KAUTUSAN
[sa Ingles, law].
“1. Mga simulain at tuntunin na nagmumula sa isang pamahalaan at kumakapit sa isang grupo ng mga tao, maaaring mga batas o kaugalian at mga patakaran na kinikilala at ipinatutupad sa pamamagitan ng hudisyal na pasiya. 2. Anumang nasusulat o ipinahayag na alituntunin, o kalipunan ng mga alituntunin, na itinakda sa ilalim ng awtoridad ng estado o bansa.” (The American College Dictionary, inedit ni C. L. Barnhart, 1966) “Isang utos ng Diyos o isang pagsisiwalat ng kaniyang kalooban . . . ang buong kalipunan ng mga utos o mga pagsisiwalat ng Diyos: ang kalooban ng Diyos . . . : isang alituntunin ng matuwid na pamumuhay o mabuting paggawi lalo na kapag ipinapalagay na may pagsang-ayon ito ng kalooban ng Diyos, ng budhi o moral na kalikasan, o ng likas na katarungan.”—Webster’s Third New International Dictionary, 1981.
Sa Hebreong Kasulatan, ang salitang “kautusan” ay pangunahin nang isinasalin mula sa salitang Hebreo na toh·rahʹ, nauugnay sa pandiwang ya·rahʹ, nangangahulugan namang “pumatnubay, magturo, magtagubilin.” Sa ilang kaso, isinasalin ito mula sa terminong Aramaiko na dath. (Dan 6:5, 8, 15) Sa King James Version, ang iba pang mga salita na isinasalin bilang “kautusan” ay mish·patʹ (hudisyal na pasiya, hatol, paghatol, kahatulan), at mits·wahʹ (utos). Sa Griegong Kasulatan, ang salitang noʹmos, mula sa pandiwang neʹmo (mamigay, mamahagi), ay isinasaling “kautusan.”
Tinutukoy ang Diyos na Jehova bilang ang Pinagmumulan ng kautusan, ang Kataas-taasang Tagapagbigay-Kautusan (Isa 33:22), ang Soberano, na nag-aatas ng awtoridad (Aw 73:28; Jer 50:25; Luc 2:29; Gaw 4:24; Apo 6:10), anupat kung hindi niya ipahihintulot o hindi niya papayagan ay walang iba na makahahawak ng awtoridad. (Ro 13:1; Dan 4:35; Gaw 17:24-31) Ang kaniyang trono ay nakatatag sa katuwiran at kahatulan. (Aw 97:1, 2) Ang ipinahayag na kalooban ng Diyos ay nagiging kautusan sa kaniyang mga nilalang.—Tingnan ang USAPIN SA BATAS.
Kautusan sa mga Anghel. Bagaman nakatataas sa mga tao, ang mga anghel ay sakop ng kautusan at mga utos ng Diyos. (Heb 1:7, 14; Aw 104:4) Binigyan pa nga ni Jehova ng utos at restriksiyon ang kaniyang kalaban na si Satanas. (Job 1:12; 2:6) Kinilala at iginalang ni Miguel na arkanghel ang posisyon ni Jehova bilang Kataas-taasang Hukom nang sabihin niya noong nakikipagtalo siya sa Diyablo: “Sawayin ka nawa ni Jehova.” (Jud 9; ihambing ang Zac 3:2.) Inilagay naman ng Diyos na Jehova sa ilalim ng awtoridad ng niluwalhating si Jesu-Kristo ang lahat ng mga anghel. (Heb 1:6; 1Pe 3:22; Mat 13:41; 25:31; Fil 2:9-11) Kaya naman sa utos ni Jesus, isang anghelikong mensahero ang isinugo kay Juan. (Apo 1:1) Gayunman, sa 1 Corinto 6:3, binabanggit ng apostol na si Pablo na ang espirituwal na mga kapatid ni Kristo ay inatasang humatol sa mga anghel, maliwanag na dahil sa paanuman ay makikibahagi sila sa paglalapat ng kahatulan sa mga balakyot na espiritu.
Kautusan, o Batas, ng Paglalang ng Diyos. Sa Webster’s Third New International Dictionary, ang isa sa mga ibinibigay na katuturan ng kautusan ay “ang namamasdang kawalang-pagbabago ng kalikasan.” Bilang Maylalang ng lahat ng bagay sa langit at sa lupa (Gaw 4:24; Apo 4:11), nagtatag si Jehova ng mga kautusan, o mga batas, na umuugit sa lahat ng mga bagay na nilalang. Binabanggit sa Job 38:10 ang isang “tuntunin” sa dagat; binabanggit naman sa Job 38:12 na ‘inuutusan ang umaga’; at itinatawag-pansin ng Job 38:31-33 ang mga konstelasyon ng mga bituin at “ang mga batas ng langit.” Sinasabi rin sa kabanatang ito na ang Diyos ang namamahala sa liwanag, niyebe, graniso, ulap, ulan, hamog, at kidlat. Sa pagpapatuloy sa kabanata 39 hanggang 41, ipinakikita ang pangangalaga ng Diyos para sa kaharian ng mga hayop, at sinasabi na ang pagsilang, mga siklo ng buhay, at mga ugali ng mga hayop ay dahil sa mga tuntuning itinatag ng Diyos, hindi dahil sa anumang pakikibagay nila sa mga kalagayan sa proseso ng ebolusyon. Sa katunayan, noong lalangin niya ang mga anyo ng buhay, inilakip ng Diyos ang kautusan, o batas, na ang bawat isa ay magluluwal “ayon sa uri nito,” anupat imposibleng maganap ang ebolusyon. (Gen 1:11, 12, 21, 24, 25) Ang tao rin ay nagluwal ng mga anak “ayon sa kaniyang wangis, ayon sa kaniyang larawan.” (Gen 5:3) Sa Awit 139:13-16, tinutukoy ang paglaki ng sanggol sa bahay-bata mula sa kaniyang pagkabinhi, anupat ang mga bahagi nito ay nakatala na ‘sa aklat ni Jehova’ bago pa man aktuwal na umiral ang alinman sa mga iyon. Inilalarawan ng Job 26:7 na “ibinibitin [ni Jehova] ang lupa sa wala.” Kinikilala ng mga siyentipiko sa ngayon na ang posisyon ng lupa sa kalawakan ay pangunahin nang dahil sa inter-aksiyon ng batas ng grabidad at ng batas ng puwersang centrifugal.
Kautusan kay Adan. Sa hardin ng Eden, inutusan ng Diyos sina Adan at Eva may kinalaman sa kanilang mga tungkulin na (1) punuin ang lupa, (2) supilin ito, at (3) magkaroon ng kapamahalaan sa lahat ng iba pang mga nilalang sa lupa, dagat, at himpapawid. (Gen 1:28) Binigyan sila ng mga kautusan hinggil sa kanilang pagkain, anupat ipinagkaloob sa kanila ang nagkakabinhing mga pananim at mga bungangkahoy bilang pagkain. (Gen 1:29; 2:16) Gayunman, binigyan si Adan ng isang utos na nagbabawal sa pagkain mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama (Gen 2:17); itinawid kay Eva ang utos na ito. (Gen 3:2, 3) Tinutukoy si Adan bilang isa na sumalansang at nagkamali sapagkat nilabag niya ang isang ipinahayag na kautusan.—Ro 5:14, 17; 4:15.
Mga Kautusan kay Noe; Kautusan ng mga Patriyarka. Binigyan si Noe ng mga utos na may kaugnayan sa pagtatayo ng arka at sa pagliligtas sa kaniyang pamilya. (Gen 6:22) Pagkatapos ng Baha, binigyan siya ng mga kautusan na nagpahintulot sa tao na kumain ng karne; nagpahayag na sagrado ang buhay at samakatuwid ay pati ang dugo, na kinaroroonan ng buhay; nagbawal sa pagkain ng dugo; humatol sa pagpaslang; at nagtatag sa kaparusahang kamatayan para sa krimeng ito.—Gen 9:3-6.
Ang patriyarka noon ay isang ulo at tagapamahala ng pamilya. Tinutukoy si Jehova bilang ang dakilang Ulo ng Pamilya, o Patriyarka, ang “Ama, na siyang pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa.” (Efe 3:14, 15) Sina Noe, Abraham, Isaac, at Jacob ay namumukod-tanging mga halimbawa ng mga patriyarka. Sila’y pinakitunguhan ni Jehova sa pantanging paraan. Inutusan si Abraham na tuliin ang lahat ng mga lalaki sa kaniyang sambahayan bilang isang tanda ng tipan ng Diyos sa kaniya. (Gen 17:11, 12) Tinupad niya ang “mga utos,” “mga batas,” at “mga kautusan” ni Jehova. Alam niya ang daan ni Jehova upang isagawa ang katuwiran at kahatulan at ibinigay niya sa kaniyang sambahayan ang mga utos na ito.—Gen 26:4, 5; 18:19.
Sa kalakhang bahagi, ang mga kautusang umuugit noon sa mga patriyarka ay nauunawaan din ng mga bansa noong panahong iyon at bahagyang maaaninag sa kanilang mga kautusan, yamang ang lahat ng mga bansang ito ay nagmula sa tatlong anak ng patriyarkang si Noe. Halimbawa, alam ng Paraon ng Ehipto na maling kunin ang asawa ng ibang lalaki (Gen 12:14-20), gaya rin ng mga hari ng mga Filisteo sa mga kaso ni Sara at ni Rebeka.—Gen 20:2-6; 26:7-11.
Noong mga araw ni Moises, ang mga Israelita ay nasa pagkaalipin sa Ehipto. Kusang-loob silang pumasok sa Ehipto noong buháy pa si Jacob ngunit inalipin sila pagkamatay ng anak ni Jacob, ang punong ministro na si Jose. Kaya sa diwa, ipinagbili sila sa pagkaalipin nang walang kapalit. Kasuwato ng patriyarkal na kautusan hinggil sa pagtubos at sa priyoridad ng panganay na anak, sinabi ni Jehova kay Paraon sa pamamagitan ng bibig nina Moises at Aaron: “Ang Israel ay aking anak, ang aking panganay. At sinasabi ko sa iyo: Payaunin mo ang aking anak upang makapaglingkod siya sa akin. Ngunit kung tatanggi kang payaunin siya, narito, papatayin ko ang iyong anak, ang iyong panganay.” (Exo 4:22, 23) Hindi kailangan ang anumang halagang pantubos para sa pagpapalayang ito, ni binigyan man ang Ehipto ng anumang pantubos. At nang lisanin ng mga Israelita ang kanilang mapang-aliping mga panginoon, ang mga Ehipsiyo, “binigyan ni Jehova ng lingap ang bayan sa paningin ng mga Ehipsiyo, anupat ipinagkaloob sa kanila ng mga ito ang anumang hingin nila; at sinamsaman nila ang mga Ehipsiyo.” (Exo 3:21; 12:36) Pumasok sila sa lupain taglay ang pagsang-ayon ng Paraon, hindi bilang mga bihag sa digmaan na maaaring alipinin, kundi bilang malalayang tao. Di-makatarungan ang ginawang pang-aalipin sa kanila, kaya maliwanag na tinitiyak lamang ni Jehova na bibigyan naman sila ng kabayarang kapalit ng kanilang pagpapagal.
