“Huwag Magulumihanan ang Inyong Puso”
“Huwag magulumihanan ang inyong puso. Magsisampalataya kayo sa Diyos, magsisampalataya rin kayo sa akin.”—JUAN 14:1.
1. Bakit ang mga salita ni Jesus sa Juan 14:1 ay lubhang napapanahon?
NOON ay Nisan 14 ng taóng 33 C.E. Isang munting grupo ng mga lalaki ang nagkakatipon sa isang pang-itaas na silid sa Jerusalem pagkalubog ng araw. Ang kanilang Lider ay nagbibigay sa kanila ng pahimakas na payo at pampatibay-loob. Sa isang bahagi sinabi niya: “Huwag magulumihanan ang inyong puso.” (Juan 14:1) Ang kaniyang mga salita ay lubhang napapanahon, sapagkat sa lalong madaling panahon ay nakatakdang maganap ang nakagigimbal na mga pangyayari. Nang gabing iyon ay inaresto siya, nilitis, at hinatulan na mamatay.
2. Bakit ang araw na iyon ay napakahalaga, at ano ang tumulong sa mga alagad?
2 May mabuting dahilan ka na malasin ang araw na iyon bilang ang napakahalagang araw sa kasaysayan, na may epekto sa buong kinabukasan ng sangkatauhan. Ang sakripisyong kamatayan ng Lider, si Jesus, ang tumupad ng maraming sinaunang mga hula at nagsilbing saligan para sa buhay na walang-hanggan ng mga sumasampalataya sa kaniya. (Isaias 53:5-7; Juan 3:16) Subalit ang mga apostol, palibhasa’y nabigla at nalito dahil sa nakapanlulumong mga pangyayari nang gabing iyon, ay nagulumihanan at nangatakot nang kaunting panahon. Itinatuwa pa mandin ni Pedro si Jesus. (Mateo 26:69-75) Subalit, nang matanggap na ng tapat na mga apostol ang ipinangakong pantulong, ang banal na espiritu, sila’y naging matapang at nawalan ng pangamba. (Juan 14:16, 17) Kaya naman, nang si Pedro at si Juan ay makaranas ng matinding pananalansang at dakpin, sila’y nanalangin sa Diyos na tulungan sila sa paghahayag ng kaniyang salita “nang buong katapangan.” Sinagot ang kanilang panalangin.—Gawa 4:1-3, 29-31.
3. Bakit napakaraming mga tao ang lubhang nababagabag sa ngayon?
3 Sa ngayon, tayo’y nabubuhay sa isang daigdig na lubhang nababagabag. Ang wakas ng matandang sistemang ito ng mga bagay ay mabilis na papalapit. (2 Timoteo 3:1-5) Milyun-milyon ang personal na apektado o totoong nababagabag dahilan sa malubhang pagguho ng buhay pampamilya at ng mga pamantayang-asal, sa nakababahalang pagdami ng kakatuwang mga sakit, sa kawalang kapanatagang pulitika, sa kawalang hanapbuhay, kakapusan sa pagkain, terorismo, at sa banta ng digmaang nuklear. Maraming puso ang nagugulumihanan dahilan sa lumiligalig na pangamba sa hinaharap. Gaya ng inihula ni Jesus, “nanggigipuspos ang mga bansa . . . samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.”—Lucas 21:25, 26.
4. Anong mga bagay ang maaaring maging dahilan ng kaigtingan sa mga Kristiyano?
4 Maging ang mga Kristiyano man ay maaaring malubhang maapektuhan ng ganiyang nakapanlulumong mga bagay. Sila’y maaari ring mapaharap sa kaigtingan dahilan sa relihiyosong pag-uusig o sa pananalansang ng mga kamag-anak, mga kapitbahay, mga kasamahan sa trabaho, mga kamag-aral, at mga awtoridad sa pamahalaan. (Mateo 24:9) Kaya paano tayo makapananatiling kalmado, di-nagugulumihanan, sa mga panahong ito ng kahirapan? Paano tayo makapananatiling may kapayapaan ng isip pagka lalong tumindi ang kahirapan? Paano natin mahaharap ang kinabukasan nang may pagtitiwala? Ano ang tutulong sa atin na madaig ang matinding pagkabalisa na nagiging palasak na? Tayo’y nasa kapanahunan na dito kumakapit ang ibinigay ni Jesus na payo sa Juan 14:1, kaya ating suriin ito.
