UNAWA
[sa Ingles, understanding].
Ang mga salita sa orihinal na wika na isinasalin bilang “unawa” o “pagkaunawa” ay maaaring tumukoy sa simpleng pagkaintindi o sa lubos at malalim na pagkatalos sa panloob na katangian, natatagong mga dahilan, at kahulugan ng komplikadong mga bagay. Ang unawa ay may malapit na kaugnay sa kaunawaan (insight, discernment) at pang-unawa (perception).
Ang pandiwang Hebreo na bin at ang pangngalang bi·nahʹ ay malimit na iniuugnay sa unawa. Kung minsan, maaaring mas partikular na idiniriin ng bin at bi·nahʹ ang espesipikong mga aspekto ng pagkaunawa o pagkatalos (1Sa 3:8; 2Sa 12:19; Aw 19:12; Dan 9:2), maingat na pag-iisíp o pagsasaalang-alang (Deu 32:7; Kaw 14:15; 23:1; Jer 2:10; Dan 11:37) o pagtutuon ng pansin (Job 31:1; 32:12; 37:14; Aw 37:10) sa isang bagay, at sa gayo’y maaaring isalin sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ganito ang isinulat ni Propesor R. C. Dentan sa The Interpreter’s Dictionary of the Bible (inedit ni G. Buttrick, 1962, Tomo 4, p. 733): “Ang salitang-ugat na בין [bin] ay pangunahin nang nangangahulugang ‘mapag-unawa sa pamamagitan ng mga pandama,’ ‘makita ang mga pagkakaiba,’ pagkatapos ay ‘masusing magtuon ng pansin,’ at gayundin—partikular na ang hinalaw na mga anyo nito—‘magtamo ng pagkaunawa’ o ‘magbigay’ nito sa iba.” Ayon sa iskolar sa Hebreo na si Gesenius, ang pangunahing diwa nito ay “maihiwalay, makilala; . . . samakatuwid ay mapag-unawa, maipagkaiba, maunawaan, anupat ang lahat [ng] ito ay depende sa kakayahang maghiwa-hiwalay, kumilala, magbukud-bukod” ng mga bahagi o mga aspekto ng isang bagay. (A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, isinalin ni E. Robinson, 1836, p. 140) May isa pang pangngalan, ang tevu·nahʹ, na nagmula rin sa salitang-ugat ng bi·nahʹ at angkop na maisasalin bilang “kaunawaan” (Kaw 10:23; 11:12) o “unawa” (Exo 31:3; Deu 32:28), depende sa konteksto.
Isinisiwalat ng pangunahing kahulugan ng mga terminong ito na ang taong may unawa ay may kakayahang sumuri sa isang bagay at mapag-unawa ang kayarian niyaon sa pamamagitan ng pagbubukud-bukod sa indibiduwal na mga salik o mga bahagi na bumubuo roon o nagkakatulungan upang mabuo iyon, pagkatapos ay nakikita niya ang kaugnayan ng mga ito sa isa’t isa at sa gayo’y kaniyang naiintindihan, o nakukuha, ang kahulugan ng bagay na iyon. Maaari itong ilarawan ng pag-unawa sa isang wika. Upang maunawaan ng isang tao ang sinasabi sa isang partikular na wika, dapat niyang makilala ang indibiduwal na mga salitang bumubuo sa mga pangungusap, malaman ang kahulugan ng mga ito, at maintindihan kung paano nauugnay sa isa’t isa ang mga ito. (Deu 28:49) Gayunman, bagaman maaaring naiintindihan na ng isang tao ang sinasabi sa kaniya, ang pagkaunawa ay maaari ring nagsasangkot ng higit pa sa gayong simpleng pagkaintindi; nangangahulugan ito na nakukuha niya ang tunay na kahulugan at diwa ng mensahe, pagkatapos ay napagtitimbang-timbang niya ito, nakikinabang siya rito, at nababatid niya kung anong pagkilos ang hinihiling nito. Nang basahin ni Ezra na saserdote ang Kautusan sa harap ng bayan sa Jerusalem, nagkakatipon ang “lahat ng may sapat na unawa [mula sa Heb., bin] upang makinig.” Bagaman may sapat nang kaisipan ang mga ito upang maunawaan ang lahat ng salita, ang mga Levita ay “nagpaliwanag ng kautusan sa bayan [nagturo sa bayan tungkol sa kautusan, o nagbigay ng unawa (isang anyo ng bin)], . . . bumabasa nang malakas mula sa aklat, mula sa kautusan ng tunay na Diyos, na ipinaliliwanag iyon, at binibigyan iyon ng kahulugan; at patuloy silang nagbibigay ng unawa sa pagbasa.”—Ne 8:2, 3, 7, 8.