Pinananagot ang pamilya kapag lumabag sa kautusan ang indibiduwal na mga miyembro nito. Ang patriyarkang ulo ang kinatawan na mananagot; sa kaniya isinisisi ang mga kamalian ng kaniyang pamilya at hinihilingan siyang parusahan ang indibiduwal na mga manggagawa ng kamalian sa pamilya.—Gen 31:30-32.
Pag-aasawa at pagkapanganay. Mga magulang ang nagsasaayos ng pag-aasawa ng kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae. (Gen 24:1-4) Pangkaraniwan ang pagbabayad ng dote. (Gen 34:11, 12) Sa mga mananamba ni Jehova, ang pakikipag-asawa sa mga mananamba sa idolo ay isang pagsuway at laban sa mga kapakanan ng pamilya.—Gen 26:34, 35; 27:46; 28:1, 6-9.
Ang pagkapanganay ay inilalaan para sa panganay, anupat kaniya ito dahil sa pagmamana. Kalakip dito ang pagtanggap ng dobleng bahagi sa mga ari-arian. Gayunman, maaari itong isalin sa ibang tao ng ulo ng pamilya, ang ama. (Gen 48:22; 1Cr 5:1) Karaniwan na, ang pinakamatandang anak na lalaki ang nagiging patriyarkang ulo kapag namatay ang ama. Kapag nakapag-asawa na sila, ang mga anak na lalaki ay maaaring magtatag ng mga sambahayan na hiwalay sa pagkaulo ng kanilang ama at maaari na rin silang maging mga ulo ng pamilya.
Moralidad. Ang pakikiapid ay kadusta-dusta at marapat parusahan, lalo na sa kaso ng mga magkatipan o mga taong may asawa (pangangalunya). (Gen 38:24-26; 34:7) Isinasagawa naman ang pag-aasawa bilang bayaw kapag namatay ang isang lalaki na walang anak. Kung magkagayon, pananagutan ng kaniyang kapatid na kunin ang balo bilang asawa nito, at ang panganay na anak sa pag-aasawang ito ang magmamana sa ari-arian ng lalaking namatay at magpapanatili ng kaniyang pangalan.—Deu 25:5, 6; Gen 38:6-26.
Ari-arian. Karaniwan na, waring hindi nagmamay-ari ng mga ari-arian ang mga indibiduwal, maliban sa ilang personal na gamit; ang lahat ng mga kawan, mga kagamitan sa sambahayan, at mga kasangkapan ay pag-aari ng buong pamilya.—Gen 31:14-16.
Salig sa kaugnay na katibayan ng kasaysayan, naniniwala ang ilang iskolar na, kapag isinasalin ang isang lupain, ang lupain ay ipinakikita sa bumibili mula sa isang magandang puwesto, anupat tinutukoy ang eksaktong mga hangganan nito. Kapag sinabi ng bumibili, “Nakikita ko,” ipinahihiwatig niya na legal niyang tinatanggap iyon. Nang ipangako ni Jehova kay Abraham na tatanggapin nito ang lupain ng Canaan, sinabihan muna si Abraham na tumingin sa lahat ng apat na direksiyon. Hindi sinabi ni Abraham, “Nakikita ko,” marahil ay dahil sinabi ng Diyos na ibibigay niya ang Lupang Pangako sa binhi ni Abraham, anupat sa dakong huli pa iyon. (Gen 13:14, 15) Si Moises, bilang legal na kinatawan ng Israel, ay sinabihang “tingnan” ang lupain, anupat, kung tama ang pangmalas na katatalakay pa lamang, ipinahihiwatig nito na ang lupain ay legal na isinalin sa Israel, upang kunin nila iyon sa pangunguna ni Josue. (Deu 3:27, 28; 34:4; isaalang-alang din ang alok ni Satanas kay Jesus sa Mat 4:8.) Ang isa pang pagkilos na waring may katulad na legal na kahulugan ay: paglakad sa buong lupain o pagpasok dito sa layuning ariin ito. (Gen 13:17; 28:13) Sa ilang sinaunang dokumento, ang bilang ng mga punungkahoy na nasa isang piraso ng lupain ay nakatala sa bawat bilihan ng lupa.—Ihambing ang Gen 23:17, 18.
Pag-iingat. Kasangkot ang legal na pananagutan kapag nangako ang isang indibiduwal na iingatan o ‘babantayan’ niya ang isang tao, hayop, o bagay. (Gen 30:31) Bilang panganay ni Jacob, si Ruben ang may pananagutan sa pagkawala ni Jose. (Gen 37:21, 22, 29, 30) Dapat na pangalagaang mabuti ng tagapag-ingat yaong nasa kaniyang pangangasiwa. Kailangan niyang palitan ang mga hayop na ninakaw, ngunit hindi yaong mga hayop na basta na lamang namatay o nawala dahil sa mga pangyayaring hindi niya kontrolado, gaya ng paglusob ng mga nasasandatahang magnanakaw ng mga tupa. Kung ang isang alagang hayop ay mapatay ng isang mabangis na hayop, kailangang magpakita ng katibayan na nilapa nga ang hayop na iyon upang maalisan ng pananagutan ang tagapag-ingat.—Gen 37:12-30, 32, 33; Exo 22:10-13.
Mga alipin. Ang mga alipin ay maaaring binili o maaaring naging alipin dahil isinilang sila sa mga magulang na alipin. (Gen 17:12, 27) Ang mga alipin ay maaaring magtamasa ng napakarangal na posisyon sa sambahayan ng patriyarka, gaya sa kaso ng lingkod ni Abraham na si Eliezer.—Gen 15:2; 24:1-4.
Kautusan ng Diyos sa Israel—Ang Kautusan ni Moises. Noong 1513 B.C.E., sa Ilang ng Sinai, ibinigay ni Jehova sa Israel ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises na naging tagapamagitan. Noong pinapasinayaan ang Kautusan sa Bundok Horeb, nagkaroon ng isang kasindak-sindak na pagtatanghal ng kapangyarihan ni Jehova. (Exo 19:16-19; 20:18-21; Heb 12:18-21, 25, 26) Binigyang-bisa ang tipan sa pamamagitan ng dugo ng mga toro at mga kambing. Naghandog naman ang bayan ng mga handog na pansalu-salo, at narinig nila nang basahin sa kanila ang aklat ng tipan, pagkatapos ay sumang-ayon silang maging masunurin sa lahat ng sinalita ni Jehova. Inilakip sa Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang marami sa mas naunang mga kautusan ng mga patriyarka.—Exo 24:3-8; Heb 9:15-21; tingnan ang TIPAN.
Ang unang limang aklat ng Bibliya (Genesis hanggang Deuteronomio) ay kadalasang tinutukoy bilang ang Kautusan. Kung minsan, ginagamit ang terminong ito upang tumukoy sa buong kinasihang Hebreong Kasulatan. Gayunman, sa pangkalahatan, ipinapalagay ng mga Judio na ang buong Hebreong Kasulatan ay binubuo ng tatlong seksiyon, ang “kautusan ni Moises,” ang “mga Propeta,” at ang “Mga Awit.” (Luc 24:44) Dapat tuparin ng Israel ang mga utos na dumating sa pamamagitan ng mga propeta.
Sa Kautusan, ipinakikilala si Jehova bilang ang ganap na Soberano at, gayundin, bilang Hari sa isang pantanging paraan. Yamang si Jehova ay kapuwa Diyos at Hari ng Israel, ang pagsuway sa Kautusan ay kapuwa isang relihiyosong paglabag at lèse-majesté, isang pagkakasala laban sa Ulo ng Estado, na sa kasong ito ay laban sa Haring si Jehova. Sina David, Solomon, at ang kanilang mga kahalili sa trono ng Juda ay sinasabing nakaupo sa “trono ni Jehova.” (1Cr 29:23) Obligado ang mga taong hari at mga tagapamahala sa Israel na sundin ang Kautusan, at noong sila’y naging mapang-api, sila’y naging mga manlalabag ng kautusan at nanagot sa Diyos. (1Sa 15:22, 23) Magkahiwalay ang pagkahari at ang pagkasaserdote, anupat ang paghihiwalay na ito ay upang magkaroon ng timbang na kapangyarihan at upang maiwasan ang paniniil. Lagi nitong ipinaalaala sa mga Israelita na si Jehova ang kanilang Diyos at tunay na Hari. Nilinaw ng Kautusan ang kaugnayan ng bawat indibiduwal sa Diyos at sa kaniyang kapuwa, at bawat indibiduwal ay maaaring lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng kaayusan ng pagkasaserdote.
Ang Kautusan ay nagbigay ng pagkakataon sa mga Israelita na maging ‘isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa.’ (Exo 19:5, 6) Ang paghiling ng Kautusan ng bukod-tanging debosyon kay Jehova, ang walang-pasubaling pagbabawal nito sa anumang anyo ng haluang pananampalataya, at ang mga tuntunin nito may kinalaman sa relihiyosong kalinisan at pagkain ay nagsilbing isang “pader” anupat naging hiwalay na hiwalay ang bansang ito mula sa ibang mga bansa. (Efe 2:14) Halos imposible para sa isang Judio ang pumasok sa tolda o bahay ng isang Gentil o kumaing kasama ng mga Gentil nang hindi nagiging marumi sa relihiyosong paraan. Sa katunayan, noong nasa lupa si Jesus, ipinapalagay na kahit ang pagpasok sa isang bahay o gusali ng mga Gentil ay nakapagpaparumi sa isang Judio. (Ju 18:28; Gaw 10:28) Ipinagsanggalang din ang kabanalan ng buhay at ang dignidad at karangalan ng pamilya, ng pag-aasawa, at ng indibiduwal. Ang iba pang mga epekto, na maituturing na naging kaakibat na rin ng kanilang pagiging hiwalay sa relihiyon dahil sa tipang Kautusan, ay ang mga kapakinabangan sa kalusugan at ang proteksiyon mula sa mga sakit na karaniwan sa mga bansang nakapalibot sa mga Israelita. Ang mga kautusan hinggil sa moral na kalinisan, pisikal na sanitasyon, at pagkain ay walang alinlangang nag-ingat sa kanilang kalusugan kapag sinusunod nila ang mga ito.
