PROPETA
Taong ginagamit ng Diyos upang maipabatid ang Kaniyang kalooban at layunin. (Luc 1:70; Gaw 3:18-21) Bagaman hindi matiyak ang pinagmulan ng terminong Hebreo para sa propeta (na·viʼʹ), ipinakikita ng natatanging terminong ito na ang mga tunay na propeta ay hindi mga ordinaryong tagapagbalita kundi mga tagapagsalita ng Diyos, mga “lalaki ng Diyos” na naghatid ng kinasihang mga mensahe. (1Ha 12:22; 2Ha 4:9; 23:17) Tumayo silang kasama ng “matalik na kapisanan” ng Diyos, at isiniwalat niya sa kanila ang kaniyang “lihim na bagay.”—Jer 23:18; Am 3:7; 1Ha 17:1; tingnan ang TAGAKITA.
Ang Griegong pro·pheʹtes ay literal na nangangahulugang “tagapagsalita [mula sa Gr., pro, “sa unahan” o “sa harap ng,” at phe·miʹ, “magsabi”]” at sa gayo’y tumutukoy sa isang tagapaghayag, isa na nagpapabatid ng mga mensahe na itinuturing na may sagradong pinagmulan. (Ihambing ang Tit 1:12.) Bagaman saklaw ng salitang ito ang diwa ng paghula ng mangyayari sa hinaharap, hindi prediksiyon ang pangunahing kahulugan nito. (Ihambing ang Huk 6:7-10.) Gayunpaman, upang makapamuhay ang isang indibiduwal kasuwato ng kalooban ng Diyos, kailangan niyang malaman kung ano ang isiniwalat na mga layunin ni Jehova para sa hinaharap upang maiayon niya ang kaniyang mga paggawi, naisin, at tunguhin. Kaya naman, karamihan ng mga propeta sa Bibliya ay naghatid ng mga mensahe na tuwiran o di-tuwirang may kinalaman sa hinaharap.
Katungkulan ng Propeta sa Hebreong Kasulatan. Maliwanag na ang unang taong tagapagsalita ng Diyos ay si Adan, na nagtawid ng mga tagubilin ng Diyos sa kaniyang asawang si Eva at sa gayo’y naglingkod bilang propeta. Ang mga tagubiling iyon ay hindi lamang pangkasalukuyan (para sa kanila) kundi panghinaharap din naman, yamang binalangkas ng mga iyon ang layunin ng Diyos para sa lupa at sa sangkatauhan at ang landasing dapat tahakin ng mga tao upang magtamasa sila ng pinagpalang kinabukasan. (Gen 1:26-30; 2:15-17, 23, 24; 3:1-3) Si Enoc ang unang tapat na taong propeta na binanggit sa Kasulatan, at kalakip sa kaniyang mensahe ang isang tuwirang prediksiyon. (Jud 14, 15) Si Lamec at ang kaniyang anak na si Noe ay parehong nagpahayag ng kinasihang mga pagsisiwalat ng layunin at kalooban ng Diyos.—Gen 5:28, 29; 9:24-27; 2Pe 2:5.
Unang ikinapit ang salitang na·viʼʹ kay Abraham. (Gen 20:7) Hindi naman napabantog si Abraham sa paghula ng mangyayari sa hinaharap, lalo na sa hayagang paraan. Gayunman, binigyan siya ng Diyos ng isang mensahe, isang makahulang pangako. Tiyak na naudyukan si Abraham na ‘ipahayag’ ang tungkol dito, lalo na sa kaniyang pamilya, at ipaliwanag kung bakit niya lilisanin ang Ur at kung ano ang ipinangako ng Diyos sa kaniya. (Gen 12:1-3; 13:14-17; 22:15-18) Sa katulad na paraan, sina Isaac at Jacob, na mga tagapagmana ng pangakong iyon, ay “mga propeta” na nagkaroon ng matalik na pakikipagtalastasan sa Diyos. (Aw 105:9-15) Bumigkas din sila ng makahulang mga pagpapala sa kanilang mga anak. (Gen 27:27-29, 39, 40; 49:1-28) Maliban kina Job at Elihu, na maliwanag na ginamit ng Diyos bago ang Pag-alis upang magsiwalat ng mga katotohanang nagmula sa kaniya, ang lahat ng tunay na propeta mula nang panahong iyon ay nanggaling sa mga inapo ni Jacob (ang mga Israelita) hanggang noong unang siglo ng Karaniwang Panahon.