Sa Griegong Kasulatan, ang salitang ginagamit para sa “unawa,” kung tumutukoy sa lubusang pagkaintindi o pagkuha ng diwa ng isang bagay, ay ang pandiwang sy·niʹe·mi (sa literal, pag-ugnay-ugnayin) at ang kaugnay na pangngalang syʹne·sis. Ang iba pang mga termino ay e·piʹsta·mai, may pangunahing kahulugan na “malaman nang lubos,” at gi·noʹsko, na nangangahulugang “malaman, makilala.”
Bukal ng Unawa. Ang Diyos na Jehova ay kapuwa Bukal ng unawa at Sukdulang Halimbawa ng paggamit nito. Ang napakahusay na koordinasyon at paggana ng uniberso, kung saan ang bawat nilalang ay may ginagampanang isang partikular na layunin na nagkakasuwato, anupat walang mga banggaan o mga problema na bunga ng anumang kakulangan ng kaunawaan ng kanilang Maylalang, ay nagpapakita ng unawa ng Diyos. (Job 38:36; Aw 136:5-9; Kaw 3:19, 20; Jer 10:12, 13) Pinagkalooban ng Diyos ang mga hayop ng likas na unawa, bawat isa ayon sa uri nito. Maaaring gumugol ng maraming taon ang mga tao upang magtamo ng unawa tungkol sa aerodynamics, subalit likas na alam ng halkon kung paano “babasahin” at gagamitin ang iba’t ibang paghihip ng hangin. (Job 39:26) Gayunman, hindi taglay ng mga hayop ang iba pang mga aspekto ng unawa na natatangi sa tao.—Ihambing ang Aw 32:9.
Sa kabila ng masusing pagsasaliksik sa loob ng maraming siglo, maraming kaganapan at siklo na gumagana ayon sa mga batas ng Diyos ang hindi pa rin lubusang naiintindihan ng tao. (Job 36:29; 38:19, 20) Ang anumang nauunawaan ng mga tao mula sa pag-aaral nila ng materyal na sangnilalang ay ‘mga gilid lamang ng mga daan ng Diyos,’ at isa lamang “bulong” kung ihahambing sa “malakas na kulog.” Lalo pa ngang totoo ito kung tungkol sa mga gawang paghatol at pagliligtas ng Diyos, anupat napakalalim ng kaniyang mga kaisipan upang maunawaan ng mga taong di-makadiyos. (Job 26:7-14; Aw 92:5, 6) Gayunman, ang pagsasaalang-alang sa karunungan at unawa ng Diyos na makikita sa materyal na sangnilalang ay nakatulong kay Job na mapag-unawa ang wastong kaugnayan niya sa Maylalang at mapagpakumbabang kilalanin ang kaniya mismong kakulangan ng unawa.—Job 42:1-6.