Ngunit gaya ng sinabi ng apostol na si Pablo, ang tunay na layunin ng Kautusan ay “upang mahayag ang mga pagsalansang, hanggang sa dumating ang binhi.” Ito ay isang ‘tagapagturo na umaakay tungo kay Kristo.’ Itinuro nito si Kristo bilang ang tunguhing inaabot (“si Kristo ang wakas ng Kautusan”). Isiniwalat nito na ang lahat ng mga tao, pati mga Judio, ay nasa ilalim ng kasalanan at na hindi maaaring matamo ang buhay sa pamamagitan ng “mga gawa ng kautusan.” (Gal 3:19-24; Ro 3:20; 10:4) Ito ay “espirituwal,” mula sa Diyos, at “banal.” (Ro 7:12, 14) Sa Efeso 2:15, tinatawag itong “ang Kautusan ng mga utos na binubuo ng mga tuntunin.” Isa itong pamantayan ng kasakdalan, anupat ang nakatutupad nito ay minamarkahan bilang sakdal at karapat-dapat sa buhay. (Lev 18:5; Gal 3:12) Yamang hindi kayang tuparin ng mga taong di-sakdal ang Kautusan, ipinakita nito na “ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Ro 3:23) Tanging si Jesu-Kristo ang nakatupad nito nang walang kapintasan.—Ju 8:46; Heb 7:26.
Ang Kautusan ay nagsilbi ring “anino ng mabubuting bagay na darating,” at ang mga bagay na nauugnay rito ay naging “makasagisag na mga paglalarawan,” kaya naman madalas itong banggitin ni Jesus at ng mga apostol upang ipaliwanag ang makalangit na mga bagay at ang mga paksang may kinalaman sa doktrina at paggawing Kristiyano. Samakatuwid, ito ay isang mahalagang larangan na dapat pag-aralan ng mga Kristiyano.—Heb 10:1; 9:23.
Sinabi ni Jesus na ang buong Kautusan ay nakasalalay sa dalawang utos, samakatuwid nga, ibigin ang Diyos at ibigin ang kapuwa. (Mat 22:35-40) Kapansin-pansin na sa aklat ng Deuteronomio (kung saan waring bahagyang binago ang Kautusan upang mapatnubayan nito ang Israel sa bagong mga kalagayan kapag namayan sila sa Lupang Pangako), ang mga salitang Hebreo para sa “ibigin,” “inibig,” at iba pa, ay lumilitaw nang mahigit sa 20 ulit.
Ang Sampung Salita (Exo 34:28), o ang Sampung Utos, ang saligang bahagi ng Kautusan ngunit isinama ang mga ito sa mga 600 iba pang kautusan, na pawang kumakapit sa mga Israelita at dapat nilang sundin. (San 2:10) Nilinaw ng unang apat sa Sampung Utos ang kaugnayan ng tao sa Diyos; nilinaw naman ng ikalima ang kaugnayan niya sa Diyos at sa kaniyang mga magulang; at ang huling lima, ang kaugnayan niya sa kaniyang kapuwa. Maliwanag na ang pagkakasunud-sunod ng huling lima ay ayon sa kalubhaan ng pinsalang idudulot sa kapuwa: pagpaslang, pangangalunya, pagnanakaw, pagpapatotoo nang may kabulaanan, at kaimbutan o sakim na pagnanasa. Dahil sa ikasampung utos, naging katangi-tangi ang Kautusan kung ihahambing sa mga kautusan ng lahat ng iba pang mga bansa sapagkat ipinagbabawal nito ang sakim na pagnanasa, isang utos na sa katunayan ay Diyos lamang ang makapagpapatupad. Ang totoo, tinukoy nito ang dahilan ng paglabag sa lahat ng iba pang mga utos.—Exo 20:2-17; Deu 5:6-21; ihambing ang Efe 5:5; Col 3:5; San 1:14, 15; 1Ju 2:15-17.
Ang Kautusan ay naglalaman ng maraming simulain at pumapatnubay na batas. Binigyan ang mga hukom ng kalayaang siyasatin at isaalang-alang ang mga motibo at saloobin ng mga manlalabag, pati ang mga kalagayan noong mangyari ang paglabag. Kung ang paglabag ay sinadya at ang nagkasala ay walang-galang at di-nagsisisi, tatanggapin niya ang buong kaparusahan. (Bil 15:30, 31) Sa ibang mga kaso, maaaring mas magaan ang hatol na ipapasiya. Halimbawa, bagaman ang isang mamamaslang ay walang-pagsalang papatayin, maaaring tumanggap ng awa ang isang nakapatay nang di-sinasadya. (Bil 35:15, 16) Ang may-ari ng isang toro na may ugaling manuwag ng mga tao at nakapatay ng isang tao ay maaaring patayin; o maaari siyang patawan ng mga hukom ng isang pantubos. (Exo 21:29-32) Maliwanag na may pagkakaiba ang isang nagnakaw nang sinasadya at ang isang nagkasala na kusang-loob na umamin kung kaya magkaiba rin ang parusang sinasabi sa Exodo 22:7 at yaong nasa Levitico 6:1-7.
Kautusan ng Budhi. Ipinakikita ng Bibliya na ang mga tao ay mayroon nito sapagkat ang “kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso.” Yaong mga wala sa ilalim ng tuwirang kautusan mula sa Diyos, gaya ng Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ay ipinakikita bilang “kautusan sa kanilang sarili,” sapagkat “inaakusahan o ipinagdadahilan pa nga” sila ng kanilang mga budhi sa kanilang sariling mga kaisipan. (Ro 2:14, 15) Ang budhing ito ay ipinaaaninag ng maraming makatarungang kautusan ng mga paganong lipunan, palibhasa’y orihinal itong inilakip sa kanilang ninunong si Adan at naipasa sa pamamagitan ni Noe.—Tingnan ang BUDHI.
Sa 1 Corinto 8:7, sinasabi ng apostol na si Pablo na ang kawalan ng tumpak na kaalamang Kristiyano ay maaaring magbunga ng isang mahinang budhi. Ang budhi ay maaaring maging isang mahusay o di-mahusay na giya, depende sa kaalaman at pagsasanay rito ng isang indibiduwal. (1Ti 1:5; Heb 5:14) Maaaring madungisan ang budhi ng isang tao at, kung magkagayon, maaari siyang iligaw nito. (Tit 1:15) Dahil palagi silang kumikilos nang salungat sa budhi, pinangyayari ng ilan na maging tulad ito ng pilat na wala nang pakiramdam, at sa gayon ay hindi na isang mapagkakatiwalaang giya para sundin.—1Ti 4:1, 2.
“Kautusan ng Kristo.” Sumulat si Pablo: “Patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa, at sa gayon ay tuparin ninyo ang kautusan ng Kristo.” (Gal 6:2) Bagaman winakasan ang tipang Kautusan noong Pentecostes, 33 C.E. (“yamang ang pagkasaserdote ay pinapalitan, nagkakaroon din ng pangangailangang palitan ang kautusan”; Heb 7:12), ang mga Kristiyano naman ay nasa “ilalim ng kautusan kay Kristo.” (1Co 9:21) Ang kautusang ito ay tinatawag na ang “sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan,” ang “kautusan ng isang malayang bayan,” ang “kautusan ng pananampalataya.” (San 1:25; 2:12; Ro 3:27) Inihula ng Diyos ang bagong kautusan na iyon sa pamamagitan ng propetang si Jeremias nang tukuyin niya ang isang bagong tipan at ang pagsulat ng kaniyang kautusan sa mga puso ng kaniyang bayan.—Jer 31:31-34; Heb 8:6-13.
Tulad ni Moises na tagapamagitan ng tipang Kautusan, si Jesu-Kristo ang Tagapamagitan ng bagong tipan. Isinulat ni Moises ang Kautusan sa anyong kodigo, ngunit si Jesus ay walang isinulat na anumang kautusan. Nagsalita siya at inilagay niya ang kaniyang kautusan sa isip at puso ng kaniyang mga alagad. Hindi rin nagtala ang kaniyang mga alagad ng mga kautusan na nasa anyong kodigo para sa mga Kristiyano, at hindi nila pinangkat-pangkat ang mga kautusan sa iba’t ibang kategorya. Gayunpaman, ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay punô ng mga kautusan, mga utos, at mga batas na dapat tuparin ng isang Kristiyano.—Apo 14:12; 1Ju 5:2, 3; 4:21; 3:22-24; 2Ju 4-6; Ju 13:34, 35; 14:15; 15:14.
Tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ipangaral ang ‘mabuting balita ng kaharian.’ Ang utos niya ay matatagpuan sa Mateo 10:1-42; Lucas 9:1-6; 10:1-12. Sa Mateo 28:18-20, ibinigay sa mga alagad ni Jesus ang isang bagong utos na humayo, hindi lamang sa mga Judio, kundi sa lahat ng mga bansa, upang gumawa ng mga alagad at bautismuhan sila ng isang bagong bautismo, “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” Sa gayon, taglay ang awtorisasyon mula sa Diyos, si Jesus ay nagturo at nagbigay ng mga utos samantalang nasa lupa siya (Gaw 1:1, 2) at kahit pagkaakyat niya sa langit. (Gaw 9:5, 6; Apo 1:1-3) Ang buong aklat ng Apocalipsis ay naglalaman ng mga hula, mga utos, mga paalaala, at mga tagubilin sa kongregasyong Kristiyano.
Ang “kautusan ng Kristo” ay sumasaklaw sa buong landasin ng buhay at gawain ng isang Kristiyano. Sa tulong ng espiritu ng Diyos, maaaring masunod ng Kristiyano ang mga utos upang mahatulan siya nang may pagsang-ayon ng kautusang iyon, sapagkat “ang kautusan ng espiritung iyon [ang] nagbibigay ng buhay kaisa ni Kristo Jesus.”—Ro 8:2, 4.
