ESPIRITU
Ang Griegong pneuʹma (espiritu) ay nagmula sa pneʹo, na nangangahulugang “huminga o humihip,” at ipinapalagay na ang Hebreong ruʹach (espiritu) ay nagmula sa salitang-ugat na may gayunding kahulugan. Sa gayon, ang ruʹach at pneuʹma ay may pangunahing kahulugan na “hininga,” ngunit mayroon pa itong mas malawak na mga kahulugan. (Ihambing ang Hab 2:19; Apo 13:15.) Ang mga ito ay maaari ring mangahulugang hangin; puwersa ng buhay na nasa mga nilalang na buháy; espiritu ng isa; mga espiritung persona, kabilang na rito ang Diyos at ang kaniyang mga anghelikong nilalang; at aktibong puwersa ng Diyos, o banal na espiritu. (Ihambing ang Lexicon in Veteris Testamenti Libros nina Koehler at Baumgartner, Leiden, 1958, p. 877-879; Hebrew and English Lexicon of the Old Testament nina Brown, Driver, at Briggs, 1980, p. 924-926; Theological Dictionary of the New Testament, inedit ni G. Friedrich, isinalin ni G. Bromiley, 1971, Tomo VI, p. 332-451.) May pagkakatulad ang mga kahulugang ito: Ang mga ito’y pawang tumutukoy doon sa hindi nakikita ng mga tao at nagpapahiwatig ng isang kumikilos na puwersa. Ang gayong di-nakikitang puwersa ay may kakayahang lumikha ng nakikitang mga epekto.
Mayroon pang isang salitang Hebreo, nesha·mahʹ (Gen 2:7), na nangangahulugan ding “hininga,” ngunit mas limitado ang kahulugan nito kaysa sa ruʹach. Waring ang Griegong pno·eʹ ay may gayunding limitadong diwa (Gaw 17:25) at ginamit ito ng mga tagapagsalin ng Septuagint bilang salin ng nesha·mahʹ.
Hangin. Isaalang-alang ang isang diwa na marahil ay pinakamadaling intindihin. Sa maraming kaso, ipinakikita ng konteksto na ang ruʹach ay nangangahulugang “hangin,” gaya ng “hanging silangan” (Exo 10:13) at “apat na hangin.” (Zac 2:6) Kadalasa’y maliwanag na ito ang tinutukoy dahil binabanggit sa konteksto ang mga bagay na gaya ng ulap, bagyo, ang pagtangay sa ipa o sa katulad na mga bagay. (Bil 11:31; 1Ha 18:45; 19:11; Job 21:18) Yamang ang apat na hangin ay ginagamit upang tumukoy sa apat na direksiyon—silangan, kanluran, hilaga, at timog—kung minsa’y maaaring isalin ang ruʹach bilang “direksiyon,” “tagiliran,” o “panig.”—1Cr 9:24; Jer 49:36; 52:23; Eze 42:16-20.
Hinggil sa masisinsing kaliskis ng Leviatan, sinasabi ng Job 41:15, 16 na “maging hangin [weruʹach] ay hindi makapasok sa pagitan ng mga iyon.” Muli, ang ruʹach dito ay kumakatawan sa hangin na gumagalaw, hindi lamang basta hangin na nakapirme o hindi kumikilos. Sa gayo’y naroon ang diwa ng isang di-nakikitang puwersa, na siyang pangunahing katangian ng Hebreong ruʹach.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, maliwanag na ang nag-iisang kaso na ginamit ang pneuʹma sa diwa ng “hangin” ay nasa Juan 3:8.
Hindi kayang kontrolin ng tao ang hangin; hindi niya ito kayang patnubayan, utusan, pigilan, o angkinin. Dahil dito, ang “hangin [ruʹach]” ay kalimitang kumakatawan sa anumang hindi kayang kontrolin o abutin ng tao—anupat mailap, pansamantala, walang kabuluhan, hindi tunay na kapaki-pakinabang. (Ihambing ang Job 6:26; 7:7; 8:2; 16:3; Kaw 11:29; 27:15, 16; 30:4; Ec 1:14, 17; 2:11; Isa 26:18; 41:29.) Para sa higit pang pagtalakay sa aspektong ito, tingnan ang HANGIN.
Mga Espiritung Persona. Ang Diyos ay di-nakikita ng mga mata ng tao (Exo 33:20; Ju 1:18; 1Ti 1:17), at siya’y buháy at gumagamit ng di-mahihigitang puwersa sa buong sansinukob. (2Co 3:3; Isa 40:25-31) Sinabi ni Kristo Jesus: “Ang Diyos ay Espiritu [Pneuʹma].” Sumulat ang apostol: “Ngayon si Jehova ang Espiritu.” (Ju 4:24; 2Co 3:17, 18) Ang templong itinayo kay Kristo bilang pundasyong batong-panulok ay “isang dakong tatahanan ng Diyos sa espiritu.”—Efe 2:22.
Hindi ito nangangahulugan na ang Diyos ay isang puwersang walang personalidad at walang katawan tulad ng hangin. Malinaw na pinatototohanan ng Kasulatan na isa siyang persona; mayroon din siyang tiyak na kinaroroonan anupat masasabi ni Kristo na ‘paroroon siya sa Ama,’ upang “humarap sa mismong persona ng Diyos [sa literal, “mukha ng Diyos”] para sa atin.”—Ju 16:28; Heb 9:24; ihambing ang 1Ha 8:43; Aw 11:4; 113:5, 6; tingnan ang JEHOVA (Ang Personang Ipinakikilala ng Pangalan).
Ang pananalitang “aking espiritu” (ru·chiʹ) na ginamit ng Diyos sa Genesis 6:3 ay maaaring mangahulugang “Ako na Espiritu,” kung paanong ang paggamit niya ng “aking kaluluwa” (naph·shiʹ) ay may diwang “Ako na persona,” o “aking persona.” (Isa 1:14; tingnan ang KALULUWA [Ang Diyos Bilang May Kaluluwa].) Sa gayo’y ipinakikita niya ang pagkakaiba ng kaniyang makalangit at espirituwal na posisyon kung ihahambing sa posisyon ng taong makalupa at makalaman.
Ang Anak ng Diyos. Ang “bugtong na anak” ng Diyos, ang Salita, ay isang espiritung persona tulad ng kaniyang Ama, at sa gayo’y “umiiral sa anyong Diyos” (Fil 2:5-8), ngunit nang maglao’y “naging laman,” anupat tumahan sa gitna ng sangkatauhan bilang ang taong si Jesus. (Ju 1:1, 14) Upang malubos ang kaniyang makalupang landasin, siya’y “pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu.” (1Pe 3:18) Siya’y binuhay-muli ng kaniyang Ama, anupat ipinagkaloob ng Ama ang kahilingan ng kaniyang Anak na siya’y luwalhatiin sa piling ng Ama ng kaluwalhatiang tinaglay niya bago siya naging tao (Ju 17:4, 5), at pinangyari ng Diyos na siya’y maging “espiritung nagbibigay-buhay.” (1Co 15:45) Sa gayo’y muli siyang nakubli sa paningin ng tao, na tumatahan “sa di-malapitang liwanag, na walang isa man sa mga tao ang nakakita o makakakita.”—1Ti 6:14-16.
Iba pang mga espiritung nilalang. Sa maraming teksto, ang mga anghel ay tinutukoy sa pamamagitan ng mga terminong ruʹach at pneuʹma. (1Ha 22:21, 22; Eze 3:12, 14; 8:3; 11:1, 24; 43:5; Gaw 23:8, 9; 1Pe 3:19, 20) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang karamihan sa mga pagtukoy na iyon ay patungkol sa mga balakyot na espiritung nilalang, o mga demonyo.—Mat 8:16; 10:1; 12:43-45; Mar 1:23-27; 3:11, 12, 30.
Sinasabi ng Awit 104:4 na ginagawa ng Diyos na “mga espiritu ang kaniyang mga anghel, lumalamong apoy naman ang kaniyang mga lingkod.” Ganito ang pagkakasalin dito ng ilang bersiyon: “Na ginagawa ang mga hangin bilang iyong mga mensahero, apoy at liyab naman bilang iyong mga lingkod,” o katulad nito. (RS, JP, AT, JB) Hindi naman mali ang ganitong pagkakasalin sa tekstong Hebreo (ihambing ang Aw 148:8); gayunman, ang pagsipi ng apostol na si Pablo sa tekstong iyon (sa Heb 1:7) ay kapareho niyaong sa Griegong Septuagint at kaayon ng salin na unang binanggit. (Sa tekstong Griego ng Hebreo 1:7, ang pamanggit na pantukoy o definite article [tous] ay nasa unahan ng “mga anghel,” at wala sa unahan ng “mga espiritu [pneuʹma·ta],” kung kaya ang mga anghel ang paksang tinatalakay.) Ang Barnes’ Notes on the New Testament (1974) ay nagsabi: “Maipapalagay natin na [si Pablo], na naturuan tungkol sa wikang Hebreo, ang mas nakaaalam sa magandang kayarian nito [ng Awit 104:4] kaysa sa atin; at malamang na gagamitin niya ang talatang ito sa isang argumento ayon sa pagkaunawa ng karamihan sa mga sinulatan niya—samakatuwid nga, niyaong mga pamilyar sa wika at panitikang Hebreo.”—Ihambing ang Heb 1:14.