Noong panahon ni Moises, lalong naging malinaw ang papel ng isang propeta. Naidiin ang katayuan ng propeta bilang tagapagsalita ng Diyos nang atasan ni Jehova si Aaron na maging “propeta” o “bibig” ni Moises, samantalang si Moises naman ay ‘naging parang Diyos kay Aaron.’ (Exo 4:16; 7:1, 2) Inihula ni Moises ang maraming pangyayari na karaka-rakang natupad, gaya ng Sampung Salot. Gayunman, mas kahanga-hanga ang paglilingkod niya bilang propeta, o tagapagsalita ng Diyos, nang ibigay niya ang tipang Kautusan sa Sinai at nang turuan niya ang bansa hinggil sa kalooban ng Diyos. Hindi lamang naging kapaki-pakinabang sa mga Israelita ang tipang Kautusan bilang pamantayan at patnubay sa moral, kundi inakay rin nito ang kanilang pansin sa hinaharap at sa ‘mas mabubuting bagay na darating.’ (Gal 3:23-25; Heb 8:6; 9:23, 24; 10:1) Naging katangi-tangi ang pagiging propeta ni Moises dahil sa kaniyang matalik at kadalasa’y tuwirang pakikipagtalastasan sa Diyos, at dahil na rin sa lubhang pinalawak na kaunawaan sa kalooban at layunin ni Jehova na ipinabatid sa pamamagitan niya. (Exo 6:2-8; Deu 34:10) Ang kaniyang mga kapatid na sina Aaron at Miriam ay naglingkod din bilang mga propeta sa diwang naghatid sila ng mga mensahe o payo mula sa Diyos (na maaaring hindi mga prediksiyon), gaya rin ng 70 matatandang lalaki ng bansa.—Exo 15:20; Bil 11:25; 12:1-8.
Sa aklat ng Mga Hukom, maliban sa di-ipinakilalang lalaki sa Hukom 6:8, tanging si Debora na propetisa ang espesipikong binanggit na naglingkod bilang propeta. (Huk 4:4-7; 5:7) Bagaman hindi ginamit doon ang terminong na·viʼʹ, hindi nangangahulugan na wala nang ibang naglingkod sa ganitong tungkulin. Pagsapit ng panahon ni Samuel, “ang salita mula kay Jehova ay naging bihira . . . ; walang pangitain ang inihahayag.” Mula sa pagkabata, naglingkod si Samuel bilang tagapagsalita ng Diyos, at dahil natupad ang mga mensaheng binigkas niya, kinilala siya ng lahat bilang isa na “binigyang-karapatan sa katungkulan ng propeta kay Jehova.”—1Sa 3:1-14, 18-21.
Nang itatag ang monarkiya, halos sunud-sunod ang mga naglingkod bilang propeta. (Ihambing ang Gaw 3:24.) Nagsimulang manghula si Gad bago mamatay si Samuel. (1Sa 22:5; 25:1) Siya at ang propetang si Natan ay prominente noong naghahari si David. (2Sa 7:2-17; 12:7-15; 24:11-14, 18) Naglingkod sila bilang mga tagapayo ng hari at mga istoryador, gaya rin ng iba pang mga propetang kasunod nila. (1Cr 29:29; 2Cr 9:29; 29:25; 12:15; 25:15, 16) Si David mismo ay ginamit upang maghatid ng ilang pagsisiwalat mula sa Diyos at tinukoy siya ng apostol na si Pedro bilang “isang propeta.” (Gaw 2:25-31, 34) Nang mahati ang kaharian, may mga tapat na propetang naglingkod sa hilaga at sa timugang mga kaharian. Ang ilan ay ginamit upang manghula sa mga lider at mga taong-bayan ng dalawang kaharian. Kabilang sa mga propetang naglingkod noong panahon ng pagkatapon at pagkatapos nito ay sina Daniel, Hagai, Zacarias, at Malakias.