Paano Natin Madadaig ang Pagkabalisa?
5. Anong payo na pampatibay-loob ang ibinibigay sa atin ng Kasulatan?
5 Pagkatapos maibigay ang pampatibay-loob na ‘huwag hayaang magulumihanan ang kanilang puso,’ sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Magsisampalataya kayo sa Diyos, magsisampalataya rin kayo sa akin.” (Juan 14:1) Ang kinasihang Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng maraming nahahawig na mga payo: “Ilagak mo kay Jehova mismo ang iyong pasanin, at siya mismo ang aalalay sa iyo.” “Ihabilin mo kay Jehova ang iyong lakad at tumiwala ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos.” (Awit 55:22; 37:5) Ibinigay ni Pablo sa mga taga-Filipos ang ganitong mahalagang payo: “Huwag kayong mabahala sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan.”—Filipos 4:6, 7.
6, 7. (a) Ano ang isang paraan upang maiwasan ang pagkabalisa? (b) Paano natin mapauunlad ang isang matalik na kaugnayan kay Jehova?
6 Ang pagkabalisa o pagkabahala na likha ng mga problema at mabigat na pananagutan ay nakakaapekto kung minsan sa ating kalusugan at pati na sa ating diwa. Subalit, isang dalubhasang mediko, sa aklat na Don’t Panic, ang nagsasabi: “Kung naipakikipag-usap ng mga tao ang kanilang mga problema sa sinuman na kanilang iginagalang . . . , ang pagkabalisa ay kadalasan nababawasan nang malaki.” Kung totoo iyan tungkol sa pakikipagtalastasan sa kapuwa mo tao, di lalong malaki ang maitutulong ng pakikipag-usap sa Diyos. Kanino pa nga ba tayo makapagkakaroon ng lalong malaking paggalang kundi kay Jehova?
7 Iyan ang dahilan kung bakit ang isang matalik na personal na kaugnayan sa kaniya ay lubhang napakahalaga para sa mga Kristiyano sa ngayon. Alam na alam ito ng maygulang na mga lingkod ni Jehova, kaya’t sila’y nagpapakaingat upang maiwasan ang pakikihalubilo sa mga taong makasanlibutan o ang mga paglilibang na magpapahina ng kanilang kaugnayang iyan. (1 Corinto 15:33) Kanila ring nauunawaan kung gaano kahalaga ang makipag-usap kay Jehova sa panalangin, hindi lamang minsan o makalawa isang araw, kundi madalas. Ang mga kabataan o baguhan pang mga Kristiyano lalo na ang kailangang magpaunlad ng ganitong matalik na kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan ng regular na pag-aaral at pagbubulay-bulay sa kaniyang Salita at sa pamamagitan ng pakikisama sa mga Kristiyano at ng paglilingkuran. Tayo’y hinihimok: “Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo.”—Santiago 4:8.
Ang Payo na Ibinigay ni Jesus
8, 9. Maikakapit natin ang anong positibong payo tungkol sa mga problema sa kabuhayan?
8 Sa maraming bansa, ang kawalang hanapbuhay at paghihirap ng kabuhayan ay malulubhang sanhi ng pagkabalisa. Si Jesus ay nagbigay ng lubhang positibong payo tungkol sa mga pagkabahalang ito: “Huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa kung ano ang inyong kakainin o ano ang inyong iinumin, o tungkol sa inyong mga katawan kung ano ang daramtin. Hindi baga ang kaluluwa’y mahigit kaysa pagkain at ang katawan kaysa pananamit?” (Mateo 6:25) Oo, ang kaluluwa at katawan, o ang buong pagkatao, ay lalong higit na mahalaga kaysa pagkain at pananamit. Ang mga lingkod ng Diyos ay makatitiyak na kaniyang tutulungan sila na magkaroon ng kanilang pangunahing mga pangangailangan. Ganito ang ibinigay ni Jesus na halimbawa: “Masdan ninyong mabuti ang mga ibon sa langit, sapagkat hindi sila naghahasik ni gumagapas man ni nagtitipon man sa mga bangan; gayunma’y pinakakain pa rin ng inyong Ama sa langit. Hindi baga lalong higit ang halaga ninyo sa kanila?” (Mateo 6:26) Hindi mo maiisip na paglalaanan ng Diyos ang mga ibon subalit pababayaan naman niya ang kaniyang mga lingkod na tao, na totoong mahalaga sa kaniya at alang-alang sa kanila inihandog ni Kristo ang kaniyang buhay.