Bagaman ang mga anghel ng Diyos ay maaaring magkatawang-tao at magpakita sa mga tao, ang kalikasan nila ay hindi materyal o pisikal, kung kaya hindi sila nakikita. Sila’y buháy, aktibo, at may kakayahang gumamit ng malakas na puwersa, kaya naman angkop silang ilarawan ng mga terminong ruʹach at pneuʹma.
Sa Efeso 6:12, sinasabi na ang mga Kristiyano ay may pakikipagbuno, “hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa mga pamahalaan, laban sa mga awtoridad, laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” Sa Griego, ang huling bahagi ng teksto ay literal na nagsasabi: “Tungo sa espirituwal (na mga bagay) [sa Gr., pneu·ma·ti·kaʹ] ng kabalakyutan sa makalangit [na mga dako].” Kinikilala ng karamihan sa makabagong mga salin na ang tinutukoy rito ay hindi lamang isang bagay na abstrakto, ang “espirituwal na kabalakyutan” (KJ), kundi ang kabalakyutang isinasagawa ng mga espiritung persona. Kaya naman may mga saling gaya ng: “ang mga espiritung-puwersa ng kasamaan sa kaitaasan” (AT), “ang espirituwal na mga hukbo ng kabalakyutan sa makalangit na mga dako” (RS), “ang espirituwal na hukbo ng kasamaan sa langit” (JB), “ang nakahihigit-sa-taong mga puwersa ng kasamaan sa langit” (NE).
Aktibong Puwersa ng Diyos; Banal na Espiritu. Ang karamihan sa mga paglitaw ng ruʹach at pneuʹma ay nauugnay sa espiritu ng Diyos, ang kaniyang aktibong puwersa o banal na espiritu.
Hindi persona. Ang turo na ang banal na espiritu ay isang persona at bahagi ng “tatluhang Diyos” ay naging opisyal na doktrina ng simbahan noon lamang ikaapat na siglo C.E. Hindi nagturo ng ganiyan ang “mga ama” ng sinaunang simbahan; si Justin Martyr, noong ikalawang siglo C.E., ay nagturo na ang banal na espiritu ay isang ‘impluwensiya o paraan ng pagkilos ng Diyos’; hindi rin kinilala ni Hippolytus na may personalidad ang banal na espiritu. Ipinakikita sa buong Kasulatan na ang banal na espiritu ng Diyos ay hindi isang persona kundi ang aktibong puwersa ng Diyos na ginagamit niya upang isagawa ang kaniyang layunin at ipatupad ang kaniyang kalooban.
Una, dapat pansinin na ang mga salitang “sa langit, ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo: at ang tatlong ito ay iisa” (KJ) na masusumpungan sa 1 Juan 5:7 sa mas matatandang salin ay huwad na mga dagdag lamang sa orihinal na teksto. Sa isang talababa ng The Jerusalem Bible, na isang saling Katoliko, sinasabi na ang mga salitang ito ay “wala sa alinman sa sinaunang Griegong MSS [mga manuskrito], o alinman sa maagang mga salin, o sa pinakamahuhusay na MSS ng mismong Vulg[ate].” Detalyadong tinalunton ng A Textual Commentary on the Greek New Testament, ni Bruce Metzger (1975, p. 716-718), ang kasaysayan ng huwad na talatang ito. Sinasabi niyaon na ang talatang ito ay unang nasumpungan sa akdang pinamagatang Liber Apologeticus, ng ikaapat na siglo, at na lumitaw ito sa mga manuskritong Matandang Latin at Vulgate ng Kasulatan, pasimula noong ikaanim na siglo. Hindi ito inilalakip ng karamihan sa makabagong mga salin, kapuwa Katoliko at Protestante, sa mismong teksto, dahil itinuturing nilang ito’y huwad.—RS, NE, NAB.
Ang personipikasyon ay hindi nagpapatunay na ito’y persona. Totoo na tinukoy ni Jesus ang banal na espiritu bilang isang “katulong” at sinabi niya na ang katulong na iyon ay ‘nagtuturo,’ ‘nagpapatotoo,’ ‘nagbibigay ng katibayan,’ ‘umaakay,’ ‘nagsasalita,’ ‘nakaririnig,’ at ‘tumatanggap.’ Kapag ginagawa niya nito, ipinakikita ng orihinal na Griego na kung minsan ay ikinakapit ni Jesus sa “katulong” (paraclete) na iyon ang panlalaking panghalip panao. (Ihambing ang Ju 14:16, 17, 26; 15:26; 16:7-15.) Subalit sa Kasulatan, hindi kataka-takang bigyang-katauhan o gamitan ng personipikasyon ang isang bagay na hindi naman talaga persona. Ang karunungan ay binigyang-katauhan sa aklat ng Mga Kawikaan (1:20-33; 8:1-36); at sa orihinal na Hebreo, gayundin sa maraming saling Ingles, ginagamitan ito ng mga pambabaing panghalip. (KJ, RS, JP, AT) Binigyang-katauhan din ang karunungan sa Mateo 11:19 at Lucas 7:35, kung saan inilalarawan ito bilang may “mga gawa” at “mga anak.” Binigyang-katauhan ng apostol na si Pablo ang kasalanan at kamatayan at gayundin ang di-sana-nararapat na kabaitan anupat tinukoy ang mga ito bilang “mga hari.” (Ro 5:14, 17, 21; 6:12) Sinabi niya na ang kasalanan ay “tumatanggap ng pangganyak,” ‘nagdudulot ng kaimbutan,’ ‘nandaraya,’ at ‘pumapatay.’ (Ro 7:8-11) Subalit maliwanag na hindi ibig sabihin ni Pablo na ang kasalanan ay isang aktuwal na persona.
Sa gayunding paraan, ang iniulat ni Juan na mga salita ni Jesus tungkol sa banal na espiritu ay dapat unawain ayon sa konteksto. Binigyang-katauhan ni Jesus ang banal na espiritu nang tukuyin niya ang espiritung iyon bilang isang “katulong” (na sa Griego ay ang panlalaking substantive na pa·raʹkle·tos). Kung gayon, wasto lamang na gamitan ni Juan ng mga panlalaking panghalip panao ang mga salita ni Jesus na tumutukoy sa pagiging “katulong” ng espiritung iyon. Sa kabilang dako, sa konteksto ring iyon, kapag lumilitaw ang Griegong pneuʹma, gumagamit si Juan ng isang walang-kasariang panghalip upang tumukoy sa banal na espiritu yamang ang pneuʹma mismo ay walang kasarian. Samakatuwid, ang paggamit ni Juan ng panlalaking panghalip panao may kaugnayan sa pa·raʹkle·tos ay isang halimbawa ng pagsunod sa mga alituntunin ng balarila at hindi isang kapahayagan ng doktrina.—Ju 14:16, 17; 16:7, 8.
Hindi ipinakikilala bilang persona. Yamang ang Diyos mismo ay Espiritu at banal, at yamang ang lahat ng kaniyang tapat na anghelikong anak ay mga espiritu at mga banal din, maliwanag na kung persona ang “banal na espiritu,” makatuwiran lamang na ipakikita sa Kasulatan sa ilang paraan ang kaibahan ng gayong espiritung persona sa lahat ng iba pang ‘mga banal na espiritung’ iyon. Kahit papaano, sa lahat ng kaso na hindi ito tinatawag na “banal na espiritu ng Diyos” o hindi ito ginagamitan ng katulad na pananalitang naglalarawan dito, maaasahan na gagamitan ito ng pamanggit na pantukoy. Sa gayon ay maipakikita ang kaibahan nito bilang ANG Banal na Espiritu. Ngunit sa kabaligtaran, sa maraming kaso, ang pananalitang “banal na espiritu” ay lumilitaw sa orihinal na Griego nang walang pantukoy, sa gayo’y nagpapahiwatig na hindi ito persona.—Ihambing ang Gaw 6:3, 5; 7:55; 8:15, 17, 19; 9:17; 11:24; 13:9, 52; 19:2; Ro 9:1; 14:17; 15:13, 16, 19; 1Co 12:3; Heb 2:4; 6:4; 2Pe 1:21; Jud 20, Int at iba pang mga saling interlinear.
Kung paano binabautismuhan sa “pangalan” nito. Sa Mateo 28:19, binabanggit ang “pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” Ang salitang “pangalan” ay hindi lamang tumutukoy sa personal na pangalan. Halimbawa, sa Tagalog, kapag sinabi nating “sa ngalan ng batas,” o “sa ngalan ng katotohanan,” hindi persona ang tinutukoy natin. Sa mga pananalitang ito, ang ibig sabihin ng “ngalan” o “pangalan” ay ‘kung ano ang kinakatawanan ng batas o ang awtoridad nito’ at ‘kung ano ang kinakatawanan ng katotohanan o ang hinihiling nito.’ Ang terminong Griego para sa “pangalan” (oʹno·ma) ay maaari ring magkaroon ng ganitong diwa. Kaya bagaman may ilang salin (KJ, AS) na literal na sumusunod sa tekstong Griego sa Mateo 10:41 at nagsasabi na ang isang “tumatanggap sa isang propeta sa ngalan ng isang propeta, ay tatanggap ng gantimpala ng propeta; at siya na tumatanggap sa isang taong matuwid sa ngalan ng isang taong matuwid, ay tatanggap ng gantimpala ng taong matuwid,” ang mas makabagong mga salin ay nagsasabing, “tumatanggap sa isang propeta sapagkat siya ay propeta” at “tumatanggap sa isang taong matuwid sapagkat siya ay taong matuwid,” o katulad nito. (RS, AT, JB, NW) Dahil dito, ang Word Pictures in the New Testament ni Robertson (1930, Tomo I, p. 245) ay nagsabi hinggil sa Mateo 28:19: “Ang paggamit dito ng pangalan (onoma) ay pangkaraniwan sa Septuagint at sa mga papiro upang tumukoy sa kapangyarihan o awtoridad.” Samakatuwid, ang bautismo ‘sa pangalan ng banal na espiritu’ ay nagpapahiwatig ng pagkilala na ang espiritung iyon ay nagmula sa Diyos at na kumikilos iyon kaayon ng kaniyang kalooban.
