kumaing* kasama ni Jesus at ng mga alagad niya.+ 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa mga alagad niya: “Bakit kumakain ang guro ninyo kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?”+ 12 Nang marinig sila ni Jesus, sinabi niya: “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit.+ 13 Kaya alamin ninyo ang kahulugan nito, ‘Ang gusto ko ay awa at hindi hain.’+ Dahil dumating ako para tawagin, hindi ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”
14 Pagkatapos, lumapit sa kaniya ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “Kami at ang mga Pariseo ay nag-aayuno, pero bakit ang mga alagad mo, hindi?”+ 15 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang mga kaibigan ng lalaking ikakasal+ ay walang dahilan na malungkot hangga’t kasama nila siya, hindi ba? Pero darating ang panahon na kukunin na siya sa kanila.+ Saka pa lang sila mag-aayuno. 16 Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, dahil kapag umurong ang bagong tela, mababatak nito ang tinagpian at lalong lálaki ang punit.+ 17 Wala rin namang taong naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Kapag ginawa ito ng isa, puputok ang sisidlan, matatapon ang alak, at hindi na magagamit ang sisidlan. Kaya inilalagay ng mga tao ang bagong alak sa bagong sisidlang balat, at pareho itong nagtatagal.”
18 Habang sinasabi niya sa kanila ang mga bagay na ito, isang tagapamahala ang lumapit at sumubsob sa paanan niya. Sinabi nito: “Sa ngayon, baka patay na ang anak kong babae, pero sumama ka at ipatong mo ang kamay mo sa kaniya at mabubuhay siya.”+
19 Kaya tumayo si Jesus at sumunod sa tagapamahala kasama ang mga alagad niya. 20 At isang babaeng 12 taon nang dinudugo+ ang lumapit sa likuran niya at hinipo nito ang palawit* ng damit niya,+ 21 dahil paulit-ulit nitong sinasabi sa sarili: “Mahipo ko lang ang damit niya, gagaling* ako.”+ 22 Lumingon si Jesus, at nang mapansin niya ang babae ay sinabi niya: “Anak, lakasan mo ang loob mo! Pinagaling* ka ng pananampalataya mo.”+ At nang oras ding iyon ay gumaling ang babae.+
23 Nang pumasok si Jesus sa bahay ng tagapamahala at makita ang mga nagpapatugtog ng plawta at ang mga taong nagkakagulo,+ 24 sinabi niya: “Umalis na kayo, dahil hindi namatay ang bata. Natutulog lang siya.”+ At pinagtawanan siya ng mga tao. 25 Nang mapalabas na ang mga tao, lumapit siya sa bata at hinawakan ang kamay nito,+ at bumangon ang bata.+ 26 Siyempre, napabalita ang tungkol dito sa buong lupaing iyon.
27 Pag-alis ni Jesus doon, dalawang lalaking bulag+ ang sumunod sa kaniya. Sumisigaw sila: “Maawa ka sa amin, Anak ni David!” 28 Nang makapasok siya sa bahay, lumapit sa kaniya ang mga bulag, at tinanong sila ni Jesus: “Nananampalataya ba kayo na mapagagaling ko kayo?”+ Sumagot sila: “Opo, Panginoon.” 29 Kaya hinipo niya ang mga mata nila at sinabi: “Mangyari nawa ang pinaniniwalaan ninyo.” 30 At nakakita sila.+ Mahigpit silang tinagubilinan ni Jesus: “Tiyakin ninyong walang makaaalam nito.”+ 31 Pero pagkalabas nila, ipinamalita nila ang tungkol sa kaniya sa buong lupaing iyon.
32 Nang paalis na sila, dinala ng mga tao kay Jesus ang isang lalaking pipi na sinasaniban ng demonyo;+ 33 at pagkatapos na mapalayas ang demonyo, nagsalita ang pipi.+ Namangha ang mga tao at sinabi nila: “Ngayon lang nangyari ang ganito sa Israel.”+ 34 Pero sinasabi ng mga Pariseo: “Ang pinuno ng mga demonyo ang tumutulong sa kaniya na makapagpalayas ng mga demonyo.”+
35 At si Jesus ay lumibot sa lahat ng lunsod at nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, at nagpapagaling ng bawat uri ng sakit at kapansanan.+ 36 Pagkakita sa napakaraming tao, naawa siya sa kanila+ dahil sila ay sugatán at napabayaan tulad ng mga tupang walang pastol.+ 37 Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad niya: “Talagang marami ang aanihin, pero kakaunti ang mga manggagawa.+ 38 Kaya makiusap kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa pag-aani niya.”+