9 Pagkatapos ay pinagtibay pa ito ni Jesus nang banggitin niya ang mga liryo sa parang na hindi nagpapagal ni nagsusulid man, ngunit “si Solomon man sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakagayak na gaya ng isa sa mga ito.” Ang paghahari ni Haring Solomon ay napabantog dahil sa kaningningan niyaon. Pagkatapos ay nagtanong si Jesus nang may pang-aliw: “Hindi baga kayo ay lalong higit na pararamtan [ng Diyos]?”—Mateo 6:28-32; Awit ni Solomon 3:9, 10.
10. (a) Para kanino ang pang-aliw na mga salita ni Jesus? (b) Anong payo ang ibinigay niya tungkol sa hinaharap?
10 Gayunman, nagpatuloy si Jesus at ipinakita niya na ito’y tanging para sa mga ‘humahanap muna sa kaharian at sa kaniyang katuwiran.’ Sa buong daigdig, ang gayong tunay na mga Kristiyano ay nakakaunawa kung ano talaga ang Kaharian at iyon ay inuuna nila sa kanilang buhay. Sa kanila kumakapit ang payo ni Jesus: “Huwag ninyong ikabalisa ang sa araw ng bukas, sapagkat ang araw ng bukas ay mababalisa sa kaniyang sarili. Sapat na para sa bawat araw ang kaniyang sariling kasamaan.” (Mateo 6:33, 34) Sa ibang pananalita, harapin ang bawat problema habang dumarating iyon, at huwag mabahala nang walang dahilan kung tungkol sa hinaharap.
11, 12. Paano nadama ng mga ibang Kristiyano na tinulungan sila ni Jehova bilang tugon sa kanilang mga panalangin?
11 Subalit, karamihan ng tao ay mahilig na mag-alalá tungkol sa hinaharap, lalo na kung ang mga bagay-bagay ay patuloy na sumasamâ. Subalit ang mga Kristiyano ay makalalapit at dapat na lumapit kay Jehova na taglay ang pananampalataya. Nariyan ang kaso ni Eleanor. Malubha ang sakit ng kaniyang asawa, at may isang taon na ito’y hindi makapaghanapbuhay. Siya’y may dalawang maliliit na anak at isang matanda nang ama na inaalagaan, kaya naman hindi siya maaaring maghanapbuhay nang buong panahon. Sila’y nanalangin kay Jehova na tulungan sila. Isang umaga, hindi pa nagtatagal pagkatapos nito, nakakuha sila ng isang sobre sa ilalim ng pinto. Iyon ay may lamáng malaking halaga ng salapi—sapat na panggastos hanggang sa ang asawang lalaki ay makapagtrabaho uli. Ganiyan na lamang ang kanilang pasasalamat dahil sa napapanahong tulong na ito. Wala namang batayan sa Bibliya na ang ganitong karanasan ay mangyayari sa bawat Kristiyanong nasa pangangailangan, subalit matitiyak natin na diringgin ni Jehova ang ating mga panalangin at siya’y may kakayahan naman na tulungan tayo sa iba’t ibang paraan.
12 Isang biyudang Kristiyano sa timugang Aprika ang kinailangan na maghanap ng trabaho upang matustusan ang kaniyang dalawang anak na mga bata pa. Subalit ang matinding hangarin niya ay makapagtrabaho ng kalahating araw lamang upang kaniyang mapag-ukulan sila ng panahon. Pagkatapos na makatagpo siya ng isang trabaho, siya’y napilitang magbitiw nang ipasiya ng manedyer na siya’y nangangailangan ng isang buong-panahong sekretarya. Ngayon na siya’y wala na namang trabaho, ang sister na ito ay taimtim na nananalangin kay Jehova na tulungan siya. Tatlong linggo ang nakalipas, siya’y tinanggap uli ng kaniyang dating manedyer, at pinayagang magtrabaho nang kalahating araw lamang. Anong laki ng kaniyang kagalakan! Kaniyang nadama na sinagot ni Jehova ang kaniyang mga panalangin.
