Glosari ng mga Termino sa Bibliya
A B C D E F G H I J K L M N O P R S T U W Z
A
Ab.
Tawag sa ika-5 buwan sa sagradong kalendaryo ng mga Judio at sa ika-11 buwan sa sekular na kalendaryo pagkalaya ng mga Judio mula sa Babilonya. Ito ay mula kalagitnaan ng Hulyo hanggang kalagitnaan ng Agosto. Hindi ito binanggit sa Bibliya; tinukoy lang ito bilang “ikalimang buwan.” (Bil 33:38; Ezr 7:9)—Tingnan ang Ap. B15.
Abib.
Orihinal na tawag sa unang buwan sa sagradong kalendaryo ng mga Judio at sa ikapitong buwan sa sekular na kalendaryo. Nangangahulugan itong “Luntiang mga Uhay” at ito ay mula kalagitnaan ng Marso hanggang kalagitnaan ng Abril. Pagbalik ng mga Judio mula sa Babilonya, tinawag itong Nisan. (Deu 16:1)—Tingnan ang Ap. B15.
Acaya.
Adar.
Ahenho.
Tawag sa iba’t ibang halamang may matitigas na sanga, napakapait, at may matapang na amoy. Sa Bibliya, ginagamit ang ahenho sa makasagisag na paraan para ilarawan ang mapait na epekto ng imoralidad, pang-aalipin, kawalang-katarungan, at apostasya. Sa Apocalipsis 8:11, ang “ahenho” ay tumutukoy sa isang mapait at nakalalasong substansiya, na tinatawag ding absinthe.—Deu 29:18; Kaw 5:4; Jer 9:15; Am 5:7.
Alaalang handog.
Bahagi ng handog na kumakatawan sa buong handog. Ang terminong Hebreo ay nagpapakita na iyon ay isang paalaala sa Diyos may kinalaman sa buong handog.—Lev 2:2.
Alaalang libingan.
Isang literal na libingan. Salin ito ng salitang Griego na mne·meiʹon, na mula sa pandiwang “ipaalaala,” na nagpapahiwatig na naaalaala ang namatay na tao.—Ju 5:28, 29, tlb.
Alabastro.
Tawag sa maliit na sisidlan ng pabango. Gawa ito sa batong makikita malapit sa Alabastron, Ehipto. Karaniwan nang makipot ang leeg nito at naisasara itong mabuti para hindi tumagas ang mamahaling pabango. Ang batong ginagamit sa paggawa nito ay tinatawag din sa pangalang ito.—Mar 14:3.
Alamot.
Termino sa musika na nangangahulugang “Mga Dalaga; Mga Kabataang Babae” at malamang na tumutukoy sa tinig na soprano ng mga kabataang babae. Malamang na ginamit ito para ipakita na ang isang musika o tugtog ay dapat na mataas ang tono.—1Cr 15:20; Aw 46:Sup.
Alpha at Omega.
Altar.
Isang mataas na istraktura na gawa sa lupa, mga bato, o kahoy na binalutan ng metal, at dito nag-aalay ng mga handog o insenso para sa pagsamba. Sa unang silid ng tabernakulo at ng templo, may isang maliit na “gintong altar” para sa paghahandog ng insenso. Gawa ito sa kahoy na binalutan ng ginto. Isang mas malaking “tansong altar” para sa mga haing sinusunog ang nasa looban. (Exo 27:1; 39:38, 39; Gen 8:20; 1Ha 6:20; 2Cr 4:1; Luc 1:11)—Tingnan ang Ap. B5 at B8.
Amag.
Alinman sa maraming sakit ng halaman na dulot ng fungus. May mga nagsasabi na ang amag na binanggit sa Bibliya ay black stem rust (Puccinia graminis).—1Ha 8:37.
Amen.
“Mangyari nawa,” o “tiyak nga.” Galing ito sa Hebreong salitang-ugat na ʼa·manʹ, na nangangahulugang “maging tapat, mapagkakatiwalaan.” Ang “Amen” ay sinasabi bilang pagsang-ayon sa isang panata, panalangin, o isang bagay na sinabi. Sa Apocalipsis, ginamit itong titulo para kay Jesus.—Deu 27:26; 1Cr 16:36; Apo 3:14.
Anak ng tao.
Pariralang mga 80 beses ginamit sa Ebanghelyo. Tumutukoy ito kay Jesu-Kristo at idiniriin nito na ipinanganak siya bilang tao at hindi lang siya basta espiritu na nagkatawang-tao. Ipinapakita rin nito na tutuparin ni Jesus ang hula sa Daniel 7:13, 14. Sa Hebreong Kasulatan, ginamit din ito para tumukoy kina Ezekiel at Daniel para ipakita ang malaking pagkakaiba ng mga tagapagsalitang ito, na mga tao lang, at ng Diyos na siyang pinagmulan ng mensahe nila.—Eze 3:17; Dan 8:17; Mat 19:28; 20:28.
Anak ni Aaron, mga.
Mga nagmula sa pamilya ng apo ni Levi na si Aaron, ang pinili na maging unang mataas na saserdote sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Ang mga anak ni Aaron ang gumaganap sa mga atas ng mga saserdote sa tabernakulo at sa templo.—1Cr 23:28.
Anak ni David.
Karaniwan nang tumutukoy kay Jesus. Idiniriin nito ang pagiging Tagapagmana niya sa tipan para sa Kaharian, na ayon sa hula ay magmumula sa angkan ni David.—Mat 12:23; 21:9.
Anghel.
Mula sa salitang Hebreo na mal·ʼakhʹ at salitang Griego na agʹge·los. Ang mga salitang ito ay literal na nangangahulugang “mensahero,” pero isinasalin itong “anghel” kapag tumutukoy sa mga espiritung mensahero. (Gen 16:7; 32:3; San 2:25; Apo 22:8) Ang mga anghel ay makapangyarihang mga espiritu na nilalang ng Diyos bago pa ang mga tao. Sila ang “napakaraming banal” na binabanggit sa Bibliya, at tinatawag din silang mga “anak ng Diyos” at “mga bituing pang-umaga.” (Deu 33:2; Job 1:6; 38:7) Hindi sila binigyan ng kakayahang magparami, kundi nilalang ng Diyos ang bawat isa sa kanila. Mahigit isang daang milyon sila. (Dan 7:10) Ipinapakita ng Bibliya na mayroon silang personal na pangalan at may sarili silang personalidad, pero mapagpakumbaba sila at ayaw nilang sambahin sila. Iniiwasan pa nga ng karamihan sa kanila na sabihin ang pangalan nila. (Gen 32:29; Luc 1:26; Apo 22:8, 9) May mga ranggo sila at binibigyan ng iba’t ibang atas, gaya ng paglilingkod sa harap ng trono ni Jehova, paghahatid ng mensahe niya, pagtulong sa mga lingkod ni Jehova sa lupa, paglalapat ng hatol ng Diyos, at pagsuporta sa pangangaral ng mabuting balita. (2Ha 19:35; Aw 34:7; Luc 1:30, 31; Apo 5:11; 14:6) Sa hinaharap, tutulungan nila si Jesus sa pakikipaglaban sa digmaan ng Armagedon.—Apo 19:14, 15.
Antikristo.
Ang terminong Griego ay may dalawang kahulugan. Tumutukoy ito sa sinumang laban kay Kristo. Puwede rin itong tumukoy sa isang huwad na Kristo o nagpapanggap na Kristo. Matatawag na mga antikristo ang lahat ng tao, organisasyon, o grupo na nagsasabing kumakatawan sila kay Kristo pero hindi naman talaga o ang mga nag-aangking Mesiyas o kumokontra kay Kristo at sa mga alagad niya.—1Ju 2:22.
Apostasya.
Ang terminong ito sa Griego (a·po·sta·siʹa) ay mula sa pandiwa na literal na nangangahulugang “lumayo.” Ang pangngalan ay may ibig sabihin na “paghiwalay, pag-iwan, o pagrerebelde.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang “apostasya” ay ginagamit may kinalaman sa mga umiiwan sa tunay na pagsamba.—Kaw 11:9; Gaw 21:21, tlb.; 2Te 2:3.
Apostol.
Aram; Arameano.
Mga inapo ng anak ni Sem na si Aram na karaniwan nang nakatira sa mga rehiyon mula sa Kabundukan ng Lebanon hanggang sa Mesopotamia at mula sa Kabundukan ng Taurus sa hilaga hanggang sa Damasco patimog. Ang lugar na ito, na tinatawag na Aram sa Hebreo, ay tinawag nang maglaon na Sirya, at ang mga nakatira dito ay tinawag na mga Siryano.—Gen 25:20; Deu 26:5; Os 12:12.
Aramaiko.
Wikang Semitiko na malapit sa Hebreo at kapareho ng alpabeto nito. Una itong ginamit ng mga Arameano pero nang maglaon ay naging internasyonal na wika ng kalakalan at komunikasyon sa imperyo ng Asirya at ng Babilonya. Ito rin ang opisyal na wika ng pamahalaan ng Imperyo ng Persia. (Ezr 4:7) May mga bahagi ng mga aklat ng Ezra, Jeremias, at Daniel na isinulat sa Aramaiko.—Ezr 4:8–6:18; 7:12-26; Jer 10:11; Dan 2:4b–7:28.
Araw ng Pagbabayad-Sala.
Ang pinakamahalagang banal na araw ng mga Israelita, na tinatawag ding Yom Kippur (mula sa Hebreong yohm hak·kip·pu·rimʹ, “araw ng pagtatakip”), na ginaganap tuwing ika-10 ng Etanim. Sa loob ng isang taon, sa araw lang na ito pumapasok ang mataas na saserdote sa Kabanal-banalan ng tabernakulo at ng templo nang maglaon. Doon niya iniaalay ang dugo ng mga handog para sa mga kasalanan niya, ng iba pang Levita, at ng bayan. Panahon ito ng banal na kombensiyon at pag-aayuno, at isa rin itong sabbath, isang panahon para tumigil sa pagtatrabaho.—Lev 23:27, 28.
Araw ng Paghuhukom.
Isang espesipikong araw, o panahon, kung kailan ang ilang grupo, bansa, o ang sangkatauhan ay mananagot sa Diyos. Ito ay maaaring panahon kung kailan pupuksain ang mga hinatulang karapat-dapat sa kamatayan, o maaaring ang paghatol ay magbigay sa ilan ng pagkakataon na maligtas at magkaroon ng buhay na walang hanggan. May binanggit si Jesu-Kristo at ang mga apostol niya na isang “Araw ng Paghuhukom” sa hinaharap kung kailan hahatulan, hindi lang ang mga buháy, kundi pati ang mga namatay na.—Mat 12:36.
Areopago.
Isang mataas na burol sa Atenas, sa hilagang-kanluran ng Akropolis. Ito rin ang tawag sa konseho (korte) na nagtitipon doon. Dinala si Pablo sa Areopago ng mga pilosopong Estoico at Epicureo para ipaliwanag ang paniniwala niya.—Gaw 17:19.
Arkanghel.
Nangangahulugang “pinuno ng mga anghel.” Sa salitang Ingles na archangel, ang unlaping arch ay nangangahulugang “pinuno” o “pangunahin.” Ipinapakita ng kahulugang ito, at ng paggamit ng “arkanghel” sa Bibliya sa anyong pang-isahan lang, na iisa lang ang arkanghel. Binanggit sa Bibliya na ang pangalan ng arkanghel ay Miguel.—Dan 12:1; Jud 9; Apo 12:7.
Armagedon.
Mula sa Hebreo na Har Meghid·dohnʹ, na nangangahulugang “Bundok ng Megido.” Ang salitang ito ay nauugnay sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat” kung saan magsasama-sama ang “mga hari ng buong lupa” para makipagdigma kay Jehova. (Apo 16:14, 16; 19:11-21)—Tingnan ang MALAKING KAPIGHATIAN.
Aselgeia.
—Tingnan ang PAGGAWI NANG MAY KAPANGAHASAN.
Asia.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ito ang pangalan ng lalawigan ng Roma kung saan makikita ang kanlurang bahagi ng tinatawag ngayong Türkiye at ang ilang isla gaya ng Samos at Patmos. Ang kabisera nito ay Efeso. (Gaw 20:16; Apo 1:4)—Tingnan ang Ap. B13.
Astoret.
Diyosa ng digmaan at pag-aanak ng mga Canaanita; asawa ni Baal.—1Sa 7:3.
Astrologo.
Awit ng Pag-akyat.
Superskripsiyon sa Awit 120-134. Iba-iba ang intindi sa kahulugan ng pariralang ito, pero marami ang naniniwala na ang 15 awit na ito ay masayang kinakanta ng mga Israelita habang ‘umaakyat’ sila sa Jerusalem, na nasa mga bundok ng Juda, para dumalo sa tatlong malalaki at taunang kapistahan doon.
Awit ng pagdadalamhati.
Azazel.
B
Baal.
Diyos ng mga Canaanita na itinuturing na may-ari ng kalangitan at nagbibigay ng ulan at ng kakayahang mag-anak. Ginagamit din ang “Baal” para tumukoy sa nakabababang mga diyos ng mga tao. Ang salitang Hebreo ay nangangahulugang “May-ari; Panginoon.”—1Ha 18:21; Ro 11:4.
Babaeng bayaran; Lalaking bayaran.
Nakikipagtalik sa hindi niya asawa, lalo na kung para sa pera. (Ang salitang Griego para dito ay porʹne. Ang salitang-ugat nito ay nangangahulugang “magbenta.”) Sa Bibliya, mas karaniwang binabanggit ang mga “babaeng bayaran” kaysa sa mga lalaki. Hinahatulan ng Kautusang Mosaiko ang prostitusyon; at sa santuwaryo ni Jehova, hindi puwedeng iabuloy ang kinita ng lalaki o babaeng bayaran, di-tulad ng ginagawa sa templo ng mga pagano. (Deu 23:17, 18; 1Ha 14:24) Ginagamit din ng Bibliya ang terminong ito sa makasagisag na paraan. Puwede itong tumukoy sa mga tao, bansa, o organisasyon na nag-aangking sumasamba sa Diyos pero nagsasagawa ng idolatriya. Halimbawa, ang “Babilonyang Dakila,” na kumakatawan sa mga relihiyon, ay inilarawan sa Apocalipsis bilang isang babaeng bayaran dahil nakikiapid siya sa mga tagapamahala ng mundong ito kapalit ng kapangyarihan at kayamanan.—Apo 17:1-5; 18:3; 1Cr 5:25.
Bagong buwan.
Unang araw ng bawat buwan sa kalendaryo ng mga Judio. Sa araw na ito, ang mga tao ay nagtitipon-tipon, nagsasalusalo, at nag-aalay ng espesyal na mga handog. Nang maglaon, ito ay naging mahalagang kapistahan ng bansa, at hindi nagtatrabaho ang bayan sa araw na ito.—Bil 10:10; 2Cr 8:13; Col 2:16.
Balang.
Uri ng tipaklong na nandarayuhan nang maramihan. Itinuturing itong malinis na pagkain sa Kautusang Mosaiko. Ang napakaraming balang na lumalamon sa anumang madaanan nila ay nagdudulot ng malaking pinsala at itinuturing na salot.—Exo 10:14; Mat 3:4.
Balumbon.
Mahabang pergamino o papiro na sinusulatan sa isang panig at karaniwang inirorolyo sa isang pahabang kahoy. Ang Kasulatan at ang mga kopya nito ay isinulat sa mga balumbon. Ito ang karaniwang hitsura ng mga aklat noong panahong isinusulat ang Bibliya.—Jer 36:4, 18, 23; Luc 4:17-20; 2Ti 4:13.
Baluti.
Isinusuot ng isang sundalo para protektahan ang katawan niya sa digmaan. Sa rebisyong ito, ang “baluti” ay partikular nang tumutukoy sa isinusuot para protektahan ang dibdib. (Efe 6:14; 1Te 5:8; Apo 9:9) Sa 1 Samuel 17:6, ginamit naman ang salitang ito para tumukoy sa pamprotekta sa binti.
Banal (silid).
Ang unang silid sa tabernakulo o sa templo at mas malaki sa Kabanal-banalan, na kaloob-loobang silid. Sa tabernakulo, makikita sa Banal ang gintong kandelero, gintong altar ng insenso, mesa ng tinapay na pantanghal, at mga kagamitang ginto; sa templo, makikita rito ang gintong altar, 10 gintong kandelero, at 10 mesa ng tinapay na pantanghal. (Exo 26:33; Heb 9:2)—Tingnan ang Ap. B5 at B8.
Banal; Kabanalan.
