Lucas
8 Di-kalaunan ay naglakbay siya sa bawat lunsod at sa bawat nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.+ At ang labindalawa ay kasama niya, 2 at ang ilang babae+ na napagaling sa mga balakyot na espiritu at mga sakit, si Maria na tinatawag na Magdalena, na nilabasan ng pitong demonyo,+ 3 at si Juana+ na asawa ni Cuza, na tauhang tagapangasiwa ni Herodes, at si Susana at marami pang ibang babae na naglilingkod sa kanila mula sa kanilang mga tinatangkilik.
4 At nang isang malaking pulutong ang maipong kasama niyaong mga pumaroon sa kaniya sa bawat lunsod, siya ay nagsalita sa pamamagitan ng isang ilustrasyon:+ 5 “Isang manghahasik ang lumabas upang maghasik ng kaniyang binhi. Buweno, habang naghahasik siya, ang ilan sa mga iyon ay nahulog sa tabi ng daan at nayurakan, at inubos ito ng mga ibon sa langit.+ 6 Ang iba ay nahulog sa ibabaw ng batong-limpak, at, pagkasibol, ito ay natuyo sapagkat walang halumigmig.+ 7 Ang iba ay nahulog sa gitna ng mga tinik, at sinakal ito ng mga tinik na tumubong kasama nito.+ 8 Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa, at, pagkasibol, ito ay nagluwal ng bunga na isang daang ulit.”+ Habang sinasabi niya ang mga bagay na ito, siya ay sumigaw: “Siya na may mga tainga upang makinig ay makinig.”+
9 Ngunit ang kaniyang mga alagad ay nagsimulang magtanong sa kaniya kung ano ang kahulugan ng ilustrasyong ito.+ 10 Sinabi niya: “Sa inyo ay ipinagkakaloob na maunawaan ang mga sagradong lihim ng kaharian ng Diyos, ngunit para sa iba ito ay nasa mga ilustrasyon,+ upang, bagaman tumitingin, sila ay makatingin nang walang kabuluhan at, bagaman nakaririnig, ay hindi nila makuha ang kahulugan.+ 11 Ito nga ang kahulugan ng ilustrasyon:+ Ang binhi ay ang salita ng Diyos.+ 12 Yaong mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakarinig,+ pagkatapos ay dumarating ang Diyablo+ at kinukuha ang salita mula sa kanilang mga puso upang hindi sila maniwala at maligtas.+ 13 Ang mga nasa ibabaw ng batong-limpak ay yaong mga tumatanggap sa salita nang may kagalakan kapag narinig nila ito, ngunit ang mga ito ay walang ugat; sila ay naniniwala sa loob ng isang kapanahunan, ngunit sa kapanahunan ng pagsubok ay humihiwalay sila.+ 14 Kung tungkol doon sa nahulog sa gitna ng mga tinik, ito yaong mga nakarinig, ngunit, sa pagpapadala sa mga kabalisahan at mga kayamanan at mga kaluguran+ sa buhay na ito, sila ay lubusang nasasakal at walang anumang dinadala sa kasakdalan.+ 15 Kung tungkol doon sa nasa mainam na lupa, ito yaong mga pagkarinig sa salita taglay ang mainam at mabuting puso+ ay nagpapanatili nito at nagbubunga nang may pagbabata.+
16 “Walang sinuman ang pagkasindi sa isang lampara ay tinatakpan ito ng isang sisidlan o inilalagay ito sa ilalim ng higaan, kundi inilalagay niya ito sa patungan ng lampara, upang ang liwanag ay makita niyaong mga pumapasok.+ 17 Sapagkat walang bagay na nakatago+ na hindi magiging hayag, ni may anumang bagay na maingat na nakakubli na hindi kailanman malalaman at hindi kailanman mahahantad.+ 18 Kaya nga, bigyang-pansin ninyo kung paano kayo nakikinig; sapagkat sa sinumang mayroon, higit pa ang ibibigay sa kaniya,+ ngunit sa sinumang wala, maging yaong inaakala niyang nasa kaniya ay kukunin sa kaniya.”+