Iba pang katibayan na hindi ito persona. Ang karagdagang katibayan na hindi persona ang banal na espiritu ay ang pagkakagamit dito kaugnay ng iba pang mga bagay na hindi persona, gaya ng tubig at apoy (Mat 3:11; Mar 1:8); at ang mga Kristiyano ay sinasabing binabautismuhan “sa banal na espiritu.” (Gaw 1:5; 11:16) Ang mga tao ay hinihimok na “mapuspos ng espiritu” at hindi ng alak. (Efe 5:18) Ang mga tao ay sinasabi ring ‘napupuspos’ nito kasama ng mga katangiang gaya ng karunungan at pananampalataya (Gaw 6:3, 5; 11:24) o kagalakan (Gaw 13:52); at ang banal na espiritu ay binanggit kasama ng maraming katulad na mga katangian sa 2 Corinto 6:6. Napakalayong mangyari na babanggitin ang gayong mga pananalita kung ang banal na espiritu ay isang personang tulad ng Diyos. Hinggil sa ‘pagpapatotoo’ ng espiritu (Gaw 5:32; 20:23), mapapansin na ganito rin ang sinasabi tungkol sa tubig at sa dugo sa 1 Juan 5:6-8. Bagaman may mga tekstong nagsasabi na ang espiritu ay ‘nagpapatotoo,’ ‘nagsasalita,’ o ‘nagsasabi’ ng mga bagay-bagay, nililinaw ng ibang mga teksto na nagsalita ito sa pamamagitan ng mga tao, yamang wala itong tinig sa ganang sarili. (Ihambing ang Heb 3:7; 10:15-17; Aw 95:7; Jer 31:33, 34; Gaw 19:2-6; 21:4; 28:25.) Sa gayo’y maihahambing ito sa mga radio wave na nakapaghahatid ng mensahe mula sa isang taong nagsasalita sa mikropono upang marinig ng mga taong nasa malayo ang kaniyang tinig, anupat sa diwa ay ‘nagsasalita’ siya ng mensahe sa pamamagitan ng radio loudspeaker. Ang Diyos, sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, ay naghahatid ng kaniyang mga mensahe at nagpapatalastas ng kaniyang kalooban sa isip at puso ng kaniyang mga lingkod dito sa lupa, na makapagtatawid naman ng mensaheng iyon sa iba pa.
Naiiba sa “kapangyarihan.” Samakatuwid, ang ruʹach at pneuʹma, kapag ginagamit may kaugnayan sa banal na espiritu ng Diyos, ay tumutukoy sa di-nakikitang aktibong puwersa ng Diyos na sa pamamagitan niyao’y isinasagawa niya ang kaniyang layunin at kalooban. Ito’y “banal” sapagkat nagmula ito sa Kaniya, hindi sa kaninuman sa lupa, at malaya ito sa lahat ng katiwalian bilang “espiritu ng kabanalan.” (Ro 1:4) Hindi ito ang “kapangyarihan” ni Jehova, yamang ang salitang “kapangyarihan” ay mas wastong salin ng ibang mga termino sa orihinal na mga wika (sa Heb., koʹach; sa Gr., dyʹna·mis). Sa maraming talata, ang ruʹach at ang pneuʹma ay ginagamit kasama ng mga terminong iyon na nangangahulugan ng “kapangyarihan,” anupat nagpapakitang ang mga ito ay likas na magkaugnay subalit maliwanag na magkaiba. (Mik 3:8; Zac 4:6; Luc 1:17, 35; Gaw 10:38) Pangunahin na, ang “kapangyarihan” ay ang kakayahang kumilos o gumawa ng mga bagay-bagay at maaaring ito’y natatago o di-aktibong namamalagi sa isang persona o bagay. Sa kabilang dako, ang “puwersa” ay mas espesipikong tumutukoy sa enerhiyang itinutuon at ginagamit sa mga persona at mga bagay, at maaari itong bigyang-katuturan bilang “isang impluwensiya na lumilikha o may tendensiyang lumikha ng pagkilos, o pagbabago ng pagkilos.” Ang “kapangyarihan” ay maihahalintulad sa enerhiyang nakaimbak sa isang batirya, samantalang ang “puwersa” naman ay maihahambing sa kuryenteng dumadaloy mula sa batiryang iyon. Kung gayon, mas angkop na kinakatawanan ng salitang “puwersa” ang diwa ng mga terminong Hebreo at Griego na may kinalaman sa espiritu ng Diyos, at pinatutunayan ito ng pagsusuri sa Kasulatan.
Ginamit sa Paglalang. Isinagawa ng Diyos na Jehova ang paglalang sa materyal na sansinukob sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, o aktibong puwersa. Hinggil sa maaagang yugto noong inaanyuan ang planetang Lupa, sinasabi ng ulat na “ang aktibong puwersa [o “espiritu” (ruʹach)] ng Diyos ay gumagalaw nang paroo’t parito sa ibabaw ng tubig.” (Gen 1:2) Sinasabi ng Awit 33:6: “Sa pamamagitan ng salita ni Jehova ay nalikha ang langit, at ang buong hukbo nila ay sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang bibig.” Gaya ng malakas na hihip ng hininga, maaaring isugo ang espiritu ng Diyos para magtuon ng kapangyarihan sa isang bagay kahit wala itong anumang pisikal na kontak doon. (Ihambing ang Exo 15:8, 10.) Kung paanong ginagamit ng isang taong manggagawa ang puwersa ng kaniyang mga kamay at mga daliri upang lumikha ng mga bagay-bagay, ginagamit ng Diyos ang kaniyang espiritu. Kaya naman ang espiritung iyon ay tinutukoy rin bilang ang “kamay” o “mga daliri” ng Diyos.—Ihambing ang Aw 8:3; 19:1; Mat 12:28 sa Luc 11:20.
Inilalarawan ng makabagong siyensiya ang materya bilang organisadong enerhiya, na tulad ng mga bungkos ng enerhiya, at kinikilala nito na “ang materya ay maaaring gawing enerhiya at ang enerhiya ay maaaring gawing materya.” (The World Book Encyclopedia, 1987, Tomo 13, p. 246) Ang pagkalawak-lawak na sansinukob na nakilala ng tao sa pamamagitan ng kaniyang mga teleskopyo ay nagbibigay ng bahagyang ideya tungkol sa di-nasasaid na bukal ng enerhiya na taglay ng Diyos na Jehova. Gaya ng isinulat ng propeta: “Sino ang sumukat sa espiritu ni Jehova?”—Isa 40:12, 13, 25, 26.
Bukal ng buhay at ng kakayahan sa pag-aanak. Tulad ng mga nilalang na walang buhay, umiral ang lahat ng nilalang na may buhay dahil sa pagkilos ng espiritu ni Jehova na lumikha sa orihinal na mga nilalang na buháy na pinagmulan ng lahat ng mga nilalang na buháy sa ngayon. (Ihambing ang Job 33:4; tingnan ang seksiyon ng artikulong ito sa ilalim ng “Hininga; Hininga ng Buhay; Puwersa ng Buhay.”) Ginamit ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu upang panumbalikin ang kakayahang mag-anak nina Abraham at Sara, kaya naman masasabi na si Isaac ay “ipinanganak ayon sa espiritu.” (Gal 4:28, 29) Sa pamamagitan din ng kaniyang espiritu, inilipat ng Diyos ang buhay ng kaniyang Anak mula sa langit tungo sa lupa, anupat pinangyaring maipaglihi ito sa bahay-bata ng birheng Judio na si Maria.—Mat 1:18, 20; Luc 1:35.