Kung tungkol sa tao, may kakayahan si Jehova na maunawaan ang mga kaisipan at mga gawain ng lahat ng tao (1Cr 28:9; Aw 139:1-6), at kapag ninanais niya, ‘maingat niyang pinagtutuunan ng pansin’ (sa Heb., bin) ang mga indibiduwal at mga grupo. (Kaw 21:12; Aw 5:1, 2) Batid niya ang kaniya mismong di-mahahadlangang layunin at kung ano ang gagawin niya sa hinaharap. Ang kaniyang matuwid na mga pamantayan ay permanente at di-nagbabago. Kaya naman “walang karunungan, ni anumang kaunawaan, ni anumang payo kapag salansang kay Jehova.” (Kaw 21:30; ihambing ang Isa 29:13, 14; Jer 23:20; 30:24.) Hindi niya kailangang sumangguni sa kaninuman upang maunawaan ang isang bagay, gaya ng kung paano niya matagumpay na matutulungan ang kaniyang mga lingkod, o kung paano niya sila mapagiginhawa mula sa kabagabagan at paniniil.—Isa 40:10-15, 27-31.
Kaya nga, ang kaalaman sa Diyos na Jehova at ang kaunawaan tungkol sa kaniyang kalooban lakip ang pananampalataya at pagtitiwala ang siyang pundasyon ng lahat ng tunay na unawa ng kaniyang matatalinong nilalang. “Ang kaalaman sa Kabanal-banalan ay siyang pagkaunawa,” at kalakip dito ang pagkaunawa sa ‘katuwiran at kahatulan at katapatan, ang buong landasin ng kabutihan.’ (Kaw 9:10; 2:6-9; 16:20) Walang bagay na may tunay na kahalagahan ang lubusang mauunawaan malibang ang lahat ng salik niyaon ay mamalasin mula sa punto de vista ni Jehova at ayon sa kaniyang mga pamantayan, mga katangian, at walang-hanggang layunin.
Yaong mga tumatalikod sa Bukal. Kapag bumaling ang isang tao sa paggawa ng kasalanan, hindi na niya isinasaalang-alang ang Diyos sa paggawa ng mga pasiya at mga plano. (Job 34:27) Pinahihintulutan ng gayong tao na bulagin siya ng kaniyang puso sa pagiging mali ng kaniyang mga landasin at nawawalan siya ng kaunawaan. (Aw 36:1-4) Kahit pa nga inaangkin niyang sumasamba siya sa Diyos, mga panuntunan ng tao ang inuuna niya sa halip na mga panuntunan ng Diyos, anupat mas pinipili niyang sundin ang mga iyon. (Isa 29:13, 14) Ipinagmamatuwid niya ang kaniyang mahalay na paggawi na sinasabing ito’y “katuwaan” lamang (Kaw 10:23) at siya’y nagiging baluktot, mangmang, at hangal sa kaniyang pangangatuwiran, hanggang sa ipalagay pa nga niya na hindi nakikita o nababatid ng di-nakikitang Diyos ang kaniyang masamang gawa, na para bang nawalan ang Diyos ng kakayahan sa pag-unawa. (Aw 94:4-10; Isa 29:15, 16; Jer 10:21) Sa pamamagitan ng kaniyang landasin at mga pagkilos, sa diwa ay sinasabi niya, “Walang Jehova” (Aw 14:1-3) at winawalang-halaga niya Siya. Palibhasa’y hindi pinapatnubayan ng mga simulain ng Diyos, wala siyang kakayahang magpasiya nang wasto hinggil sa mga bagay-bagay, makita nang malinaw ang mga isyu, at masuri ang mga salik na nasasangkot, anupat hindi siya nakagagawa ng tamang mga desisyon.—Kaw 28:5.
Mga Larangan ng Unawa ng Tao. Ang unawa ay maaaring tumukoy sa kaalaman at kasanayan sa mekanikal na mga gawain, gaya ng pagtatayo at pagdidisenyo ng mga gusali o paggawa ng mga kagamitang yari sa kahoy, metal, bato, o tela. Bilang isang bihasang manggagawa sa sari-saring mga materyales, ang taga-Tirong manggagawa na si Hiram ay “isang lalaking dalubhasa, makaranasan sa pagkaunawa.” (2Cr 2:13, 14; 1Ha 7:13, 14) Nakatutulong ang gayong unawa sa mahusay na paggawa, at dahil dito’y nakagagawa ang isa ng matitibay na produkto.