“Kautusan ng Diyos.” Binanggit ng apostol na si Pablo na dalawang salik ang nakaiimpluwensiya sa pakikipaglaban ng Kristiyano, sa isang panig ay ang “kautusan ng Diyos,” o “ang kautusan ng espiritung iyon na nagbibigay ng buhay,” at sa kabilang panig naman ay ang “kautusan ng kasalanan,” o ang “kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.” Inilalarawan ni Pablo ang pakikipagbakang ito, anupat sinasabing ang makasalanang laman na nahawahan ng kasalanan ay alipin ng “kautusan ng kasalanan.” “Ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan,” ngunit “ang Diyos, sa pamamagitan ng pagsusugo ng kaniyang sariling Anak sa wangis ng makasalanang laman at may kinalaman sa kasalanan, ay humatol sa kasalanan sa laman.” Sa tulong ng espiritu ng Diyos, ang Kristiyano ay maaaring magwagi sa pakikipaglabang ito—kung mananampalataya siya kay Kristo, anupat pinapatay ang mga gawa ng katawan, at namumuhay ayon sa patnubay ng espiritu—at maaari siyang magtamo ng buhay.—Ro 7:21–8:13.
Kautusan ng Kasalanan at Kamatayan. Ipinaliliwanag ng apostol na si Pablo na, dahil sa kasalanan ng ama ng sangkatauhan na si Adan, “ang kamatayan ay namahala bilang hari” mula kay Adan hanggang sa panahon ni Moises (noong ibigay ang Kautusan) at na inihayag ng Kautusan ang mga pagsalansang kung kaya maaari nang paratangan ang mga tao ng kasalanan. (Ro 5:12-14; Gal 3:19) Ang alituntuning ito, o kautusan ng kasalanan, palibhasa’y gumagana sa di-sakdal na laman, ay may kapangyarihan dito, anupat inihihilig ito tungo sa paglabag sa kautusan ng Diyos. (Ro 7:23; Gen 8:21) Kamatayan naman ang idinudulot ng kasalanan. (Ro 6:23; 1Co 15:56) Hindi makapananaig ang kautusan ni Moises sa pamamahala ng mga haring kasalanan at kamatayan, ngunit darating ang kalayaan at tagumpay dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.—Ro 5:20, 21; 6:14; 7:8, 9, 24, 25.
“Kautusan ng Pananampalataya.” Ang “kautusan ng pananampalataya” ay ipinakikitang naiiba “sa [kautusan ng] mga gawa.” Hindi maaabot ng tao ang katuwiran sa pamamagitan ng sarili niyang mga gawa o ng mga gawa ng Kautusan ni Moises, na para bang natamo niya ang katuwiran bilang kabayaran para sa mga gawa, kundi dumarating ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo. (Ro 3:27, 28; 4:4, 5; 9:30-32) Gayunman, sinasabi ni Santiago na ang gayong pananampalataya ay dapat lakipan ng mga gawa na resulta ng pananampalataya ng isang tao at kasuwato niyaon.—San 2:17-26.
Kautusan ng Asawang Lalaki. Ang isang babaing may asawa ay may pananagutang sumunod sa “kautusan ng kaniyang asawa.” (Ro 7:2; 1Co 7:39) Ang simulain ng pagkaulo ng asawang lalaki ay kapit sa buong organisasyon ng Diyos at matagal nang ipinatutupad sa mga sumasamba sa Diyos gayundin sa maraming iba pang grupo ng mga tao. Hawak ng Diyos ang posisyon ng asawang lalaki sa kaniyang “babae,” “ang Jerusalem sa itaas.” (Gal 4:26, 31; Apo 12:1, 4-6, 13-17) Ang pambansang organisasyon ng mga Judio ay nasa katayuan ng isang asawang babae na ang asawang lalaki ay si Jehova.—Isa 54:5, 6; Jer 31:32.
Sa kautusan ng mga patriyarka, ang asawang lalaki ang di-matututulang ulo ng pamilya, anupat nagpapasakop sa kaniya ang asawang babae, bagaman maaari itong magbigay ng mga mungkahi, depende kung sasang-ayon ang asawang lalaki sa mga ito. (Gen 21:8-14) “Panginoon” ang itinawag ni Sara kay Abraham. (Gen 18:12; 1Pe 3:5, 6) Nagsusuot noon ang babae ng talukbong sa ulo bilang tanda ng pagpapasakop niya sa kaniyang ulong asawang lalaki.—Gen 24:65; 1Co 11:5.
Sa ilalim ng Kautusang ibinigay sa Israel, ang asawang babae ay dapat magpasakop. Maaaring pahintulutan o pawalang-saysay ng kaniyang asawa ang mga panatang binitiwan niya. (Bil 30:6-16) Hindi siya maaaring magmana, kundi isinasalin siya kasama ng lupaing mana, at sakaling ang manang iyon ay tubusin ng isang kamag-anak, kasama rin siya roon. (Ru 4:5, 9-11) Hindi niya maaaring diborsiyuhin ang kaniyang asawang lalaki, ngunit may karapatan ang asawang lalaki na diborsiyuhin ang asawa nito.—Deu 24:1-4.
Sa kaayusang Kristiyano, kahilingan para sa mga babae na kilalanin ang posisyon ng lalaki at huwag itong agawin. Sinasabi ng apostol na si Pablo na ang babaing may asawa ay nasa ilalim ng kautusan ng asawa nito hangga’t ang asawang lalaki ay nabubuhay, ngunit itinatawag-pansin niya na ito’y magiging malaya pagkamatay ng lalaki, anupat hindi ito magiging isang mangangalunya kung muli itong mag-aasawa.—Ro 7:2, 3; 1Co 7:39.
“Makaharing Kautusan.” Wasto lamang na ang “makaharing kautusan” ay maging prominente at mahalaga sa gitna ng iba pang mga kautusan na umuugit sa mga kaugnayan ng isang hari sa mga tao. (San 2:8) Pag-ibig ang buod ng tipang Kautusan; at ang kautusang “iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili” (ang makaharing kautusan) ang ikalawa sa mga utos kung saan nakasalalay ang buong Kautusan at ang mga Propeta. (Mat 22:37-40) Bagaman wala sa ilalim ng tipang Kautusan, ang mga Kristiyano ay sakop ng kautusan ng Haring si Jehova at ng kaniyang Anak, ang Haring si Jesu-Kristo, may kaugnayan sa bagong tipan.
[Kahon sa pahina 52-58]
ILANG BAHAGI NG TIPANG KAUTUSAN
TEOKRATIKONG PAMAHALAAN
Ang Diyos na Jehova ang Kataas-taasang Soberano (Exo 19:5; 1Sa 12:12; Isa 33:22)
Ang hari ay uupo sa “trono ni Jehova,” magiging kinatawan Niya (1Cr 29:23; Deu 17:14, 15)
Ang ibang mga opisyal (mga pinuno ng mga tribo; mga pinuno ng libu-libo, ng daan-daan, ng lima-limampu, at ng sampu-sampu) ay pinili salig sa kanilang takot sa Diyos, gayundin sa kanilang pagiging mapagkakatiwalaan at di-tiwali (Exo 18:21, 25; Bil 1:44)
Dapat pag-ukulan ng paggalang ang lahat ng may bigay-Diyos na awtoridad: mga opisyal, mga saserdote, mga hukom, mga magulang (Exo 20:12; 22:28; Deu 17:8-13)
MGA RELIHIYOSONG PANANAGUTAN
(Ang mga ito ay binuod sa pinakadakilang utos sa Kautusan—ang ibigin si Jehova nang buong puso, pag-iisip, kaluluwa, at lakas; Deu 6:5; 10:12; Mar 12:30)
Kay Jehova lamang dapat iukol ang pagsamba (Exo 20:3; 22:20; Deu 5:7)
Pag-ibig ang dapat na maging motibo sa kaugnayan ng isang tao sa Diyos (Deu 6:5, 6; 10:12; 30:16)
Lahat ay dapat matakot sa Diyos upang huwag silang sumuway sa kaniya (Exo 20:20; Deu 5:29)
Hindi dapat gamitin ang pangalan ng Diyos sa walang-kabuluhang paraan (Exo 20:7; Deu 5:11)
Makalalapit lamang sila sa kaniya sa paraang sinasang-ayunan niya (Bil 3:10; Lev 10:1-3; 16:1)
Lahat ay may pananagutang mangilin ng Sabbath (Exo 20:8-11; 31:12-17)
Pagtitipon para sa pagsamba (Deu 31:10-13)
Lahat ng lalaki ay hinilingang magtipun-tipon nang tatlong ulit sa isang taon: Paskuwa at Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, Kapistahan ng mga Sanlinggo, at Kapistahan ng mga Kubol (Deu 16:16; Lev 23:1-43)
“Lilipulin” ang tao na sadyang nagpabaya sa pangingilin ng Paskuwa (Bil 9:13)
Pagsuporta sa mga saserdote
Ang mga Levita ay tumatanggap ng ikapu, o ikasampu, ng lahat ng ani ng lupain mula sa ibang mga tribo (Bil 18:21-24)
Ang mga Levita ay kailangang magbigay sa mga saserdote ng ikapu na binubuo ng pinakamaiinam sa mga tinanggap nila (Bil 18:25-29)
Paghahandog ng mga hain (Heb 8:3-5; 10:5-10)
Iba’t ibang handog na nakabalangkas sa Kautusan: karaniwang mga handog na sinusunog (Lev kab 1; Bil kab 28), mga handog na pansalu-salo (Lev kab 3; 19:5), mga handog ukol sa kasalanan (Lev kab 4; Bil 15:22-29), mga handog ukol sa pagkakasala (Lev 5:1–6:7), mga handog na mga butil (Lev kab 2), mga handog na inumin (Bil 15:5, 10), mga handog na ikinakaway (Lev 23:10, 11, 15-17)
Ipinagbabawal ang mga gawain ng huwad na relihiyon
Idolatriya (Exo 20:4-6; Deu 5:8-10)
Pagkukudlit ng mga hiwa sa sariling laman para sa patay o paglalagay ng tato sa katawan (Lev 19:28)
Pagtatanim ng punungkahoy bilang sagradong poste (Deu 16:21)