Magsumamo kay Jehova
13. (a) Ano ang ibig sabihin ng “pagsusumamo”? (b) Anong mga halimbawa sa Kasulatan ng pagsusumamo mayroon tayo?
13 Pakisuyong pansinin na pagkatapos ipayo na, “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay,” isinusog naman ni Pablo, “kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan.” (Filipos 4:6) Bakit binanggit ang “pagsusumamo”? Ang ibig sabihin ng salitang iyan ay “taimtim na pagmamakaawa,” o ‘nagmamakaawang panalangin.’ Kasali riyan ang pagmamakaawa sa Diyos nang taimtim na taimtim, gaya kung tayo’y nasa panahon ng malaking pagkabahala o panganib. Nang siya’y isang bilanggo, hiniling ni Pablo sa mga kapuwa Kristiyano na sila’y magsumamo alang-alang sa kaniya upang siya’y walang takot na makapangaral ng “mabuting balita . . . bilang isang embahador na nakagapos.” (Efeso 6:18-20) Ang punong hukbong Romano na si Cornelio ay isa rin na “patuloy na nagsumamo sa Diyos.” Tiyak na siya’y galak na galak nang isang anghel ang nagsabi: “Ang iyong mga panalangin at mga pagkakawanggawa ay napailanlang na isang alaala sa harap ng Diyos”! At anong laking pribilehiyo ang tinamasa niya bilang isa sa mga unang Gentil na pinahiran ng banal na espiritu!—Gawa 10:1-4, 24, 44-48.
14. Paano natin malalaman kung ang taimtim na pagmamakaawa kay Jehova ay dapat gawin nang minsan lamang?
14 Pansinin na ang gayong taimtim na pagmamakaawa kay Jehova ay karaniwan nang hindi minsan lamang ginagawa. Sa kaniyang bantog na Sermon sa Bundok ay nagturo si Jesus: “Patuloy na humingi at kayo’y bibigyan; patuloy na humanap at kayo’y makakasumpong; patuloy na tumuktok, at sa inyo’y bubuksan.” (Mateo 7:7) Ang maraming bersiyon ng Bibliya ay may ganitong pagkakasalin: “Humingi . . . humanap . . . tumuktok.” Subalit ang orihinal na Griego ay naghahatid ng diwa ng patuloy na pagkilos.a
15. (a) Bakit si Nehemias ay malungkot samantalang nagsisilbi ng alak kay Haring Artajerjes? (b) Paanong higit kaysa paghahandog ng maikling panalangin ang ginawa ni Nehemias?
15 Nang si Nehemias ay nagsisilbi sa hari ng Persia na si Artajerjes bilang tagasilbi ng alak, tinanong siya ng hari kung bakit siya’y totoong malungkot. Sinabi ni Nehemias na iyon ay dahilan sa nabalitaan niya na nasa gibang kalagayan ang Jerusalem. Pagkatapos ay nagtanong ang hari: “Ano ba itong iyong hinihingi?” At kapagdaka’y humingi si Nehemias ng tulong kay Jehova, tiyak na maikli, nang hindi nagsasalita. Pagkatapos ay hiniling niyang payagan siyang bumalik sa Jerusalem upang itayong muli ang kaniyang minamahal na bayang tinubuan. Ang kaniyang pakiusap ay pinagbigyan. (Nehemias 2:1-6) Subalit, bago ng napakahalagang pakikipag-usap na iyon, si Nehemias ay gumugol ng mga araw sa pagmamakaawa, pagsusumamo, kay Jehova upang tulungan siya. (Nehemias 1:4-11) Nakikita mo ba ang aral dito para sa iyo?
Sumasagot si Jehova
16. (a) Anong tanging pribilehiyo ang tinamasa ni Abraham? (b) Anong mabibisang tulong mayroon tayo na maaaring kasangkot sa mga kasagutan sa ating mga panalangin?