Mahalagang papel ang ginampanan ng mga propeta sa pagtataguyod ng tunay na pagsamba. Ang kanilang gawain ay nagsilbing pamigil sa mga hari ng Israel at Juda, sapagkat buong-tapang nilang sinaway ang nagkakasalang mga tagapamahala (2Sa 12:1-12) at ipinahayag nila ang mga kahatulan ng Diyos laban sa mga nagsasagawa ng kabalakyutan. (1Ha 14:1-16; 16:1-7, 12) Kapag ang mga saserdote ay lumilihis sa tunay na pagsamba at nagiging tiwali, mga propeta ang ginagamit ni Jehova upang patibayin ang pananampalataya ng matuwid na mga nalabi at upang akayin yaong mga naligaw ng landas pabalik sa lingap ng Diyos. Tulad ni Moises, ang mga propeta ay madalas magsilbing mga tagapamagitan na nanalangin sa Diyos para sa hari at sa bayan. (Deu 9:18-29; 1Ha 13:6; 2Ha 19:1-4; ihambing ang Jer 7:16; 14:11, 12.) Lalo silang aktibo sa panahon ng krisis o kagipitan. Nagbigay rin sila ng pag-asa dahil kung minsan, ang kanilang mga mensahe ay tungkol sa mga pagpapalang idudulot ng pamahalaan ng Mesiyas. Kaya naman, nakinabang sa kanilang gawain hindi lamang yaong mga nabubuhay noon kundi pati na rin ang sumunod na mga salinlahi hanggang sa ating panahon. (1Pe 1:10-12) Ngunit sa paggawa nito, kinailangan nilang magbata ng matinding pandurusta, panlilibak, at maging ng pisikal na pagmamalupit. (2Cr 36:15, 16; Jer 7:25, 26; Heb 11:32-38) Gayunman, yaong mga malugod na tumanggap sa kanila ay pinagpala sa espirituwal at sa iba pang mga paraan.—1Ha 17:8-24; 2Ha 4:8-37; ihambing ang Mat 10:41.
Kung Paano Inaatasan at Kinakasihan. Ang katungkulan ng propeta ay hindi namamana ayon sa linya ng angkan. Gayunman, ang ilan sa mga propeta ay mga Levita, gaya nina Samuel, Zacarias na anak ni Jehoiada, Jeremias, at Ezekiel. Mayroon ding mga anak ng propeta na naging mga propeta rin. (1Ha 16:7; 2Cr 16:7) Hindi rin pinapasok ang propesyong ito sa sariling pagkukusa. Ang Diyos ang pumipili sa mga propeta at sila’y inaatasan sa pamamagitan ng banal na espiritu (Bil 11:24-29; Eze 1:1-3; Am 7:14, 15), na ginagamit din upang maipabatid sa kanila ang mensaheng ipahahayag nila. (Gaw 28:25; 2Pe 1:21) May ilan na lubhang nag-atubili sa pasimula. (Exo 3:11; 4:10-17; Jer 1:4-10) Sa kaso ni Eliseo, inatasan siya ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang hinalinhan, si Elias, at bilang sagisag ng pag-aatas na iyon, inihagis ni Elias kay Eliseo ang kaniyang balabal, o opisyal na kasuutan.—1Ha 19:19-21.