Pagpapasok ng mga bagay na karima-rimarim, nakatalaga sa pagkapuksa, sa bahay ng isa (Deu 7:26)
Pagsasalita ng paghihimagsik laban kay Jehova (Deu 13:5)
Pagtataguyod ng huwad na pagsamba (Deu 13:6-10; 17:2-7)
Paglipat sa huwad na pagsamba (Deu 13:12-16)
Pagtatalaga ng supling sa huwad na mga diyos (Lev 18:21, 29)
Espiritismo, panggagaway (Exo 22:18; Lev 20:27; Deu 18:9-14)
MGA TUNGKULIN NG MGA SASERDOTE
(Sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, ang mga saserdote ay tinutulungan ng mga Levita; Bil 3:5-10)
Ituro ang Kautusan ng Diyos (Deu 33:8, 10; Mal 2:7)
Maglingkod bilang mga hukom, anupat ikinakapit ang kautusan ng Diyos (Deu 17:8, 9; 19:16, 17)
Maghandog ng mga hain para sa bayan (Lev kab 1-7)
Gamitin ang Urim at Tumim upang sumangguni sa Diyos (Exo 28:30; Bil 27:18-21)
PAGIGING MIYEMBRO NG KONGREGASYON NG ISRAEL
Ang pagiging miyembro ng kongregasyon ng Israel ay hindi lamang para roon sa mga ipinanganak sa bansa
Ang mga tao mula sa ibang mga bansa ay maaaring maging mga tinuling mananamba
Ang gayong mga naninirahang dayuhan ay may pananagutang tumupad sa lahat ng kundisyon ng tipang Kautusan (Lev 24:22)
Mga restriksiyon na hahadlang sa pagiging miyembro ng kongregasyon ng Israel
Bawal ang lalaking kinapon na dinurog ang mga bayag o pinutulan ng sangkap ng pagkalalaki (Deu 23:1)
Bawal ang anak sa ligaw o ang kaniyang mga inapo hanggang sa “ikasampung salinlahi” (Deu 23:2)
Bawal ang Ammonita o Moabita (maliwanag na mga lalaki) hanggang sa panahong walang takda, sapagkat hindi sila naging mapagpatuloy sa Israel kundi sinalansang nila ang mga ito noong panahon ng Pag-alis mula sa Ehipto (Deu 23:3-6)
Ang mga anak na ipinanganak sa mga Ehipsiyo “bilang ikatlong salinlahi” ay maaaring tanggapin (Deu 23:7, 8)
SISTEMANG HUDISYAL
(Itinampok ng mga kautusang umuugit sa mga usapin sa batas ang katarungan at awa ni Jehova. Binigyan ang mga hukom ng kalayaang magpakita ng awa, depende sa mga kalagayan. Iningatan din ng mga kautusang ito ang bansa laban sa pagkahawa at pinangalagaan ng mga ito ang kapakanan ng bawat indibiduwal na Israelita)
Mga hukom
Ang mga saserdote, mga hari, at iba pang mga lalaki ay inatasan bilang mga hukom (Exo 18:25, 26; Deu 16:18; 17:8, 9; 1Ha 3:6, 9-12; 2Cr 19:5)
Ang pagtayo sa harap ng mga hukom ay itinuring na pagtayo sa harap ni Jehova (Deu 1:17; 19:16, 17)
Pagdinig sa mga kaso
Ang pangkaraniwang mga kaso ay inihaharap sa mga hukom (Exo 18:21, 22; Deu 25:1, 2; 2Cr 19:8-10)
Kung hindi makapagpasiya ang mababang hukuman, ang kaso ay ipinapasa sa mas matataas na hukuman (Exo 18:25, 26; 1Ha 3:16, 28)
Pambihira o mahihirap na kasong dinadala sa mga saserdote:
Mga kaso ng paninibugho o ng karumihang-asal ng asawang babae (Bil 5:12-15)
Kapag may saksing nagparatang ng paghihimagsik sa ibang tao (Deu 19:16, 17)
Kapag isang marahas na gawa o isa na naging dahilan ng pagbububo ng dugo ang isinagawa, o kapag ang kaso ay mahirap pagpasiyahan o pinagtatalunan (Deu 17:8, 9; 21:5)
Kapag ang isang tao ay nasumpungang pinatay sa parang at hindi alam kung sino ang mamamaslang (Deu 21:1-9)
Mga saksi
Kailangan ang di-kukulangin sa dalawang saksi upang maitatag ang katotohanan (Deu 17:6; 19:15; ihambing ang Ju 8:17; 1Ti 5:19)
Ang mga kamay ng mga saksi ang dapat na manguna sa pagpatay sa taong nagkasala. Ito ay upang mahadlangan ang pagbibigay ng bulaan, padalus-dalos, o walang-ingat na patotoo (Deu 17:7)
Pagpapatotoo nang may kabulaanan
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagsisinungaling kapag nagpapatotoo sa paglilitis (Exo 20:16; 23:1; Deu 5:20)
Kung bulaan ang akusasyon laban sa isang tao, tatanggapin ng bulaang saksi ang kaparusahang ipinapakana niya laban sa akusado (Deu 19:16-19)
Panunuhol, pagtatangi sa paghatol
Ipinagbabawal ang panunuhol (Exo 23:8; Deu 27:25)
Ipinagbabawal ang pagbaluktot sa katarungan (Exo 23:1, 2, 6, 7; Lev 19:15, 35; Deu 16:19)
Inilalagay lamang ang isang tao sa kulungan kapag mahirap ang kaso at kailangan itong pagpasiyahan ni Jehova (Lev 24:11-16, 23; Bil 15:32-36)
Mga kaparusahan
Mga hampas—hanggang 40 lamang, upang huwag madusta ang pinapalo (Deu 25:1-3; ihambing ang 2Co 11:24)
Pagpatay sa pamamagitan ng pagbato—pagkatapos ay maaaring ibitin sa tulos ang bangkay bilang isang isinumpa (Deu 13:10; 21:22, 23)
Pagganti—ang kagantihan ay isang katulad na kaparusahan (Lev 24:19, 20)
Mga bayad-pinsala: Kapag napinsala ng alagang hayop ng isang tao ang ari-arian ng ibang tao (Exo 22:5; 21:35, 36); kapag nagpaningas ng apoy ang isang tao at napinsala nito ang ari-arian ng iba (Exo 22:6); kapag napatay ng isang tao ang alagang hayop ng iba (Lev 24:18, 21; Exo 21:33, 34); kapag di-sinasadyang nakuha ng isang tao para sa pansarili niyang gamit ang isang bagay na “banal,” gaya ng mga ikapu o mga hain (Lev 5:15, 16); kapag nilinlang ng isang tao ang isang kasamahan tungkol sa isang bagay na nasa kaniyang pangangasiwa o isang lagak sa kaniyang kamay o isang pagnanakaw o isang bagay na nasumpungan, anupat sumumpa siya nang may kabulaanan may kinalaman sa mga bagay na ito (Lev 6:2-7; Bil 5:6-8)
Mga kanlungang lunsod
Ang nakapatay nang di-sinasadya ay maaaring tumakas patungo sa pinakamalapit na kanlungang lunsod (Bil 35:12-15; Deu 19:4, 5; Jos 20:2-4)
Pagkatapos ay idaraos ang paglilitis sa lugar na nakasasakop sa pinangyarihan ng insidente
Ang isa na natuklasang nakapatay nang di-sinasadya ay kailangang manirahan sa kanlungang lunsod hanggang sa pagkamatay ng mataas na saserdote (Bil 35:22-25; Jos 20:5, 6)
Ang tahasang mamamaslang ay papatayin (Bil 35:30, 31)
PAG-AASAWA, MGA KAUGNAYANG PAMPAMILYA, KALINISANG-ASAL SA SEKSO
(Ipinagsanggalang ng Kautusan ang Israel sa pamamagitan ng pag-iingat sa pagiging sagrado ng pag-aasawa at buhay pampamilya)
Pag-aasawa—si Jehova ang nagkasal sa unang mag-asawa (Gen 2:18, 21-24)
Ang asawang lalaki ang may-ari sa asawang babae ngunit mananagot siya sa Diyos may kinalaman sa paraan ng pakikitungo niya rito (Deu 22:22; Mal 2:13-16)
Pinahintulutan ang poligamya ngunit kinontrol iyon upang mapangalagaan ang asawang babae at ang kaniyang mga supling (Deu 21:15-17; Exo 21:10)
Dapat pakasalan ng lalaki ang isang dalaga na dinaya niya upang masipingan (maliban kung hindi iyon pahihintulutan ng ama ng babae) (Exo 22:16, 17; Deu 22:28, 29)
Ang pag-aasawa bilang bayaw ay kaayusan kung saan kinukuhang asawa ng isang lalaki ang balo ng kaniyang kapatid kapag namatay ang kapatid niya na walang anak na lalaki; dinudusta ang lalaking ayaw gumawa nito (Deu 25:5-10)
Ipinagbabawal ang mga pakikipag-alyansa sa mga banyaga ukol sa pag-aasawa (Exo 34:12-16; Deu 7:1-4), ngunit pinahihintulutan ang pag-aasawa sa mga babaing bihag (Deu 21:10-14)
Ang mga babaing tagapagmana ng lupain ay dapat mag-asawa sa loob lamang ng kanilang tribo (Bil 36:6-9)
Diborsiyo
Asawang lalaki lamang ang maaaring makipagdiborsiyo (dahil sa isang bagay na marumi sa kaniyang asawa); hinihilingan siyang bigyan ng nasusulat na kasulatan ng diborsiyo ang kaniyang asawa (Deu 24:1-4)
Hindi pinahihintulutan ang diborsiyo kung pinakasalan ng lalaki ang kaniyang asawa matapos niya itong dayain upang masipingan (Deu 22:28, 29)
Hindi na maaaring muling mapangasawa ng isang lalaki ang babaing diniborsiyo niya pagkatapos na muling makapag-asawa ang babae at diborsiyuhin ito ng ikalawang asawa nito o pagkatapos na mamatay ang ikalawang asawa nito (Deu 24:1-4)
Ang pangangalunya ay may kalakip na parusang kamatayan para sa dalawang nagkasala (Exo 20:14; Deu 22:22)
Insesto