Ang iba naman ay maaaring “bihasa [isang anyo ng bin]” sa paglilipát ng mga kagamitan o sa musika dahil sa kanilang unawa. (1Cr 15:22; 25:7, 8; 2Cr 34:12) Ang ilan ay maaaring kakitaan ng unawa sa lingguwistika, pagsulat, o iba pang mga larangang nangangailangan ng malaking kaalaman. (Dan 1:4, 17, 20) Maaaring matamo ang gayong unawa sa pamamagitan ng likas na mga kakayahan at pagsisikap. Sabihin pa, magagawa ng espiritu ng Diyos na linangin, o palawakin, ang gayong unawa ng mga tao at gawin silang kuwalipikadong magturo sa iba ng kanilang kasanayan o propesyon.—Exo 31:2-5; 35:30-35; 36:1; 1Cr 28:19.
Ang iba ay maaaring may matalas na kaunawaan sa kalikasan ng tao, anupat mapagmasid at may kakayahang bumuo ng mahuhusay na konklusyon. Nang mapansin ni David ang paraan ng pagbubulungan ng kaniyang mga lingkod, “napag-unawa” niya na patay na ang kaniyang anak kay Bat-sheba. (2Sa 12:19) Nang takdaan naman ni Rehoboam ng mga mana ang kaniyang mga anak, nakaimpluwensiya sa kaniya ang unawa niya sa kalikasan ng makasalanang tao at sa hilig nito na mainggit at manibugho.—2Cr 11:21-23.
Sa katulad na paraan, may mga tao o mga grupo ng mga tao na maaaring kakitaan ng malaking kaunawaan sa pakikipagkalakalan, anupat isang salik ito upang sila’y magtagumpay at yumaman, gaya ng “lider” ng Tiro. (Eze 28:2, 4) May mga tagapamahala naman na maaaring may unawa sa militar na pakikipagdigma at estratehiya (Isa 10:12, 13) o kaya’y eksperto sa pulitikal na diplomasya. (Dan 8:23) Gayunman, maaaring ang kanilang unawa ay makitid at hindi nagdudulot ng namamalaging pakinabang, gaya sa nabanggit na mga kaso.
Makikita kung gayon na may tinutukoy ang Kasulatan na unawang natatamo sa pamamagitan ng likas na paraan. Gayunman, ang anumang uri ng gayong “pagkaunawa” (syʹne·sis) ng “mga taong matatalino” (sy·ne·toiʹ) sa sanlibutan ay nagiging kamangmangan at walang kabuluhan kung hindi isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. (1Co 1:19, 20, Int) Dahil dito, pangunahin nang inirerekomenda ng Kasulatan ang isang nakahihigit na unawa, isa na espirituwal, na ang pundasyon ay ang Diyos. Gaano mang paglinang ang gawin ng mga tao sa mga yaman ng planetang Lupa, galugarin man nila ang kalaliman nito at ang kalaliman ng karagatan o pag-aralan man nila ang kalangitan, kung sa kanilang sariling mga pagsisikap lamang ay hindi nila kailanman masusumpungan ang “kinaroroonan ng pagkaunawa” at ang karunungan na umaakay tungo sa matagumpay na buhay taglay ang katuwiran at kaligayahan. (Job 28:1-21, 28) Ang gayong pagkaunawa ay ‘mas mabuti kaysa sa pilak’ at makapagdudulot ito ng minimithing kinabukasan na hindi maibibigay ng lumilipas na mga kayamanan at karangalan ng sanlibutan.—Kaw 16:16, 22; 23:4, 5; Aw 49:6-8, 14, 20.