Likas na katangian ni Jehova; pagiging sagrado at malinis sa moral sa sukdulang antas. (Exo 28:36; 1Sa 2:2; Kaw 9:10; Isa 6:3) Kapag tumutukoy sa tao (Exo 19:6; 2Ha 4:9), hayop (Bil 18:17), bagay (Exo 28:38; 30:25; Lev 27:14), lugar (Exo 3:5; Isa 27:13), panahon (Exo 16:23; Lev 25:12), at gawain (Exo 36:4), ang salitang Hebreo para dito ay nangangahulugang pagiging hiwalay, bukod-tangi, o pinabanal para sa banal na Diyos; ibinukod para sa paglilingkod kay Jehova. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mga salitang isinaling “banal” at “kabanalan” ay nagpapakita ng pagiging nakabukod para sa Diyos. Ang mga salitang ito ay tumutukoy rin sa kalinisan sa paggawi ng isang tao.—Mar 6:20; 2Co 7:1; 1Pe 1:15, 16.
Banal na espiritu.
Bantay.
Isa na nagbabantay, kadalasan nang sa gabi, para maprotektahan ang mga tao at ari-arian. Puwede silang magbigay ng babala kapag may nagbabantang panganib. Karaniwan nang nakapuwesto sila sa mga pader ng lunsod at mga tore para makita nila ang mga paparating bago pa makalapit ang mga ito. Sa militar, ang isang bantay ay kadalasang tinatawag na guwardiya. Sa makasagisag na paraan, ang mga propeta ay nagsilbing bantay sa Israel dahil nagbababala sila sa nalalapit na pagkawasak.—2Ha 9:20; Eze 3:17.
Bat.
Yunit ng pagsukat ng likido na tinatayang katumbas ng 22 L (5.81 gal) batay sa natuklasan ng mga arkeologo na piraso ng basag na banga na may ganitong pangalan. Karamihan sa iba pang yunit ng pagsukat ng likido at tuyong bagay sa Bibliya ay kinalkula batay sa tinatayang sukat ng bat. (1Ha 7:38; Eze 45:14)—Tingnan ang Ap. B14.
Bating.
Ang literal na kahulugan nito ay lalaking kinapon. Ang mga bating ay kadalasang inaatasan sa palasyo bilang mga tagapaglingkod o tagapag-alaga ng reyna at ng mga pangalawahing asawa ng hari. Tumutukoy rin ito sa isang lalaki, na hindi literal na bating, kundi isang opisyal na inatasan sa palasyo ng hari. Ginagamit din ang termino para lumarawan sa isang “bating para sa Kaharian,” isang taong isinasakripisyo ang sariling kagustuhan para lubusang makapaglingkod sa Diyos.—Mat 19:12; Es 2:15, tlb.; Gaw 8:27, tlb.
Batong-panulok.
Bato na inilalagay sa kanto ng isang istraktura kung saan nagdurugtong ang dalawang pader; mahalaga ito para maging matibay ang pagdurugtong ng mga pader. Ang pangunahing batong-panulok ay ang pinakamahalagang batong pundasyon; ang pinakamatibay na batong-panulok ay karaniwang ginagamit sa pampublikong mga gusali at pader ng lunsod. Ang salitang ito ay ginagamit din sa makasagisag na paraan para ilarawan ang paglikha sa lupa, at tinukoy si Jesus bilang “ang pinakamahalagang batong pundasyon” ng kongregasyong Kristiyano, na itinulad sa isang espirituwal na bahay.—Efe 2:20, tlb.; Job 38:6.
Bautismo.
Beelzebub.
Bituing pang-araw.
Kasingkahulugan ito ng “bituing pang-umaga.” Ito ang huling bituing lumilitaw sa silangan bago sumikat ang araw; hudyat ito na malapit nang magbukang-liwayway.—Apo 22:16; 2Pe 1:19.
Bituing pang-umaga.
—Tingnan ang BITUING PANG-ARAW.
Bul.
Bulubundukin ng Lebanon.
Isa sa dalawang bulubunduking bumubuo sa kabundukan ng lupain ng Lebanon. Nasa kanluran ang bulubundukin ng Lebanon, at nasa silangan naman ang bulubundukin ng Anti-Lebanon. May mahaba at mabungang lambak na naghihiwalay sa dalawang bulubunduking ito. Ang bulubundukin ng Lebanon ay halos katabi ng baybayin ng Mediteraneo, at ang mga tuktok nito ay may katamtamang taas na 1,800 hanggang 2,100 m (6,000 hanggang 7,000 ft). Noong unang panahon, ang Lebanon ay natatakpan ng mariringal na punong sedro, na mahalaga sa mga bansang nakapalibot dito. (Deu 1:7; Aw 29:6; 92:12)—Tingnan ang Ap. B7.
Búsog.
Sandata sa pangangaso o pakikipagdigma na ginagamit sa pagpapahilagpos ng palaso.—Job 20:24; Zac 9:13.
C
Caldea; Caldeo.
Noong una, tumutukoy ang mga ito sa lupain at sa mga tao na nakatira sa bukana ng ilog ng Tigris at Eufrates; nang maglaon, ginamit ang mga terminong ito para tumukoy sa buong Babilonia at sa mga tagaroon. Ang “Caldeo” ay tumutukoy rin sa edukadong mga tao na nag-aral ng siyensiya, kasaysayan, wika, at astronomiya, pero nagsasagawa rin ng mahika at astrolohiya.—Ezr 5:12; Dan 4:7; Gaw 7:4.
Canaan.
Cesar.
Pangalan ng isang pamilyang Romano na naging titulo ng mga emperador ng Roma. Binanggit ng Bibliya ang pangalan nina Augusto, Tiberio, at Claudio, at kahit hindi binanggit ng Bibliya si Nero, tinatawag din siya sa titulong ito. Ginamit din sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang “Cesar” para kumatawan sa sekular na awtoridad, o sa Estado.—Mar 12:17; Gaw 25:12.
D
Daan.
Ekspresyon na ginagamit sa Kasulatan para tumukoy sa isang pagkilos o paggawi na puwedeng sinasang-ayunan ni Jehova o hindi. Ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay sinasabing kabilang sa “Daan,” ibig sabihin, ang paraan ng pamumuhay nila ay nakasentro sa pananampalataya at pagtulad kay Jesu-Kristo.—Gaw 19:9.
Dagon.
Diyos ng mga Filisteo. Hindi tiyak ang pinagmulan ng salita, pero iniuugnay ito ng ilang iskolar sa salitang Hebreo na dagh (isda).—Huk 16:23; 1Sa 5:4.
Dangkal.
Yunit ng pagsukat na ang haba ay 22.2 cm (8.75 in) kung ibabatay sa siko na may habang 44.5 cm (17.5 in). (Exo 28:16; 1Sa 17:4)—Tingnan ang Ap. B14.
Darik.
Decapolis.
Isang grupo ng mga lunsod ng mga Griego, na noong una ay binubuo ng 10 lunsod (mula sa Griegong deʹka, na nangangahulugang “sampu,” at poʹlis, “lunsod”). Ito rin ang pangalan ng rehiyon sa silangan ng Lawa ng Galilea at ng Ilog Jordan, kung saan makikita ang karamihan sa mga lunsod na ito. Ang mga ito ang sentro ng kultura at kalakalang Helenistiko. Dumaan si Jesus sa rehiyong ito, pero walang ulat na binisita niya ang alinman sa mga lunsod na ito. (Mat 4:25; Mar 5:20)—Tingnan ang Ap. A7 at B10.
Demonyo.
Masamang espiritu na di-nakikita at may kakayahang nakahihigit sa tao. Ang mga demonyo ay tinawag na “mga anak ng tunay na Diyos” sa Genesis 6:2 at “mga anghel” sa Judas 6, kaya hindi sila nilalang na masama; sa halip, ginawa nila ang sarili nila na mga kaaway ng Diyos nang sumuway sila sa kaniya noong panahon ni Noe at sumama sa pagrerebelde ni Satanas kay Jehova.—Deu 32:17; Luc 8:30; Gaw 16:16; San 2:19.
Denario.
Baryang pilak ng mga Romano na may timbang na mga 3.85 g at may larawan ni Cesar sa isang panig. Ito ang suweldo ng isang trabahador sa isang araw at ang baryang sinisingil ng mga Romano sa mga Judio bilang “buwis.” (Mat 22:17; Luc 20:24)—Tingnan ang Ap. B14.
Dipa.
Direktor.
Sa Mga Awit, ang terminong Hebreo ay posibleng tumutukoy sa nag-aareglo ng mga awit at nangangasiwa sa pag-awit ng mga ito, nag-eensayo at nagsasanay sa mga mang-aawit na Levita, at nangunguna pa nga sa opisyal na mga pagtatanghal. Isinasalin din ito bilang “punong tagapangasiwa ng musika” o “direktor ng musika.”—Aw 4:Sup; 5:Sup.
Diyablo.
Drakma.
E
Edom.
Isa pang pangalan na ibinigay kay Esau, na anak ni Isaac. Sinakop ng mga inapo ni Esau (Edom) ang rehiyon ng Seir, ang mabundok na rehiyon sa pagitan ng Dagat na Patay at ng Gulpo ng ‘Aqaba. Nakilala ito sa tawag na Edom. (Gen 25:30; 36:8)—Tingnan ang Ap. B3 at B4.
Efraim.
Pangalan ng ikalawang anak ni Jose; naging tawag din ito sa isang tribo ng Israel. Nang mahati ang Israel, ang Efraim, na pinakaprominenteng tribo, ang kumatawan sa buong 10-tribong kaharian.—Gen 41:52; Jer 7:15.
Elul.
Epa.
Yunit ng pagsukat ng tuyong bagay at ang mismong takalan nito, na ginagamit sa pagsukat ng dami ng butil. Katumbas ito ng bat, isang yunit ng pagsukat ng likido, kaya katumbas ito ng 22 L. (Exo 16:36; Eze 45:10)—Tingnan ang Ap. B14.
Epod.
Eskriba.
Tagakopya ng Hebreong Kasulatan. Noong nandito sa lupa si Jesus, tumutukoy ito sa grupo ng mga lalaking maraming alam sa Kautusan. Kinakalaban nila si Jesus.—Ezr 7:6, tlb.; Mar 12:38, 39; 14:1.
Espelta.
Mababang klase ng trigo (Triticum spelta); ang mga butil nito ay hindi madaling ihiwalay sa ipa.—Exo 9:32.
Espiritismo.
Ang paniniwala na nananatiling buháy ang espiritu ng mga tao pagkamatay nila at na puwedeng makipag-usap ang mga espiritung iyon sa mga buháy, lalo na sa pamamagitan ng isang espiritista, na nasa ilalim ng impluwensiya nila. Ang salitang Griego para sa “pagsasagawa ng espiritismo” ay phar·ma·kiʹa, na literal na nangangahulugang “pagdodroga.” Noong unang panahon, iniuugnay sa espiritismo ang terminong ito dahil talagang gumagamit sila ng droga kapag nakikipag-ugnayan sa mga demonyo para humingi ng kapangyarihan sa mga ito.—Gal 5:20; Apo 21:8.
Espiritista.
Taong nag-aangkin na kaya niyang makipag-usap sa mga patay.—Lev 20:27; Deu 18:10-12; 2Ha 21:6.
Espiritu.
Tingnan ang RUACH; PNEUMA.
Etanim.
Etiopia.
Isang sinaunang bansa sa timog ng Ehipto. Saklaw nito ang Sudan at ang pinakatimog na bahagi ng Ehipto ngayon. Ang salitang ito ay ginagamit din minsan para sa Hebreong “Cus.”—Es 1:1.
Eufrates.
Ang pinakamahaba at pinakamahalagang ilog sa timog-kanlurang Asia, at isa sa dalawang malalaking ilog sa Mesopotamia. Una itong binanggit sa Genesis 2:14 bilang isa sa apat na ilog sa Eden. Madalas itong tawaging “Ilog.” (Gen 31:21) Ito ang hangganan sa hilaga ng teritoryong ibinigay sa Israel. (Gen 15:18; Apo 16:12)—Tingnan ang Ap. B2.
F
Filistia; Filisteo.
Naging tawag sa lupain sa timugang baybayin ng Israel. Ang mga galing sa Creta na nanirahan doon ay tinawag na mga Filisteo. Natalo sila ni David pero hindi sila nasakop. Nanatili silang magkalaban ng Israel. (Exo 13:17; 1Sa 17:4; Am 9:7)—Tingnan ang Ap. B4.
G
Gehenna.
Pangalang Griego para sa Lambak ng Hinom sa timog at timog-kanluran ng sinaunang Jerusalem. (Jer 7:31) Binanggit sa hula na magiging tapunan ito ng mga bangkay. (Jer 7:32; 19:6) Walang ebidensiya na itinatapon sa Gehenna ang mga buháy na hayop o tao para sunugin o pahirapan. Kaya ang lugar na ito ay hindi puwedeng maging sagisag ng isang di-nakikitang lugar kung saan walang hanggang pinahihirapan sa apoy ang sinasabing kaluluwa ng mga tao. Sa halip, ang Gehenna ay ginamit ni Jesus at ng mga alagad niya bilang sagisag ng parusang “ikalawang kamatayan,” ang pagkalipol o pagkapuksa magpakailanman.—Apo 20:14; Mat 5:22; 10:28.
Gerah.
Gilead.
Sa eksaktong diwa, tumutukoy ito sa mabungang lupain sa silangan ng Ilog Jordan na umaabot sa hilaga at timog ng Lambak ng Jabok. Tumutukoy rin ito kung minsan sa buong teritoryo ng mga Israelita sa silangan ng Jordan, kung saan tumira ang mga tribo ni Ruben, ni Gad, at ang kalahati ng tribo ni Manases. (Bil 32:1; Jos 12:2; 2Ha 10:33)—Tingnan ang Ap. B4.
Gilingang-bato.
Bilog na bato na inilalagay sa ibabaw ng kaparehong bato at ginagamit sa paggiling ng butil para gawin itong harina. May posteng nakalagay sa gitna ng pang-ilalim na bato ng gilingan para maging paikutan ng pang-ibabaw na bato. Noong panahon ng Bibliya, gilingang pangkamay ang karaniwang ginagamit ng mga babae sa bahay. Dahil kailangan ang gilingang pangkamay para sa tinapay ng pamilya sa araw-araw, ipinagbawal ng Kautusang Mosaiko na kunin ito o ang pang-ibabaw na bato ng gilingan bilang panagot. Ang mas malaking gilingan naman na katulad nito ay iniikot ng hayop.—Deu 24:6; Mar 9:42.
Gitit.
Termino sa musika na hindi tiyak ang kahulugan, pero posibleng mula ito sa salitang Hebreo na gath. Sinasabi ng ilan na baka isa itong himig na may kaugnayan sa mga kanta tungkol sa paggawa ng alak, dahil ang gath ay tumutukoy sa pisaan ng ubas.—Aw 81:Sup.
Granada.
Sa Ingles, pomegranate. Prutas na kahugis ng mansanas at may korona. Sa loob ng matigas na balat nito ay maraming maliliit at makatas na kapsula, bawat isa ay may maliit na buto na kulay-rosas o pula. Ang laylayan ng asul at walang-manggas na damit ng mataas na saserdote ay may palamuting hugis-granada, pati ang mga kapital, o tuktok, ng mga haliging Jakin at Boaz na nasa harap ng templo.—Exo 28:34; Bil 13:23; 1Ha 7:18.
Griego.
Gulod.
Guwardiya ng Pretorio.
Grupo ng mga sundalong Romano na binuo para maging tagapagbantay ng emperador ng Roma. Nang maglaon, nagkaroon ng malaking impluwensiya ang mga guwardiyang ito sa pagsuporta o pagpapatalsik sa emperador.—Fil 1:13.
H
Hades.
Salitang Griego na katumbas ng salitang Hebreo na “Sheol.” Isinasalin itong “Libingan” (malaki ang unang letra) para ipakitang ito ang libingan ng mga tao sa pangkalahatan.—Tingnan ang LIBINGAN.
Hagupit.
Isang paraan ng pagpaparusa. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, tumutukoy ito sa panghahagupit gamit ang latigo na may mga buhol o may mga tinik sa dulo.—Mat 20:19; Ju 19:1.
Haligi.
Haliging sumusuporta sa isang istraktura o isang bagay na katulad nito. May ilang haligi na itinayo para magsilbing alaala ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan. Ginamit din ito sa templo at iba pang istrakturang ipinatayo ni Haring Solomon. Ang mga pagano ay nagtatayo ng mga sagradong haligi na ginagamit nila sa huwad na pagsamba, at kung minsan ay ginagaya ito ng mga Israelita. (Huk 16:29; 1Ha 7:21; 14:23)—Tingnan ang KAPITAL.
Handog.
