1 Samuel
o, ayon sa Griegong Septuagint, ANG UNA NG MGA HARI
1 May isa ngang lalaki ng Ramataim-zopim+ ng bulubunduking pook ng Efraim,+ at ang kaniyang pangalan ay Elkana,+ na anak ni Jeroham, na anak ni Elihu, na anak ni Tohu, na anak ni Zup,+ na isang Efraimita. 2 At mayroon siyang dalawang asawa, ang pangalan ng isa ay Hana, at ang pangalan ng isa pa ay Penina. At si Penina ay nagkaroon ng mga anak, ngunit si Hana ay walang anak.+ 3 At ang lalaking iyon ay umaahon taun-taon mula sa kaniyang lunsod upang magpatirapa+ at maghain kay Jehova ng mga hukbo sa Shilo.+ At naroon ang dalawang anak ni Eli, si Hopni at si Pinehas,+ bilang mga saserdote ni Jehova.+
4 At sumapit ang isang araw upang maghain si Elkana, at nagbigay siya ng mga takdang bahagi kay Penina na kaniyang asawang babae at sa lahat ng kaniyang mga anak na lalaki at sa kaniyang mga anak na babae;+ 5 ngunit kay Hana ay nagbigay siya ng iisang takdang bahagi. Magkagayunman, si Hana ang kaniyang iniibig,+ at, kung tungkol kay Jehova, sinarhan niya ang kaniyang bahay-bata.+ 6 At lubha rin siyang nililigalig ng kaniyang karibal na asawang babae+ upang yamutin siya sapagkat sinarhan ni Jehova ang kaniyang bahay-bata. 7 At ganiyan ang ginagawa niya taun-taon,+ sa tuwing umaahon siya sa bahay ni Jehova.+ Ganiyan niya siya nililigalig, anupat tumatangis siya at hindi kumakain. 8 At sinabi sa kaniya ni Elkana na kaniyang asawa: “Hana, bakit ka tumatangis, at bakit hindi ka kumakain, at bakit nalulumbay ang iyong puso?+ Hindi ba mas mabuti ako sa iyo kaysa sa sampung anak?”+
9 Nang magkagayon ay tumindig si Hana pagkatapos nilang kumain sa Shilo at pagkatapos ng pag-inom, habang si Eli na saserdote ay nakaupo sa upuan sa tabi ng poste ng pinto ng templo+ ni Jehova. 10 At mapait ang kaniyang kaluluwa,+ at siya ay nagsimulang manalangin kay Jehova+ at tumangis nang lubha.+ 11 At siya ay nanata+ at nagsabi: “O Jehova ng mga hukbo, kung walang pagsalang titingnan mo ang kapighatian ng iyong aliping babae+ at aalalahanin mo nga ako,+ at hindi mo kalilimutan ang iyong aliping babae at bibigyan mo nga ang iyong aliping babae ng isang supling na lalaki, ibibigay ko siya kay Jehova sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay, at walang labaha ang daraan sa kaniyang ulo.”+
12 At nangyari nga na habang nananalangin siya nang matagal+ sa harap ni Jehova, pinagmamasdan ni Eli ang kaniyang bibig. 13 Kung tungkol kay Hana, siya ay nagsasalita sa kaniyang puso;+ ang kaniyang mga labi lamang ang gumagalaw, at ang kaniyang tinig ay hindi naririnig. Ngunit inakala ni Eli na lasing siya.+ 14 Kaya sinabi ni Eli sa kaniya: “Hanggang kailan ka magiging lasing?+ Alisin mo ang iyong alak mula sa iyo.” 15 Dito ay sumagot si Hana at nagsabi: “Hindi, panginoon ko! Ako ay isang babaing napipighati ang espiritu; at hindi ako uminom ng alak at nakalalangong inumin, kundi ibinubuhos ko ang aking kaluluwa sa harap ni Jehova.+ 16 Huwag mong gawing tulad ng isang walang-kabuluhang+ babae ang iyong aliping babae, sapagkat dahil sa laki ng aking pagkabahala at ng aking kaligaligan kung kaya ako nagsasalita hanggang ngayon.”+ 17 Nang magkagayon ay sumagot si Eli at nagsabi: “Yumaon kang payapa,+ at ipagkaloob nawa ng Diyos ng Israel ang iyong pakiusap na hiniling mo sa kaniya.”+ 18 Dito ay sinabi niya: “Makasumpong nawa ng lingap sa iyong paningin ang iyong alilang babae.”+ At ang babae ay yumaon sa kaniyang lakad at kumain,+ at ang kaniyang mukha ay hindi na nabahala.+
19 At maaga silang bumangon sa kinaumagahan at nagpatirapa sa harap ni Jehova, pagkatapos ay bumalik sila at umuwi sa kanilang bahay sa Rama.+ Si Elkana ngayon ay nakipagtalik+ kay Hana na kaniyang asawa, at inalaala siya ni Jehova.+ 20 Kaya nangyari nga na sa pag-ikot ng isang taon ay nagdalang-tao si Hana at nanganak ng isang lalaki at tinawag niyang Samuel ang pangalan nito,+ sapagkat, sinabi niya, “hiniling ko siya mula kay Jehova.”+
21 Sa kalaunan ay umahon ang lalaking si Elkana kasama ang kaniyang buong sambahayan upang ihain kay Jehova ang taunang hain+ at ang kaniyang panatang handog.+ 22 Kung tungkol kay Hana, hindi siya umahon,+ sapagkat sinabi niya sa kaniyang asawa: “Kapag naawat na sa suso+ ang bata ay dadalhin ko siya, at magpapakita siya sa harap ni Jehova at mananahanan doon hanggang sa panahong walang takda.”+ 23 Dito ay sinabi sa kaniya ni Elkana na kaniyang asawa:+ “Gawin mo kung ano ang mabuti sa iyong paningin.+ Manatili ka sa bahay hanggang sa maawat mo siya sa suso. Gayunma’y tuparin nawa ni Jehova ang kaniyang salita.”+ Kaya ang babae ay nanatili sa bahay at patuloy na pinasuso ang kaniyang anak hanggang sa maawat niya siya sa suso.+
24 At nang sandaling maawat niya siya sa suso ay iniahon niya siya, kasama ang isang tatlong-taóng-gulang na toro at isang epa ng harina at isang malaking banga ng alak,+ at pumasok siya sa bahay ni Jehova sa Shilo.+ At ang bata ay kasama niya. 25 Pagkatapos ay pinatay nila ang toro at dinala ang bata kay Eli.+ 26 Sa gayon ay sinabi niya: “Pagpaumanhinan mo ako, panginoon ko! Sa buhay ng iyong kaluluwa,+ panginoon ko, ako ang babaing nakatayong kasama mo sa dakong ito upang manalangin kay Jehova.+ 27 May kaugnayan sa batang ito ay nanalangin ako na ipagkaloob sa akin ni Jehova ang aking pakiusap+ na hiniling ko sa kaniya.+ 28 At sa ganang akin naman ay ipinahihiram ko siya kay Jehova.+ Sa lahat ng mga araw na kaniyang ikabubuhay, siya ay hiniling para kay Jehova.”
At yumukod siya roon kay Jehova.+