Ginamit Para sa Kapakanan ng mga Lingkod ng Diyos. Ang isang pangunahing pagkilos ng espiritu ng Diyos ay nauugnay sa kakayahan nitong magbigay-alam, magbigay-liwanag, at magsiwalat ng mga bagay-bagay. Kaya naman nanalangin si David: “Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban, sapagkat ikaw ang aking Diyos. Ang iyong espiritu ay mabuti; patnubayan nawa ako nito sa lupain ng katuwiran.” (Aw 143:10) Mas maaga rito, ibinigay ni Jose ang pakahulugan ng makahulang mga panaginip ni Paraon, anupat nagawa niya iyon sa tulong ng Diyos. Kinilala ng tagapamahalang Ehipsiyo na kumikilos kay Jose ang espiritu ng Diyos. (Gen 41:16, 25-39) Lalo nang kapansin-pansin sa mga hula ang kapangyarihang ito ng espiritu na magbigay-liwanag. Gaya ng ipinakikita ng apostol, ang hula ay hindi nagmumula sa pagpapakahulugan ng tao sa mga kalagayan at mga pangyayari; hindi ito resulta ng anumang likas na kakayahan ng mga propeta na ipaliwanag ang kahulugan at implikasyon ng mga ito o ihula ang kahihinatnan ng mga bagay na mangyayari. Sa halip, ang mga lalaking iyon ay ‘ginabayan ng banal na espiritu,’ anupat inakay, kinilos, at pinatnubayan ng aktibong puwersa ng Diyos. (2Pe 1:20, 21; 2Sa 23:2; Zac 7:12; Luc 1:67; 2:25-35; Gaw 1:16; 28:25; tingnan ang HULA; PROPETA.) Gayundin naman, ang buong kinasihang Kasulatan ay “kinasihan ng Diyos,” na salin ng Griegong the·oʹpneu·stos, literal na nangangahulugang “hiningahan ng Diyos.” (2Ti 3:16) Sa pakikipagtalastasan sa mga lalaking iyon at sa pagpatnubay sa kanila, kumilos ang espiritu sa iba’t ibang kaparaanan, anupat sa ilang kaso ay pinangyari nito na makakita sila ng mga pangitain o mga panaginip (Eze 37:1; Joe 2:28, 29; Apo 4:1, 2; 17:3; 21:10), subalit sa lahat ng kaso ay kinilos nito ang kanilang puso’t isip upang ganyakin sila at patnubayan sila alinsunod sa layunin ng Diyos.—Dan 7:1; Gaw 16:9, 10; Apo 1:10, 11; tingnan ang PAGKASI.
Samakatuwid, hindi lamang pagsisiwalat at unawa sa kalooban ng Diyos ang hatid ng espiritu ng Diyos kundi pinalalakas din nito ang kaniyang mga lingkod upang makapagsagawa sila ng mga bagay alinsunod sa kaloobang iyon. Ang espiritung ito ay kumikilos bilang isang nagtutulak na puwersa na nagpapakilos at nag-uudyok sa kanila, kung paanong sinabi ni Marcos na “inudyukan” si Jesus ng espiritu na pumaroon sa ilang pagkatapos niyang mabautismuhan. (Mar 1:12; ihambing ang Luc 4:1.) Maaari itong maging tulad ng “apoy” sa loob nila, na ‘pinagniningas’ sila sa puwersang iyon (1Te 5:19; Gaw 18:25; Ro 12:11), at para bang nag-iipon ng presyon sa loob nila upang makapagsagawa sila ng isang gawain. (Ihambing ang Job 32:8, 18-20; 2Ti 1:6, 7.) Tumatanggap sila ng “kapangyarihan ng espiritu,” o “kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.” (Luc 2:27; Efe 3:16; ihambing ang Mik 3:8.) Subalit hindi ito basta isang di-namamalayang simbuyo, sapagkat naaapektuhan din nito ang kanilang isip at puso anupat maaari silang makipagtulungan nang may katalinuhan sa aktibong puwersang ibinigay sa kanila. Kaya naman hinggil sa mga tumanggap ng kaloob na panghuhula sa kongregasyong Kristiyano, masasabi ng apostol na ang “mga kaloob ng espiritu ng mga propeta ay susupilin ng mga propeta” upang mapanatili ang mabuting kaayusan.—1Co 14:31-33.
Sari-saring pagkilos. Kung paanong ang kuryente ay maaaring gamitin sa iba’t ibang gawain, ang espiritu ng Diyos ay ginagamit upang atasan at tulungan ang mga tao na gumawa ng sari-saring gawain. (Isa 48:16; 61:1-3) Gaya ng isinulat ni Pablo tungkol sa makahimalang mga kaloob ng espiritu noong panahon niya: “Ngayon ay may sari-saring kaloob, ngunit may iisang espiritu; at may sari-saring ministeryo, at gayunma’y may iisang Panginoon; at may sari-saring gawain, at gayunma’y iisang Diyos ang nagsasagawa ng lahat ng paggawa sa lahat ng mga tao. Ngunit ang paghahayag ng espiritu ay ibinibigay sa bawat isa ukol sa isang kapaki-pakinabang na layunin.”—1Co 12:4-7.
Ang espiritu ay may puwersa o kakayahang magpaging-kuwalipikado; maaari nitong gawing kuwalipikado ang mga tao para sa isang gawain o isang katungkulan. Bagaman maaaring may kaalaman na sina Bezalel at Oholiab sa mga gawang-kamay bago sila inatasang gumawa ng mga kasangkapan sa tabernakulo at ng mga kasuutan ng mga saserdote, ‘pinuspos sila ng espiritu ng Diyos sa karunungan, unawa, at kaalaman’ upang maisagawa ang gawain sa paraang nilayon para rito. Pinahusay nito ang anumang likas na kakayahan at natamong kaalaman na taglay nila, at tinulungan sila nito na makapagturo sa iba. (Exo 31:1-11; 35:30-35) Ang mga arkitektural na plano para sa templo ay ibinigay kay David sa pamamagitan ng pagkasi, samakatuwid nga, sa pamamagitan ng pagkilos ng espiritu ng Diyos, sa gayo’y tinulungan si David na maisagawa ang malawakang paghahanda para sa proyekto.—1Cr 28:12.
Ang espiritu ng Diyos ay kumilos kay Moises upang siya’y makapanghula at makagawa ng mga himala, makapanguna sa bansa at makaganap bilang hukom, sa gayo’y lumarawan siya sa magiging papel ni Kristo Jesus sa hinaharap. (Isa 63:11-13; Gaw 3:20-23) Ngunit dahil isa siyang taong di-sakdal, nabigatan si Moises sa pananagutang pasan niya, kung kaya ‘kinuha ng Diyos ang ilang bahagi ng espiritu na sumasa kay Moises at inilagay Niya iyon sa 70 matatandang lalaki’ upang makatulong sila sa pagdadala ng pasan. (Bil 11:11-17, 24-30) Kumilos din ang espiritung iyon kay David mula noong pahiran siya ni Samuel, anupat pinatnubayan at inihanda siya para sa paghahari.—1Sa 16:13.
Bilang kahalili ni Moises, si Josue ay naging “puspos ng espiritu ng karunungan.” Ngunit ang espiritu ay hindi nagbigay sa kaniya ng kakayahang humula at gumawa ng mga himala sa antas na nagawa ni Moises. (Deu 34:9-12) Gayunman, tinulungan nito si Josue na pangunahan ang Israel sa kampanyang militar upang masakop ang Canaan. Sa gayunding paraan, ang espiritu ni Jehova ay “bumalot” sa ibang mga lalaki, anupat ‘inudyukan’ sila nito bilang mga tagapagtanggol ng bayan ng Diyos, gaya nina Otniel, Gideon, Jepte, at Samson.—Huk 3:9, 10; 6:34; 11:29; 13:24, 25; 14:5, 6, 19; 15:14.
Pinalakas ng espiritu ng Diyos ang mga lalaki upang buong-tapang nilang salitain sa mga sumasalansang ang kaniyang mensahe ng katotohanan manganib man ang kanilang buhay.—Mik 3:8.
Ang ‘pagbubuhos’ ng Diyos ng espiritu sa kaniyang bayan ay katibayan ng kaniyang pabor, at nagbubunga ito ng mga pagpapala at ng kasaganaan.—Eze 39:29; Isa 44:3, 4.
Humahatol at naglalapat ng kahatulan. Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, ang Diyos ay humahatol sa mga tao at mga bansa; inilalapat din niya ang kaniyang mga kahatulan—anupat nagpaparusa o pumupuksa. (Isa 30:27, 28; 59:18, 19) Sa gayong mga kaso, ang ruʹach ay angkop na isalin bilang “bugso,” gaya noong sabihin ni Jehova na magpapahihip siya ng “bugso [ruʹach] ng mga buhawi” dahil sa kaniyang pagngangalit. (Eze 13:11, 13; ihambing ang Isa 25:4; 27:8.) Ang espiritu ng Diyos ay nakararating sa lahat ng dako, anupat kumikilos ito nang pabor o laban sa mga tumatanggap ng kaniyang atensiyon.—Aw 139:7-12.
Sa Apocalipsis 1:4, ang “pitong espiritu” ng Diyos ay sinasabing nasa harap ng kaniyang trono, at pagkatapos nito ay may pitong mensahe na ibinigay, na bawat isa’y nagtatapos sa payo na “makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.” (Apo 2:7, 11, 17, 29; 3:6, 13, 22) Ang mga mensaheng ito ay naglalaman ng sumusuri-sa-pusong mga kapahayagan ng paghatol at mga pangako ng gantimpala para sa katapatan. Ipinakikitang taglay ng Anak ng Diyos ang “pitong espiritu ng Diyos” (Apo 3:1); at sinasabing ang mga ito ang “pitong lampara ng apoy” (Apo 4:5), at na ang mga ito rin ang pitong mata ng kordero na pinatay, “na ang mga mata ay nangangahulugang pitong espiritu ng Diyos na isinugo sa buong lupa.” (Apo 5:6) Yamang ang bilang na pito ay ginagamit sa ibang makahulang mga teksto upang kumatawan sa pagiging kumpleto (tingnan ang BILANG, NUMERO), lumilitaw na ang pitong espiritung ito ay sumasagisag sa lubos at aktibong kakayahan na magmasid, umunawa, o umalam na taglay ng niluwalhating si Jesu-Kristo, ang Kordero ng Diyos, na sa pamamagitan nito ay maaari niyang suriin ang buong lupa.
