Liham sa mga Taga-Filipos
4 Kaya kayong mga kapatid ko na aking kagalakan at korona,+ mga minamahal ko at pinananabikang makita, manatili kayong matatag+ kaisa ng Panginoon ayon sa paraang nabanggit ko, mga minamahal ko.
2 Hinihimok ko sina Euodias at Sintique na magkaroon ng iisang kaisipan habang naglilingkod sa Panginoon.+ 3 Oo, hinihiling ko rin sa iyo, tapat na kamanggagawa, na patuloy na alalayan ang mga babaeng ito na nagpakahirap kasama ko para sa mabuting balita, kasama si Clemente at ang iba pang kamanggagawa ko, na ang mga pangalan ay nasa aklat ng buhay.+
4 Laging magsaya dahil sa Panginoon. At sinasabi kong muli, Magsaya kayo!+ 5 Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo.+ Malapit lang ang Panginoon. 6 Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay;+ sa halip, ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat;+ 7 at ang kapayapaan+ ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ang magbabantay sa inyong puso+ at isip* sa pamamagitan ni Kristo Jesus.
8 Bilang panghuli, mga kapatid, anumang bagay na totoo, seryosong pag-isipan, matuwid, malinis,+ kaibig-ibig, marangal,* mabuti, at kapuri-puri, patuloy na isaisip ang mga ito.+ 9 Gawin ninyo ang mga bagay na natutuhan ninyo at tinanggap at narinig at nakita sa akin,+ at sasainyo ang Diyos ng kapayapaan.
10 Bilang kaisa ng Panginoon, masayang-masaya ako dahil naipapakita ninyo ulit na may malasakit kayo sa akin.+ Alam kong nagmamalasakit kayo sa akin, pero wala kayong pagkakataong maipakita ito. 11 Hindi ko ito sinasabi dahil nangangailangan ako, dahil natutuhan ko nang maging kontento anuman ang kalagayan ko.+ 12 Alam ko kung paano mabuhay nang kapos+ at nang sagana. Natutuhan ko ang sekreto kung paano maging kontento anuman ang kalagayan, busog man o gutom, sagana man o kapos. 13 May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.+
14 Gayunman, salamat at dinamayan ninyo ako sa mga paghihirap ko. 15 Ang totoo, alam ninyong mga taga-Filipos na noong maipaabot sa inyo ang mabuting balita at nang umalis ako sa Macedonia, walang ibang kongregasyon ang nagbigay ng tulong sa akin o tumanggap ng tulong mula sa akin maliban sa inyo;+ 16 dahil noong nasa Tesalonica ako, dalawang beses pa kayong nagpadala para sa mga pangangailangan ko. 17 Hindi regalo ang gusto ko, kundi ang madagdag sa inyong kayamanan ang mga pagpapalang bunga ng inyong mabubuting gawa. 18 Pero nasa akin na ang lahat ng kailangan ko, at higit pa nga. Wala nang kulang sa akin, ngayong ibinigay na sa akin ni Epafrodito+ ang ipinadala ninyo, isang mabangong amoy,+ isang kaayaayang hain, na talagang kalugod-lugod sa Diyos. 19 At sagana namang ilalaan sa inyo ng aking Diyos ang lahat ng pangangailangan ninyo+ ayon sa kaniyang maluwalhating kayamanan sa pamamagitan ni Kristo Jesus. 20 Luwalhatiin nawa ang ating Diyos at Ama magpakailanman. Amen.
21 Iparating ninyo ang pagbati ko sa lahat ng banal na kaisa ni Kristo Jesus. Kinukumusta rin kayo ng mga kapatid na kasama ko. 22 Binabati rin kayo ng lahat ng banal, lalo na ng mga mula sa sambahayan ni Cesar.+
23 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo habang nagpapakita kayo ng magagandang katangian.