Liham sa mga Taga-Galacia
3 O mga taga-Galacia na hindi nag-iisip, sino ang nakapanlinlang sa inyo,+ kahit pa malinaw na inilarawan sa inyo kung paano ipinako si Jesu-Kristo sa tulos?+ 2 Ito ang tanong ko:* Tinanggap ba ninyo ang espiritu dahil sa pagsunod sa kautusan o dahil sa pananampalataya sa mga bagay na narinig ninyo?+ 3 Talaga bang hindi kayo nag-iisip? Matapos ninyong simulan na magpagabay sa espiritu, tatapusin ba ninyo ang inyong landasin nang nagpapagabay sa laman?+ 4 Dumanas ba kayo ng napakaraming pagdurusa para lang sa wala? Hindi ako naniniwalang walang saysay ang pinagdaanan ninyo. 5 Kung gayon, siya na nagbibigay sa inyo ng espiritu at nagsasagawa ng makapangyarihang mga gawa*+ sa gitna ninyo, ginagawa niya ba iyon dahil sa pagsunod ninyo sa kautusan o dahil sa pananampalataya ninyo sa mga bagay na narinig ninyo? 6 Katulad iyan ng nangyari kay Abraham na “nanampalataya kay Jehova, at dahil dito, itinuring siyang matuwid.”+
7 Tiyak na alam ninyo na ang mga anak ni Abraham ay ang mga nanghahawakan sa pananampalataya.+ 8 Patiunang nakita ng kasulatan na ipahahayag ng Diyos na matuwid ang mga tao ng ibang mga bansa dahil sa pananampalataya,+ kaya patiuna nitong ipinaalám kay Abraham ang mabuting balitang ito: “Sa pamamagitan mo ay pagpapalain ang lahat ng bansa.”+ 9 Kaya ang mga nanghahawakan sa pananampalataya ay pinagpapala kasama ni Abraham, na may pananampalataya.+
10 Ang lahat ng umaasa sa kautusan ay nasa ilalim ng sumpa, dahil nasusulat: “Sumpain ang sinuman na hindi laging sumusunod sa lahat ng nakasulat sa balumbon ng Kautusan.”+ 11 Bukod diyan, malinaw na walang sinuman ang ipahahayag ng Diyos na matuwid dahil sa pagsunod sa kautusan,+ dahil “ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kaniyang pananampalataya.”+ 12 At ang Kautusan ay walang kaugnayan sa pananampalataya, dahil nasusulat: “Ang taong tumutupad sa mga iyon ay mabubuhay dahil sa mga iyon.”+ 13 Binili tayo ni Kristo+ at pinalaya+ mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay maging isang sumpa sa halip na tayo,+ dahil nasusulat: “Isinumpa ang bawat tao na nakabitin sa tulos.”+ 14 Nangyari ito para matanggap ng ibang mga bansa sa pamamagitan ni Kristo Jesus ang pagpapalang+ ipinangako kay Abraham at para matanggap natin ang ipinangakong espiritu+ sa pamamagitan ng ating pananampalataya.
15 Mga kapatid, gagamit ako ng ilustrasyon na pamilyar sa tao: Kapag nabigyang-bisa na ang isang tipan, kahit ng isang tao lang, hindi ito puwedeng ipawalang-bisa o dagdagan ng sinuman. 16 Ngayon, ang mga pangako ay ibinigay kay Abraham at sa kaniyang supling.+ Hindi sinabi ng kasulatan na “at sa mga supling mo,” na marami ang tinutukoy. Ang sabi ay “at sa supling mo,” na isa lang ang tinutukoy, si Kristo.+ 17 Bilang karagdagan, ang Kautusan, na ibinigay pagkaraan ng 430 taon,+ ay hindi nagpapawalang-bisa sa naunang pakikipagtipan ng Diyos, at hindi nito mapapawi ang pangako niya.+ 18 Dahil kung ang mana ay nakasalig sa kautusan, hindi na ito nakasalig sa pangako; pero ipinagkaloob ito ng Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng isang pangako.+
19 Pero bakit may Kautusan? Idinagdag ito para maging hayag ang mga pagkakasala+ hanggang sa dumating ang pinangakuang supling;+ at ibinigay ito sa mga anghel,+ na naghayag naman nito sa tulong ng isang tagapamagitan.+ 20 Hindi kailangan ang tagapamagitan kung iisang persona lang ang sangkot, at ang Diyos ay iisa lang. 21 Kung gayon, ang Kautusan ba ay laban sa mga pangako ng Diyos? Siyempre hindi! Dahil kung ang kautusang ibinigay ay makapagbibigay-buhay, puwedeng maituring na matuwid ang isang tao dahil sa pagsunod sa kautusan. 22 Pero ibinigay ng Kasulatan ang lahat ng bagay sa kontrol ng kasalanan, para ang pangakong nakasalig sa pananampalataya kay Jesu-Kristo ay maibigay sa mga nananampalataya.
23 Gayunman, bago dumating ang tunay na pananampalataya, binabantayan tayo ng kautusan at nasa ilalim ng kontrol nito habang hinihintay natin ang pananampalatayang isisiwalat pa lang.+ 24 Kaya ang Kautusan ay naging tagapagbantay natin na umaakay kay Kristo,+ para maipahayag tayong matuwid dahil sa pananampalataya.+ 25 Pero ngayong dumating na ang pananampalataya,+ wala na tayo sa ilalim ng isang tagapagbantay.+
26 Ang totoo, kayong lahat ay anak ng Diyos+ dahil sa inyong pananampalataya kay Kristo Jesus;+ 27 dahil tinularan ninyong lahat si Kristo,+ kayo na nabautismuhan at kaisa na ngayon ni Kristo. 28 Walang pagkakaiba ang Judio at Griego,+ ang alipin at taong malaya,+ at ang lalaki at babae,+ dahil kayong lahat ay nagkakaisa bilang mga tagasunod ni Kristo Jesus.+ 29 Bukod diyan, kung kayo ay kay Kristo, talagang supling kayo ni Abraham,+ mga tagapagmana+ ayon sa pangako.+