Kaugnayan sa Kaalaman at Karunungan. Ang unawa ay dapat na nakasalig sa kaalaman, at tumutulong ito sa kaalaman, bagaman ito mismo ay higit pa sa basta kaalaman lamang. Malaki ang epekto ng dami at kalidad ng kaalaman ng isang tao sa lawak at halaga ng kaniyang unawa. Ang kaalaman ay ang kabatiran sa mga bagay-bagay, at ang pinakadakila at pinakapangunahing mga katotohanan ay nauugnay sa Diyos, sa kaniyang pag-iral, sa kaniyang di-mahahadlangang layunin, at sa kaniyang mga daan. Sa pamamagitan ng unawa, naiuugnay ng isang tao sa layunin at mga pamantayan ng Diyos ang kaalamang natatamo niya, at sa gayo’y nasusuri o natataya niya ang kahalagahan ng gayong kaalaman. Ang “pusong may unawa ay yaong naghahanap ng kaalaman.” Hindi ito nasisiyahan sa mababaw na pangmalas lamang kundi sinisikap nitong makuha ang kabuuang larawan. (Kaw 15:14) Ang kaalaman ay dapat na maging ‘kaiga-igaya sa mismong kaluluwa ng isa’ upang maingatan siya ng kaunawaan laban sa katiwalian at panlilinlang.—Kaw 2:10, 11; 18:15; tingnan ang KAALAMAN.
Ipinakikita ng Kawikaan 1:1-6 na ang “taong may unawa ang siyang nagtatamo ng mahusay na patnubay, upang makaunawa ng kawikaan at ng palaisipang kasabihan, ng mga salita ng mga taong marurunong at ng kanilang mga bugtong.” Malamang na ang mga ito ay hindi mga bagay na sinasabi upang magpalipas lamang ng oras sa isang walang-saysay na usapan, yamang karaniwan nang hindi mag-aaksaya ng panahon sa gayong paraan ang mga taong marurunong. Sa halip, malamang na ang mga ito ay tumutukoy sa mga tagubilin, mga tanong, at mga palaisipan na dumidisiplina at sumasanay sa isip at puso ayon sa tamang mga simulain, sa gayo’y sinasangkapan yaong nag-aaral para sa pagkilos nang may karunungan sa hinaharap. (Ihambing ang Aw 49:3, 4.) Ang resulta ng pinagsamang kaalaman at pagkaunawa ay karunungan, na siyang “pangunahing bagay,” yamang ito’y ang kakayahang gumamit ng natamong mga kaalaman at ng matalas na pagkaunawa upang matagumpay na malutas ang mga suliranin. (Kaw 4:7) Ang taong may tamang motibo ay naghahangad ng unawa, hindi dahil lamang sa pag-uusisa o upang itanyag ang kaniyang sarili, kundi sa layuning makakilos siya nang may karunungan; ‘ang karunungan ay nasa harap ng kaniyang mukha.’ (Kaw 17:24; tingnan ang KARUNUNGAN.) Hindi siya katulad ng mga tao noong mga araw ng apostol na si Pablo na nag-aastang mga guro ng iba ngunit mga “nagmamalaki, na walang anumang nauunawaan,” anupat may-kamangmangan nilang hinayaan na sila’y maging mga “may sakit sa isip may kinalaman sa mga pagtatanong at mga debate tungkol sa mga salita,” mga bagay na nagbubunga ng kawalan ng pagkakaisa at ng napakaraming masasamang resulta.—1Ti 6:3-5.