Bagaman inatasan sila sa pamamagitan ng espiritu ni Jehova, waring hindi naman patuluyang nagsasalita ang mga propeta sa ilalim ng pagkasi. Sa halip, ‘sumasakanila’ ang espiritu ng Diyos sa espesipikong mga pagkakataon upang isiwalat ang mga mensaheng kailangan nilang ipatalastas. (Eze 11:4, 5; Mik 3:8) Dahil dito, napupukaw ang kanilang damdamin at nauudyukan silang magsalita. (1Sa 10:10; Jer 20:9; Am 3:8) Hindi lamang sila gumagawa ng mga bagay na di-pangkaraniwan kundi tiyak na masasalamin din sa kanilang pananalita at kilos ang kakaibang masidhing damdamin. Maaaring ito ang dahilan kung bakit may mga indibiduwal na inilarawang ‘gumagawing tulad ng mga propeta.’ (1Sa 10:6-11; 19:20-24; Jer 29:24-32; ihambing ang Gaw 2:4, 12-17; 6:15; 7:55.) Dahil sa kanilang pagkaseryoso, sigasig, at katapangan sa pagganap ng kanilang atas, ang kanilang paggawi ay nagmimistulang kakatwa, baka hindi pa nga matino, sa paningin ng iba, gaya ng tingin ng mga pinuno ng militar sa propetang nagpahid kay Jehu bilang hari. Gayunman, nang matanto ng mga pinuno na ang lalaki ay isang propeta, tinanggap nila ang kaniyang mensahe. (2Ha 9:1-13; ihambing ang Gaw 26:24, 25.) Noong tinutugis ni Saul si David, naudyukan si Saul na ‘gumawing tulad ng isang propeta,’ anupat hinubad niya ang kaniyang mga kasuutan at humigang “hubad nang buong araw na iyon at nang buong gabing iyon.” Maliwanag na nang pagkakataong iyon ay tumakas si David. (1Sa 19:18–20:1) Hindi naman ito nangangahulugan na karaniwa’y naghuhubad ang mga propeta, sapagkat hindi ganiyan ang ipinakikita ng ulat ng Bibliya. Sa dalawa pang kaso na iniulat, may layunin ang paghuhubad ng mga propeta, samakatuwid nga, upang isadula ang isang aspekto ng kanilang hula. (Isa 20:2-4; Mik 1:8-11) Hindi sinabi kung bakit inudyukan si Saul na maghubad: kung ito’y upang ipakita na siya’y isang hamak na taong hinubaran ng maharlikang kasuutan anupat inutil sa harap ng makaharing awtoridad at kapangyarihan ni Jehova, o kung may iba pa itong layunin.
Kinasihan ni Jehova ang mga propeta sa iba’t ibang paraan: berbal na pakikipagtalastasan sa pamamagitan ng mga anghel (Exo 3:2-4; ihambing ang Luc 1:11-17; Heb 1:1, 2; 2:1, 2), mga pangitain na nagkintal ng mensahe ng Diyos sa may-malay na isip (Isa 1:1; Hab 1:1), mga panaginip o mga pangitain sa gabi na ibinibigay habang natutulog ang propeta (Dan 7:1), at mga mensaheng inihahatid samantalang nasa kawalan ng diwa ang isa (Gaw 10:10, 11; 22:17-21). May mga pagkakataong nakatulong ang musika sa pagtanggap ng propeta ng mensahe mula sa Diyos. (1Sa 10:5; 2Ha 3:15) Ipinahayag din sa iba’t ibang paraan ang kinasihang mensahe. (Heb 1:1) Karaniwan na, sinasalita iyon ng propeta kapuwa sa pampublikong mga lugar at sa mga dakong kakaunti ang tao. (Jer 7:1, 2; 36:4-13; Mat 3:3) Kung minsan nama’y isinasadula niya ang mensahe sa pamamagitan ng mga simbolo o makasagisag na mga pagkilos, gaya noong itanghal ni Ezekiel ang pagkubkob sa Jerusalem gamit ang isang laryo, o ang pagpapakasal ni Oseas kay Gomer.—Eze 4:1-3; Os 1:2, 3; ihambing ang 1Ha 11:30-39; 2Ha 13:14-19; Jer 19:1, 10, 11; tingnan ang PAGKASI; PANAGINIP; PANGITAIN.