Ang Salita ng Diyos ang siyang “tabak” ng espiritu (Efe 6:17), anupat isinisiwalat nito kung ano talaga ang isang tao, inilalantad ang nakatagong mga katangian o mga saloobin ng puso at pinangyayari nitong palambutin ng isa ang kaniyang puso at umayon siya sa kalooban ng Diyos na ipinahayag ng Salitang iyon o kaya naman ay patigasin niya ang kaniyang puso sa paghihimagsik. (Ihambing ang Heb 4:11-13; Isa 6:9, 10; 66:2, 5.) Samakatuwid, ang Salita ng Diyos ay gumaganap ng malaking papel sa paghula ng di-kaayaayang hatol, at yamang kailangang maisagawa ang salita o mensahe ng Diyos, ang katuparan ng salitang iyon ay tulad ng paglamon ng apoy sa dayami at pagdurog ng martilyong pampanday sa malaking bato. (Jer 23:28, 29) Si Kristo Jesus, bilang pangunahing Tagapagsalita ng Diyos, bilang “Ang Salita ng Diyos,” ay nagpapahayag ng mga mensahe ng paghatol ng Diyos at awtorisadong mag-utos na ilapat ang mga kahatulang iyon sa mga nahatulan. Tiyak na ito ang tinutukoy kapag binabanggit na lilipulin niya ang mga kaaway ng Diyos “sa pamamagitan ng espiritu [nagpapakilos na puwersa] ng kaniyang bibig.”—Ihambing ang 2Te 2:8; Isa 11:3, 4; Apo 19:13-16, 21.
Kumikilos bilang “katulong” para sa kongregasyon. Gaya ng ipinangako ni Jesus, pagkaakyat niya sa langit ay hiniling niya sa kaniyang Ama ang banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos, at ipinagkaloob sa kaniya ang awtoridad na gamitin ang espiritung ito. ‘Ibinuhos’ niya ito sa kaniyang tapat na mga alagad noong araw ng Pentecostes, anupat mula noon ay patuloy niyang ginawa iyon para sa mga bumabaling sa Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak. (Ju 14:16, 17, 26; 15:26; 16:7; Gaw 1:4, 5; 2:1-4, 14-18, 32, 33, 38) Kung paanong noong una ay nabautismuhan sila sa tubig, nang pagkakataong ito naman ay ‘binautismuhan sila tungo sa iisang katawan’ sa pamamagitan ng iisang espiritung iyon, anupat inilubog doon, wika nga, kung paanong ang isang piraso ng bakal ay maaaring ilubog sa isang magnetic field at pagkatapos ay makakargahan ito ng puwersang magnetiko. (1Co 12:12, 13; ihambing ang Mar 1:8; Gaw 1:5.) Bagaman ang espiritu ng Diyos ay dati nang kumikilos sa mga alagad, gaya ng pinatutunayan ng pagpapalayas nila ng mga demonyo (ihambing ang Mat 12:28; Mar 3:14, 15), ngayon ay kumilos ito sa kanila nang mas masidhi at mas malawak at sa bagong mga paraan na hindi pa nila nararanasan.—Ihambing ang Ju 7:39.
Bilang Mesiyanikong Hari, taglay ni Kristo Jesus ang “espiritu ng karunungan at ng pagkaunawa, ang espiritu ng payo at ng kalakasan, ang espiritu ng kaalaman at ng pagkatakot kay Jehova.” (Isa 11:1, 2; 42:1-4; Mat 12:18-21) Ang puwersang ito ukol sa katuwiran ay nahahayag sa paggamit niya sa aktibong puwersa o espiritu ng Diyos upang patnubayan ang kongregasyong Kristiyano sa lupa, yamang si Jesus, dahil sa pag-aatas ng Diyos, ang siyang Ulo, May-ari, at Panginoon nito. (Col 1:18; Jud 4) Bilang “katulong,” ang espiritung iyon ay nagbigay sa kanila ng higit na unawa sa kalooban at layunin ng Diyos at binuksan nito sa kanila ang makahulang Salita ng Diyos. (1Co 2:10-16; Col 1:9, 10; Heb 9:8-10) Pinalakas sila upang maglingkod bilang mga saksi sa buong lupa (Luc 24:49; Gaw 1:8; Efe 3:5, 6); pinagkalooban sila ng makahimalang “mga kaloob ng espiritu,” kung kaya sila’y nakapagsalita ng mga wikang banyaga, nakapanghula, nakapagpagaling, at nakapagsagawa ng iba pang mga gawain na makapagpapadali sa paghahayag nila ng mabuting balita at magsisilbing katibayan na ang kanilang atas ay mula sa Diyos at na sinusuportahan niya sila.—Ro 15:18, 19; 1Co 12:4-11; 14:1, 2, 12-16; ihambing ang Isa 59:21; tingnan ang KALOOB MULA SA DIYOS (Mga Kaloob ng Espiritu).
Bilang Tagapangasiwa ng kongregasyon, ginamit ni Jesus ang espiritu sa pamamahala—anupat pinatnubayan niya ang pagpili ng mga lalaki para sa pantanging mga misyon at para maglingkod sa pangangasiwa, pagtuturo, at ‘pagbabalik sa ayos’ ng kongregasyon. (Gaw 13:2-4; 20:28; Efe 4:11, 12) Pinakilos niya sila, at pinigilan din, anupat ipinahiwatig kung saan nila dapat ituon ang kanilang ministeryo (Gaw 16:6-10; 20:22), at ginawa silang epektibo bilang mga manunulat ng ‘mga liham ni Kristo, na isinulat sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos sa mga tapyas na laman, sa mga puso ng mga tao.’ (2Co 3:2, 3; 1Te 1:5) Gaya ng ipinangako, ipinaalaala sa kanila ng espiritu ang mga bagay-bagay, pinasigla ang kanilang kakayahang mag-isip, at pinalakas-loob sila na magpatotoo kahit sa harap ng mga tagapamahala.—Ihambing ang Mat 10:18-20; Ju 14:26; Gaw 4:5-8, 13, 31; 6:8-10.
Bilang “mga batong buháy,” sila’y itinatayo upang maging isang espirituwal na templong nakasalig kay Kristo, na sa pamamagitan niyao’y ihahandog ang ‘espirituwal na mga hain’ (1Pe 2:4-6; Ro 15:15, 16) at aawitin ang espirituwal na mga awit (Efe 5:18, 19) at doo’y tatahan ang Diyos sa espiritu. (1Co 3:16; 6:19, 20; Efe 2:20-22; ihambing ang Hag 2:5.) Ang espiritu ng Diyos ay isang napakalakas na puwersa ukol sa pagkakaisa, at hangga’t hinahayaan ng mga Kristiyanong iyon na malaya itong dumaloy sa gitna nila, mapayapa silang binubuklod nito sa mga bigkis ng pag-ibig at debosyon sa Diyos, sa kaniyang Anak, at sa isa’t isa. (Efe 4:3-6; 1Ju 3:23, 24; 4:12, 13; ihambing ang 1Cr 12:18.) Hindi sila sinangkapan ng kaloob ng espiritu para sa mekanikal na uri ng mga gawain, gaya ng ginawa nito kay Bezalel at sa iba pa na gumawa ng materyal na mga istraktura at kasangkapan, ngunit sinangkapan sila nito para sa espirituwal na mga gawain ng pagtuturo, pagpatnubay, pagpapastol, at pagpapayo. Ang espirituwal na templong kinabibilangan nila ay dapat magayakan ng magagandang bunga ng espiritu ng Diyos, at ang mga bungang iyan ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya,” at katulad na mga katangian ay malinaw na patotoo na kumikilos sa kanila at sa gitna nila ang espiritu ng Diyos. (Gal 5:22, 23; ihambing ang Luc 10:21; Ro 14:17.) Ito ang saligan at pangunahing dahilan kung bakit may mabuting kaayusan at epektibong pamamatnubay sa gitna nila. (Gal 5:24-26; 6:1; Gaw 6:1-7; ihambing ang Eze 36:26, 27.) Nagpapasakop sila sa ‘kautusan ng espiritu,’ isang mabisang puwersa ukol sa katuwiran na kumikilos upang hadlangan ang mga gawain ng likas na makasalanang laman. (Ro 8:2; Gal 5:16-21; Jud 19-21) Ang kanilang pagtitiwala ay nasa espiritu ng Diyos na kumikilos sa kanila, hindi sa likas na mga kakayahan o pinagmulan sa laman.—1Co 2:1-5; Efe 3:14-17; Fil 3:1-8.
Kapag may mga tanong na bumabangon, ang banal na espiritu ay isang katulong sa pagbuo ng pasiya, gaya sa usapin ng pagtutuli, na pinagpasiyahan ng lupon, o sanggunian, ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem. Sinabi ni Pedro na ang espiritu ay ipinagkaloob sa di-tuling mga tao ng mga bansa; inilahad nina Pablo at Bernabe ang mga pagkilos ng espiritu sa kanilang ministeryo sa gitna ng gayong mga tao; at itinawag-pansin ni Santiago, na ang alaala ay maliwanag na inalalayan ng banal na espiritu, ang kinasihang hula ni Amos na nagsasabing tatawagin sa pangalan ng Diyos ang mga tao ng mga bansa. Sa gayo’y nakaturo sa iisang direksiyon ang lahat ng pagkilos ng banal na espiritu ng Diyos, kung kaya bilang pagkilala rito, nang isulat ng lupon o sangguniang ito ang liham na naglalahad ng kanilang pasiya, sinabi nila: “Sapagkat minagaling ng banal na espiritu at namin mismo na huwag nang magdagdag ng higit pang pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan.”—Gaw 15:1-29.