Hain sa Diyos para maipakita ng isa na nagpapasalamat siya o inaamin niya ang kasalanan niya o para maibalik niya ang magandang kaugnayan sa Diyos. Mula pa noong panahon ni Abel, nag-aalay na ang mga tao ng kusang-loob na handog, gaya ng hayop, hanggang sa gawin itong isang kahilingan sa Kautusang Mosaiko. Mula nang ibigay ni Jesus ang buhay niya bilang perpektong handog, hindi na kailangang mag-alay ng mga hayop, pero ang mga Kristiyano ay nagbibigay pa rin sa Diyos ng espirituwal na mga handog.—Gen 4:4; Heb 13:15, 16; 1Ju 4:10.
Handog na iginagalaw.
Sa paghahandog nito, lumilitaw na inilalagay ng saserdote ang mga kamay niya sa ilalim ng mga kamay ng mananamba na may hawak ng handog at saka ito igagalaw nang pabalik-balik; o ang saserdote mismo ang may hawak sa handog habang iginagalaw ito. Ginagawa ito para ipakitang inihaharap kay Jehova ang mga handog.—Lev 7:30.
Handog na inumin.
Handog na pansalo-salo.
Inihahandog kay Jehova para makipagpayapaan sa kaniya. Pinagsasalo-saluhan ito ng mananamba at ng sambahayan niya, ng nanunungkulang saserdote, at ng mga saserdoteng nakatokang maglingkod. Tinatanggap ni Jehova, sa diwa, ang mabangong usok ng nasusunog na taba. Ibinibigay rin sa kaniya ang dugo, na sumasagisag sa buhay. Sa gayon, para na ring nagsasalo-salo ang mga saserdote at ang mga mananamba kasama si Jehova, na nagpapakita ng mapayapa nilang ugnayan.—Lev 7:29, 32; Deu 27:7.
Handog na sinusunog.
Hayop na sinusunog sa altar bilang buong handog sa Diyos; walang parte ng hayop (toro, lalaking tupa, lalaking kambing, batubato, o inakáy ng kalapati) na kinukuha ng mananamba.—Exo 29:18; Lev 6:9.
Handog ng pasasalamat.
Handog na pansalo-salo para purihin ang Diyos dahil sa kaniyang mga paglalaan at tapat na pag-ibig. Kinakain ang karne ng inihandog na hayop, pati na ang tinapay na may pampaalsa at walang pampaalsa. Kailangang kainin ang karne sa araw na inihandog ito.—2Cr 29:31.
Handog para sa kasalanan.
Handog para sa pagkakasala.
Handog para sa sariling mga kasalanan. May kaunting kaibahan ito sa iba pang mga handog para sa kasalanan dahil inihahandog ito ng nagsisising nagkasala bilang pampalubag-loob sa pinagkasalahan na nalabag ang mga karapatan ayon sa tipan o para maibalik ang mga karapatan na naiwala ng nagkasala at para hindi siya maparusahan.—Lev 7:37; 19:22; Isa 53:10.
Hapunan ng Panginoon.
Literal na hapunan na may tinapay na walang pampaalsa at alak bilang mga sagisag ng katawan at dugo ni Kristo; okasyon para sa pag-alaala sa kamatayan ni Jesus. Iniuutos ng Kasulatan sa mga Kristiyano na patuloy itong alalahanin at idaos, kaya tinatawag din itong “Memoryal.”—1Co 11:20, 23-26.
Hebreo.
Katawagang unang ginamit kay Abram (Abraham) na nagbubukod sa kaniya mula sa mga Amoritang nakapalibot sa kaniya. Pagkatapos, ginamit ito para tumukoy sa mga inapo ni Abraham sa apo niyang si Jacob, pati sa wika nila. Noong panahon ni Jesus, napasama sa wikang Hebreo ang maraming salitang Aramaiko at ito ang naging wika ni Kristo at ng mga alagad niya.—Gen 14:13; Exo 5:3; Gaw 26:14.
Hermes.
Diyos ng mga Griego na anak ni Zeus. Sa Listra, si Pablo ay napagkamalang si Hermes, dahil si Hermes ay sinasabing mensahero ng mga diyos at ang diyos ng mahusay na pagsasalita.—Gaw 14:12.
Herodes.
Pangalan ng pamilya ng isang dinastiya na inatasan ng Roma na mamahala sa mga Judio. Si Herodes na Dakila ay kilala sa muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem at pag-uutos na patayin ang mga bata para mapatay si Jesus. (Mat 2:16; Luc 1:5) Sina Herodes Arquelao at Herodes Antipas, mga anak ni Herodes na Dakila, ay inatasang mamahala sa ilang lugar na sakop ng ama nila. (Mat 2:22) Si Antipas, na isang tetrarka na kilala sa tawag na “hari,” ay namahala sa panahon ng tatlo-at-kalahating-taóng ministeryo ni Kristo hanggang sa panahon ng mga pangyayari sa Gawa kabanata 12. (Mar 6:14-17; Luc 3:1, 19, 20; 13:31, 32; 23:6-15; Gaw 4:27; 13:1) Pagkatapos nito, si Herodes Agripa I, na apo ni Herodes na Dakila, ay pinatay ng anghel ng Diyos matapos mamahala nang maikling panahon. (Gaw 12:1-6, 18-23) Ang anak niyang si Herodes Agripa II ang pumalit sa kaniya, at namahala ito hanggang sa panahon ng pagrerebelde ng mga Judio sa Roma.—Gaw 23:35; 25:13, 22-27; 26:1, 2, 19-32.
Herodes, mga tagasuporta ni.
Tinatawag ding mga Herodiano. Isa silang partidong makabayan na sumusuporta sa politikal na adhikain ng mga Herodes sa pamamahala ng mga ito sa ilalim ng Roma. Posibleng may ilan ding Saduceo na kabilang sa partidong ito. Sumama ang mga Herodiano sa mga Pariseo sa isang sabuwatan laban kay Jesus.—Mar 3:6.
Hiblang paayon.
Sa paghahabi, ito ang tawag sa mga sinulid sa kahabaan ng tela. Ang mga hiblang pahalang naman ang mga sinulid na inihahabi nang salit-salitan sa ibabaw at ilalim ng mga hiblang paayon.—Lev 13:48.
Hiblang pahalang.
Ang mga sinulid na inihahabi nang salit-salitan sa ibabaw at ilalim ng mga hiblang paayon, o ang mga hiblang ginagamit sa kahabaan ng tela.—Lev 13:59.
Higayon.
Terminong ginagamit sa pangangasiwa sa musika. Sa pagkagamit dito sa Awit 9:16, ang salitang ito ay maaaring nagpapahiwatig ng malumanay na interlude ng alpang mababa ang tono o ng saglit na paghinto para magbulay-bulay.
Hin.
Homer.
Horeb; Bundok Horeb.
Hudisyal na pasiya.
Tumutukoy ito sa mga hatol, desisyon, o utos may kinalaman sa mga usapin sa batas na galing sa isang nasa awtoridad. Karaniwan na, tumutukoy ito sa mga pasiya ni Jehova bilang Hukom, Tagapagbigay-Batas, at Hari sa ilang bagay na naging mga batas sa Israel.—Bil 27:11; Deu 4:1.
Hukom.
Mga lalaking pinili ng Diyos para iligtas ang bayan niya bago magkaroon ng mga haring tao ang Israel.—Huk 2:16.
Hula.
Mensahe mula sa Diyos; puwedeng isang pagsisiwalat ng gusto niyang mangyari o paghahayag nito sa mga tao. Ang hula ay puwedeng tungkol sa isang aral na gustong ituro ng Diyos, isang utos o hatol mula sa Diyos, o isang pagsisiwalat ng mga bagay na magaganap.—Eze 37:9, 10; Dan 9:24; Mat 13:14; 2Pe 1:20, 21.
Huling araw, mga.
Ang terminong ito at ang iba pang kagaya nito, tulad ng “huling bahagi ng mga araw,” ay ginagamit sa mga hula sa Bibliya para tumukoy sa panahon kung kailan ang mga pangyayari sa daigdig ay aabot sa pinakasukdulan nito. (Eze 38:16; Dan 10:14; Gaw 2:17) Ang panahong ito ay maaaring sumasaklaw sa ilang taon o maraming taon depende sa hula. Kapansin-pansin, ginagamit ng Bibliya ang terminong ito tungkol sa “mga huling araw” ng kasalukuyang sistema, sa panahon ng di-nakikitang presensiya ni Jesus.—2Ti 3:1; San 5:3; 2Pe 3:3.
Hurno.
Isang istraktura na ginagamit sa pagtunaw sa inambato (ore) para makuha ang mahalagang metal dito o sa pagtunaw ng metal; ginagamit din para patigasin ang mga sisidlang luwad at iba pang seramik. Noong panahon ng Bibliya, ang mga hurno ay gawa sa laryo o bato. Tinatawag ding pugon ang hurno na ginagamit sa pagpapatigas sa mga sisidlang luwad at seramik at sa pagsunog sa apog.—Gen 15:17; Dan 3:17; Apo 9:2.
I
Idolatriya; Idolo.
Ang idolo ay isang imahen o anumang kumakatawan sa isang bagay, na totoo o imahinasyon lang, at ginagamit ng mga tao sa pagsamba. Ang idolatriya ay matinding paggalang, pagmamahal, pagsamba, o labis na paghanga sa isang idolo.—Aw 115:4; Gaw 17:16; 1Co 10:14.
Igos.
Sa Ingles, fig. Isang halaman na mahigit 50 beses binanggit sa Bibliya. (Huk 9:8-13; Hab 3:17) Ang igos ay isa sa mga pangunahing pagkain noong panahon ng Bibliya. Iyan ang dahilan kung bakit madalas itong gamitin sa mga hula at ilustrasyon.—Jer 5:17; 8:13; Os 2:12; Joe 1:7, 12; Am 4:9; Mat 7:15, 16.
Ikasampu (ikapu).
Ang ikasampung bahagi, o 10 porsiyento, na ibinibigay para sa mga gawaing may kaugnayan sa pagsamba. Tinatawag din itong “ikapu.” (Mal 3:10; Deu 26:12; Mat 23:23) Sa Kautusang Mosaiko, ang ikasampung bahagi ng ani sa lupain at ang ikasampu ng nadagdag sa bakahan at kawan ay ibinibigay sa mga Levita taon-taon bilang suporta sa kanila. Ibinibigay naman ng mga Levita ang ikasampung bahagi nito sa mga saserdoteng anak ni Aaron. May iba pang klase ng ikapu. Hindi kahilingan sa mga Kristiyano ang ikapu.
Ilang.
Sa Bibliya, karaniwan nang tumutukoy sa isang lugar na tiwangwang at halos walang nakatira.—Exo 16:3.
Ilirico.
Ilustrasyon.
Ang terminong Griego na pa·ra·bo·leʹ ay literal na nangangahulugang “pagtabihin o pagsamahin.” Ginagamit ang mga ilustrasyon sa pagtuturo at pagtatawid ng ideya; isang paraan ito ng pagpapaliwanag ng isang bagay sa pamamagitan ng pagkukumpara nito sa isa pang bagay na may pagkakatulad dito.—Mat 13:3; Mar 13:28.
Insenso.
Substansiyang binubuo ng mababangong dagta at balsamo na nasusunog nang unti-unti at naglalabas ng mabangong amoy. Isang espesyal na insenso, na may apat na sangkap, ang ginagamit sa tabernakulo at sa templo. Sinusunog ito sa umaga at gabi sa altar ng insenso sa Banal, at sa Araw ng Pagbabayad-Sala, sinusunog ito sa loob ng Kabanal-banalan. Sumasagisag ito sa kalugod-lugod na mga panalangin ng tapat na mga lingkod ng Diyos. Hindi kahilingan sa mga Kristiyano na gumamit nito.—Exo 30:34, 35; Lev 16:13; Apo 5:8.
Ipa.
Isopo.
Halaman na may maliliit na sanga at dahon na ginagamit sa pagwiwisik ng dugo o tubig sa mga seremonya ng paglilinis. Posibleng ito ay marjoram (Origanum maru; Origanum syriacum). Ang “isopo” sa Juan 19:29 ay posibleng tumutukoy sa marjoram na ikinabit sa isang sanga o puwede ring sa durra na isang uri ng karaniwang sorghum (Sorghum vulgare), dahil mahaba ang tangkay nito at mailalapit nito sa bibig ni Jesus ang esponghang may maasim na alak.—Exo 12:22; Aw 51:7.
Israel.
Pangalang ibinigay ng Diyos kay Jacob. Nang maglaon, tumukoy ito sa lahat ng inapo niya bilang isang bayan. Ang mga inapo ng 12 anak na lalaki ni Jacob ay madalas tawaging mga anak ni Israel, sambahayan ng Israel, bayang Israel, o mga Israelita. Israel din ang tawag sa 10-tribong kaharian sa hilaga na humiwalay sa kaharian sa timog, at nang maglaon, ginamit ang terminong ito para tumukoy sa pinahirang mga Kristiyano, ang “Israel ng Diyos.”—Gal 6:16; Gen 32:28; 2Sa 7:23; Ro 9:6.
J
Jacob.
Anak nina Isaac at Rebeka. Nang maglaon, pinangalanan siya ng Diyos na Israel, at siya ang naging patriyarka ng bayang Israel (tinawag ding mga Israelita at pagkatapos ay mga Judio). Siya ang ama ng 12 lalaki na mga ninuno ng 12 tribo ng bansang Israel. Ang pangalang Jacob ay patuloy na ginamit para tumukoy sa bansa o bayan ng Israel.—Gen 32:28; Mat 22:32.
Jedutun.
Terminong di-tiyak ang kahulugan at lumitaw sa superskripsiyon ng Awit 39, 62, at 77. Lumilitaw na ang mga superskripsiyong ito ay mga tagubilin para sa pagtatanghal ng awit, na maaaring tumutukoy sa isang istilo o instrumento sa musika. May manunugtog na Levita na ang pangalan ay Jedutun, kaya posibleng may kaugnayan sa kaniya o sa mga anak niya ang istilo o instrumentong ito.
Jehova.
Jubileo.
Tuwing ika-50 taon, mula sa pagpasok ng Israel sa Lupang Pangako. Ang lupain ay hindi tinatamnan sa taon ng Jubileo, at pinalalaya ang mga aliping Hebreo. Ang mga minanang lupain na ipinagbili ay ibinabalik. Sa diwa, ang Jubileo ay isang buong taon ng pagdiriwang, isang taon ng pagpapalaya, kung kailan naibabalik ang bansa sa dati nitong kalagayan noong itatag ito ng Diyos.—Lev 25:10.
Juda.
Ikaapat na anak ni Jacob sa asawa niyang si Lea. Bago mamatay si Jacob, inihula niya na may isang dakilang tagapamahala na magmumula sa angkan ni Juda at mamamahala sa loob ng mahabang panahon. Si Jesus, nang maging tao, ay galing sa angkan ni Juda. Ang pangalang Juda ay tumutukoy rin sa tribo at nang maglaon ay sa kahariang tinawag sa pangalang ito. Tinawag itong kaharian sa timog, na binubuo ng mga Israelita mula sa tribo ng Juda at Benjamin at kasama rito ang mga saserdote at Levita. Saklaw ng Juda ang timog ng bansa, kasama na ang Jerusalem at ang templo.—Gen 29:35; 49:10; 1Ha 4:20; Heb 7:14.
Judio.
Terminong tumutukoy sa isang tao mula sa tribo ng Juda pagkatapos ng pagbagsak ng 10-tribong kaharian ng Israel. (2Ha 16:6) Pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya, ginamit ang salitang ito para tumukoy sa mga Israelita mula sa iba’t ibang tribo na bumalik sa Israel. (Ezr 4:12) Nang maglaon, sa buong daigdig, ito ang naging tawag sa mga Israelita para ipakita na iba sila sa mga Gentil. (Es 3:6) Ginamit din ni Pablo ang terminong ito sa makasagisag na paraan nang ipaliwanag niya na hindi mahalaga ang nasyonalidad ng isa sa kongregasyong Kristiyano.—Ro 2:28, 29; Gal 3:28.
K
Kab.
Kaban ng tipan.
Ang kaban na gawa sa kahoy na akasya at binalutan ng ginto. Itinago ito sa Kabanal-banalan ng tabernakulo at pagkatapos ay sa Kabanal-banalan ng templong itinayo ni Solomon. May takip itong purong ginto na may dalawang kerubin na magkaharap. Ang pangunahing laman nito ay ang dalawang tapyas ng Sampung Utos. (Deu 31:26; 1Ha 6:19; Heb 9:4)—Tingnan ang Ap. B5 at B8.
Kabanal-banalan.
Ang kaloob-loobang silid sa tabernakulo at sa templo kung saan nakalagay ang kaban ng tipan; tinatawag ding Banal ng mga Banal. Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang puwede lang pumasok sa Kabanal-banalan ay ang mataas na saserdote, at magagawa lang niya iyon sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala.—Exo 26:33; Lev 16:2, 17; 1Ha 6:16; Heb 9:3.
Kaharian ng Diyos.