Pagtatamo ng Tunay na Pagkaunawa. Ang taong naghahangad ng tunay na pagkaunawa ay nananalangin sa Diyos: “Ipaunawa mo sa akin, upang matupad ko ang iyong kautusan at upang maingatan ko iyon nang buong puso . . . upang manatili akong buháy.” (Aw 119:34, 144, gayundin sa 27, 73, 125, 169) Ito ang tamang motibo. Ipinanalangin ng apostol na ang mga Kristiyanong taga-Colosas ay ‘mapuspos nawa ng tumpak na kaalaman sa kalooban ng Diyos nang may buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa [sy·neʹsei], sa layuning lumakad nang karapat-dapat kay Jehova.’—Col 1:9, 10.
Ang edad at karanasan ay likas na mga salik na makatutulong sa isa na magkaroon ng higit na unawa. (Job 12:12) Gayunman, hindi edad at karanasan ang pangunahing mga salik. Ipinagmapuri ng mga mang-aaliw ni Job ang unawang taglay nila at ng kanilang matatanda nang mga kasamahan, ngunit sinaway sila ng nakababatang si Elihu. (Job 15:7-10; 32:6-12) Si Jehova, ang “Sinauna sa mga Araw” (Dan 7:13), ay nagtataglay ng unawa na malayong nakahihigit sa unawa ng buong sangkatauhan, na may mga araw na sumasaklaw lamang ng ilang libong taon at ni hindi nakauunawa kung paano nabuo ang planetang kanilang tinitirhan. (Job 38:4-13, 21) Kaya nga, ang nasusulat na Salita ng Diyos ay isang pangunahing paraan para sa pagtatamo ng unawa.—Aw 119:130.
Dapat na maingat na pag-isipan ng mga bata at mga kabataan ang mga tagubilin ng kanilang nakatatanda at mas makaranasang mga magulang, lalo na kung tapat na mga lingkod ng Diyos ang mga ito. (Kaw 2:1-5; 3:1-3; 4:1; 5:1) Makapagbibigay ng unawa ang seryosong ‘pag-iisíp’ (sa Heb., bin) hinggil sa kasaysayan ng naunang mga salinlahi, at karaniwan nang pamilyar dito ang mga nakatatanda. (Deu 32:7) Dapat na makipagsamahan ang isa, hindi sa “mga walang-karanasan,” kundi sa marurunong, anupat sa wari’y kumakain ng kanilang payo at tagubilin upang ‘patuloy na mabuhay, at lumakad nang tuwid sa daan ng pagkaunawa.’ (Kaw 9:5, 6) Sa pamamagitan ng pakikinig at ng pagmamasid, nakaiiwas ang isang tao sa pagiging walang-muwang at mapaniwalain, ‘nauunawaan niya ang katalinuhan,’ at naiiwasan din niya ang maraming mapapait na karanasan.—Kaw 8:4, 5.
Ang masikap na pag-aaral at pagkakapit ng Salita ng Diyos at ng kaniyang mga utos ay makatutulong sa isang tao na magtaglay ng mas malaking kaunawaan kaysa sa kaniyang mga guro at higit na unawa kaysa sa matatandang lalaki. (Aw 119:99, 100, 130; ihambing ang Luc 2:46, 47.) Ito’y sapagkat ang karunungan at unawa, sa diwa, ay nakalakip sa dalisay na mga tuntunin at mga hudisyal na batas ng Diyos; kaya nga kung may-katapatang susundin ng Israel ang mga ito, magiging dahilan ito upang malasin sila ng nakapalibot na mga bansa bilang “isang bayan na marunong at may unawa.” (Deu 4:5-8; Aw 111:7, 8, 10; ihambing ang 1Ha 2:3.) Kinikilala ng taong may unawa na hindi dapat labagin ang Salita ng Diyos, nais niyang makitang kaayon nito ang kaniyang landasin, at hinihiling niya ang tulong ng Diyos ukol dito. (Aw 119:169) Hinahayaan niyang mag-ugat sa kaniya nang malalim ang mensahe ng Diyos (Mat 13:19-23), isinusulat niya ito sa tapyas ng kaniyang puso (Kaw 3:3-6; 7:1-4), at nalilinang niya sa kaniyang sarili ang pagkapoot sa “bawat landas ng kabulaanan” (Aw 119:104). Noong narito sa lupa ang Anak ng Diyos, nagpakita siya ng unawa sa ganitong paraan, anupat hindi man lamang niya sinikap na iwasan ang kamatayan sa tulos dahil kailangan siyang mamatay sa gayong paraan upang matupad ang Kasulatan.—Mat 26:51-54.