Hindi maaaring mapangasawa ng isang lalaking Israelita ang alinman sa mga sumusunod: Ang kaniyang ina, madrasta, o isang pangalawahing asawa ng kaniyang ama (Lev 18:7, 8; 20:11; Deu 22:30; 27:20); ang kaniyang kapatid na babae o kapatid na babae sa ama o sa ina (Lev 18:9, 11; 20:17; Deu 27:22); ang kaniyang apong babae (Lev 18:10); ang kaniyang tiya (alinman sa kapatid ng kaniyang ina o kapatid ng kaniyang ama) (Lev 18:12, 13; 20:19); ang kaniyang tiya sa pamamagitan ng pag-aasawa (alinman sa asawa ng kapatid ng kaniyang ama o asawa ng kapatid ng kaniyang ina) (Lev 18:14; 20:20); ang kaniyang manugang na babae (Lev 18:15; 20:12); ang kaniyang anak na babae, anak-anakang babae, ang anak na babae ng kaniyang anak-anakang babae o ng kaniyang anak-anakang lalaki, ang kaniyang biyenang babae (Lev 18:17; 20:14; Deu 27:23); ang asawa ng kaniyang kapatid na lalaki (Lev 18:16; 20:21), maliban sa pag-aasawa bilang bayaw (Deu 25:5, 6); ang kapatid na babae ng kaniyang asawa habang buháy pa ang huling nabanggit (Lev 18:18)
Hindi maaaring mapangasawa ng isang babaing Israelita ang alinman sa mga sumusunod: Ang kaniyang anak na lalaki o ang kaniyang anak-anakang lalaki (Lev 18:7, 8; 20:11; Deu 22:30; 27:20); ang kaniyang kapatid na lalaki o ang kaniyang kapatid na lalaki sa ama o sa ina (Lev 18:9, 11; 20:17; Deu 27:22); ang kaniyang lolo (Lev 18:10); ang kaniyang pamangking lalaki (alinman sa anak ng kaniyang kapatid na lalaki o ng kaniyang kapatid na babae) (Lev 18:12, 13; 20:19); ang kaniyang pamangking lalaki (alinman sa anak ng kapatid na lalaki ng kaniyang asawa o anak ng kapatid na babae ng kaniyang asawa) (Lev 18:14; 20:20); ang kaniyang biyenang lalaki (Lev 18:15; 20:12); ang kaniyang ama, amain, amain ng kaniyang ina, amain ng kaniyang ama, manugang na lalaki (Lev 18:7, 17; 20:14; Deu 27:23); ang kapatid na lalaki ng kaniyang asawa (Lev 18:16; 20:21), maliban sa pag-aasawa sa bayaw (Deu 25:5, 6); ang asawa ng kaniyang kapatid na babae habang buháy pa ang huling nabanggit (Lev 18:18)
Ang parusa sa insesto: kamatayan (Lev 18:29; 20:11, 12, 14, 17, 20, 21)
Pagtatalik sa panahon ng pagreregla
Kung sinadya ng isang lalaki at ng isang babae na magsiping habang nireregla ang babae, lilipulin sila (Lev 18:19; 20:18)
Ang lalaki na di-sinasadyang nakipagtalik sa kaniyang asawang babae sa panahon ng gayong karumihan (marahil ay hindi niya inaasahang nagsimula na ang pagreregla ng babae) ay nagiging marumi nang pitong araw (Lev 15:19-24)
Ugnayan ng mga magulang at mga anak
Inuutusan ang mga magulang (lalo na ang mga ama) na ituro sa kanilang mga anak ang Kautusan ng Diyos (Deu 6:6-9, 20-25; 11:18-21; Isa 38:19)
Dapat parangalan ng mga anak ang kanilang mga magulang (Exo 20:12; 21:15, 17; Lev 19:3; Deu 5:16; 21:18-21; 27:16)
Ipinagbabawal ang pagsusuot ng damit ng hindi kasekso (sa layuning manlinlang para sa imoral na mga layunin) (Deu 22:5)
Ang sodomiya ay may katapat na parusang kamatayan para sa dalawang taong nasangkot dito (Lev 18:22; 20:13)
Ang bestiyalidad ay hahantong sa kamatayan ng tao at hayop na nasangkot dito (Exo 22:19; Lev 18:23, 29; 20:15, 16; Deu 27:21)
Ang mahalay na pagsalakay (pagsunggab ng asawang babae sa mga pribadong sangkap ng kalabang lalaki ng kaniyang asawa habang nag-aaway ang mga ito) ay pinarurusahan ng pagputol sa kamay ng babae, sa halip na lapatan ng parusang mata sa mata, dahil sa pagpapahalaga ni Jehova sa kakayahang magkaanak ng babae at sa karapatan ng asawa nito na magkaroon ng mga anak sa babaing iyon (Deu 25:11, 12)
MGA GAWAIN SA NEGOSYO
(Itinaguyod ng Kautusan kapuwa ang pagkamatapat sa mga transaksiyon sa negosyo at ang paggalang sa tahanan at ari-arian ng iba)
Pagmamay-ari ng lupain
Ang lupain ay hinahati-hati sa mga pamilya (Bil 33:54; 36:2)
Ang lupain ay hindi ipinagbibili nang permanente kundi bumabalik ito sa may-ari nito sa Jubileo; ang halaga ng pagbebenta nito ay batay sa bilang ng pag-aani hanggang sa Jubileo (Lev 25:15, 16, 23-28)
Kung magkakaroon ng bilihan, ang pinakamalapit na kamag-anak ang may karapatang bumili (Jer 32:7-12)
Walang karapatan ang estado na kunin ang lupaing mana ng isang tao upang ipagamit sa publiko, kahit bayaran pa ito (1Ha 21:2-4)
Ang takdang bahagi ng mga Levita ay mga lunsod at ang mga pastulan ng mga ito
Sa 48 lunsod na itinakda, 13 ang naging mga lunsod ng mga saserdote (Bil 35:2-5; Jos 21:3-42)
Hindi maaaring ipagbili ang parang na pastulan ng isang lunsod ng mga Levita; pag-aari ito ng lunsod, hindi ng mga indibiduwal (Lev 25:34)
Kapag pinabanal ng isang tao ang bahagi ng isang bukid (isinaisantabi niya ang paggamit ng bahagi nito o ang bahagi ng bunga nito) para kay Jehova (para sa santuwaryo o sa pagkasaserdote), ito ang pamantayan sa pagtaya ng halaga nito: ang sukat ng lupa na hinahasikan ng isang homer ng sebada ay nagkakahalaga ng 50 siklo na pilak; ang halaga nito ay lumiliit alinsunod sa bilang ng mga taóng natitira hanggang sa susunod na Jubileo (Lev 27:16-18)
Kung nais itong tubusin ng nagpabanal dito, kailangan siyang magdagdag ng 20 porsiyento sa tinatayang halaga nito (Lev 27:19)
Kung hindi niya ito tutubusin at sa halip ay ipagbibili ito sa ibang tao, sa Jubileo ay magiging pag-aari ito ng saserdote bilang banal kay Jehova (Lev 27:20, 21)
Kung pababanalin ng isang tao kay Jehova ang isang bahagi ng bukid na binili niya sa iba, sa Jubileo ay babalik iyon sa orihinal na may-ari (Lev 27:22-24)
Kung ‘itatalaga’ ng isang tao ang alinman sa sarili niyang ari-arian (ang mga bagay na “nakatalaga” ay permanente at tanging para sa paggamit ng santuwaryo o para sa pagkapuksa; Jos 6:17; 7:1, 15; Eze 44:29), hindi ito maaaring ipagbili o tubusin; mananatili itong pag-aari ni Jehova (Lev 27:21, 28, 29)
Pagtubos ng ari-arian
Ang lahat ng lupain ay babalik sa orihinal na may-ari nito sa panahon ng Jubileo (maliban sa mga nabanggit na) (Lev 25:8-10, 15, 16, 24-28)
Maaaring tubusin ng mga Levita ang mga bahay nila sa kanilang mga lunsod kailanma’t naisin nila (Lev 25:32, 33)
Taon ng Jubileo: nagsisimula sa Araw ng Pagbabayad-Sala, sa ika-50 taon; nagsimula ang pagbilang noong taóng pumasok ang mga Israelita sa lupain (Lev 25:2, 8-19)
Mana
Ang panganay na anak ay nagmamana ng dobleng bahagi ng ari-arian (Deu 21:15-17)
Kapag walang anak na lalaki, mapupunta sa mga anak na babae ang mana. (Bil 27:6-8) Kung ang isang lalaki ay walang mga anak na lalaki o mga anak na babae, mapupunta ito sa kaniyang mga kapatid, sa mga kapatid ng kaniyang ama, o sa kaniyang pinakamalapit na kadugo (Bil 27:9-11)
Mga timbangan, mga panimbang, at mga panukat
Hinihiling ni Jehova ang pagkamatapat at pagiging husto ng timbang o sukat (Lev 19:35, 36; Deu 25:13-15)
Ang pandaraya ay karima-rimarim sa kaniya (Kaw 11:1)
Mga utang
Sa pagwawakas ng bawat pitong taon, ang mga kapatid na Hebreo ay pinalalaya mula sa mga utang (Deu 15:1, 2)
Ang banyaga ay maaaring piliting magbayad ng utang (Deu 15:3)
Paniguro para sa isang pautang
Kapag kinuha ng isang tao ang panlabas na kasuutan ng kaniyang kapuwa bilang paniguro para sa isang pautang, hindi niya dapat itago iyon nang magdamag (Kadalasan, ang kasuutang iyon ang ipinantutulog ng dukha dahil wala siyang ibang damit na pantulog) (Exo 22:26, 27; Deu 24:12, 13)
Hindi maaaring pasukin ng isang tao ang bahay ng iba upang kunin ang panagot o anumang bagay na paniguro para sa isang pautang. Kailangan siyang manatili sa labas ng bahay at hayaang ilabas ito sa kaniya ng taong iyon (Itinaguyod nito ang pagiging pribado ng tahanan ng isang tao) (Deu 24:10, 11)
Hindi maaaring kunin ng isa ang gilingang pangkamay o ang pang-ibabaw na batong panggiling nito bilang paniguro (Baka dahil dito ay hindi makapaggiling ng mga butil ang taong iyon upang mapakain ang kaniyang sarili at ang pamilya niya) (Deu 24:6)
MGA KAUTUSANG MILITAR
(Kinontrol ng mga kautusang ito ang ipinag-utos-ng-Diyos na pakikipagdigma ng Israel sa Lupang Pangako. Mahigpit na ipinagbabawal ang sakim na pananalakay at pakikidigma o ang pananakop sa labas ng mga hangganang itinakda ng Diyos)
Mga digmaan
Dapat na maging mga digmaan lamang ni Jehova (Bil 21:14; 2Cr 20:15)