Partikular na tumutukoy sa gobyernong kumakatawan sa soberanya ng Diyos, at ang hari nito ay ang Anak niya, si Kristo Jesus.—Mat 12:28; Luc 4:43; 1Co 15:50.
Kalaliman.
Kalasag.
Sandatang hawak ng isang sundalo para protektahan ang sarili niya o ang katabi niyang sundalo habang nakikipaglaban. (1Sa 17:7; 1Cr 5:18; Efe 6:16) Karaniwan nang gawa ito sa kahoy at nababalutan ng katad, pero ang iba ay gawa sa metal o sala-salang tambo. Sa Bibliya, madalas ilarawan si Jehova bilang kalasag ng kaniyang bayan.—Aw 84:9, 11.
Kaloob udyok ng awa.
Kaloob na ibinibigay para tulungan ang isang nangangailangan. Hindi ito tuwirang binanggit sa Hebreong Kasulatan, pero sa Kautusan, may espesipikong tagubilin sa mga Israelita tungkol sa mga obligasyon nila sa mahihirap.—Mat 6:2, tlb.
Kaluluwa.
Tingnan ang NEPHESH; PSYKHE.
Kanlungang lunsod.
Lunsod ng mga Levita kung saan pumupunta ang nakapatay nang di-sinasadya para maprotektahan siya mula sa tagapaghiganti ng dugo. May anim na ganitong lunsod sa Lupang Pangako na itinalaga ni Moises at nang maglaon ay ni Josue, gaya ng iniutos ni Jehova. Kapag nakarating na sa kanlungang lunsod ang tumatakas, sinasabi niya sa matatandang lalaki sa pintuang-daan ng lunsod ang kaso niya at tinatanggap nila siya roon. Para hindi masamantala ng mga pumatay nang sinasadya ang probisyong ito, nililitis ang tumatakas sa lunsod kung saan naganap ang pagpatay para patunayang wala siyang kasalanan. Kapag napatunayang inosente, ibinabalik siya sa kanlungang lunsod para tumira doon habambuhay o hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote.—Bil 35:6, 11-15, 22-29; Jos 20:2-8.
Kapistahan ng mga Kubol.
Tinatawag ding Kapistahan ng mga Tabernakulo, o Kapistahan ng Pagtitipon ng Ani. Idinaraos ito tuwing Etanim 15-21. Ipinagdiriwang nito ang pag-aani sa dulo ng taon ng pagtatanim ng Israel, at panahon ito ng pagsasaya at pasasalamat sa mga pagpapala ni Jehova sa mga ani nila. Sa panahon ng kapistahan, tumitira ang mga tao sa mga kubol, o silungan, para hindi nila makalimutan ang pag-alis nila sa Ehipto. Isa ito sa tatlong kapistahan na kailangang ipagdiwang sa Jerusalem ng lahat ng lalaki.—Lev 23:34; Ezr 3:4.
Kapistahan ng Pag-aalay.
Taunang pag-alaala sa paglilinis ng templo matapos itong dungisan, o lapastanganin, ni Antiochus Epiphanes. Ang pagdiriwang na ito ay nagsisimula sa Kislev 25 at nagtatagal nang walong araw.—Ju 10:22.
Kapistahan ng Pag-aani; Kapistahan ng mga Sanlinggo.
—Tingnan ang PENTECOSTES.
Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa.
Una sa tatlong malalaking kapistahan ng mga Israelita taon-taon. Nagsisimula ito sa Nisan 15, ang araw pagkatapos ng Paskuwa, at tumatagal nang pitong araw. Tinapay na walang pampaalsa lang ang puwedeng kainin, bilang pag-alaala sa pag-alis nila sa Ehipto.—Exo 23:15; Mar 14:1.
Kapital.
Karwahe.
Sasakyan na may dalawang gulong at hinihila ng kabayo na karaniwang ginagamit sa digmaan.—Exo 14:23; Huk 4:13; Gaw 8:28.
Kasia.
Produkto na mula sa balat ng puno ng kasia (Cinnamomum cassia), na kabilang sa pamilya ng puno ng kanela, o cinnamon. Ang kasia ay ginagawang pabango at ginagamit din sa paggawa ng banal na langis para sa pag-aatas.—Exo 30:24; Aw 45:8; Eze 27:19.
Kasulatan.
Kapag ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, karaniwan nang tumutukoy ito sa nasusulat na Salita ng Diyos.—Luc 24:27; 2Ti 3:16.
Katapusan ng sistemang ito.
Yugto ng panahon na umaabot hanggang sa wakas ng sistema, o kalakaran, na kontrolado ni Satanas. Kasabay ito ng panahon ng presensiya ni Kristo. Sa patnubay ni Jesus, ‘ihihiwalay ng mga anghel ang masasama mula sa mga matuwid’ at pupuksain sila. (Mat 13:40-42, 49) Gustong malaman ng mga alagad ni Jesus kung kailan ang “katapusan” na iyan. (Mat 24:3) Bago siya bumalik sa langit, ipinangako niya sa mga tagasunod niya na makakasama nila siya hanggang sa panahong iyon.—Mat 28:20.
Katuwiran.
Kautusan.
Kapag malaki ang unang letra, madalas na tumutukoy ito sa Kautusang Mosaiko o sa unang limang aklat sa Bibliya. Kapag maliit ang unang letra, puwede itong tumukoy sa indibidwal na mga utos sa Kautusang Mosaiko o sa simulain ng isang utos.—Bil 15:16; Deu 4:8; Mat 7:12; Gal 3:24.
Kawikaan.
Kasabihan o maikling kuwento na iniharap sa iilang salita at naglalaman ng aral o malalim na katotohanan. Sa Bibliya, ang kawikaan ay puwedeng isang malalim na kasabihan o bugtong. Inihaharap nito ang isang katotohanan sa pamamagitan ng mabulaklak na pananalita, na kadalasang gumagamit ng paglalarawan. May mga kasabihan na naging ekspresyon ng panghahamak sa isang grupo ng mga tao.—Ec 12:9; 2Pe 2:22.
Kemos.
Pangunahing diyos ng mga Moabita.—1Ha 11:33.
Kerubin.
Mga anghel na mataas ang ranggo at may espesyal na mga atas. Iba sila sa mga serapin.—Gen 3:24; Exo 25:20; Isa 37:16; Heb 9:5.
Ketong; Ketongin.
Isang malubhang sakit sa balat. Sa Kasulatan, ang ketong ay hindi lang tumutukoy sa ketong na alam natin sa ngayon, dahil hindi lang mga tao ang nagkakaroon ng ganitong ketong, kundi pati damit at bahay. Ang taong may ketong ay tinatawag na ketongin.—Lev 14:54, 55; Luc 5:12.
Kislev.
Kolonada ni Solomon.
Sa templo noong panahon ni Jesus, isa itong pasilyong may bubong sa silangan ng malaking looban. Marami ang naniniwala na bahagi pa ito ng templong itinayo ni Solomon. Naglakad doon si Jesus isang “taglamig,” at nagtitipon doon ang unang mga Kristiyano para sumamba. (Ju 10:22, 23; Gaw 5:12)—Tingnan ang Ap. B11.
Kongregasyon.
Grupo ng mga tao na nagsama-sama para sa isang layunin o gawain. Sa Hebreong Kasulatan, karaniwan nang tumutukoy ito sa bansang Israel. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, tumutukoy ito sa indibidwal na kongregasyon ng mga Kristiyano pero mas madalas na sa kongregasyong Kristiyano sa kabuoan.—1Ha 8:22; Gaw 9:31, tlb.; Ro 16:5.
Kor.
Korales.
Matigas na bagay na parang bato na nabubuo mula sa skeleton ng maliliit na nilalang sa dagat. Makikita ito sa dagat at iba-iba ang kulay nito, gaya ng pula, puti, at itim. Maraming korales sa Dagat na Pula. Noong panahon ng Bibliya, napakamahal ng pulang korales at ginagawa itong palamuti.—Kaw 8:11.
Kristiyano.
Pangalan na ibinigay ng Diyos sa mga tagasunod ni Jesu-Kristo.—Gaw 11:26; 26:28.
Kristo.
Kurtina.
Isang magandang tela na hinabi at may burdang mga kerubin na naghihiwalay sa Banal at sa Kabanal-banalan ng tabernakulo at ng templo. (Exo 26:31; 2Cr 3:14; Mat 27:51; Heb 9:3)—Tingnan ang Ap. B5.
L
Lalagyan ng baga.
Kasangkapan na gawa sa ginto, pilak, o tanso na ginagamit sa tabernakulo at templo para sa pagsusunog ng insenso at pag-aalis ng baga sa altar na pinaghahandugan at ng sunóg na mitsa sa gintong kandelero. Tinatawag din itong insensaryo.—Exo 37:23; 2Cr 26:19; Heb 9:4.
Lawa ng apoy.
Isang makasagisag na lugar na “nagniningas sa apoy at asupre” at inilalarawan bilang ang “ikalawang kamatayan.” Ang mga makasalanang di-nagsisisi, ang Diyablo, at kahit ang kamatayan at ang Libingan (o, Hades) ay ihahagis dito. Ang paghahagis dito ng espiritung mga nilalang at ng kamatayan at Hades, na hindi mapipinsala ng apoy, ay nagpapakita na ang lawang ito ay sagisag, hindi ng walang-hanggang pagpapahirap, kundi ng pagkapuksa magpakailanman.—Apo 19:20; 20:14, 15; 21:8.
Lebadura; Pampaalsa.
Substansiyang inilalagay sa masa bilang pampaalsa o sa mga likido bilang pampakasim; partikular na tumutukoy sa bahagi ng pinaalsang masa na itinabi mula sa naunang ginawa. Ang terminong ito ay madalas gamitin sa Bibliya bilang sagisag ng kasalanan at kasamaan, at ginagamit din ito para ilarawan ang malawak at di-nakikitang paglago.—Exo 12:20; Mat 13:33; Gal 5:9.
Lepton.
Levi; Levita.
Ikatlong anak ni Jacob kay Lea; tumutukoy rin sa tribong tinatawag sa pangalan niya. Ang tatlong anak niyang lalaki ang pinagmulan ng tatlong pangunahing pangkat ng mga saserdoteng Levita. Kung minsan, ang terminong “mga Levita” ay tumutukoy sa buong tribo, pero kadalasan, hindi kasama rito ang pamilya ni Aaron na mga saserdote. Ang tribo ni Levi ay hindi tumanggap ng lupain sa Lupang Pangako pero binigyan sila ng 48 lunsod sa mga lupaing ibinigay sa ibang mga tribo.—Deu 10:8; 1Cr 6:1; Heb 7:11.
Leviatan.
Hayop na kadalasang iniuugnay sa tubig at malamang na isang uri ng nilalang sa tubig. Sa Job 3:8 at 41:1, lumilitaw na tumutukoy ito sa buwaya o sa isang uri ng nilalang sa tubig na napakalaki at napakalakas. Sa Awit 104:26, maaaring ito ay isang uri ng balyena. Sa iba pang bahagi ng Bibliya, ginamit ito sa makasagisag na paraan at hindi tiyak kung anong hayop ang tinutukoy nito.—Aw 74:14; Isa 27:1.
Libingan.
Kapag maliit ang unang letra, tumutukoy ito sa indibidwal na libingan; kapag malaki ang unang letra, tumutukoy ito sa libingan ng mga tao sa pangkalahatan at katumbas ng salitang Hebreo na “Sheol” at salitang Griego na “Hades.” Sa Bibliya, tumutukoy ito sa isang makasagisag na lugar o kalagayan kung saan ang mga tao ay wala nang malay o nagagawa.—Gen 47:30; Ec 9:10; Gaw 2:31.
Log.
Looban.
May-bakod at walang-bubong na lugar na nasa palibot ng tabernakulo, at nang maglaon ay isa sa napapaderan at walang-bubong na bakuran ng pangunahing gusali sa templo. Ang altar ng handog na sinusunog ay nasa looban ng tabernakulo at nasa maliit na looban ng templo. (Tingnan ang Ap. B5, B8, B11.) May binanggit din sa Bibliya na mga looban, o bakuran, ng mga bahay o palasyo.—Exo 8:13; 27:9; 1Ha 7:12; Es 4:11; Mat 26:3.
Luklukan ng paghatol.
Kadalasang isang mataas na plataporma na nasa labas at may mga baytang kung saan umuupo ang mga opisyal para sabihin sa mga tao ang pasiya nila. Ang mga pananalitang “luklukan ng paghatol ng Diyos” at “luklukan ng paghatol ng Kristo” ay sumasagisag sa kaayusan ni Jehova sa paghatol sa sangkatauhan.—Ro 14:10; 2Co 5:10; Ju 19:13.
Lunsod ni David.
Pangalang ibinigay sa lunsod ng Jebus nang sakupin ito ni David at tayuan ng kaniyang palasyo. Tinatawag din itong Sion. Ito ang timog-silangang bahagi at ang pinakamatandang bahagi ng Jerusalem.—2Sa 5:7; 1Cr 11:4, 5.
M
Mabuting balita.
Macedonia.
Rehiyon sa hilaga ng Gresya na naging prominente noong panahon ni Alejandrong Dakila at nanatiling malaya hanggang sa masakop ng Roma. Ang Macedonia ay probinsiya ng Roma noong unang dumalaw sa Europa ang apostol na si Pablo. Tatlong beses pumunta si Pablo sa lugar na ito. (Gaw 16:9)—Tingnan ang Ap. B13.
Magpapalayok.
Mahalat.
Mahistrado.
Sa pamahalaan ng Babilonya, ang mga mahistrado ay mga opisyal sa mga nasasakupang distrito na nakaaalam sa batas at may hudisyal na awtoridad pero limitado lang. Sa mga kolonya ng Roma, ang mga mahistrado sibil ay mga administrador ng pamahalaan. Kasama sa tungkulin nila ang pagpapanatili ng kaayusan, pangangasiwa sa pananalapi, paghatol sa mga lumalabag sa batas, at pag-uutos na mailapat ang parusa.—Dan 3:2; Gaw 16:20.
Makadiyos na debosyon.
Malaking kapighatian.
Ang salitang Griego para sa “kapighatian” ay nangangahulugang kabagabagan o pagdurusa dahil sa mahihirap na kalagayan. May binanggit si Jesus na isang walang-katulad na “malaking kapighatian” na sasapit sa Jerusalem at mangyayari sa buong sangkatauhan sa hinaharap kaugnay ng ‘pagdating niya nang may kaluwalhatian.’ (Mat 24:21, 29-31) Inilarawan ni Pablo ang kapighatiang ito na matuwid na pagkilos ng Diyos laban sa “mga hindi nakakakilala sa Diyos at sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita” tungkol kay Jesu-Kristo. Sa Apocalipsis kabanata 19, ipinapakitang pinangungunahan ni Jesus ang mga hukbo sa langit laban sa ‘mabangis na hayop at sa mga hari sa lupa at mga hukbo nila.’ (2Te 1:6-8; Apo 19:11-21) “Isang malaking pulutong” ang makaliligtas sa kapighatiang iyon. (Apo 7:9, 14)—Tingnan ang ARMAGEDON.
Malaya; Pinalaya.
Noong namamahala ang Roma, ang taong “malaya” ay ipinanganak na malaya at nagtataglay ng lahat ng karapatan ng isang mamamayan. Ang taong “pinalaya” naman ay pinalaya mula sa pagkaalipin. Sa pormal na pagpapalaya, ang isang tao ay nagiging mamamayang Romano, pero hindi siya puwedeng maging opisyal ng pamahalaan. Sa di-pormal na pagpapalaya, ang isang tao ay napalalaya sa pagkaalipin pero hindi pinagkakalooban ng lahat ng karapatang sibil.—1Co 7:22.
Malcam.
Malinis.
Sa Bibliya, hindi lang ito tumutukoy sa kalinisan sa pisikal kundi pati sa pananatili o panunumbalik sa pagiging walang dungis, walang batik, at walang bahid ng anumang bagay na nakapagpaparumi sa moral o espirituwal. Sa Kautusang Mosaiko, tumutukoy ito sa pagiging malinis sa seremonyal na paraan.—Lev 10:10; Aw 51:7; Mat 8:2, tlb.; 1Co 6:11.
Manghuhula.
Indibidwal na nagsasabing kaya niyang hulaan ang mangyayari sa hinaharap. Sa Bibliya, kasama sa mga manghuhula ang mga mahikong saserdote, espiritista, at mga astrologo.—Lev 19:31; Deu 18:11; Gaw 16:16.
Manna.
Ang pangunahing pagkain ng mga Israelita noong nasa ilang sila nang 40 taon. Inilaan ito ni Jehova. Maliban sa araw ng Sabbath, makahimala itong lumilitaw sa lupa tuwing umaga sa ilalim ng hamog. Nang una itong makita ng mga Israelita, sinabi nila, “Ano ito?” o, sa Hebreo, “man huʼ?” (Exo 16:13-15, 35) Tinawag din itong “butil mula sa langit” (Aw 78:24), “tinapay mula sa langit” (Aw 105:40), at “tinapay ng mga makapangyarihan” (Aw 78:25). Ginamit din ni Jesus ang “manna” sa makasagisag na diwa.—Ju 6:49, 50.