Nagpapahid, nag-aanak, nagbibigay ng ‘espirituwal na buhay.’ Kung paanong pinahiran ng Diyos si Jesus ng Kaniyang banal na espiritu noong bautismuhan ito (Mar 1:10; Luc 3:22; 4:18; Gaw 10:38), pinahiran din niya nito ang mga alagad ni Jesus. Ang pagpapahid na ito ng espiritu ay “palatandaan” ng makalangit na mana na doo’y tinawag sila (2Co 1:21, 22; 5:1, 5; Efe 1:13, 14), at nagpapatotoo ito sa kanila na sila’y ‘inianak,’ o iniluwal, ng Diyos upang maging kaniyang mga anak lakip ang pangako ng buhay sa langit bilang mga espiritu. (Ju 3:5-8; Ro 8:14-17, 23; Tit 3:5; Heb 6:4, 5) Sila’y nilinis, pinabanal, at ipinahayag na matuwid “sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos,” anupat sa pamamagitan ng espiritung iyon ay naging kuwalipikado si Jesus na maglaan ng haing pantubos at maging mataas na saserdote ng Diyos.—1Co 6:11; 2Te 2:13; Heb 9:14; 1Pe 1:1, 2.
Dahil sa gayong makalangit na pagtawag at mana, ang pinahiran-ng-espiritung mga tagasunod ni Jesus ay nagkaroon ng espirituwal na buhay, bagaman nabubuhay pa sila bilang mga nilalang na di-sakdal at laman. Maliwanag na ito ang tinutukoy ng apostol nang ihambing niya sa makalupang mga ama ang Diyos na Jehova, na “Ama ng ating espirituwal na buhay [sa literal, “Ama ng mga espiritu”].” (Heb 12:9; ihambing ang talata 23.) Bilang mga kasamang tagapagmana ni Kristo, at nakatakdang ibangon mula sa kamatayan sa isang espirituwal na katawang katulad ng kaniyang makalangit na larawan, dapat silang mabuhay sa lupa bilang “iisang espiritu” na kaisa niya bilang kanilang Ulo, anupat hindi pinahihintulutan na ang mga pagnanasa o imoral na mga hilig ng kanilang laman ay maging puwersang kumokontrol sa kanila, yamang maaaring humantong iyon sa kanilang pagiging ‘kaisang-laman’ ng isang patutot.—1Co 6:15-18; 15:44-49; Ro 8:5-17.
Pagtatamo at pagpapanatili ng espiritu ng Diyos. Ang banal na espiritu ay “walang-bayad na kaloob” ng Diyos na malugod niyang ipinagkakaloob sa mga taimtim na humahanap at humihiling nito. (Gaw 2:38; Luc 11:9-13) Napakahalagang salik ang pagkakaroon ng matuwid na puso (Gaw 15:8), ngunit mahahalagang salik din ang pag-alam at pag-ayon sa mga kahilingan ng Diyos. (Ihambing ang Gaw 5:32; 19:2-6.) Kapag tinanggap na ng isang Kristiyano ang espiritu ng Diyos, hindi niya ito dapat ‘pighatiin’ sa pamamagitan ng pagwawalang-bahala rito (Efe 4:30; ihambing ang Isa 63:10), anupat tumatahak sa isang landasing salungat sa pag-akay nito, itinutuon ang puso sa mga tunguhing naiiba sa itinuturo at iniuudyok nito, at itinatakwil ang kinasihang Salita ng Diyos pati ang payo at pagkakapit nito sa kaniyang sarili. (Gaw 7:51-53; 1Te 4:8; ihambing ang Isa 30:1, 2.) Sa pamamagitan ng pagpapaimbabaw, ang isa ay maaaring “magbulaan” sa banal na espiritung iyon na ginagamit ni Kristo sa pagpatnubay sa kongregasyon, at yaong mga ‘nanunubok’ sa kapangyarihan niyaon sa ganitong paraan ay tumatahak sa isang kapaha-pahamak na landasin. (Gaw 5:1-11; ihambing ang Ro 9:1.) Ang sinasadyang pagsalansang at paghihimagsik laban sa malinaw na pagkakahayag ng espiritu ng Diyos ay maaaring mangahulugan ng pamumusong laban sa espiritung iyon, isang kasalanan na walang kapatawaran.—Mat 12:31, 32; Mar 3:29, 30; ihambing ang Heb 10:26-31.
Hininga; Hininga ng Buhay; Puwersa ng Buhay. Sa ulat ng paglalang sa tao, sinasabi na inanyuan ng Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa at “inihihip [isang anyo ng na·phachʹ] sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga [isang anyo ng nesha·mahʹ] ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy [neʹphesh].” (Gen 2:7; tingnan ang KALULUWA.) Ang neʹphesh ay maaaring isalin nang literal bilang “isa na humihinga,” samakatuwid nga, “isang nilalang na humihinga,” alinman sa tao o hayop. Sa katunayan, ginagamit ang nesha·mahʹ upang mangahulugang “bagay [o nilalang] na humihinga” at sa gayon ay ginagamit ito bilang halos singkahulugan ng neʹphesh, “kaluluwa.” (Ihambing ang Deu 20:16; Jos 10:39, 40; 11:11; 1Ha 15:29.) Ginamit ng ulat sa Genesis 2:7 ang nesha·mahʹ nang ilarawan nito ang pagpapangyari ng Diyos na magkaroon ng buhay ang katawan ni Adan anupat ang taong iyon ay naging “isang kaluluwang buháy.” Gayunman, ipinakikita ng ibang mga teksto na higit pa ang kasangkot dito kaysa sa simpleng paglanghap ng hangin, samakatuwid nga, higit pa sa basta pagpasok at paglabas ng hangin sa mga baga. Kaya naman, sa Genesis 7:22, bilang paglalarawan sa pagkapuksa ng mga tao at mga hayop na nasa labas ng arka noong panahon ng Baha, mababasa natin: “Ang lahat ng may hininga [isang anyo ng nesha·mahʹ] ng puwersa [o, “espiritu” (ruʹach)] ng buhay sa mga butas ng kaniyang ilong, samakatuwid ay lahat ng nasa tuyong lupa, ay namatay.” Kung gayon, ang nesha·mahʹ, “hininga,” ay tuwirang iniuugnay sa ruʹach, na sa tekstong iyon ay lumalarawan sa espiritu, o puwersa ng buhay, na aktibo sa lahat ng mga nilalang na buháy—mga kaluluwang tao at hayop.
Gaya ng sabi ng Theological Dictionary of the New Testament (Tomo VI, p. 336): “Ang hininga ay mahahalata lamang sa galaw [gaya ng pagtaas at pagbaba ng dibdib o paglaki ng mga butas ng ilong], at isa rin itong palatandaan, kalagayan at ahente ng buhay, na waring pantanging nauugnay sa paghinga.” Kaya naman, ang nesha·mahʹ, o “hininga,” ay produkto ng ruʹach, o puwersa ng buhay, at ito rin ang pangunahing paraan upang mapanatili ang puwersang iyon ng buhay na nasa mga nilalang na buháy. Halimbawa, batay sa mga pag-aaral sa siyensiya, batid natin na bawat isa sa isang daang trilyong selula ng katawan ay may buhay at na, bagaman libu-libong milyong selula ang namamatay bawat minuto, patuloy ang pagpaparami ng bagong buháy na mga selula. Ang puwersa ng buhay na aktibo sa lahat ng buháy na selula ay dumedepende sa oksihenong pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng paghinga, anupat ang oksiheno ay inihahatid sa lahat ng selula sa pamamagitan ng daluyan ng dugo. Kapag walang oksiheno, ang ilang selula ay nagsisimulang mamatay pagkaraan ng ilang minuto, samantalang ang iba naman ay mas matagal-tagal pa. Bagaman ang isang tao ay mananatiling buháy kahit hindi huminga nang ilang minuto, kapag nawala ang puwersa ng buhay sa kaniyang mga selula, siya’y tuluyang mamamatay at hindi na maipapanumbalik pa. Sa Hebreong Kasulatan, na kinasihan ng Disenyador at Maylalang ng tao, maliwanag na ang ruʹach ay ginagamit upang tumukoy sa puwersang ito na siya mismong simulain ng buhay, at ang nesha·mahʹ naman upang kumatawan sa paghinga na sumusustine rito.
Yamang ang paghinga ay laging konektado sa buhay, ang nesha·mahʹ at ruʹach ay magkasamang ginagamit sa iba’t ibang teksto. Ipinahayag ni Job ang kaniyang kapasiyahang umiwas sa kalikuan “habang ang aking hininga [isang anyo ng nesha·mahʹ] ay buo pa sa loob ko, at ang espiritu [weruʹach] ng Diyos ay nasa mga butas ng aking ilong.” (Job 27:3-5) Sinabi ni Elihu: “Kung ang espiritu [isang anyo ng ruʹach] at hininga [isang anyo ng nesha·mahʹ] ng isang iyon ay pipisanin niya [ng Diyos] sa kaniyang sarili, ang lahat ng laman ay sama-samang papanaw [samakatuwid nga, “malalagutan ng hininga”], at ang makalupang tao ay babalik sa mismong alabok.” (Job 34:14, 15) Sa katulad na paraan, ang Awit 104:29 ay nagsabi hinggil sa mga nilalang sa lupa, mga tao at mga hayop: “Kung aalisin mo [ng Diyos] ang kanilang espiritu, pumapanaw sila, at bumabalik sila sa alabok.” Sa Isaias 42:5, si Jehova ay tinutukoy bilang “ang Isa na naglalatag ng lupa at ng bunga nito, ang Isa na nagbibigay ng hininga sa mga taong naroroon, at ng espiritu sa mga lumalakad doon.” Ang hininga (nesha·mahʹ) ang tumutustos sa kanilang pag-iral; ang espiritu (ruʹach) naman ang nagpapalakas at siyang puwersa ng buhay na nagpapangyaring ang tao ay maging isang nilalang na buháy, anupat gumagalaw, lumalakad, aktibo at buháy. (Ihambing ang Gaw 17:28.) Hindi siya katulad ng walang-buhay at walang-hiningang mga idolo na gawa ng mga tao.—Aw 135:15, 17; Jer 10:14; 51:17; Hab 2:19.