Pinababanal ang mga kawal bago sila humayo sa pagbabaka (1Sa 21:1-6; ihambing ang Lev 15:16, 18)
Edad ng mga kawal
Dalawampung taóng gulang at pataas (Bil 1:2, 3; 26:1-4)
Ayon sa Jewish Antiquities, III, 288 (xii, 4), ni Josephus, naglilingkod ang mga ito hanggang sa edad na 50 taon
Mga eksemsiyon mula sa paglilingkod militar
Mga Levita, bilang mga ministro ni Jehova (Bil 1:47-49; 2:33)
Ang taong hindi pa nakapagpapasinaya ng bagong-tayong bahay o hindi pa nakikinabang sa bagong-tanim na ubasan (Deu 20:5, 6; ihambing ang Ec 2:24; 3:12, 13)
Ang lalaki na nakipagtipan at hindi pa niya nakukuha ang kaniyang asawa. Ang bagong-kasal na lalaki ay mananatiling malaya sa loob ng isang taon (Ang lalaki ay may karapatang magkaroon ng tagapagmana at makita ang pagsilang nito) (Deu 20:7; 24:5)
Ang lalaking matatakutin (Masisiraan lamang ng loob ang mga kapuwa kawal niya dahil sa kaniya) (Deu 20:8; Huk 7:3)
Ang kalinisan ay isang kahilingan sa kampo (yamang pinababanal ang mga kawal para sa pakikipagdigma) (Deu 23:9-14)
Hindi pinahihintulutan ang mga babae na susunud-sunod sa kampo para sa seksuwal na pakikipagtalik; iniiwasan ang pakikipagtalik sa mga babae sa panahon ng kampanya. Tiniyak nito ang relihiyoso at pisikal na kalinisan (Lev 15:16; 1Sa 21:5; 2Sa 11:6-11)
Hindi pinahihintulutan ang panggagahasa sa mga kababaihan ng kaaway, sapagkat iyon ay pakikiapid; at hindi pinahihintulutan ang pag-aasawa sa gayong mga babae hangga’t hindi natatapos ang kampanya. Ito ay upang maingatan ang relihiyosong kalinisan at isa rin itong pangganyak upang sumuko ang kaaway, sapagkat makatitiyak sila na hindi momolestiyahin ang kanilang mga kababaihan (Deu 21:10-13)
Mga pamamaraang militar laban sa mga kaaway na lunsod
Kung ang lunsod na sinalakay ay bahagi ng isa sa pitong bansa ng lupain ng Canaan (binanggit sa Deu 7:1), ang lahat ng tumatahan doon ay dapat italaga sa pagkapuksa. (Deu 20:15-17; Jos 11:11-14; Deu 2:32-34; 3:1-7) Kung mananatili ang mga ito sa lupain, maisasapanganib nila ang kaugnayan ng Israel sa Diyos na Jehova. Hinayaan lamang niya silang manirahan sa lupain hanggang noong malubos ang kanilang kaimbihan (Gen 15:13-21)
Para sa mga lunsod na hindi bahagi ng pitong bansang iyon, ihahayag muna sa kanila ang mga kundisyon ng pakikipagpayapaan. (Deu 20:10, 15) Kung susuko ang lunsod, ang mga tumatahan doon ay puwersahang pagtatrabahuhin. Kung hindi sila susuko, ang lahat ng lalaki at ang lahat ng babaing hindi birhen ay papatayin. Pinaliligtas naman ang iba upang gawing mga bihag. (Deu 20:11-14; ihambing ang Bil 31:7, 17, 18.) Pinapatay ang lahat ng lalaki upang huwag makapaghimagsik ang lunsod na iyon sa bandang huli at upang hindi rin makipag-asawa ang mga lalaking ito sa mga babaing Israelita. Nakatulong din ang mga hakbang na ito upang maiwasan ang pagsamba sa ari ng lalaki at ang pagkalat ng mga sakit sa mga Israelita
Ang mga punungkahoy na pinagkukunan ng pagkain ay hindi maaaring putulin at gawing mga kayariang pangubkob (Deu 20:19, 20)
Ang mga karo ay sinusunog; ang mga kabayo ay pinipilay upang lumpuhin ang mga ito at hindi magamit sa pagbabaka, at sa kalaunan ay pinapatay ang mga ito (Jos 11:6)
MGA KAUTUSAN HINGGIL SA PAGKAIN AT KALINISAN
(Nakatulong ang mga ito upang mapanatiling hiwalay ang mga Israelita mula sa mga bansang pagano, upang maitaguyod ang kalinisan at kalusugan, at upang maipaalaala sa kanila na banal sila sa Diyos; Lev 19:2)
Paggamit ng dugo
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagkain ng dugo. (Gen 9:4; Lev 7:26; 17:12; Deu 12:23-25) Ang parusa sa paglabag dito: kamatayan (Lev 7:27; 17:10)
Ang buhay (kaluluwa) ay nasa dugo (Lev 17:11, 14)
Ang dugo ng hayop na pinatay ay kailangang ibuhos sa lupa gaya ng tubig at takpan ng alabok (Lev 17:13; Deu 12:16)
Hindi maaaring kainin ang hayop na basta na lamang namatay o natagpuang patay (sapagkat ito ay marumi at ang dugo nito ay hindi napatulo nang wasto) (Deu 14:21)
Mga paggamit sa dugo na itinakda ng kautusan: inilalagay sa ibabaw ng altar para sa pagbabayad-sala; ginagamit para sa itinakdang mga paglilinis (Lev 17:11, 12; Deu 12:27; Bil 19:1-9)
Paggamit ng taba
Hindi maaaring kainin ang anumang taba; ang taba ay kay Jehova (Lev 3:16, 17; 7:23, 24)
Ang pagkain ng handog na taba ay may kalakip na parusang kamatayan (Lev 7:25)
Mga hayop na pinatay
Sa ilang, ang mga alagang hayop na papatayin ay dapat dalhin sa tabernakulo. Kakainin ang mga ito bilang mga haing pansalu-salo (Lev 17:3-6)
Ang parusa sa paglabag dito: kamatayan (Lev 17:4, 8, 9)
Ang maiilap ngunit malilinis na hayop na nahuli sa pangangaso ay maaaring patayin kaagad; ang dugo ay kailangang ibuhos (Lev 17:13, 14)
Nang makapasok na sa Lupang Pangako, ang malilinis na hayop ay maaari nang patayin bilang pagkain sa lugar ng tirahan ng isang tao kung malayo siya sa santuwaryo, ngunit ang dugo ay kailangang ibuhos sa lupa (Deu 12:20-25)
Mga hayop, mga isda, at mga insekto na maaaring kainin:
Bawat nilalang na may hati ang kuko, anupat may biyak doon, at ngumunguya ng dating kinain nito (Lev 11:2, 3; Deu 14:6)
Lahat ng nasa tubig na may mga palikpik at mga kaliskis (Lev 11:9-12; Deu 14:9, 10)
Mga insekto at may-pakpak at nagkukulupong mga nilalang na lumalakad na may apat na paa at may mga panluksong binti: nandarayuhang balang, nakakaing balang, kuliglig, at tipaklong (lahat ayon sa kani-kanilang uri) (Lev 11:21, 22)
Mga hayop, mga isda, mga ibon, at mga nagkukulupong nilalang na ipinagbabawal na kainin:
Mga hayop: kamelyo, kuneho sa batuhan, kuneho, baboy (Lev 11:4-8; Deu 14:7, 8)
Mga isda at iba pang mga nagkukulupong nilalang sa tubig na walang palikpik o kaliskis (Lev 11:10)
Mga ibon at mga lumilipad na nilalang: agila, lawing-dagat, buwitreng itim, lawing pula, lawing itim, lawing mandaragit, uwak, avestruz, kuwago, golondrina, halkon, munting kuwago, kuwagong may mahahabang tainga, sisne, pelikano, buwitre, kormoran, siguana, kandangaok, abubilya, paniki, anumang may-pakpak at nagkukulupong nilalang na lumalakad na may apat na paa (samakatuwid nga, gumagalaw na gaya ng mga hayop na lumalakad gamit ang apat na paa). Hindi tuwirang sinasabi sa Bibliya ang mga salik na batayan kung aling mga lumilipad na nilalang ang “marumi” sa seremonyal na paraan. Bagaman ang karamihan sa mga ibong “marumi” ay mga ibong maninila o mga kumakain ng bangkay, hindi naman lahat ay gayon (Deu 14:12-19; Lev 11:13-20; tingnan ang IBON at ang mga artikulo tungkol sa indibiduwal na mga ibon)
Ang mga nagkukulupong nilalang sa lupa: dagang-lupa, herboa, bayawak, tuko na malalapad ang paa, malaking bayawak, butiking-tubig, bayawak-buhangin, hunyango, alinmang nilalang na inilalakad ang kaniyang tiyan, ang kaniyang apat na paa (paraan ng paggalaw), o ang kaniyang maraming paa (Lev 11:29, 30, 42)
Ang hayop na basta na lamang namatay o patay na o nilapa ng mabangis na hayop (Lev 17:15, 16; Deu 14:21; Exo 22:31)
Ang mga hayop na inihahandog bilang panata o kusang-loob na handog, haing pansalu-salo ay maaaring kainin sa araw ng paghahandog at sa ikalawang araw ngunit hindi sa ikatlong araw; ang parusa sa paglabag dito, kamatayan. Ang haing pasasalamat ay dapat kainin sa mismong araw na iyon; walang ititira hanggang sa umaga (ikalawang araw). Ang paskuwa ay hindi dapat itira; dapat sunugin ang anumang hindi nakain (Lev 7:16-18; 19:5-8; 22:29, 30; Exo 12:10)
Mga bagay na nagiging sanhi ng karumihan:
Kapag ang isang lalaki ay nilabasan ng semilya
Ang taong iyon ay kailangang maligo at nagiging marumi hanggang sa gabi (Lev 15:16; Deu 23:10, 11)
Ang kasuutang nalagyan ng semilya ay lalabhan at nagiging marumi hanggang sa gabi (Lev 15:17)
Ang mag-asawa, pagkatapos na magtalik, ay kailangang maligo at nagiging marumi hanggang sa gabi (Lev 15:18)
Panganganak