Marumi.
Masama; Isa na masama.
Maskil.
Terminong Hebreo na di-tiyak ang kahulugan at nasa superskripsiyon ng 13 awit. Posibleng nangangahulugan itong “tula para sa pagbubulay-bulay.” May salitang kahawig nito na isinaling ‘maglingkod nang may karunungan,’ at iniisip ng ilan na magkaugnay ang kahulugan ng dalawang salitang ito.—2Cr 30:22; Aw 32:Sup.
Mataas na lugar.
Isang lugar para sa pagsamba na kadalasang nasa tuktok ng burol, bundok, o isang platapormang gawa ng tao. Kung minsan, ginagamit ang matataas na lugar sa pagsamba sa tunay na Diyos, pero kadalasan, ginagamit ang mga ito sa pagsamba ng mga pagano sa huwad na mga diyos.—Bil 33:52; 1Ha 3:2; Jer 19:5.
Mataas na saserdote.
Sa Kautusang Mosaiko, siya ang pangunahing saserdote na kumakatawan sa bayan sa harap ng Diyos at nangangasiwa sa iba pang saserdote. Tinatawag din siyang “punong saserdote.” (2Cr 26:20; Ezr 7:5) Siya lang ang puwedeng pumasok sa Kabanal-banalan, ang kaloob-loobang silid sa tabernakulo at sa templo nang maglaon. Ginagawa lang niya ito sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala. Ang terminong “mataas na saserdote” ay ginagamit din para tumukoy kay Jesu-Kristo.—Lev 16:2, 17; 21:10; Mat 26:3; Heb 4:14.
Matanda; Matandang lalaki.
Lalaki na nasa hustong gulang, pero sa Kasulatan, siya ay may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Ginamit din ito para tumukoy sa mga nilalang sa langit sa aklat ng Apocalipsis. Ang salitang Griego na pre·sbyʹte·ros ay isinasaling “matanda” o “matandang lalaki” kapag tumutukoy sa isang nangangasiwa sa kongregasyon.—Exo 4:29; Kaw 31:23; 1Ti 5:17; Apo 4:4.
Medo; Media.
Bayan na galing sa anak ni Japet na si Madai; tumira sila sa mabundok na talampas sa Iran na naging bansa ng Media. Ang mga Medo ay nakiisa sa Babilonya para talunin ang Asirya. Ang Persia ay distritong sakop noon ng Media, pero nagrebelde si Ciro at nakipag-alyansa ang Media sa Persia na bumuo sa Imperyo ng Medo-Persia at tumalo sa Imperyong Neo-Babilonyo noong 539 B.C.E. May mga Medo sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E. (Dan 5:28, 31; Gaw 2:9)—Tingnan ang Ap. B9.
Merodac.
Ang pangunahing diyos ng lunsod ng Babilonya. Naging prominente si Merodac (o, Marduk) mula noong ang Babilonya ay gawing kabisera ni Hammurabi, na hari at mambabatas ng Babilonia. Napalitan niya ang ilang diyos na nauna sa kaniya at siya ang naging pangunahing diyos ng mga Babilonyo. Nang maglaon, ang pangalang Merodac (o, Marduk) ay napalitan ng titulong “Belu” (“May-ari”), at madalas tukuyin si Merodac bilang Bel.—Jer 50:2.
Mesiyas.
Miktam.
Milcom.
Milya.
Yunit ng pagsukat ng distansiya na lumitaw lang nang isang beses sa orihinal na teksto ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Mateo 5:41 at malamang na tumutukoy sa milyang Romano na katumbas ng 1,479.5 m (4,854 ft). Ang tatlo pang paglitaw nito ay sa talababa ng Lucas 24:13, Juan 6:19, at Juan 11:18 para ipakita ang katumbas na milya ng sinaunang estadyo sa orihinal na teksto.—Tingnan ang Ap. B14.
Mina.
Tinatawag ding maneh sa Ezekiel. Yunit ito para sa timbang at halaga ng pera. Ipinapakita ng mga ebidensiya sa arkeolohiya na ang isang mina ay katumbas ng 50 siklo. Ang isang siklo ay may timbang na 11.4 g, kaya ang isang mina sa Hebreong Kasulatan ay 570 g. Gaya ng siko, posibleng mayroon ding mina na ginagamit sa palasyo. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang isang mina ay katumbas ng 100 drakma. Ang timbang nito ay 340 g. Ang 60 mina ay katumbas ng isang talento. (Ezr 2:69; Luc 19:13)—Tingnan ang Ap. B14.
Ministeryal na lingkod.
Salin sa salitang Griego na di·aʹko·nos, na karaniwang isinasaling “ministro” o “lingkod.” Ang ministeryal na lingkod ay naglilingkod bilang katulong ng lupon ng matatanda sa kongregasyon. Kailangang maabot ng isang lalaki ang mga pamantayan ng Bibliya para maging kuwalipikado sa pribilehiyong ito ng paglilingkod.—1Ti 3:8-10, 12.
Mira.
Mabangong dagta ng iba’t ibang uri ng matinik na halaman o maliit na puno mula sa genus na Commiphora. Ang mira ay isa sa mga sangkap ng banal na langis para sa pag-aatas. Ginagamit itong pabango sa damit o kama at inihahalo sa langis na pangmasahe at sa lotion. Ginagamit din ang mira sa paghahanda ng katawan para sa libing.—Exo 30:23; Kaw 7:17; Ju 19:39.
Moises, Kautusan ni.
Molec.
Isang diyos ng mga Ammonita; malamang na siya rin si Malcam, Milcom, at Moloc. Maaaring titulo ito at hindi pangalan ng isang espesipikong diyos. Sa Kautusang Mosaiko, kamatayan ang hatol sa sinumang maghahandog ng mga anak niya kay Molec.—Lev 20:2; Jer 32:35; Gaw 7:43.
Moloc.
—Tingnan ang MOLEC.
Mut-laben.
Terminong nasa superskripsiyon ng Awit 9. Ayon sa tradisyon, nangangahulugan itong “tungkol sa kamatayan ng anak.” Sinasabi ng iba na ito ang tawag o posibleng ang unang pananalita sa isang pamilyar na himig na ginagamit sa awit na ito.
N
Nardo.
Langis na mabango, mamahalin, at mamula-mula; galing sa halamang nardo (Nardostachys jatamansi). Dahil mahal ito, madalas itong hinahaluan ng mas mababang klase ng langis at kung minsan ay ginagawan ito ng imitasyon. Pero ‘purong nardo’ ang ginamit kay Jesus, gaya ng iniulat nina Marcos at Juan.—Mar 14:3; Ju 12:3.
Nazareno.
Isang tawag kay Jesus, dahil mula siya sa Nazaret. Malamang na kaugnay ito ng salitang Hebreo na ginamit sa Isaias 11:1 para sa “sibol.” Nang maglaon, itinawag din ito sa mga tagasunod ni Jesus.—Mat 2:23; Gaw 24:5.
Nazareo.
Galing sa salitang Hebreo na nangangahulugang “Isa na Pinili,” “Isa na Nakaalay,” at “Isa na Nakabukod.” May dalawang klase ng Nazareo: mga nagboluntaryong maging Nazareo at mga inatasan ng Diyos na maging gayon. Puwedeng manata ang isang lalaki o babae na mamuhay bilang Nazareo sa loob ng isang yugto ng panahon. May tatlong pangunahing bagay na ipinagbabawal sa mga nagboluntaryong maging Nazareo: pag-inom ng alak at pagkain ng anumang mula sa punong ubas, pagpapagupit ng buhok, at paghipo ng bangkay. Pero kapag Diyos ang nag-atas sa isang tao na maging Nazareo, panghabambuhay ito, at may espesipikong mga kahilingan si Jehova para sa kaniya.—Bil 6:2-7; Huk 13:5.
Nefilim.
Mararahas na anak na lalaki ng mga babaeng tao at mga anghel na nagkatawang-tao bago ang Baha.—Gen 6:4.
Nehilot.
Makikita sa superskripsiyon ng Awit 5 at di-tiyak ang kahulugan. Naniniwala ang ilan na isa itong instrumentong pangmusika na hinihipan, at iniuugnay ito sa Hebreong salitang-ugat para sa cha·lilʹ (plawta). Pero posible ring tumutukoy ito sa isang himig.
Nephesh; Psykhe.
Batay sa pagsusuri kung paano ginagamit sa Bibliya ang salitang Hebreo na neʹphesh at ang salitang Griego na psy·kheʹ, lumilitaw na tumutukoy ang mga ito sa (1) mga tao, (2) mga hayop, o (3) buhay ng tao o hayop. (Gen 1:20; 2:7; 1Pe 3:20; pati mga tlb.) Kung minsan, ang mga salitang ito ay isinasalin na “kaluluwa.” Pero kadalasan na, mali ang pagkakagamit ng mga relihiyon sa terminong ito kung ihahambing sa pagkakagamit ng Bibliya sa neʹphesh at psy·kheʹ. Kapag iniuugnay sa mga nilalang sa lupa, ang mga salitang ito ay tumutukoy sa nahahawakan, nakikita, at mortal. Sa rebisyong ito, kadalasan nang isinasalin ang mga salitang ito ayon sa kahulugan nito sa bawat konteksto. Ginagamit na panumbas dito ang “buhay,” “nilalang,” “tao,” “buong pagkatao,” o kung minsan ay panghalip lang. Kapag sinabing ang isang bagay ay ginagawa “nang buong kaluluwa,” sangkot dito ang buong buhay at pagkatao ng isa at ginagawa niya ito nang buong puso. (Deu 6:5; Mat 22:37) Kung minsan, ang mga salitang ito ay puwede ring tumukoy sa kagustuhan o sa ganang kumain ng isang buháy na nilalang. Puwede ring tumukoy ang mga ito sa patay na tao o bangkay.—Bil 6:6; Kaw 23:2; Hag 2:13.
Netineo.
Lingkod sa templo na hindi Israelita. Ang terminong Hebreo para sa “mga Netineo” ay literal na nangangahulugang “Mga Ibinigay,” na nagpapakitang itinalaga sila para maglingkod sa templo. Malamang na marami sa mga Netineo ay nagmula sa mga Gibeonita, na inatasan ni Josue bilang “tagakuha ng kahoy at tagaigib ng tubig para sa mga Israelita at para sa altar ni Jehova.”—Jos 9:23, 27; 1Cr 9:2; Ezr 8:17.
Nisan.
O
Olibano.
Tuyong dagta ng puno at halaman mula sa genus na Boswellia. Mabango ito kapag sinusunog. Sangkap ito sa paggawa ng banal na insenso na ginagamit sa tabernakulo at templo. Isinasama rin ito sa handog na mga butil at inilalagay sa bawat hanay ng tinapay na pantanghal sa loob ng Banal.—Exo 30:34-36; Lev 2:1; 24:7; Mat 2:11.
Omer.
Yunit ng pagsukat ng tuyong bagay na katumbas ng 2.2 L, o ikasampu ng isang epa. (Exo 16:16, 18)—Tingnan ang Ap. B14.
Onix.
P
Pag-aalay, banal na tanda ng.
Pag-aasawa bilang bayaw.
Pag-aayuno.
Pag-iwas sa lahat ng pagkain sa loob ng maikling panahon. Nag-aayuno ang mga Israelita sa Araw ng Pagbabayad-Sala, kapag nagdurusa, at kapag nangangailangan ng patnubay ng Diyos. Nagtakda ng apat na taunang pag-aayuno ang mga Judio para alalahanin ang masasaklap na pangyayari sa kasaysayan nila. Hindi kahilingan sa mga Kristiyano ang pag-aayuno.—Ezr 8:21; Isa 58:6; Luc 18:12.
Pagbabayad-sala.
Sa Hebreong Kasulatan, iniuugnay ito sa paghahandog na ginagawa para makalapit ang mga tao sa Diyos at sumamba sa kaniya. Sa Kautusang Mosaiko, ginagawa ang paghahandog, partikular na sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala, para maibalik ang mabuting kaugnayan sa Diyos ng mga indibidwal at ng buong bansa sa kabila ng mga kasalanan nila. Ang mga handog na iyon ay lumalarawan sa inihain ni Jesus nang minsanan para lubusang mabayaran ang kasalanan ng sangkatauhan at mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na makipagkasundo kay Jehova.—Lev 5:10; 23:28; Col 1:20; Heb 9:12.
Pagdadalamhati.
Pagpapahayag ng dalamhati dahil sa pagkamatay ng isang tao o iba pang masamang pangyayari. Noong panahon ng Bibliya, kaugalian na magdalamhati sa loob ng isang panahon. Bukod sa pag-iyak nang malakas, ang mga nagdadalamhati ay nagsusuot ng isang partikular na damit, naglalagay ng abo sa ulo, pinupunit ang damit nila, at sinusuntok ang dibdib nila. Kung minsan, may mga inuupahang tagaiyak sa libing.—Gen 23:2; Es 4:3; Apo 21:4.
Paggawi nang may kapangahasan.
Mula sa Griego na a·selʹgei·a, na tumutukoy sa mabibigat na paglabag sa mga batas ng Diyos at sa pagiging pangahas at lapastangan; isang damdaming nagpapakita ng kawalang-galang o paglapastangan pa nga sa awtoridad, mga batas, at mga pamantayan. Hindi ito tumutukoy sa maling mga paggawi na hindi gaanong malubha.—Gal 5:19; 2Pe 2:7.
Paggiik; Giikan.
Pagtatanggal ng butil mula sa tangkay at ipa nito; lugar kung saan naggigiik. Kung mano-mano ang paggiik, ginagamitan ito ng panghampas. Pero kung marami ang gigiikin, gumagamit na ng panggiik na kareta o ng karetang may gulong na hinihila ng hayop. Dinadaanan nito ang butil na nakalatag sa giikan, na patag at pabilog at karaniwan nang nasa mataas na lugar at nakahantad sa hangin.—Lev 26:5; Isa 41:15; Mat 3:12.
Paghahanda.
Tawag sa araw bago ang Sabbath kung kailan naghahanda ang mga Judio ng lahat ng kailangan para sa Sabbath. Matatapos ito sa paglubog ng araw sa tinatawag ngayong araw ng Biyernes, at magsisimula naman ang Sabbath. Ang araw ng mga Judio ay nagsisimula sa gabi at natatapos sa sumunod na gabi.—Mar 15:42; Luc 23:54.
Paghihimalay.
Ang pagkuha ng anumang bahagi ng ani na iniwan o naiwan ng mga mang-aani. Ayon sa Kautusang Mosaiko, hindi dapat gapasin ang lahat ng nasa gilid ng bukid at hindi dapat ubusin ang olibo o ubas. Binigyan ng Diyos ng karapatan ang mahihirap, mga nagdurusa, mga dayuhan, mga batang walang ama, at mga biyuda na kunin ang mga natitira sa ani.—Ru 2:7, tlb.
Pagkabuhay-muli.
Pagbangon mula sa kamatayan. Ang salitang Griego na a·naʹsta·sis ay literal na nangangahulugang “pagbangon; pagtayo.” Siyam na pagkabuhay-muli ang iniulat sa Bibliya, kasama na ang pagbuhay-muli ng Diyos na Jehova kay Jesus. Ginamit din sina Elias, Eliseo, Jesus, Pedro, at Pablo sa pagbuhay-muli, pero malinaw na galing sa Diyos ang kapangyarihan para magawa ang mga himalang ito. Napakahalaga ng ‘pagbuhay-muli sa mga matuwid at di-matuwid’ dito sa lupa para matupad ang layunin ng Diyos. (Gaw 24:15) May binabanggit din ang Bibliya na pagkabuhay-muli sa langit, ang tinatawag na “mas maaga” o “unang” pagkabuhay-muli, na may kaugnayan sa mga kapatid ni Jesus na pinili ng Diyos.—Fil 3:11; Apo 20:5, 6; Ju 5:28, 29; 11:25.
Pagkatapon.
Kalagayan ng isa na pinalayas sa sariling lupain o tirahan, na kadalasang dahil sa utos ng mga mananakop. Ang salitang Hebreo ay nangangahulugang “pag-alis.” Nakaranas ang mga Israelita ng dalawang pagkatapon. Ang 10-tribong kaharian sa hilaga ay ipinatapon ng mga Asiryano, at nang maglaon, ipinatapon naman ng mga Babilonyo ang 2-tribong kaharian sa timog. Ang mga natira sa mga ipinatapon ay ibinalik ng tagapamahala ng Persia na si Ciro sa sarili nilang lupain.—2Ha 17:6; 24:16; Ezr 6:21.