16 Sa ilang pagkakataon, tinamasa ni Abraham ang pribilehiyo na makipag-usap kay Jehova sa pamamagitan ng mga anghel. (Genesis 22:11-18; 18:1-33) Bagaman hindi nangyayari iyan sa ngayon, tayo ay pinagpala sa pagkakaroon ng mabibisang tulong na wala si Abraham. Isa na rito ang kompletong Bibliya—isang walang pagkaubos na bukal ng patnubay at kaaliwan. (Awit 119:105; Roma 15:4) Napakalimit, nabibigyan tayo ng Bibliya ng patnubay o pampatibay-loob na kailangan natin, tinutulungan tayo ni Jehova na maalaala ang kailangan nating mga talata. Madalas, ang isang concordance o isa sa maraming lathalain sa Bibliya na inilaan ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon ang makapagbibigay sa atin ng sagot. Ang isang detalyado at mahusay na indise sa mga lathalaing ito ay isa pang mahalagang tulong sa paghahanap sa kinakailangang impormasyon.
17. Sa anong mga iba pang paraan maaaring sagutin ni Jehova ang ating mga panalangin, at paano makatutulong ang mababait, madamayin na mga Kristiyano?
17 Kung tayo’y nababagabag sa isang problema o nalulungkot o nasisiraan ng loob, ang mga kasagutan sa ating mga panalangin ay maaaring dumating sa mga ibang paraan. Halimbawa, ang isang pahayag sa Bibliya sa kongregasyon o sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ay baka mayroon niyaong tamang “gamot” na kailangan natin. Kung minsan naman, ang isang pakikipagkuwentuhan sa isang kapuwa Kristiyano ang magbibigay ng kailangan natin. Malimit na ang hinirang na matatanda sa kongregasyon ay makapagbibigay ng pampatibay-loob o payo. Kahit na lamang ang pagsisiwalat ng laman ng ating puso sa isang maygulang, mabait, at madamaying Kristiyano na isang mabuting tagapakinig ay malimit na nagbibigay sa atin ng lalong mabuting pakiramdam. Iyan ay totoo lalung-lalo na kung ang kaibigang ito ay tumutulong sa atin na bulay-bulayin ang mga kaisipan na ang gayong pagpapalitan ng kaisipan ay maaaring makapag-alis ng mabigat na pasanin sa ating isip at puso.—Kawikaan 12:25; 1 Tesalonica 5:14.
18. Anong tanging aktibidad ang makatutulong sa mga Kristiyano na madaig ang mga sandali ng kalungkutan, at paano nakatulong ito sa isang kabataang payunir?
18 Sarisaring anyo ng panlulumo ang karaniwan sa “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan” na ito. (2 Timoteo 3:1) Ang mga tao ay nasisiraan ng loob at nalulumbay dahil sa sarisaring mga kadahilanan. Ito’y maaari rin namang mangyari sa mga Kristiyano at magsilbing isang di kanais-nais na karanasan. Gayunman, marami ang nakaranas na ang pangangaral ng mabuting balita ay tumulong sa kanila upang madaig ang isang pansamantalang pakikipagpunyagi sa kalungkutan.b Nasubukan mo na ba iyan? Pagka nakadarama ka ng medyo pananamlay, subukan mo na makibahagi sa isang anyo ng paglilingkod sa Kaharian. Ang pakikipag-usap sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos ay kadalasan tutulong sa iyo na baguhin mo ang iyong kaisipan buhat sa pagkanegatibo tungo sa pagkapositibo. Ang pakikipag-usap tungkol kay Jehova at paggamit sa kaniyang Salita ay makapagbibigay sa iyo ng kagalakan—isang bunga ng kaniyang espiritu—at madarama mo na ikaw ay naiiba. (Galacia 5:22) Natuklasan din ng isang kabataang payunir na ang pagiging abala sa gawaing pang-Kaharian ay tumulong sa kaniya upang matalos na “kung ihahambing sa ibang mga problema, [ang sa kaniya] ay pagkaliit-liit at pansamantala.”