Pagkilatis sa Tunay at sa Bulaan. Ang ilan sa mga propeta ng Diyos, gaya nina Moises, Elias, Eliseo, at Jesus, ay gumawa ng mga himala na nagpatotoo sa kanilang mensahe at katungkulan. Gayunman, hindi lahat ng propeta ay nagsagawa ng gayong makapangyarihang mga gawa. Sa pamamagitan ni Moises, may tatlong kahilingang ibinigay upang makilala kung tunay ang isang propeta: Ang tunay na propeta ay dapat na magsalita sa pangalan ni Jehova; ang mga bagay na inihula ay dapat na matupad (Deu 18:20-22); at ang kaniyang panghuhula ay dapat magtaguyod ng tunay na pagsamba at kasuwato ng isiniwalat na salita at mga utos ng Diyos (Deu 13:1-4). Malamang na ang huling kahilingan ang pinakamahalaga at pinakamapananaligan, dahil maaaring paimbabaw na gamitin ng isa ang pangalan ng Diyos at magkataon na magkatotoo ang kaniyang prediksiyon. Ngunit, gaya ng natalakay na, hindi lamang panghuhula ang gawain ng tunay na propeta, at hindi rin ito ang kaniyang pangunahing tungkulin. Sa halip, isa siyang tagapagtaguyod ng katuwiran, at ang kaniyang mensahe ay pangunahin nang may kinalaman sa mga pamantayang moral at kung paano ikakapit ang mga iyon. Ipinahahayag niya ang kaisipan ni Jehova hinggil sa mga bagay-bagay. (Isa 1:10-20; Mik 6:1-12) Samakatuwid, hindi kailangang maghintay ng maraming taon o mga salinlahi para matiyak kung ang propeta ay tunay o bulaan batay sa katuparan ng kaniyang prediksiyon. Bulaan siya kung ang kaniyang mensahe ay salungat sa isiniwalat na kalooban at mga pamantayan ng Diyos. Kaya naman, walang pagsalang bulaan ang propetang humula ng kapayapaan para sa Israel o Juda bagaman ang bayan ay sumusuway sa Salita at Kautusan ng Diyos.—Jer 6:13, 14; 14:11-16.
Katulad ng babala ni Moises ang babala ni Jesus hinggil sa mga bulaang propeta. Bagaman ginagamit nila ang pangalan ni Jesus at nagbibigay sila ng ‘mga tanda at mga kababalaghan upang magligaw,’ ang kanilang mga bunga ang magpapatunay na sila’y “mga manggagawa ng katampalasanan.”—Mat 7:15-23; Mar 13:21-23; ihambing ang 2Pe 2:1-3; 1Ju 4:1-3.
Ang tunay na propeta ay hindi nanghuhula para lamang bigyang-kasiyahan ang pagkamausisa ng mga tao. Ang bawat prediksiyon niya ay nauugnay sa kalooban, layunin, mga pamantayan, o kahatulan ng Diyos. (1Ha 11:29-39; Isa 7:3-9) Kadalasan, ang mga pangyayaring inihula niya ay resulta ng umiiral na mga kalagayan, samakatuwid nga, kung ano ang inihahasik ng mga tao, iyon din ang kanilang aanihin. Samantala, nilinlang ng mga bulaang propeta ang bayan at ang kanilang mga lider sa pamamagitan ng pagtiyak sa kanila na, sa kabila ng kanilang di-matuwid na landasin, sasakanila pa rin ang Diyos upang ipagsanggalang at pagpalain sila. (Jer 23:16-20; 28:1-14; Eze 13:1-16; ihambing ang Luc 6:26.) Ginaya nila ang mga tunay na propeta at gumamit din sila ng makasagisag na pananalita at mga pagkilos. (1Ha 22:11; Jer 28:10-14) Bagaman ang ilan ay mga impostor, lumilitaw na karamihan ay mga propeta na naging tiwali o apostata. (Ihambing ang 1Ha 18:19; 22:5-7; Isa 28:7; Jer 23:11-15.) Ang ilan sa kanila ay mga babae, o mga bulaang propetisa. (Eze 13:17-23; ihambing ang Apo 2:20.) Hinalinhan ng “espiritu ng karumihan” ang espiritu ng Diyos. Dapat patayin ang lahat ng gayong bulaang propeta.—Zac 13:2, 3; Deu 13:5.
Tungkol sa mga propetang nakaabot sa mga pamantayan ng Diyos, ang ilan sa kanilang mga hula, na natupad pagkaraan lamang ng isang araw o isang taon, ay nagbigay ng saligan upang magtiwalang matutupad din ang kanilang mga hula hinggil sa mas malayong hinaharap.—1Ha 13:1-5; 14:12, 17; 2Ha 4:16, 17; 7:1, 2, 16-20.