Pagpapatong ng kamay.
Nagpapatong ng kamay sa isang tao para atasan siya sa isang espesyal na gawain o kapag siya ay pagpapalain, pagagalingin, o bibigyan ng kaloob ng banal na espiritu. Kung minsan, ginagawa rin ito sa hayop bago ito ihandog.—Exo 29:15; Bil 27:18; Gaw 19:6; 1Ti 5:22.
Pagsisisi.
Pagsuway.
Paglabag sa isang malinaw na utos; kasingkahulugan ng “kasalanan” sa Bibliya.—Jos 24:19; Ro 5:14.
Pagtutuli.
Ang pag-aalis ng dulong-balat ng ari ng lalaki. Si Abraham at ang mga inapo niya ay inutusang gawin ito, pero hindi ito kahilingan para sa mga Kristiyano. Ginagamit din ito sa makasagisag na paraan sa iba’t ibang konteksto.—Gen 17:10; 1Co 7:19; Fil 3:3.
Pahiran.
Ang salitang Hebreo ay nangangahulugang “pahiran ng likido.” Nilalagyan ng langis ang isang tao o bagay bilang sagisag ng pag-aalay rito sa isang pantanging paglilingkod. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginagamit din ang salitang ito sa pagbubuhos ng banal na espiritu sa mga pinili para sa pag-asang mabuhay sa langit.—Exo 28:41; 1Sa 16:13; 2Co 1:21, tlb.
Pahirapang tulos.
Salin para sa salitang Griego na stau·rosʹ, na ang ibig sabihin ay isang tulos o poste, gaya ng pinagpakuan kay Jesus. Walang ebidensiya na ang stau·rosʹ ay tumutukoy sa isang krus, gaya ng ginagamit na simbolo sa relihiyon ng mga pagano sa loob ng daan-daang taon bago dumating ang Kristo. Angkop ang saling “pahirapang tulos” para masaklaw ang buong kahulugan ng stau·rosʹ, dahil ginamit din ang salitang ito para ipahiwatig ang daranasing paghihirap at kahihiyan ng mga tagasunod ni Jesus. (Mat 16:24; Heb 12:2)—Tingnan ang TULOS.
Pakikiapid.
—Tingnan ang SEKSUWAL NA IMORALIDAD.
Palabunutan.
Sinaunang kaugalian na ginagawa kapag may pagpapasiyahan. May maliliit na bato o piraso ng kahoy na inilalagay sa mga tupi ng isang damit o sa isang sisidlan, at pagkatapos ay inaalog ito. Ang desisyon ay nakabatay sa mabubunot o mahuhulog na bato o kahoy. Kadalasang ginagawa ito na may kasamang panalangin. Ang orihinal na pananalita na ginagamit may kaugnayan sa palabunutan ay nangangahulugan ding “bahagi.”—Jos 14:2; Aw 16:5; Kaw 16:33; Mat 27:35.
Pamatay ng apoy.
Gamit sa tabernakulo at templo; gawa sa ginto o tanso. Posibleng gaya ito ng gunting na pamutol ng mitsa.—2Ha 25:14.
Pamatok.
Pahabang kahoy na ipinapatong sa balikat ng isang tao at may nakasabit na dalahin sa magkabilang panig; puwede ring isang kahoy na inilalagay sa batok ng dalawang hayop na pantrabaho (karaniwan nang baka) kapag may hinahatak na kagamitan sa pagsasaka o isang kariton. Dahil karaniwan nang mga alipin ang gumagamit ng pamatok para magbuhat ng mabibigat na pasanin, ginagamit ito sa makasagisag na paraan para lumarawan sa pagkaalipin o pagiging sakop ng ibang tao, gayundin sa pang-aapi at paghihirap. Kapag tinanggal o binali ang isang pamatok, nangangahulugan ito ng paglaya mula sa pagkaalipin, pang-aapi, at pang-aabuso.—Lev 26:13; Mat 11:29, 30.
Pampalubag-loob.
—Tingnan ang PAGBABAYAD-SALA.
Pamumusong.
Ang salitang Griego na bla·sphe·miʹa ay nangangahulugang mapaminsala, mapanghamak, o mapang-abusong pananalita, at ginagamit ito para tumukoy sa ganoong uri ng pananalita sa Diyos o sa tao. Sa Bagong Sanlibutang Salin, ang salitang ito ay karaniwang tumutukoy sa walang-galang at mapang-abusong pananalita sa Diyos at sa sagradong mga bagay.—Luc 12:10; Apo 16:11.
Panagot.
Anumang pag-aari na ibinigay ng isang tao sa pinagkakautangan niya bilang garantiya na magbabayad siya. Tinatawag din itong prenda. May espesipikong mga batas sa Kautusang Mosaiko tungkol sa panagot para hindi mapagsamantalahan ang mahihirap at walang kalaban-laban.—Exo 22:26; Eze 18:7.
Panakip na pampalubag-loob.
Pantakip sa kaban ng tipan. Sa Araw ng Pagbabayad-Sala, pinatutulo ng mataas na saserdote sa harap nito ang dugo ng mga handog para sa kasalanan. Ang salitang Hebreo para dito ay galing sa pandiwang salitang-ugat na nangangahulugang “takpan (ang kasalanan)” o puwede ring “burahin (ang kasalanan).” Gawa ito sa purong ginto, at may tig-isang kerubin sa magkabilang dulo nito. Kung minsan, tinutukoy lang itong “pantakip.” (Exo 25:17-22; 1Cr 28:11, tlb.; Heb 9:5)—Tingnan ang Ap. B5.
Panata.
Panatang handog.
Kusang-loob na handog na may kaugnayan sa isang panata sa Diyos.—Lev 23:38; 1Sa 1:21.
Pangalawahing asawa.
Panganay.
Pangunahin nang tumutukoy sa pinakamatandang anak na lalaki ng ama (hindi ng panganay na anak ng ina). Noong panahon ng Bibliya, ang panganay na lalaki ay may marangal na posisyon sa pamilya at siya ang ginagawang ulo ng sambahayan kapag namatay ang ama. Tumutukoy rin ito sa unang anak na lalaki ng hayop.—Exo 11:5; 13:12; Gen 25:33; Col 1:15.
Pangangalunya.
Kusang pakikipagtalik ng isang taong may asawa sa hindi niya asawa.—Exo 20:14; Mat 5:27; 19:9.
Pangawan.
Panggagaway.
Ang paggamit ng kapangyarihan na pinaniniwalaang galing sa masasamang espiritu. Tinatawag din itong “pangkukulam.”—2Cr 33:6.
Panghilagpos.
Pahabang piraso ng katad o pamigkis na yari sa hinabing materyal gaya ng litid ng hayop, mataas na damo, o balahibo. Inilalagay ang pambala, na kadalasan nang bato, sa malapad na bahagi nito sa gitna. Ang isang dulo ng panghilagpos ay nakatali sa kamay o sa may pulso, at ang kabilang dulo naman ay hawak ng kamay at binibitiwan kapag titira na. Kabilang sa mga hukbo noon ang mga gumagamit ng panghilagpos.—Huk 20:16; 1Sa 17:50.
Pang-ipit ng mitsa.
Gawa sa ginto, posibleng katulad ng tong, at ginagamit para patayin ang apoy sa mga ilawan sa tabernakulo at sa templo.—Exo 37:23.
Pantatak; Tatak.
Sa Ingles, seal. Ginagamit ang pantatak para mag-iwan ng marka (kadalasan nang sa luwad o wax) bilang indikasyon ng pagmamay-ari, kasunduan, o pagiging tunay ng isang bagay. Ang mga pantatak noon ay gawa sa matigas na materyales (bato, ivory, o kahoy) at may nakaukit na letra o disenyo na pabaligtad. Sa makasagisag na paraan, ginagamit ang tatak para ipakitang tunay ang isang bagay, may nagmamay-ari nito, o isa itong sekreto.—Exo 28:11; Ne 9:38; Apo 5:1; 9:4.
Pantubos.
Halagang ibinabayad para mapalaya ang isa mula sa pagkabihag, parusa, paghihirap, kasalanan, at puwede ring sa pananagutan. Hindi laging pera ang pambayad. (Isa 43:3) Kailangan ng pantubos sa iba’t ibang sitwasyon. Halimbawa, lahat ng panganay na lalaki sa Israel ay kay Jehova, kaya nakabukod ang mga panganay na tao para maglingkod nang buong panahon sa santuwaryo ni Jehova at ang mga panganay na hayop para eksklusibong magamit dito. Kailangan ng pantubos para mapalaya sila sa obligasyong ito at para magamit sa ibang paraan ang mga hayop. (Bil 3:45, 46; 18:15, 16) Magbabayad din ng pantubos ang isang may-ari ng toro kung hindi niya binantayan ang nanunuwag niyang toro at nakapatay ito. Kailangan ito para mapalaya siya sa hatol na kamatayan. (Exo 21:29, 30) Pero hindi puwedeng magbayad ng pantubos ang mga sadyang pumatay. (Bil 35:31) At ang pinakamahalagang pantubos, gaya ng malinaw na ipinapakita ng Bibliya, ay ang binayaran ni Kristo sa pamamagitan ng kamatayan niya para mapalaya ang masunuring mga tao mula sa kasalanan at kamatayan.—Aw 49:7, 8; Mat 20:28; Efe 1:7.
Panukat na tambo.
Papiro.
Halamang-tubig na parang tambo; ginagamit sa paggawa ng basket, iba pang sisidlan, at bangka. Ginagawa rin itong sulatan na kagaya ng papel, at nagamit ito sa maraming balumbon.—Exo 2:3.
Paraiso.
Magandang parke o hardin. Ang unang paraiso ay ang hardin ng Eden na ginawa ni Jehova para sa unang mag-asawa. Noong kausap ni Jesus ang kriminal na nakapako sa katabing tulos, ipinahiwatig niya na magiging paraiso ang lupa. Sa 2 Corinto 12:4, ang salita ay maliwanag na tumutukoy sa isang paraiso sa hinaharap, at sa Apocalipsis 2:7 naman, tumutukoy ito sa paraiso sa langit.—Sol 4:13; Luc 23:43.
Paraon.
Pariseo.
Isang prominenteng sekta ng Judaismo noong unang siglo C.E. Hindi sila galing sa angkan ng mga saserdote, pero sinusunod nila kahit ang pinakamaliliit na detalye ng Kautusan, at ginawa nilang kasinghalaga ng Kautusan ang mga di-nasusulat na tradisyon. (Mat 23:23) Ayaw nila ng anumang galing sa kulturang Griego, at dahil marami silang alam sa Kautusan at mga tradisyon, malaki ang awtoridad nila sa bayan. (Mat 23:2-6) Ang ilan sa kanila ay miyembro ng Sanedrin. Madalas nilang kuwestiyunin si Jesus pagdating sa pagsunod sa mga batas sa Sabbath, tradisyon, at pakikisalamuha sa mga makasalanan at maniningil ng buwis. Ang ilan ay naging Kristiyano, gaya ni Saul ng Tarso.—Mat 9:11; 12:14; Mar 7:5; Luc 6:2; Gaw 26:5.
Paskuwa.
Taunang kapistahan na ipinagdiriwang tuwing ika-14 na araw ng Abib (nang maglaon ay tinawag na Nisan). Inaalaala rito ang pagliligtas sa mga Israelita mula sa Ehipto. Sa araw na ito, isang batang tupa (o kambing) ang pinapatay at iniihaw, at kinakain itong kasama ng mapapait na gulay at tinapay na walang pampaalsa.—Exo 12:27; Ju 6:4; 1Co 5:7.
Patotoo.
Ang “Patotoo” ay karaniwan nang tumutukoy sa Sampung Utos na nakasulat sa dalawang tapyas ng bato na ibinigay kay Moises.—Exo 31:18.
Pektoral.
Lalagyan na napapalamutian ng mamahaling mga bato. Kapag pumapasok sa Banal ang mataas na saserdote ng Israel, isinusuot niya ito sa may tapat ng puso niya. Tinawag itong “pektoral ng paghatol” dahil dito nakalagay ang Urim at ang Tumim, na ginagamit para malaman ang mga hatol ni Jehova. (Exo 28:15-30)—Tingnan ang Ap. B5.
Pentecostes.
Ikalawa sa tatlong pangunahing kapistahan na kailangang ipagdiwang sa Jerusalem ng lahat ng lalaking Judio. Ang ibig sabihin ng Pentecostes ay “Ika-50 (Araw).” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, Pentecostes ang tawag sa Kapistahan ng Pag-aani o Kapistahan ng mga Sanlinggo sa Hebreong Kasulatan. Ipinagdiriwang ito sa ika-50 araw mula Nisan 16.—Exo 23:16; 34:22; Gaw 2:1.
Pergamino.
Balat ng tupa, kambing, o baka na pinoproseso para gawing sulatan. Mas matibay ito kaysa sa papiro at ginamit ito sa mga balumbon ng Bibliya. Ang mga pergamino na ipinakuha ni Pablo kay Timoteo ay posibleng mga bahagi ng Hebreong Kasulatan. Ang ilang bahagi ng Dead Sea Scrolls ay nakasulat sa pergamino.—2Ti 4:13.
Persia; Persiano.
Isang lupain at ang tawag sa mga nakatira dito. Ang mga Persiano ay may kaugnayan sa mga Medo, at lagi silang binabanggit nang magkasama. Sa simula, ang teritoryo lang ng mga Persiano ay ang timog-kanlurang bahagi ng talampas ng Iran. Sa pamamahala ni Cirong Dakila (na Persiano ang ama at Medo ang ina, ayon sa ilang sinaunang istoryador), naging mas makapangyarihan ang mga Persiano kaysa sa mga Medo, pero nanatili pa rin ang tambalan nila bilang isang imperyo. Pinabagsak ni Ciro ang Imperyo ng Babilonya noong 539 B.C.E. at pinabalik sa sariling lupain ang mga Judiong bihag. Ang sakop ng Imperyo ng Persia ay mula sa Ilog Indus sa silangan hanggang sa Dagat Aegeano sa kanluran. Ang mga Judio ay nasa ilalim ng pamamahala ng Persia hanggang sa matalo ni Alejandrong Dakila ang mga Persiano noong 331 B.C.E. Ang pagkatatag ng Imperyo ng Persia ay patiunang nakita sa pangitain ni Daniel, at binanggit ang imperyong ito sa mga aklat ng Bibliya na Ezra, Nehemias, at Esther. (Ezr 1:1; Dan 5:28; 8:20)—Tingnan ang Ap. B9.
Pilosopong Epicureo.
Ang mga pilosopong Epicureo ay mga tagasunod ng pilosopong Griego na si Epicurus (341-270 B.C.E.). Itinataguyod nila ang pilosopiya na ang pinakamahalaga sa lahat ay ang masiyahan sa buhay.—Gaw 17:18.
Pilosopong Estoico.
Grupo ng mga pilosopong Griego na naniniwalang ang kaligayahan ay nakadepende sa pamumuhay ayon sa lohika at kalikasan. Ang tunay na matalino, ayon sa kanila, ay hindi nagpapaapekto sa kirot o saya.—Gaw 17:18.
Pim.
Isang panimbang. Ito rin ang halagang sinisingil ng mga Filisteo sa paghahasa ng iba’t ibang kagamitang metal. Nakasulat sa ilang batong panimbang na nahukay sa Israel ang sinaunang Hebreong mga katinig ng “pim.” Ang average na timbang ng mga ito ay 7.8 g, o mga dalawang-katlo ng isang siklo.—1Sa 13:20, 21.
Pintuang-daan.
Sa Ingles, gate. May iba’t ibang uri ng pintuang-daan na binabanggit sa Bibliya, gaya ng (1) pintuang-daan ng kampo (Exo 32:26, 27), (2) pintuang-daan ng lunsod (Jer 37:13), (3) “pintuang-daan ng Tanggulan ng Bahay” (Ne 2:8), (4) pintuang-daan ng templo (Gaw 3:10), at (5) pintuang-daan ng bahay (Gaw 12:13, tlb.).
Pisaan ng ubas.
Karaniwan na, mayroon itong dalawang hukay na inuka sa batong-apog; mas mataas ang unang hukay kaysa sa ikalawa at pinagdurugtong ang mga ito ng maliit na kanal. Habang pinipisa ang ubas sa mas mataas na hukay, napupunta ang katas nito sa ikalawang hukay. Ginagamit ito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa paghatol ng Diyos.—Isa 5:2; Apo 19:15.
Porneia.
—Tingnan ang SEKSUWAL NA IMORALIDAD.
Prepekto.
Presensiya.
Sa ilang pagkakagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang ito ay tumutukoy sa presensiya ni Jesu-Kristo bilang ang Mesiyanikong Hari mula nang iluklok siya sa langit hanggang sa mga huling araw ng sistemang ito. Hindi ito tumutukoy sa pagdating ni Kristo na susundan ng biglang pag-alis. Sa halip, isa itong yugto ng panahon na makikilala dahil sa malilinaw na tanda.—Mat 24:3.
