Ayon kay Lucas
20 Minsan, habang tinuturuan niya ang mga tao sa templo at inihahayag ang mabuting balita, lumapit ang mga punong saserdote at mga eskriba kasama ang matatandang lalaki 2 at nagsabi: “Sabihin mo sa amin, ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganiyang awtoridad?”+ 3 Sumagot siya: “May itatanong din ako sa inyo; sagutin ninyo ako: 4 Ang awtoridad ba ni Juan na magbautismo ay galing sa langit o sa mga tao?” 5 Kaya nag-usap-usap sila: “Kung sasabihin natin, ‘Sa langit,’ sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kaniya?’ 6 Pero kung sasabihin naman natin, ‘Sa mga tao,’ babatuhin tayo ng lahat ng tao dahil naniniwala silang propeta si Juan.”+ 7 Kaya sinabi nilang hindi nila alam. 8 Sinabi ni Jesus: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng awtoridad na gawin ang mga ito.”
9 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao ang ilustrasyong ito: “Isang tao ang nagtanim ng ubas sa kaniyang bukid+ at pinaupahan ito sa mga magsasaka, at naglakbay siya sa ibang lupain nang mahaba-habang panahon.+ 10 Pagdating ng anihan, pinapunta niya ang alipin niya sa mga magsasaka para maibigay nila rito ang parte niya sa inaning ubas. Pero binugbog ito ng mga magsasaka at pinauwing walang dala.+ 11 Nagpapunta siya ng isa pang alipin. Binugbog din nila at ipinahiya* ang isang iyon at pinauwing walang dala. 12 Nagsugo siya ng ikatlo; binugbog din nila ito at itinaboy. 13 Kaya sinabi ng may-ari ng ubasan, ‘Ano ang gagawin ko? Isusugo ko ang mahal kong anak.+ Malamang na igagalang nila siya.’ 14 Nang makita siya ng mga magsasaka, nagsabuwatan sila at sinabi nila sa isa’t isa, ‘Siya ang tagapagmana. Patayin natin siya para sa atin mapunta ang mana.’ 15 Kaya kinaladkad nila siya palabas ng ubasan at pinatay.+ Kung gayon, ano ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan? 16 Pupuntahan niya at papatayin ang mga magsasakang iyon at ibibigay ang ubasan sa iba.”
Nang marinig nila ito, sinabi nila: “Huwag naman sanang mangyari iyan!” 17 Pero tiningnan niya sila at sinabi: “Kung gayon, ano ang kahulugan ng sinasabi sa Kasulatan: ‘Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ang naging pangunahing batong-panulok’?*+ 18 Ang lahat ng babagsak sa batong ito ay magkakaluray-luray.+ Ang sinumang mababagsakan nito ay madudurog.”
19 Nahalata ng mga eskriba at mga punong saserdote na sila ang nasa isip ni Jesus nang sabihin niya ang ilustrasyong ito, kaya gusto nila siyang dakpin nang mismong oras na iyon; pero natatakot sila sa mga tao.+ 20 At pagkatapos na maobserbahan siyang mabuti, palihim silang umupa ng mga taong magkukunwaring matuwid para hulihin siya sa pananalita niya+ at maibigay sa pamahalaan at sa gobernador.* 21 Tinanong nila siya at sinabi: “Guro, alam naming tama ang sinasabi at itinuturo mo at hindi ka nagtatangi, at itinuturo mo ang katotohanan tungkol sa Diyos: 22 Tama bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi?” 23 Pero nahalata niya ang masamang balak nila, kaya sinabi niya: 24 “Ipakita ninyo sa akin ang isang denario.* Kaninong larawan at pangalan ang narito?” Sinabi nila: “Kay Cesar.” 25 Sinabi niya: “Kung gayon nga, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar,+ pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”+ 26 Kaya hindi nila siya nahuli sa kaniyang pananalita sa harap ng mga tao. Sa halip, humanga sila sa sagot niya kaya napatahimik sila.
27 Pero ang ilan sa mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay-muli,+ ay lumapit sa kaniya at nagtanong:+ 28 “Guro, isinulat ni Moises, ‘Kung mamatay ang isang lalaki nang walang anak, ang asawa niya ay pakakasalan ng kapatid niyang lalaki para magkaroon ng anak ang namatay na kapatid.’+ 29 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay nag-asawa pero namatay nang walang anak. 30 Kaya ang babae ay pinakasalan ng ikalawa 31 at ng ikatlo, hanggang sa naging asawa niya ang pitong magkakapatid; namatay silang lahat nang walang anak. 32 Pagkatapos, namatay rin ang babae. 33 Kung gayon, dahil napangasawa niya ang pitong magkakapatid, sino sa kanila ang magiging asawa niya kapag binuhay silang muli?”
34 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang mga tao sa sistemang* ito ay nag-aasawa, 35 pero ang mga itinuturing na karapat-dapat makapasok sa darating na sistema at karapat-dapat buhaying muli ay hindi mag-aasawa.+ 36 Sa katunayan, hindi na rin sila mamamatay dahil magiging gaya sila ng mga anghel, at dahil bubuhayin silang muli, magiging anak sila ng Diyos. 37 Sa ulat tungkol sa matinik na halaman,* may binanggit si Moises tungkol sa pagbuhay-muli sa mga patay. Tinawag niya si Jehova* na ‘Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’+ 38 Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy, dahil silang lahat ay buháy sa kaniya.”*+ 39 Kaya sinabi ng ilan sa mga eskriba: “Guro, tama ang sinabi mo.” 40 Dahil wala na silang lakas ng loob na magtanong pa sa kaniya.
41 Siya naman ang nagtanong sa kanila: “Bakit sinasabi ng mga tao na ang Kristo ay anak ni David?+ 42 gayong sinabi mismo ni David sa aklat ng mga Awit, ‘Sinabi ni Jehova* sa Panginoon ko: “Umupo ka sa kanan ko 43 hanggang sa ang mga kaaway mo ay gawin kong tuntungan ng mga paa mo.”’+ 44 Tinawag siya ni David na Panginoon, kaya paano siya naging anak ni David?”
45 Pagkatapos, habang nakikinig ang lahat ng tao, sinabi niya sa mga alagad niya: 46 “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na gustong magpalakad-lakad na nakasuot ng mahahabang damit. Gusto nilang binabati sila ng mga tao sa mga pamilihan, at gusto rin nilang umupo sa pinakamagagandang puwesto sa* mga sinagoga at sa mga upuan para sa importanteng mga bisita sa mga handaan.*+ 47 Kinakamkam nila ang mga pag-aari* ng mga biyuda at nananalangin nang mahaba para pahangain ang iba. Tatanggap sila ng mas mabigat na hatol.”