“Mga Anak ng mga Propeta.” Ayon sa Gesenius’ Hebrew Grammar (Oxford, 1952, p. 418), ang Hebreong ben (anak ng) o benehʹ (mga anak ng) ay maaaring tumukoy sa “pagiging miyembro ng isang samahan o kapisanan (o ng isang tribo, o anumang partikular na grupo).” (Ihambing ang Ne 3:8, kung saan ang pananalitang “isang miyembro ng mga tagapaghalo ng ungguento” sa literal na Hebreo ay “isang anak ng mga tagapaghalo ng ungguento.”) Kaya naman, malamang na “ang mga anak ng mga propeta” ay tumutukoy sa isang samahang naglalaan ng pagsasanay sa mga tinawag sa bokasyong ito, o isang asosasyon ng mga propeta. Iniulat na may gayong pangkat ng mga propeta sa Bethel, Jerico, at Gilgal. (2Ha 2:3, 5; 4:38; ihambing ang 1Sa 10:5, 10.) Pinangasiwaan ni Samuel ang pangkat na nasa Rama (1Sa 19:19, 20), at waring ganito rin ang katayuan ni Eliseo noong panahon niya. (2Ha 4:38; 6:1-3; ihambing ang 1Ha 18:13.) Binanggit ng ulat na nagtayo sila ng kanilang sariling tahanan at gumamit ng isang kasangkapang hiniram, na nagpapahiwatig na namuhay sila nang simple. Bagaman kadalasa’y sama-sama sila sa iisang tirahan at magkakasalo sa pagkain, maaaring mayroon silang kani-kaniyang atas na maglingkod sa ibang mga lugar bilang mga propeta.—1Ha 20:35-42; 2Ha 4:1, 2, 39; 6:1-7; 9:1, 2.
Mga Propeta sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang salitang Griego na pro·pheʹtes ang katumbas ng Hebreong na·viʼʹ. Ang saserdoteng si Zacarias, ama ni Juan na Tagapagbautismo, ay gumanap bilang propeta nang isiwalat niya ang layunin ng Diyos hinggil sa kaniyang anak na si Juan, na ‘tatawaging propeta ng Kataas-taasan.’ (Luc 1:76) Ang simpleng pamumuhay ni Juan at ang kaniyang mensahe ay katulad niyaong sa sinaunang mga propetang Hebreo. Kinilala siya ng marami bilang isang propeta, at maging si Herodes ay natakot sa kaniya. (Mar 1:4-6; Mat 21:26; Mar 6:20) Sinabi ni Jesus na si Juan ay “lalo pang higit kaysa sa isang propeta.”—Mat 11:7-10; ihambing ang Luc 1:16, 17; Ju 3:27-30.
Si Jesus na Mesiyas ay “Ang Propeta” na inihula ni Moises at matagal nang hinihintay. (Ju 1:19-21, 25-27; 6:14; 7:40; Deu 18:18, 19; Gaw 3:19-26) Natanto ng iba na siya’y isang propeta dahil sa kaniyang kakayahang magsagawa ng makapangyarihang mga gawa at mapag-unawa ang mga bagay sa paraang higit sa pangkaraniwan. (Luc 7:14-16; Ju 4:16-19; ihambing ang 2Ha 6:12.) Higit kaninuman, siya’y nasa “matalik na kapisanan” ng Diyos. (Jer 23:18; Ju 1:18; 5:36; 8:42) Madalas niyang sipiin ang mga propetang nauna sa kaniya na nagpatotoo sa kaniyang bigay-Diyos na atas at katungkulan. (Mat 12:39, 40; 21:42; Luc 4:18-21; 7:27; 24:25-27, 44; Ju 15:25) Inihula niya kung paano siya ipagkakanulo at papatayin, na mamamatay siya bilang isang propeta sa Jerusalem na “pumapatay ng mga propeta,” na iiwan siya ng kaniyang mga alagad, na ikakaila siya ni Pedro nang tatlong ulit, na bubuhayin siyang muli sa ikatlong araw, anupat karamihan sa mga hulang ito ay salig sa naunang mga hula sa Hebreong Kasulatan. (Luc 13:33, 34; Mat 20:17-19; 26:20-25, 31-34) Maliban dito, inihula niya ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito. (Luc 19:41-44; 21:5-24) Ang eksaktong katuparan ng lahat ng mga bagay na ito noong nabubuhay pa yaong mga nakarinig sa kaniya ay matibay na saligan para manampalataya at manalig na matutupad ang kaniyang mga hula hinggil sa kaniyang pagkanaririto.—Ihambing ang Mat 24; Mar 13; Luc 21.