Proconsul.
Propeta.
Proselita.
Isang nakumberte. Sa Bibliya, tumutukoy ito sa sinuman na yumakap sa Judaismo, at kung isa siyang lalaki, kailangan niyang magpatuli.—Mat 23:15; Gaw 13:43.
Puno ng buhay.
Puno ng pagkaalam ng mabuti at masama.
Punong Kinatawan.
Punong saserdote.
Isa pang tawag sa “mataas na saserdote” sa Hebreong Kasulatan. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pananalitang “mga punong saserdote” ay maliwanag na tumutukoy sa pangunahing mga saserdote, at posibleng kasama rito ang dating matataas na saserdote at ang mga pinuno ng 24 na pangkat ng mga saserdote.—2Cr 26:20; Ezr 7:5; Mat 2:4; Mar 8:31.
Purim.
Ipinagdiriwang taon-taon tuwing ika-14 at ika-15 ng Adar. Hindi ito salitang Hebreo, pero inaalaala rito ang pagliligtas sa mga Judio mula sa pagkalipol noong panahon ni Reyna Esther. Ang pu·rimʹ ay nangangahulugang “pitsa sa palabunutan.” Ang pagdiriwang na ito ay tinawag na Kapistahan ng Purim dahil gumamit si Haman ng Pur (pitsa sa palabunutan) para malaman kung kailan magandang gawin ang plano niyang lipulin ang mga Judio.—Es 3:7; 9:26.
Purpura.
Madalas banggitin sa Bibliya ang kulay na ito. Puwede itong tumukoy sa kulay-dugo o kulay-ube o sa mga kulay na nasa pagitan ng dalawang ito, depende sa ginamit na tina at sa paraan ng pagtitina. (Exo 25:4; Bil 4:13; Eze 27:7, 16; Dan 5:7, 29; Mar 15:17, 20; Luc 16:19; Apo 17:4) Dahil mahal ito, kadalasan nang iniuugnay ito sa kayamanan, karangalan, at pagiging maharlika.
R
Rahab.
Terminong ginamit sa makasagisag na paraan sa mga aklat ng Job, Awit, at Isaias (hindi ang babaeng si Rahab sa aklat ng Josue). Sa aklat ng Job, makikita sa konteksto na ang tinutukoy ng “Rahab” ay isang malaking hayop sa dagat. Sa ibang konteksto naman, ang hayop na ito sa dagat ay sumasagisag sa Ehipto.—Job 9:13; Aw 87:4; Isa 30:7; 51:9, 10.
Reyna ng Langit.
Tawag sa diyosang sinamba ng apostatang mga Israelita noong panahon ni Jeremias. May mga nagsasabi na siya ang diyosa ng mga Babilonyo na si Ishtar (Astarte). Ang katumbas niyang diyosa ng mga Sumeryano ay si Inanna, na ang pangalan ay nangangahulugang “Reyna ng Langit.” Siya ay diyosa ng pag-aanak. Si Astarte ay tinawag ding “Ginang ng Langit” sa isang inskripsiyon sa Ehipto.—Jer 44:19.
Ruach; Pneuma.
Ang salitang Hebreo na ruʹach at ang salitang Griego na pneuʹma, na karaniwang isinasalin na “espiritu,” ay may iba’t ibang kahulugan. Ang lahat ng tinutukoy ng dalawang salitang ito ay di-nakikita at nagpapatunay na may kumikilos na puwersa. Puwedeng tumukoy ang mga ito sa (1) hangin, (2) puwersa ng buhay na taglay ng mga nilalang sa lupa, (3) puwersang nagmumula sa puso ng isang tao at nagpapakilos sa kaniya na sabihin o gawin ang isang bagay, (4) mensaheng galing sa di-nakikitang persona, (5) mga espiritung persona, at (6) aktibong puwersa ng Diyos, o ang banal na espiritu.—Aw 104:29; Kaw 16:2; Mat 12:43; Luc 11:13.
S
Sabbath.
Mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “magpahinga; tumigil.” Ito ang ikapitong araw sa linggo ng mga Judio (mula sa paglubog ng araw sa Biyernes hanggang sa paglubog ng araw sa Sabado). Tinatawag ding sabbath ang iba pang araw ng kapistahan, pati ang ika-7 at ika-50 taon. Sa araw ng Sabbath, hindi puwedeng magtrabaho ang mga tao, maliban sa mga saserdote na may gagampanang atas sa santuwaryo. Sa mga taon ng Sabbath, hindi sasakahin ang lupain at hindi puwedeng pilitin ng sinuman ang kaniyang kapuwa Hebreo na magbayad ng utang. Sa Kautusang Mosaiko, makatuwiran ang mga pagbabawal kapag Sabbath, pero unti-unti itong dinagdagan ng mga lider ng relihiyon, kaya nahihirapan na ang mga tao na sundin ito noong panahon ni Jesus.—Exo 20:8; Lev 25:4; Luc 13:14-16; Col 2:16.
Saduceo.
Isang prominenteng sekta ng Judaismo na binubuo ng mayayaman at kinikilala sa lipunan at ng mga saserdote na malaki ang kontrol sa mga gawain sa templo. Hindi nila tinatanggap ang di-nasusulat na mga tradisyon ng mga Pariseo at iba pang paniniwala ng mga ito. Hindi sila naniniwala sa pagkabuhay-muli at mga anghel. Kinakalaban nila si Jesus.—Mat 16:1; Gaw 23:8.
Sagradong haligi.
Karaniwan nang gawa sa bato at malamang na simbolo ng ari ni Baal o ng iba pang huwad na diyos.—Exo 23:24.
Sagradong lihim.
Sagradong paglilingkod.
Sagradong poste.
Ang salitang Hebreo na ʼashe·rahʹ ay tumutukoy sa (1) isang sagradong posteng kumakatawan kay Asera, ang diyosa ng pag-aanak ng mga Canaanita, o sa (2) mismong imahen ni Asera. Malamang na ito o ang ilang bahagi nito ay gawa sa kahoy. Puwedeng ito ay isang poste na hindi inukitan o puwede ring isang puno lang.—Deu 16:21; Huk 6:26; 1Ha 15:13.
Salmo.
Salot.
Anumang sakit na nakakahawa, madaling kumalat, nakamamatay, at puwedeng maging epidemya. Kadalasan nang may kaugnayan ito sa paglalapat ng hatol ng Diyos.—Bil 14:12; Eze 38:22, 23; Am 4:10.
Samaria.
Kabiserang lunsod ng 10-tribong kaharian ng Israel sa hilaga sa loob ng mga 200 taon; ito rin ang tawag sa buong teritoryo nito. Itinayo ang lunsod sa bundok na ang tawag din ay Samaria. Noong panahon ni Jesus, Samaria ang tawag sa distrito na nasa pagitan ng Galilea sa hilaga at ng Judea sa timog. Karaniwan na, hindi nangangaral si Jesus sa rehiyong ito, pero kung minsan ay dumadaan siya rito at nakikipag-usap sa mga tagarito. Nagamit ni Pedro ang ikalawang makasagisag na susi ng Kaharian nang tumanggap ng banal na espiritu ang mga Samaritano. (1Ha 16:24; Ju 4:7; Gaw 8:14)—Tingnan ang Ap. B10.
Samaritano.
Noong una, tumutukoy ito sa mga Israelita sa 10-tribong kaharian sa hilaga, pero nang sakupin ng mga Asiryano ang Samaria noong 740 B.C.E., tinawag na ring Samaritano ang mga banyagang dinala nila sa teritoryong ito. Noong panahon ni Jesus, mas nagagamit na ang terminong ito para tumukoy sa mga miyembro ng isang sekta na nasa teritoryo ng sinaunang Sikem at ng Samaria. May mga paniniwala sila na ibang-iba sa Judaismo.—Ju 8:48.
Samsam.
Sanedrin.
Mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem. Noong panahon ni Jesus, binubuo ito ng 71 miyembro, kasama na ang mataas na saserdote at mga naging mataas na saserdote noon, mga kapamilya ng mataas na saserdote, matatandang lalaki, mga ulo ng tribo at angkan, at mga eskriba.—Mar 15:1; Gaw 5:34; 23:1, 6.
Santuwaryo.
Lugar na eksklusibong ginagamit sa pagsamba; isang banal na lugar. Karaniwan na, tumutukoy ito sa tabernakulo o sa templo sa Jerusalem. Ginagamit din ang terminong ito para tumukoy sa tirahan ng Diyos sa langit.—Exo 25:8, 9; 2Ha 10:25; 1Cr 28:10; Apo 11:19.
Saserdote.
Lalaking itinalaga bilang kinatawan ng Diyos sa bayan na pinaglilingkuran niya. Tinuturuan niya sila tungkol sa Diyos at sa Kaniyang mga kautusan. Ang mga saserdote rin ang kumakatawan sa bayan sa harap ng Diyos. Sila ang naghahandog, namamagitan, at nakikiusap para sa bayan. Bago magkaroon ng Kautusang Mosaiko, ang ulo ng pamilya ang nagsisilbing saserdote ng pamilya. Pero sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang mga lalaking miyembro ng pamilya ni Aaron mula sa tribo ni Levi ang naglingkod bilang mga saserdote. Ang iba pang mga lalaking Levita ay mga katulong nila. Nang magkabisa ang bagong tipan, ang mga miyembro ng espirituwal na Israel ay naging mga saserdote at si Jesu-Kristo ang Mataas na Saserdote.—Exo 28:41; Heb 9:24; Apo 5:10.
Satanas.
Satrapa.
Seah.
Sebat.
Seksuwal na imoralidad.
Mula sa salitang Griego na por·neiʹa, na ginagamit sa Kasulatan para tumukoy sa ilang uri ng seksuwal na gawaing ipinagbabawal ng Diyos. Kasama rito ang pangangalunya, prostitusyon, seksuwal na mga gawain sa pagitan ng mga hindi mag-asawa, pakikipagtalik sa kasekso, at pakikipagtalik sa hayop. Sa Apocalipsis, ginagamit sa makasagisag na paraan ang salitang ito para ilarawan ang “Babilonyang Dakila,” ang babaeng bayaran na kumakatawan sa mga huwad na relihiyon, na nakikiapid sa mga tagapamahala ng mundong ito kapalit ng kapangyarihan at kayamanan. (Apo 14:8; 17:2; 18:3; Mat 5:32; Gaw 15:29; Gal 5:19)—Tingnan ang BABAENG BAYARAN; LALAKING BAYARAN.
Sekta.
Grupo ng mga tao na naniniwala sa isang doktrina o lider at sumusunod sa sarili nilang paniniwala. Tinatawag na sekta ng Judaismo ang mga Pariseo at Saduceo. Para sa mga di-Kristiyano, isang “sekta” ang Kristiyanismo at tinatawag nila itong “sekta ng mga Nazareno” dahil malamang na iniisip nilang humiwalay lang ito sa Judaismo. Nang maglaon, nagkaroon ng mga sekta sa loob ng kongregasyong Kristiyano; binanggit sa Apocalipsis ang “sekta ni Nicolas.”—Gaw 5:17; 15:5; 24:5; 28:22; Apo 2:6; 2Pe 2:1.
Selah.
Termino sa musika o pag-awit na makikita sa Mga Awit at Habakuk. Puwede itong tumukoy sa sandaling paghinto sa pag-awit o sa musika, o sa dalawang ito, para makapagbulay-bulay nang tahimik o para mapatingkad ang emosyong itinatawid o ang ideyang kababanggit pa lang. Isinalin ito sa Griegong Septuagint na di·aʹpsal·ma, na ang ibig sabihin ay “musical interlude.”—Aw 3:4; Hab 3:3.
Seminit.
Termino sa musika na literal na nangangahulugang “ikawalo” at puwedeng tumukoy sa mababang tono. Kapag iniuugnay sa mga instrumentong pangmusika, maaaring ipinahihiwatig nito na ang mga instrumento ay maglalabas ng mababang tono. Kapag iniuugnay sa awit, malamang na tumutukoy ito sa musika na may mababang tono at inaawit din nang mababa.—1Cr 15:21; Aw 6:Sup; 12:Sup.
Serapin.
Setro.
Baston o tungkod na hawak ng isang tagapamahala bilang sagisag ng awtoridad niya.—Gen 49:10; Heb 1:8.
Sheol.
Salitang Hebreo na katumbas ng salitang Griego na “Hades.” Isinasalin itong “Libingan” (malaki ang unang letra) para ipakitang tumutukoy ito sa libingan ng mga tao sa pangkalahatan at hindi sa indibidwal na mga libingan.—Mga tlb. sa Gen 37:35, Aw 16:10, at Gaw 2:31.
Siklo.
Yunit na pinakabatayan ng timbang at halaga ng pera ng mga Hebreo. Tumitimbang ito nang 11.4 g. Posibleng idiniriin ng pananalitang “siklo ng banal na lugar” na dapat na eksakto ang timbang o dapat na batay ito sa panimbang na ginagamit sa tabernakulo. Posible rin na may isang espesyal na siklo (iba sa karaniwang siklo) o isang panimbang na ginagamit sa palasyo ng hari.—Exo 30:13.
Siko.
Yunit ng pagsukat na ang haba ay mula siko hanggang dulo ng gitnang daliri. Karaniwan nang ginagamit ng mga Israelita ang siko na mga 44.5 cm (17.5 in), pero gumagamit din sila ng mas mahabang siko na mas mahaba nang isang sinlapad-ng-kamay, o mga 51.8 cm (20.4 in). (Gen 6:15; Luc 12:25, tlb.)—Tingnan ang Ap. B14.
Sinagoga.
Salita na nangangahulugang “pagtitipon; kapulungan”; pero sa karamihan ng teksto, tumutukoy ito sa gusali o lugar kung saan nagtitipon ang mga Judio para magbasa ng Kasulatan, maturuan, mangaral, at manalangin. Noong panahon ni Jesus, bawat malaking nayon sa Israel ay may isang sinagoga, pero sa mas malalaking lunsod, may higit sa isang sinagoga.—Luc 4:16; Gaw 13:14, 15.
Singsing na pantatak.
Pantatak na isinusuot sa daliri o posible ring ikinukuwintas. Tinatawag din itong singsing na panlagda, at simbolo ito ng awtoridad ng isang tagapamahala o opisyal. (Gen 41:42)—Tingnan ang PANTATAK; TATAK.
Sion; Bundok Sion.
Tawag sa lunsod ng Jebus, ang tanggulan ng mga Jebusita na nasa timog-silangan ng burol ng Jerusalem. Nang masakop ito ni Haring David, itinayo niya roon ang bahay niya at tinawag itong “Lunsod ni David.” (2Sa 5:7, 9) Naging banal na bundok ang Sion para kay Jehova nang ilagay roon ni David ang Kaban. Nang maglaon, tinawag na ring Sion ang bahagi ng Bundok Moria kung saan nakatayo ang templo, at kung minsan, tumutukoy rin ito sa buong lunsod ng Jerusalem. Madalas itong gamitin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan sa makasagisag na paraan.—Aw 2:6; 1Pe 2:6; Apo 14:1.
Sirte.
Sirya; Siryano.
—Tingnan ang ARAM; ARAMEANO.
Sisidlang balat.
Gawa sa buong balat ng hayop, gaya ng kambing o tupa, at pinaglalagyan ng likido, gaya ng alak. Kapag inilalagay ang alak sa sisidlan, nagkakaroon ng pressure sa loob dahil naglalabas ito ng carbon dioxide habang tumatagal. Inilalagay ang alak sa bagong sisidlang balat dahil nababanat ito at hindi nasisira, pero pumuputok ang luma dahil sa pressure.—Jos 9:4; Mat 9:17.
Sistema.
Ang salin sa salitang Griego na ai·onʹ kapag tumutukoy sa kasalukuyang kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Ang binabanggit ng Bibliya na “sistemang ito” ay tumutukoy sa kalakaran ng mundo sa pangkalahatan at sa makasanlibutang paraan ng pamumuhay. (2Ti 4:10) Sa pamamagitan ng tipang Kautusan, pinasimulan ng Diyos ang isang sistema na tinatawag ng ilan na panahon ng mga Israelita o panahon ng mga Judio. Pero sa pamamagitan ng haing pantubos, ginamit ng Diyos si Jesu-Kristo para pasimulan ang isang bagong sistema, na may kaugnayan sa kongregasyon ng pinahiran, o piniling mga Kristiyano. Nagsimula ang isang bagong panahon kung kailan umiral ang mga bagay na inilalarawan lang noon sa tipang Kautusan. Kapag nasa pangmaramihang anyo, tumutukoy ang terminong ito sa iba’t ibang sistema o kalakarang umiral na o iiral pa lang.—Mat 24:3; Mar 4:19; Ro 12:2; 1Co 10:11.