19 At ang kaniyang ina at mga kapatid+ ay pumaroon sa kaniya, ngunit hindi sila makalapit sa kaniya dahil sa pulutong.+ 20 Gayunman, may nagsabi sa kaniya: “Ang iyong ina at ang iyong mga kapatid ay nakatayo sa labas at nais kang makita.”+ 21 Bilang tugon ay sinabi niya sa kanila: “Ang aking ina at ang aking mga kapatid ay ang mga ito na dumirinig sa salita ng Diyos at nagsasagawa nito.”+
22 Nangyari nga na isang araw, siya at ang kaniyang mga alagad ay sumakay sa isang bangka, at sinabi niya sa kanila: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo ng lawa.” Kaya sila ay naglayag.+ 23 Ngunit habang naglalayag sila ay nakatulog siya. At isang malakas na buhawi ang bumaba sa lawa, at nagsimula silang mapunuan ng tubig at manganib.+ 24 Sa wakas ay nilapitan nila siya at ginising siya, na sinasabi: “Tagapagturo, Tagapagturo, mamamatay na kami!”+ Pagkabangon niya, sinaway+ niya ang hangin at ang pagdaluyong ng tubig, at humupa ang mga iyon, at nagkaroon ng katahimikan. 25 Sa gayon ay sinabi niya sa kanila: “Nasaan ang inyong pananampalataya?” Ngunit palibhasa’y dinatnan ng takot, sila ay namangha, na sinasabi sa isa’t isa: “Sino nga bang talaga ito, sapagkat inuutusan niya maging ang mga hangin at ang tubig, at ang mga ito ay sumusunod sa kaniya?”+
26 At dumaong sila sa lupain ng mga Geraseno, na nasa panig na katapat ng Galilea.+ 27 Ngunit nang makababa siya sa lupa ay sinalubong siya ng isang lalaki mula sa lunsod na may mga demonyo. At mahabang panahon na itong hindi nagsusuot ng pananamit, at namamalagi siya, hindi sa tahanan, kundi sa mga libingan.+ 28 Pagkakita kay Jesus ay sumigaw siya nang malakas at sumubsob sa harap niya, at sa malakas na tinig ay sinabi niya: “Ano ang kinalaman ko sa iyo,+ Jesus na Anak ng Kataas-taasang Diyos? Nagsusumamo ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan.”+ 29 (Sapagkat inuutusan niya ang maruming espiritu na lumabas sa taong iyon. Sa loob ng mahabang panahon ay hawak siya nito nang mahigpit,+ at paulit-ulit siyang iginagapos ng mga tanikala at mga pangaw at binabantayan, ngunit nilalagot niya ang mga gapos at itinataboy siya ng demonyo sa mga liblib na dako.) 30 Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang pangalan mo?” Sinabi niya: “Hukbo,” sapagkat maraming demonyo ang pumasok sa kaniya.+ 31 At patuloy silang namamanhik+ sa kaniya na huwag silang utusang pumaroon sa kalaliman.+ 32 At isang kawan ng maraming baboy+ ang nanginginain doon sa bundok; kaya namanhik sila sa kaniya na pahintulutan silang pumasok sa mga ito.+ At binigyan niya sila ng pahintulot. 33 Sa gayon ay lumabas sa taong iyon ang mga demonyo at pumasok sa mga baboy, at ang kawan ay nagdagsaan sa bangin patungo sa lawa at nalunod.+ 34 Ngunit nang makita ng mga tagapagpastol kung ano ang nangyari, tumakas sila at iniulat ito sa lunsod at sa mga karatig na lupain.+