Bagaman kung minsa’y ginagamit ang nesha·mahʹ (hininga) at ruʹach (espiritu; aktibong puwersa; puwersa ng buhay) sa magkahawig na diwa, ang mga ito ay magkaiba. Totoo, may mga panahon na tinutukoy ang “espiritu,” o ruʹach, na para bang ito mismo ang hininga (nesha·mahʹ), ngunit waring ito’y dahil ang paghinga ang pangunahing nakikitang katibayan ng puwersa ng buhay sa katawan ng isa.—Job 9:18; 19:17; 27:3.
Kaya naman sa Ezekiel 37:1-10, iniharap ang makasagisag na pangitain tungkol sa libis ng mga tuyong buto, anupat ang mga buto ay nagsama-sama, nabalot ng mga litid, laman, at balat, ngunit “kung tungkol sa hininga [weruʹach], wala nito sa kanila.” Si Ezekiel ay inutusang manghula sa “hangin [ha·ruʹach],” na sinasabi, “Mula sa apat na hangin [isang anyo ng ruʹach] ay pumarito ka, O hangin, at hipan mo ang mga taong ito na pinatay, upang mabuhay sila.” Ang pagtukoy sa apat na hangin ay nagpapakita na “hangin” ang angkop na salin ng ruʹach sa kasong ito. Subalit nang ang “hangin” na iyon, na tumutukoy lamang sa hangin na gumagalaw, ay pumasok sa mga butas ng ilong ng mga taong patay sa pangitain, iyon ay naging “hininga,” na hangin din na gumagalaw. Kaya naman sa bahaging ito ng ulat (tal 10), ang pagkakasalin sa ruʹach bilang “hininga” ay mas angkop din kaysa sa “espiritu” o “puwersa ng buhay.” Makikita rin ni Ezekiel na nagsisimula nang huminga ang mga katawan, bagaman hindi niya makikita ang puwersa ng buhay, o espiritu, na nagbibigay-lakas sa mga katawang iyon. Gaya ng ipinakikita ng mga talata 11-14, ang pangitaing ito ay sumasagisag sa isang espirituwal (hindi pisikal) na muling-pagbuhay sa bayan ng Israel na sa loob ng ilang panahon ay nasa kalagayang patay sa espirituwal dahil sa kanilang pagkatapon sa Babilonya. Yamang noon ay buháy na sila sa pisikal at humihinga, makatuwiran lamang na isalin ang ruʹach bilang “espiritu” sa talata 14, kung saan sinasabi ng Diyos na ilalagay niya ang ‘kaniyang espiritu’ sa kaniyang bayan anupat sila’y mabubuhay, sa espirituwal na paraan.
Isa pang katulad na makasagisag na pangitain ang masusumpungan sa Apocalipsis kabanata 11. Inilarawan doon ang “dalawang saksi” na pinatay anupat ang mga bangkay nila ay iniwan sa lansangan sa loob ng tatlo at kalahating araw. Pagkatapos, “pumasok sa kanila ang espiritu [o hininga, pneuʹma] ng buhay mula sa Diyos, at tumayo sila sa kanilang mga paa.” (Apo 11:1-11) Muli, ang pangitaing ito ay gumagamit ng pisikal na realidad upang isalarawan ang espirituwal na muling-pagbuhay. Ipinakikita rin nito na ang Griegong pneuʹma, tulad ng Hebreong ruʹach, ay maaaring kumatawan sa nagbibigay-buhay na puwersa mula sa Diyos na taglay ng taong kaluluwa o persona. Gaya ng sabi ng Santiago 2:26: “Ang katawan na walang espiritu [pneuʹma·tos] ay patay.”—Int.
Samakatuwid, nang lalangin ng Diyos ang tao sa Eden at ihihip niya sa mga butas ng ilong nito “ang hininga [isang anyo ng nesha·mahʹ] ng buhay,” maliwanag na bukod sa pinunô niya ng hangin ang mga baga ng tao, pinangyari rin niya na bigyang-buhay ng puwersa ng buhay, o espiritu (ruʹach), ang lahat ng selula sa katawan ni Adan.—Gen 2:7; ihambing ang Aw 104:30; Gaw 17:25.
Ang puwersang ito ng buhay ay naisasalin ng mga magulang sa kanilang mga anak sa panahon ng paglilihi. Yamang si Jehova ang orihinal na Pinagmulan ng puwersang ito ng buhay para sa tao, at siya ang Awtor ng proseso ng pag-aanak, wasto lamang na kilalanin ng isa na nagmula kay Jehova ang kaniyang buhay, bagaman tinanggap niya ito nang di-tuwiran sa pamamagitan ng kaniyang mga magulang.—Ihambing ang Job 10:9-12; Aw 139:13-16; Ec 11:5.
Ang puwersa ng buhay, o espiritu, ay hindi persona. Gaya ng nabanggit na, ipinakikita ng Kasulatan na ang ruʹach, o puwersa ng buhay, ay hindi lamang taglay ng mga tao kundi pati ng mga hayop. (Gen 6:17; 7:15, 22) Ayon sa Eclesiastes 3:18-22, ang tao ay namamatay sa paraang katulad ng pagkamatay ng mga hayop, sapagkat “silang lahat ay may iisang espiritu [weruʹach], anupat ang tao ay walang kahigitan sa hayop,” samakatuwid nga, kung tungkol sa puwersa ng buhay na kapuwa nila taglay. Dahil dito, maliwanag na ang “espiritu,” o puwersa ng buhay (ruʹach), ayon sa pagkakagamit sa diwang ito, ay hindi isang persona. Bilang paglalarawan, maihahalintulad ito sa isa pang di-nakikitang puwersa, ang elektrisidad, na magagamit upang magpatakbo ng iba’t ibang uri ng makina—mga kalan na nakalilikha ng init, mga computer na nakagagawa ng mga kalkulasyon, mga telebisyon na nakapaglalabas ng mga larawan, tinig at iba pang tunog—subalit hindi kailanman taglay ng kuryente ang alinman sa mga katangian ng mga makinang pinaaandar nito.
Kaya naman, sinasabi ng Awit 146:3, 4 na kapag ‘pumanaw ang espiritu [isang anyo ng ruʹach] ng isang tao, siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay maglalaho ang kaniyang pag-iisip.’ Hindi nananatili sa espiritu, o puwersa ng buhay, na dati’y aktibo sa mga selula ng katawan ng taong iyon, ang alinman sa mga katangian ng mga selulang iyon, gaya ng mga selula ng utak at ng papel na ginagampanan ng mga ito sa pag-iisip. Kung ang espiritu, o puwersa ng buhay (ruʹach; pneuʹma), ay isang persona, mangangahulugan ito na ang mga anak ng mga babae na binuhay-muli ng mga propetang sina Elias at Eliseo ay may malay pa rin noong panahong patay ang mga ito. Gayundin naman si Lazaro na binuhay-muli mga apat na araw pagkamatay niya. (1Ha 17:17-23; 2Ha 4:32-37; Ju 11:38-44) Kung ganoon ang nangyari, makatuwiran lamang na maaalaala nila ang gayong may-malay na pag-iral noong panahong iyon at sa pagkabuhay-muli nila ay ilalarawan o ikukuwento nila iyon. Walang pahiwatig na ginawa iyan ng sinuman sa kanila. Samakatuwid, ang personalidad ng namatay na indibiduwal ay hindi nananatili sa puwersa ng buhay, o espiritu, na humihinto nang gumana sa mga selula ng katawan ng taong namatay.
Sinasabi ng Eclesiastes 12:7 na kapag namatay ang isang tao, ang kaniyang katawan ay bumabalik sa alabok, “at ang espiritu ay babalik sa tunay na Diyos na nagbigay nito.” Ang taong namatay ay hindi nagtutungo sa langit upang makasama ng Diyos; samakatuwid, ang ‘bumabalik’ sa Diyos ay ang puwersa ng buhay na nagpangyaring mabuhay ang taong iyon.