19. Paano nadaig ng isang Kristiyanong masasakitin ang negatibong mga kaisipan?
19 Kung minsan, ang mahinang kalagayan ng pangangatawan, marahil dinagdagan pa ng mga pagkabalisa o mga problema, ay maaaring humantong sa panlulumo. Dahil dito ang isa ay baka magising kung gabi na nababagabag, gaya ng nangyayari paminsan-minsan sa isang Kristiyanong nasa katanghalian na ng buhay at masasakitin. Subalit kaniyang natuklasan na ang taos-pusong pananalangin ay isang tunay na tulong. Kailanma’t siya’y nagigising na nakakadama ng panlulumo, siya’y tahimik na nananalangin kay Jehova. Hindi nagluluwat at siya’y nagkakaroon ng mabuting pakiramdam. Kaniya ring natuklasan na nakapagpapaginhawa ang ulit-ulitin ang nasasaulo niyang nakakaaliw na mga talata sa Bibliya, tulad halimbawa ng Awit 23. Sa tuwina, ang espiritu ni Jehova, na gumagana bilang tugon sa panalangin o gumagana sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ay tumutulong upang ang nanlulumong isip ay mahalinhan ng isang lalong maligayang isip. Nang magtagal, nagagawa na ng taong iyon na pag-isipan ang kaniyang mga problema na taglay ang timbang at kalmadong pag-iisip, at nakikita niya kung papaano pagtatagumpayan iyon o nagkakaroon siya ng lakas upang pasanin iyon.
20. Bakit kung minsan ang kasagutan sa panalangin ay waring naaantala?
20 Ito ay isang halimbawa kung paanong ang panalangin ay maaaring tumanggap ng kasagutan. Subalit kung minsan ay waring naaantala ang pagkasumpong ng solusyon. Bakit? Baka ang sagot ay kailangang maghintay hanggang sa dumating ang takdang panahon ng Diyos. Lumilitaw na sa mga ilang kaso ang mga nananalangin at humihiling sa kaniya ay pinahihintulutan ng Diyos na ipakita ang tindi ng kanilang pagkabahala, ang laki ng kanilang paghahangad, ang wagas na debosyon nila. Isa sa mga salmista ang nagkaroon ng ganiyang karanasan!—Awit 88:13, 14; ihambing ang 2 Corinto 12:7-10.
21. Bakit isang malaking pribilehiyo ang maging isa sa mga Saksi ni Jehova ngayon, at paano tayo makapagpapakita ng pagpapahalaga?
21 Tunay nga, ang pakikipag-usap sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa panalangin ay isang karanasan na nagpapatibay ng pananampalataya at maaaring hanguin tayo nito buhat sa kawalang pag-asa tungo sa pagtitiwala. Anong laking kaaliwan ang malaman na tayo’y kaniyang dinirinig at siya’y tumutugon! Gaya ng isinulat ni Pablo sa kongregasyon sa Filipos, dapat nating ihandog ang ating mga panalangin at pagsusumamo na “may kasamang pasasalamat.” (Filipos 4:6) Oo, sa araw-araw ay buksan natin ang ating mga puso sa pagpapasalamat kay Jehova at “sa lahat ng bagay ay magpasalamat.” (1 Tesalonica 5:18) Ito’y magdudulot ng isang matalik, at masiglang ugnayan at magdadala sa atin ng kapayapaan. Ang susunod na artikulo ay nagpapakita kung paanong mahalaga ito para sa mga lingkod ni Jehova sa mga panahong ito ng kabagabagan at panganib.
[Mga talababa]
a Kasuwato ng tiyak na pagkasalin ng New World Translation of the Holy Scriptures, ganito ang pagkakasalin ni Charles B. Williams sa talata: “Patuloy na humingi . . . patuloy na humanap . . . patuloy na kumatok, at ang pinto ay bubukas sa iyo.”—The New Testament: A Translation in the Language of the People.
b Ang isang pansamantalang kalungkutan ay naiiba sa matindi, matagal na panlulumo, na isang lalong malubha at masalimuot na kalagayan ng emosyon o isip. Tingnan ang Gumising! ng Oktubre 22, 1987, pahina 3-16.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Anong mga bagay ang maaaring makabagabag sa mga Kristiyano?
◻ Ano ang makatutulong sa atin upang madaig ang pagkabalisa?
◻ Bakit matitiyak ng mga Kristiyano na sila’y tutulungan ng Diyos sa kanilang mga pangunahing pangangailangan?
◻ Ano ang ibig sabihin ng “pagsusumamo,” at paano ipinakikita ng mga nakaraang halimbawa kung paano tumutugon si Jehova?
◻ Sa anong iba’t ibang paraan maaaring sagutin ni Jehova ang ating mga panalangin?
[Larawan sa pahina 12]
‘Pinakakain ng inyong Ama sa langit ang mga ibon. Hindi baga lalong higit ang halaga ninyo sa kanila?’