35 Nang magkagayon ay lumabas ang mga tao upang makita kung ano ang nangyari, at pumaroon sila kay Jesus at nasumpungan ang taong nilabasan ng mga demonyo, nadaramtan at nasa kaniyang matinong pag-iisip, na nakaupo sa paanan ni Jesus; at sila ay natakot.+ 36 Yaong mga nakakita nito ay nag-ulat sa kanila kung paano napagaling ang lalaking inaalihan ng demonyo.+ 37 Kaya ang buong karamihan mula sa nakapaligid na lupain ng mga Geraseno ay humiling sa kaniya na lumayo sa kanila, sapagkat pinananaigan sila ng malaking takot.+ Nang magkagayon ay lumulan siya sa bangka at umalis. 38 Gayunman, ang lalaking nilabasan ng mga demonyo ay patuloy na nagsusumamo na makapanatiling kasama niya; ngunit pinayaon niya ang lalaki, na sinasabi:+ 39 “Umuwi ka sa iyong tahanan, at patuloy mong ilahad kung anong mga bagay ang ginawa ng Diyos para sa iyo.”+ Alinsunod dito ay umalis siya, na inihahayag sa buong lunsod kung anong mga bagay ang ginawa ni Jesus para sa kaniya.+
40 Nang makabalik si Jesus, tinanggap siya ng pulutong nang may kabaitan, sapagkat siya ay inaasahan nilang lahat.+ 41 Ngunit, narito! isang lalaki na nagngangalang Jairo ang dumating, at ang lalaking ito ay isang punong opisyal ng sinagoga. At siya ay sumubsob sa paanan ni Jesus at nagsimulang mamanhik sa kaniya na pumasok sa kaniyang bahay,+ 42 sapagkat mayroon siyang bugtong na anak na babae na mga labindalawang taóng gulang at siya ay mamamatay na.+
Habang pumaparoon siya ay dinagsa siya ng mga pulutong.+ 43 At isang babae, na dumaranas ng pag-agas ng dugo+ sa loob ng labindalawang taon, na hindi mapagaling ninuman,+ 44 ang lumapit mula sa likuran at humipo sa palawit+ ng kaniyang panlabas na kasuutan,+ at kaagad na huminto ang pag-agas ng kaniyang dugo.+ 45 Kaya sinabi ni Jesus: “Sino ang humipo sa akin?”+ Nang ito ay ikinakaila nilang lahat, sinabi ni Pedro: “Tagapagturo, ang mga pulutong ay nakapalibot sa iyo at sumisiksik sa iyo.”+ 46 Gayunma’y sinabi ni Jesus: “May humipo sa akin, sapagkat nadama kong may kapangyarihang+ lumabas sa akin.”+ 47 Nang makitang hindi siya nakaiwas na mapansin, ang babae ay lumapit na nanginginig at sumubsob sa harap niya at ibinunyag sa harap ng lahat ng mga tao ang dahilan kung bakit niya siya hinipo at kung paano siya kaagad na napagaling.+ 48 Ngunit sinabi niya sa kaniya: “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya;+ humayo ka nang payapa.”+
49 Habang siya ay nagsasalita pa, isang kinatawan ng punong opisyal ng sinagoga ang dumating, na nagsasabi: “Ang iyong anak na babae ay namatay na; huwag mo nang abalahin pa ang guro.”+ 50 Sa pagkarinig nito, sumagot si Jesus sa kaniya: “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang,+ at siya ay maliligtas.” 51 Nang makarating siya sa bahay ay hindi niya pinahintulutang pumasok na kasama niya ang sinuman maliban kina Pedro at Juan at Santiago at sa ama at ina ng dalagita.+ 52 Ngunit tumatangis ang lahat ng mga tao at dinadagukan ang kanilang sarili sa pamimighati para sa kaniya. Kaya sinabi niya: “Huwag na kayong tumangis,+ sapagkat hindi siya namatay kundi natutulog.”+ 53 Dahil dito ay pinasimulan nila siyang pagtawanan nang may panlilibak, sapagkat alam nilang ito ay namatay.+ 54 Ngunit hinawakan niya ito sa kamay at tumawag, na sinasabi: “Dalagita, bumangon ka!”+ 55 At bumalik ang kaniyang espiritu,+ at kaagad siyang bumangon,+ at iniutos niya na bigyan siya ng makakain.+ 56 Buweno, ang kaniyang mga magulang ay halos mawala sa kanilang sarili; ngunit tinagubilinan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.+