Mahalaga ang panahon at pagbubulay-bulay. Kadalasan, ang taong “padalus-dalos” ay hindi ‘nagbubulay-bulay [o maingat na nagtutuon ng pansin; isang anyo ng Heb. na bin] ng kaalaman.’ (Isa 32:4; ihambing ang Kaw 29:20.) Karaniwan namang alam ng taong may unawa kung kailan mananatiling tahimik (Kaw 11:12), hindi siya nagsasalita nang pabigla-bigla, at nananatili siyang mahinahon kahit uminit ang usapan. (Kaw 14:29; 17:27, 28; 19:11; Job 32:11, 18; ihambing ang San 3:13-18.) Binubulay-bulay niya ang payo upang matiyak niya ang kahulugan ng mga salita at mensahe nito. (Job 23:5; Aw 49:3) Nagtatanong siya sa layuning maunawaan ang mga paliwanag hinggil sa mga bagay-bagay upang malaman niya ang sanhi ng tagumpay o ng kabiguan, ng pagpapala o ng sumpa ng Diyos, at minumuni-muni niya ang magiging kahahantungan ng bawat landasin. (Aw 73:2, 3, 16-18; Jer 2:10-19; ihambing ang Isa 44:14-20.) Hindi ito ginawa ng Israel at hindi nila pinag-isipan sa kanilang puso kung ano ang “kanilang [magiging] huling wakas.”—Deu 32:28-30.
Tumatanggap ng disiplina. Ang pagmamapuri, pagkasutil, paggigiit ng sarili, at pagsasarili ay mga kaaway ng unawa. (Jer 4:22; Os 4:14, 16) Hindi ipinapalagay ng taong may tunay na unawa na alam niya ang lahat ng bagay. Kaya naman ang Kawikaan 19:25 ay nagsasabi, “Dapat na sawayin ang may-unawa, upang makilala niya ang kaalaman.” (Ihambing ang Job 6:24, 25; Aw 19:12, 13.) Palibhasa’y isa siyang taong may unawa, handa siyang makinig, nauunawaan niya ang dahilan ng pagsaway, at nakikinabang siya rito nang higit kaysa sa isang hangal na sinaktan nang isang daang ulit.—Kaw 17:10; ihambing ang 29:19.
Pagkaunawa sa Hula. Ang kinasihang makahulang mga mensahe ay nauunawaan lamang niyaong mga nilinis na mapagpakumbabang nananalangin ukol sa unawa. (Dan 9:22, 23; 10:12; 12:10) Bagaman maaaring matukoy ang pangkalahatang yugto ng panahon ng katuparan ng mga iyon, ang lubusang kaunawaan hinggil sa kung paano kumakapit ang hula ay maaaring kailangan pang maghintay hanggang sa takdang panahon ng Diyos para sa pagsasakatuparan nito. (Dan 8:17; 10:14; 12:8-10; ihambing ang Mar 9:31, 32; Luc 24:44-48.) Yaong mga naglalagak ng kanilang tiwala sa mga tao at humahamak sa kapangyarihan ng Diyos at nagwawalang-halaga sa kaniyang layunin bilang isang salik na nararapat isaalang-alang ay hindi nakauunawa sa mga hula, at nananatili silang bulag sa kahulugan ng mga ito hanggang sa magsimula nang sumapit sa kanila ang kapaha-pahamak na mga epekto ng katuparan ng mga ito.—Aw 50:21, 22; Isa 28:19; 46:10-12.