Noong Pentecostes, 33 C.E., ibinuhos ang espiritu ng Diyos sa mga alagad na nasa Jerusalem, kung kaya sila’y ‘nanghula at nakakita ng mga pangitain.’ Ginawa nila ito sa pamamagitan ng paghahayag ng “mariringal na mga bagay ng Diyos,” at sa pamamagitan ng kinasihang pagsisiwalat ng kaalaman tungkol sa Anak ng Diyos at ng kahulugan nito sa kanilang mga tagapakinig. (Gaw 2:11-40) Muli, dapat tandaan na ang panghuhula [prophesying] ay hindi laging tumutukoy sa prediksiyon. Sinabi ng apostol na si Pablo na “siya na nanghuhula ay nagpapatibay at nagpapasigla at umaaliw sa mga tao sa pamamagitan ng kaniyang pananalita.” Inirekomenda niya ang panghuhula bilang isang angkop at kanais-nais na tunguhin na maaaring abutin ng lahat ng Kristiyano. Bagaman ang pagsasalita ng mga wikang banyaga ay isang tanda para sa mga di-sumasampalataya, ang panghuhula naman ay para sa mga mananampalataya. Gayunman, maging ang di-sumasampalataya na dumadalo sa Kristiyanong pagpupulong ay makikinabang sa panghuhula, yamang sa pamamagitan nito ay nasasaway siya at maingat na nasusuri upang maging hayag “ang mga lihim ng kaniyang puso.” (1Co 14:1-6, 22-25) Ito’y karagdagang patotoo na hindi prediksiyon ang pangunahing layunin ng panghuhulang Kristiyano kundi kadalasa’y may kinalaman ito sa mga bagay na pangkasalukuyan, bagaman maliwanag na di-pangkaraniwan ang pinagmulan nito, anupat kinasihan ng Diyos. Ipinayo ni Pablo na kailangan ang mabuting kaayusan at pagpipigil sa sarili kapag nanghuhula para sa kongregasyon, upang ang lahat ay matuto at mapatibay-loob.—1Co 14:29-33.
Sabihin pa, may mga indibiduwal na pinili, o binigyan ng kaloob, para maglingkod bilang mga propeta. (1Co 12:4-11, 27-29) Si Pablo mismo ay may kaloob na panghuhula, ngunit mas nakilala siya bilang isang apostol. (Ihambing ang Gaw 20:22-25; 27:21-26, 31, 34; 1Co 13:2; 14:6.) Lumilitaw na yaong mga hinirang bilang mga propeta, gaya nina Agabo, Hudas, at Silas, ay mga namumukod-tanging tagapagsalita para sa kongregasyong Kristiyano, ngunit pangalawa lamang sa mga apostol. (1Co 12:28; Efe 4:11) Tulad ng mga apostol, hindi lamang sila naglingkod sa kanilang lugar kundi naglakbay din sila sa iba’t ibang dako, nagbigay ng mga diskurso, at humula rin ng mga mangyayari sa hinaharap. (Gaw 11:27, 28; 13:1; 15:22, 30-33; 21:10, 11) Gaya noong sinaunang panahon, may ilang babaing Kristiyano na tumanggap ng kaloob na panghuhula, gayunma’y nasa ilalim pa rin sila ng pagkaulo ng mga lalaking miyembro ng kongregasyon.—Gaw 21:9; 1Co 11:3-5.
[Larawan sa pahina 970]
Modelo ng isang miyembro ng Tanod ng Pretorio