Yamang ang puwersa ng buhay, o espiritu, na taglay ng tao (gayundin ng mga hayop) ay hindi isang persona, maliwanag na ang sinabi ni David sa Awit 31:5, na sinipi ni Jesus noong mamamatay na siya (Luc 23:46), “Sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu,” ay nangangahulugan na ang Diyos ay hinihilingang bantayan, o pangalagaan, ang puwersa ng buhay ng taong iyon. (Ihambing ang Gaw 7:59.) Hindi naman kailangang magkaroon ng aktuwal at literal na paglilipat ng puwersa mula sa planetang ito tungo sa makalangit na presensiya ng Diyos. Kung paanong ‘naaamoy’ ng Diyos ang mabangong samyo ng mga haing hayop (Gen 8:20, 21), bagaman tiyak na nananatili sa atmospera ng lupa ang gayong samyo, maaari ring ‘pisanin,’ o tanggapin ng Diyos, sa makasagisag na diwa, ang espiritu o puwersa ng buhay na ipinagkatiwala sa kaniya, kahit walang anumang literal na paglilipat ng puwersang iyon mula sa lupa. (Job 34:14; Luc 23:46) Kung gayon, kapag ipinagkakatiwala ng isang tao sa Diyos ang kaniyang espiritu, nangangahulugan ito na umaasa siya na isasauli sa kaniya ng Diyos ang puwersa ng buhay na iyon sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.—Ihambing ang Bil 16:22; 27:16; Job 12:10; Aw 104:29, 30.
Nag-uudyok na Hilig ng Kaisipan. Ang ruʹach at ang pneuʹma ay kapuwa ginagamit upang tumukoy sa puwersang nag-uudyok sa isang tao na magpakita ng partikular na saloobin, disposisyon, o emosyon o gumawa ng isang pagkilos o tumahak sa isang landasin. Bagaman ang puwersang ito sa loob ng isang tao ay di-nakikita, lumilikha ito ng nakikitang mga epekto. Ang ganitong paggamit sa mga terminong Hebreo at Griego na isinalin bilang “espiritu,” at pangunahin nang nauugnay sa hininga o sa hangin na gumagalaw, ay may ilang kahawig sa Tagalog. Halimbawa, maaaring tukuyin ang isang tao bilang ‘mahangin,’ o kaya naman ay ‘nagpapakita ng mahinahong espiritu.’ Bilang metapora ay baka sabihin natin na ‘nagbago ang hihip ng hangin.’ Sa mga ito, ang tinutukoy natin ay ang di-nakikitang aktibong puwersa na gumagana sa mga tao at nag-uudyok sa kanila na magsalita at kumilos sa isang partikular na paraan.
Sa kahawig na diwa, mababasa natin na naging sanhi ng “kapaitan ng espiritu” nina Isaac at Rebeka ang pag-aasawa ni Esau ng mga babaing Hiteo (Gen 26:34, 35) at na pinanaigan si Ahab ng kalungkutan ng espiritu, anupat nawalan siya ng ganang kumain. (1Ha 21:5) Dahil sa “espiritu ng paninibugho,” maaaring paghinalaan ng isang lalaki ang kaniyang asawa, at paratangan pa nga ito ng pangangalunya.—Bil 5:14, 30.
Ang saligang diwa ng isang puwersa na nag-uudyok at nagbibigay ng “sigla” sa mga kilos at pananalita ng isa ay makikita rin sa pagtukoy kay Josue bilang “isang lalaki na may espiritu” (Bil 27:18), at kay Caleb bilang nagpakita ng “ibang espiritu” kung ihahambing sa karamihan ng mga Israelita na nasiraan ng loob dahil sa masamang ulat ng sampung tiktik. (Bil 14:24) Si Elias ay isang tao na may matinding sigla at puwersa sa kaniyang masigasig na paglilingkod sa Diyos, at si Eliseo ay humingi ng dalawang bahagi ng espiritu ni Elias bilang kahalili nito. (2Ha 2:9, 15) Nagpakita rin si Juan na Tagapagbautismo ng sigla at sigasig na gaya ng ipinamalas ni Elias, at dahil dito ay nagkaroon ng malaking epekto ang gawain ni Juan sa kaniyang mga tagapakinig; kaya naman masasabing humayo siya “taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias.” (Luc 1:17) Sa kabaligtaran, lubhang humanga ang reyna ng Sheba sa yaman at karunungan ni Solomon anupat “nawalan na siya ng espiritu.” (1Ha 10:4, 5) Batay sa pangunahing diwang ito, ang espiritu ng isa ay maaaring ‘mapukaw’ (1Cr 5:26; Ezr 1:1, 5; Hag 1:14; ihambing ang Ec 10:4), ‘maligalig’ o ‘mainis’ (Gen 41:8; Dan 2:1, 3; Gaw 17:16), “huminahon” (Huk 8:3), ‘mabagabag,’ ‘manlupaypay’ (Job 7:11; Aw 142:2, 3; ihambing ang Ju 11:33; 13:21), “manumbalik” o ‘mapaginhawa’ (Gen 45:27, 28; Isa 57:15, 16; 1Co 16:17, 18; 2Co 7:13; ihambing ang 2Co 2:13).
Ang puso at ang espiritu. Ang puso ay madalas banggitin kasama ng espiritu, anupat nagpapahiwatig na talagang magkaugnay ang mga ito. Yamang ang makasagisag na puso ay ipinakikitang may kakayahang mag-isip at mag-udyok, at may malapit na kaugnayan sa mga emosyon at pagmamahal (tingnan ang PUSO), tiyak na malaki ang bahagi nito sa pag-unlad ng espiritu (ang nangingibabaw na hilig ng kaisipan) na ipinakikita ng isa. Sa Exodo 35:21 ay magkasamang tinukoy ang puso at isip sa pagsasabing “ang bawat isang naudyukan ng kaniyang puso, . . . ang bawat isang napakilos ng kaniyang espiritu,” ay nagdala ng mga abuloy para sa pagtatayo ng tabernakulo. Sa kabaligtaran, nang mabalitaan ng mga Canaanita ang makapangyarihang mga gawa ni Jehova para sa Israel, ‘nagsimulang matunaw ang kanilang mga puso at walang espiritung bumangon sa gitna nila,’ samakatuwid nga, nawalan na sila ng siglang kumilos laban sa mga hukbong Israelita. (Jos 2:11; 5:1; ihambing ang Eze 21:7.) May binabanggit ding ‘kirot ng puso at pagkabagbag ng espiritu’ (Isa 65:14) o katulad na mga pananalita. (Ihambing ang Aw 34:18; 143:4, 7; Kaw 15:13.) Maliwanag na dahil ang nagpapakilos na puwersa ay may malaking epekto sa pag-iisip, nagpaalaala si Pablo: “Magbago kayo sa puwersa na nagpapakilos [isang anyo ng pneuʹma] sa inyong pag-iisip, at magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.”—Efe 4:23, 24.
Idiniriin sa Kasulatan na dapat kontrolin ng isa ang kaniyang espiritu. “Gaya ng lunsod na nilusob, na walang pader, ang taong hindi nagpipigil ng kaniyang espiritu.” (Kaw 25:28) Kapag ang isang tao’y pinupukaw sa galit, baka siya’y kumilos na gaya ng hangal na kaagad na ‘naglalabas ng kaniyang buong espiritu,’ samantalang ang marunong naman ay “nagpapanatili nitong mahinahon hanggang sa huli.” (Kaw 29:11; ihambing ang 14:29, 30.) Nagpadala si Moises sa galit noong minsang ‘papaitin ng mga Israelita ang kaniyang espiritu,’ at “nagsalita siya nang padalus-dalos sa pamamagitan ng kaniyang mga labi,” na kaniyang ikinapahamak. (Aw 106:32, 33) Kaya nga “siyang mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki, at siyang sumusupil sa kaniyang espiritu kaysa sa bumibihag ng lunsod.” (Kaw 16:32) Kailangan dito ang kapakumbabaan (Kaw 16:18, 19; Ec 7:8, 9), at ang isa na “may mapagpakumbabang espiritu ay tatangan sa kaluwalhatian.” (Kaw 29:23) Dahil sa karunungan at kaunawaan, nananatiling “malamig ang espiritu” ng isang tao, anupat kontrolado niya ang kaniyang dila. (Kaw 17:27; 15:4) “Sinusukat ni Jehova ang mga espiritu” ng mga tao at hinahatulan yaong mga hindi ‘nag-iingat ng kanilang sarili may kinalaman sa kanilang espiritu.’—Kaw 16:2; Mal 2:14-16.
Espiritung ipinakikita ng isang kalipunan ng mga tao. Kung paanong maaaring magpakita ng partikular na espiritu ang isang indibiduwal, maaari ring magpakita ng partikular na espiritu, o nangingibabaw na hilig ng kaisipan, ang isang grupo o kalipunan ng mga tao. (Gal 6:18; 1Te 5:23) Ang kongregasyong Kristiyano ay dapat magkaisa sa espiritu, anupat ipinamamalas ang espiritu ng kanilang Ulo, si Kristo Jesus.—2Co 11:4; Fil 1:27; ihambing ang 2Co 12:18; Fil 2:19-21.
Ipinakikita ni Pablo na ang “espiritu ng sanlibutan” ay kabaligtaran ng espiritu ng Diyos. (1Co 2:12) Yamang ang sanlibutan ay kontrolado ng Kalaban ng Diyos (1Ju 5:19), nagpapakita ito ng espiritu ng pagbibigay-lugod sa mga pagnanasa ng makasalanang laman, ng pagiging makasarili, na sanhi ng pakikipag-alit sa Diyos. (Efe 2:1-3; San 4:5) Tulad ng di-tapat na Israel, ang maruming takbo ng kaisipan ng sanlibutan ay nagtataguyod ng pakikiapid, maaaring sa pisikal o sa espirituwal, kalakip ang idolatriya.—Os 4:12, 13; 5:4; Zac 13:2; ihambing ang 2Co 7:1.