Ang babae ay nagiging marumi nang 7 araw pagkatapos manganak ng isang lalaki, bukod pa sa dagdag na 33 araw (ang unang 7 araw, na marumi para sa lahat, gaya ng sa pagreregla; ang 33 araw ay marumi lamang may kaugnayan sa paghipo sa mga banal na bagay gaya ng mga pagkain ukol sa paghahain o may kinalaman sa pagpasok sa dakong banal) (Lev 12:2-4)
Kung babae ang anak, ang babae ay marumi nang 14 na araw, bukod pa sa dagdag na 66 na araw (Lev 12:5)
Pagreregla ng babae (Lev 12:2)
Ang babae ay marumi nang pitong araw sa karaniwang pagreregla; sa buong yugto ng di-normal o tumagal na pag-agas ng dugo, bukod pa sa dagdag na pitong araw (Lev 15:19, 25, 28)
Sa panahon ng kaniyang karumihan, anumang bagay na maupuan o mahigaan niya ay nagiging marumi (Lev 15:20)
Ang taong humipo sa kaniya o sa kaniyang higaan o sa kaniyang inupuan ay kailangang maglaba ng mga kasuutan nito at maligo at nagiging marumi hanggang sa gabi (Lev 15:21-23)
Kung ang kaniyang karumihan sa pagreregla ay mapasa isang lalaki, ito ay nagiging marumi nang pitong araw, at ang anumang higaan na hihigaan nito ay nagiging marumi (Lev 15:24)
Kailanma’t mayroon siyang agas, siya ay marumi (Lev 15:25)
Mga pananggalang laban sa sakit
Ketong at iba pang mga salot
Saserdote ang tumitiyak kung iyon ay ketong o hindi (Lev 13:2)
Ang taong iyon ay ikukuwarentenas nang pitong araw at pagkatapos ay susuriin; kung huminto na ang salot, ikukuwarentenas siya nang pitong araw pa (Lev 13:4, 5, 21, 26); kung hindi na kumalat ang salot, ihahayag siyang malinis (Lev 13:6); kung kumalat ang salot, iyon ay ketong (Lev 13:7, 8)
Kung ang taong iyon ay ketongin, kailangang punitin ang kaniyang mga kasuutan, pababayaan niyang hindi nakaayos ang kaniyang ulo, tatakpan niya ang kaniyang bigote (o nguso), at tatawag siya: “Marumi, marumi!” Tatahan siyang nakabukod sa labas ng kampo hanggang sa gumaling ang salot (Lev 13:45, 46; Bil 5:2-4)
Agas ng ari (maliwanag na dahil sa sakit) (Lev 15:2, 3)
Ang higaan o ang mga bagay na uupuan o hihigaan ng gayong tao ay nagiging marumi (Lev 15:4)
Ang sinumang humipo sa taong inaagasan, sa kaniyang higaan, o sa anumang inuupuan niya ay nagiging marumi, o kung maduraan ng taong iyon ang ibang tao, ang naduraan ay ituturing na marumi (Lev 15:5-11)
Kapag nahipo ng isang inaagasan, ang mga sisidlang luwad ay babasagin, ang sisidlang kahoy ay babanlawan ng tubig (Lev 15:12)
Pagkatapos na huminto ang agas, ang taong iyon ay nagiging marumi nang pitong araw (Lev 15:13)
Ang kalinisan ng kampong militar ay iningatan sa pamamagitan ng kahilingan na ang pagdumi ay gawin sa labas ng kampo at ang dumi ay takpan (Deu 23:12, 13)
Mga tuntunin may kinalaman sa mga bangkay ng mga tao
Kapag ang isa ay humipo sa bangkay, buto, o dakong libingan ng tao, nagiging marumi siya nang pitong araw (kahit siya’y nasa malawak na parang). (Bil 19:11, 16) Kamatayan ang parusa sa isa na hindi magpapadalisay ng kaniyang sarili (Bil 19:12, 13) (Tingnan ang pamamaraan ng paglilinis sa Bil 19:17-19)
Ang lahat ng nasa tolda o pumasok sa tolda na may taong patay ay nagiging marumi gaya rin ng anumang bukás na sisidlan doon na walang takip na nakatali roon (Bil 19:14, 15)
Mga tuntunin may kinalaman sa mga bangkay ng mga hayop
Kapag ang isa ay bumuhat, humipo, o kumain ng bangkay ng isang malinis na hayop na basta na lamang namatay, siya ay nagiging marumi; kapag ang isa ay humipo ng bangkay ng alinmang maruming hayop, siya ay nagiging marumi. Kailangang maglinis siya ng kaniyang sarili (Lev 11:8, 11, 24-31, 36, 39, 40; 17:15, 16)
Kapag nasaling sa o nahulugan ng mga bangkay ng maruruming hayop ang mga kagamitang gaya ng mga sisidlan, mga patungan ng banga, mga pugon, mga kasuutan, mga balat, at telang sako, ang mga ito ay nagiging marumi (Lev 11:32-35)
Samsam na kinuha mula sa lunsod
Ang lahat ng bagay na maaaring gamitan ng apoy ay kailangang gamitan ng apoy (mga metal), pagkatapos ay dadalisayin ang mga iyon sa pamamagitan ng tubig na panlinis; ang iba pang mga bagay ay kailangang hugasan (Bil 31:20, 22, 23)
IBA PANG MGA KATUNGKULAN NA NAGSASANGKOT SA MGA KAPUWA NILALANG
(Espesipikong sinabi ng Kautusan na “iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili”; Lev 19:18. Sinabi ni Jesus na ito ang ikalawang pinakadakilang utos sa Kautusan; Mat 22:37-40)
Sa mga kapuwa Israelita
Dapat magpakita ng pag-ibig; ipinagbabawal ang pagpaslang (Exo 20:13; Ro 13:9, 10)
Hindi dapat maghiganti o magkimkim ng sama ng loob laban sa kapuwa (Lev 19:18)
Pangangalaga sa mga dukha (Exo 23:6; Lev 25:35, 39-43)
Pangangalaga sa mga babaing balo at mga ulila (Exo 22:22-24; Deu 24:17-21; 27:19)
Paggalang sa ari-arian ng iba
Ipinagbabawal ang pagnanakaw; ipinag-utos na bayaran ang ninakaw (Exo 20:15; 22:1-4, 7)
Ang maling pagnanasa ng isa sa mga ari-arian at mga pag-aari ng kaniyang kapuwa ay ipinagbabawal (Exo 20:17)
Konsiderasyon para sa mga may kapansanan
Hindi maaaring tuyain o sumpain ang taong bingi; hindi niya maipagtatanggol ang kaniyang sarili laban sa mga pananalitang hindi niya naririnig (Lev 19:14)
Ang naglalagay ng halang sa daan ng taong bulag o nagliligaw sa kaniya ay susumpain (Lev 19:14; Deu 27:18)
Sa mga naninirahang dayuhan: hindi sila dapat pagmalupitan (Exo 22:21; 23:9; Lev 19:33, 34; Deu 10:17-19; 24:14, 15, 17; 27:19)
Sa mga alipin
Ang aliping Hebreo ay palalayain sa ikapitong taon ng kaniyang pagkaalipin o sa taon ng Jubileo, alinman ang mauna. Sa panahon ng kaniyang pagkaalipin, dapat siyang pakitunguhan bilang upahang trabahador, anupat may konsiderasyon (Exo 21:2; Deu 15:12; Lev 25:10)
Kung ang aliping lalaki ay pumasok na may asawa, ito ay lalabas o palalayaing kasama niya (Exo 21:3)
Kung binigyan siya ng kaniyang panginoon ng asawa (maliwanag na isang banyaga) samantalang siya ay nasa pagkaalipin, siya lamang ang palalayain; kung ang asawang ito ay magsilang sa kaniya ng mga anak, ang babae at ang mga anak ay mananatiling pag-aari ng kaniyang panginoon (Exo 21:4)
Kapag pinalaya ang isang aliping Hebreo, kailangan siyang bigyan ng kaniyang panginoon ng kaloob ayon sa kakayahan nitong magbigay (Deu 15:13-15)
Ang alipin ay maaaring paluin ng kaniyang panginoon. (Exo 21:20, 21) Kung mabalda ang alipin, kailangan siyang palayain. (Exo 21:26, 27) Kung mamatay ang alipin dahil sa pamamalo ng kaniyang panginoon, ang panginoon ay maaaring parusahan ng kamatayan; ang mga hukom ang magpapasiya kung ano ang parusa (Exo 21:20; Lev 24:17)
Sa mga hayop
Kung ang isa ay makasumpong ng isang alagang hayop na nahihirapan, pananagutan niyang tulungan iyon, kahit pag-aari iyon ng kaniyang kaaway (Exo 23:4, 5; Deu 22:4)
Ang mga hayop na pantrabaho ay hindi dapat pagtrabahuhin nang labis o pagmalupitan (Deu 22:10; ihambing ang Kaw 12:10)
Ang toro ay hindi dapat busalan kapag naggigiik ito, upang makakain ito mula sa mga butil na ginigiik nito (Deu 25:4; ihambing ang 1Co 9:7-10)
Hindi dapat kunin ng isang tao kapuwa ang inahing ibon at ang mga itlog nito, upang hindi malipol ang pamilya nito (Deu 22:6, 7)
Hindi dapat patayin ng isang tao sa iisang araw ang toro o tupa at ang anak nito (Lev 22:28)
MGA LAYUNIN NG KAUTUSAN
Inihayag nito ang mga pagsalansang; ipinakita nito na kailangang mapatawad ang mga pagsalansang ng mga Israelita at na kailangan ang isang mas dakilang hain na talagang makapagbabayad-sala para sa kanilang mga kasalanan (Gal 3:19)
Bilang isang tagapagturo, iningatan at dinisiplina nito ang mga Israelita, anupat inihanda sila para sa Mesiyas na magiging kanilang tagapagturo (Gal 3:24)
Ang iba’t ibang aspekto ng Kautusan ay mga anino na kumatawan sa mas dakilang mga bagay na darating; tinulungan ng mga aninong ito ang matuwid-pusong mga Israelita upang makilala ang Mesiyas, yamang makikita nila kung paano niya tinutupad ang makahulang mga parisang ito (Heb 10:1; Col 2:17)