Sivan.
Sumpa.
(1) Sa Ingles, curse. Pagbabanta o pagsasabi ng masama sa isang tao o bagay. Ang sumpa ay kadalasan nang isang pormal na kapahayagan o hula na may masamang mangyayari, at kapag binigkas ito ng Diyos o ng sinumang binigyan niya ng awtoridad, isa itong hula na talagang mangyayari. (Gen 12:3; Bil 22:12; Gal 3:10) (2) Sa Ingles, oath. Sinumpaang salaysay na nagpapatunay sa isang bagay o isang taimtim na pangako ng isa na gagawin niya o hindi niya gagawin ang isang bagay. Karaniwan na, ito ay panata sa isang nakatataas, partikular na sa Diyos. Sumumpa si Jehova kay Abraham para pagtibayin ang pakikipagtipan niya rito.—Gen 14:22; Heb 6:16, 17.
Sungay.
Sungay ng altar.
Superskripsiyon.
T
Tabernakulo.
Naililipat-lipat na tolda para sa pagsamba na ginamit ng Israel mula nang lumabas sila sa Ehipto. Nasa loob nito ang kaban ng tipan ni Jehova, na sumasagisag sa presensiya ng Diyos, at dito rin sumasamba at naghahandog ang bayan. Tinatawag din itong “tolda ng pagpupulong.” Gawa ito sa mga panel na kahoy na nasasakluban ng lino na may nakaburdang mga kerubin. May dalawang silid ito—ang una ay ang Banal at ang ikalawa ay ang Kabanal-banalan. (Jos 18:1; Exo 25:9)—Tingnan ang Ap. B5.
Tagakita.
Ipinaaalam ng Diyos sa taong ito ang kalooban niya. Binuksan ng Diyos ang mga mata niya para makita o maunawaan ang mga bagay na hindi alam ng ibang tao. Ang salitang Hebreo nito ay galing sa salitang-ugat na nangangahulugang “makakita,” literal man o makasagisag. Nilalapitan ang isang tagakita para hingan ng payo.—1Sa 9:9.
Tagapamagitan.
Tagapangasiwa.
Isang lalaki na ang pangunahing pananagutan ay bantayan at pastulan ang kongregasyon. Pangangalaga at pangangasiwa ang pinakaideya ng terminong Griego na e·piʹsko·pos. Sa kongregasyong Kristiyano, pareho ang tinutukoy ng “matandang lalaki” (pre·sbyʹte·ros) at “tagapangasiwa.” Ipinapakita ng terminong “matandang lalaki” na ang inatasan ay may mga katangian ng isang may-gulang na Kristiyano, at idiniriin naman ng terminong “tagapangasiwa” ang mga atas na kailangan niyang gampanan.—Gaw 20:28; 1Ti 3:2-7; 1Pe 5:2.
Talento.
Pinakamabigat na yunit ng timbang at pinakamalaking halaga ng pera ng mga Hebreo. Tumitimbang ito nang 34.2 kg (75.5 lb). Mas magaan ang isang talentong Griego, na mga 20.4 kg (44.8 lb) lang. (1Cr 22:14; Mat 18:24)—Tingnan ang Ap. B14.
Tambo.
Termino para sa iba’t ibang halaman na tumutubo sa matubig na lugar. Pero sa maraming pagkakataon, ang tinutukoy ng tambo ay ang Arundo donax. (Job 8:11; Isa 42:3; Mat 27:29; Apo 11:1)—Tingnan ang PANUKAT NA TAMBO.
Tamuz.
(1) Ang diyos na iniiyakan ng mga apostatang babaeng Hebreo sa Jerusalem. May mga nagsasabing si Tamuz ay isang hari na ginawang diyos pagkamatay niya. Sa akdang Sumeryano, si Tamuz ay tinatawag na Dumuzi at kinikilalang ang mangingibig ng diyosa ng pag-aanak na si Inanna (si Ishtar ng Babilonya). (Eze 8:14) (2) Tawag sa ika-4 na buwan sa sagradong kalendaryo ng mga Judio at sa ika-10 buwan sa sekular na kalendaryo pagkalaya ng mga Judio mula sa Babilonya. Ito ay mula kalagitnaan ng Hunyo hanggang kalagitnaan ng Hulyo.—Tingnan ang Ap. B15.
Tanda.
Isang bagay, pagkilos, sitwasyon, o kakaibang pangyayari na nagsisilbing palatandaan ng isang bagay sa kasalukuyan o sa hinaharap.—Gen 9:12, 13; 2Ha 20:9; Mat 24:3; Apo 1:1.
Tapat na pag-ibig.
Tarsis, mga barko ng.
Noong una, ang terminong ito ay tumutukoy sa mga barkong nagbibiyahe papuntang Tarsis (Spain ngayon). Pero lumilitaw na nang maglaon, tumutukoy na ito sa malalaking barko na kayang maglakbay nang malayo. Ginamit nina Solomon at Jehosapat ang mga barkong ito para makipagkalakalan.—1Ha 9:26; 10:22; 22:48.
Tartaro.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, tumutukoy ito sa naging kalagayan ng masuwaying mga anghel noong panahon ni Noe—isang napakababang kalagayan na tulad-bilangguan. Nang gamitin sa 2 Pedro 2:4 ang pandiwang tar·ta·roʹo (“ihagis sa Tartaro”), hindi ito nangangahulugan na ang “mga anghel na nagkasala” ay inihagis sa Tartaro na binabanggit sa paganong mitolohiya (isang madilim na bilangguan sa ilalim ng lupa para sa mabababang diyos). Sa halip, ipinapakita nito na ibinaba sila ng Diyos mula sa langit, inalisan ng mga pribilehiyo, at lubusang isinara ang isip nila kaya hindi na nila maiintindihan ang magagandang layunin ng Diyos. Madilim din ang kinabukasan nila dahil sinasabi ng Kasulatan na lubusan silang mapupuksa kasama ng tagapamahala nilang si Satanas na Diyablo. Kaya ang Tartaro ay tumutukoy sa pinakamababa at kahiya-hiyang kalagayan ng rebeldeng mga anghel. Iba ito sa “kalaliman” na binabanggit sa Apocalipsis 20:1-3.
Tebet.
Telang-sako.
Magaspang na tela na ginagamit sa paggawa ng sako o bag, gaya ng pinaglalagyan ng butil. Karaniwan nang hinabi ito gamit ang maitim na balahibo ng kambing, at isinusuot ito kapag nagdadalamhati ang isa.—Gen 37:34; Luc 10:13.
Templo.
Ang permanenteng gusali sa Jerusalem na ipinalit sa naililipat-lipat na tabernakulo; ito ang sentro ng pagsamba ng mga Israelita. Ang unang templo ay itinayo ni Solomon at winasak ng mga Babilonyo. Ang ikalawa ay itinayo ni Zerubabel pagbalik nila mula sa pagkatapon sa Babilonya at muling kinumpuni ni Herodes na Dakila. Sa Kasulatan, ang templo ay kadalasang tinatawag na “bahay ni Jehova.” (Ezr 1:3; 6:14, 15; 1Cr 29:1; 2Cr 2:4; Mat 24:1)—Tingnan ang Ap. B8 at B11.
Terapim.
Idolo o diyos ng pamilya; sumasangguni rito kung minsan para makakuha ng tanda. (Eze 21:21) May kasinlaki at kahugis ng tao, pero maliit lang ang iba. (Gen 31:34; 1Sa 19:13, 16) Batay sa mga nahukay sa Mesopotamia, ang may hawak ng terapim ang mas malamang na tumanggap ng mana ng pamilya. (Malamang na ito ang dahilan kaya kinuha ni Raquel ang terapim ng ama niya.) Pero lumilitaw na hindi iyan totoo sa Israel, kahit pa may ilan sa kanila na sumamba sa mga idolong ito noong panahon ng mga hukom at hari. Kasama ang mga ito sa mga sinira ng tapat na haring si Josias.—Huk 17:5; 2Ha 23:24; Os 3:4.
Tinapay na panghandog.
—Tingnan ang TINAPAY NA PANTANGHAL.
Tinapay na pantanghal.
Dalawang hanay ng magkakapatong na tinapay, tig-anim sa bawat hanay. Nasa ibabaw ito ng mesa sa Banal na silid ng tabernakulo at ng templo. Tinatawag din itong “magkakapatong na tinapay” at “tinapay na panghandog.” Ang handog na ito sa Diyos ay pinapalitan ng bagong tinapay tuwing Sabbath. Karaniwan na, mga saserdote lang ang kumakain ng inalis na tinapay. (2Cr 2:4; Mat 12:4; Exo 25:30; Lev 24:5-9; Heb 9:2)—Tingnan ang Ap. B5.
Tipan.
Pormal na kasunduan, o kontrata, sa pagitan ng Diyos at ng mga tao o sa pagitan ng dalawang tao o grupo ng mga tao na gawin o hindi gawin ang isang bagay. Minsan, isang partido lang ang may pananagutan na gawin ang nasa kasunduan (unilateral; maituturing na isang pangako). Sa ibang pagkakataon, parehong may gagawin ang dalawang partido (bilateral). Bukod sa pakikipagtipan ng Diyos sa mga tao, binabanggit din ng Bibliya ang mga tipan, o kasunduan, sa pagitan ng mga tao, tribo, bansa, o grupo ng mga tao. Ang ilan sa mga tipan na may malaking epekto ay ang tipan ng Diyos kay Abraham, kay David, sa bansang Israel (tipang Kautusan), at sa Israel ng Diyos (bagong tipan).—Gen 9:11; 15:18; 21:27; Exo 24:7; 2Cr 21:7.
Tisri.
Tolda ng pagpupulong.
Tributo.
Trumpeta.
Hinihipang instrumento na gawa sa metal; ginagamit sa musika o sa pagbibigay ng hudyat. Ayon sa Bilang 10:2, nagbigay si Jehova ng tagubilin sa paggawa ng dalawang pilak na trumpeta na gagamitin para magbigay ng hudyat kapag ipapatawag ang buong bayan, magpapatuloy sila sa paglalakbay, o makikipagdigma sila. Malamang na tuwid ang mga trumpetang ito, di-gaya ng pakurbang “tambuli” na gawa sa sungay ng hayop. Kasama sa mga instrumentong pangmusika na ginamit sa templo ang mga trumpeta, pero hindi binanggit ang kayarian ng mga ito. Kapag ginagamit sa makasagisag na paraan, ang tunog ng trumpeta ay karaniwan nang sinusundan ng paghahayag ng hatol ni Jehova o ng iba pang mahahalagang pangyayari na mula sa Diyos.—2Cr 29:26; Ezr 3:10; 1Co 15:52; Apo 8:7–11:15.
Tulos.
Poste kung saan ibinibitin ang biktima. Sa ilang bansa, ginagamit ito para patayin ang isang tao at/o ibitin doon ang bangkay nito para magsilbing babala o para ipahiya siya sa publiko. Ang mga Asiryano ay kilalang-kilala sa kalupitan sa pakikipagdigma; ang biktima ay tinutuhog nila sa patayong tulos, mula sa tiyan hanggang sa dibdib. Pero sa kautusan ng mga Judio, ang mga nakagawa ng malubhang pagkakasala gaya ng pamumusong at idolatriya ay pinapatay muna sa pamamagitan ng pagbato o iba pang paraan bago ibitin sa tulos o puno bilang babala sa iba. (Deu 21:22, 23; 2Sa 21:6, 9) Kung minsan, itinatali lang ng mga Romano ang biktima sa tulos, kaya mabubuhay pa siya nang ilang araw at unti-unting mamamatay dahil sa kirot, uhaw, gutom, at pagkabilad sa araw. Sa ibang pagkakataon naman, gaya ng ginawa kay Jesus, ipinapako nila sa tulos ang kamay at paa ng akusado. (Luc 24:20; Ju 19:14-16; 20:25; Gaw 2:23, 36)—Tingnan ang PAHIRAPANG TULOS.
Tunay na Diyos.
Salin para sa dalawang terminong Hebreo na ha·ʼElo·himʹ at ha·ʼElʹ. Sa maraming pagkakataon, ginagamit ang mga terminong ito para ipakita na si Jehova ang tanging tunay na Diyos at ang lahat ng iba pang diyos ay huwad. Angkop ang saling “tunay na Diyos” para masaklaw ang buong kahulugan ng mga terminong Hebreong ito kapag ginagamit sa gayong konteksto.—Gen 5:22, 24; 46:3; Deu 4:39.
Tungkod na panggabay.
Mahabang tungkod na may matulis na metal sa dulo at ginagamit ng mga magsasaka para gabayan ang isang hayop. Ikinumpara ito sa pananalita ng isang matalinong tao na nag-uudyok sa tagapakinig na sundin ang payo niya. Ang pananalitang ‘pagsipa sa mga tungkod na panggabay’ ay galing sa ginagawa ng torong matigas ang ulo, na ayaw sumunod sa pag-akay ng tungkod kundi sumisipa rito kaya nasasaktan lang siya.—Gaw 26:14; Huk 3:31.
Turbante.
Telang ibinabalot sa ulo. Ang mataas na saserdote ay may suot na espesyal na turbanteng gawa sa magandang klase ng lino at may gintong lamina sa harap na ikinabit gamit ang asul na tali. Ang hari ay may suot na turbante sa ilalim ng korona niya. Inihalintulad ni Job sa isang turbante ang pagiging makatarungan niya.—Exo 28:36, 37; Job 29:14; Eze 21:26.
U
Unang bunga.
Ang pinakaunang bunga sa panahon ng pag-aani; ang unang resulta o bunga ng anumang bagay. Inutusan ni Jehova ang bansang Israel na ihandog sa kaniya ang mga unang bunga nila, ito man ay tao, hayop, o pananim. Bilang bansa, inihahandog ng mga Israelita ang mga unang bunga nila sa Diyos sa Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa at sa Pentecostes. Ang terminong “mga unang bunga” ay ginamit din sa makasagisag na paraan para tumukoy kay Kristo at sa pinahirang mga tagasunod niya.—1Co 15:23; Bil 15:21; Kaw 3:9; Apo 14:4.
Urim at Tumim.
Ginagamit ng mataas na saserdote na gaya ng pitsa sa palabunutan para malaman ang sagot ni Jehova sa mga isyu na sangkot ang buong bayan. Inilalagay ang Urim at Tumim sa pektoral ng mataas na saserdote kapag pumapasok siya sa tabernakulo. Lumilitaw na hindi na ito nagamit mula nang wasakin ng Babilonya ang Jerusalem.—Exo 28:30; Ne 7:65.
W
Wadi.
Lambak o sahig ng sapa o ilog na karaniwan nang tuyo, maliban lang kung tag-ulan; puwede rin itong tumukoy sa mismong sapa o ilog. Kung minsan, galing sa bukal ang tubig nito kaya hindi ito natutuyo. Ang wadi ay tinutumbasan ng “lambak” sa ilang konteksto.—Gen 26:19; Bil 34:5; Deu 8:7; 1Ha 18:5; Job 6:15.
Walang-kapantay na kabaitan.
Kapag ang terminong Griego ay tumutukoy sa Diyos, puwede itong lumarawan sa dalawang pangunahing ideya. Ang una ay tungkol sa pagiging napakabukas-palad ng Diyos. Nagbibigay siya ng pabor nang walang hinihingi o hinihintay na kapalit. Ginagawa niya ito dahil talagang bukas-palad siya at busilak ang puso niya. Ang ikalawang ideya naman ay may kaugnayan sa kabaitang ipinapakita ng Diyos kahit sa mga hindi karapat-dapat. Dahil sa kabaitang ito, napatatawad ang mga makasalanan at nabibigyan sila ng pagkakataong maligtas at magkaroon ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo. (2Co 6:1; Efe 1:7) Sa ibang konteksto, ang terminong Griego ay isinasalin din na “pabor” o “kusang-loob na abuloy.”—Luc 2:40; 1Co 16:3.
Z
Zeus.
Ang pinakamataas sa lahat ng diyos ng mga Griego. Sa Listra, si Bernabe ay napagkamalang si Zeus. May natagpuan sa Listra na sinaunang mga inskripsiyon na “mga saserdote ni Zeus” at “Zeus, ang diyos ng araw.” Ang barkong sinakyan ni Pablo galing Malta ay may simbolong “Mga Anak ni Zeus,” ang kambal na sina Castor at Pollux.—Gaw 14:12; 28:11.
Ziv.
Orihinal na tawag sa ikalawang buwan sa sagradong kalendaryo ng mga Judio at sa ikawalong buwan sa sekular na kalendaryo. Ito ay mula kalagitnaan ng Abril hanggang kalagitnaan ng Mayo. Tinatawag itong Iyyar sa Talmud ng mga Judio at sa iba pang akda na isinulat pagkalaya nila mula sa Babilonya. (1Ha 6:37)—Tingnan ang Ap. B15.